Salin ng “Τα Πλοία” (The Ships) ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles nina Edmund Keeley/Dimitri Gondicas mula sa kanilang aklat na The Essential Cavafy (1995)
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang mga Barko
Mula sa guniguni tungo sa Busilak na Papel. Mahirap ang pagtawid, mapanganib ang tubigan. Munti sa unang malas ang kalayuan, ngunit anong uri ng paglalayag, at nakapamiminsala minsan sa mga barkong pumapalaot.
Hango ang unang pinsala mula sa labis na babasaging kalikasan ng produkto na inihahatid ng mga barko. Sa palengke ng Haraya, ang pinakamagagandang bagay ay yari sa pinong salamin at lantay na tisa, at gaano man ang pag-iingat ng daigdig, marami ang nababasag sa paglalakbay, at marami ang nagkakalamat kapag inilunsad sa baybay. Hindi na maibabalik pa sa dating anyo ang anumang napinsala, dahil hindi kailanman isinasaalang-alang na isasauli yaon ng barko at maghatid lamang ng kapantay na uri. Wala nang pagkakataon na makatagpo ng parehong tindahan na magtitinda ng gayong kalakal. Sa palengke ng Haraya, malalaki at mariringal ang tindahan ngunit pansamantala lamang. Panandalian ang mga transaksiyon, ipinagbibili nang mabilis ang mga kalakal, at kisapmata ang palitan ng salapi. Bibihira para sa nagbabalik na barko na makatagpo ng parehong tagapagluwas na may parehong kalakal.
Mahahango ang isa pang anyo ng pinsala mula sa kakayahan ng mga barko. Umaalis ang mga ito sa pantalan ng mariringal na kontinente na kargado nang ganap, at kapag narating ang laot, ay napipilitang itapon ang ilang bahagi ng kargamento upang mailigtas ang kabuuang kargada. Kaya halos walang barko ang nagagawang dalhin nang buo ang mga kayamanang hinakot nito. Mababa ang halaga ng mga itinapong kalakal, ngunit kung minsan, naihahagis din ng mga magdaragat sa dagat ang mga mamahaling bagay kapag nagmamadali.
Kapag narating ang puting papel na pantalan, kinakailangan ang iba pang sakripisyo. Dumarating ang opisyales ng adwana at sinisiyasat ang kalakal na maaari lamang na ilunsad; nabibigong makaabot sa dalampasigan ang ilang produkto; at ang ilan ay tinatanggap sa kakaunting bilang lamang. Ipinagbabawal ang pag-aangkat ng alak, dahil ang ilang kontinente na pinagmumulan ng mga barko ay lumilikha ng mga alak mula sa mga ubas na nahihinog sa higit na mapagpalang temperatura. Ayaw ng opisyales ng adwana ang naturang alkoholikong kalakal. Nakalalasing iyon. At hindi yaon angkop para sa mga panlasa. Bukod dito, may kompanyang lokal na may monopolyo ng alak. Lumilikha ito ng inumin na kulay-alak ngunit may lasa ng tubig, at matutungga mo lahat iyon sa buong araw ngunit hindi ka man lang magiging malagihay. Luma na ang kompanyang iyon. Matindi ang pagdakila sa kompanya, at ang mga paninda nito’y labis ang taas ng halaga.
Gayunman, matuwa tayo kapag pumasok ang mga barko sa pantalan, sa kabila ng lahat ng sakripisyo. Dahil sa pagbabantay at pag-iingat, ang ilang nabasag o itinapong kalakal ay mababawasan sa panahon ng paglalakbay. Ang mga batas ng bansa at patakaran ng adwana, gaano man karahas sa kabuuan, ay hindi ganap na mapagbawal, at nailulunsad ang mahuhusay na bahagi ng kargamento. Masasabi ring ang opisyales ng adwana ay nagkakamali: ang ilang kalakal na nakapapasok ay sablay ang tatak ng kahon na nagsasaad ng isang bagay ngunit iba ang laman; at ang ilang piling alak ay inaangkat mula sa piling pagtitipon.
May ilang nakalulungkot, at napakalungkot. Iyon ay kapag ang ilang malalaking barko—na may palamuti ng korales at kamagong, na nakaladlad ang malalapad na watawat na pawang puti at pula, at namimigat sa mga kayamanan—ay nabigong makalapit sa piyer dahil ang lahat ng kargamento nito ay bawal o dahil ang pantalan ay mababaw para tanggapin ang bagong salta. Kaya magpapatuloy sa paglalayag ang mga barko. Hihipan ng mapagpalang habagat ang mga sedang layag, pakikintabin ng araw ang maringal na ginintuang proa, at maglalayag ang mga barko nang tahimik, kagalang-galang, palayo nang palayo sa atin at sa ating masikip na pantalan.
Mabuti na lamang at kakaunti ang ganitong uri ng mga barko. Makakikita tayo ng dalawa o tatlong gayong sasakyang-dagat sa tanang buhay natin. At mabilis nating malilimutan yaon. Katumbas ng ningning ng pananaw ay ang bilis ng paglalaho. At makalipas ang ilang taon, habang nakaupo tayo nang panatag at nakatitig sa liwanag o nakikinig sa katahimikan, kung sakali’t magbalik ang ilang nakapupukaw na tula at pumaloob sa pandinig ng ating diwa, hindi natin makikilala iyon kaagad at pahihirapan natin ang alaala na balikan kung saan natin unang narinig ang mga salita. Sa matinding pagsisikap ay mapupukaw ang ating paggunita, at matatandaan natin ang mga tula na binibigkas ng mga magdaragat, makikisig gaya ng mga bayani ng Iliad, noong ang maririkit na barko ay nakikipagsapalaran kung saan-saan.