Ang Bayabas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bayabas

Roberto T. Añonuevo

Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”

Alimbúkad: World-class poetry within your reach. Photo by Adrian Lang on Pexels.com

Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Kagubatan ng Marmol, ni María Negroni

Salin ng “Los bosques de mármol,” ni María Negroni ng Argentina

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kagubatan ng Marmol

Nakatadhana ako para kay Napoléon. Nasa digmaan ang bansa, at ang mga lansangan ay nag-aalab sa mga gusgusing babae, umiingit na karo, at di-maunawang hiyaw. May pahiwatig ng naunsiyaming kadakilaan, ang mamula-mulang aninag sa mga tigang na mukha. May taksing dapat maghatid sa akin sa kampo, at maikli ang oras. Tinawid namin ang mga nakalululang abenida at pagdaka, ang walang tinag, simetrikong kagubatan, ang kagubatan ng linlang at katahimikan, ang mga bunged na naliligo sa mapusyaw na sinag, ang mga bisig at ugat na balisang umaabot paitaas, nakatindig gaya ng mga estatwa, o mga ugat sa ilalim ng marmol na balát. Naroon ako sa malawak na parke ng mga punongkahoy na tao. Doon sa dambuhalang puting libingan.  At ang mga ngiwi’y tila binabalikan ang nakaririmarim na gunita, at nilalamon ng pagnanasa ang kanilang mga mukha. Nanginginig (nang hindi umiiwas ng tingin), ako’y sumulyap sa pangwakas na punongkahoy, ang higanteng fetus, ang ulo ng tao sa katawan ng bulate.

“Maghreb,” sambit ng tsuper ng taksi, “ang eskultor ay nagngangalang Maghreb.”

Sinabi ko sa kaniya, sa umaalagwang tinig, na ibig ko nang umuwi, at ibalik ako sa aking bahay. Nagmakaawa ako sa kaniya. Ang tsuper, na hindi natigatig, ay ni hindi man lang umimik.  

Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through translation. Photo by carol wd on Pexels.com

Makalupang Himig

 Salin ng “Nyanyian duniawi,” ni W.S. Rendra ng Indonesia
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Makalupang Himig
  
 Habang katabi ng ubaning mayamang babae ang buwan,
 hinihimas ko naman ang isang dalaga sa manggahan.
 Ilahás at maalab ang kaniyang puso
 na káyang yapakan at lapastanganin ang gutom at uhaw.
 Dahil sa labis na kahirapan ay sinikap naming abutin 
 ang dilim at inihiyaw ng aming anino ang alab ng himagsik.
 Ang kaniyang mabagsik na halakhak
 ay lalo lámang ikinalugod ng aking dibdib.
  
 Sa lilim ng mga punongkahoy
 ay kumikislap ang kaniyang katawan
 gaya ng bulawang usa.
 Ang kaniyang namumurok na súso
 ay bagong pitas na manibalang na bunga.
 Ang halimuyak ng kaniyang katawan
 ay gaya ng sariwang mga damo.
 Niyakap ko siya
 nang tila yumayapos sa búhay at kamatayan,
 at ang kaniyang mabilis, humahabol na paghinga
 ay mga bulóng sa aking tainga.
 Namanghâ siya
 sa bahagharing nasa ilalim
 ng may tabing na talukap ng mga mata.
  
 Ang aming sinaunang mga ninuno’y
 nagsilitaw sa gitna ng karimlan,
 lumapit nang lumapit sa amin
 at suot ang gulanit na mga damit,
 sakâ tumalungkô
 habang kami’y matamang pinagmamasdan. 
Alimbúkad: Poetry passion typhoon. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Ilang Silbi ng Dahon, ni Don McKay

Salin ng “Some Functions of a Leaf,” ni Don McKay ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ilang Silbi ng Dahon

Bumulong. Pumalakpak sa hangin
at ikubli ang pipit.
Hulihin ang liwanag
at paganahin ang payak na gayuma ng fotosintesis
(paumanhin, ginoo, kung isa lamang ang salita)
na nagpapabanyuhay dito na maging kahoy.
Maghintay
na handang magpakain
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at maging pagkain.
Mamatay nang may estilo:
gaya ng punongkahoy na umurong sa loob ng sarili,
ipinipinid ang mga balbula
sa mga galamay nito
. . . . . upang gutumin sa teknikolor, at pagkaraang
magsilbi nang dalawang oras sa tumpok ng dahon
ng mga bata ay marahang
kakanawin ang mga bitamina nito tungo sa lupa.

Upang maging alagad ng sining ng mortalidad.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Vanessa von Wieding @ unsplash.com

Masamang panahon sa pagtula, ni Bertolt Brecht

Salin ng “Schlechte Zeit fiir Lyrik,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Masamang Panahon sa Pagtula

Oo, alam ko: tanging ang masayang tao
ang naiibigan. Ang kaniyang tinig
ay masarap pakinggan. Mukha niya’y guwapo.

Ang nalumpong punongkahoy sa bakuran
ay nagpapakitang tigang ang lupa, ngunit
inaabuso ito ng mga nagdaraan dahil lumpo,
at nararapat lamang.

Lingid sa paningin ang mga lungting bangka
at sayaw ng layag na pumapagaspas.
Tanging nakikita ko roon ang mga punit
na lambat ng mga mangingisda.
Bakit itinatala ko lámang
na ang nayon ng babaeng edad apatnapu
ay hukot na naglalakad?
Ang mga súso ng mga dalaginding
ay maligamgam pa rin gaya noon.

Sa aking pagtula, ang isang tugma
ay waring halos nakaiinsulto sa akin.

Nagtatagisan sa kalooban ko
ang galak sa punong mansanas na lumalago
at ang suklam sa mga talumpati ng pintor.
Ngunit tanging ang ikalawa
ang humahatak sa aking nupo sa eskritoryo.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Dariusz Sankowski @ unsplash.com

Dalawang hiwaga, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Paisaje” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin

Tuwing gabi
ang parehong punò
ay naghihintay sa landas
ng parehong kawan ng mga pipit.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Patrick Hendry @ unsplash.com

Salin ng “Tuwin Malen,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tuwin Malen*

Bumaba ako mula sa madaling-araw,
ako ang instinto at deliryo,
ang silakbo ng mga panaginip
na naglaho sa pagkabagay,
ang nahihimbing na katahimikan
sa dagat ng pagsisimula,
ang liwanag ng gabing
lumulunod sa iyong dugo.

Halika, tawirin
ang mga siglo ng liwanag,
ilapit sa akin ang tamis ng iyong dila,
ang mga talutot at apoy na sumisiklab,
ang mga mariposang tumatakas sa ulop
at alingawngaw,
ang karimlan ng kagubatang
naghihintay sa nagbubunyag na talà.

Lumapit
ngunit huwag maging lapastangan
umiwas kahit bumulong
mahihipo mo ang kailaliman sa loob ko,
at naroon sa pusod ang mga pangamba ko.
Bawat panganorin ay nagtataglay ng liwayway.
Bawat hiwaga ay mga ugat ng pinagmulan.

Ako ang hangin at bato
ang malamig, puting álong umaagnas sa katiyakan,
ang halimuyak ng pulut at mansanas,
ang namumukadkad at malusog na langit ng buwan
at ang kalat-kalat na mga bituin
sa lupain ng mga pangarap.

Halika, masdan ang karimlan
sa aking mga mata
at marahang lagukin
ang hiwaga sa aking buhok,
ang hubad na dunong ng aking labì,
titigan ang hubog ng aking katawan
ngunit huwag hawiin ang lambong
ng aking pag-iisa nang walang alaala.

________
*Ayon sa katutubong Mapuche ng Chile, ang Tuwin Malen ay maalamat na diwata na naninirahan sa mga lawa at nang-aakit sa mga lalaki na pagkaraan ay tatangayin nang bigla upang mamuhay sa nasasakupan nito.

Alimbúkad: Imagining poetry across borders. Photo by Roberto Nickson @ unsplash.com

Larawan ng Panahon, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Weather Picture,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ng Panahon

Kumikinang nang malamig ang dagat Oktubre
Nang taglay ang palikpik ng mga espehismo.

Walang anumang natitira ang nakagugunita
Sa mga puting pagkahilo ng karera ng mga yate.

Kumukuti-kutitap sa nayon ang mainit na bága.
At lahat ng tunog ay napakabagal ang lipad.

Ang tahol ng aso ay isang anyo ng heroglifiko
Na ipininta sa hangin sa ibabaw ng hardin

Na ang dilaw na bunga ay ano’t nauutakan
Ang punongkahoy, at nalalaglag nang kusa.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Wabi Jayme @ unsplash.com

Líbas, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Ива,” ni Anna Akhmatova ng Ukraine at Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Líbas

At lumaki ako sa nakapadrong kapayapaan
Sa malamig na silid ng mga bata nang nasok ang siglo.
At hindi ko ikinalugod ang mga tinig ng tao,
Bagkus ang tinig ng hangin na aking nauunawaan.
At minahal ko ang mga amorseko at lipang-aso
Ngunit higit sa lahat, itinangi ko ang pinilakang líbas.
At nagpapasalamat na nabuhay ito nang lubos
Sa piling ko, nang tumatangis ang mga sanga
Na pinapaypayan ng aking di-makaling panagimpan.
Nakakaasiwa! Nahigitan ko ang buhay nito.
Naroon ang tuod, at ang banyagang mga tinig
Ng iba pang líbas na nagsasalita nang ganito o ganoon
Sa lilim ng ating matandang kalangitan.
Ngunit napatatahimik ako kapag yumao ang kapatid.

Líbas [Willow]. Retrato ni Francisco Delgado @ Unsplash.com

Mga Limon, ni Eugenio Montale

Salin ng “I limoni,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Limón

Makinig sa akin, ang mga makatang lawreado
ay nakikilandas lámang sa mga halamang
may natatanging ngalan: bo, lipúk, o diliwariw.
Ngunit ibig ko ang mga daan sa madadamong
patubig na ang mga bata’y
sinasalok ang ilang gutóm
na palós mula sa halos matuyot na sanaw:
Mga landas na lumalampas sa mga tarundón,
palusong sa mahahalas na tambô’t nagwawakas
sa mga taniman, sa mga punong limón.

Mabuti kung ang alingayngay ng mga ibon
ay maglaho, at lamunin ng bughaw:
Higit na maririnig ang mga bulungan
ng mayuyuming sangang nilalandi ng simoy,
at ang mga pagdama sa ganitong samyo
ay hindi maihihiwalay mula sa lupain
at magpapaulan ng tarantang tamis sa puso.
Dito, sanhi ng kung anong himala, ang digma
ng mga balisang libog ay hinihiling na ihinto;
Dito, tayong dukha’y nakasasagap ng yaman,
na katumbas ng halimuyak ng mga limón.

Alam mo, sa ganitong katahimikan na ang lahat
ng bagay ay nagpaparaya at tila halos talikdan
ang pangwakas nitong lihim,
minsan, nadarama nating malapit nang
matuklasan ang mali sa Kalikasan,
ang putól na daán ng mundo, ang marupok na kawil,
ang hiblang kakalasin ang buhól na maghahatid
sa pinakapuso ng katotohanan.
Sinusuyod ng paningin ang kaligiran nito,
ang isip ay nagtatanong nagtutuwid naghahati
sa pabango na ano’t napapawi
sa pinakamatamlay na yugto ng araw.
Sa ganitong mga katahimikan ay makikita mo
ang kung anong Dibinidad
sa bawat mabilis mawalang anino ng tao.

Ngunit sumasablay ang ilusyon, at ibinabalik tayo
ng panahon sa maiingay na lungsod
na ang bughaw ay masisilayang mga retaso
sa itaas at sa pagitan ng mga bubungan.
Pinapagod ng ulan ang lupain pagkaraan;
pinagugulapay ng nakaiinis na taglamig
ang mga bahay,
kumakaunti ang sinag—pumapait ang kaluluwa.
hanggang isang araw, sa nakaawang na pinto
ng hardin, doon sa piling ng mga punongkahoy,
gugulantang ang dilaw na mga anitong limón;
at ang nakapanginginig na lamig sa puso’y
biglang matutunaw, at sa kaloob-looban natin,
ang mga ginintuang sungay ng liwanag
ay bumibirit ng angking taglay na mga awit.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity