Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.
Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.
Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong 4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.
May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.
Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.
Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.
Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.
Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.
Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.
Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.
Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.