Hindi na mabubura sa mga pahina ng panitikang Filipino ang pangalang Bienvenido A. Ramos, at may kaugnayan ito sa kaniyang mga kuwentong pumapaksa sa kasarian, silakbo, at kapangyarihan na pawang nalathala sa Liwayway at iba pang magasing komersiyal.
Madidilim ang mga kuwento ni Ramos, ngunit ang gayong pangyayari’y nagkukubli lamang sa pagtatanggol ng puri, pagbawi ng dangal, at pagbangon mula sa pandurusta at kahirapan. Walang pangingimi ang mga kuwento sa paglalantad ng mga realistikong tagpo hinggil sa sex, na inuurirat ang gahasa, ang panggigipit na seksuwal, ang prostitusyon, ang walang direksiyong kalibugan, ang paggamit sa sex bilang instrumento ng kapangyarihan o pagbalikwas, o kaya’y ang pamumutol ng uten—sa punto de bista ng babae o lalaking tumitingin sa papel ng babae.
Halimbawa, sa kuwentong “Alipin,” ang parikala at siste ay maingat na ipapasok sa katauhan ng drayber na naibigan ng asawa ng politikong mahilig mambabae. Ang asawa ng politiko’y halos magsawa na sa paghabol sa kaniyang bana, at isang araw ay pagdidiskitahan ng babae ang drayber na nagkataong makisig, upang tighawin ang uhaw ng kalibugang taglay ng sinumang babaeng nasa rurok ng kasibulan. Magwawakas ang kuwento na parang nasa alapaap ang drayber, dahil hindi na siya itinuturing na karaniwang utusan na sinisigawan, bagkus tagapagbigay din ng aliw sa babaeng tigang na tigang sa kaniyang asawa. Ngunit higit sa lahat, hindi na alipin ang drayber bagkus isa nang panginoon, kahit sa larang ng sex.
Mahaba naman ang kuwentong “Ang Bulkan” na nalathala sa Sagisag noong 1980. Hinggil ito sa buhay at pakikipagsapalaran ni Tata Islaw, na isang magsasakang pinalayas sa kaniyang sinasakang lupain doon sa Bulakan, kinutyang duwag kung hindi man dungo ng kadugo, at lumipat sa bulubunduking Taal upang doon magsimula ng panibagong buhay sa piling ng itinanang babaeng ang dating ikinabubuhay ay pagbibili ng aliw. Darating ang sandali na puputok ang bulkan, at kasabay niyon ang pagkakatuklas ni Tata Islaw na siya’y kinakaliwa ng babae na naakit sa may-ari ng lupang sinasaka niya. Maghihiganti si Tata Islaw, papatayin ang magkalaguyo, ngunit sa wakas ay tatabunan din siya ng abo at kumukulong putik mula sa nagngangalit na bulkan. Ang parikala ng bulkan ay magsisimula sa pisikal na bulkan at magwawakas sa nagbubulkang kalooban ni Tata Islaw, ngunit taliwas sa inaasahan, walang pagliligtas ang matatagpuan sa pagsabog ng poot o bulkan. Lahat ay namamatay, at nababago ang heograpiya ng ugnayan ng mga uri sa lipunan.
Ang pagpapahalaga sa lupa ay mababanaagan din sa “Lupang Pinagbaunan ng Inunan,” na ang melodramatikong rendisyon ay pangtelenobela. Nagtungo sa Estados Unidos si Raul, upang makipagsapalaran at baguhin ang buhay, iiwan ang kaniyang kababatang si Minda, at magbabantulot na umuwi sa sinilangang bayan. (Aangat ang estado ng kaalaman ni Raul, at maiiwan si Minda na nabigong maipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa kahirapan.) Ngunit susulatan siya ni Minda, at padadalhan ng isang kuyom na lupa, upang ipaalala sa kaniya ang pinag-ugatan at pagmamahal nang taos. Ang ganitong pormula ng kuwento ay gagayahin ng iba pang manunulat ng Liwayway, at siyang dapat nang iwasan ng makabagong henerasyon.
Isa sa mga konseptong matingkad sa mga kuwento ni Ramos ay ang pagpapahalaga sa “dangal.” Ang “dangal” ay maaaring sipatin sa antas ng pagkatao ng paralitikong bana na ang asawa’y napilitang magputa, at siyang isinalaysay sa “Uwak at Bangkay.” Ang dangal ay maisasalin sa larawan ng mahirap na pamilyang nag-alaga ng nakakawalang Doberman ng mag-asawang walang anak, na mababasa sa “Kahit Isang Hayop.” Ang dangal ay maikakabit sa pagsisikap na makabawi ng laos na aktres na naging puta at ipinahiwatig na nahawa ng HIV dahil sa pakikipagtalik sa kung sino-sinong lalaking banyaga. Ang konsepto ng dangal ay maaaring pabaligho ang rendisyon, gaya sa kuwentong “Si Baribot” na hinggil sa pagbabagong buhay ni Nick na nilustay ang kabataan sa bisyo at babae, ngunit nabigong maituwid ang pagkakamali dahil huli na ang lahat. Hindi linear ang pagsipat ng awtor sa dangal, at ang idinudulot nito sa tao ay hindi laging positibo dahil nasusugatan, nahihirapan, at namamatay sa iba’t ibang anyo ang mga tauhan.
Pambihira naman ang parikala sa kuwentong “Kamandag na Pangungulila” ni Ramos, na ang bana’y nangungulila sa kaniyang misis na dating titser na nagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho bilang katulong o sex worker. Ang lalaki’y lulustayin ang padalang salapi ng kaniyang misis sa malimit na pagdalaw sa birhaws, mapapabayaan ang pangangailangan ng mga anak, at parang isinadula muli ang kasabihang mula sa “Mula sa alabok tungo sa alabok” ngunit sa ibang anggulo. Ang perang kinikita ng Ledylin (asawa) sa ibang bansa ay mula sa prostitusyon ng sarili na nauwi sa paglulustay ng kaniyang asawa para sa isang puta. Ang ganitong uri ng kuwento’y lumilitis sa uri ng kapangyarihang namamayani sa lipunan, at ang sex ay maaaring tingnan hindi lamang bilang instrumento ng kalibugan bagkus bilang intrumento sa pagkamit ng moral at ekonomikong estado sa buhay.
Nangingibabaw din ang poot sa ilang kuwento ni Ramos, at ito ang higit na nagbibigay-kulay sa mga pangyayari. Halimbawa, sa kuwentong “Ang Pangalan sa Lapida,” matutuklasan ni Rey ang suklam sa kaniya ng kaniyang ama nang ipagpagawa nito siya ng lapida kahit buhay pa, dahil sa ginawa nitong katarantaduhan, gaya ng pagtutulak ng droga at paglustay ng buhay sa iba’t ibang bisyo at bilangguan. Ngunit ang poot ay kaugnay ng sukdulang pagmamahal ng ama sa anak, at ito ang matutuklasan ni Rey sa dulo ng kuwento. Samantala, ang kuwentong “Sirang Lantsa, Alak, at Manggang Hilaw” ay nagsasalaysay naman ng poot ni Emma kay Estong Balila na gumahasa sa kaniyang anak. Ipapaubaya ni Emma kay Estong ang sarili upang sa bandang huli’y putulin ang uten ni Estong bilang pagganti sa niyurakang dangal ng kaniyang anak.
Bukod sa poot ay itatampok din ang konsepto ng “Kung ano ang itinanim ay siya mong aanihin.” Mababanggit dito ang rekruter ng mga manggagawang Filipino na ipinadadala sa iba’t ibang bansa at nakadanas ng mga pasakit dahil sa panloloko ng ahensiya, na sa bandang huli’y ang anak mismo ng rekruter ang palihim na mag-aaplay sa ibang ahensiya upang doon makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang ganitong sipat sa “karma,” kung “karma” ngang matatawag at siyang batay sa pananaw ng Filipino, ay ipamamalas din sa gaya ng kuwentong “Katarungan,” na ang kurakot na piskal na nagpalaya sa mga adik na anak ng mayaman at maykapangyarihan ay ginantihan ng tadhana at ang kaniyang mismong anak na babae ay gagahasain ng mga adik pagdating ng araw. Maiuugnay din ang nasabing kuwento sa isa pang akda, ang “Ganti” na hinggil sa buhay ng huwes na ginagamit ang posisyon upang makaisa sa babaeng ang asawa’y kinasuhan ng pagpatay. Ngunit gagantihan pagkaraan ang huwes, lilinlangin ng babae, at puputulan ng ari, hanggang masira ang pangalan at doon ubusin ang natitirang panahon sa ibang bansa.
May kutob akong ang mga kuwentong binanggit ko rito ang isasama ni Mang Ben sa kaniyang bagong koleksiyon, at ilalathala ng isang tanyag na publikasyon sa Lungsod Quezon. Maganap nawa ito, at nang muling mabasa ng madla ang silakbo ng sining ng Bienvenido A. Ramos, na isa sa mga bantayog ng panitikang popular sa Filipinas magpahangga ngayon.