Lúpos, ni Forugh Farrokhzad

Salin ng “Reborn,” na isinulat sa orihinal na Farsi, ni Forugh Farrokhzad
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Sholeh Wolpé

Lúpos

Lahat ng aking kaakuhan ay bersong makutim
na inuulit sa iyo hanggang bukang-liwayway
ng di-humuhupang pamumukadkad at paglago.
Binabalani kita sa aking tula pagbuntong-hininga
at pinasusupling sa tubig, apoy, at punongkahoy.

Marahil ang búhay ay isang mahabang abenida
na binabagtas araw-araw ng babaeng nakabasket;
Marahil ang búhay ay isang matibay na lubid
na ipinambibigti ng lalaki sa sarili doon sa sanga,
o isang bata na umuuwi ng bahay mula eskuwela.

Marahil ang búhay ay pagsisindi ng sigarilyo
makaraan ang walang kalatoy-latoy na pagtatalik,
o isang hungkag na sulyap ng dumaraan na itinaas
ang sombrero at bumatìng, Magandang umaga!
. . . . . . . . . . . . . . . . . . nang hindi man lang ngumingiti.

Marahil ang buhay ay pagkabilaok na ang titig ko
ay binubura ang sarili sa loob ng iyong balintataw—
. . . . . . . . . . . . . .Ihahalo ko ang pagdama sa pag-unawa
. . . . . . . . . . . . .  sa buwan at pag-arok sa sukdol-dilim.

Sa silid na kasukat ng kalungkutan,
ang puso ko’y kasukat ng pag-ibig.
Nagbubulay ito sa payak na palusot sa kaligayahan:
ang kariktan ng mga bulaklak na nalalanta sa plorera,
ang supling na itinatanim mo sa ating hardin,
at ang awit ng mga kanaryo—na sinlaki ng bintana.

Naku, ito ang aking kapalaran.
Ito ang aking kapalaran.
Ang kapalaran ko’y langit na naipipinid
sa pamamagitan ng pagsasabit ng kortina.
Ang kapalaran ko’y pagbabâ sa malungkot na hagdan
tungo sa pagkabulok at pagkadurog nang madestiyero.
Ang kapalaran ko’y makulimlim na paglalakad
sa makapal na halamanan ng mga gunita,
at pagkamatay mula sa pangungulila sa tinig
na nagsasabing, Gusto ko ang iyong mga kamay.

Itinatanim ko ang mga kamay sa luad—
Sisibol ako.
. . . . . . . . . . . . . .  . .  . Alam ko. Alam ko. Alam ko!
At sa guwang ng aking mga palad na batik ng tinta
ay hahabi ng pugad ang mga langay-langayan.

Palalamutian ko ng pinitas na tangkay ng kambal-seresa
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang mga tainga,
at isusuot ang mga talulot ng dalya sa aking mga kuko.
Naroroon pa rin ang lumang eskinita na ang mga totoy
na minsang minahal ako’y gusot pa rin ang mga buhok,
maninipis ang leeg, at mapapayat ang mga binti,
pinagbubulayan ang mga inosenteng ngiti ng dalagitang
tinangay ng bugso ng hangin isang gabi.

May isang eskinitang ninakaw ng aking puso
mula sa teritoryo ng aking kabataan.

Ang lawas na naglalakbay sa kahabaan ng linya ng panahon
ay tinitigmak ang tigang na pusod ng panahon,
at nagbabalik mula sa pagpipista ng salamin
nang matalik sa sariling hulagway.
Ganito kung paano mamatay, at kung paano manatili.

Walang sinumang naghahanap ang makatatagpo ng perlas
. . . . . . . . . . . . . . . .  sa sapa na dumadaloy tungo sa kanal.

Batid ko ang munti’t malungkuting diwata na nasa laot,
at nagpapatugtog ng kawayang plawta sa kaniyang puso,
nagpapatugtog nang napakalamyos. . .
isang malungkot, munting diwata na namamatay sa halik
tuwing gabi,
at muling isinisilang sa halik pagsapit ng madaling-araw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Advertisements

“Testamento ng Makata,” ni Angkarn Kanlayanapong

Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Testamento ng Makata

Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.

Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.

Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.

Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.

Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.

Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.

Santa Rosalia

Nakahimlay sa matarik na yungib ang pag-ibig, at ang pag-ibig na ito ang aking tagapagligtas. Naulinig iyon ng babaeng maysakit, at napasigaw ng Hesus ko! ngunit inakala marahil na bungang-isip sa mga gabi ng deliryo. Mauulinig muli iyon ng mangangaso isang araw, at hahanapin nito ang kakatwang tinig na iniluluwal ng bunganga ng bundok. Hahalimuyak ang mga buto ng dalagang banal, gaya ng laksang rosal, alinsunod sa utos ng Maykapal. Susundan ng ginoo ang mga sariwang talulot sa bagnos, hanggang matuklasan ang pagmamahal na nakasaplot sa hiwaga ng dasal ang lastag na kalansay. Maaaring napaluha ang mangangaso, at ibababa niya ang mga buto mula sa yungib upang pagparangalan ng lungsod. Uurong ang salot na hatid ng mga pulgas at daga, uurong palayo sa nilalagnat na bayan, at ito ang paniniwalang maghahari sa kalooban ng madla. Hanggang ang likidong alamat ay maisalin sa iyong aklat at gunita. Magkakatawang tao muli ang alamat sa sandaling hindi mo inaasahan. At sa isang mabangong silid na bubukál ang dula ng paulit-ulit na pagpasok ng mangangaso sa madulas, masikip, madilim na lagusan—na naglilihim ng pag-ibig na mananatiling inmortal.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 26 Enero 2010.