Mga Susi ng Kaharian, ni Lang Leav

Salin ng “Keys to the Kingdom,” ni Lang Leav ng Cambodia at Australia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Susi ng Kaharian

Kapag tinanong ng isang totoy kung ano ang pangalan mo, huwag mo itong ibigay. Bibigkasin niya ito pabalik sa iyo sa tinig na gaya ng graba at pulút, at pananabikan mo ang kaniyang magagaspang at matatamis na kamay. Ngunit hindi ka isang dalagitang nagtitindig ng kaniyang bahay mula sa mga patpat; isa kang moog, sutíl, malakas. Huwag ibigay ang mga susi ng kaharian sa sinumang hindi naman hari.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination. Photo by Silas Köhler @ unsplash.com

Karabana ng mga Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Karabana ng mga Tanong

Roberto T. Añonuevo

Noong inagaw mo
ang aming gatas
at pulut
at kinulimbat
ang templo
at gunita,
makikisalo ka rin ba
kung maghapunan
kami ng sopas
na bato’t
ginataang
buhangin?
Noong inagaw mo
ang aming gubat
at tubigan,
magtataka ka ba
kung mangarap
kami ng lungsod
at ospital?
Kung marupok
ang aming
gobyerno’t
maikli ang pisi,
bakit hindi kami
sasandig
sa mga pangako
ng ayuda
o pautang mo?
Kung ikaw
ang bantayog
ng batas
at seguridad,
bakit kami
ibinubusa
sa digmaan
at kudeta?
Kung kami
ay mga tulak
at adik,
bakit ikaw
ang nakikinabang
sa merkado
ng opyo’t damo?
Kung kami
ay mga kriminal,
bakit mo kami
pinararami
sa matematika
ng lason
at pulbura?
Kung kami
ang libong libog
na lapastangan,
bakit binibiling
laruan
ang aming kabiyak
o kabataan?
Kung kami
ay walang kuwenta’t
batugan,
bakit kami
magpapaalila
sa iyong pabrika
o pasugalan
o kusina?
Kung ang aming
teritoryo’y
sinakop mo,
bakit matatakot
kung lumampas
kami sa bakod
ng Mexico?
Kung hindi man kami
Amerikano,
bakit pa kami tatawagin
bilang kapuwa tao?
Kung kami’y hampaslupa’t
mangmang,
bakit itatanong sa amin
ang demokrasya,
ang kasarinlan,
ang kung anong
katarungan?
Ano kung tumawid kami
ng bundok at ilog,
lumakad sa bubog o apoy,
matulog sa daan?
Ano kung kami’y
lagnatin,
at masawi
nang di nakikita
ang mga pader mo?
Kung kami
ang mga liping
isinumpa’t itinakwil,
kung kami
ang mga banyagang
isinuka
ng aming
mga bayan,
kung kami
ang mga bakwet
mula sa digma,
kalamidad,
at taggutom,
bakit ka matatakot
kung kami
ngayon
ay kumakatok
sa pinto
ng pag-asa?
Bakit ka
magtatanong
sa ugat
ng aming ilahás
na karabana,
sa aming
nagkakaisang
pakikibaka?
Bakit ka
masisindak
sa gramatika
ng libo-libong
kondenadong
kaluluwa?

water nature branch snow winter fence barbed wire black and white white photography vintage frost cable wire ice color weather monochrome season twig close up blank ants freezing macro photography monochrome photography outdoor structure wire fencing home fencing