Propaganda, ni Leonard Cohen

Propaganda

Salin ng tula ni Leonard Cohen
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang makatwirang pahayag ay nilikha
ni amá, ang ginoong dumudura
upang ilihim ang kaniyang sapatos.
Kaugnay ito sa kalikasan ng relihiyon
at sa progreso ng pagnanasa sa siglo
beínte. Ako rin ay may ilang pahayag
ng kompetitibong pagkamatwid na ibig
kong ipalaganap nang walang bayad.
Mahal ko ang sandaling eternal, halimbawa.
Malimit wikain ng aking ama, habang
tinatanggal niya ang mumunting medalya,
na may tamang panahon para sa lahat.
Isa siyang bukás-palad na ama, naisip ko,
kung huhusgahan ang kaniyang halagahan.
Ay, gayon nga, sasabihin niya, at ang buong
daigdig ay dapat sanang naging tahanan niya.

star, military, soldier, army, symbol, memory

Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga leksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Filipino at ang Halalan sa Mayo 2010

Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.

Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.

Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong  4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.

May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani  and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.

Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.

Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.

Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.

Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.

Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.

Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.

Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.

Erap versus Manny versus Noynoy

Umiinit ang bakbakan sa kampanya, ngunit nananatiling ligtas sa pangunang puwesto si Noynoy Aquino alinsunod sa sarbey ng pambansang halalan. Sinisikap ng kampo ni Manny Villar na alisin sa ekwasyon si Gibo Teodoro, upang ang bakbakan ay maging Aquino vs. Villar. Ang pagkalas ni Prospero Nograles sa koalisyong Lakas-Kampi-CMD ay hindi na bago. Matagal na itong inaasahan, dahil si Teodoro (at si Edu Manzano) ay halatang isinangkalan lamang upang pagkaraan ay isulong ng mga kakampi ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang kandidatura ni Villar.

Kung mawala man si Gibo sa karera, ang higit na makikinabang ay si Noynoy at hindi si Manny, dahil lumilitaw na sadyang totoo ang paratang na “Villarroyo” na ang ibig sabihin ay tuta, kung hindi man manok, ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo si Villar. Gayunman, hindi magwawagi si Villar hangga’t bigo siyang makopo ang baseng maralitang tagalungsod at taganayon na pawang tumatangkilik magpahangga ngayon kay Erap Estrada. Ang laban ay hindi Aquino vs. Villar, dahil ilalampaso ni Aquino si Villar kung walang komputerisadong dayaan sa halalan. Ang laban na inaabangan, lalo sa mga pook maralita, ay Villar vs. Estrada.

Dehado, ‘ika nga, sa sabong si Erap, samantalang liyamado si Manny. Kumbaga sa mga manok, taglay ni Manny ang siyentipikong pagkondisyon bukod sa mahuhusay ang tagapag-alaga sa propaganda. Si Erap naman ay tahimik lamang, ngunit masipag na kumakahig sa mga estratehikong pook ng maralitang tagalungsod at taganayon upang muling magpapakilala sa madla. Sa pagtakbo ni Erap, nabibiyak ang hanay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon na nagdadalawang-isip kung susuporta ba o tatalikod kay Manny. Sa panig naman ni Noynoy, nakamit niya ang tangkilik ng pambansang Alyansa ng mga Maralitang Tagalungsod, at ang linyadong boto ng mga kasapi nito ang inaasahang maghahatid ng tagumpay sa kaniya sa Mayo.

Kailangan ni Villar na magpaulan ng salapi sa mga pook maralita upang magwagi sa halalan. Ito ang tanging paraan niya kung nais magwagi. Nagaganap tuwing halalan noon pa mang panahon ng kopong-kopong ang pamimili ng boto, at sa darating na halalan sa Mayo, ang tanging makapamimili ng boto ay ang kandidatong masalapi, gaya ni Villar. Ngunit ngayon pa lamang ay lumilikha na si Erap ng ibang taktika sa pangangampanya, na lihis sa magagastos na anunsiyo sa radyo, diyaryo, at telebisyon, o kaya’y pamimili ng boto. Ang taktika ni Erap ay sumuong sa mga lungsod at munisipalidad at metropolis na laksa ang mga maralita; at sa pamamagitan ng personal na pag-iikot ay inilalapit ang sarili sa taumbayan.

Isang taktika ito na personal, subalit epektibo. At ang paglapit ni Erap sa taumbayan ay hindi matutumbasan ng mga komersiyal o jingle sa radyo at telebisyon. Ginagamit ni Erap ang matalik na komunikasyon sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila. At paghingi ng suporta habang nagsasalita sa wika ng karaniwang tao.

Hindi ito kayang gawin ni Villar kung hindi magsasama ng mga artista, modelo, mang-aawit, at atleta. Lalangawin ang kampanya ni Villar, at kailangan ang hakot mula sa mga lokal na opisyal para mapuno ang kaniyang rali. Kahit sa mismong Tondo ay pagdududahan si Villar, dahil sa aking palagay ay hindi talaga siya nakapag-iikot sa mga pook maralita at umaasa lamang sa mga sinasabi ng kaniyang mga kapanalig na opisyal. Mahirap iboto ang isang kandidato kung hindi nakikita na umiikot sa iba’t ibang pook, liblib man o malapit. Ito ang natutuhan ni Erap noon, at muli niyang isinasagawa kahit ngayon.

Wala nang pagtatalo na ang uring panlipunang nasa A at B ay pumapanig kay Noynoy. Ang mga blokeng C, D, at E ang may malalaking populasyon. Dito magaganap ang bakbakan, dahil kayang tabunan ng mga botanteng nasa D at E ang bilang ng mga botanteng nasa hanay ng uring A, B, C. Ang taktika ni Erap na kumbinsihin ang mga nasa hanay ng uring D at E ay hindi lamang pagpapakilala na siya’y para sa masa. Ito ay matalisik na estratehiya, at estratehiyang subok ng panahong ginawa noon ni Ramon Magsaysay.

Sabihin nang dehado si Erap ngunit ginampanan na niya ang gayong papel kahit sa kaniyang mga pelikula, at sa tunay na buhay ay nabilanggo, inalisan ng dangal, at hiniya sa sukdulang pakahulugan. Mas matagal ang pagdurusa ng pamilya Aquino noong panahon ng Batas Militar, at animo’y mahabang pelikula ang sakripisyo ng mga kalahok.

Samantala, si Manny ay amoy salapi na mapaghihinalaang tusong negosyante, na alanganing mula sa dating dukhang uri. Si Manny ang dating politikong kakutsaba ni Arroyo at uring masalapi para patalsikin sa poder si Erap noong nanunungkulan itong pangulo. Pahamig nang pahamig si Villar, lalo kung sa usapin ng pabahay at sari-saring negosyo, at kung ito ay pagpapamalas ng sipag at tiyaga, sipag at tiyaga ito na may lihim na pakana at nakabalatkayong kasakiman. Sa paghaharap nina Erap at Manny, ang labanan nila ay uungkat ng mga dating tunggaliang pampolitika, at pag-angkin sa teritoryo ng Tondo.

Kaya dapat mangamba si Manny kay Erap. At kung mananatiling banta si Erap sa pagwawagi ni Manny, inaasahan kong dudungisan muli si Erap sa pamamagitan ng maiitim na propaganda, na ang sukdulan marahil ay pagpatay sa kaniya sa malikhaing paraan, upang ganap na mawala sa ekwasyon. Sa oras na sumadsad sa sarbey si Erap, at usigin ng masang mamboboto, doon lamang makokopo ni Manny ang botong dating tinamo ni Erap. Ngunit imbes na bumagsak sa sarbey ay lalong tumataas ang rating ni Erap sa mga sarbey. Nangangahulugan ito na maraming tao ang hindi pa ganap na nakapagpapasiya kung sino ang iboboto nila sa halalan. At buháy ang pag-asa ni Erap.

Makupad man ang kampanya ni Erap ay nagpapamalas ng sipag at tatag. At sa dakong huli, posibleng mailaglag niya si Manny, at ang bakbakan ay mauwi sa Noynoy vs. Erap. Ang magpapabagsak kay Erap ay hindi si Noynoy; ang magpapabagsak kay Erap ay ang dating makulay na rekord niya sa serbisyo publiko. At sa wakas, gustuhin man o hindi ng mga kalaban, hinuhulaan kong magwawagi si Noynoy sa halalan dahil sa katiwalian o kaya’y kapabayaan ng kaniyang mahihigpit na kalaban sa politika. At matatalo lamang si Noynoy kung mapawawalang-bisa ang eleksiyon, sa ngalan man ng elektronikong hokus-pokus o masinop na dagdag-bawas na lampas sa apat na panig ng presinto.

Bagong yugto ito na dapat abangan. At hindi na lamang simpleng tunggalian ng mga uri, bagkus pagharap nang personal at tapat sa buong sambayanan.

Kampanya at Kahirapan

Pinakamalupit na panahon ang Abril, kung hihiramin ang dila ni T.S. Eliot, at idaragdag kong isinisilang nito ang mga bulaklak ng kampanya mula sa tigang na lupain ng propaganda, samantalang dinidiligan ng salapi mula sa bulsa ng mga politiko.

Ipinangangako ni Manny Villar na “tatapusin” ang kahirapan ng mga Filipino, sa pamamagitan umano ng sipag at tiyaga. Maganda mang pakinggan ang gayong islogan, lihis naman ang lohika nito at ang “kahirapan” ay hindi nailulugar ang konteksto, ni hindi naipaliliwanag nang maigi kung bakit nananatiling mahirap ang mga Filipino. Simplistiko ang pagtanaw ni Villar sa kahirapan; at ang kahirapan ay nagiging romantisado ang pagtanaw, gaya ng pagligo sa dagat ng basura.

Isa pang hindi naipaliliwanag ni Villar ay ang mismong “kahirapan.” Sa unang malas ay tinutukoy nito ang kadahupan sa antas ng materyal na pangkabuhayan. Malulutas umano ang kahirapan kung may sipag at tiyaga ang tao. Gayunman, hindi ipinaliliwanag ni Villar ang mga pamamaraan at estratehiya kung paano lulutasin ang gayong problema. Para kay Villar, kung migranteng manggagawa ka na napariwa sa ibayong dagat, ang solusyon ay bigyan ka ng salapi at kaugnay na tulong para makabalik sa bansa. Hindi siya magpapanukala ng paglikha ng negosyo sa loob ng Filipinas; at malabo rin ang kaniyang programa kung paano makatitindig sa sariling mga paa ang bansa para hindi patuloy na umasa sa padalang dolyar ng mga nandarayuhang manggagawa’t propesyonal.

Walang malinaw na plataporma de gobyerno ang Partido Nacionalista, at taliwas ito sa mga komersiyal ni Villar na humahalukay sa damdamin imbes na isip ng mga manonood o tagapakanig. Kahit sa usapin ng panlipunang pabahay ay walang programa si Villar, maliban na lamang sa ilang pagkakataong namimigay siya ng bahay at lupa sa palabas ni Willie Revillame.

Si Villar ang nangangako ng pabahay sa mga maralita. Ngunit saan niya kukunin ang pondo rito? Kung isasaalang-alang na may malaking kakulangan sa pambansang badyet ngayong 2010, ang badyet sa pabahay ay mananatili sa antas o maaaring bumagsak pa mula sa kasalukuyang estado nito, depende sa komposisyon ng kongreso. May dalawang paraan na posibleng ikatwiran si Villar: una, ang pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan na ang kita o tubo ay ilalaan sa pabahay; at ikalawa, ang mangutang sa mga institusyong pananalapi sa loob man o labas ng Filipinas. Ang kakatwa’y ginawa na ito dati ng kasalukuyang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit halos ambon lamang na maituturing ang biyayang natamo ng mga maralitang tagalungsod kung isasaalang-alang ang alokasyon ng pamahalaan sa panlipunang pabahay para sa maralita.

Anuman ang piliin ni Villar sa nasabing dalawang paraan ng pagtustos sa pabahay, ang kaniyang mga kompanya ang pinakamalapit na makikinabang sa mga transaksiyon, dahil maaari nilang mahamig ang mga kontrata at pautang ng gobyerno.

Madali ang mangako, wika nga, ngunit mahirap isakatuparan iyon. Ang pangangako ni Villar na tatapusin ang kahirapan ay nagtuturing sa kahirapan na animo’y isang halimaw na maaaring paslangin sa pamamagitan ng espada at agimat. Hindi naipapakilala ang kahirapan sa mahahalagang larang, gaya ng ekonomiya, edukasyon, batasan, turismo, kapayapaan at seguridad, likas-yaman, enerhiya, likas-kayang pag-unlad, populasyon, at iba pa. Kung paimbabaw ang pagpapakilala ni Villar sa kahirapan, maaasahan din na paimbabaw at reaksiyonaryo ang mga panukalang tugon niya upang lutasin ito.

Hindi ipaliliwanag ni Villar ang kahirapan alinsunod sa tunggalian ng mga uri at kasarian, at patunay ang kaniyang mga kandidatong senador na pinaghalo-halong personalidad mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa—na isang pampolitikang taktika para makalikom ng boto imbes na lutasin ang problema ng isang sektor. At lalong hindi niya ipaliliwanag ang kahirapan kung sino ang mayhawak ng aparato ng produksiyon, at kung ano ang magaganap kung mananatiling nasa kamay ng iilang tao o korporasyon ang kinabukasan ng Filipinas.

Ang pakikipisan ng mga kandidatong senador na iba-iba ang kulay sa partido ni Villar ay isang estratehiyang may kaugnayan sa pangangalap ng pondo at pagsakay sa pambansang makinarya sa kampanya. Kaya walang maririnig na batikos kay Villar mula sa dulong kaliwa dahil animo’y may kautusan ang partido na sumakay na lamang sa alon ng kampanya para manalo ang mga manok nito, at isinusulong na mga party list. Itinatampok ni Villar ang kampanya ng isang koronel ngunit ang totoo’y hindi ang pagwawagi ng naturang kawal ang mahalaga; higit na mahalaga na makilala si Villar sa hanay ng mga sundalo at pulis na makapagbibigay ng solidong boto para sa mapipiling kandidato.

Kaugnay ng pangangalap ng boto mula sa mga rehiyon ang pagdadala kay Bongbong Marcos. Nakinabang nang mas malaki si Villar kaysa kay Marcos dahil malaking populasyon ang hilagang panig ng Filipinas, bukod sa maaasahan ang boto ng mga Ilokano sa ibayong dagat. Ngunit maaaring ilaglag ni Villar si Marcos pagsapit ng Metro Cebu o Metro Davao o Metro Manila, at pasusubalian na lamang ito sa mismong araw ng halalan kung mababasa sa mga polyeto ang pangalan ni Marcos sa listahan ng Partido Nacionalista. Abala rin si Villar na hakutin ang mga lokal na opisyal na dating kapanalig ng administrasyon; subalit ang gayong paghakot ay walang kaugnayan sa linya ng plataporma de gobyerno ng Nacionalista bagkus nasa antas lamang pagpapatatag ng makinarya sa antas ng pamahalaang lokal.

Si Villar din ang pinakamagaling mangako, at handa siyang sumang-ayon sa mga kasunduan sa iba’t ibang sektor, gaya ng sa mga manggagawa, militar, simbahan, kababaihan, mass media, negosyante, at maralitang tagalungsod. Ang ganitong tindig ay nananatiling nasa antas ng pangako lamang; kinakailangang suriin nang maigi ang mga negosasyon sa panig ng mga sektor, at kung realistiko nga ang mga kahilingan at pag-abot sa gayong kahilingan. Pinakamalaki ang impluwensiya ni Villar sa mass media, dahil ang mga mamamahayag ay maaaring masilaw sa ipinangangako niyang ginhawa at layaw na matutustusan lamang ng walang kamatayang balon ng salapi o pabuya.

Malaya si Villar na mangakong “tatapusin” ang kahirapan. Ngunit dapat tandaan niyang ang kahirapan ay hindi linear. Hindi pelikula o nobela ang kahirapan na may simula, gitna, sukdulan, at wakas. Ang kahirapan ay parang C-5 na lumilihis ng landas sa dati nitong inaasahang lunan, at sumusuot kung saan-saan, at nadaragdagan nang nadaragdagan ang bayarin sa paglipas ng panahon, bagaman maaaring walang tiyak na hanggahan. Ang kahirapan ay mananatili hangga’t hindi nauugat ang malalaking problema, gaya ng korupsiyon at panloloko sa taumbayan; at walang programadong pagkilos ang mga mayhawak ng kapangyarihan at kayamanan.

Ang kahirapan ay walang kisapmatang solusyon, bagkus malulutas lamang ng sama-samang pagkilos at pakikilahok ng taumbayan. Kung walang kakayahan si Villar na hulihin ang guniguni ng taumbayan, at bigkisin ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kung isasaalang-alang ang partidong kaniyang pinagmulan, ang kaniyang pangangako na “tatapusin” ang kahirapan ay isang pagbabalatkayo at pansamantala lamang. At pagbabalatkayo na sa malao’t madali ay matutunugan ng mga mamamayang hindi na makatitiis at magsisimulang maghimagsik sa matatamis na pahayag ng kagalang-galang na politikong gaya ni Senador Manny Villar.

Iyang Pagpapangalan

Salita ang bumubuo ng publikong imahen ng tao, at ang masining kung hindi man tusong paggamit nito ay makalilikha ng pambihirang konseptong sasaklaw sa guniguni ng madla. Ang mga taguring “King of Rock & Roll,” “King of Pop,” at “Asia’s Songbird” ay maaaring sumaklaw hindi lamang sa angking husay ng tao sa piniling larang na musika, bagkus sa negosyo at kulturang isinusulong nito. Ang musika ay lumalabas sa dating lunan ng pagtatanghal, at nakakabitan ng mga diwaing maharlika, samantalang ang publiko ay mistulang sakop sa gayong halina. At ang mang-aawit ay nagiging pambihira, dahil ang taguri sa kaniya ay posibleng lampas sa kayang ipakita ng kaniyang talento sa pagtatanghal.

Ang pagpapangalan ay tumutulong upang matandaan ng madla ang isang personalidad. Maihahalimbawa ang mga ikonikong pangalan sa resling noong dekada 1980, gaya nina Ricky “The Dragon” Steamboat, George “The Animal” Steele, Jake “The Snake” Roberts, at Jimmy “The Superfly” Snuka, dahil kakabit ng mga pangalan nila ang konsepto ng hayop o insektong mabagsik at nakamamatay. Samantala, ang pagiging ilahas ay itatampok ng gaya nina Randy “Macho Man” Savage at Brett “The Hitman” Hart na hindi lamang guwapo at makisig bagkus maaasahang tirador sa loob ng lona. Ang paglalaban sa lona ay kapuwa isports at aliwan, at naging makulay dahil sa introduksiyon ng madulaing tagpo ng mga bakbakan at katauhan ng mga kalahok.

Hindi magpapahuli ang Filipinas sa kalakaran sa ibayong dagat. May “Living Legend,” “Fortune Cookie,” “Sky Walker,” “El Presidente,” at iba pang taguri na hindi lamang magpapasikat sa basketbolista bagkus magpapakilala rin ng saklaw ng Philippine Basketball Association (PBA) noong dekada 1970-1980. Ang pagpapakilala ay dapat ipapataw ng iginagalang na komentarista, gaya nina Joe Cantada at Ed Piczon, upang maging kapani-paniwala sa madla. Mauulit ang gayon sa bilyar, gaya ng Efren “The Magician” Bata Reyes; at sa boksing, gaya ng taguring “Pound for Pound King” kay Manny Pacquiao.

Pinakamalakas ang datíng ni Michael Jordan na tumulong nang malaki upang makilala ang brand ng sapatos na Nike. Dahil kay Jordan, ang Nike ay hindi naging ordinaryong gomang sapatos bagkus sapatos na kayang magpalutang sa eyre ng kaniyang mga panatikong tagasunod. Ang sapatos ay nagdaragdag ng prestihiyo at angas sa mga manlalaro kung hindi man tagahanga. Ang sapatos at basketbol ay nagkaroon din ng pagsasalikop ng katangian, at umabot hanggang ibang larang gaya ng moda, agham, siyobis, at politika. Ang ehemplo ni Jordan ang sinisikap pantayan ngayon ni Pacquiao, bagaman walang malinaw at konsistent na produktong isinusulong si Pacquiao kundi pain killer at serbesa.

Isang taktika ng propaganda ang pagpapangalan. Ang isang tao ay dapat mahusay at tinitingala sa kaniyang larang, at ang husay na ito ang lilinangin ng mga anunsiyante para ikabit sa isang produkto o simulain. Nagmimistulang ekstensiyon ng produkto ang tao, dahil ang katangian ng tao ay isinisilid sa produkto. Samantala, kinakailangan ang sari-saring pagdulog sa tao upang maging isang ganap na ikon. Kabilang dito ang paghuli sa tiyak na kilos o pagsasalita, kisig o ngiti sa publiko; o kaya’y paulit-ulit na pagpapamalas ng serye ng mga hulagway o salita gaya sa MTV video. Madaling magwakas ang pagiging ikon ng isang tao kapag pumusyaw ang halina ng personalidad, halimbawa sa sandali ng kabiguan o kasawian, o kaya’y natuklasan ang kapintasan ng produkto. O kung sumulpot ang bagong personalidad na tatabon sa kasikatan ng nauna sa kaniya.

Ang pagpapangalan ay estratehiya ng marketing, at dito matutunghayan kung paano ginagamit ang meme para bilugin ang isip ng madla. Ang meme ay maaaring jingle, poster, slogan, retrato, at kung ano-ano pang bagay. Nawawalan ng kakayahan ang isang tao na makapag-isip, wika nga ni Richard Dawkins, at masasagap niya ang isang diwaing lihis man sa lohika at saliksik nang parang ganap na katotohanan. Ang problema sa ganitong pangyayari, bagaman napapanatili ang kaayusan sa lipunan ay lumilikha naman ng mga saliwang pagtanaw sa daigdig palayo sa katotohanan. Halimbawa, gaano man kaganda ang sapatos na Air Jordan, hindi ito makatutulong upang humusay ka sa basketbol. Kailangan ang siyentipikong pagsasanay at talento, at kung minsan, suwerte upang tumanyag.

Maaasahan ang pagpapangalan sa panahon ng halalan. Ang politikong kandidato ay magiging laman ng palengke, kalye, ospital, paliparan, pamayanan, at kung saan-saang lugar. Kailangan niyang magpamalas ng partikular na imahen, gaya sa pananamit at pagsasalita, at ang imaheng ito ang ikakabit sa pagpapangalan na kaugnay ng meme. Kung hindi ito gagawin ng kandidato, maaaring malaglag siya sa sarbey at langawin ang kaniyang kandidatura. Samantala, malaki ang gagampanang tungkulin ng mga partido politikal ng bansa, dahil magsusulong ito ng mga adyenda para sa susunod na administrasyon sakali’t magwagi sa halalan. Kung ang kandidato ay mananatiling nakakahon sa pagpapangalan, ang mga plataporma de gobyerno ay maaaring matabunan sa kampanya, at nakapanghihinayang na hindi makaiigpaw ang halalan sa mababaw na pamumulitika.

Bighani ng Infomercial

“Infomercial” ang isa sa mga bulaklak ng dila na katumbas ng “propaganda” bagaman malayang pabulaanan ito ng mga kandidatong politiko sa darating na halalan 2010. Mula sa pinagsanib na mga salitang “information” at “commercial,” ang bagong imbentong salita’y nagkaroon ng pambihirang bisa sa bokabularyo ng taumbayan dahil ito ang ginagamit na palusot ng mga politiko upang maisahimpapawid sa radyo at telebisyon, o kaya’y mailathala sa mga pahayagan at internet, ang kanilang pangalan, bisyon, programa, at kung ano-ano pang interes at pinagkakaabalahan. Kung ang komersiyal ay maituturing na paningit at pang-aliw sa pagitan ng mga programa sa radyo o telebisyon, ang komersiyal na ito ay binihisan ng sariwang pakahulugan para tanggaping “impormasyon” na mahihinuhang nakabalatkayong pagbilog sa ulo ng publiko sa masining na paraan.

Sa pamamagitan ng infomercial, ang isang lawas ng kaisipan ay naisasalin nang buo sa isipan ng madla nang animo’y walang panganib. Tinatawag na meme (“mim”) ni Richard Dawkins, ang isang diwain ay kahawig ng gene na kayang magparami nang kusa at magpalaganap mulang isang kultura tungong ibang kultura; o kaya’y maitutulad umano sa virus na pumapasok sa selula at doon nagpaparami hanggang mamatay ang selula; o virus na sumisira ng programang pangkompiyuter.  Sa Filipino, ang pinakamalapit na katumbas ng meme ay “salindiwa” na pinagdugtong na mga katagang “salin” at “diwa” at siyang unang ginamit ni J. Vibar Nero bilang pamagat sa isang babasahin sa hanay ng network ng mga di-gobyernong organisasyon.

Halos walang nababago sa pagsasalindiwa. Ang diwaing ipinapasa mulang isang tao tungong ibang tao ay umaayon sa hubog ng pinagsasalinang isipan. Ang salindiwa ay lumalaganap nang mababaw na pangangampanya, at hindi nakapagdudulot ng kapangyarihan sa madla upang mag-isip nang matalas.  Sa panig ng infomercial, ang pagiging payak nito, gaya sa wika, musika, at imahen, ang nagiging kapangyarihan nito, upang tumalab sa isip ng malawak na lipunan ang ipinahahayag ng politiko. At sa oras na pumasok sa isip ng sinumang tao ang infomercial, dito magsisimula ang parang lorong pag-uulit ng awit o slogan, gaya ng matutunghayan sa panggagaya ng mga paslit, habang natatabunan ang plataporma de gobyerno ng mga partido politikal.

Kung hihiramin ang “salindiwa,” ang infomercial ay maaaring makapagpalaganap ng kaalaman sa isang ahensiya, gaya sa pabahay, edukasyon, kalusugan, at pamahalaang lokal, ngunit ang kaalamang ito ay posibleng nakaayon din para mapanatili sa kapangyarihan ang opisyales ng pamahalaan. Ang infomercial ay maaaring maghayag na may natatago palang programa at proyekto ang pamahalaan (na lingid sa madla), na kinakailangan lamang mabatid para tangkilikin ng taumbayan. Ipinakikilala rin ng infomecial kung sino ang mga politiko na nasa likod ng ahensiya, at siyang makapagpapakalat ng kaalaman hinggil sa pagkakakilanlan sa kanila.

Mapanganib ang salindiwa dahil ang infomercial ay nagpupukol ng mga diwain ngunit walang matibay na paliwanag para suhayan ang gayong mga pahayag. Halimbawa, nauso noon ang sigaw ni Mar Roxas na “Lalaban tayo!” ngunit kung paano ay malabo dahil ang paglaban sa kahirapan o korupsiyon ay hindi nakukuha sa pagpapatakbo ng traysikad, o pagtatanong sa mga musmos na hindi sapat ang kabatiran sa buhay. Kung lalaban man si Roxas bilang ikalawang pangulo ay lalong malabo dahil karaniwang ang ikalawang pangulo ay gumaganap lamang ng sekundaryong papel kung babalikan ang nakaraang rekord ng mga naging ikalawang pangulo.

Sa isang talumpati ni Sen. Miriam Defensor Santiago, binanggit niya ang mga kasapi ng gabinete at iba pang opisyal na lumulustay ng pondo ng bansa para sa kani-kaniyang infomercial. Heto ang binanggit ng butihing senador, batay sa pagtatasa ng Commission on Audit noong 2008–2009:

1. Chair Augusto Syjuco, Tesda – P28.3 M
2. Mayor Jejomar Binay, Makati – P23.4 M
3. VP Noli de Castro, OVP, Pag-ibig/HDMC, HUDCC – P18.1 M
4. Chair Efraim Genuino, Pagcor – P14.1 M
5. Sec. Francisco Duque, DOH – P13.2 M
6. Chair Bayani Fernando, MMDA – P 7.4 M
7. Sec. Jesli Lapuz, DepEd – P 5.7 M
8. Sec. Hermogenes Ebdane, DPWH – P 3.8 M
9. Sec. Nasser Pangandaman, DAR – P 2.4 M
10. Sec. Ronaldo Puno, DILG – P .9 M

TOTAL P117.7 M

Wala pa sa naturang talaan ang mga senador na gumastos mula sa sariling bulsa o sa tulong ng mga kaibigan para makapagsahimpapapawid ng infomercial. Kung ang isang infomercial ay nagkakahalaga ng kalahating milyon katumbas ng ilang minuto o segundong pagsasahimpapawid, mahihinuhang kumikita na ng malaki ang mga network ng telebisyon at radyo. Napakalaking salapi ang nalalagas sa kabang-yaman ng pamahalaan, ngunit kung ito man ay may epekto sa mabilis na paghahatid ng programa ay dapat pang siyasatin ng publiko.

Kung iisipin, ang kabuuang halaga ng infomercial ay maliit na bahagi lamang kung ang kapalit ay pagwawagi sa halalan. Sa pamamagitan ng salindiwa o meme, ang mito ng katauhan ng politiko ay napapanatili. Nalilinis ang dungis, dugo, at dangal ng kandidato, at maaaring magtagal ang gayong imahen sa buong panahon ng kaniyang panunungkulan hangga’t hindi sumusulpot ang panibagong serye ng akusasyon at pagbubunyag mula sa kalabang panig o politiko. Higit pa rito, nawawalan ng lakas ang taumbayan na mag-isip, at magpasiya nang matalas at marapat. Ang paulit-ulit na pukol ng nilikhang impormasyon ay nagiging makatotohanan kahit kabulaanan, gaya ng halimbawa ng mga talumpati ni Sen. Panfilo M. Lacson.

May bisa ang infomercial lalo sa mga gumon sa panonood ng telebisyon o kaya’y sa sinumang altanghap ang pakikinig sa radyo. Ang infomercial ay walang pakialam sa mga plataporma de gobyerno ng mga pangunahing partido politikal, dahil hindi yaon pakikinggan ng mga mainiping tagapakinig o manonood. Ang infomercial ay nakatuon sa panlabas na anyo ng tao, gaya ng ginagawa ni Kal. Ronaldo Puno, na binanggit ang sinaunang kawikaan: “Kung ano ang Puno ay siyang bunga.” Kung ang puno ay nababahiran ng paratang ng malawakang pandaraya sa eleksiyon, gaya ng dagdag-bawas at siyang tinutuligsa ni Sen. Santiago, ang sinumang lililiman ng Punong ito ay makatitiyak ng pagwawagi. Subalit maaaring salindiwa na naman ito, na dapat seryosohing imbestigahan, at pagbulayan, ng buong sambayanan upang maiwasan ang dayaan.

Propaganda ng mga Insurekto ng Himagsikan

Isang tula, na pinamagatang “Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa Kastila” ang nalathala sa Pagsasarili noong 1947. Ang Pagsasarili, na kombinasyon ng kalendaryo at almanake, ay hinalaw at sinulat ni G. Mamerto Tianco. May 84 pahina ang nasabing lathalain, at ang maganda’y may lahok doong dagli, dula-dulaan, sanaysay, balita, kawikaan, bugtong, kalendaryo, almanake, aliwan, pagkain, at iba pa.

Matagal ko nang iniingatan ang tulang nabanggit, at nais ko ngayong ibahagi sa mga kabataang patuloy na inuusig ng awtoridad dahil sa kanilang ipinaglalaban para sa bayan. Ang tula’y nasa sinaunang baybay ng Tagalog, at lalapatan ko ng bagong pagbaybay upang madaling maunawaan. 

Ang tulang “Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa kastila” ay sinulat ng makatang nagtago sa sagisag panulat na “Soliman.” Ang “Soliman” ay hango sa salitang Arabe, na katumbas ng “Solomon” sa Ingles.  Taliwas sa pamagat, ang tula’y hindi karaniwang propaganda lamang, dahil ikinukubli ng tula sa pamamagitan ng pahiwatig ang mga ginawang pang-uusig ng mga Kastila sa mga manghihimagsik na Tagalog. Ang mga manghihimagsik ay tatawagin noong “insurekto,” “rebelde,” “magnanakaw,” “taksil,” at “tulisan,” ngunit ang gayong pananaw ay mula sa banyaga. Para sa mga Tagalog noon, ang mga manghihimagsik ay “bayani” at patutunayan ito ng kanilang wagas na pagsasakripisyo ng buhay upang lumaya ang sambayanan.

Dapat ding tandaan na ang Tagalog o ang Katagalugan noon ay hindi ginagamit sa panrehiyong aspekto, gaya ngayon. Ayon kina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, ang Katagalugan ay sumasaklaw sa buong bansa, at ganito ang isasaad kahit sa Vocabulario de la lengua tagala (1860)  nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.

Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa kastila

Kailangan pa kaya na aming tawaguin
at taghoy taghuyan ang iniyong damdamin?
kila ba kaya ang mga pagbaril
sa mga kalahing kung sabihi,i, taksil?
O tulisan kaya kundi magnanakao
tayong sinisiil sa sariling bayan
ang ibig magtangol ng ating katuiran
ang Ley ng bala,’i siyang pinaiiral?
Sundalong tagalog sa ganitong sakit
gawa ng kastila,i, bakit natiti[i]s?
huala kaya kayong ama o kapatid
na isa sa madlang ngayo,i, inuusig?
Kung huala man nito,i., dinasasalahan
sa nanga sa bundok kahit isang pinsan
ang tagalog kaya,i, iniyong natitingnan
hulihi,t, pataing parang hayop lamang?
Nasaan ang awa,t, nasaan ang habag
nasaan ang iniyong tunay na paglingap
kaming inu-usig sa lahat ng oras
hindi kaya tantong kababayang lahat?

 Na maisasalin sa bagong ortograpiya sa ganitong paraan:

Kailangan pa kaya na aming tawagin
at taghoy-taghuyan ang inyong damdamin?
Nakilala ba kaya ang mga pagbaril
sa mga kalahing kung sabihi’y taksil?
O tulisan kaya kundi magnanakaw
tayong sinisiil sa sariling bayan
ang ibig magtanggol ng ating katwiran
ang Ley ng bala’y siyang pinaiiral?
Sundalong Tagalog sa ganitong sakit
gawa ng Kastila’y bakit natitiis?
Wala kaya kayong ama o kapatid
na isa sa madlang ngayo’y inuusig?
Kung wala man nito’y di na sasalahan
sa nangasa-bundok kahit isang pinsan
ang Tagalog kaya’y inyong natitingnan
hulihi’t patayin parang hayop lamang?
Nasaan ang awa’t nasaan ang habag
nasaan ang inyong tunay na paglingap
kaming inuusig sa lahat ng oras
hindi kaya tantong kababayang lahat?

May tiyak na kausap ang persona sa tula. At mahihiwatigang ang kinakausap niya’y ang madla na kung hindi nananahimik, ay isinasantabi ang ginagawang kabagsikaan ng mga banyagang Kastila.  Hinihimok din ng persona na mag-alsa ang kaniyang kausap, at huwag hayaang apihin ng mga banyaga ang mga kababayang Tagalog.

Payak lamang ang tula ngunit nakakikilabot pa rin hangga ngayon. At kung babalikan ang mga paratang na paglabag sa mga karapatang-pantao sa administrasyong ito, parang nauulit, o inuulit lamang, ang agos ng kasaysayan.