Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde, ni Usman Awang

Salin ng “Surat Dari Masyarakat Burung Kepada Datuk Bandar,” by Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde
 
Mahal na Butihing Alkalde,
kami, na kapisanan ng mga ibon, ay tumawag ng pulong
isang maaliwalas na umaga
sa bubungan ng abandonadong gusali ng Batasan.
 
Bawat isa’y nagpasugo ng matalas ang isip,
maliban sa mga uwak, dahil labis silang abala
sa pagdadalamhati sa kanilang mga mahal, na binaril
at inanod ang mga bangkay sa Ilog Kelang.
 
Dumating ang mga piling panauhin bilang mga saksi,
isang delegasyon ng mga paruparo,
na pawang sangkot sa usapin.
 
Mahal na Alkalde,
bagaman wala kaming kapangyarihang ihalal ka
yamang ang prangkisa ay hindi para sa mga ibon,
pinupuri ka pa rin namin dahil sa iyong pangako
na bumuo ng Lungtiang Lungsod.
 
Ay, nilapastangan nila ang lungtiang kalikasan
upang sambahin ang kulay ng dolyar;
nang maging kongkreto ang putikang Kuala Lumpur,
kaming mga ibon ay tahimik na nagdurusa.
Napisâ ang tariktik nang mabagsakan ng punò;
niloko si Merbuk ng nagngangalang Padang Merbuk.
Habang siya at mga kauri niya’y bilanggo sa hawla
ang delegasyon ng mga pipit ay nagpoprotesta
laban sa uyam na palaman ng iyong kawikaan:
“Ang paking na pipit ay magugutom sa tag-ulan.”
Nadarama ng kapuwa pipit at punay
na hindi angkop sa inyong banggitin pa
ang maseselang bahagi ng katawan
sa katumbas nitong taguri, yamang batid ninyong
ang inyong pipit at punay ay hindi nakalilipad.
(Nasaktan po ang aming kalooban
habang pinatatayog ninyo ang sariling kabunyian.)
 
Mahal na Butihing Alkalde,
hiling ng liham na ito na sa bisa ng inyong dunong
ay pangalagaan ang bawat sanga, bawat ugat,
bawat dahon, bawat talulot, bawat bulaklak,
dahil yaon ang kanlungan namin sa paglipas ng siglo,
at ang mga ito rin ang makatutulong sa tao,
makapagpapalusog sa kaniya at magdudulot ng saya,
ng kapayapaan ng isip;
at hayaang ang kalikasan at iba’t ibang rikit
ay mamukadkad sa tanglaw ng maningning na araw.
Alimbúkad: World poetry translation project unlimited. Photo by Somya Dinkar on Pexels.com

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Dalawang hiwaga, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Paisaje” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin

Tuwing gabi
ang parehong punò
ay naghihintay sa landas
ng parehong kawan ng mga pipit.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Patrick Hendry @ unsplash.com

Salin ng “Tuwin Malen,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tuwin Malen*

Bumaba ako mula sa madaling-araw,
ako ang instinto at deliryo,
ang silakbo ng mga panaginip
na naglaho sa pagkabagay,
ang nahihimbing na katahimikan
sa dagat ng pagsisimula,
ang liwanag ng gabing
lumulunod sa iyong dugo.

Halika, tawirin
ang mga siglo ng liwanag,
ilapit sa akin ang tamis ng iyong dila,
ang mga talutot at apoy na sumisiklab,
ang mga mariposang tumatakas sa ulop
at alingawngaw,
ang karimlan ng kagubatang
naghihintay sa nagbubunyag na talà.

Lumapit
ngunit huwag maging lapastangan
umiwas kahit bumulong
mahihipo mo ang kailaliman sa loob ko,
at naroon sa pusod ang mga pangamba ko.
Bawat panganorin ay nagtataglay ng liwayway.
Bawat hiwaga ay mga ugat ng pinagmulan.

Ako ang hangin at bato
ang malamig, puting álong umaagnas sa katiyakan,
ang halimuyak ng pulut at mansanas,
ang namumukadkad at malusog na langit ng buwan
at ang kalat-kalat na mga bituin
sa lupain ng mga pangarap.

Halika, masdan ang karimlan
sa aking mga mata
at marahang lagukin
ang hiwaga sa aking buhok,
ang hubad na dunong ng aking labì,
titigan ang hubog ng aking katawan
ngunit huwag hawiin ang lambong
ng aking pag-iisa nang walang alaala.

________
*Ayon sa katutubong Mapuche ng Chile, ang Tuwin Malen ay maalamat na diwata na naninirahan sa mga lawa at nang-aakit sa mga lalaki na pagkaraan ay tatangayin nang bigla upang mamuhay sa nasasakupan nito.

Alimbúkad: Imagining poetry across borders. Photo by Roberto Nickson @ unsplash.com

Apoy at Ibong Pinalayas, ni Mazisi Kunene

Salin ng “Izinkondlo Zemililo” [Mga Tulang Sinilaban] at “Imbono Yasekudingisweni” [Pagbabalik ng Ibong Pinalayas] ni Mazisi Kunene, batay sa bersiyong Ingles ni Vusi Mchunu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA TULANG SINILABAN

Susundan kita nang hindi mo nakikita papaloob
Sa mga sagradong malig pababa sa bituka
Ng lupang naglilihim ng lumiliyab mong mga tula
Tatanawin ko sa malayo ang mga salitang tumatanglaw
Na parang bulalakaw sa kailaliman ng mga takipsilim

PAGBABALIK NG IBONG PINALAYAS

Napalungayngay ang ating sampanaw sa buhanginan ng dagat
Tahimik na tinanaw ang hampas at ampiyas ng alon sa baybay
Walang tinag na parang mga albatros na nagtinikling sa bahura
Nagkakaisa ang diwa, at balisang sumugod para sa kalayaan
Tiniktikan ng ating paninging dapithapon ang higanteng pipit
Na bumabalangkas ng landas na pasikot-sikot
Sa pinilakang linya ng mga nagbababalâng ulap
Isang malinaw na hudyat na ituloy ang panggabing martsa
Bawat tao’y umaasam ng mainit na dapugan sa loob ng bahay
Ang anino ng ibon ng kalayaan ay hinahatak tayo pa-Hilaga