Pulo ng Puson, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusón

Roberto T. Añonuevo

Nasísirâan ng baít káhit ang pinakámabaít pagsápit sa Pulô ng Pusón. Ang Pulô ng Pusón, na tambáyan ng mga kabatàan, ang magpapábulkán sa lahát ng báwal, ang babaklî sa mga pangakò, ang mághuhubád sa pagbabántulót hinggíl sa pagdulóg sa katawán. Maráming nalígaw díto at áyaw nang umúsad sa paniníwalàng hindî silá kailánman tatandâ at haháwak ng tagâ sa panahóng tungkód. Tuwíng kabilúgan ng buwán, nag-iínit ang mga aníno sa kahuyán, ánimo’y mga músang na nagkákalmútan, nakikíramdám, nagkákagátan, umuúngol sa sukdól ng kalígayáhan, tagláy ang timyás ng musíka at rubdób ng pagsukò sa kung anóng síning, sa kung anóng balanì, ngúnit walâ ni isáng magsasábing siyá’y nabábató at íbig umuwî. Sapagkát sa Pulô ng Pusón, ang bumubúlas ay hindî kailánman napipígil, gáya ni Miguel Panggígil, at kung pigílin man ay kakawalâ sa panagínip na párang bagyóng tinátangkâng ilihís ng mga sinaúnang pangáral at panalángin. Kapág sumápit ka sa poók na itó, maaarìng makíta mo ang hinahánap na músa sa anyô ng líbong diwatà, na báwat isá’y aakítin ka úpang patunáyan ang saríli, halímbawà, sa paggúhit ng laráwan o pakíkihámok sa digmâ o pagtátayô ng báhay o paglílináng ng bukirín. Ngúnit hindî ka nilá aángkinín; hahabúlin mo silá subálit kisápmatá siláng mawáwalâ. Maglálakád kang isinísigáw ang pangálan ng minámahál mo. Pagnánasáhan mo ang sinúmang kahawíg, katínig, katindíg ng lamán ng iyóng pusò, at nagpápabángon sa ilahás mong silakbô. Sa gayón, hindî ka matatákot at lalòng magigíng matigás ang úlo. Walâng katwíran ang pusò kundî tumibók, at tumibók nang tumibók, hanggáng sumápit sa lunggatî’t pangárap, na sa ibáng salitâ’y pag-íral. Lilikhâ ka ng maráming pusò na iisá ang itinítibók. Sasápit ka sa hanggáhan ng bangín, tátanawín ang mga álon na kinaróroónan ng umpúkan ng mga butandíng, na kung isínakáy man at iníhatíd ang mahál mo sa kung saáng pampáng ay pílit mo pa ring hahabúlin ng tingín o alíngawngáw, na maráhil ay magwawakas lámang sa pagbalì at pagdúkot sa saríling tadyáng úpang lumikhâ ng bágo’t rumáragasâng balangáy.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by ArtHouse Studio on Pexels.com

Pawikan, ni Roberto T. Añonuevo

 Pawikan
 
 Roberto T. Añonuevo
  
 Pahiram ng puso
 nang mapalitan ang palyado
 kong puso.
 Lumalangoy, lumulutang ang panahon 
 ngunit dibdib mo’y nananatiling
 artsibo ng mga barko at pulô——
 hindi mamatáy-matáy,
 sagupain man ang daluyong
 o habulin ng mga taliptip.
 Pahiram ng puso
 na dukutin man ng kumatay
 sa iyo at minsang paglaruan
 ay pumipitlag pa rin sa palad
 at tila sumisigaw ng kalayaan.
 Pahiram ng puso
 ngunit ilihim ang luha sa asin.
 Marami akong dapat ibigin
 bilang destiyero sa laot ng dilim. 
Alimbúkad: Poetry freedom, freedom poetry. Photo by Belle Co on Pexels.com

Hugis at Pag-ibig, ni Kalilah Enriquez

 Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Hugis
  
 kung ang mga puso’y
 may hugis lámang ng mga bituin
 at káyang maghayag ng kalidad
 ng bituing-dagat
 upang pasuplingin muli
 ang naglahong bahagi
 sa sandaling ito’y mabakli
  
 Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sabik Magmahal
  
 Heto ang aking mga lalaki.
 Makasarili ako sa piling nila
 at labis na mapagsanggalang
 sa atas ng pangangailangan.
 Nanaisin kong sabihin nilang
 ibig nilang mabuhay para sa akin
 kaysa mamatay para sa akin.
 Mamahalin ko sila habambuhay
 hangga’t makakaya ko.
 At kung hahayaan nila ako’y
 itatrato sila nang mabuting-mabuti.
 Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
 at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
  
 Ngunit malimit nila akong iniiwan
 kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
 hanggang maglaho rin siya. 
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Serpiyenteng Araw, ni Aimé Césaire

Salin ng “Soleil serpent,” ni Aimé Césaire ng Martinique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Serpiyenteng Araw

Serpiyenteng araw na matang bumalani sa aking mata
at ang dagat malasalot na may mga islang pinasabog sa mga daliri
ng apoy-pamuksang
mga rosas at ang aking buong lawas na kinidlatan
ang tubigang nagpaahon sa mga bangkay ng sinag sa naglahong pasilyo
mga buhawi ng lumutang na pilyegong yelong usok na putong
sa mga puso ng mga uwak
ang aming mga puso
ito ang tinig ng alagang kidlat-kulog na nagpaingit sa hugpong ng mga bangin
ang pagsasalin ng hunyango sa tanawin ng mga basag na salamin
ito ang mga bampirang bulaklak na lumalago para makaraos ang mga dapò
ang gamot ng sentral na apoy
apoy na sadyang apoy na gabí na punong-manggang hitik sa pukyot
ang aking mithing suwerte ng mga tigre na nagulat sa asupre
ngunit pagkapukaw láta ang nagpaginto sa sarili sa musmos na ambag
at ang aking katawang graba na kumakain ng isda ang kumakain
ng mga kalapati at pinahihimbing
ang asukal ng salitang Brazil sa kailaliman ng latian.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.

Maaliwalas na Gabi, ni Giuseppe Ungaretti

Salin ng “La notte bella,” ni Giuseppe Ungaretti ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maaliwalas na Gabi

Devetachi, 24 Agosto 1916

Anong awit ang umahon ngayong gabi
upang humabi
ng kristal na alingawngaw sa puso
sa piling ng mga bituin

Anong pista ang lumundag
mula sa nagagalak na puso

Naging sanaw ako
ng karimlan

Ngayon, gaya ng sanggol na sumisipsip
sa utong, ako’y kumakagat
sa espasyo

Ngayon, lasing na lasing ako
sa ninanamnam na uniberso

Ang Pangarap, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni  Roberto T. Añonuevo

1.
Ang mga pangarap, kapag ipinasok sa puso, ay mag-uutos sa iyo na utusan ang iba para wikain ang salitang hindi kaniya, gaya ng pagbabanat-anino sa diyaryo at magasin, upang ikaw ay makilala.

2.
Mapanganib ang pangarap, at para itong punsô ng milyong kulisap na gumagalaw dahil sa emperatris. At ang emperatris ay hindi karaniwang kulisap, sapagkat ito ang Maykapal, ang kinakanding Langit at naglalaway sa init, ang kinabukasan ng salinlahing allid at sintamis ng minapakturang pulut.

3.
Narinig mo ba o nabása sa isang makatang intelektuwal ang lunggati, at ikaw ngayon ang di-pamilyar na talinghaga na pinapalakpakan ng mga di-nakauunawa?

4.
Iyo ang salita o iyan ang opinyon mo; at ang lahat ng bagay na labás sa iyong katawan ay pawang kasangkapan tungo sa nakababalaning tinig—o ito’y makulit na panagimpan lámang?

5.
Ang salita: para maging gusali ang pandak, para maging dibino ang buhangin, at kung papalarin, para humalimuyak ang pangalang tigmak sa imburnal. Ikaw ang panginoon ng salita, at ang Salita, pagkaraan, ang aalipin sa iyo sa ngalan ng pangarap.

6.
Importante ang paghahanap ng puwáng o lihís, at garantisado sa iyong parirala na hindi ka pahuhuli nang buháy. Ikinahon mo ang mga pangalan sa kanilang panahon, at ang panahon mo ang ipinagmagarang Panahon ng Padron at Patron. Modernisasyon, wika mo, ang panghihiram ng hagdan, ang panghihiram ng dila na humihimod sa iyong nababatong utak.

Bakit mag-iimbento ng gulong kung káyang lumipad?

Gayunman, nakukuha sa sipag at tiyaga ang lahat, lalo’t nabibigong sumirit o dumuwal ang haraya.

8.
Kumikilos ka at ang gabi ay umaga at ang umaga ay likido na iniinom sa mithing pagbabago. Isang bisyon, na katumbas ang sining ng alagad ng pambihirang pagsisinungaling at pagpapalayok. O sabihin nang matalinghagang pagsasakataga mula sa misil ng Amerikano o satelayt ng Ruso, at walang dos por dos na sagisag na sinasagisag ang maikukulong sa iyong málay.

Sa usapang lasing, ito ang kaululan.

9.
Sapagkat kasangkapan ang lahat, at ang hagdan ay libong ulo at libong balikat, isang politika na ang sukdulan ay pananaig ng mga langgam sa di-kilalang bangkay. Ngunit hindi ba ito dapat ipagpasalamat? Walang Tore ng Babel kung walang mason o kargador, at kailangan ang kalansay tungo sa ikalulusog ng sabana.

10.
Maniwala sa iyo ay kay-bigat, na gumagaan sa indoktrinasyon, ngunit ang tiyanak na pasán ay langit kung ituturing na ikaw ang punongkahoy, na walang humpay sa pagtayog sa wagas na pagkatuod.

11.
Ang pangarap mo, kapag inulit-ulit, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka sa mga talumpati at talambuhay, ay kakatwang nagiging pala-palapag na mawsoleo ng mga de-kahong sertipiko at kuwintas ng mga papuri.

Kahit ikaw ay maiinis sa ganitong ritwal, ang ritwal na karaniwan at nakaugalian, ngunit dahil matayog ang pangarap mo, ang pangarap mo’y yutang bantayog sa mga kontinente ng kataga.

12.
Ikaw na nasa itaas ngayon ay hindi na abstraktong pangarap bagkus iniilawang atraksiyon ng mga kulay. Na hindi mo mawari kung dapat ipagpasalamat o ipagmaktol dahil malaya ka nang iputan ng mga ibon at ihian ng palaboy o askal: Ikatwiran man nila ang tawag ng kalikasan, o ikatwiran ang makalupang pagtatanghal.

purple green and yellow round mirror

Panggabing Simoy, ni Federico García Lorca

Salin ng “Aire de nocturno,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panggabing Simoy

. . . . . . .Nahihindik ako
sa mga patay na dahon
sa parang
na tigmak sa hamog.
Matutulog ako.
Kung hindi ako pupukawin,
iiwan ko sa tabi mo
ang malamig kong puso.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Isinuot ko
sa iyong bilugang leeg
ang mga hiyas ng madaling-araw.
Bakit mo ako iniwan
sa landas na ito?
Kapag nagtungo ka sa napakalayo,
umiiiyak ang aking ibon,
at ang lungting ubasan
ay magkakait ng alak.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Hindi mo mababatid,
espinghe ng niyebe,
kung gaano kita minahal
sa mga madaling-araw
na bumubuhos ang ulan
at nawawarat ang pugad
sa tuyot na sanga.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

Ang Balada ng Tubig-alat, ni Federico García Lorca

Salin ng “La balada del agua del mar,” ni Federico García Lorca (Federico del Sagrado Corazón de Jesús García) ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Balada ng Tubig-alat

Para kay Emilio Prados (kasador ng mga ulap)

Ngumiti sa malayo
ang dagat:
Mga ngipin ng bulâ,
mga labì ng ulap.

“Ano ang tinda mo, dalagang
balisa’t lantad ang suso?”

“Ginoo, ang tubig-alat!”

“Ano iyang humalò, binatang
negro, sa iyong dugo?”

“Ginoo, ang tubig-alat!”

“Saan nagmula ang maalat
na luha, inang?”

“Iniluha ko, Ginoo, ang tubig-alat!”

“Puso, ano ang bukál
ng labis na kapaitan?”

“Naglatag ng mapaít
na balabal ang tubig-alat!”

Ngumiti sa malayo
ang dagat:
Mga ngipin ng bulâ,
mga labì ng ulap.