Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Sa bayan ng patay, ni Habib Tengour

Salin ng “Au pays des morts (extraits),” ni Habib Tengour ng Algeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa bayan ng patay (mga hango)

Tiresias: Bakit, o sawimpalad, iiwan ang liwanag, at lilisan upang makita
ang patay sa malupit na pook na ito?

Mga Anino 1

Lahat ng patay na ito

sino sa atin ang uusisa sa kanila

kailangan ba ng masaker
at mga luha
nang makita ang daan sa kailalimang babakasin para sa atin

maliban kung ang habagat na pumupunit sa atin
ang magpapalusaw sa ating bait

sa yugtong wala tayong pakialaman hinggil sa pagtatagpo

Mga Anino 2

Lahat ng patay na ito
aling pangalan ang tatawagin papasok sa bilog

nakaunat ang mga kamay sa dasal ng paghihiwalay
gayong nagbabantulot

hindi na tayo humahagulgol gaya ng nakagawian

kayraming tao ang namamatay bawat araw
kaya tumatanggi
ang ating mga puso na magdalamhati

ito ba ang pagbabanyuhay

Mga Anino 3

Lahat ng patay na ito
na hindi natin nakikita
kapalaran ba nila ang mamatay

mga babae bata kabataan matanda at sundalo
marami ang tulad ng kawawang Alpénor
na nabigong mapanatili ang balanse

mga peryodiko’y binibigyan minsan sila ng pitak
sa kabila ng sensura

sinasabing marami sila kaya nililimot natin

Mga Anino 10

Lahat ng patay na ito
na marahang tumatakas sa kanilang buhay
ano ang inihandog natin sa kanila sa panahong ito
nahuhubad ang mga salita upang isilang na tula
mga salitang pinigil ng panghihinayang o ibinitin
ng sindak sa harap ng ating paningin
noong unang panahon pa man gaya sa kawikaan
ang mga salitang ginagamit ay lumalabo sa atin
tatanungin minsan natin ang sarili hinggil sa pagdiriwang
ang ningning nito’y bigong sinagan ang kakatwang mithi sa gunita

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.

“Gabi sa San Ildefonso,” ni Octavio Paz

Salin mula sa Español ng “Nocturno de San Ildefonso,” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Gabi sa San Ildefonso

. . . . . . . . .  .1

Inimbento ng gabi sa aking bintana
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . ang ibang gabi,
ang ibang espasyo:
. . . . . . . . . .  . . . . . . nagdeliryo ang karnabal
sa metro kuwadrado ng karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Pansamantalang
katipunan ng apoy,
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . nangaglalagalag na heometriya,
nangaliligaw na numero.
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . . . .  Mulang dilaw hanggang pula,
lumarga ang espiral.
.  .  .  .  .   .  .  .  .  . . .  .  Bintana:
nakababalaning talim ng tawag at sagot,
mataas na boltaheng kaligrapiya,
balatkayong industriya ng langit/impiyerno
sa nagbabagong balát ng sandali.

Mga sagisag-tamod:
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . pinasasabog iyon ng gabi,
umaahon,
. . . . . . . . . . sumasambulat sa tuktok,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . bumubulúsok
habang nagliliyab
. . . . . . . . . . . . . . . . sa kono ng anino,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lilitaw muli,
sumasagitsit na kumikislap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga tambalang-pantig,
umiikot na lagablab
. . . . . . . . . . . . . . . . . . na kumakalat,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at muling magkakadurog-durog.
Iniimbento iyon ng lungsod , sakâ binubura.

Nasa bukana ako ng tunel.
Bumabaón ang ganitong sugnay habang tumatagal.
Marahil ay ako ang naghihintay sa dulo ng tunel.
Nagwiwika ako nang nakapikit.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . May kung sinong
nagtanim
. . . . . . . . . .ng gubat ng magnetikong karayom
sa aking pilik,
. . . . . . . . . . . . . may kung sinong
gumabay sa hilera ng mga salita.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang pahina
ay naging pugad ng hantik.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang kahungkagan
ay tumining sa balon ng aking sikmura.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Nahulog ako
sa walang hanggahang kawalan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .  . .  .Bumagsak ako nang hindi lumalapag.
Malamig ang mga kamay ko,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga paa’y malamig—
ngunit ang mga alpabeto’y nagliliyab, nagliliyab.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang espasyo
ay bumubuo at sumisira sa sarili.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Naggigiit ang gabi,
ang gabi’y hinihipo ang aking noo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinihipo ang aking diwa.
Ano ang ibig nito?

 

. . . . . . . . .  .2

Mga bakanteng kalye, pumipikit na ilaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa kanto,
ang espektro ng aso
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay naghahalungkat ng basura
para sa multong buto.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sigawan sa sabungan:
patyo ng bahayan at sayaw ng Aztec.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mehiko, bandang 1931.
Mga palaboy na balinsasayaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . isang kawan ng mga paslit
ang nagbuo ng pugad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng hindi nabiling pahayagan.
Inimbento ng mga ilaw-poste
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kapighatian
ang guniguning mga sanaw ng dilawang sinag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . . . Mga aparisyon,
bumibiyak ang panahon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . malungkutin, malanding lagitik ng takong
sa ilalim ng langit ng abo
                                    ang lagablab ng palda.
C’est la mort—ou la morte. . .¹
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pinupunit ng walang pakialam na simoy
ang mga anunsiyong nakapaskil.

 

Sa oras na ito,
.  .  .  .  .  .  .  .  . . . ang pulahang dingding ng San Ildefonso
ay itim,  at pawang humihinga:
. . . . . . . . . . . . . . . . . naghunos panahon ang araw,
naging bato ang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naging katawan ang bato.
Dáting mga kanál ang mga kalyeng ito.
. . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . Sa araw,
ang mga bahay ay pinilakan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lungsod ng pulbura at awit,
nakagulapay na buwan sa lawa.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Itinatag ng mga kriyolo
sa rabáw ng mga baradong kanál
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at inilibing na mga anito
ang ibang lungsod
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .—hindi puti, bagkus pula at ginto—
diwaing bumabalikwas sa espasyo, tiyak na numero.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . Inilugar nito ito
sa sangandaan ng walong direksiyon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga pinto’y
bukás sa di-nakikita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang langit at ang impiyerno.

Nahihimbing na distrito.
. . . . . . . . . . .  . . . . . .  . . .Tinahak namin ang mga galeriya ng alingawngaw,
ang pagitan ng mga wasak na hulagway:
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. ang aming kasaysayan.
Umid na bayan ng mga bato.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga simbahan,
simboryo ng mga halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga patsada’y
nanganigas na hardin ng mga sagisag.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Napalubog
sa kasumpa-sumpang paglaganap ng mga pandak na bahay:
mga hiniyâng palasyo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga puwenteng natuyot,
mga niyurakang frontispisyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Kúmulus,
walang kuwentang madreporas,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naipon
sa dambuhalang tipak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pinasukò
hindi ng bigat ng mga taon
bagkus ng kaululan ng kasalukuyan.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . Plasa ng Zócalo,
malawak gaya ng kalangitan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naaaninag na espasyo,
pronton ng alingawngaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Inimbento namin
nina Aliocha K. at Julián S.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang tadhana ng kidlat
sa mukha ng siglo at mga pangkat nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Tinangay tayo
ng simoy palayo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . ang pabigkas na hangin,
ang hangin na pinaglalaruan ang mga salamin,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .dalubhasa sa mga repleksiyon,
tagapagtatag ng mga lungsod sa eyre,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . mga heometriya
na nakabitin sa sinulid ng katwiran.

 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga higanteng bulate:
mga dilawang trambiyang huminto.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Mga Ese at Zeta:
baliw na awto, insektong may matang maligno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .  . . . .Mga diwain,
prutas na abot-kamay.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Prutas: mga bituin.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .  . Nagliliyab.
Punongkahoy ng pulburang nakapapasò,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang diyalogo ng kabataan,
ang balangkas na kisapmatang nasunog.
. . . . . . . . . . . . Labindalawang ulit
. . . . . . . . . . . . . . . . sinapol ng mga bronseng kamao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ang tuktok ng mga tore.
Sumambulat
. . . . . . . . . . . . . . ang gabi at nagkadurog-durog,
at kusang tinipon ang sarili
. . . . . . . . . . . . .  .at muling naging isa at buo.
Naghiwa-hiwalay kami,
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi doon sa plasa na may mga laspag na tren,
. . . . . . bagkus dito
sa pahinang ito: mga titik na nagsabato.

 

. . . . . . . . .  .3

Ang bata na naglakad sa tulang ito,
at pumaloob sa San Ildefonso at sa Zocalo,
ay ang lalaking sumulat nito:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pahinang ito
ay paglalakwatsa sa loob ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . Dito’y nagkatawang-tao
ang mga kaibigang multo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga diwaing nalusaw.
Mabuti, ibig namin ang mabuti:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .   . . . upang ituwid ang mundo.
Hindi kami nagkulang sa katatagan,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . .  .bagkus sa kababaang-loob.
Ang hinangad namin ay hindi inosenteng hinangad.
Ang mga presepto at konsepto,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang yabang ng mga teologo
na mambugbog sa ngalan ng krus,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . magpundar sa pamamagitan ng dugo,
magtayo ng mga bahay sa mga ladrilyo ng krimen,
at magpahayag ng sapilitang komunyon.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang iba’y
naghunos na maging kalihim ng mga kalihim
ng Pangkalahatang Kalihim ng Impiyerno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang silakbo
ay naging pilosopiya,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . na ang laway ay umagos sa kubyerta ng planeta.
Bumabâ sa lupâ ang katwiran,

nagsuot ng damit ng bibitayan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .—at sinamba ng milyon-milyon.
Paikot na banghay:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Lahat tayo,
sa Dakilang Teatro ng Kamunduhan,
ay naging hukom, berdugo, biktima, at testigo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .lahat tayo
ay nagbigay ng palsong testimonya
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . llaban sa iba
at laban sa ating mga sarili.
At ang labis na nakaririmarim: tayo
ang madlang pumalakpak o humikab sa mga upuan nito.
Ang sála na walang alam na kasalanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang inosensiya
na pinakamatinding kasalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Bawat taon ay bundok ng mga kalansay.

 

Mga kumbersiyon, retraksiyon, eskomunyon,
rekonsilyasyon, apostasiya, abhurasyon,
zigzag ng mga demonolatriya at androlatriya,
pangkukulam at paglilihis:
ang aking kasaysayan.
. . . . . . . . . .  . . . . . . Mga kasaysayan ba iyon ng mga pagkakamali?
Ang kasaysayan ay pagkakamali.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Higit sa mga petsa,
sa harap ng mga pangalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . ang katotohanan
ay ang nililibak ng kasaysayan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang bawat araw
—ang anonimong tibok ng bawat isa,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang natatanging
pitlag ng bawat isa—
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang di-mauulit
na bawat araw, na kahawig ng lahat ng araw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang salalayan ng panahong walang kasaysayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang bigat
ng kawalang-bigat ng sandali:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ilang pukol ng bato sa araw
na nakita noong unang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay nagbabalik ngayon,
na mga bato ng panahon na bato rin
sa ilalim ng araw ng panahon,
ang araw na nagmumula sa walang petsang araw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . ang araw
na sinisindihan ang ganitong mga salita,
na natutupok kapag ang mga ito’y pinangalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga araw, salita, bato,
nagliliyab at natutupok.
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . .Nakakubli, walang tinag, di-maabot,
ang kasalukuyan—hindi ang pag-iral—ay malimit.

Sa pagitan ng pagtanaw at paglikha,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pagbubulay o pagkilos,
pinili ko ang gawa ng mga salita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . likhain, panirahan ang mga ito,
bigyan ng mga mata ang wika.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula ay hindi katotohanan:
ito ang resureksiyon ng mga pag-iral,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang kasaysayang
nagbanyuhay sa katotohanan ng walang petsang panahon.
Ang tula,
. . . . . . . . . gaya ng kasaysayan, ay nalilikha;
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang tula,
gaya ng katotohanan, ay nakikita.
. . . . . . . . . . . . .  . .. . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula:
enkarnasyon
ng araw-na-tampok- sa-mga-bato na nasa ngalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang disolusyon
ng pangalan na lampas sa mga bato.
Ang tula,
. . . . . . . . . . na taytay ng kasaysayan at katotohanan,
ay hindi tumpak na daan tungo diyan o doon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . ito’y para masilayan
ang katahimikan sa pagkilos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pagbabago
sa katahimikan.
. . . . . . . . . . . . . . . . Kasaysayan ang daan:
nagtutungo kung saan,
. . . . . . . . . . . . . . . . lahat tayo’y nilalandas ito,
ang katotohanan ay paglakad dito.
. . . . . . . . . . . . . . . . Hindi tayo umaalis o sumasapit
lahat tayo’y nasa mga kamay ng panahon.
. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . Ang Katotohanan:
tuklasin
. . . . . . . . . . ang ating sarili
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mula sa simula,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . nakabitin.
Ang kapatiran sa kahungkagan.

 

. . . . . . . . .  .4

Nangagkalat ang mga kaisipan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ngunit mananatili ang mga multo:
ang katotohanan ng nabuhay at nagdusa.
Ang halos basyong panlasa ang natitira:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang panahon
—pinagsaluhang silakbo—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang panahon
—pinagsaluhang paglalaho nang lubos—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . na sa dulo’y nagbanyuhay
sa gunita at sa mga enkarnasyon nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang nananatili’y
ang panahon bilang hinati-hating lawas: wika.

 

Sa bintana,
. . . . . . . . . . . . ang simulakrong mandirigma:
ang ulap ng komersiyal ng mga anunsiyo
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ay naglalagablab, natutupok.
Sa likod,
. . . . . . . ..  . .ang halos di-maaninag,
ang tunay na mga konstelasyon.
Sa hanay ng mga bukana ng tinako, antena, asotea,
. . . . . . . . . . sumisirit ng tubig, higit na sa isip kaysa laman,
ang talón ng katahimikan:
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang buwan.
Hindi multo o idea:
dating diyosa
. . . . . . . . . . . . .  . .at ngayon ay napalihis na kalinawan.

 

Natutulog ang asawa ko.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Siya rin ay buwan,
ang kalinawan na naglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi sa pagitan ng mga bakúlud ng ulap,
bagkus sa pagitan ng mga batuhan at alon ng panaginip:
siya rin ang kaluluwa.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . Umaagos siya nang nakapikit,
ang tahimik na saluysoy
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . na dumadaloy nang tahimik
mula sa kaniyang noo hanggang talampakan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .natatalisod siya sa loob,
sumasabog mula sa loob,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinuhubog siya ng tibok ng puso,
naglalakbay sa kaniyang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tinutuklas niya ang sarili,
iniimbento ang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ginagagad niya ito,
siya ang bisig ng dagat
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa pagitan ng mga pulo ng suso,
ang kaniyang puson ay lanaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .. na ang karimlan at ang halamanan
ay pumupusyaw,
. . . . . . . . . . . . . . .  . dumadaloy siya sa kaniyang hubog,
umaangat,
. . . . . . . . . . . bumabagsak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ikinakalat sa sarili,
. . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . itinatali
ang sarili sa agos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . at nilulusaw ang kaniyang anyo:
siya rin ang lawas.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang daluyong ng hininga’t
ang mga pangitaing nakikita ng mga matang nakapinid:
ang halatang misteryo ng tao.

Ang gabi’y nasa yugto ng pag-apaw.
. . . . . . . . . . . . . . . .   . . . . . . . . . . . . . . . . Nagliliwanag.
Bumabalikwas na akwatiko ang panginorin.
. . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Naglalaho
mula sa rurok nitong oras:
pataas ba o pababa
. . . . . . . . . . .  .ang kamatayan, ang pagdama o ang pagwawakas?

 

Pumikit ako,
. . . . . . . . . . . . .naririnig ko sa loob ng aking bungo
ang mga yabag ng aking dugo.
. . . . . . . . . . . .  . Naririnig ko
ang paglipas ng panahon sa aking pilipisan.
. . . . . . . . . . . . . .Nabubuhay pa ako.
Ang silid ay nababalot ng buwan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Babae:
matang-tubig ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . .  . . . . .Bihag ako ng kaniyang tahimik na pag-agos.

____________

Talababa

¹ Katumbas ng bulaklak ng dilang “Iyan ang kamatayan!” na kabaligtaran ng “Iyan ang buhay!”

 

“Sa Antigua,” ni Kerri Webster

Salin ng “In Antigua” ni Kerri Webster ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Antigua

. . . .“Sikát ako sa Antigua. Naliligo ako sa hasmin at hinihilot sa maliligamgam na bato.”
. . . . . . . . . . . . —Anunsiyo ng Carnival Cruise sa New Yorker

 

Sa Albuquerque, sa kabilang dako, ay kilabot ako; pinupukol
ako roon ng mga bata at pinagtsitsismisan ng matatanda.
Sa Juneau, ako ay glasyal, malamig na bughaw na paliguang
binabayaran. Sa Rio, hindi ako pinupuri o nililibak; nakalalakad
ako sa mga kalye at walang saysay ang lahat, malalabo ang tinig,
ukol sa elektrisidad, ukol sa peoníyas at mumurahing lana.

Sa Praha, kasingringal ako ni Napoleon, at batid ng lahat iyon.
Binibigyan nila ako ng kabayo, at sinasabi ko sa kanilang
ililibing ako kasama iyon, at tatawagin ang kabayo na Murphy
o Andromeda, at magpapalakpakan ang lahat. Sa Montreal,
simputla ako tulad noong nasa Toronto. Sa Istanbul, natatalisod
ako sa mga biyak na saydwok, at walang sumasalo ng siko ko
para sabihing Binibini, magtsaa nang magkaroon ng panapal.
Sa Sydney, ilang araw paghuntahan ang pagdating ko. Umuupo
ako sa labas ng tanghalan ng opera para sa milagro, at kung wala’y

naroon sa Ecuador, na ang mga huklubang bathala’y inilalahok
ang aking mga kuko sa kanilang ritwal, at nabatid kong ang lahat
ay may fermentasyon, kung may puwang, kung may palayok.
Sa Paris, gising ako magdamag. Sa may Gold Coast, pinakasalan
ko ang reberendo na naniwalang ang pagalà ay ibon ng diyos
na masinop binibilang iyon, habang sumisipol. Sa tabi ng Bucharest,
lumalakad akong di-pinapansin, at tigmak, at higit na matapat
kaysa noong nasa Memphis. Sa loob ng tatlong Linggo, nilandas
ko ang makikitid na kalyehon, at nagwikang ánfora, ánfora.

Batas, ni W.H. Auden

salin ng tula ni W.H. Auden (Wystan Hugh Auden).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BATAS

Ang batas, ani mga hardinero, ay ang araw,
Batas ang isang bagay
Na tinutupad ng lahat ng hardinero
Búkas, kahapon, ngayong araw na ito.

Batas ang karunungan ng matanda,
Ang sinisigawan ng mga lolong mahina;
Nagsasalapang ang dila ng mga apo,
Batas ang mga pandama ng binatilyo.

Ang batas, sabi ng paring mukhang pari
At nagsesermon sa bayan ng mga tiwali,
Ang mga salita sa aking banal na aklat;
Batas ang pulpito at ang toreng mataas.

Ang batas, ani hukom na lumulobo ang ilong
At malinaw magwika’t mahigpit humatol,
Ang batas na sinabi ko noong sinauna
Ang batas na inaakala kong alam mo na,
Ang batas na ipapaliwanag kong muli
Ay Batas ang Batas.

Ngunit sinusulat ng mga paham na matapat
Sa Batas: Hindi tama o mali ang batas,
Batas ang tanging mga krimeng
Pinarurusahan ng mga pook at panahon natin,
Batas ang mga damit na isinusuot ng tao
Anumang oras, saanmang dako,
Batas ang Magandang Umaga’t Magandang Gabi.

Sabi ng iba, Batas ang ating Kapalaran;
Sabi ng iba, Batas ang ating Kabansaan;
Sabi ng iba, sabi ng iba
Ang batas ay hindi hihigit
Sa pagiging batas na napalis.

At madalas, ang poot na madlang nag-iingay,
Ang nagngangalit at umaatungal
Na Batas ay Tayo,
At malimit mahinhing gagong banayad na Ako.

Kung tayo, mahal, ay nakababatid nang hindi
Hihigit sa kanilang nalalaman hinggil sa batas,
Kung hindi ko alam gaya ng alam mo
Ang dapat gawin at hindi dapat gawin
Maliban kung ang lahat ay sumasang-ayon
Nang masaya o masaklap
Na ang batas ay ito
At ang lahat ay nakababatid nito,
Kung sa gayon, ang isiping ito’y absurdo
Na tukuyin ang Batas sa ibang salita,
Na taliwas sa ginagawa ng maraming tao,
Hindi ko masasabing ang Batas ay muling
Hindi hihigit sa kanilang kaya nating supilin
Ang mithing unibersal na hulaan
O lumihis mula sa ating posisyon
Tungo sa walang pakialam na kondisyon.

Bagaman kaya kong mailugar
ang iyong banidad at banidad kong taglay
Sa pagsasaad nang banayad
Banayad na pagkakatulad,
Maipagmamalaki pa rin natin gayunman:
Gaya ng pag-ibig na aking isinasaysay.

Gaya ng pag-ibig, hindi natin batid kung saan o bakit
Gaya ng pag-ibig, hindi tayo makalilipad o makapipilit
Gaya ng pag-ibig, madalas tayong iiyak
Gaya ng pag-ibig, bihira tayong tumutupad.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.

Bangin ng Alinlangan ni Marchiesal Bustamante

Pananaw sa espasyo at panahon ang mahalagang pagtuunan sa tula ngunit malimit nakakaligtaan sa mga pag-aaral. Ang espasyo na ginagalawan ng persona sa tula ang magpapahiwatig ng pagbabago sa mga pangyayaring nagaganap sa loob at labas ng katauhan ng persona. Makapagpaparamdam din ito ng masinop na paglalarawan, na ang bawat hulagway [imahen] ay maaaring pumipilas kung hindi man magdurugtong na gaya ng palaisipan hinggil sa isang bagay, tao, o tagpo.

Sa kabilang dako, ang panahon sa tula ay tumutukoy sa isang tiyak na yugto na pinangyayarihan ng anumang bagay. Ang panahon ang magpapahiwatig ng maaaring pinagmulan ng persona, at kung bakit ginagawa nito ang isang partikular na tungkulin o bagay. Mababatid din sa panahon ang pag-iisip o pagdama ng persona, at kung iuugnay iyon sa kaligiran, ang panahon ang huhubog sa pook ng persona.

Mahalaga ang espasyo at panahon sa loob ng tula, at laging kaugnay iyon sa persona. Ang espasyo ay maaaring ekstensiyon ng persona, at maihahalimbawa rito ang batasan na sabihin nang tinutulugan ng mambabatas. Ang panahon ay posible ring ekstensiyon ng pag-iral ng persona, at maihahalimbawa ang tagsalat na ginagamit ng propitaryo upang lalong yumaman. Ngunit ang persona ang tanging elementong kayang pagsamahin ang espasyo at panahon sa kalooban, upang makalikha ng bagong pagtanaw. Bagaman kontrolado ng panahon o espasyo minsan ang pagpapasiya ng persona, may kakayahan pa rin ang persona na suwayin ang batas ng kalikasan, at magagawa niya ito hindi sa pisikal na antas kundi sa antas na pangkaisipan. Magandang pagtuunan ang ganitong pagbubulay sa dalawang tula ng makatang si Marchiesal Bustamante na isa ring matinik na blogista:

Diver

ni Marchiesal Bustamante

Sa dulong-dila ng tabla, nakatitig ang kisig.
Nasa rurok siya ngayon ng walang-babaang
alinlangan. Walang ibang paraan

kundi tumalon. Sa ibaba, lukot na kislap
ng kristal ang tubig. Minsan pa, bubulusok
ang peskadores hindi para mandagit

kundi para maging isda, pasukin
ang salamin sa halip na basagin. Sa tulak
ng silbato, dahan-dahang

sinasalubong ang dulo: para sa kaniya,
simula, pagkakataong busalan ang hininga
ng hangin, pigilan ang pagsuka

ng mga bulkan—ang tahimik at saglit
na pagkabaog ng puwerta ng pangyayari.
Sa bawat hakbang, tumatango

ang tabla. Lasap na lasap nito ang kilapsaw
ng bigat: ang pait sa lumalagutok
na preparasyon. Dumidiin

ang kaniyang tindig. Ilang ulit na sampa
hanggang ihagis siya ng sariling bigat
sa eyre….

Saka siya hustong nagpagaan.
Sa pag-inog, sinusulit niya ang mga anggulo:
nasa mukha ang mga tuhod,

nasa tagiliran ang mukha: pilipit
na paghubog sa piglas— parang tuwalyang
pinipiga ng mga kamay ng oras,

tinutuyot ng atensyon hanggang sa tuwid
na umanib sa tubig, ihinihalo ang pawis
na hindi na niya dapat maulit.

Tulad ng dati, laging huli ang palakpakan.

Sa tulang ito ni Bustamante, ang diver [maninisid] ay ikinulong sa tagpo na nasa mataas na lugar at inilarawan kung paano siya lumundag pabulusok sa tubig. Ngunit hindi gayon kadali ang lahat. Rumirikit ang persona dahil ang espasyo na kaniyang ginagalawan—at kabilang na rito ang tablang lundagan, mala-salaming tubig, at palibot ng miron—ay nagpapahiwatig ng kapanabikan kung ano ang mangyayari sa maninisid. Ang maninisid na iwinangki sa peskadores ang magpapamalay ng ibang pagtanaw: “Minsan pa, bubulusok/ ang peskadores hindi para mandagit// kundi para maging isda, pasukin/ang salamin sa halip na basagin….//

Kalugod-lugod ang naturang paglalarawan, dahil ang hulagway ng ibong mandaragit [peskadores] ay naghuhunos ng katauhan pagpasok sa tubig, at ang mga balahibo ay maiisip na naghunos na mga palikpik at kaliskis. Ang espasyo ng tubigan, na inihalintulad sa salamin, ay isa pang salamangka ng paglalarawan. Kinakain ng salaming-tubig ang katauhan ng maninisid na tumitingin, at naglalaho ang maninisid pagbulusok sa tubig upang lumitaw sa sariwang anyo ng tagumpay pagkaraang palakpakan ng mga sabik na manonood.

Ang tinig na naglalarawan sa maninisid ay mahihinuhang tinitimbang ang pananaw ng maninisid, sa isang panig, at ng mga manonood sa kabilang panig. Sa ikalawang bahagi ng tula, ang espasyo ng maninisid ay kinuha sa anggulo ng isang potograpo o sinematograpo, na ang maninisid ay “parang tuwalyang/ pinipiga ng mga kamay ng oras”/…. Pambihira ang ganitong sensibilidad, na ang maninisid ay hindi lamang sumasayaw sa hangin, bagkus isang kontorsiyonistang nakasalalay sa isang tiyak na panahon.

Ang panahon na ginagalawan ng maninisid ay mulang paglakad sa tabla at paghimpil sa dulo ng kahoy bago lumundag. Hahaba pa ito kung isasaalang-alang ang pagbulusok niya sa tubig hanggang pagsigabo ng palapak at papuri. Ang naturang panahon ay maaaring di-alintana ng maninisid. Ang panahong ito ay pinahahalagahan at nakasalalay sa paningin ng saksing naglalarawan ng serye ng pangyayari. Sa kaniyang paningin, ang maninisid ay hindi ordinaryong nilalang, bagkus anak ng tubig na kainin man ng tubigan ay muli’t muling iluluwa upang pagpugayan ng daigdig. Gaano man kaikli o kabilis ang tagpo ng paglundag, ang tagpong iyon ay waring lundag ng katiyakan sa walang hanggahang kaluguran. Heto pa ang isang tula ni Bustamante:

Bangin

ni Marchiesal Bustamante

Nakakimpal ang lahat
sa isang pulgadang pagitan
ng babala at balita.

Isang maaliwalas na gusot
ang tulak ng hangin
sa nguso ng talampas.

Sa hinagap ng ulap,
may buwitreng walang madapuan.
Hindi makalag-kalag

ang hagpos ng mga paang
humihinto sa paghinga
sa tuwing gumuguho

ang lupa dahil sa hakbang
ng kaba. May lumulundag
na diwa sa kawalan

kahit walang nag-uutos.

May kilabot na iniiwan ang espasyo at panahon ng tula, at mahihiwatigan ito kahit sa anyo ng mga taludtod na animo’y matarik na talampas. Maaaring may isang manlalakbay na umaakyat o kaya’y tumutugpa sa bagnos at napalugar sa gilid ng bangin. O maaari din namang may tao na umakyat sa kung saang mataas na lugar upang magpatiwakal. Mahihiwatigan ang kubling kilabot kapag pinansin ang mga paa sa gilid ng talampas habang humahangin nang malakas. Ang tao na nasa bingit ng panganib ay mahihiwatigang sinisipat sa anggulo ng ulap, at ang pagbabantulot ay mararamdaman sa kaniyang loob. Ang panahon na iniinugan ng tinutukoy na tauhan ay batbat ng pangamba, at ang pangambang ito ay hinuhubog ng pagkakataong itinatakda ng pagtungo sa talampas, at sa halos eternal na paglalakbay na maaaring ang wakas ay kamatayan. Ano man iyon ay hindi mahalaga.

Ang kilabot ay gagapang kapag isinaalang-alang ang mga linyang “…. May lumulundag/na diwa sa kawalan//kahit walang nag-uutos.//” Maaaring pahiwatig ito na ang espasyo ay magtatakda ng kaligtasan o kapahamakan sa naturang manlalakbay. O maaari ding pahiwatig na ang panahon ng pagsapit ng manlalakbay ay waring bumubulong o nag-uudyok ng pagpapatiwakal. Sa isa pang pagtanaw, ang persona lamang ang tanging makapagsasaad kung siya ang kokontrol sa espasyo at panahon, at lampasan ang panganib. Ipinakikita lamang ni Marchiesal (Keith) Bustamante na ang pagtula ay hindi basta paglulubid ng mga salita. Kinakailangan ang sinop at sensibilidad, at ang ganitong mga katangian ay mahuhubog lamang sa patuloy na pagpapakadalubhasa na saklawin ang panahon at espasyo ng panulaan.

Hidden Garden sa Vigan

Nagbalik kami sa Vigan noong nakaraang linggo, at nanlumo ako sa nasaksihan. Ang Vigan na natatandaan ko may 15-18 taon na ang nakalilipas ay hindi na ang Vigan ngayon, bagkus tila pira-pirasong hulagway, na malayong-malayo sa napakarikit na Vigan Album (2002) ni Esperanza B. Gatbonton at iba pang aklat pangkasaysayan ukol sa naturang lugar. Maalinsangan ang simoy Vigan; nakapapaso sa tanghali ang sinag ng araw;  at napakabilis mag-amoy sukang Iluko kapag pinawisan.

Sangkaterba ang traysikel sa Vigan, at kapag nagkasabay-sabay ang mga dambuhalang bus na panturista, bukod pa ang sari-saring magagarang sasakyan, nanaisin mo na lamang magmukmok sa Plaza Real at doon masdan ang patsada ng katedral ng San Pablo. Higit na iibigin ko ang mga karetela imbes na traysikel o motorsiklo na nakagugulat kung magpahagibis sa lansangan na parang sila lamang ang may karapatang gumamit ng daan. Samantala’y magagalang ang mga tigulang na kutsero, at batid ang kasaysayan ng kanilang lugar, at hindi ka magbabantulot na magbigay ng tip sa kanilang serbisyo.

Isa pang ikinabubuwisit ko sa Vigan ay labis na itong komersiyal, lalo sa loob ng plasa. May Jollibee, McDonald’s, Max’s Restaurant, Chowking, at kung ano-ano pang kainang hindi ko alam kung ano ang kaugnayan sa kasaysayan. Hindi ako eksperto sa preserbasyon ng mga makasaysayang pook; subalit nang makita ko ang iba’t ibang establisimyento sa plasa ng Vigan ay kumutob sa loob ko na waring binabastos ang Vigan para kumita nang malaki ang sinumang negosyanteng nasa likod niyon. Wala nang ikinaiba ang Vigan sa Santa Cruz, Maynila; at ilang taon pa’y sasapitin din ng Vigan ang kabulukan ng kamaynilaan.

Bilang protesta sa naturang mga establisimyento, naghanap kami ng ibang klaseng makakainan, at bibihira mo lamang makita. Hanggang makarating kami sa Hidden Garden sa Barangay Bulala Sentro, Lungsod Vigan.

Ang Hidden Garden ay orihinal na idinisenyo ni Francis A. Flores na isang malawak na hardin na hitik sa mga katutubong halamang ornamental, palumpong, at bonsai. May nakalaan ding kulungan para sa mga ilahás na ibon, isda, tuko o bayawak. Napakalinis ng hardin, mabango ang simoy, at maaliwalas sa paningin. May mga itinitindang kakanin, espesyal na ensaymada, latik, banga, paso, eskultura, at kung ano-ano pang abubot kaya hindi mapakali ang misis ko kung kakain ba siya o mamimili na lamang ng pasalubong.

Hindi naman kami nabigo dahil masasarap ang pagkain sa Hidden Garden. Sinigang man o sinanlaw, pinakbet o bagnet, inihaw na isda o barbekyu ay wala kang masasabi. Sa labis na kabusugan ko ay tila aabot sa lalamunan ang aking kinain, kaya umordor pa ako ng kapeng barako at nagkamot ng tiyan.

Mula sa matitigas na kahoy ang mala-dulang na hapag-kainan, na binagayan ng bangkong ipinasadya para sa mga bisita. May mga kandila sa mesa, at parang kumakain ka sa gitna ng kagubatan at sinisilbihan gaya ng mga maharlika.

Natuwa rin kami at naroon nang gabing iyon si Francis at magiliw niyang ikinuwento ang mga pangyayari sa likod ng Hidden Garden. Bukod sa pagiging negosyante nitong si Francis ay isa rin siyang landscape artist na kahanga-hanga ang pangangalaga sa kaligiran at ang kaniyang laboratoryo ay ang mismong Hidden Garden. Iniligtas ng Hidden Garden ang aming pagkadismaya sa plasa ng Vigan. At kung magbabalik man kami sa Vigan, hindi kami sa plasa kakain, bagkus sa kubling hardin ng Barangay Bulala.