Ang Bugsók, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bugsók

Ipagpapalit ko ang lahat sa isang bugsók
na bumabangon tuwing gabi nang taglay
ang kaniyang kudyapi at plawta,
at nang makita ang tangan kong kopa
ay biglang nagwikang,
“Inumin ang duguang bignáy sa bibig ko!”
At ang buwan, na nabiyak na pakwan
sa balabal na itim, ay iginuhit sa bulawan.

Bugsók

Pagtunog ng Toreng Orasan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “The Striking of the Tower Clock” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagtunog ng Toreng Orasan

para kay Cyril Bouda

Nang gabing iyon, nang ang dilim ay nasa pintuan
at ang mga ipot ng kalapati sa mga kornisa ng mga tore
ay kahawig ng liwanag ng buwan,
nakikikinig ako sa simoy ni Vivaldi
sa Hardin ng Maltese.

Isang batang babae ang humihihip ng pinilakang plawta.
Ngunit ano ang maikukubli ng daliri ng paslit na babae?
Wala ni anuman!
Kung minsan ay nalilimot ko nang  makinig!

Sa ilalim ng tulay ay lumalaguklok ang malayong saplád:
kahit ang tubig ay hindi makatitiis sa mga tanikala,
at mag-aaklas ito palabas sa apaw-agusan.

Halos di-halatang pinalilipas niya ang oras
sa dulo ng kaniyang tsinelas;
namumutawi sa kaniyang labi ang lumang himig
tungo sa antigong hardin.
Mula sa malayo, mula sa lungsod doon sa timog,
sa hanay ng mga ugat ng mga lanaw
ay nakaluklok ang himig sa pulso ng dagat.

Pinangatal ng himig ang himaymay ng kaniyang pagkatao.
At bagaman ang mairuging mga nota
ay hitik sa pang-aakit,
ang kariktan ng dalagita nang sandaling iyon ay lantad
na kahit sa aking isip ay wala akong lakas ng loob
ni hayaan ang sarili kong sumuko sa gayong guniguni
na hipuin siya ng dulo ng daliri hanggang sa mamula.

Sa ngumingiting dula ng karimlan at plawta,
ng tumutunog na orasan mula sa tore
at ng pahilis na bumubulusok na bulalakaw,
kapag posibleng magmadali kung saan paakyat,
pataas sa ipoipong paglipad
nang hindi humahawak sa barandilya,
mahigpit kong kinuyom ang metal na tatangnan
ng aking tungkod na yaring Pranses.

Nang maglaho ang mga palakpak
waring mula sa takipsilim ng malapit na parke
ay maririnig ang mga bulong
at ang mga bantulot na yabag ng mga mangingibig.

Ngunit ang kanilang marurubdob na halik,
gaya ng batid mo na,
ay naging unang mga luha ng pagmamahal.
At lahat ng dakilang pag-iibigan sa daigdig na ito
ay may nakamamatay na pagwawakas.