Sulat ng Dayaray, ni Noshi Gillani

mga tula sa wikang Urdu ni Noshi Gillani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SULAT NG DAYARAY

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Maisusulat nito ang taglagas bilang tagsibol
Upang itumbas ang tagsibol na paghihintay.

Ngayong ang dayaray ay natutong sumulat,
Maisasalin nitong sumpa ang paglalagalag
At sumpain ang matatapat sa matwid na landas.

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Ang pagtitipon ay mailalarawang paglilipat;
Ang pag-ibig ay maisasaling kahinaan,
At ang punongkahoy ay mawawalan ng lilim.

Ngayon ay hihipan ng dayaray ang mga ilawan,
Magpupugay sa takipsilim, iwawaksi ang liwayway.

O, lahat kayong nagturo sa dayaray na sumulat!
Ngayon, ang dayaray ay natuto nang sumulat.

NAGBABAGO NG HIHIP ANG HANGIN

Alam mo bang
Nagbabago ng hihip ang hangin?
Iiwan ng mga ibon ang pugad sa madaling-araw
At malilimutan ang landas pabalik.
Minsan sa tagsibol, nagkakasanga ang puno’t
Nalalagas ang mga dahon bago pa ang taglagas;
Gaya ng mga landas na tinahak ng aking buhay
Na tinangay kung saan at parang alikabok
Ang kakaibang ngiting humuhugis sa labi mo.
Wiwikain mong, “Ano ang bago?”
Sa anumang bagay sa kuwento, at tutugunin kang
Ikaw ang bago,
Alam mo ba?
Ngunit paano mo mababatid ito?
Ang kanlungan ng iyong pag-ibig at pananalig
Ay maaaring hipan palayo na parang alabok
Dahil nagbabago rin kahit ang hihip ng hangin.

Pugad, ni Seamus Heaney

salin ng tulang “Nesting-Ground” ni Seamus Heaney.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PUGAD

Ang mga pugad ng mga balinsasayaw ay mga bútas ng karimlan sa gilid ng ilog. Naguguniguni niya ang kaniyang kamay na pumapasok doon hanggang kilikili, may mahabang manggas at tuwid na tuwid, ngunit minsan niyang nadama ang malamig na tusok ng kuko ng patay na layang-layang at tinitigan na lamang niya ang nakagugulat na densidad ng maliit nitong tuka.

Narinig niya ang siyap sa malayo dahil ipinakita sa kaniya minsan ng mga lalaki ang dimón ng daga sa puwitan ng mandala na ang mga dayami at balát ng mais ay pawang nakadikit sa mamasa-masa, mamula-mulang leeg at likod.

Nang tumindig siyang gaya ng talibang tumatanaw, naghihintay, naisip niyang idikit ang kaniyang tainga sa isa sa mga abandonadong bútas at pakinggan ang hugong ng katahimikan sa pusod ng lupa.