Bahagi ng mahabang kasaysayan ng panitikang Filipinas ang paggamit sa tula bilang propaganda—kung hindi man programa—upang isulong ang ideolohiya ng isang kilusan o politika ng isang tao. Ang tula ay maaaring sipatin na bahagi lamang ng simulaing pampolitika, at yamang higit na makiling sa politika, ay hindi maaasahan dito ang mataas na uri ng estetika na posibleng hinihingi sa, o ipinapataw ng, sining. Ang estetikang maaasahan sa tula ay estetikang pampolitika, na sinisipat ang tula alinsunod sa linyang isinusulong ng partido imbes na malikhaing pagdulog na labas-sa-kumbensiyong indibiwalidad. Ang higit na mahalaga ay ang resultang pampolitikang mahuhugot sa tula, kung paniniwalaan ang partisanong makata, at ang tula ay nananatiling kasangkapan lamang gaya ng ibang materyal na bagay.
Ngunit ang tula ay higit sa kasangkapang pampolitika lamang. Ang tula ay maaaring magtaglay ng iba pang silbing higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay, at kabilang dito ang kasiyahan, kaluwagan, at kabukasan ng isip na pawang makapagpapataas ng pagkatao. Ang tula, bagaman kayang magbunyag ng tunggalian ng mga uri at magpasimula ng himagsikan, ay makapagpapamalas din ng mga halagahang taliwas sa tunggalian o himagsikan, na kahit hindi makalulutas ng suliranin ng daigdig ay makapagbubukas ng pang-unawa at kalooban ng karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin nito? Hindi maikakahon ang tula sa isang taguri lamang, gaya ng ibig ng ilang Marxista kuno. Ang pagtula ay hindi rin maikakahon sa dalawahang panig, na ang isang banda ay mabuti at puti samantalang ang kabilang banda ay masama at itim. At ang pagkasangkapan sa tula ay hindi monopolyo ng aktibistang makata, o dating aktibistang makata. Maihahalimbawa ang tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” (2009) ni Tomas F. Agulto:
Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin
1 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin
2 Wala po kayong utang na loob sa masa
3 Gawin lamang ninyo ang inyong trabaho nang mahusay
4 Pagkat ginagawa namin ang aming trabaho nang walang alinlangan.
5 Huwag nyo [sic] po kaming pagtatakpan ng ilong
6 Hindi po namin ikahihiya ang ligamgam ng putik
7 Basta sigurado ang sirkulasyon ng bigas
8 At sibuyas, bawang, paminta sa buong bansa.
9 Basta laging may masarap kayong pulutan at ihaw-ihaw
10 Basta hindi kakalawangin at laging full tank ang kotse nyo araw-araw.
11 Sumusuot kaming parang mga alupihan sa ilalim ng lupa
12 Pikit-mata po kaming nakikiraan sa mga bitak sa bato ng lindol
13 Upang matiyak ang variety ng mga alahas sa inyong tenga at daliri
14 Upang sari-sari ang inyong mapagpipilian sa Ongpin
15 O sa Ayala Alabang.
16 Kahit dinadaan na lamang namin sa tulog ang hapunan
17 Tiyak na may darating na bigas at mais sa pamilihan
18 Hindi kami makapandadaya sa kalidad ng mais at bigas,
19 Kung kulang man ang timbang ng mga sako sa tindahan
20 Hindi na namin iyan kasalanan.
21 Wala pong natitira sa amin anuman.
21 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.
22 Hinahabol namin sa palaisdaan ang [mga] bangos at alimango
23 Sinisisid namin sa look ang mga kabibi, sea urchin at maliputo
24 Tambakol galunggong bariles dilis tandipil at abo-abo
25 Kung dumating sa inyong pinggan ang isda at bilasa
26 At makati na sa dila, hindi na po namin yan kasalanan.
27 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.
28 Sinusupil namin ang kati, inis at himagsik sa mga pabrika
29 Nagbubuwis kami ng daliri o kung minsa’y buong kamay sa imprenta
30 Nagkakaulser, nagkakaTB at kataka-taka
31 Kung bakit maraming niluluslusan gayong ice-tubig
32 Lang naman ang madalas na laman ng tiyan.
33 Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran.
34 Hindi po ito pangungunsensya,
35 Hindi po kami umaasang kayo’y meron pa—
36 At hinding hindi rin ito pagbabanta.
37 Nagsasalita lang kami nang tahas, walang ligoy
38 Nagsasalita po kami tungkol sa mga bagay
39 Na aming nararanasan walang labis walang kulang.
40 Hinding hindi po kami makikipagtalo sa inyo nang basta-basta
41 Basta huwag na lang po kaming istorbohin sa bukid
42 Igalang po ninyo ang aming mabigat na pag-aantok
43 Saan man kami mahilata at abutan ng tulog
44 Hayaan ninyo kaming magpahinga.
45 Hayaan po ninyo kaming mapahinga.
46 Huwag ninyo kaming istorbohin sa pagpapahingalay
47 Nakangangawit din po kasi ang maghapong
48 Paghahasa ng itak at sundang.
49 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin.
Naglustay ng 388 salita sa loob ng 49 taludtod ang buong tula, kung tula mang matatawag ang nasabing akda. Payak lamang ang ibig ihatid nito: Huwag daw tulaan ng kung sinong makatang mahihinuhang burges ang pamumuhay ng mga anakpawis. Sasapit sa ganitong kabatiran kapag ibinukod ang dalawang panig. Una, ang panig ng personang nagsasalita na pabor umano sa mga dukhang mangingisda, magsasaka, at manggagawa. At ikalawa, ang panig ng kausap ng persona, na mahihinuhang negosyante, o kung sinong mayhawak ng kapangyarihan o kayamanan ng lipunan, at siyang isinasatinig ng makatang burges.
Kung uuriin nang maigi, ang winiwika ng persona ay tanging ang makatang nagmula sa uring anakpawis ang kayang tumula ng buhay ng mga anakpawis. Ang sinumang tutula hinggil sa anakpawis ngunit nagmula sa uring burges at naghaharing uri ay mabibigo, at maaaring maghatid lamang ng mga balighong interes na maaaring kinakatawan ng interes ng burgesya at naghaharing uri. Ang ganitong linya ng pag-iisip ay hindi na bago, at mahuhugot sa mga akda ni Jan Mukarovsky, at nagpapahiwatig lamang na ang kadakilaan ng isang likhang sining ay nakabatay sa halaga o pagpapahalaga na ipinapataw ng isang salinlahi tungo sa susunod pang salinlahi. Para sa anakpawistang persona, ang pagpapahalaga sa tula ay magiging makatotohanan lamang kung mula sa uring anakpawis, sakali’t ang uring anakpawis na ito ang maging dominanteng uri sa agos ng kasaysayan.
Nagmamadali ang ganitong pagbasa, at kailangan pang balikan ang tula. Sa unang unang saknong, nagpapayo ang pangmaramihang persona na huwag na daw tulaan ang mga anakpawis dahil “walang utang na loob sa masa” ang kanilang tiyak na kausap na makata. Gawin lamang daw ng makata [na burges] nang mahusay ang trabaho, dahil may trabaho din ang mga anakpawis. Ngunit ano ba ang trabaho ng makata? Hindi ba tumula? Ang pagtula nang matino ang pangunahing dapat asahan sa sinumang makata, at kung hindi bilib dito ang maramihang personang nagkukunwang anakpawis na tumutula rin, ang ganitong pagdududa ay dapat alamin pa nang malalim. Kung babalikan ang mga akdang Marxista, ang tula—o sabihin nang panitikan at sining—ay mula sa esperang pang-ideolohiya ngunit hindi kasintahas ng matatagpuan sa mga sistemang panrelihiyon, pambatas, o pampilosopiya. Maiisip dito na mababago lamang ang kamalayan ng taumbayan kung makikilahok ang uring anakpawis sa diskursong pampolitikang mailalahok sa tula; at hindi solusyon ang pagsasabing “huwag nang tumula ang mga makatang burges at elitista.”
Ang pagsasabing “huwag na kayong tumula hinggil sa amin” ay pasibong tugon sa diskursong inilalatag ng “naghaharing uri ng mga makata.” Wala itong inilalaang alternatibong hakbang na magbibigay ng katwiran sa himagsikang pangkaisipan at pang-estetika na pawang ibig salungatin ng anakpawistang persona. Kung ang estetikang silbi ng tula ay hindi maipapaliwanag kahit sa relatibong paraan sa panig ng anakpawistang persona, ang estetikang silbi ng tula ay mananatili lamang sa dati nitong lunan at mabibigong lumago para “para pagsilbihan ang masa.”
Sa ikalawang saknong, may pasaring ang persona hinggil sa prehuwisyo ng makatang burges laban sa mga anakpawis. Uulitin ang pasaring bilang retorikang pamamaraan sa mga taludtod 21, 27, at 33. Ngunit hindi ipinakilala nang maigi kung sino ang pinasasaringan. Upang maging kapani-paniwala kung may prehuwisyo mang ginagawa ang tiyak na kausap ng persona, ang tao na ito ay dapat ibunyag nang maipamalas ang diyalektikong ugnayan ng mga kaisipan at uring nagbabanggaan. Ngunit nabigong ipamalas yaon sa tula, at ang inilahad ay ang sawing kapalaran ng magsasaka, minero, tagalimbag, at mangingisda. Ang ganitong taktika ay matataguriang “epektong paawa” na nagtatangkang maging kalunos-lunos ang anyo o kalagayan ng uring anakpawis, sukdang maging romantisado, at ang sinumang kasalungat nitong uri ay magiging kontrabida. Laos na ang ganitong uri ng pagdulog sa tula, at kakatwang hindi nakapag-ambag kahit sa progresibong pakikibaka ng mga anakpawis.
Ang pahayag ng maramihang persona na “Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran” ay pagpapahiwatig na nag-aakusa nga ng ganito ang kanilang kausap. Ngunit may ganito ba talagang akusasyon ang kausap ng persona? Wala, dahil hindi matibay na naipamalas sa tula kung sino ang tarantadong kausap ng persona at kung bakit nag-aakusa sila nang gayon. Ang pahayag ng persona ay maaaring sipatin na nagmumula sa baliw—na nakaririnig ng kung ano-anong tinig—at animo’y pinarurusahan ng guniguning makata na walang isinusulong o ipinagmamatwid kundi ang interes lamang ng uring burgesya at elitista. Payak lamang ang ibig ipaunawa ng tula: Na ang uring pinagmulan ng anakpawistang persona ang nagtatakda ng kamalayan nito at siyang mahuhugot din sa linyang isinusulong ni Karl Marx. Wala umanong magagawa kundi maghimagsik. Sa tula ni Agulto ang kondisyon ng paghihimagsik ay mababaw ang pagkakalugar sa agos ng kasaysayan, at ang konteksto ng anakpawistang persona ay nabigong maitampok ni maipahiwatig sa tula.
Binanggit sa taludtod 34 na hindi raw pangungunsiyensiya iyon ng persona sa makatang burges. Nagsasalita lamang daw ang persona nang tahas at batay sa karanasan “nang walang labis at walang kulang.” Ngunit hindi ito totoo. Ang pagsasalita ng persona ay hitik sa ligoy, at ang mga pasaring ay lihis na lihis sa pinatutungkulan. Ang persona—na nagtatangkang kumatawan sa uring manggagawa, magsasaka, mangingisda, minero, at dukha—ay nabigong maitampok sa kapani-paniwalang pamamaraan ang buhay ng anakpawis na inapi o kinawawa ng makatang burges sa mahabang panahon. Ang akusasyon ng “pandaraya at katamaran” ay isang meme na ipinalalaganap ng mga telenobela at sinaunang kuwentong komiks, at kung ito man ay gagamitin sa tula ay dapat higit na mabalasik at matindi na kayang rumindi sa sensibilidad ng mambabasa o makatang burges na pinatutungkulan. Kaya ang pahayag na “huwag ninyo kaming tulaan” ay sampal na bumabalik sa persona at hindi sa pinatutungkulang makatang burges.
Ang problema sa akda ni Agulto ay hindi naibukod ang “makatang burges” sa “uring burgesya” o “naghaharing uri” na patuloy na naghahasik ng pang-aapi at pandurusta sa mga anakpawis upang manatiling anakpawis ito sa habang panahon at manaig lamang ang naghaharing interes. Kung ang makatang burges ay siyang may kontrol sa produksiyon ng materyal na bagay sa lipunan, kabilang na ang panitikan, ito ang dapat linawin sa tula. Paano natitiwalag ang persona sa mga makatang burges? At paanong ang mga makatang burges ay nakapaghahari sa lipunan kahit sa puntong pagbilog sa kamalayan ng taumbayan? Hindi ito sinagot sa tula. Ang makatang burges ba ay “nang-iistorbo sa bukid” o baka naman ang tinutukoy ay “panginoong maylupa” lamang? Bagaman sinasabi ng persona na hindi ito “nagbabanta” sa tiyak na kausap ay mahihinuhang gayon ang ibig nitong ihayag, lalo kung sasapit sa mga taludtod 47–48 na hinggil sa maghapong “paghahasa ng itak at sundang” na pahiwatig ng pag-iisip ng madugong krimen.
Maitatanong: Para saan ang maghapong paghahasa ng itak at sundang? Para sa pahiwatig ng anakpawistang himagsikang mala-milenaryo? Sayang ang ganitong pagtatangka, dahil marupok at mababaw ang pagsusuri ng persona hinggil sa mga pangyayaring pampolitika, pangkabuhayan, at pangkultura sa lipunan. Kung may himagsikan mang ibig ang persona, ito ay dapat nakatuon sa pagbasag sa mga kumbensiyonal na pananaw ng pagiging anakpawistang makata, at anakpawistang kaligiran sa lipunan. Maaaring basagin din ng persona ang kumbensiyonal na pananaw ng makatang burges, ngunit ang masaklap, ang mga isinaad na hulagway patungkol sa makatang burges ay lumang-luma at pinagkakitaan na noon pa mang dekada 1970–1980 ng mga aktibistang makata.
Kung babalikan ang tesis ng tula, de-kahon ang pananaw na “hindi kayang tulaan ng mga makatang burges” ang buhay ng mga anakpawis. Kung ang pagtula ay ituturing na malikhaing pagsisinungaling—na ang realidad ng anakpawis ay naitatanghal sa ibang antas ng realidad, anyo, at pamamaraang di-kumbensiyonal—ang tesis ni Agulto ay mapabubulaanan. Kung ang pagtula ay pagsasaharaya ng buong lipunan, ang lipunang ito ay hindi lamang bubuuin ng anakpawis bagkus ng iba pang uri. May prehuwisyo lamang ang persona ng tula, at maaaring ito rin ang pananaw ni Agulto, na ang mga anakpawis ay matutulaan lamang ng mga makatang anakpawis, at ang pagtulang ito ay mahihinuhang nasa pagdulog na realistang panlipunan lamang. Posibleng may nakikitang ibang anggulo ang tinaguriang “makatang burges,” at ang anggulong ito ay maaaring nabigong maisahinaganap ng mga makatang anakpawis na linyado kung mag-isip at tumula.
Sa dulo, mahihinuhang ang pagrerebelde ng personang nagsasalita sa tula ay nakabatay sa sukal ng damdamin, imbes na sa matatag na lohika, at maaaring sanhi ng prehuwisyo rin ng nasabing persona laban sa ipinapalagay nitong “makatang burges.” Kung ipagpapalagay na ekstensiyon ni Agulto ang persona ng tula, si Agulto ay nagbabalatkayong anakpawistang makata, dahil nabigo niyang lagumin ang mahabang kasaysayan ng uring anakpawis at ang makulay nitong pakikibaka sa lipunan. “Huwag na kayong tutula tungkol sa amin” ang pamagat ng tula, at ang pamagat na ito ay marahil nagpapayo rin sa makatang Agulto na suriin ang kaniyang sariling akda na maaaring hindi na tumutugma sa kalagayan ng uring manggagawa, mangingisda, at magsasaka na pawang mga dukha at nagsusulong ng himagsikang pangkaisipan at pangkalooban. Ang pagtula ay nangangailangan ng natatanging kasanayan, sigasig, sensibilidad, at talino, at ang mga ito ang hinihingi kahit sa premyadong makata na gaya ni Tomas F. Agulto.
PAHABOL: Para sa kaalaman ng lahat, ang kritika sa tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” ni Tomas F. Agulto ay hindi simpleng sagot sa banat ni Agulto sa aking tulang “Lawa ng Wala.” Hindi iyon “ganting-salakay” sa tula ni Agulto, kahit si Agulto ang unang umulos at nag-ingay upang magpapansin. Walang ginawang masusing kritika si Agulto sa aking tula, at ano kung gayon ang dapat sagutin? Kayang ipagtanggol ng aking tula ang sarili nito, at hindi gaya ng tula ni Agulto. Ang tula ni Agulto ay binigkas niya sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) nang may halong pang-uuyam at paglibak sa naturang organisasyon, at sa aking palagay ay dapat inuurirat nang maigi. Mababatid sa naturang akda ni Agulto kung karapat-dapat siyang bigyan ng parangal bilang makata, o kung dapat isumpa sa pagsulat “ng walang kawawaan.”