Ang hagkan ka sa bakuran, ni Ah Bahm

Salin ng “Tz’utz’ A Chi T U Caap Cool Hok Che” ni Ah Bahm, batay sa bersiyon ni John Curl
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hagkan Ka sa Bakuran

Isuot mo ang pinakamarikit na damit
Dahil ang araw ng ligaya ay sumapit.
Suklayin ang nagusot na buhok
At magbihis nang nakahihigop.
Isuot ang kahanga-hangang balát,
At maghikaw ng batong matingkad.
Magsinturon ng hiyas na makulay
At magkuwintas nang maringal.
Isuot ang palamuti sa mga bisig
Nang lahat sa iyo ay mapatitig.
Walang hihigit sa iyo, aking binibini,
Sa buong kaharian ni Dzitbalche.

Mahal kita, o kaygandang dalaga.
Ibig kong masilayan ka ng iba.
Tunay ka ngang labis na nakaaakit,
Gaya ng bituing umuusok sa langit.
Mimithiin ka na tulad ng buwan
At ng mga bulaklak sa kaparangan.

Isuot ang lantay, puting damit, binibini.
Maghatid ng tuwa sa halakhak na puri.
Taglayin ang kabutihan sa iyong puso,
Dahil ngayon ang araw ng galak na buo.
Handog ng bayan ang buting malaganap,
Dahil ikaw, mahal ko, ang aking kabiyak.

stone, monument, pyramid, ancient, landmark, ruin

Advertisements

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Roberto T. Añonuevo

Sa unang malas ay maituturing na ehersisyo ng paglingon sa tradisyon ng awit at korido ang mahabang tulang pinamagatang “Ang Sawá” (1920) ni José Corazón de Jesús, ang dakilang makatang Tagalog na humuli sa guniguni ng taumbayan nang higit pa marahil kay Balagtas. Ngunit ang nasabing tula ay hindi simpleng bunga ng romantikong pagtanaw sa daigdig ng prinsesa at prinsipe, tulad sa telenobela. Ang tula ay maibibilang na halimbawa ng kontra-kuwentong ada o anti-fairy tale (na katumbas ng Antimärchen na unang ipinakilala ni Andrè Jolles), at lumilihis sa nakagawiang kabalyerong romanse sa Ewropa, at lumalampas sa pantastikong pakikipagsapalaran o makarelihiyosong damdaming hatid ng kolonisasyong Español, bukod sa bumabalì sa kumbensiyong itinadhana ng tradisyonal na awit at korido sa Filipinas.

May anim na yugto o awit ang tulang “Ang Sawá” na ang pagkakahati ng mga taludtod ay nagtatangkang lumundag sa wawaluhing pantig ng korido at lalabindalawahing pantig ng awit. Sabihin mang ang putol ng mga salita ay waring pagkukubli lámang sa tradisyonal na tugma at sukat ng panulaang Tagalog, ang nasabing taktika ay mahihinuhang iniaayon sa allegro tempo o mabilis ang kumpas, kung pagbabatayan ang putol ng mga taludtod na naglalaro sa apat at walo, at pagkaraan ay lumilipat sa andante tempo tuwing nasisingitan ng labindalawa at labing-anim na bilang ng pantig ang mga taludtod para basagin ang pagiging monotono ng indayog ng mga tunog. Pumapabor ang nasabing taktika sa piyanista o mang-aawit o mambibigkas, sapagkat ang buong tula ay hindi nakapadron sa Balagtasan na pagsapit pa lamang ng taon 1924 magsisimulang sumikad.

Ipinakilala sa unang yugto ang pangunahing tauhan na si Tarhata. Si Tarhata ay prinsesang anak ni Sultan Ormalik, at nagtataglay na pambihirang rikit, layaw, at ringal, bukod sa masigla at masayahin. Ngunit dadapuan ng malubhang sakit ang dalaga isang araw, at ang kaharian ay malulumbay sa sinapit na kapalaran ng prinsesa. Sa ikalawang yugto, mababalisa ang Sultan at magpapahanap ito ng mga dakilang manggagamot at pantas ngunit mabibigo pa ring magamot ang prinsesa. Magbabago ang kalooban ng Sultan, na ang kabagsikan ay mahahalinhan ng karupukang hatid ng kalungkutan. Nang sumuko na ang lahat, nagmungkahi sa hari ang isang alila ni Tarhata mula sa liping Ita na ang tanging makagagamot sa maysakit ay ang pag-inom ng dugo ng sawang bitin. Sa ikatlong yugto, si Tarhata ay gagaling sa sakit, at muling magliliwaliw sa gubat na sakop ng kaharian. Mapupulot niya roon ang isang munting sawá, na kaniyang kagigiliwan at aalagaan doon sa palasyo. Ituturing ng prinsesa na gaya ng tao ang sawá, at magiging maamò ito na parang may pagliyag din sa prinsesa.

Ang gusot sa salaysay ay magsisimula sa ikaapat na yugto. Mababalitaan ni Tarhata si Prinsipe Madagaskar, na isang Moro mulang Kanluran at tanyag sa pagiging matapang na kabalyero at nagwagi pa sa torneo ng Damasko. Papangarapin ng dilag ang binata, at unti-unting mababaling ang pansin ng prinsesa mula sa sawa tungo sa nasabing lalaki. Sa ikalimang yugto, magkakatotoo ang iniisip ni Tarhata at darating sa palasyo si Prinsipe Madagaskar upang manligaw at hingin ang kaniyang kamay. Sa ikaanim na yugto, maghahatid ng dote ang prinsipe para sa prinsesa, at magdiriwang ang buong kaharian dahil sa napipintong pagpapakasal nina Tarhata at Madagaskar. Ngunit bago ang oras ng kasal, naisipan ng prinsesa na dalawin ang kaniyang alagang sawá upang magpaalam. Matapos hagkan ang alaga, at anyong tatalilis na ang dalaga, biglang nilingkis ng sawá ang prinsesa hanggang sa ito’y mamatay.

Ang trahikong wakas ni Tarhata ay katumbalik ng motif sa mga namamayaning awit at korido, na ang babae ay magwawagi sa kabila ng mga pambihirang pagsubok, gaya sa Constance Saga, alinsunod sa pag-aaral ni Alfred Bradley Gough. Sa Filipinas, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, maihahalimbawa ang koridong Buhay ng Kawawa at Mapalad na Prinsesa Florentina sa Kahariang Alemanya, na ang hari ay pagnanasahang pakasalan kung hindi man lurayin ang kaniyang anak na babae, na magiging resulta upang tumakas ang dilag tungo sa kung saan-saang pook, at tutulungan ng mga milagrong sobrenatural mula sa Kristiyanong pananalig, makatatagpo ng angkop na binata, at sa wakas ay magbabalik sa kaharian upang tamuhin ang pagpapalà at kasaganaan dahil sa pagiging matuwid.

Sa tula ni De Jesus, ang hari ay hindi kinakailangang pagnasahan ang dalaga niyang anak, na taliwas sa Constance Saga, at sa halip ay ipinamalas pa ang kaniyang pusong mamon pagsapit sa pagkalinga sa anak. Ang kamalayan ng prinsesa at ng hari ay magkakaroon ng transpormasyon dahil sa pagkakasakit at pagkaraan ay paggaling ng dalaga, at hanggang sa pag-aalaga ng sawá. Ngunit ang kanilang kamalayan ay may kaugnay na limitasyon, gaya ng pagtanaw ng naghaharing uri sa hayop na mahuhuli nito. Para sa prinsesa, ang sawá ay isang laruan o kaya’y kaibigan gaya ng tao; ngunit sa punto de bista ng sawa, ang pagkakakulong nito sa palasyo ay isang pagsalungat sa kalikasan nito bilang hayop at nilalang na dapat ay nasa gubat para panatilihin ang siklo ng búhay. Sa ganitong pangyayari, sinasagkaan ng prinsesa ang kalikasan, at kahit ano pa ang uri ng kaniyang pag-aalaga sa sawá, iyon ay maituturing na taliwas sa itinadhana ng kosmikong kamalayan.

Ang isa pang elemento ng pagiging kontra-kuwentong ada ng tula ni De Jesús ay ang pagkasangkapan sa katutubong talino ng Ita. Sa koridong Ibong Adarna, halimbawa, ang labindalawang Negrito ay pinaglaruan ng hari. Ang ganitong rasista at kontra-katutubong pagtanaw, gaano man kaikli ang banggit sa nasabing korido, ay dapat tinutuligsa sapagkat lumalapastangan ito kahit sa iba pang pangkat etniko na matatagpuan dito sa Filipinas. Kung babalikan ang tula ni De Jesús, binaligtad ang pangyayari sapagkat walang nagawang lunas ang mga dakilang manggagamot at pantas ng palasyo hinggil sa sakit ng prinsesa. At isang alila pa ang magsisiwalat ng katangahan ng naturang pangkat. Sa ganitong pangyayari, iniaangat ni De Jesús ang estado ng Ita mulang alila tungong tagapagligtas, samantalang pailalim na nililibak ang estado ng mga tanyag na manggagamot at pantas.

Walang silbi sa tula ni De Jesús ang makisig at maharlikang kabalyero na gaya ni Prinsipe Madagaskar, na kahit nagwagi sa torneo o digmaan sa ibang bayan ay binigo naman ng isang sawa. Bukod pa rito, ang representasyon sa sawá ay hindi mistikal, bagkus natural, at ang sawáng lumingkis kay Tarhata ay mahahalatang nakasagap ng negatibong enerhiya mula sa dalaga nang ito’y papaalis na upang magpakasal. Sa pananaw ng mga yogi sa India, gaya halimbawa ni Sadhguru, ang mga ahas o sawá ay hindi basta nanunuklaw o nanlilingkis; ang mga ito ay umaayon sa enerhiya ng lumalapit o humahawak dito. Ang pagpapaalam ni Tarhata sa sawá ay maituturing na isang bantâ sa kaligtasan ng sawá alinsunod sa instinct nito; at marahil, kung hindi nagpamalas ng gayong damdamin (na may taglay na negatibong enerhiya) ang dilag ay maaaring hindi siya nilingkis ng sawá. Isa pang nakadagdag dito ay matagal nang nabaling ang pansin ng dalaga tungo sa binata imbes na makipaglaro sa sawá, na marahil ay magpapabago rin ng pagsagap ng sawá sa dalaga.

Ngunit ang pinakamagandang hulagway [imahen] sa tula ay ang mismong sawá. Sa pormalistikong pagtanaw, ang hulagway ay magsisimula sa mapaglarong hugis at haba ng mga taludtod, at sa indayog ng mga salitang waring gumagapang; at sa kalkuladong paglinang sa katauhan ni Tarhata, at sa makulay na paglalarawan sa hari o prinsipe. Lalawak pa ito kung isasaalang-alang ang sinematograpikong pagdulog sa mga tauhan o lunan o panahon, gaya sa videopoema, at kung paanong naisisilid ang panahon sa kakatwang espasyo at aksiyon sa anggulo ni Tarhata. Ang ganitong dinamikong paglalahad ay taliwas sa monotonong pagdulog sa tradisyonal na awit at korido sa Filipinas na pawang nakatuon sa paglinang sa masalimuot na banghay.

Sa arketipong pagtanaw, ang pagbubuwis ng dugo ng isang sawa ay magpapanumbalik ng lakas at sigla ng dalaga; ngunit isang sawa rin ang sa huli’y babawì, at lilingkis at pipiga sa dugo hanggang sa mamatay ang nasabing dilag. Naghuhunos ng balát ang sawá upang isilang muli, gaya ng bagong kamalayan, at ito ang matatagpuan sa iba’t ibang mito sa daigdig, at maihahalimbawa ang kuwento ni Demeter at ng anak niyang si Persephone. Si Tarhata na nakainom ng dugo ng sawá ay magkakaroon wari ng kapangyarihang makapangarap o makapanghulà sa hinaharap, gaya sa katangian ni Apollo, na matapos paslangin ang Delpikong Sawá ay nagkaroon ng kapangyarihang makapanghula. Sa tula ni De Jesús, ang sawá ay hindi tulad ng mga serpiyenteng niyayapakan ng mga santo, bagkus inaaruga upang ang maging estetikang silbi ay umayon sa layaw ng bumihag sa kaniya. Gayunman, maituturing na bipolar ang katangian ng sawá na puwedeng maging tulay ng búhay at kamatayan, gaya sa kasal, na masisilayan sa paniniwala ng mga pangkat etniko sa Kordilyera.

Samantala, sa Marxistang pagtanaw, ang alyenasyon ng sawa at ni Tarhata sa kani-kaniyang kalagayan ay hatid ng uring pinagmumulan nila, at kung paano umiikot ang kanilang kapalaran ay batay lámang sa mga mayhawak ng kapangyarihan sa palasyo at ng yamang taglay ng hari na makapagpapatakbo ng lipunan. Marupok bilang babae si Tarhata kung itatambis sa Constance Saga, na ang babae’y pambihirang nakaliligtas sa kapahamakan dahil sa tulong ng sobrenatural na kapangyarihan at makisig na kabalyero, ngunit ginagampanan lámang ni Tarhata ang realidad ng dalagang nagmula sa naghaharing uri. Ang dalagang prinsesang nakatakdang ikasal ay maglalaho ang katauhan bilang prinsesa at dalaga sa sandaling lingkisin, lamugin, at lunukin ng sawa. Ang sawá ang ultimong pagsasanib ng dalawang identidad, at magreresulta ng pagkalusaw ng dating identidad na naghaharing uri. Ang pagpatay ng sawá sa prinsesa ay masisipat na muling pag-angkin ng sawá sa estado nitong binihag sa mapagkandiling pananakop, at lumalampas sa panuntunan ng moralidad o ideolohiya. Hindi mahalaga kung ano ang magiging wakas ng sawá. Ang higit na mahalaga ay ang tagumpay nitong natamo sa paglaya sa hawla, at ang pagwiwika nito ng pamamaalam alinsunod sa sariling pananaw nito na taliwas sa pananaw ni Tarhata.

Ang napipintong paglamon ng sawá sa babae ay hindi simpleng prosesong biyolohiko, o pahiwatig ng pagsanib ng demonyo sa magandang katauhan ng babae, gaya sa representasyon ni Michaelangelo sa kaniyang pintura sa bobeda ng simbahan, o kaya’y sinaunang simbolo ng pagkalagot ng inmortalidad, gaya sa epikong Gilgamesh, bagkus maituturing na mapaghimagsik sa panig ng sawá na ang silbi sa kalikasan ay nasa pagiging ganap na sawá (at hindi bilang tao o diyos o sobrenatural na katauhan) para mapanatili ang balanse sa ekosistema ng daigdig.

Isang panukalang pagbasa ito sa tulang “Ang Sawá,” at marahil ay bunga lámang ng aking pagkayamot sa nakasasawàng pagkakahon at paulit-ulit na pagpatay kay José Corazón de Jesús—sa pamamagitan ng pagsipi sa makukulay na taguri at palamuti.

black and white girl hair white photography cute mystical female mystic portrait model young darkness black monochrome close up fairy tale dress gloomy fantasy princess dreamy fairy gorgeous emotion fairytale stunning young girl cute girl monochrome photography fantasy girl atmospheric phenomenon

Krimen at kaligtasan sa koridong Prinsesa Florentina

May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.

Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.

Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya, ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.

Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.

Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.

Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.

Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//

Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.

Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).

Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.

Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.

Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.

Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.

Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.

Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.

Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.