Mga Talinghaga ni Abu al-Ala al-Maarri

Salin ng tula ni Abu al-Ala al-Maarri ng Syria, at hango sa bersiyong Ingles na The Diwan of Abu’l-Ala by Abu al-Ala al-Maarri  (1909) ni Henry Baerlein.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Talinghaga ni Abu al-Ala al-Maarri

I.
Talikdan ang pagsamba sa masjid at tumalikod
sa walang saysay na dasal, mula sa paghahandog
Ng tupa, dahil ang tadhana’y mangkok ng pagtulog
O mangkok ng pagdurusa—na dapat mong malagok.

II.
Ang mga matang eskarlata ng umaga’y habol
Ng gabi’t umuungol sa makitid na kalyehon;
Ngunit sa pagsalpok sa ating mundo’y nilalamon
Tayo ng dalawa’t lumakas sa hidwang naroon.

III.
Walang saysay ang mangarap ng malaking kalakal,
Walang saysay maglayag sa hindi pa nalalakbay,
Walang saysay maghanap ng pantalan ng hulagway
Kung ang lahat ay nakatakda noong una pa man.

IV.
Masdan, mga katoto, ang nakalaan sa akin
Ang dingal ng pagtingala ta sa himpapawirin:
Nagparangal kayo kay Saturno, habang ako’y pilîng
Pinapaslang Niya na higit ang gahum at ningning.

V.
Kailangang maglakbay nang pasan ang dala-dala
Sa madilim, pasikot-sikot na landas tuwina;
Magsama ng mga táong tanglaw sa ulo’t paa
Kung ibig makalagos sa panganib ng kalsada.

VI.
Mababatid mong lahat ng baluti’y hindi sapat—
Malalantad ka sa hagupit ng guhit ng palad;
Na susukulin ka’t bibigtihin ng libong málas
Hanggang ikaw ay maibalot sa mortahang ganap.

VII.
Makipag-usap sa simoy na hatid ang sang-ikid
Na kariktan at sákit anuman ang iyong panig:
Ang ginintuang tagumpay ng gabutil na mais
At ang sagradong bulóng ng rosas na matitinik.

VIII.
Kung sakali’t sa mahiwagang hardin ay sumilay
Ang mabunying rosas na walang kupas kailanman
Dapat bang kumuha ng mapanyurak na panghukay
At lumikha ng libingan sa ilalim ng ringal?

IX.
Ako bang alabok lámang sa parang na malawak
Ay mag-iisip lumaban sa buhawing malakas?
O ako na nilaspatangan sa buong magdamag
Ay sa kandungan ng buong gabi muling lalapag?

Advertisements

Simbahan at Mga Hulagway

Makapangyarihang íkon ang simbahan sa Filipinas, sapagkat ito ang tagpuan ng mga panalangin, pananampalataya, pagsisisi, at pasasalamat  mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Simbahan ang naghatid ng kaapihan sa kapuluan, ngunit simbahan din ang magsisilang ng luklukan ng pamahalaang nagsasarili at lumaya mula sa kaalipnan. Pinaghihilom ng simbahan ang kirot ng damdamin, at sa ilang pagkakataon, ay mahimalang gumagamot sa pisikal at sikolohikong sakit ng mga deboto. Ginawang imortal ng makatang Florentino T. Collantes ang “Lumang Simbahan,” at ang simbahang ito ay makapaglalapit sa langit at lupa, at ang pagmamahal ay hahamakin kahit ang libingan, matamo lamang ang itinitibok ng kalooban [Mga kuhang retrato ni Bobby Añonuevo © 2012].

Daan sa kalangitan.Simbahan ng Barasoain [Baraswain].Kampanaryo ng Barasoain.Hari ng mga Api.Pananampalataya sa kalayaan.Tanaw.Krus na daan.

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Santa Rosalia

Nakahimlay sa matarik na yungib ang pag-ibig, at ang pag-ibig na ito ang aking tagapagligtas. Naulinig iyon ng babaeng maysakit, at napasigaw ng Hesus ko! ngunit inakala marahil na bungang-isip sa mga gabi ng deliryo. Mauulinig muli iyon ng mangangaso isang araw, at hahanapin nito ang kakatwang tinig na iniluluwal ng bunganga ng bundok. Hahalimuyak ang mga buto ng dalagang banal, gaya ng laksang rosal, alinsunod sa utos ng Maykapal. Susundan ng ginoo ang mga sariwang talulot sa bagnos, hanggang matuklasan ang pagmamahal na nakasaplot sa hiwaga ng dasal ang lastag na kalansay. Maaaring napaluha ang mangangaso, at ibababa niya ang mga buto mula sa yungib upang pagparangalan ng lungsod. Uurong ang salot na hatid ng mga pulgas at daga, uurong palayo sa nilalagnat na bayan, at ito ang paniniwalang maghahari sa kalooban ng madla. Hanggang ang likidong alamat ay maisalin sa iyong aklat at gunita. Magkakatawang tao muli ang alamat sa sandaling hindi mo inaasahan. At sa isang mabangong silid na bubukál ang dula ng paulit-ulit na pagpasok ng mangangaso sa madulas, masikip, madilim na lagusan—na naglilihim ng pag-ibig na mananatiling inmortal.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 26 Enero 2010.

Pit Senyor!

Himala ang inaasahan namin sa iyong hulagway, at pahiwatig ng kaligtasan mula sa sumasayaw na apoy. Gumagaan ang aming daigdig na sapupu ng iyong kamay, at gaya mo’y isinisilang muli kami sa pista at dasal. Kasisindakan ka ng mga hari, at sa tangan mong setro’y mabubuksan ang palasyo sa aming mga puso. Bumangon ka mula sa sabsaban upang damitan nang maringal—na karapat-dapat sa sinumang may dugong dibino’t bughaw. Pakiwari namin ay labis na mabigat ang iyong korona, na higit sa laman ng iyong utak at guniguni; at lumalaylay ang balikat mo dahil sa makapal, ginintuang suot. Kung nagkatawang-tao ka tulad ng sinumang anito, hindi ka namin makikilala maliban sa iyong kayumangging mukha at kulot-kulot na buhok. Mananalig kami sa iyo; at ang aming pananalig ay aapaw sa mga lansangan, pantalan, paliparan. Magsisiksikan ang palengke, sabungan, resort, hotel, at katedral. Bababa kami mula sa bundok ng aming paniniwala, palusong sa kaibuturang karnal at mistikal. Sapagkat bata ka, at kami’y matatanda. Magkalayo man ang ating mga edad ay magkalapit naman ang ating mga ulirat. Mabibigkis ang mga lumad at banyaga, uulan ng mga palaso para salubungin ang mga kanyon, magliliwanag ang himpapawid sa mga kuwitis at paputok, at sa nguso ng mga takut, ang mga lapulapu’y huhulihin—para ihain sa ating masaganang piging.

“Pit Senyor!” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Enero 2010.

“Sa Bulwagan ng Templo” ni Ko Un

Salin ng tula ng makatang Koreanong si  Ko Un
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA BULWAGAN NG TEMPLO

Ibagsak si Buda!
Ibagsak ang guwapo at mapintog na Buda!
Ano ang kaugnayan ng eleganteng balbas?
Baklasin ang pintadong putang barakilan!
Ulo ng dragon? Ano’ng silbi ng ulo ng dragon?
Buwagin ang templong iyan, itaboy ang mga monghe,
Paghunusin sila na maging mga uod at alabok!
Puwe!
Lastag, walang ari-ariang Buda ang tunay na Buda!
Ang palengkerang bungangera, siya
siya ang tunay na Buda!
Lahat tayo’y BudaBudaBuda, tunay na Buda.
Buháy na Buda? Isang sigarilyo,
iyan ang preskong-preskong Buda!

Hindi, hindi iyan.
Kahit madaling salungatin ang daigdig,
na lahat ay mariwasa at matiwasay, nababalot
ng marikit na damit pangmayaman, at taglay
ang sangkaterbang nalilikhang kalakal
ng kapuwa Koreano at Amerikanong teknolohiya,
malayang makapamuhay ang bawat tao,
walang panggigipit sa karapatang pantao,
at paraisong maituturing,
at paraisong maituturing ang lahat.
Kahit ang walang kapantay na langit, na hitik sa hiyas,
ay kailangang baguhin pa rin araw-araw ng mga tao.
Kailangang baligtarin ang daigdig na ito araw-araw,
at ipagbanyuhay, tulad ng umaalimbukad na lotus.
Iyan ang Buda.

Ibagsak ang labinlimandaang taon ng kaululan,
humihimbing ang panahon at panahon ay humihimbing,
gaya ng maruming sanaw na umaalingasaw.

Hulagway ni Buddha

Hulagway ni Buddha

Ama Namin at ang Idyoma ng Pananakop

Hamakin at maliitin ang kakayahan ng Tagalog ang isang paraan ng pananakop na ginawa ng mga paring Kastila noong siglo 1600. Kailangang ipabatid ng mananakop na taglay ng sinisipat niyang “katutubo” ang sukdulang katangahan, kabaliwan, at kasamaan, samantalang ang nangangaral ang bukál ng dunong, ginhawa, at luwalhati. Mahalaga ang ganitong pagbubukod upang mabilog ang ulo ng sinasakop, mawalan siya ng tiwala sa sarili, at maniwala na ang katotohanan ay sadyang nagmumula lamang sa banyagang may pambihirang talino at sibilisasyon.

PanalanginNgunit mahirap ang nasabing pangangaral. Iba ang diskurso ng relihiyon at wikang Espanyol, at hindi iyon mauunawaan ng mga Tagalog na iba ang kaligiran, kultura, panahon, at pananaw sa daigdig. Upang magtagumpay sa pangangaral, kinakailangang mag-aral at magpakadalubhasa ang mga pari sa mga wikang taal sa kapuluan, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Bikol. Kailangan din nilang magpakahusay sa pagkasangkapan sa mga katutubong idyoma at talinghaga, upang ang anumang banyagang konsepto ay mabihisan ng katutubong anyo habang kipkip ang makamandag na pangangaral. Ang ganitong taktika ay ginawa noon ni Juan de Oliver, OFM, nang sulatin niya ang Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog (1582–1591). Maihahalimbawa ang mga paliwanag niya sa pag-aantanda ng krus at sa dasal na “Ama Namin.”

Sa “Declaracion del per signum cruzis” (Yaring Tanda ng Santa Krus), ginamit ni Oliver ang larawan ng tao na nagpapamook (nakikipaglaban nang patayan) o naglalakbay para makidigma na dapat umanong nagsusuot ng baluti at nagbabaon ng sandata upang mapangalagaang ligtas ang katawan sa anumang panganib o kapahamakang maidudulot ng kaaway. Itatambis ni Oliver ang gayon sa kaluluwa ng tao, na dapat umanong mag-antanda muna ng krus bago magtungo kung saan, upang maging ligtas sa kapahamakang dulot ng demonyo. Ang “baluti at sandata” ay tumutukoy sa “pag-aantanda ng krus;” ang “kaaway” ay ang “demonyo;” at ang “katawan” ay kaparis ng “kaluluwa.”

Hiniram ni Oliver ang konsepto ng “katawan,” “baluti,” “sandata,” “búsog,” “gayáng” (sibat), “kaaway,” “kalay” (kalasag) at “kaluluwa” at nilapatan iyon ng pambihirang pahiwatig para sa pagpapaliwanag ng doktrinang Kristiyano. Ang “kaaway” na maaaring mandirigmang tagaibang pook o tribu ay nagkahugis ng “demonyo” na ang resulta’y posibleng makapagpabilis ng pagtanggap ng katutubo sa gayong hambingan. Sa pagbanggit din ng “kaaway,” inililihis ni Oliver ang konsepto ng pagiging “kaaway” mula sa panig ng mga Kastila tungo sa panig ng iba pang tribu o dayo. Maiuugnay din ang kasamaan sa kaaway, at ang katunggali nito ang mahihinuhang nasa panig ng kabutihan.

Ang demonyo bilang kaaway ay gumagamit ng “masamang tukso” at ang tuksong ito ay pinawawalan sa pamamagitan ng larawan ng palaso, na ipinapana sa “noo” (alaala), “bibig” (wika), at “dibdib” (kalooban) ng katutubo. Sa ganitong paglalarawan, mahihinuhang ang katutubo ay bihasa sa paghawak ng busog at palaso, at pataksil kung lumaban, at ang “noo, bibig, at dibdib” ang tatlong sentro na mahalaga sa katauhan ng tao, at dapat sapulin upang magtagumpay ang pangangaral. Kapag naangkin ng demonyo ang alaala ng tao’y mabubulid ito sa kasamaan at kahalayan (i.e., pagyurak sa puri ng tao at paglapastangan sa pinaniniwalaang anito). Kapag naangkin ang wika ay malayang makapagsasabi ang alipin at bihag ng labag sa kaugalian at kabutihang-asal ng kanilang pinagmulang tribu. Kapag nabihag ang kalooban ay magagapi ang pinakapuno o lakas ng katawan. Ang kaligtasan ng tao ay nasa pag-aantada ng krus, ani Oliver, at siyang magsisilbing epektibong pananggalang sa demonyo.

Ang tocsong ypinapana nang Demonio sa noo, ay ang dilan alaala nang tauo, ybig niyang magalaala ang tauo nang masamat, mahalay na alaala, nang magcasala sa Dios, sa masamang panimdim, ay quino Cruzan ang noo, paran taquip yaon, at nang di tomimo yaong tocso.

Ang ytinotocso nang Demonio sa bibig ay ang uica, ybig niya bagang maguica ang tauo nang masasamang uica, sa capuao niya tauo, caya quino Cruzan nang tauo ang caniyang bibig, yñgat na totoo yaon nang di matocso nang Demonioang caniyang uica. Ang dibdib nama, ang siyang tapat yaon nang loob nang tauo, pinapanang tocsohin nang Demonio ang loob (at siyang pono ngayon nang tanang Cataoan). Samacatoir niya, cun matocso niya ang loob, cun papagloobin nang di magaling, cun pagaoin nang masamang gaua, para natocso ang tanang Catauan, at natalo na yaong tauo; Caya naman quino Cruzan ang dibdib, taquip na matibay yaon sa loob di maano nang Demonio, panain man niya.

Yamang mahalaga sa katutubo ang kaligtasan, ang pag-aantada ay maaaring ikabit din sa konsepto ng “pag-aanito,” “bulong,” at “agimat.” Ang kahusayan nito ay nasa tao na nagsasagawa ng gayong ritwal o kaugalian, at mahihinuhang batay sa tindi ng kaniyang pananampalataya sa mga puwersang sobrenatural. Sa paliwanag ni Oliver, epektibo rin ang pag-aantanda dahil ito ang kinatatakutan umano ng demonyo. Ang pag-aantanda ng krus ay may taglay na “kabagsikan,” na kayang magtaboy sa demonyo, at makapagliligtas umano kahit sa mga di-binyagan. Ang konsepto ng “kabagsikan” ay maiuugnay sa katapangan at husay sa pakikihamok, at sa sining ng digmaan at paghawak ng sandata, na mahihinuhang madaling maarok noon ng mga katutubo.

Maiuugnay ang naturang konsepto sa pagpapaliwanag ni Oliver sa “Ama Namin” (Exposicion del Pater Noster en Lengua Tagala). Bawat linya ng naturang dasal ay tinumbasan ni Oliver ng mahabang paliwanag. Heto ang salin ni Oliver:

Ama Namin
Sungmasalañgit ca
Sambahin ang ñgalan mo
Mapasaamin ang caharian mo.
Sundin ang loob mo.
Dito sa lupa, paran sa lañgit.
Bigyan mo cami ñgaion nang aming canin sa arao arao.
At patauarin mo cami nang aming mañga otang,
para nang pagpapatauar namin, sa nagcacaotang sa amin.
Houag mo caming ypahintulot sa tocso.
At yadya mo cami sa dilan masama.

Hiniram muli niya sa Tagalog ang dalumat ng “ama,” “alipin,”  “maykapal,” “anak,” at “inaanak” upang maipaliwanag ang konsepto ng dasal.  Halimbawa, ang “ama” na maaaring tumutukoy sa “datu” o “pinuno” ang tagapangalaga ng mga “anak” (ginoo) na kasama sa tribu. Ang amang ito ang nagtataglay ng “ginto,” “palay,” “kanin,” “kakanin,” “damit,” “alahas,” “mana”, “alipin,” at iba pang bagay na ipinamamahagi rin niya sa mga nasasakupang anak. Ngunit kung matalik sa kapuwa ang pakahulugan ng “ama,” mababago ito sa konsepto ni Oliver. Para kay Oliver, ang makalupang Ama ay ganap na masama, mahigpit, palautos, at nagtataglay ng mga alahas na makapagpapabigat lamang sa kaluluwa para marating nito ang langit. Ibig sabihin, materyalistiko at sakim bukod sa diktador ang ama na katutubo kung ikokompara sa mapagbigay na “ama” na sumasagisag kay Yahweh. Ang “ama” ng katutubo ay kinapopootan ng mga tao, alinsunod sa pananaw ni Oliver, samantalang ang “ama” ng Kristiyano ay mabuti at mapagbigay.

Mabigat na tungkulin ang ginagampanan ng mga alipin na saklaw ng ama o datu, at maituturing na mas mahalaga pa sa ginto, ayon kay William Henry Scott, ngunit babaliwalain ito ni Oliver. Ang pagmamaliit sa posisyon ng ama, alinsunod sa konsepto ng katutubo, ay pagyanig sa hawak nitong poder at awtoridad sa pamilya; habang pinalalakas naman ang posisyon ng alipin—na katuwang ng ama o datu mulang tahanan hanggang bukirin upang mapanatili ang kaayusan ng tahanan o pamayanan—nang mahimok itong magbalikwas sa kaniyang panginoon. Hindi lamang nanghiram ng konsepto si Oliver sa katutubo. Binago pa niya iyon upang iayon sa kaniyang pakana na sakupin ang isip at kalooban ng mga katutubo, samantalang tinatangkang guluhin ang nakagawiang kaayusan at ugnayan sa loob ng pamilya o pamayanan.

Kaugnay ng konsepto ng “ama” ang “bayan.” Binanggit ni Oliver na “kataksilan” ang pangingibang-bayan ng sinumang ginoo o anak, lalo kung kalilimutan nito ang mga magulang, kamag-anak, kapatid, at anak, at mawili sa paglalakbay o paninirahan sa ibang bayan o tribu. Makapangyarihan ang ganitong idyoma, dahil ang “pangingibang-bayan” ay itinumbas ni Oliver sa pamumuhay sa “lupa” o impiyerno, at ang tunay na bayan ay ang “kalangitan.” Para sa mga katutubo, ang paninirahan sa sariling bayan ang sukdol na kaluwalhatian, kaliwanagan, at kaginhawahan. Ito ang nais ni Oliver na isipin ng katutubo hinggil sa ipinangangakong langit ng Kristiyanismo.

Ngunit paano naman sisipatin ang pangingibang-bayan ng mga Kastila? Ang pangangaral umano ng mga pari o prayle ay hindi para sa layuning mangamkam ng ginto o makipagkalakalan. Ito ang pambobola ni Oliver upang ikubli ang tunay na intensiyon ng kolonisasyon:

Anong panao naming mga Padre dito sa inyo? Ang inyong guinto caya? Nagbabaliuas cami dito? Nagcacalacal caya? Hindi yaon ang aming panaog, sacsi namin ang Dios na Panginoon at cayo naman; caya pala nililibot namin ang sangcalibotan, nang maypahayag namin sa inyo ang aming Amang Dios.

Mapapansin sa pangangatwiran ni Oliver na ang pangingibang-bayan ng mga Kastila ay hindi pansarili kundi panlahat, at kaugnay ng pagpapalaganap ng kabutihan ng diyos. Kailangang sabihin ito ni Oliver dahil taliwas ang pangingibang-bayan sa konsepto ng pagmamahal o katapatan sa lupang tinubuan, alinsunod sa pananaw ng mga katutubo, at maituturing na pagtataksil sa pinag-ugatang lipi o bayan. Kailangang linawin ni Oliver ang intensiyon ng pangangaral dahil kung hindi’y maghihimagsik tiyak ang mga katutubo at mapupugutan ng ulo ang gaya ni Oliver.

Ang pagsuway umano sa kalooban ng diyos ay maituturing na katangian ng “hunghang,” “kaaway,” “baliw,” ulol,” “dukha,” at “salanta” na pawang mabibihag ng demonyo. Ang naturang mga katangian ay ikakabit din sa mga di-binyagan, at nagsisilbing panakot ng mga pari. Hindi dapat isipin, ani Oliver, na walang kamatayan ang tao. Kailangan nitong ipamahagi ang mga palay sa dukha at salanta. Dahil kung hindi pinababayaan ng diyos ang mga ibon, isda, at hayop (usa) ay lalong hindi pababayaan ng diyos ang tao sa mga pang-araw-araw na pangangailangan nito. Ginamit na simbolo ni Oliver ang “kanin” na hindi lamang para sa pisikal na katawan, bagkus maging sa “kaluluwa” na makapagpapalusog sa tao.

Higit pa rito, minaliit na Oliver ang pag-aanito ng mga katutubo. Walang silbi umano ang paggawa ng sariling anito upang sambahin pagkaraan, ngunit hindi niya ipaliliwanag na gumagawa rin ng mga rebulto at retablo ang mga Kristiyano upang gamitin sa pananalangin. Tinuligsa rin niya ang araw-araw na pag-aanito ng mga katutubo ngunit pagkaraan ay lulupigin ang kapuwa tao, mangangalunya, at magpapakalango sa alak. Ibig ipamukha ni Oliver na ang mga katutubo ay sadyang marahas, ilahás (wild), malibog, at lasenggo na salungat sa ipinangangaral ng Kristiyanismo. Nagagawa umano ito ng mga tao dahil malakas manukso ang demonyo. At makaliligtas lamang sa demonyo kung laging kasiping ng tao ang diyos, gaya ng mandirigmang may kasamang mga kawal sa larangan ng pakikidigma.

Malinaw kay Oliver ang ikinasasama ng katawan ng tao. Kabilang dito ang gutom, hirap, uhaw, “kaning nakahihilo” (nganga?), buwaya, ahas, at tunay na kaaway.  Ang ganitong mga konsepto ang ikakabit niya sa mga gawang masasama, at sa hulagway ng demonyo at impiyerno. Gumagaan ang paliwanag ni Oliver hinggil sa buhay nina Tobias at San Rafael dahil naiuugnay niya ang konsepto ng kasamaang ayon sa pananaw ng banyaga doon sa mga konsepto ng kasamaang alinsunod sa pananaw ng mga katutubo. May ipinangangakong langit ang diyos ng mga Kristiyano, ito ang buod ng paliwanag ni Oliver. At ang diyos na ito ang magiging taliba ng tao hanggang sa kabilang buhay.

Lilipas ang mahabang panahon at lilitaw si Marcelo H. del Pilar, na gagawing katatawanan sa kaniyang “Dasalan at Tocsohan” ang pag-aantanda at ang mga dasal na gaya ng “Ama Namin,” at siyang yayanig naman sa poder at awtoridad ng mananakop na Kastila.

Marami pang masisilip na anggulo sa pagbabalik sa mga lumang tekstong sinulat ng mga Kastila. Bagaman masasabing nababahiran iyon ng adelantadong pananaw at prehuwisyo ng banyaga, may mapipiga pa rin doon na mga hiyas na makapagpapaliwanag hinggil sa kalagayan ng mga Filipino ngayon. Ang hamon sa mga Filipino ay kung paaano lilikha ng sariling lente at pagdulog sa pagsusuri ng mga teksto, dalumat, at pangyayari, at hindi aasa na lamang palagi sa mga teoryang banyaga na ginawa para sa konteksto at kapakinabangan ng mga banyaga.

Sanggunian
Hinango ang siniping teksto sa Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver OFM (+1599), inedit ni Jose M. Cruz, at inilathala ng Pulong: Sources for Philippine Studies, Ateneo de Manila University, 1995.

Mani, Pag-ibig, at Kapalaran sa nobela ni Teofilo E. Sauco

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Tampok sa nobelang Ang Magmamani (1924) ni Teofilo E. Sauco ang pakikipagsapalaran ng mag-inang pinaghiwalay ng tadhana ngunit pagbubuklurin muli dahil sa pag-ibig sa isang lalaki. Si Tentay (Vicenta Gomez) na mula sa alta sosyedad ay nabuntis ng kaniyang kasintahang si Ventura Villaroman, ngunit napilitang ipaampon ang kaniyang sanggol sa solterong si Ingkong Pinong na taga-Baliwag, Bulakan. Sisikaping palakihin ni Ingkong Pinong ang bata, na sa paglipas ng panahon ay magiging marikit na dalagang tatawaging si Ninay.

Pagtatanim at pagtitinda ng mani at iba pang gulay ang ikinabubuhay ni Ingkong Pinong, at balang araw ay kakatuwangin niya si Ninay sa pagtitinda ng mani. Hahangaan naman si Ninay sa sipag nito’t bait, at pagnanasahan ng mga binata. Ngunit walang makapangahas makapanligaw sa kaniya dahil sa pangingilag kay Pinong, hanggang makilala ni Ninay ang binatang si Luis na taga-Maynila. Pinakyaw ni Luis ang tindang mani ni Ninay, hahabulin ang dalaga, at pagkaraan ay yayayaing pakasal. Subalit may isang balakid. May isang babaeng kinakasama si Luis, at iyon ay si Tentay na dating mananayaw sa kabaret sa Santa Ana. Matutuklasan ni Tentay ang retratong kuha ni Luis kay Ninay, at maghihinuha si Tentay na anak niya ang dalaga dahil kahawig na kahawig niya ito.

Hahanapin ni Tentay ang kinababaliwan ni Luis, at nang matiyak kay Ingkong Pinong na si Ninay ay anak nga niya, kukumbinsihin ni Tentay ang matanda na pumayag na sa pagpapakasal ng magkasintahan. Lalayo si Tentay at papasok sa kumbento upang mapalayo kay Luis. Samantala, hihimukin at paaaralin naman ni Luis si Ninay na pumasok sa kolehiyo at nang makatapos makapag-aral. Makikilala ni Ninay si Tentay sa loob ng kumbento, at magtuturingang mag-ina, subalit mananatili ang lihim hangga’t hindi nakakasal si Ninay kay Luis.

Sa dakong huli’y magkakasakit nang malubha si Tentay na nagtatago sa ngalang Madre Victoria Fuentes. Mangungumpisal siya sa pari, ngunit pinagtiyap naman ng pagkakataong ang nasabing pari ay siya pala niyang dating kasintahang si Villaroman. Matutuklasan din ni Padre Villaroman na anak niya si Ninay na ipinaampon sa matandang Pinong, at ang babaeng pakakasalan ni Luis. Ang pangungumpisal ni Tentay ang sukdulan ng kuwento, dahil doon mabubunyag ang lahat ng lihim na kipkip ni Tentay mulang pagdadalaga hanggang pagiging baylarina tungong pagiging kabit ni Luis hanggang pagsisikap maging madre para ituwid ang mga pagkakamali.  

Makakasal sina Luis at Ninay, samantalang magkakapatawaran sina Padre Villaroman at Tentay. Mamamatay si Tentay dulot ng karamdaman, at pagkaraan niyon ay lalasapin naman ng mag-asawang Luis at Ninay ang bagong buhay at saganang pagsasama.  Aalagaan nila si Ingkong Pinong, at ipasasaka sa iba ang lupain nitong laan sa pagtatanim ng mani. At magbabalik sina Ninay at Luis sa Tiaong, Baliwag, Bulakan upang magbigay-galang sa amang si Padre Villaroman, at sariwain ang nakaraang “hindi na babalik sa kanila kailan man.”

Pambihira ang nobelang ito dahil sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayaring halos imposible, ngunit dahil nasa lunan ng guniguni ay maaaring tanggapin at paniwalaan. Gayunman, dapat suriin ang naturang akda sa husay ng imahinasyon nito, at hindi bilang tuwirang salamin ng realidad sa lipunan, bagaman kayang lumundag papaloob sa realidad ng lipunan ang akda.

Pag-ibig ang ubod ng kuwento, at ipinakita sa nobela ang iba’t ibang antas nito. Halimbawa, ang pag-ibig nina Tentay at Ventura na paghihiwalayin dahil ang mga angkan nila’y mortal na magkaaway sa politika. Ang pag-ibig ni Ingkong Pinong kay Ninay na itinuring na sariling anak bagaman hindi naman kaano-ano. Ang makalupang pag-ibig ni Luis sa mag-inang sina Tentay at Ninay, at pagtuhog sa dalawang magkabukod na kapalaran ng babae. At ang dalisay na pag-ibig ni Ninay mula sa kaniyang amaing si Ingkong Pinong hanggang sa mga tunay na magulang na sina Tentay at Padre Villaroman, tungong pag-ibig kay Luis na kasintahan. Pag-ibig din sa diyos ang maglalapit kina Tentay at Padre Villaroman, at siyang maghahatid sa kapatawaran. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pag-ibig ni Tentay sa lahat ng lalaking naging matalik sa kaniyang puso, mula kay Villaroman hanggang mga lalaki sa kabaret, hanggang kay Luis at pagkilala kay Ingkong Pinong, tungong sukdulang pag-ibig sa anak na nawalay at minamahal.

Paraan ng paglalahad
Mabilis ang pihit ng mga pangyayari sa nobela, o sabihin nang nobeleta, ni Sauco. Ang problema’y isinasangkot minsan ng tagapaglahad ng nobela ang kaniyang sarili, at kakausapin wari ang mga bumabasa hinggil sa maaaring maganap na tagpo (halimbawa, tingnan ang una at pangwakas na kabanata). Ang ikatlong panauhang paglalarawan ay hindi naiiwasang lumihis sa unang panauhan, at maiisip dito na nakikialam ang awtor sa dapat sanang pambihirang paglalarawan mula sa paningin ng isang saksi. Mapalulusot ang gayong taktika dahil sa pagsasaalang-alang marahil ng awtor sa kaniyang mga tagasubaybay ng magasing Liwayway, at pawang nangangapa sa bagong uri ng panitikang Tagalog.

Kinasangkapan ni Sauco ang ilang piling tauhan, gaya nina Tentay, Ninay, Ingkong Pinong, Luis, at Padre Villaroman. Ang limang tauhang ito ay sapat na upang paikutin ang tadhana, at gaya sa mga telenobela ngayon, ay magkakasala-salabid ang buhay na parang sila lamang ang tao sa daigdig. Mapapansin din ang ilang pagpapaikli ni Sauco sa mga tagpo, halimbawa na’y biglang mapapaibig si Luis kay Ninay gayong isang beses pa lamang sila nagkikita. O kaya’y nilutas ang mga lihim ni Tentay nang mangumpisal ito kay Padre Villaroman. Pinatitindi ni Sauco ang kapanabikan sa mga susunod na tagpo sa pamamagitan ng pagbitin sa dapat sanang pagbubunyag, halimbawa na ang paghaharap nina Tentay at Ninay sa loob ng kumbento, o kaya’y ang pananahimik ni Luis sa harap ng dalawang babaeng tinuhog ng kaniyang bato-balani.

Ang dalumat ng “mani” ay isa pang dapat pag-ukulan ng pansin. Tumutubo ang mani saanmang may malusog na lupa o kahit na sa maasidong lupa, at nagbibigay ng bagong sustansiya rito. Ang maning ito na hindi pinapansin noon ay kaya palang bumuhay sa isang sanggol at dating pag-ibig na inunsiyami ng pagkakataon. Matalinghaga rin ang mani dahil sa seksuwal nitong pagpapahiwatig sa clitoris ng babae, kaya maiisip ang bighani ni Ninay na nasa kasibulan at ni Tentay na nasa ganap na pagkatigulang na pawang naangkin ni Luis. Ang dalumat ng mani ni Ninay ang paiikutin sa nobela, at pailalim na ihahayag ni Sauco.

Maiikli ang pangungusap at usapan sa Ang Magmamani kompara sa iba pang nobelang Tagalog, bagaman nalalahukan kung minsan ng patalinghagang pananalita. Ang patalinghagang pananalitang ito ay mamumutawi sa bibig ni Tentay o ni Ingkong Pinong, at ikapagtataka ng taga-Maynilang Luis na hindi sanay sa gayong matalik na komunikasyon. Mauunawaan lamang ni Luis ang lahat habang lumalapit ang kaniyang loob kina Tentay, Ninay, at Ingkong Pinong. Ang nasabing uri ng paghihiwatigan ay karaniwan na sa Tagalog, dahil sa pagturing na kabahagi ng tao ang kaniyang kausap o minamahal.

Itinuturo ni Sauco nang di-sinasadya ang pormula kung paano maging kapana-panabik ang mga tagpo sa bawat kabanata. Ang mga tauhang sina Tentay at Ninay ang magiging haligi ng istorya, at susuhayan sila ng mga katauhan ng lalaking sina Luis, Ingkong Pinong, at Padre Villaroman. Si Tentay ang mag-uugnay sa dalawang uring panlipunan: una, ang maykaya na kaniyang pinagmulan; at ikalawa, ang dukha na kaniyang daranasin nang itakwil siya ng sariling angkan dahil sa pagbubuntis nang hindi pa kasal. Samantala, si Luis ang ultimong babaero na ibig mamangka dalawang ilog, at makaliligtas lamang siya hindi dahil sa sariling pagpapasiya kundi sa kusang paglayo ng kaniyang kabit na si Tentay. Mapapansin naman ang kahinaan ng gulugod ni Padre Villaroman, na marupok harapin ang responsabilidad sa kasintahan at gagamitin ang relihiyon upang talikdan ang dapat sanang maaliwalas na pagsasama nila ni Tentay. Pinakamalakas ang paglalarawan kay Ingkong Pinong, na kahit dukha’t matanda na’y aalagaan ang sanggol upang ipamalas ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng salapi.

Inuurirat sa nobela ang pagpapahalaga sa dalisay na pag-ibig. Maiuugnay iyon sa sex, anak sa labas, pag-aampon, at relihiyon na pawang kikilatisin din sa mga tauhan. Ang mga usaping ito ay maseselang paksa sa panahon ng Amerikanisasyon, at kulturang Tagalog na may matayog na pagtingin sa “dangal,” “puri,” at “pagkatao.” Kahit sa unang malas ay mababaw ang kuwento, mababatid naman sa wakas ang kasalimuotan ng mga pangyayari dahil magkakatali ang mga kapalaran ng limang tauhan. Ang naturang kapalaran ay hindi tadhana ng diyos, bagkus ginagawa at supling ng mga gawa ng mga tao.

Marami pang dapat tuklasin sa nobelang Tagalog. Ang nobelang Ang Magmamani ni Teofilo E. Sauco ay isang halimbawa lamang kung paano naghuhunos ang nobelang Tagalog, ang nobelang susubaybayan ng daan-daang mambabasa noong dekada 1920, at magtatampok sa usapin ng masalimuot na pag-iibigan ng magkasintahan, anumang uri ang kanilang pinag-ugatan.

Ang Wika ng Kasunduan, Ang Wika ng Kapayapaan

Higit na makatutulong sa buong bansa kung ang naging wika ng kasunduan ng kapuwa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay isinulat sa Filipino at hindi sa Ingles. Ang pagkakabalangkas ng “Memorandum of Agreement on the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Tripoli Agreement on Peace of 2001” ay tila nagmumula sa ipinapalagay na dalawang estado, at ito ang hindi nalilinaw nang maigi sa taumbayan. May mga konseptong inilahok sa kasunduan ang ikahihilo ng karaniwang mamamayan, kaya imbes na ilihim ay dapat ihayag ng gobyerno ang papeles, at tumbasan sa Filipino,  upang maunawaan nang ganap ng mga tao.

Kabilang sa pinagbatayan ng memorandum ang  “Kasunduan para sa Pagkalahatang Tigil-Putukan sa panig ng GRP at MILF, at kaugnay na Panuto” (18 Hulyo 1997); ang Pangkalahatang Balangkas ng Kasunduan ng Layon ng GRP at MILF (27 Agosto 1998); ang pangkalahatang balangkas para sa pagpapatuloy ng tigil-putukan ng GRP at MILF (24 Marso 2001); ang mga Kasunduan sa Tripoli sa panig ng MILF at GRP (22 Hunyo 2001) at sa panig ng GRP at MNLF (Moro National Liberation Front) noong 2 Setyembre 1996; ang Batas Republika Bilang 6734 na batas na magpapalakas at magpapalawak sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM); ang ILO Convention Bilang 169, na kaugnay ng UN Declaration on the Rights of the Indigenous Peoples at ng Batas Republika Bilang 8371; ang UN Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, International Humanitarian Law, at iba pang kasunduan; at ang mga karapatang nagmumula sa rehimen ng dar-ul-mua’hada (mga teritoryong pagkakasunduan) at dar-ul-sulh (mga teritoryo sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan).

Ang Memorandum sa Kasunduan ukol sa “Pamanang Lupain” ay hindi karaniwang kasunduan. Ang kasunduang ito ay umiiral bilang “tratado,” na ang pagkakasulat ay masining na ikinukubli ang panig ng GRP at ng MILF bilang magkakabukod na estado. Ang ganitong obserbasyon ang tinututulan ng ilang politiko, dahil hindi maaaring pumasok sa isang tratado ang gobyerno nang walang basbas mula sa batasan. Ang kasunduan ng GRP at MILF, kung gayon, ay maituturing na labag sa konstitusyon, at sapat na upang sampahan ng kasong pagpapatalsik sa poder si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Mga Konsepto at Prinsipyo
Isa sa mga konseptong hindi tinitingki ay ang salitang “Bangsamoro.” Ginawang mapanlagom ang pakahulugan nito, at sumasaklaw sa lahat ng tao “na katutubo o orihinal na naninirahan sa Mindanao at sa mga karatig-pulo nito, na kinabibilangan ng Palawan at Arkipelago ng Sulu noong panahon ng kolonisasyon, at ang kanilang mga salinlahi na may halo o purong dugo ng katutubo. Ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ay ituturing na Bangsamoro.”

Ngunit ang “Bangsamoro” ay kargado ng ideolohiya; at kung ikakabit ito sa mga katutubo ay aakalain ng iba na ang mga tribung minorya sa Mindanao, Palawan, at Arkipelago ng Sulu ay pawang nabahiran ng relihiyong Islam at pumapayag na pumailalim sa MILF na kumakatawan sa kanilang mga tinig. Bagaman isinaad na “The freedom of choice of the Indigenous people shall be respected” (Igagalang ang kalayaang makapagpasiya ng Katutubo),  ang ganitong pahayag ay maipapalagay na nauukol sa kalayaang pumili kung ano ang relihiyong nais ng katutubo at nagmumula ang makapangyarihang tinig sa hanay ng Moro o Muslim.

Kaugnay ang binanggit sa itaas sa isa pang konseptong inilahok sa kasunduan, at may kaugnay sa “sultanato”:

Both Parties acknowledge that the right to self-governance of the Bangsamoro people is rooted on ancestral territoriality exercised originally under the suzerain authority of their sultanates and the Pat a Pangampong ku Ranaw. The Moro sultanates were states or karajaan/kadatuan resembling a body politic endowed with all the elements of nation-state in the modern sense. As a domestic community distinct from the rest of the national communities, they have a definite historic homeland. They are the “First Nation” with defined territory and with a system of government having entered into treaties of amity and commerce with foreign nations. The Parties concede that the ultimate objective of entrenching the Bangsamoro homeland as a territorial space is to secure their identity and posterity, to protect their property rights and resources as well as to establish a system of governance suitable and acceptable to them as a distinct dominant people.

Ang karapatang mamuno nang mag-isa ng Bangsamoro ay kaugnay umano ng pamanang lupaing saklaw ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng kapangyarihan ng mga sultanato. Iginigiit dito na ang Bangsamoro ang “Unang Nasyon” bago pa nabuo ang Filipinas, at may tiyak na lupaing saklaw at sistema ng pamahalaang malayang makipagkasundo sa ibang bansa. Wala akong tutol sa ganito, ngunit kung igigiit na ang Bangsamoro ngayon ay bukod na estado sa estado ng Filipinas dahil may pinagbatayan sa kasaysayan ay ibang usapan na ito. Ang pagtitiyak ng saklaw na lupain ay hindi kagyat na magbubunga ng pagtitiyak sa kaakuhan at posteridad, o kaya’y makapagsasanggalang sa mga karapatan sa ari-arian at likas-yaman. Mabuti ito kung ang Bangsamoro ay may sapat na kakayahan, yaman, at tauhan upang maisagawa iyon, ngunit wala pa sa ngayon.

Kaugnay ng paninindigan ng MILF ang konsepto ng dar-ul-mua’hada at dar-ul-sulh. Ang mga teritoryong pagkakasunduan ay maaaring nagmumula sa mga pook na may armadong bakbakan ng mga sundalo ng pamahalaan at kawal ng MILF. Samantala, ang mga dati nang teritoryo batay sa kasunduang pangkapayapaan ay mahihinuhang nasa kamay na ng MILF. Hindi kataka-taka kung bakit nagbabakbakan ngayon sa Mindanao. Ang armadong tunggalian ay maaaring may kaugnayan sa bubuuin pa lamang na kasunduan para sa sasaklawing teritoryo ng MILF, alinsunod sa pananaw ng Bangsamoro. Higit na makikinabang ang MILF kung magkakaroon ng armadong tunggalian dahil ipaiilalim ang pinagtatalunang pook sa bubuuing kasunduan.

Ang Bangsamoro—kung uuriratin sa tratado—ay mahihinuhang umiiral dito bilang nagsasariling bansa, ngunit umaasa naman ng proteksiyon mula sa pambansang pamahalaan ng Filipinas para maisulong nito ang sariling sistema ng pamamahala. Higit na mauunawaan ang naturang konsepto ng kabansaan kapag tinitigan ang lahok hinggil sa pagbubuo ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE):

Both Parties agree that the Bangsamoro Juridical Entity (BJE) shall have the authority and jurisdiction over the Ancestral Domain and Ancestral lands, including both alienable and non-alienable lands encompassed within their homeland and ancestral territory, as well as the delineation of ancestral domain/lands of the Bangsamoro people located therein.

Mabigat ito dahil ang BJE ay bubuuin ng kasalukuyang lupaing saklaw ng ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao), kabilang ang mga munisipalidad ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkai sa Lanao del Norte na bumoto para mapabilang sa ARMM noong plebesito noong 2001. Ang BJE ay mahihinuhang pulos Muslim ang nais mapabilang, at kung babalikan ang usapin hinggil sa mga tribung minorya ay maiisip na kagyat silang ipinailalim sa BJE kahit sabihin pang walang malaganap na konsultasyon sa hanay ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Arkipelago ng Sulu, at Palawan. Kung nais ng BJE na bumuo ng isang estadong Muslim ay ibang usapan na naman, dahil maaaring ang ibang pangkat etniko na nagkataong nasa loob ng lupaing inaangkin ng Bangsamoro ay hindi sumasang-ayon sa balak na BJE. Muli, magkakatalo na naman sa pagpapangalan, dahil ibig saklawin ng “Bangsamoro” ang mga pakahulugang higit sa teritoryo, bagkus maging sa kaakuhan ng mga tribung minoryang humaharap ngayon sa matinding Islamisasyon kung hindi man modernisasyon.

Ang kapangyarihan ng BJE ay nagtatangkang pumantay sa kapangyarihan ng pamahalaan ng Filipinas, at masisilayan ito sa iba pang lahok ng kasunduan, gaya nito:

4. The BJE is free to enter into any economic cooperation and trade relations with foreign countries: provided, however, that such relationships and understandings do not include aggression against the Government of the Republic of the Philippines; provided, further that it shall remain the duty and obligation of the Central Government to take charge of external defense. Without prejudice to the right of the Bangsamoro juridical entity to enter into agreement and environmental cooperation with any friendly country affecting its jurisdiction, it shall include:

a. The option to establish and open Bangsamoro trade missions in foreign countries with which it has economic cooperation agreements; and

b. The elements bearing in mind the mutual benefits derived from Philippine archipelagic status and security. And, in furtherance thereto, the Central Government shall take necessary steps to ensure the BJE’s participation in international meetings and events, e.g. ASEAN meetings and other specialized agencies of the United Nations. This shall entitle the BJE’s participation in Philippine official missions and delegations that are engaged in the negotiation of border agreements or protocols for environmental protection, equitable sharing of incomes and revenues, in the areas of sea, seabed and inland seas or bodies of water adjacent to or between islands forming part of the ancestral domain, in addition to those of fishing rights.

Ang ganitong uri ng tindig ay pagsapaw na sa kapangyarihan ng pamahalaang pambansa, dahil hinahayaan ng pamahalaang pambansa ang BJE na gumawa ng sariling hakbang hinggil sa pakikipagkasundo sa ibang bansa. Dapat munang linawin sa kasunduan na pumapailalim ang BJE sa Pamahalaan ng Filipinas, at kung hindi ito maitititik nang maigi ay parang hinayaan na lamang ng pamahalaan na mabiyak ang arkipelago ng Filipinas. Maipapalagay na naman na tuso ang pagsasama sa BJE sa mga pandaigdigang pagpupulong, gaya sa ASEAN at United Nations, dahil mahihinuha rito na walang tiwala ang BJE na kayang katawanin ng Filipinas ang mga lunggati nito sa pandaigdigang antas.

Wala akong tutol hinggil sa kasunduang pangkapayapaan sa Mindanao, at dapat na itong maisakatuparan. Ngunit ang kasunduang ito ay hindi dapat nagmumula sa asta na ang magkabilang panig ay magkabukod na estado. Ang kasunduan ay dapat magmula sa ekwasyon ng pamahalaang pambansa na humaharap sa pamahalaang panrehiyon, dahil kung hindi’y iisipin ng MILF na karapat-dapat nga ang estadong Muslim sa Mindanao, Sulu, at Palawan alinsunod sa nais nito. Mawawalan lamang ng saysay ang usapan kung ipipilit ng MILF na bumukod sa Filipinas, kaligtaan ang pagka-Filipino, at sumapi sa Islamikong lunggati ng Malaysia, o ang mga bansang Malay na binubuo ng Indonesia, Malaysia, Brunei, at iba pang bansang higit na pinangingibabaw ang relihiyong Islam. Ang relihiyon ay hindi dapat manguna kaysa pagkamamamayan (citizenship), bagkus dapat ituring na isang bahagi lamang ng pagkatao ng sinumang Filipino.

Higit sa lahat, kailangang maunawaan ng mga taga-Mindanao, Sulu Arkipelago, at Palawan kung ano ang kasunduang niluluto ng GRP at MILF. May responsabilidad ang mga pamahalaang lokal at lalo na ang pambansang pamahalaan na ipalaganap ang tumpak na impormasyon imbes na ilihim kung ano ang nilalaman ng tratado. Kailangang litisin na ang pinakadiwa ng “Bangsamoro” nang hindi gagamit ng dahas at nang malayo sa prehuwisyo. At magagawa ito sa makatwirang usapan at makatarungang pagsasagawang ang makikinabang ay hindi lamang ang armadong hukbo ng MILF o kaya’y ang kagalang-galang na pangulo, bagkus ang minamahal nating Filipinas.

Ang Tao bilang Diyos: Isang pagbasa sa tula ni Cirilo F. Bautista

I.
Dapat ipagpaunang nagpasiya si Cirilo F. Bautista na magbalik sa pagsusulat ng tula sa wikang Tagalog, “makaraang makasulat nang sapat sa Ingles” at makalipas “makaahon [ang Tagalog] sa dusa ng pang-aalipusta.”1 May katotohanan ang unang dahilan ni Bautista, dahil siya ngayon ang itinuturing ng marami na pinakamahusay na makatang Filipinong nagsusulat sa Ingles sa Filipinas. Ngunit ang ikalawang dahilan niya ay malamang kaysa hindi na tanggaping malikhaing pagkaligtâ. Hindi nabalaho sa “dusa” ng pang-aalipusta ang panitikang Tagalog dahil patuloy ang pintig ng nasabing panitikan “may bagyo ma’t may rilim” sa Filipinas. Maaaring hindi kasinglantad ang panitikang Tagalog kompara sa panitikang Ingles, yamang Ingles ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, at negosyo sa bansa. Gayunman ay patuloy ang pag-angat ng Tagalog sa iba pang larang, bukod pa sa panitikan. At ang nang-aalipusta lamang hangga ngayon sa panitikang Tagalog ay ang gaya ni F. Sionil Jose na ni hindi yata marunong bumasa o sumulat sa Tagalog; o ang ilang demagogong politikong Cebuano na nanggagalaiti sa “imperyalistang (Tagalog na) Maynila.” Ang totoo’y ang ilang akdang Tagalog ay maitatagis na sa mga panitikang pandaigdig. Kung pagbabatayan ang mga pag-aaral mulang kina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaseda hanggang kina Virgilio S. Almario, Bienvenido Lumbera, at Soledad S. Reyes, namukadkad na ang Tagalog bago pa man nagsimulang sumulat sa Tagalog at malathala sa Liwayway si Bautista.

Ano’t anuman ay Tagalog ang matutunghayan sa Sugat ng Salita (1985) at Kirot ng Kataga (1995) ni Bautista. Nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle ang unang koleksiyon, samantalang ang dalawang tula sa ikalawang koleksiyon ay kapuwa sumungkit ng mga pangunahing gawad sa Talaang Ginto: Makata ng Taon (1992) at sa Timpalak Pampanulaan ng Diyaryo Filipino (1993). Panahon na upang titigan sa ibang anggulo ang tulang “Sugat ng Salita” ng makata. Ang nasabing tula’y maituturing na pinakaubod ng aklat na may gayunding pamagat, at nagtataglay ng pinakamalapot na pananalinghaga kung ihahambing sa iba pang tulang kasama niyon sa kalipunan. Sa pagsusuring ito, ginamit ng may-akda ang bersiyon ng inilathala ng De La Salle University Press. Ang pangmag-aaral na edisyon ng University of the Philippines Press ay muling paglilimbag lamang ng pinagsamang koleksiyon ng dalawang aklat ng mga tula ni Bautista.

Binubuo ng 219 taludtod na nakapaloob sa 73 saknong ang “Sugat ng Salita.” Bawat saknong ay may tigatlong taludtod, at bawat taludtod ay naglalaro sa tatlo hanggang apat na pantig ang mga salita. Tipong pinahabang diona, ang isa sa pinakamatatandang uri ng tula sa Tagalog, ang tula ni Bautista. Higit lamang na makipot ang sukat ng kay Bautista kung ihahambing sa diona na pipituhin ang pantig bawat taludtod at bawat saknong ay tigatlo ang taludtod. Gayunman ay walang sukat at tugma ang kay Bautista. Mahihinuhang nagtatangkang mag-eksperimento ang makata sa kombinasyon ng pares at gansal na sukat. Kung lilingon sa tradisyon ng poetikang Tagalog, ipinamalas na ni L.K. Santos noon pang 1904 ang pagbabagong ginawa niya sa mahigpit na tugma’t sukat, nang magtalumpati siya sa Kapulungan ng Wikang Tagalog.2 Ginamit ni L.K. Santos ang aapating pantig sa bawat taludtod at salitan ang tugmaan. Ang nasabing sukat ay mas maikli sa sukat ng dalít o diona o tanaga, at taliwas na taliwas sa lalabindalawahing pantig at sunurang tugmaang awit ni Francisco (Balagtas) Baltazar. Narito ang halimbawa ni L.K. Santos:

Bakit ísip
at di pusò
ang ginámit
sa pagsuyò?
sa pag-íbig
na palalò,
ay di lángit
ang susukò?

Hindi ginagamit noon ang sukat na aapating pantig, at ang mas maikli pa ritong sukat, sa panulaang Tagalog. Ito’y dahil napakahirap gawin yaon kung isasaalang-alang ang katangian at kalikasan ng mga salitang Tagalog; at kung ibabatay sa sinaunang estetikang silbi ng tula na malimit hinihimig o inaawit imbes na binabasa. Pinakamalapit na marahil ang salawikaing ibinigay ni L.K. Santos at nagtataglay ng aapating pantig: “Kung di ukol,/ di bubukol.”//

Tugmang tudlíkan—na mas mataas sa karaniwang tugmâ—ang ginamit ni L.K. Santos. Para kay Santos, maituturing ang nabanggit na tula na may apatang taludturan, na ang bawat taludtod ay tigwawalo ang pantig ng mga salita. Ngunit ang hati (i.e., hemistiquio) ay may tugma rin kaya maituturing na ang putol ng bawat taludtod ay nasa ikaapat na pantig, nang makaiwas sa nakauumay na tugmaan. Pinanatili niya ang paggamit ng buong pangungusap bilang pahayag, at ni wala siyang tinanggal na tipík at bantas. Kinasangkapan din ni L.K. Santos ang taktika at batas ng pagtitipíl, ang pagpapaikli ng mga salita na laan sa ilang pagkakataon, at siyang binuong panuto ni Iñigo Ed. Regalado para sa mga manunulat noon. Iniwasang gamitin ni L.K. Santos sa kaniyang mga taludtod ang mga katagang gaya ng “ang,” “mga,” at “ng,” bilang isang ganap na taludtod. Lalong itinakwil ng makata na gamitin ang pang-abay o pang-uri, gaya ng “nang” at “bawat,” o ang mga pangatnig, gaya ng “na,” “at,” “sapagkat,” at “ng,” o dili kaya’y ng mga tipík, gaya ng “ay” at “sa” bilang pandulong tugma o pandulong salita ng bawat taludtod.

Maihahambing sa eksperimento ni L.K. Santos ang eksperimento ni Manuel Principe Bautista na lumikha naman ng mga taludtod na naglalaro mulang tatlo hanggang apat ang sukat ng pantig ng mga salita. Maihahalimbawa ang dalawang saknong ng anim na yugtong tulang “Tren” (1942):

.1.
O tila
ka ahas
kung saan
nagbuhat:
nagsuót
sa bundok,
sa lunsód
lumabás.

.2.
Sa aking
pananáw
sa lahat
ng araw:
sugò ka
ng haring
hindi
mahadlangan.

Apat na salita lamang ang may apat na pantig sa kabuuang tula ni M.P. Bautista. Maliban doon ay pulos tigatlo na ang pantig ng bawat taludtod. Iwinangis ng makata ang kaniyang tula sa hubog ng tren, at bawat yugto ay tila bagon na magkakakasunod.3 Hindi ganap na malayang taludturan ang ginawa ng makata dahil maituturing ang bawat saknong na binubuo ng dalawang tiglalabindalawahing pantig at isahan ang tugma. Mahirap magrebelde sa panulaang Tagalog noong bago magkadigma, ayon na rin kay M.P. Bautista, dahil malimit hindi itinuturing na “tula” yaong nagtataglay ng malalayang taludturan. Mauugat ang gayong pahayag ni Bautista sa kuro-kuro ni Regalado na bahagi “ang tugma at sukat sa katutubong pagtulang Tagalog.”4 Isa pa’y nagmamatigas ang ilang batikang makatang Tagalog noon na lumaban sa pananagasa ng Amerikanisasyon at sa hagkis ng nauuspos na Hispanisasyon sa panitikang Tagalog.

Sa isang banda’y mabilis mabansagang konserbatismo ang paggigiit ng pambansang kaakuhan ng mga makatang Tagalog, na dumukal nang malaki kay Balagtas, sa panahong malakas ang agos ng globalisasyon nang buksan ang Suez Canal. Sa kabilang dako naman ay nakatulong nang malaki ang gayong pagkilos upang mapanatili ang anumang bakas ng katutubong poetika, mabuo ang pormalisasyon ng panulaang Tagalog, at muling lumingon sa kasaysayan ang mga manunulat sa Filipinas.5 Masisipat ang mga panukalang modernisasyon sa panulaang Tagalog—bago at makaraan ang panahon ni Balagtas—sa ganitong paraan: Una, ang pagbabago nang ayon sa likás na paglago ng wikang Tagalog at batay sa malig ng bansa. Ikalawa, ang pagbabago, ayon sa diyalektikang pagsasalikop ng katutubo at banyagang impluwensiya, wika, at iba pang katulad. Ikatlo, ang paglago ng Tagalog alinsunod sa pagtanaw na pagbabago sa panitikan, teorya, at wika doon sa ibayong-dagat. Ikaapat, ang paglago ng Tagalog alinsunod sa itinakdang panuto at isinabatas na Filipino bilang wikang pambansa.

Kahit si Alejandro G. Abadilla, isa sa mga rebelde ng panulaang Tagalog, ay magpapanukala ng malusog na pagbabago sa panulaang Tagalog. Ang pagbabago, aniya, ay hindi dapat nakasalig sa basta panggagagad sa mga makatang banyaga o dili kaya’y sa mga dakilang makata sa Filipinas. “Pihong patay ka na!” aniya, kung gagagarin lamang ang “mga klasikong Makata.” Ang reaksiyon ni Abadilla ay mauugat sa banat sa kaniya ng mga makata mula sa Aklatang Bayan na tumuligsa na “maka-Kanluranin” ang impluwensiya niya at malayong-malayo sa agos ng mga Balagtasista. Uuyamin ni Abadilla ang panuntunan ng mahigpit na antas na tugmaang ipinanukala ni Regalado at kapanalig nito noong 1937. Maihahalimbawa ang isang mala-tanaga sa Tanagabadilla (1965):

Ang aking tugma ay
Aking kinusa, sa
Loob ng tula. Ay,
Sino’ng timawa ga?

Lumikha ng padrong mala-tanaga si Abadilla, na salungat sa lalabindalawahing pantig na awit ni Balagtas, at mahihinuhang susog sa mga bagong tanaga na nilikha noon ni Ildefonso Santos. Bumuo rin si Abadilla ng panloob na tugmaan bilang sagot sa panutong tugma ni Regalado. Niloko ni Abadilla ang panuntunan sa pandulong tugma dahil sa paggamit niya ng mga katagang “ay,” “sa,” at “ga” samantalang ikinukubli ang magkasalit na tugmaang tudlikang “tugmâ” at “tulâ,” at “kinusà” at “timawà.” Huwag ipagkamaling nagrerebelde lamang si Abadilla sa panutong tugma’t sukat na pawang nabuo nina L.K. Santos, Balmaseda, at Regalado. (Hindi na dapat banggitin pa ang itinalang mga halimbawang tula ng mga fraileng Espanyol, at maaaring hindi yaon nabasa o napansin ni Abadilla.) Ang pagrerebelde ni Abadilla ay sasaklaw kahit sa karaniwang sensibilidad sa pagdulog sa tula. Para kay Abadilla, ang sinasabing “katutubong balangkas,” gaya ng tugma’t sukat, ay matatagpuan umano sa lahat ng panulaan sa daigdig. Ikalawa, ang “sinasabing malayang taludturan ay hindi na rin bago at bahagi pa nga ng katutubong balangkas ng Tulang Tagalog.”7 Masasabing reaksiyonaryo at mapanlagom ang tugon ni Abadilla sa pahayag ni Regalado. Hindi siya nakapagbigay ng maituturing na mga katangian ng poetikang Tagalog upang maisulong ang kaniyang haka hinggil sa dinamikong paglago nito, halimbawa sa paggamit ng estriktong tugma’t sukat tungong malayang taludturan. At kahit ang mga pahayag niya hinggil sa “malayang taludturan” o “tugma’t sukat” ay hindi napalawig at nasuhayan ng mga patunay, saliksik, o impormasyon, halimbawa noong panahon ng Espanyol, upang mailugar ang panulaang Tagalog sa karapat-dapat nitong kalagayan kung ihahambing sa panulaang lalawiganin o panulaang Ingles sa Filipinas.

Ngunit bago pa man ang pagrerebelde ni Abadilla ay naunang nagrebelde sina Regalado, Benigno Ramos, at Pedro Gatmaitan sa mga Filipinong nagsusulat sa Espanyol. Mapangahas na nagpakilala ang tatlong makata ng bagong anyo ng pananaludtod sa Tagalog na kakaiba sa awit ni Balagtas. Bukod pa rito, ang tungkong makata ang unang maláy na lumikha ng mga tulang Tagalog na dalisay-na bukod sa tudlíkan at karaniwan-at siyang tugon sa panghahamak nina Jesus Balmori, Manuel Bernabe, at iba pang kapanalig sa Espanyol sa panulaang Tagalog. Pahayag nga ni Regalado sa isang panayam:

Nagugunita kong minsan ay may isang tulang binasa Ben Ruben (Benigno Ramos). Maganda ang tula at pinuri ng mga manunula sa Kastila. Ngunit si (Manuel) Bernabe ay nag-ukol ng isang pasubali. “Makagagawa nga kayo ng magagandang tula sapagkat panunugma ninyo ay karaniwan lamang; di gaya naming laging nasisiki sa mga tuntunin ng panulaan; kayo’y walang tuntuning sinusunod; kayo’y hindi makagagawa ng tinatawag naming rima perfecta. Ang ating talasalitaan sa Tagalog ay paos na kapos para sa gayong uri ng tula.” Humalakhak noon si (Jesus) Balmori na waring namamalibhasa. Por amor propio, wika ay pasigaw kaming naitanong, at bakit hindi? “Kung pagsasanayan ay maaari nga marahil,” ang malumanay na nasabi ni (Claro M.) Recto. Ipinangako namin na sa darating na Sabado ay pagsasanayan naming gawin ang ayon kay Bernabe ay hindi namin magagawa. Pagkatapos ng minindalan nang hapong yaon, kaming kung tawagin na’y mga makata noo ay nag-usap-usap at nagkayaring magpilit na gumawa ng tula nasa rima perfecta.8

Ang tugmang dalisay na ipinamalas ng tatlong makatang Tagalog ay pumapantay kundi man hinihigtan ang rima perfecta ng Espanyol; bukod pa roon ang paggamit ng mapanggulat na eksperimentasyon nina Ramos at Gatmaitan hinggil sa mahahabang sukat ng mga taludtod at maaliw-iw na indayog ng saknungan. Ang reaksiyon ni Regalado at ng kaniyang mga kapanalig ay magtutulak din sa kanila upang buuin ang poetikang Tagalog, at nang maipakilala saka maipalaganap sa madla.

Ang gayong himagsik ng pangkat ni Regalado ay maaaring hindi batid ni Abadilla na ni hindi nagtangkang halungkatin ang mga antigong dokumentong Espanyol, ni gumamit ng tugmang dalisay. Ang tugmang dalisay—na ang huling pantig at ang sinusundan nitong patinig sa dulong salita ng bawat taludtod ay nasusulat sa iisang baybay lamang—ay mahirap gawin dahil nangangailangan yaon ng malalim na kaalaman sa bukal ng talasalitaan at sa mga “bahagyang pagkakaiba-iba ng mga pahiwatig.” Kung isinulong ni Regalado ang tugmaang “dalisay” at “tudlikan,” ipapasok naman ni Almario ang isa pang uri ng tugmaan, ang “pantigan” na nasa pagitan ng dalawang uring pinauso ni Regalado. Hindi magtatapos ang gayong uri ng tugmaan, dahil ipapanukala ni Roberto T. Añonuevo ang kaniyang bersiyon ng “tumbalik tugmaan” bilang pandulong tugma, bukod pa sa pagsisingit ng pambihira’t estriktong panloob na tugmaan na hindi saklaw ng mga paliwanag nina Regalado, Abadilla, at Almario. Samantala, ang modernismong pagdulog sa tula ay pahahagingan naman ni Mike L. Bigornia. Sa tulang “Salimpusa” (1984), ginamit ni Bigornia ang aapating sukat sa bawat taludtod, na lalapatan ng kontrapuntong himig, iiwas sa paggamit ng mga bantas, at maparikalang gagagarin sina William Carlos Williams at e.e. cummings at ang mga alagad nila sa Filipinas, habang nagpapasaring sa tinig ng makatang alanganin:

Kaliwete
siyang kamay
sa kalakhang
kakananan

Sintunadong
baho-tenor
sa kakorong
kanta-tores

Ilokano
at timawa
sa planeta
ng Tagalog

Tagalerong
kakatwa sa
uniberso
nilang Ingles

Kung babalikan ang anyo ng “Sugat ng Salita” ni Bautista, masasabing ang “modernismong pagdulog” niya sa tula ay malayong makita sa tabas at haba ng kaniyang pananaludtod, gamitin man ang mga pamantayan nina L.K. Santos at Regalado o nina Abadilla at Almario. Ang kabaguhan, kung may kabaguhan mang maituturing, sa tula ni Bautista ay mahihinuhang matatagpuan sa kaniyang paggamit ng mga sariwang hulagway at kaisipang humuhugot ng banyagang alusyon, bukod pa ang di-karaniwang paraan ng paglalahad sa tula. Kung gayon, marapat lamang na pagtuonan nang malalim ang malusog na pagsasalikop ng katutubo at banyaga sa kaniyang tula.

Bahagi ng kasaysayan ng bansa ang pagtulang may kaugnayan sa pananalig at relihiyon. Ayon sa pag-aaral ni Rene B. Javellana, mulang 1610 hanggang 1703 ay dadalawang Tagalog lamang ang pinayagan at pinalad na makapagpalathala ng kani-kaniyang aklat. Una, Si Tomas Pinpin. At ikalawa, si Gaspar Aquino de Belen. Katon ang sinulat ni Pinpin, at pinamagatang Librong Pagaaralan nang mga tagalog nang Uicang Castila (1610). Samantala’y aklat ng panalanging hango sa tradisyon ng Katoliko ang sinulat ni Aquino de Belen: Mga Panalanging Pagtagobilin sa Caloloa nang Tauong Naghihingalo (1703), na salin ng Recomendacion de las Almas (1613) ng Heswitang Thomas de Villacastin. Naiiba ang kay Aquino de Belen dahil bahagi ng kaniyang aklat ang Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola at ipinananagano sa cataastaasang Poong Jusus Nazareno. Patula ang pagkakasulat ng pasyon, at ang pinakamahaba nang panahong iyon, kung ihahambing sa maiikling tula ng mga misyonerong fraile at ladino. Ang nasabing pasyon, ayon kay Javellana, ay mahihinuhang hinugot sa tadyang ng Retablo de la Vida de Cristo ni Juan de Padilla at dinagdagan pa ng mga detalye mula sa liturhiya ng Missale Romarum na dekreto ng Konsilyo ng Trento, bukod pa ang mga apokripa’t alamat mula sa Legenda Aurea ni Jacobus de Voragine.

Ipinadron umano sa kintiya (quintilla), pansin ni Lumbera, ang pasyon ni Aquino de Belen. Para naman kay Almario, ang padron ng pasyon ay maaaring hawig lamang sa sukat ng kintiya dahil wala namang kintiya na isahan ang tugma ng buong saknong. Marahil ay may gayunding uri ng tula ang mga katutubong Tagalog, ani Almario, gaya ng ambahan na kaniyang sinipi, subalit sinampalad na mabura sa gunita ng bansa at ni hindi napangalanan man lamang sa mga tala. Ano’t anuma, ang rikit ng pasyon, parakay kay Javellana, ay mauulinig sa pambihirang paggamit ng talinghaga, ang pananalinghagang “hindi madaling pantayan.” Bakit? Dahil hindi lamang umano nanggagad sa ebanghelyo si Aquino de Belen. Ang kaniyang salaysay ay “may kahalong paliwanag ayon sa diwa ng doktrina ng Simbahan.” Kamatayan at luwalhati din ang pinapaksa ng pasyon, gaya ng “Sugat ng Salita” ni Bautista, bagaman mapang-uyam ang kay Bautista.

Lumikha ng pailalim na agos ang pasyon ni Aquino de Belen. Matagumpay nitong sinaklaw ang Tagalog, at kahit ang mga abstraktong konsepto ng Katolisismo ay naisalin sa kaisipan (o diskurso) ng Tagalog, saka nagkahugis sa paraan ng pagsagap ng mga Katutubo sa daigdig. Hindi kataka-taka na pagsumundan ang pasyon. Kung ano-anong babasahin ang hinalaw, isinalin, at inilathala hinggil sa apokripa, dasal, korido, liturhiya at romanse na pawang may kaugnayan sa pananalig at relihiyon; at siyang ipinakalat noong panahon ng pananakop ng Espanyol. Mababago lamang ang lahat nang gamitin ng mga maghihimagsik, gaya nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Marcelo H. del Pilar, ang mga dasal at pananalig sa Maykapal bilang dalumat ng pagbalikwas sa awtoridad nang makamit ang kalayaan. Maihahalimbawa rito ang tila tulang tuluyan na “Ang Kasalanan ni Cain” ni Jacinto; ang panambitang “Tapunan ng Lingap” ni Bonifacio; at ang mga mapanudyong “Ang Amain Namin” at “Aba Ginoong Baria” ni Del Pilar. Tumatagos sa loob ang panggagad ni Del Pilar sa mga panalangin, at sa mapagpatawang paraan ay mariing sinasampal ang mga abusadong alagad ng simbahan.

Ang talakay ng mga sumunod na makatang Tagalog ay hindi lamang malulunoy sa pagtuligsa sa mga alagad ng Simbahan, kundi sa mga patakaran ng Simbahang Katolika, Pamahalaan, at Negosyo. Pinakamatindi sa lahat si Jose Corazon de Jesus na marahil ay may pinakamaraming tulang may alusyon hinggil sa diyos at relihiyon, subalit ang tumbok ay pagkakamit ng ganap na kalayaan ng Filipinas, pagbabago sa sistema ng pamahalaan, at pagtutuwid sa mga maling asal ng Tagalog. Higit pa roon, iinog ang mga tula sa pag-urirat sa konsepto ng “diyos” mismo, kundi man hinggil sa mga pilosopiya at metapisikang nakaugat sa Kristiyanismo, gaya ng “Mga Taong Diyos” ni Salvador Barros; “Bathala ng Paggawa” ni J.C. Balmaseda; at “Ang Tulisan” ni Florentino T. Collantes. Magandang balikan ang tulang “Ang Diyos Ko” (1929) ni Ramos: Saad nga ng tula:

Ang Diyos ko’y wala sa loob ng templo
ni sa mga pista’t ugong ng organo;
ni wala sa piling ng mga obispo
at ng magagara’t mayayamang tao.

Kung wala sa simbahan at sa piling ng mayayaman ang diyos ay nasaan naman? Naroon umano sa bukid, sa laot, sa nayong tahimik. Kapiling ang mga dukha, obrero, at sinumang masikap. At matatagpuan ang diyos sa may lungkot, sa may lagim, sa may habag na pawang kabaligtaran ng mga mala-karnabal na pistang pinauso ng mga fraileng Espanyol. Sakdalista ang tula ni Ramos, pumapanig sa kulang-palad at inaapi; at sumasalungat sa nakagawiang pag-idolo sa diyos na nakapiit sa loob ng mga simbahan. Umaalunignig sa tula ng makata ang mga binitiwang pangaral ni Bonifacio’t Jacinot sa buong Katagalugan, at kaya maituturing na sungayan.

Sa nasabing mga kaligiran dapat titigan ang mga kaisipang nakatimo sa tula ni Bautista, at kung paano naiiba ang tula niya sa iba pang tulang nilikha ng mga makatang Tagalog na halos katasin ang lahat ng may kinalaman sa “diyos” at “kaligtasan” at “kalayaan” kahit magmistulang “armagedonista” ang iba, tulad ng bansag ni Almario kina Teo S. Baylen at Cresencio C. Marquez pagsapit ng dekada 1960. Nang malathala ang “Sugat ng Salita” ni Bautista, masasabing gastado na’t gasgas na ang nasabing paksa ng tula, at lalo pang nakatalam ang Pag-aalsa sa EDSA noong 1986 nang muling gumitna sa politika ang mga alagad ng Simbahan. Waring iniwasan nang tingkiin ng nakararaming makatang Filipino ang tungkol sa diyos, at sa halip ay naglabasan ang mga tulang protesta na tila nakawal sa kural at inilathala ng ilang publikasyon. Ngunit ano nga ba ang ikinaiba ng tula ni Bautista sa hanay ng mga tulang may kahawig ding paksa?

Mahirap arukin ang “Sugat ng Salita” ni Bautista sa unang malas. Hindi gumamit ng anumang bantas ang makata sa kaniyang tula. (Kung babalikan ang kaniyang buong kalipunan ng tula, labingwalo sa apatnapu’t limang tula ang hindi ginamitan ng bantas.) Hindi naman masama kung hindi gagamit ng bantas, at pinatunayan na ito ng mga Amerikano o Pranses o Indones o Latino Amerikanong makata, “na lumilihis sa inaasahang malilimbag sa papel, at sa palasak na panlasa ng mga karaniwang mambabasa.” Mahihinuha na ang eksperimento sa pananaludtod ni Bautista ay nagsasaalang-alang nang malaki sa kabaguhan ng panulaang panlabas, halimbawa doon sa Amerika, imbes sa sariling paglago ng panulaang Tagalog sa loob ng Filipinas. Kung babalikan ang nakaraan, si Abadilla mismo ay itatakwil ang basta panggagagad lamang ng anyo ng tula na mula sa ibang bansa, at itatanggi na sumusunod lamang siya, halimbawa, kina Cummings, Whitman, at Williams.

Mistulang sagabal sa pagbasa ang pagtatanggal ng mga bantas sa mga pangungusap at pariralang nakapaloob sa mga saknong ni Bautista. Ang magiging hudyat lamang ng pagbabago ng mga pahayag ay mahihiwatigan sa mga salitang nagsisimula sa malaking titik sa bukana ng masasabing pangungusap o parirala. Maaaring pangatwiranan yaon kung ituturing na tila agos ang mga salita, at siyang nakaanyo sa pahabang tulos na nakabaon sa pinakapusod ng dagat. Idagdag pang pagtatangka yaon na gawing “moderno” ang “makalumang” pananaludtod ng Tagalog, hiluhin sa kakatwang paraan ang mambabasa, at itago sa mga alamís ang kaisipan o damdaming mahirap lapatan ng pakahulugan. Gayunman, ang kawalan ng bantas sa tula ni Bautista ay nagpaigting ng kalabuan imbes na magpasok ng anumang estetikang eksperimento dahil sa masasabing sablay na paggamit ng mga pangungusap, mga pangungusap na animo’y tandisang salin sa Tagalog ng kapuwa pangungusap at idyomang Ingles.

Maihahalimbawa ang mga taludtod 3-7. Ingles ang tabas ng nasabing pangungusap, at hindi Tagalog. Maitutuwid ang pangungusap nang ganito: Ang lumot/ sa silong ng dagat / [ay] humahabi/ ng lambat/ na Kristal. Mahalaga ang “ay” na nakakahon bilang kaugnay at karugtong ng pandiwang “humahabi.” Maaaring mawala lamang ang “ay” kung babaligtarin ang pangungusap: “Humahabi/ ng lambat/ na Kristal/ ang lumot/ sa silong/ ng dagat.” Isa pang halimbawa ang mga taludtod 69-72 (“Mabubura/ ang dilim/ ng utak/ na parang/ [sa] panaginip”). Nakaligtaang isingit ni Bautista ang pang-ukol na “sa” sa pagitan ng mga salitang “parang” at “panaginip.” Ang bunga’y ang “panaginip” ay naging pagwawangis (simile) ng “utak” imbes na tumukoy sana sa “paglalaho ng dilim sa isip.”

Pambihira ang palaugnayan (syntax) sa mga taludtod 161-200. Kapag walang mga bantas ang nasabing mga taludtod ay tiyak na hahangaan iyon ng sinumang mababaw ang alam sa Tagalog dahil nakalilito ngunit maindayog ang tunog ng bawat salita. Ang mga taludtod 161-172 ay maituturing na isang pangungusap. Samantala’y ang mga taludtod 173-200 ang isa pang bukod na pangungusap dahil ang taludtod 173 kapag iniugnay sa taludtod 172 ay napakalayo ang agwat ng diwain at sasablay ang palaugnayan. Dapat sana’y malaking titik ang “a” sa “at” ng taludtod 173. Payak lamang naman ang ibig isaad ng mga taludtod 161-172, at maitutuwid at mapagagaan nang ganito: “Sapagkat isda ka sa simula at wakas: Isda sa isda, tubig sa tubig ang pag-ibig ng iyong Ama sa daigdig.” O di kaya’y mabibiyak ang buong pangungusap sa dalawang panig: “Sapagkat isda ka sa simula at wakas. Isda sa isda, tubig sa tubig, ang pag-ibig ng iyong Ama sa daigdig.”

Dapat titigang maigi ang mga taludtod 173-200. Nakalilito ang orihinal dahil ang tabas ay Ingles na inihulog wari sa Tagalog. Maihahalimbawa ang mga saknong 173–200:

172 daigdig
173 at ikaw
174 habang tuloy

175 ang lindol
176 sa silong
177 ng dagat

178 mangingisdang
179 nakatayo
180 sa pampang

181 sunungin mo
182 ang bakal
183 naming puso

184 gaya nang
185 pagsunong mo
186 sa araw

187 pagaanin
188 itong tila
189 bulak at

190 itawid
191 doon sa
192 kabilang

193 ibayo
194 sa bundok
195 na luntian

196 sapagkat
197 maulap
198 magrasya

199 sapagkat
200 may awitan
201 At kapag

Ganito ang magiging anyo kung lalagyan ng mga bantas ang kay Bautista: [A]t ikaw[,]/ habang [pa]tuloy/ ang lindol/ sa silong [sic]/ ng dagat[,]/ mangingisdang/ nakatayo/ sa pampang[,]/ sunungin mo/ ang bakal/ naming puso/ gaya nang [sic]/ pagsunong mo/ sa araw[,]/ pagaanin/ itong tila/ bulak at/ itawid/ doon sa/ kabilang ibayo/ sa bundok/ na luntian/ sapagkat [sic]/ maulap[,] magrasya[,] sapagkat [sic] may awitan[.] Mabigat pa rin ang daloy ng pangungusap dahil sablay ang palaugnayan. Ang resulta: Nasira ang panambitan ng persona sa tula dahil sa marupok na pagkakaayos ng mga salita. Mali ang gamit ng “sapagkat” na tumutukoy sa bundok, at mahihinuhang Ingles ang padron nito; sapat na ang “na” upang iugnay ang bundok sa matalinghagang parnaso ng kaluwalhatian. Maisasaayos pa ang naturang halimbawa sa higit na magaang na paraan: “Habang patuloy ang pagyanig ng sahig ng dagat, o Mangingisdang nakatayo sa pasigan, isunong mo ang bakal naming puso, gaya ng pagsunong mo sa araw, at pagaaning gaya ng bulak. Pagdaka’y dalhin mo kami sa ibayo, doon sa bundok na lungtian, maulap, masagana, at may awitan.” Ang totoo’y madali namang maiintindihan ang orihinal pangungusap ng makata kung nagkataong Ingles ang padron ng Tagalog, ngunit sadyang naiiba ang Tagalog sa Ingles. Ang nasabing pagkakamali ay mahahalata rin sa mga taludtod 154-160 na isa pang halimbawa ng Ingles na Tinagalog. Maisasaayos ang nasabing mga taludtod sa ganitong paraan: “Silang lahat/ [ay] sasambulat [sic, huhulagpos]/ sa lambat/ kung igalaw [sic, itataas]/ mo ang iyong/ tinapay/ at lagdaan [sic, lalagdaan]/ ang papel/ ng isda/ mong pangalan[.]” Mahalaga ang “ay” bilang pang-ugnay sa pandiwa. Mali ang gamit ng salitang “sasambulat” dahil maipagkakamaling ang “mangagkakalat” o “sasabog” ay ang mga isda imbes na tumukoy sa “pagkabutas” ng lambat. Mas angkop gamitin ang “huhulagpos” o dili kaya’y “kakawala” upang maisaad ang pagtakas ng mga isda palayo sa lambat na nabutas habang itinatanghal ang simbolikong tinapay. Mahina din ang salitang “igalaw”-hindi lamang sa maling gamit ng panahunan ng pahayag-kundi napakalabo ng “galaw.” Anong “galaw”? Tumutukoy ba ito sa “kislot” o “tanghal”? Marahil ang ibig isaad ni Bautista’y “itaas” gaya ng ginawa ni Kristo nang itaas at itanghal niya ang tinapay bago hatiin saka ipamahagi sa kaniyang mga alagad.

Ang mga taludtod 19-35 ay ikalilito ng sinumang babasa kung pananatilihin ang ganap na pag-iwas sa paggamit ng mga bantas. Ang “kalansag,” (taludtod 24) na mahihinuhang tipograpikong pagkakamali at dapat sana’y “kalasag,” ay maiisip na kaugnay ng “buwan” (taludtod 24) o ang alingawngaw nito. Na hindi naman talaga gayon dahil ang mga taludtod 17-23 ang bubuo ng isang bukod na pangungusap, samantalang ang mga taludtod 24-34 ay panibagong pangungusap.

Hindi dapat palampasin ang mga taludtod 24-34 na halimbawa ng malikhaing paghuhulog sa Tagalog ng Ingles na pangungusap: “[Ang] Kalansag [sic]/ na yero/ o yari/ sa buto/ ay mabagal sumangga/ sa dusa/ o lumangoy/ sa simoy/ sa ugoy/ ng dugo.” Maitutuwid ang nasabing pangungusap sa ganitong paraan: “Ang kalasag na yari sa yero o buto ay [marupok] sumanggá ng dusa o [mabigat ikampay] sa duguang simoy.” Tandaang “dusa” ang sinasalág, at hindi nakapaloob sa “dusa” ang pagsalag. “Kalasag” ang iniaangat sa eyre at siyang pananggalang. Ang pariralang “sa ugoy ng dugo” ay mahihinuhang Ingles ang padron at maaaring tumukoy sa “tilamsik ng dugo” o dili kaya’y “pitlag ng dugo.” Mabagal ang pagsalag dahil lalamyâ-lamyâ ang sinumang tao na tangan ang kalasag; at walang kaugnayan ang kalidad ng pagkakagawa ng kalasag sa “bilis” ng pagsalag. “Marupok” kung gayon ang maimumungkahing angkop na salita bilang pang-uri sa “kalasag.”

Nalilinsad ang ilang pangungusap dahil sa mahihinuhang mabuway na paggamit ng ilang salita na tumutukoy sa ibang antas ng pakahulugan. Halimbawa, ang salitang “Yuyuko” sa taludtod 35 ay mas angkop na palitan ng “Mahahawi” o “Lulúgay” o kaya’y “Dadapâ” dahil tinutungkol sa tula ang “balbas” na iwinangis sa “pakô” (Athyrium esculentum). Ang mga taludtod 75-76 (“ang sansiglong/ pag-idlip“) ay isa pang uri ng malikhaing paghahalo ng mga tayutay. Tumutukoy ang “idlip” sa maikling yugto ng pagtulog na winakasan ng “alimpungat.” Kapag idinugtong ang “idlip” sa “sansiglo” (isa+na+siglo) ay mababago na ang pakahulugan. Hindi na yaon “idlip” kundi maituturing nang “paghimbing” kundi man “pagkawala ng malay nang matagal” (i.e., coma). Makalulusot lamang sa gayong antas ng puna kung ituturing na ang isang siglo ay napakaikling yugto, halimbawa, sa buhay ng Kristiyanismo na malakas ang alusyon sa tula. Subalit ang gayong diskurso ay malabis nang pagbasa. Waring pumupukol ng nagsasalimbayang mga sagisag ang makata nang walang direksiyon, saka haharap sa kaniyang mambabasa upang magtanong: “Nakita mo? Nakita mo?”

Maihahalimbawa rin ang paggamit ng “silong” na dalawang ulit binanggit sa tula (mga taludtod 4 at 176). Tumutukoy ang “silong” sa ilalim ng bahay at karaniwang nagiging kulungan ng hayop kundi man imbakan ng gamit o garahe ng kalesa. Ang nag-uugnay sa silong at sa tanggapan-na itinuturing na unang palapag-ng bahay ay ang hagdan. At ang hanggahang nagbubukod sa silong at sa tanggapan ay ang sahig. Kung pagtutumbasin ang bahay at ang dagat ay magbubunga yaon ng pagkalito sa mambabasang Tagalog. Ang sahig ng dagat ang pinakapusod; samantalang ang rabáw (i.e., surface) ng tubig ay magiging bubong. Ano ngayon ang “silong”? Marahil ang tinutukoy sa tula ay ang dalawang saray ng tubig, kung ibabatay sa agham. Una, ang malapot (o “mabigat”) na tubig ng kailaliman at siyang di-kayang tagusin ng sinag ng araw; at ikalawa, ang malabnaw (o “magaan”) na tubig na nasa antas na kayang abutin ng sinag bukod pa sa nagtataglay ng oxygen. Ang problema’y wala namang lumot na nabubuo sa pinakailalim na saráy ng tubig dahil walang sinag na makatatagos doon at siyang makalilikha ng fotosintesis para dumami ang lumot o halamang-dagat. Sa itaas na saráy lamang ng tubig nabubuo ang lumot. Kung babalikan ang Declaración de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver (+1599), ang “silong” ay ginawang talinghaga ng Espanyol para sa “impiyerno” na dapat iwasan ng mga Indio. At kung babalikan ang talinghaga ni Bautista, ang “silong” ay tumutukoy sa lahat ng nasa ilalim ng rabáw ng tubig. Ano kung gayon ang buong lawas na ginagalawan ng mga “lamandagat”? Hindi na magiging “silong” iyon kundi isa nang “daigdig.”

Kung lilingon sa tradisyon ng panulaang Tagalog, ang estilo ni Bautista’y isang uri ng pagkabarók at matagal nang pinuna ng mga batikang kritiko, gaya nina L.K. Santos, Regalado, Balmaseda at ng Aklatang Bayan.10 Ngunit higit pa roon, mahihinuhang umangkat ng banyagang kaisipan, hulagway, at alusyon ang makata at pilit ipinaloob sa wikang Tagalog na siyang ipinadron naman sa Ingles. Inilipat lamang ni Bautista ang pook sa Filipinas at kinasangkapan ang Tagalog, subalit pumipintig pa rin sa kaniyang tula ang banyagang sensibilidad. Magandang balikan si Balagtas. Gumamit din si Balagtas ng mga banyagang alusyon. Ang pagkakaiba lamang niya kay Bautista’y napagtagumpayan niyang maangkin ang banyagang padron (i.e., awit); saklawin sa Tagalog ang anumang butil ng Griyego at Romanong kaisipan; at itanghal ang nagbabago’t kosmopolitanong anyo ng panulaang Tagalog para sa Tagalog ng kaniyang panahon.

Upang higit na mapadalî ang pagbasa sa “Sugat ng Salita,” maisasaayos ang daloy ng mga pangungusap sa ganitong paraan:

1. Hindi ka/ nag-iisa. 2. Ang lumot/ sa silong ng dagat /[ay] humahabi/ ng lambat/ na Kristal. 3. [Ang] bawat buhol[,]/ [ang] bawat/ matang mistral[,]/ ay salaming/ bibitag/ sa pating,/ pawikan, at hipon. 4. Ang ibig sabihin[:]/ [“Ang] Kahariang/ salat sa/ asin ay/ may basag/ na buwan[.”] 5. [Ang] Kalansag [sic, kalasag]/ na yero/ o yari/ sa buto/ ay mabagal [sic, marupok]/ sumangga/ [ng] dusa/ o lumangoy [sic, mabigat ikampay] sa simoy sa ugoy/ ng dugo [n.b. mapaiikli ito ng “sa duguang simoy” o “sa simoy na may bahid ng dugo.”] 6. Yuyuko [sic, Lulugay]/ ang balbas/ [na] tila pakô/ sa dilawang/ yungib ng/ arsobispong/ kuba at/ uugong/ sa buhangin/ ang Kataga[.] 7. Sa tunog/ ng lambat[,] sa sinag/ ng kanyang/ balarila[,] ang simbahan ng simula at ng wakas ay tutubo[:]/ isang lakas/ gaya ng/ iyong bikas/ [na] panlaban/ sa [pag]dagit/ ng mga/ agilang/ mandarambong[.] 8. Pitong bato/ at pitong/ bubong ang/ sisibol/ upang bigyan[g]/ buhay ang/ kawalan[.] 9. Mabubura/ ang dilim/ ng utak/ na parang/ [sa] panaginip[.] 10. Mawawasak [sic, magwawakas?]/ ang sansiglong/ pag-idlip[.] 11. Sasabihin/ mo[,] “Tularan/ ang isda[.”] 12. Hindi siya [sic]/ nagtatanim/ ng sibat[,]/ hindi siya [sic]/ lumililok/ ng galit/ subalit/ sa kanyang [sic]/ matubig/ na puso/ nakaluklok/ ang Kataga[.] 13. Tularan/ ang buhangin[.]/ [K]ahit anong/ layo ang/ marating/ ng sanlibong/ paa [ay] dito/ rin ang hantong/ sa pampang[.] 14. Wala siyang/ aklat [na] lantad [ang]/ talambuhay/ ng ina[.] 15. Wala siyang/ bahay [na] litaw/ [ang] medalyon/ at insenso[.] 16. Wala siyang/ bayan kundi/ [ang] aplayang/ gutom[,] tikom/ ang labi/ sa kaway/ ng barko/ at marino[.] 17. Subalit/ ang plastik/ na tiyan/ nito (tumutukoy kanino? sa aplaya o sa isda?) ang/ tagpuan/ ng mga/ hari at/ kriminal/ bago sila/ umakyat/ sa trono/ o sa bangkô. 18. Ang payo [pangaral?]/ niya ay/ langit o/ giyera/ armageddon/ o grasya[.] 19. [“]Gayahin/ ang buhangin[.”] 20. Ang taong/ bulag ay/ walang bahag [na buntot.] 21. Ang taong/ pilay ay/ walang tulay[.] 22. Ang taong/ bingi ay/ walang pisngi[.] 23. Ang taong/ pipi ay/ laging api[.] 24. Silang lahat/ [ay] sasambulat [sic, huhulagpos]/ sa lambat/ kung igalaw [sic, itataas]/ mo ang iyong/ tinapay/ at lagdaan [sic, lalagdaan]/ ang papel/ ng isda/ mong pangalan[.] 25. Sapagkat/ ikaw ay/ isda sa/ simula at/ katapusan[:] Isda sa/ isda[,] tubig/ sa tubig/ ang pag-ibig/ ng iyong/ Ama sa daigdig[.] 26. [A]t ikaw[,]/ habang [pa]tuloy/ ang lindol/ sa silong [sic]/ ng dagat[,]/ mangingisdang/ nakatayo/ sa pampang[,]/ sunungin [isunong] mo/ ang bakal/ naming puso/ gaya nang/ pagsunong mo/ sa araw[,]/ pagaanin/ itong tila/ bulak[.]/Pagdaka’y/ itawid/ mo kami/ doon sa/ kabilang [sic, maaaring tanggalin dahil maulit] ibayo/ sa bundok/ na luntian/ sapagkat [sic]/ maulap[,] magrasya[,] sapagkat [sic] may awitan[.] 27. At kapag/ naiupo/ mo na kami/ sa aming/ tuyong bukas/ ipapako/ ka namin sa/ kapirasong/ kahoy at/ ihahagis/ sa dagat[.] 28. [Mamasdan]/ ka naming/ malunod[,] mangingisdang/ malungkot[,] sa saliw/ ng aming/ halakhak[.]//

Ang paglalagay ng mga bantas, salita, o titik sa itaas ay ginawa hindi upang baguhin ang tula ni Bautista, kundi para sa layuning mabása at masuri ang pinakaubod niyon. Mababatid ngayon na madali naman palang intindihin ang tula kapag inihanay nang maayos ang mga pangungusap. Pinahihirapan lamang wari ng makata ang kaniyang mambabasa na maging matalisik sa pagbabasa dahil sa “eksperimento” sa pananaludtod.

II.
Nagsimula ang tula sa epigrape na hinugot mula sa aklat na You shall be as Gods (1966) ni Erich Fromm, ang tanyag na teoriko, sikologo at pilosopo na tubong Alemanya ngunit nanirahan sa Estados Unidos noong 1934 bagaman noong 1940 lamang nakamit ang pagiging ganap na mamamayan ng Amerika. Ang naturang aklat ay mahaba ang pinag-ugatang pilosopiya at teorya kung pagbabatayan ang mga aklat ni Fromm. Pangunahing bukal ng teorya ni Fromm ang Escape from Freedom (1941)-ang kaniyang kauna-unahang aklat na sumusuri sa sakit ng tao at ng lipunan-na magsisilbing pundasyon ng mga susunod niyang aklat. Isinasaad ng aklat na mababatid lamang ang bumabagabag sa tao kung uuriratin ang nagaganap sa lipunan; at mababatid naman ang bumabagabag sa lipunan kung aalamin ang nagaganap sa kalooban ng tao. Para kay Fromm, may kalayaan ang tao na nasa kaniyang kalooban. Gayunman, malimit tinatakasan ng tao ang “kalayaan” at kaya nababaliw siya o dili kaya’y naghuhunos na sadomasokista. Kung minsan ay inihahabilin ng tao ang kaniyang kalayaan sa lipunan, at kaya nagpapatangay na lamang siya sa nais na agos ng mayorya, gaya sa demokrasya; o kung hindi’y tinatanggap nang di-maláy ang mga panlipunang kilusan, gaya ng pasismo at diktadura. Ang pinakaubod ng teorya ni Fromm ay hinggil sa asal. May pansariling asal ang tao; bukod dito’y may panlipunang asal din siyang magpapatibay ng lipunan. Sa pamamagitan ng panlipunang asal, magagawa ng tao ang kailangang gawin upang patuloy na umiral ang lipunan.

Ang Escape from Freedom ay susuhayan ng The Sane Society (1955) na nagsasaad namang lumalaganap ang pagkatiwalag ng tao sa lipunan at umiiral siyang tila robot sa panahong mabilis ang pagsulong ng industriya, komunikasyon, agham, at teknolohiya. Nagbubunga ang gayong karanasan sa pagkasira ng bait; naglalaho ang kabuluhan ng pag-iral ng tao at siya’y nagiging manhid. At ang tao ay magwawakas na batóng-bató, parang bangkay na bumangon saka lumakad kung saan-saan, kahit sabihin pang maganda ang kaniyang kapalaran alinsunod sa paningin ng materyalistikong tao. Kasanga pa rin ng dalawang nabanggit na aklat ni Fromm ang Man for Himself: An Inquiry into the Psychology of Ethics (1947) na kumasangkapan sa teorya ni Sigmund Freud. Ngunit sa pagkakataong ito’y hinigitan ni Fromm ang mga pagsusuri ni Freud hinggil sa pag-unlad ng asal ng tao, dahil hindi lamang nakasalalay sa biyolohiya at sex ang kapalaran ng tao kundi kaugnay din ng mga pangyayari sa loob ng lipunan, gaya ng isinasaad ni Karl Marx. Ang alingawngaw ng nasabing pag-aaral ay mababanaagan sa Sigmund Freud’s Mission: An Analysis of his Personality and Influence (1959), Marx’s Concept of Man (1961), at Anatomy of Human Destructiveness (1973). Sa madali’t salita, ang teorya ni Fromm ay hinggil sa asal ng tao, ang asal na panloob (pansarili) at panlabas (panlipunan), at kaugnay ng kalikasan ng tao o sangkatauhan.

Malusog ang isang tao, ayon sa modelo ni Fromm, kung nagtataglay siya ng “produktibong asal” na kayang lumikha at magmahal, gaya ng ginagawa ng alagad ng sining at ng maestro ng Zen. Mahirap makamit ang produktibong asal dahil hindi basta makukuha yaon sa kisapmatang pagbubulay o sa pagdanas ng sikil na damdamin. Kailangan ang pagdalisay ng kalooban sa pamamagitan ng patuloy na pagbubulay at pagkakawanggawa. Maiuugnay ang nasabing paksa sa You shall be as Gods. Para kay Fromm, ang sandigan ng Kanluraning kultura ay nasa tradisyong Griyego at Hudyo. Isang pruweba ang Bibliya na nagbabago ang dalumat ng bathala, mula sa bathala ng katutubong tribu hanggang sa diyos nina Moises at ng mga propeta. Malabo ang hulagway ng diyos kaya kailangang lumikha ng batayang batas ang mga tao. Ito ang batas na nag-aatas sa mga tao na magbanyuhay tungo sa pangarap na kaligtasan nang may pagkakaisa at katarungan.

Ang pilosopiya ni Fromm ay magsisimula hinggil sa alamat nina Adan at Eba, at siyang unang mababasa sa The Sane Society. Para kay Fromm, higit na malakas si Eba kay Adan dahil itinuro niya sa lalaki ang pagiging tao. Nang kumain ng prutas buhat sa Punongkahoy ng Karunungan sina Eba at Adan, nadama nilang bukod ang katangian nila sa kaligiran ng Eden ng Inmortal. Nagsimula silang maging tao, bagaman naroroon pa rin sa pambihirang pook ng Inmortal. Nadama nilang mahiya sa unang pagkakataon dahil lastág ang kanilang pangangatawan, at kaya nilisan ang Paraiso. Para kay Fromm, may kakayahang magpasiya ang tao at makalilikha siya ng sariling halagahan, imbes na sumandig lamang sa makapangyarihang tinig na tagapag-atas ng halagahang dapat pagsumundan ng tao. Binaklas ni Fromm ang nakagawiang pagbasa ng mga Hudyo sa Lumang Tipan. Ang gayong taktika ay gagamitin din niya upang baklasin at pag-ugnayin bago palawigin ang mga teorya ni Freud at ni Marx hinggil sa pag-usisa sa asal ng tao at ng lipunan. Ang problema kay Fromm ay halos higitin niya ang kaniyang unang aklat sa pamamagitan ng paglilinang ng mga diwain sa mga susunod na aklat, at kaya nakasasawang basahin.

Bakit kailangang banggitin si Fromm? May kinalaman ang kaniyang epigrape sa tula ni Bautista. Ang epigrape na “Taglay ng bawat tao sa kanyang sarili ang buong sangkatauhan” ang munting bintana at tagapag-ugnay na durungawan ng mga teorya ni Fromm at ng tula ni Bautista. Ang mga teorya rin ni Fromm ay magagamit bilang panuhay na lente sa pagsusuri ng “Sugat ng Salita” ni Bautista, habang inilulugar sa panulaang Tagalog ang kilatis ng nasabing tula.

Patanghal ang paraan ng pagpapahayag sa “Sugat ng Salita” ni Bautista. Tampok ang pangmaramihang personang nagsasalita, at siyang pasimuno ng pagkilos ng tula. Kinakausap ng nasabing persona ang “mangingisda” na kaisa umano siya sa kung anong bagay. Sa dulo ng tula’y mananambitan ang persona sa “mangingisda”—na kaipala’y isa ring “tagapagligtas”—upang iangat ang kabuhayan nito sa matalinghagang bundok ng kaitaasan. Ang tangkang parikala ay nasa mga pangwakas na saknong ng tula: Kapag nakamit na ng persona ang lunggati, wala nang silbi ang tagapagligtas kaya maitatapon na siya, gaya ng basura.

Ang mangingisda ay mahihinuhang hindi karaniwang mangingisda. Ang mangingisda ay mahihinuhang humuhugot ng alusyon sa Marcos 1:37, at tumutukoy kay Hesus. “Sumama kayo sa akin,” wika ni Hesus kina Simon (Pedro) at Andres, “at gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao.” Kung si Hesus ang matalinghagang mangingisda na tagapagligtas, ang mga “kaluluwa” na hindi nananalig sa kaniya ang mga “lamandagat” o “isda” na kailangang hanguin sa “tubig” (na maaaring tumukoy sa “daigdig,” o “impiyerno” o dili kaya’y “mortalidad”). Mahuhugot ang masasabing alusyong “isda-bilang-tao” sa sinulat ni Tertullian ng Carthage.

Sa isa pang anggulo ng pagsusuri sa tula ni Bautista, maihahaka na ang “mamamalakaya” ay nasa katihan, at ang “daigdig ng tao” ang malawak na karagatan. Lalawig pa ang tumbasan kung ituturing na ang malawak na karagatan ang “daigdig ng mortal,” at makakamit lamang ng mga lamandagat ang inmortalidad kung makasasapit ang mga ito sa dalampasigang kinaroroonan ng “tagapagligtas.” Ngunit bago maganap ito, ang mangingisda’y kailangang lumusong sa tubig, sumakay ng bangka, at pumalaot. Kailangang mabatid ng mangingisda kung paano mamuhay gaya ng isda at lumangoy, sumakay ng alon, at basahin ang simoy. Iba ang daigdig ng tubig (mortalidad) at ang daigdig ng lupa (inmortalidad). Sa kabilang panig naman ng diskurso, hindi mababatid umano ng mga “isda” ang halaga ng “lupa” (i.e., langit) kung hindi nito lilisanin ang “dagat” (i.e., materyal na mundo). Dahil magkasalungat ang “lupa” at “tubig,” kinakailangan ang tagapag-ugnay sa dalawang pook. Ang dakilang mangingisda, kung gayon, ang magiging tulay mulang tubig hanggang kaitaasan. At ang mangingisdang naghunos na isda, ayon sa nais ng Amang Mangingisda, lamang ang makasasagip sa buong sangkaisdaan.

Subalit ang pag-iral ng tagapagligtas ay kaalinsabay ng pag-iral ng mga nilalang na marapat umanong iligtas sa kung anong kapahamakan. Magwawakas ang halaga ng tagapagligtas kapag nakamit na ng mga nilalang ang inaasahang kaligtasan.

Ang pagiging “mamamalakaya ng tao”—na panghimok ni Hesus kina Simon at Andres—ay maituturing na diskursong nagtatangkang paghunusin ang karaniwang isda (i.e., tao) tungong “mamamalakaya” (i.e., tagapagligtas) ng sangkaisdaan. Kung sisipatin sa malawak na larang, kailangan ang pagpapalitan ng mga tungkulin at kaakuhan sa panig ni Hesus bilang mangingisda at sa panig nina Simon at Andres bilang isda upang maganap ang pambihirang talinghaga ng pagliligtas. Ang pagkamangingisda ni Hesus ay mananatili habang gumaganap din siyang isda (i.e., ang pagkakatawang-tao); samantalang sina Simon at Andres ay maghuhunos na “mamamalakaya” habang pinananatili ang kaakuhan ng pagkaisda sa daigdig ng isda. Kung ibabatay sa teorya ni Fromm, ang pagsang-ayon at pagsunod nina Simon at Andres ay simula ng kanilang pagsusuko ng angking “kalayaan” kay Hesus. Ang pagsunod sa tinig ng awtoridad hinggil sa pagliligtas ang namayani. At ang “kalayaan” ng mga alagad ay iaatang nila kay Hesus bilang Kristo (Tagapagligtas)—alinsunod sa kanilang pananampalataya at abang pagkilala sa kani-kaniyang sarili—imbes na tingnan ang kanilang paligid bilang larang na maipahahayag ang “kalayaan” sa punto de bista ng “sangkaisdaan” (i.e., tao).

Sa tula ni Bautista, ang “tagapagligtas” na sinasagisag ni Hesukristo bilang mangingisda ay itinuring na “bagay” ng persona, ang bagay na may kakayahang pumuno sa kahungkagan ng loob ng tao. Kung susuriin sa lente ni Fromm, ang gayong gawi ay isang uri ng komodipikasyon, na ang pananampalataya ay dinarama alinsunod sa katumbas na kaginhawahang materyal na maidudulot sa tao. Maiuugnay ang gayong konsepto sa konsepto ng alyenasyon ni Fromm. Ang “alyenasyon” ni Fromm ay dumukal sa teorya nina Karl Marx at Georg W. F. Hegel. Ngunit ang pagkakaiba’y ginamit ni Fromm ang “alyenasyon” bilang konsepto ng idolatriya sa Lumang Tipan. Noong unang panahon, aniya, ang bathala ay naaayon sa hinubog na hulagway ng tao, at kaya naging isang “bagay” na sinasamba, at siyang pag-uugatan ng pagkatiwalag ng tao sa kaniyang sarili. Lilipas pa ang mahabang panahon at ang pagsamba sa mga rebulto ay mapapalitan ng pagsamba sa iisang diyos, gaya sa mga monoteismong relihiyon. Isinalin ng tao ang kaniyang “kapangyarihan ng pag-ibig at katwiran” sa Diyos; at ni hindi nadama nito sa kaniyang kalooban ang nasabing kapangyarihan. Magdarasal ang tao sa Diyos, upang ibigay nito sa tao ang mga diwain na iniatang naman ng tao sa kaniyang Diyos. Sa madali’t salita, ang mga monoteismong relihiyon ay nauyot sa pagiging idolatriya, ayon sa teorya ni Fromm.11 Ang nasabing mga dalumat ang gagamitin ni Bautista sa kaniyang tula, at siyang paglulunduan ng parikala sa mga taludtod 201-219.

Dapat ding banggitin na malalim ang taglay na pahiwatig ng sagisag na “isda.” Pangunahin ang isda bilang sagisag ng sinaunang Kristiyano. Ginamit ito ni Clement ng Alexandria na humimok sa kaniyang mga mambabasa na gumamit din ng hulagway ng isda bagaman malabo ang batayan ng gayong pagpapasiya. Noong ikalawang siglo, lumaganap ang isda bilang sagisag sa mga monumentong Romano, gaya sa Capella Greca at sa mga kapilya ng libingan ni San Callistus. Ang “isda” bilang si “Hesukristo” ay nakasaad umano sa akrostik ng Griyegong salitang “Ichthys” (Isda) na patungkol kay Kristo (Iesous Christos Theou Yios Soter i.e., Hesus Kristo Anak ng Diyos, Tagapagligtas), ayon kay Emperador Konstantino. Hinihinala ring nagmula ang gayong pananagisag sa Alexandria, at siyang pagtutol sa paganong pagsamba ng mga Emperador. Sa isang akda ni Tertullian ng Carthage, ang mga deboto ay itinuturing ang kanilang mga sarili na “mumunting isda,” na pawang nagmula sa hulagway ni Hesukristo, at isinilang sa tubig. Iniugnay din ang Ichthys sa Eukaristiya at siyang itinitik sa libingan ni Obispo Abercius ng Hieropolis sa Phrygia, at pagkaraan sa libingan ni Pectorius ng Autun. Sa paglalakbay ni Abercius mulang Asya hanggang Roma, biniyayaan umano siya ng “isda sa mga batis” at nakatanggap ng “alak, na binantuan ng tubig, at tinapay.” Samantala’y sinambit umano ni Pectorius na pampalusog ng kaluluwa ang isda na kaloob ng “Tagapagligtas ng mga Santo.” Mahihinuhang ang tumbasang “Isda” at “Eukaristiya” ay alingawngaw ng Mateo 14:17. Ang limang tinapay at dalawang isda ay mahimalang pinarami ni Hesus, at siyang bumusog sa limang libong tao. Bukod sa Eukaristiya, ang isda ay iniugnay din sa kalapati, angkla, lumba-lumba, at monogram ni Kristo. Mulang una hanggang ikaapat na siglo, ang hulagway ng isda ay mahalagang sagisag sa mga simbahan, rebulto, singsing, tatak, salamin, at kung ano-ano pa na pawang likha ng mga Kristiyano. Pagkalipas ng ikaapat na siglo’y naghunos ang estetikang silbi ng isda at ginawa na lamang karaniwang palamuti, gaya sa mga ukit sa bronseng kopita na matatagpuan sa Roma at Trier.12

Muling sumikat sa Filipinas ang paggamit ng sagisag na isda, gaya sa mga istiker, pin, at damit ng Couples’ for Christ at iba pang grupong Born Again Christian. Nakapaloob kung minsan sa dibuho ng isdang pahalang o patayo ang salitang “Ichthys.” Ang iba namang pangkat na atheist ay ipinapaloob sa isda ang salitang “Darwin” na patungkol kay Charles Darwin, at pangontra umano sa sagisag ng mga Kristiyano. Ang nasabing penomenon ay hindi lamang sa Filipinas lalaganap, kundi maging sa Estados Unidos at Europa.

Kung pagbabatayan naman ang mga sinaunang kawikaan sa Filipinas, may 32 uri ng kawikaan ang tumutukoy sa “isda,”at bawat uri ay nasa iba’t ibang wika ng Katutubo.13 Bagaman masasabing “nangangaral” ang nasabing mga kawikaan, ni isa’y walang tumukoy at nagpahiwatig hinggil kay Kristo o sa sinumang tagapaglitas. Ang mga kawikaan, na nasa anyong salawikain, bugtong, tanaga, dalit, at diona, ay patula ang balangkas at mahihinuhang laging kaugnay ng mahabang tradisyon ng Filipinas. Ang talinghaga ng kapuwa “isda” at “tinapay” na pahiwatig kay Kristo kung gayon ay mahihinuhang sumapit lamang sa Filipinas nang dumating ang mga mananakop na Espanyol. Kung babalikan ang kasaysayan, “isda, baboy, manok, bungangkahoy, at kanin” ang isasalubong ng mga Katutubo sa patay-gutom na hukbo ni Miguel Lopez de Legazpi—na noon lamang yata marahil nakakita ng gayong pambihirang pagkain kung ihahambing sa matabáng at malimit nilalangaw na karne sa Europa na salát sa asin—makaraang maglayag ito nang napakatagal sa laot. Masasabing hindi makatwirang gamitin ang katutubong pananagisag ng “isda” sa tula ni Bautista, dahil nag-iiba-iba ang sagisag ng isda sa Filipinas kung ihahambing sa pinag-ugatang hulagway ng “isda” sa Kanluran. Ang kakatwa’y ang hukbo ng mandirigmang si Lapu-lapu na tukayo ng isang tanyag na isda sa bansa ang pumatay kay Magallanes at ang nagtaboy sa armada ng kongkistador na Espanyol. Marahil kahit sa gayong kaliit na yugto ng kasaysayan ay masasabing “tagapagligtas” nga ang talinghaga ng “isda” sa Filipinas.

Ang “isda” na tinukoy sa mga taludtod 80-91 ay ginamitan ng panghalip panaong “siya.” Sa balarila ng Tagalog, ang “isda” ay ginagamitan ng panghalip na “ito” o “iyon” kaya maituturing na mali sa unang malas ang panghalip sa tula ni Bautista. Mapangangatwiranan ang taktika ng makata dahil ang tinutukoy na “isda” ay nasa antas na patalinghaga: na maaaring tumutukoy sa hulagway na si Hesus bilang tao at sa katambal nitong anino na si Kristo bilang tagapagligtas. Kung susundin ang gayong pangangatwiran, ang “isda” sa taludtod 79 ay dapat sanang malaki ang titik “I,” bukod pa ang “S” sa “siya” sa taludtod 80. Kung ibabatay naman sa alusyong mula kay Tertullian, ang paggamit ng maliit na titik sa “isda” ay mahihinuhang sumasagisag sa “Kristiyano,” at hindi kay “Kristo.” Ano’t anuman, napakalabo ng palaugnayan ng pahayag sa tula ni Bautista para sa gayong hinuha.

Ang mga taludtod 80-91 ay pangaral na ibig ng personang wikain o inaasahang sasambitin ng mangingisdang si Hesukristo. Kung susundin ang pananagisag ng mga sinaunang Kristiyano, gaya ni Clement ng Alexandria, ang “isda” bilang si “Kristo” ay tumpak ang pagkakagamit sa tula ni Bautista. Ngunit napakalabo ng pinaghugutang sagisag ni Clement o ng mga sumunod sa kaniya. Sa Mateo 13:47-50, halimbawa, ang mga “kaluluwa ng tao” ay iwinangis sa “mabubuti” o kaya’y “masasama” (i.e., “walang kuwenta”) na isda na hahanguin sa tubig pagsapit ng Dakilang Paghuhukom. Hindi kailanman binanggit sa Bibliya ang pagwawangis kay Hesukristo bilang Isda. Nakipag-agahan si Hesukristo sa kaniyang mga alagad, ayon sa Juan 21 1:14, at kumain ng tinapay at isda makaraang muling mabuhay. Gayunman ay hindi nakasaad sa nasabing talata na iwinangis niya ang sarili sa “tinapay at isda,” gaya ng paliwanag sa liturhiya.

Maaaring ang alusyong isda bilang tao ay mula sa Juan 21: 1-19 nang mangisda sina Simon, Tomas, Natanael, at iba pa. Ngunit sa nasabing kabanata rin tinawag ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod bilang “ang aking mga tupa” at hindi “ang aking mga isda.” Marahil dahil madaling pasunurin ang tupa, kung ihahambing sa isda na kailangang hulihin muna at hanguin sa tubig. Sa kabilang panig naman ay marupok ang hambingan sa mga taludtod 80-91 ni Bautista dahil karaniwang hinuhubog ng kalikasan ang tadhana ng isda, ayon sa teorya ni Darwin at sa matatandang kawikaan ng Filipinas. “Sira u raracuj a among/ An canen sa sira u dedekey,” ani Ivatan.14 Hindi malalayo iyon sa kawikaan ng Tausug: “Ista asibi subbatun sin ista dakula.”15 O sa Italyanong kawikaang, “Il pesce grande mangia il picciolo,”16 mula kay Polyglot Bohn. Ang batas ng kalikasan ay aalingawngaw din sa mga salita ni Algernon Sidney: “Men lived like fishes; the great ones devoured the small.”17 Hindi kataka-taka na natututong magkawan-kawan ang maliliit na isda, gaya ng banak, biya, at dilis; at maging ang malalaking isda, gaya ng lumba-lumba, pating, at balilan upang mabuhay, manaig, at makapagparami ng lahi. “Hindi mababatid ng tao ang kaniyang panahon,” sabi nga sa Ecclesiastico (9:11-12), “gaya ng mga isdang nahuli ng makasalanang bitag….”18

Marapat pag-ukulan ng pansin ang “Salita” bilang pangunahing talinghaga. Ayon sa Dictionary of Biblical Theology (1967), may dalawang pangunahing aspekto ang “Salita.” Una, ang magbunyag; at ikalawa, ang gumanap. Upang mabatid ng tao ang iniisip ng Diyos, nagwiwika ang diyos. Ang “Salita ng Diyos” ang siyang batas at patakaran ng buhay, gaya ng matatagpuanm sa tipan sa Sinai at ihahayag ni Moises sa kniyang mga kababayan; ang magbubunyag ng pakahulugan ng mga bagay at pangyayari, gaya ng nasusulat sa Exodo 20:2; at ang pangako at hula sa darating na panahon, gaya ng mababasa Henesis 15:13–16; Exodo 3:7–10; Josue 1:1–15. May kakayahang gumanap ang “Salita” dahil pumipintig itong Katotohanan at may kapangyarihang idulot ang nais ng Diyos. “Buháy na Sugo” ng Diyos ang Salita, gaya ng mababasa Isaias 21:45, 23:14, at 1 Hari 56. Salita ang sumasaklaw sa mga tao, gaya sa Zacarias 1:6. At tinutupad umano ng Salita ang mga inihahayag nito, gaya ng mababasa sa Bilang 23:19 at Isaias 55:10f.

“Sa simula’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita, at Salita ang Diyos” (Juan 1:1).19 Kung babalikan ang Lumang Tipan, ang “Salita ng Diyos” ay iwinangis sa tanglaw at siyang gumagabay sa daraanan ng tao (Awit 119:105). Gagamiting mga alusyon ni T.S. Eliot sa kaniyang mga tula, gaya ng “Ash Wednesday” (1930) at “Choruses from ‘The Rock'” (1934), ang nasabing mga pahayag sa Bibliya. Samantala’y sa Koran, ang mabuting salita’y inihalintulad sa mabuting punongkahoy na nakabaon nang malalim ang mga ugat at umaabot sa ulap ang duklay, at nakapagbubunga ng makakain sa bawat panahon, alinsunod sa nais ng Maykapal. Kabaligtaran ng nasabing pahayag ang masasamang salita na inihambing naman sa tuod (14:24-27). At kung babalikan naman ang tula ni Bautista, ang “salita ang puno at dulo ng ating siphayo” ngunit kailangan pa rin aniya iyon upang mabuhay, kahit na “hindi sapat [ang salita] upang ipahayag ang isip at damdamin” ng tao.

Ang “sugat” ng Salita na ginawang sagisag ni Bautista ay may katumbas sa Tagalog kung sasangguni sa sinaunang diksiyonaryo. Ito ang “alamís” na nasa puwang ng mga salita, at kaya mahirap hulihin. Hindi ibubunyag agad-agad ng alamís ang ubod nito; dahil kung minsan, wala naman talagang dapat ibunyag kundi ang mismong talinghaga ng kahungkagan.

III.
Ang magkasunod na taludtod sa unang saknong na “Hindi ka nag-iisa” ay kahawig ng sigaw ng protesta ng mga Filipino noong paslangin si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong 1983. Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi yaon tahasang alusyon kay Ninoy o dili kaya’y alunignig ng mga taludtod ni Samuel Taylor Coleridge mula sa The Rime of the Ancient Mariner (1798). Hindi rin iyon pahiwatig sa sinabi ni Albert Schweitzer nang tanggapin niya ang Nobel Prize: “You don’t live in a world all alone. Your brothers are here too.”20 O kaya’y ang sagot sa sinulat ni Boris Pasternak: “I am alone; all drowns in the Pharisees’ hypocrisy./ To live your life is not as simple as to cross a field.”21 O kaya’y mula kay Epictetus: “When you close your doors, and make darkness within, remember never to say that you are alone, for you are not alone; God is within, and your genius is within. And what need have they of light to see what you are doing?”22 Ang unang saknong ni Bautista ay maaaring namutawi sa bibig ng persona, ang persona na ibig kalamayin ang loob ni Hesukristo bago siya lokohin at isantabi. O di kaya’y maiisip ding ang mga katagang “Hindi ka/ nag-iisa” ay hindi sa persona nagmula kundi sa Mangingisdang Tagapagligtas. Muli, mauugat ang gayong napakalabong alusyon sa kawalan ng bantas at sa pagturing na ang lahat ng mga salita sa tula ni Bautista ay pulos sagisag.

Ang pahayag na “Hindi ka nag-iisa” ay hindi tuwirang susuhayan ng mga saknong 2-8. Kung ibabatay sa lohika, magiging patalon-talon ang pahayag ng persona. Higit itong mababanaagan kapag inihanay na tila pangungusap ang mga taludtod sa mga saknong 1-8:

1. Hindi ka/ nag-iisa.
2. Ang lumot/ sa silong ng dagat /[ay] humahabi/ ng lambat/ na Kristal.
3. [Ang] bawat buhol[,]/ [ang] bawat/ matang mistral[,]/ ay salaming/ bibitag/ sa pating,/ pawikan, at hipon.
4. Ang ibig sabihin[:]/ [“Ang] Kahariang/ salat sa/ asin ay/ may basag/ na buwan[.”]

Ang pahayag 1 ang pinakasentrong diwa. Paanong masasabing hindi nag-iisa ang “mangingisda,” ayon sa pananaw ng persona? Kung tititigan ang mga pahayag 2-4, hindi naman malinaw kung sino ang tao na kausap ng persona at kung saan siya nakalugar. Maaaring nasa ilalim ng dagat ang kausap ng persona; o maaari ding hindi. Mababatid lamang na ang kausap ng persona ay mangingisda na nasa pampang kapag dumako na ang mambabasa sa mga saknong 58-60 at 72. Maitatanong tuloy kung bakit isiningit ang mga pahayag 2-3 gayong hindi naman malinaw ang ugnayan nito sa pahayag 1. Kahit ang patalinghagang pahayag 4 ay hindi maglilinaw ng mga pahayag 2-3 bagkus magpapasok pa ng panibagong hulagway o sagisag hinggil sa “kaharian.” Masasabi kung gayon na ang paraan ng pamamahayag ay hindi karaniwang pasuháy o pasuysóy. (Salat ang mga pang-ugnay na salita na makapagtatahi-tahi ng mga hulagway o sagisag; at masakit sa pandinig ang transisyon ng mga salita.) Ang paraan ng pamamahayag ay tagpi-tagpi, di-tuwiran, at nakabatay ang daloy ng paglalarawan sa kung ano ang naglalaro sa isip ng persona. Walang balak magpaintindi ang makata. Ang pahayag 1 ay nagtatangkang magpasok ng sagisag 1. Idinugtong dito ang mga pahayag 2-3 na malinaw na nagsasaad ng bagong paghihiwatigan, kaya maituturing na sagisag 2. Ang pahayag 4 na dapat sanang maglinaw sa malabong mga pahayag 2-3 ay nagsaad pa ng bago’t malapot na pananagisag. Pagkaraan ng lahat, bahala na ang mambabasa kung paano babasahin o iintindihin yaon. Walang pasubaling lohika ito ng cogito interruptus. Isang uri ng pagbabalatkayo, at pinaghuhunos na “malalim” ang “mababaw” na diwain.

Marahas ang nasabing puna kaya mabuting uriratin muli ang ilang salitang kargado ng pahiwatig. Kung sasangguni sa Mateo 13: 47-50, iwinangis ang “paghahari ng diyos” sa “malaking lambat na inihagis sa dagat.” Animo’y muro-ami ang naganap: sari-saring isda na iba’t iba ang laki ang nahuli. Ngunit nang iahon na sa dagat ang mga isda, pinili lamang ang “mabubuti” (i.e., puwedeng kainin?) at ibinukod saka itinapon ang mga “walang kuwentang isda.” Gayundin umano ang magaganap sa Dakilang Paghuhukom. Mapupunta sa impiyerno ang makasalanan, at makararating sa langit ang mabubuti. Sa mga taludtod 3-16 ni Bautista, ang “lambat na Kristal” ay waring humuhugot ng alusyon sa “kaharian ng diyos.” Taglay ng lambat ang katangian ng “matang mistral.” Tumutukoy ang “mistral” sa malakás, malamíg, at tuyót na hanging nagmumula sa hilagang Mediterraneong mga lalawigan ng Pransiya. Walang “matang mistral” sa Filipinas, subalit may “mata ng bagyo” o “mata ng daluyong” na maaaring pasulakin ng habagat na nagmumula sa hilagang panig ng bansa tuwing mga buwan ng Hunyo hanggang Oktubre. Kung hihigitin pa ang pagbasa sa mga taludtod ng makata, ang pagliligtas na isinasaad ng “lambat” ay nagtataglay ng katangiang marahas. Walang sinasanto ang muro-ami na paraan ng paghuhukom sa lahat ng uri ng isda; o ang muro-ami na paraan ng pagliligtas sa karapat-dapat na isda ng Maykapal. Kung sisipatin bilang “pagliligtas” ang mga pahayag 2–3 ni Bautista, lilitaw na marupok iyon at nakabukod kung idurugtong sa pahayag 1 o 4.

Pambihirang talinghaga ang “lambat na kristal” ni Bautista, lalo kung ito’y nakasulat sa Ingles. Sa Tagalog, mistulang abstrakto ang “lambat” dahil napakaraming paraan ng pangingisda; at hindi basta “lambat” ang bibitag sa “hipon.” Halimbawa, sa lalawigan ng Rizal ay may limang uri ng panghuli ng hipon at yapyap (na kauri na “aptá” at “alamang”): bubo, bumbong, panghilong, salap, at salapyaw. Pinapainan ng kinudkod na niyog ang gaya ng buobo na siya namang pinapasok ng hipon. Magkaiba rin ang pamitag sa “hipon” at sa “bangus,” “dalag,” “kanduli,” at “hito.” Ang lambat ay naaayon sa laki ng isda o lamandagat na ibig hulihin. Sa idyoma ng Tagalog-Rizal, ang muro-ami na paraan ng pagbitag sa sari-saring lamandagat ay papalya, dahil matimbang pa rin ang likas-kayang uri ng pangingisda. May tiyak na kagamitan at paraan ng panghuhuli sa bawat sari, at hindi laging lumot ang pang-akit sa lahat ng lamandagat. Kaya maiisip na mapanlagom ang hulagway ng mga taludtod 3–16 ni Bautista, at kumikiling sa banyagang pananalinghaga.

Maaaring tumukoy naman ang “asin” sa “alagad” ni Hesus, at mababakas ang alusyon sa Mateo 5:13 na mababasa rin sa Marcos 9:50 at Lukas 14:34-35. “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.” Maaaring mangahulugan yaon na kapag lumabag sa “Tipan ng Asin” ang tao, hindi na muling mapanunumbalik pa ang sagradong pakikipagtipan ng tao sa Diyos.23 Kung babalikan naman ang Lumang Tipan, ang mga sinaunang Palestino ay naninirahan sa baybayin ng Patay na Dagat (Dead Sea). Tigang na disyerto ang maalat na lupain, at ang “asin” ay itinuring na kasangkapan sa pagpaparusa ng Diyos sa tao.24

Isa sa pinakamahahalagang bagay ang asin sa buhay ng tao (Eccleciastico 39: 26). Kaya ang kasabihang “eat the salt of the palace” ay “tumanggap ng upa o sahod mula sa hari” (Esdras 4:14), at alinsunod sa orihinal na silbi ng asin bilang pampalasa o pamburo ng pagkain.25 Ang nasabing idyoma ay matatagpuan sa The Jerusalem Bible (1966). Ingles ang hagod niyon at magiging literal sa Tagalog ang pakahulugan kung gagamitin ang “kumain ng asin sa palasyo.” Kung itatambis ang idyomang “eat the salt of the palace” sa mga taludtod 19-23 ni Bautista, mahihinuhang dumukal sa tekstong Ingles ang makata, at binago lamang nang kaunti ang idyoma. Samantala’y napakahalaga ng asin sa Europa noong Edad Media, at tinutumbasan ito kung minsan ng butil ng ginto. Walang kalasa-lasa ang mga pagkain ng Europeo kaya kinailangan maglayag ng mga kongkistador tungong ibayong dagat o kaya’y makipagkalakalan sa mga Arabe nang makakuha ng allíd, asin, bawang, kanela, luya, sili, at kung ano-ano pang pampalasa.

Kung iuugnay ang “kaharian ng diyos” (lambat) sa “asin” (na maaaring “alagad” o “parusa” o “upa” o “tipan”), masasapantahang ang “kaligtasan” (pagkahango sa dagat) ng mga tao (sari-saring isda) ay nakabatay sa mga alagad ng Mangingisda (propeta o Hesukristo). At kung walang alagad, magkukulang din ang kinang ng tagumpay o pagliligtas (“basag na buwan”), o dili kaya’y mauuwi ang lahat sa pangangarap nang gising. Mahihinuhang hiniram sa Ingles ang idyomang “basag na buwan,” at di-nalalayo sa “moon knife,” kung ihahambing sa “buwang patunaw” o “buwang palaba” sa Tagalog. Ano’t anuman, kailangan ang mga alagad; at makahihikayat nito kung may panustos (i.e., biyaya?) ang “kaharian” ng Diyos. Ang dukhang kaharian samakatwid, kung ibabatay sa mga taludtod ni Bautista, ay walang halina sa tao na marapat sagipin mula sa pagkakasala.

Maganda ang taktika ni Bautista na pinagsalikop ang mga banyagang hulagway at anino na pawang hinango sa Luma’t Bagong mga Tipan ng Bibliya, bukod pa sa mga liturhiya, apokripa, at alamat. Ang problema sa ganitong pagbasa ay maglulundo pa rin sa lohika. Kung babalikan ang pahayag na “Hindi ka nag-iisa,” maaaring basahin ito sa doble-karang panig na diskurso. Maaaring hindi nag-iisa si Hesukristo (Mangingisda at tagapagligtas). O maaari din namang tumukoy na hindi nag-iisa ang persona (mga Kristiyano), na siyang tinutukoy ng pahayag ni Hesukristo. At ang mga sumunod na hulagway pagkaraan ng “Hindi ka nag-iisa” ay maaaring magkasanga, at kaya malaki ang pagkakataong lumabo ang pagsagap sa teksto alinsunod sa pagbabatayang pananagisag.

Sakali’t ipagpalagay na ang “Hindi ka nag-iisa” ay tumutukoy sa “tagapagligtas” (i.e., Hesukristo bilang Mangingisda), ang “lambat” bilang talinghaga ng “pagliligtas” ay magiging alanganin ang pahiwatig, dahil tumutukoy din ang lambat bilang “Dakilang Paghuhukom,” ayon sa Bagong Tipan . Sa nasabing Paghuhukom, tinukoy lamang ang pagsagip sa “mabubuting isda” na maiisip ding talinghaga bilang “ambrosia” ng diyoses. Ano ngayon ang silbi ng “mangingisda-tagapagligtas”? Sagipin din ang “pating, pawikan, at hipon” na pawang talinghaga rin ng iba pang kaluluwa? Malabo ito sa tula, yamang ang Paghuhukom ang pangwakas ng yugto, ang yugto ng pagbubukod sa mga karapat-dapat lamang makarating sa “kati” (i.e., kalangitan). Malabo rin kung sino ang maghuhukom, ang mangingisda bang Diyos o iba pang Diyos? Kung may isang Dakilang Lumikha ang maghuhukom ng sangkaisdaan, ang “mangingisda” ay maibibilang kaysa hindi sa mahuhusgahan, gaya ng sangkaisdaan.

Maiuugnay sa nasabing diwain ang isa pang aspekto: ang sukdulang kaganapan ng Tagapagligtas bilang Diyos, alinsunod sa pangangatwiran ni Tomas de Aquino. Hindi dapat pangambahan ang “pangungulila” o “pag-iisa” ng “tagapagligtas” (i.e., Hesukristo), kung babalikan ang pahayag 1. Dahil kung mangungulila ang Diyos, makadarama siya ng kakulangan sa sarili; hindi na siya maituturing na Diyos bagkus isa nang mortal. Mahihinuhang ang pangungulila ni Hesukristo ay hindi bilang “Diyos” kundi bilang “tao” na umuugnay sa kapuwa tao. Kaya magiging kakatwa ang pahayag na “Hindi ka nag-iisa” kung magmumula sa persona dahil muslak lamang maniniwala sa gayon. Marahil ibig ni Bautista na magpasok agad ng parikala, subalit ang gayong pagmamadali ay nakapaglulu8wal din ng malaking pagkakamali. Dagdag pa’y napakalayo ang tayutay na “Kahariang salat sa asin” bilang panimbang kundi man ekstensiyon ng “lumot. . . na humahabi ng lambat na kristal.” Ang nasabing mga sagisag ay lumilihis sa lohika ng Pagliligtas at Paghuhukom, at siyang dapat tuklasin ng sinumang mambabasa. Ang masaklap, maaaring ang makata lamang ang nakaaalam sa nasabing diskurso, at tila hindi mahalaga kung maiiintindihan yaon ng kaniyang mambabasa.

Maaaring malabo lamang ang paningin ng bumabasa at kinakailangan marahil na titigan ang mga sumusunod pang pahayag na mula sa mga taludtod 24-68.

5. [Ang] Kalansag [sic, kalasag]/ na yero/ o yari/ sa buto/ ay mabagal [sic, marupok]/ sumangga/ [ng] dusa/ o lumangoy [sic, mabigat ikampay] sa simoy sa ugoy/ ng dugo [n.b. mapaiikli ito ng “sa duguang simoy” o “sa simoy na may bahid ng dugo.”]
6. Yuyuko [sic, Lulugay]/ ang balbas/ [na] tila pakô/ sa dilawang/ yungib ng/ arsobispong/ kuba at/ uugong/ sa buhangin/ ang Kataga[.]
7. Sa tunog/ ng lambat[,] sa sinag/ ng kanyang/ balarila[,] ang simbahan ng simula at ng wakas ay tutubo[:]/ isang lakas/ gaya ng/ iyong bikas/ [na] panlaban/ sa [pag]dagit/ ng mga/ agilang/ mandarambong[.]
8. Pitong bato/ at pitong/ bubong ang/ sisibol/ upang bigyan[g]/ buhay ang/ kawalan[.]

Ang pahayag 5 ay tatalon muli sa iniwang diwa ng pahayag 4. Pinakamabigat ang pahayag 6 dahil malabo ang alusyon ng “arsobispong kuba” na nagpapasaring wari kay Obispo Abercius ng Hieropolis. Masasabing walang nahawing bagnós bago ipinakilala ang “arsobispong kuba.” Ang kawalan ng paghahanda sa mga pangunang taludtod bago binanggit ang “arsobispong kuba” ay lantad sa sabláy na interpretasyon dahil kinakailangang hulaan sa bolang kristal kung saang yungib nagmula ang butihing arsobispo at kung ano ang kaniyang katauhan upang makapagpalaganap ng pananalig at relihiyon. Kaharian ba na malapit sa baybayin ang tinutukoy, o mula sa dagat? Pagsapit sa pahayag 7, ang mga hulagway na “lambat,” “balarila,” at “simbahan” ay maaaring tumukoy sa taglay ng “arsobispong kuba” o dili kaya’y sa “Kataga” na alusyon pa rin sa “Diyos” ng Bago’t Lumang Tipan. Ang problema’y hindi muling nailugar ang “arsobispong kuba” o si Kristo bilang batong pundasyon ng Kristiyanismo. Kung babalikan ang Lumang Tipan, si Yahweh ay iwinangis ni Moises sa Bato. “Siya ang Bato, at ganap ang kaniyang likha: dahil ang lahat ng kaniyang paraan ay paghatol: ang Diyos ng katotohanan.” (Deuteronomio 32:4). Mahihinuha namang hinugot sa Pahayag kay San Juan ang pitong Iglesia na mahihiwatigan sa mga saknong 21-22. Ano’t anuman, nabigong makabuo ng solidong diwain ang mga saknong ni Bautista dahil sa marupok na palaugnayan. Kung babalikan ang pahayag 1, ang mga pahayag 2-8 ay sumusunod pa rin sa lohika ng ilohiko.

9. Mabubura/ ang dilim/ ng utak/ na parang/ panaginip[.]
10. Mawawasak/ ang sansiglong/ pag-idlip[.]
11. Sasabihin/ mo[,] “Tularan/ ang isda[.”]
12. Hindi siya/ nagtatanim/ ng sibat[,]/ hindi siya/ lumililok/ ng galit/ subalit/ sa kanyang/ matubig/ na puso/ nakaluklok/ ang Kataga[.]
13. Tularan/ ang buhangin[:]/ [K]ahit anong/ layo ang/ marating/ ng sanlibong/ paa [ay] dito/ rin ang hantong/ sa pampang[.]
14. Wala siyang/ aklat kung/ saan lantad [ang]/ talambuhay/ ng ina[.]
15. Wala siyang/ bahay kung/ saan [sic] litaw/ [ang] medalyon/ at insenso[.]
16. Wala siyang/ bayan kundi/ [ang] aplayang/ gutom[,] tikom/ ang labi/ sa kaway/ ng barko/ at marino[.]
17. Subalit/ ang plastik/ na tiyan/ nito ang/ tagpuan/ ng mga/ hari at/ kriminal/ bago sila/ umakyat/ sa trono/ o sa bangkô[.]

Isa pang uri ng malikhaing kalabuan ang mga taludtod 9-10 dahil lumulundag ang lohika nito at hindi malinaw kung kaninong “utak” ang tinutukoy. Ang utak ba ng “arsobispong kuba” o ng persona o ng “simbahan” na isinasaad sa mga pahayag 7-8? Napakaluwag ng alamís sa mga saknong at pahayag. Ang kaluwagan ng alamís ay mababatid kung kikilatisin ang salimbayang tinig sa loob ng tula. Balikan pa ang pahayag 1 at mababatid muli na hindi nasusuhayan o nalilinang nang maigi kung bakit hindi “nag-iisa” ang kausap ng persona. Mahihinuha tuloy na ang pahayag 1 ay pagsasalin ng agam-agam ng persona hinggil sa pag-iral nito bilang tao sa kung sinong tagapagligtas at hindi sadyang nakagiya kay Hesukristo. Mababanaagan ang gayong pangangatwiran hindi dahil sa serye ng mga saknong ni Bautista kundi sa pag-aninag sa mga teorya ni Fromm mula sa kaniyang aklat na Escape from Freedom.

Ayon kay Fromm, may matinding pangangailangan ang tao na umugnay sa daigdig na malayo sa kaniyang sarili. Ganap na masisira ang bait ng isang tao kapag siya’y lubusang nag-iisa. Ang “pag-iisa” ay hindi lamang sa pisikal na antas madarama; ang “pag-iisa” ay maisasaloob kapag nalagot ang ugnayan ng tao sa “mga halagahan, sagisag, at padron” ng lipunan. Kung babalikan ang epigram at ang pahayag 1 sa tula ni Bautista, ang “pag-iisa” ang kinatatakutan ng persona at hindi ni Kristo, at ang gayong pangamba ay isinasalin ng persona sa hulagway ni Kristo bilang mangingisda at tagapagligtas habang nagdarasal.

Ang mga pahayag 11-17 ang inaasahang wiwikaing pangaral ng kung sinong tagapagligtas sa persona. Walang pasubaling ang pahayag 12 ay sumusuhay sa mga katangian ng “isda” bilang “Ichthys” ng mga sinaunang Kristiyano, at hindi ng “isda” ni Darwin at ng modernong biyolohiya. Ang pahayag 13 ay hindi na “isda” ang tinutukoy na katangian kundi “buhangin” na tila alingawngaw ng kawikaang Tagalog na, “Pagkahaba-haba man ng prusisyon/ Ay sa simbahan din ang tuloy.” Ang mga pahayag 11-12 ay walang pasubaling nagsusuhayan. Ngunit ang mga pahayag 13-17 ay malabong magsuhayan. Ang mga pahayag 14-16 ay mahihinuhang tumutukoy sa “isda” bilang si Kristo, at kung iuugnay ito sa katangian ng “buhangin” bilang si Kristo pa rin (mga saknong 31 at 46) ay malamang kaysa hindi na gumuho ang tumbasan. Mahihinuha na ang persona ay pinadidilim ang silogismo ng mangingisda. Kailangang labagin ng mangingisdang tagapagligtas ang batas ng lohika upang maipaloob sa kaniyang sarili ang mga katangian ng “isda” at “buhangin.”

Maidaragdag pang ang pahayag 17 ay malabo ang tinutukoy. “Tiyan” ba ng “isda” ang tinutukoy, at siyang alusyon sa tandayag na kumain kay Jona (Mateo 12:40)? O ang “tiyan” ng “buhangin” (i.e., dalampasigan)? Nakalilito ang tinutukoy ng “nito” sa taludtod 122. Kung ang isda ang nagtataglay ng “plastik na tiyan,” lilitaw na palsipikado ang “isda.” Kung ang “dalampasigan” naman ang tinutukoy na may “plastik na tiyan,” maaaring pahiwatig yaon ng libingan o bulok na luklukan, alinsunod sa kung sino ang gagamit niyon. Umuulan ng mga sagisag sa tula ni Bautista; ngunit ang masaklap, tila hinahayaan na lamang ng makata ang kaniyang mga mambabasa na damputin saka pagsama-samahin ang teksto upang makabuo sila ng kani-kaniyang diskuryong ikalulugod nila. Kung uuriin, ang mga pahayag 9-11 ay halimbawa ng Ingles na pahayag na sablay na inihulog sa Filipino. Ingles na Ingles ang tabas ng mga pangungusap. At nakasusugat sa pandinig ang saliwang palaugnayan at balikong balarila ng mga pahayag. Upang mabatid lalo ang mga larô ni Bautista, kinakailangang titigan ang mga pahayag 18-25:

18. Ang payo [pangaral?]/ niya ay/ langit o/ giyera/ armageddon/ o grasya[.]
19. [“]Gayahin/ ang buhangin[.”]
20. Ang taong/ bulag ay/ walang bahag [na buntot.]
21. Ang taong/ pilay ay/ walang tulay[.]
22. Ang taong/ bingi ay/ walang pisngi[.]
23. Ang taong/ pipi ay/ laging api[.]
24. Silang lahat/ [ay] sasambulat [sic, huhulagpos]/ sa lambat/ kung igalaw [sic, itataas]/ mo ang iyong/ tinapay/ at lagdaan [sic, lalagdaan]/ ang papel/ ng isda/ mong pangalan[.]
25. Sapagkat/ ikaw ay/ isda sa/ simula at/ katapusan[:] Isda sa/ isda[,] tubig/ sa tubig/ ang pag-ibig/ ng iyong/ Ama sa daigdig[.]

Mabigat ang pahayag 18 dahil ang “payo” ay malabo kung kanino nagmula. Pinahuhulaan sa tula kung sino ang tinutukoy ng panghalip panaong “niya” sa pahayag 18. Sa “arsobispong kuba” ba o sa “Isda” na siya ring “Mangingisda”? Ang payo ay sinlabo ng palaugnayan ng pahayag; at mahihinuha lamang ang ibig nitong ipahiwatig kung ituturing na mula sa mga aral ng pinagsamang Luma’t Bagong mga Tipan ang lahat. Samantala’y ang repotia sa mga pahayag 13 at 19 ay babaguhin kahit ang mga katangiang susuhay sana sa “buhangin” na maaaring sumasagisag naman sa “sangkatauhan.” Kung ituturing na nagsusuhayan ang mga pahayag 13-16 at nagsusuhayan din ang mga pahayag 19-23, ang hulagway ng buhangin ay magkakasanga: nagpapahiwatig ang unang panig hinggil kay Kristo, samantalang ang ikalawang panig ay nagpapahiwatig naman hinggil sa karaniwang tao o sambayanan. Nagtatagis ang magkabilang panig, at ito rin ang nakapagpaparupok ng lohika ng tumbasan.

Ang anaphora kundi man symploce sa mga taludtod 139-147 ay kahanga-hanga kung sisipatin yaon bilang bagong mga sagisag at alingawngaw ng Sermon sa Bundok (Mateo 5: 1-11; Lukas 6:20-23), at ng awiting-bayang “Doon po sa Amin.” Ngunit kung uuriin nang maigi, matutuklasan ang ilang kahinaan. Halimbawa, konsistent ang “bulag,” pilay,” “bingi,” at “pipi” bilang metonimiya na ikinakabit sa sangkatauhan; ngunit ang “bahag,” “tulay,” “pisngi,” at “api” ay maituturing na konsistent lamang sa tunog ng mga taludtod, bagaman nagsisikap na tuhugin ang mga diwain ng “katapangan,” “katatagan,” at “kaapihan.”

Mababatid ito kung tititigan ang mga taludtod 139-141 (saknong 47): “Ang taong/ bulag ay/ walang bahag”/. Sa literal na pakahulugan, “Lastág ang bulág dahil walang saplot”. Ngunit hindi iyon ang tinutukoy. Ang idyomang Tagalog ay “bahag ang buntot” na naglalarawan sa “buntot” na pumailalim sa puwitan ng aso o pusa o unggoy o anumang kahawig na hayop sanhi ng pagkaduwag o pagkasindak o pagsuko. Mababago ang paghihiwatigan kung paiikliin ang kasabihan at gagawing “bahág” lamang dahil saplot iyon ng mga mandirigmang tarikán, halimbawa sa mga pay-yo ng Ifugaw, at malayo sa pambuskang “bahág ang buntot.” Sinasagisag ng “bahág” ang mahabang pakikihamok, pagsisikap, at pananagumpay, bukod pa ang taglay nitong pang-ideolohiya’t pangkulturang pakahulugan ng mga tarikán, at isang pagkakamali kung ituturing yaong “pagkaduwag” o “pagsuko.” Isa pa’y hindi naman ganap na nasakop ng mga banyaga ang mga tarikáng gaya ng Mangyan, Agta, Ifugaw at Igorot. Sa tula ni Bautista, “ang taong bulag” ay maaaring tumukoy sa walang pakialaman sa daigdig kahit puno ng lagim ang paligid. At yamang walang pakialam, siya rin ay matapang at walang kinasisindakan. Dahil sa wala siyang bahag, o hindi nagsusuot ng bahag? Maaaring ang tinutukoy sa tula ay ang iba pang katutubong nakabahag. Ano’t anuman, mapanlagom pa rin ang saknong ni Bautista, at maihahakang ang nasabing tayutay ay mula sa padron ng Ingles at hindi sa Tagalog.

Magiging suliranin ang pahayag 24 dahil sa paggamit na naman ng sablay na panghalip panaong “sila” na marahil ang tinutukoy ay ang mga tao sa pahayag 20-23. Mahihinuhang nilalagom ng “sila” ang mga “isda” bilang “tao,” at siyang hinihimok ng persona o dili kaya’y ng arsobispo para maghunos na “buhangin.” Halimbawa na naman ito ng pagpapaulan ng mga sagisag, at sa pagkakataong ito’y matatawag nang napakalinaw na kalabuan. Kung iuugnay sa pahayag 24 ang pahayag 25, ang pangatnig na “sapagkat” ay nabigong maging hiblang magdurugtong sa dalawang diwain. Ingles na naman ang tabas ng pahayag. Saan nakalugar ang personang batid ang gayong pambihirang kalikasan ng “isda,” “tagapagligtas,” “bugtong na anak,” “buhangin,” at “mangingisda”? Kung alam yaon ng persona, bakit kinakailangan pa nitong manambitan sa “mangingisdang tagapagligtas,” gaya sa pahayag 26? Ang ganitong uri ng lohika ay pagpapasa sa mga mambabasa kung ano ang kanilang magiging pagtanggap sa mga sagisag.

Hindi maaaring takasan ng makata ang pagkaligta sa isang napakahalagang bagay: Bakit kailangang manambitan ang persona sa kaniyang tagapagligtas? Kailangang titigan muli ang sumusunod na pahayag:

26. [A]t ikaw[,]/ habang tuloy/ ang lindol/ sa silong [sic]/ ng dagat[,]/ mangingisdang/ nakatayo/ sa pampang[,]/ sunungin [sic] mo/ ang bakal/ naming puso/ gaya nang/ pagsunong mo/ sa araw[,]/ pagaanin/ itong tila/ bulak at/ itawid/ doon sa/ kabilang ibayo/ sa bundok/ na luntian/ sapagkat/ maulap[,] magrasya[,] sapagkat may awitan[.]
27. At kapag/ naiupo/ mo na kami/ sa aming/ tuyong bukas/ ipapako/ ka namin sa/ kapirasong/ kahoy at/ ihahagis/ sa dagat[.]
28. Pagmamasdan/ ka naming/ malunod[,] mangingisdang/ malungkot[,] sa saliw/ ng aming/ halakhak[.]//

Ang “lindol sa silong ng dagat” (pahayag 26) ay maaaring magpahiwatig ng umiiral na “gulo” sa daigdig ng matalinghagang sangkaisdaan. Ngunit napakaluwang ng alamís at pambihira ang timpál sa mga salita na pulos sagisag, at hindi magagagáp kung ano nga ba ang ibig tukuyin ng “lindol.” Maaaring likas ang “lindol,” o kaya’y ang “likha” ng tao bilang isda, o kung hindi’y “parusa” o “senyal” na idinulot ng mangingisdang tagapagligtas o Dakilang Hukom.

Kinaligtaan sa tula ang paglinang sa katauhan ng persona na matalik ang pagkakabatid sa mangingisda na siyang sumasagisag wari kay Hesukristo. Ipinakilala lamang ang persona na may “bakal na puso” na bulaklak ng salitang nangangahulugang “matigas ang damdamin para sa kapuwa o kaligiran,” at kung iuugnay dito ang nasasaad sa Dictionary of Biblical Theology, maaaring magtaglay din ng katangian ng “pagiging makitid ang isip” sa isang bagay o serye ng pangyayari. Kung babalikan naman ang Bibliya, “puso” ang magpapahiwatig ng niloloob ng tao at kaya ang salita ng tao ay maaaring magbunyag o maglihim o magbalatkayo tungo sa isang layon habang nakikipag-ugnayn sa Diyos. Gayunman, mabibigo ang tao sakali’t subukin niyang linlangin ang Diyos, o magsinungaling sa Diyos dahil kayang basahin ng Diyos ang kalooban ng tao (1 Samuel 16:7). Sa tula ni Bautista, ang tangkang panlilinlang ng persona sa Salita bilang Diyos ay mabuway, butas-butas, at maituturing na pagsisinungaling kung tatanggaping kapani-paniwala.

Kung totoo ngang “bakal ang puso” ng persona, lalong hindi niya kailangang manambitan. Lumuluhod pa lamang ang persona’y maiisip nang pagbabalatkayo iyon. May parikala sanang ilalahad ang mga pahayag 27-28 ngunit sinamampalad na naunsiyami. Malabo ang lunan ng persona kung itatambis sa lunan ng mangingisda. Lilitaw pa na ang pangwakas na pahayag ng persona ay huwad, dahil nabigong bolahin ng persona ang kaniyang sarili at si Hesukristo kung babalikan ang mga naunang saknong. Ang kakulangan sa pagtatagni-tagni ng mga hulagway, pangyayari, sagisag, at iba pa ay humahatak sa mambabasa na punuan ang anumang dapat punuan. Na hindi makatwiran. Sinimulan ng makata ang isang bagay na hindi niya ganap na tinapos. Ito ang masasabing “balantukang sugat” sa Salita ni Bautista. May langib ang rabáw ng pahayag, ngunit nagnanaknak ang ilalim ng laman.

Kaya marapat timbangin kahit ang pagbabalik sa teorya ni Fromm, habang sinusuri ang “Sugat ng Salita” ni Bautista. Matalino sa unang malas ang persona sa nasabing tula. Mahihinuha ito sa kagila-gilalas na agos ng mga biblikong hulagway na kargado ng sagisag na isinaad ng persona at halos walang puwang upang huminga ang mambabasa. Gayunman ay isusuko ng persona ang sarili nito sa isang tagapagligtas na malayo at malabo, kaya maituturing din siyang hunghang at mahina. Mahahalata na dinapuan ng kabaliwan ang persona, at naging sadomasokista sa pakikiharap sa matalinghagang Hesukristo: ang Mangingisda at ang Tagapagligtas. Ang persona ang mananambitang mapalapit sa hulagway ng gaya ni Hesukristo na kaniya rin naman palang ipapako sa tumpak na pagkakataon. Nadama ng persona ang alyenasyon, ang sinaunang idolatriya, kung ibabatay sa lente ni Fromm. Madaling makamit at bilhin, gaya ng krusipiho, ang kaligtasan upang pagkaraan ay itapon kung saan kapag hindi na kailangan. Higit sa lahat, lunggati ng persona na makabalik sa paraiso (inmortalidad) ngunit sa pagkakataong ito’y hinihiling din nito na bumaba muna ang diyos mula sa kaniyang parnaso at magtungo sa tubigan (mortalidad) nang malubos ang kasiyahan. Ito ang magandang parikala sa tula ni Bautista.

Subalit ang hulagway ng tagapagligtas ay nananatiling nasa isip lamang ng persona, at nakaugat sa hulagway na ipinamana ng relihiyong monoteismo bilang ideolohiya. Nabihag ang persona sa gayong uri ng paniniwala, sa paniniwala na laging nasa kaligiran, at wala sa kalooban, ang kaligtasan ng tao. Inihahabilin ng persona ang kalayaan nito sa isang “tagapagligtas” na naghunos sa pagiging idolo ng Kristiyanismo. Walang matatagpuang produktibong asal ang persona. Ang manipestasyon ng panlipunang asal ng persona ay mababanaagan sa gasgas na paniniwalang kayang linlangin ng tao ang diyos upang ipamalas na ang tao mismo ay isa nang inmortal. Sakali’t maganap nga iyon, guguho ang dibinong luklukan ng Salita na siyang pangunahing sagisag at pangangatwiran. Magkakaroon ng puwang ang tao na maging diyos; at makagaganap ang tao bilang reenkarnasyon ng modernong Eba at Adan na pawang tumikim ng karunungan saka ginampanan ang papel bilang Maykapal at Tagapagligtas ng kani-kaniyang sarili at daigdig.

Kung kayang linlangin ng tao ang kaniyang diyos, ang diyos sa tula ni Bautista ay hindi tunay na diyos na “sukdulan ang kaganapan at siyang Dakilang Sanhi ng lahat ng bagay,” alinsunod sa matalisik na pangangatwiran ng Summa Theologiae ni Tomas de Aquino. Ang “diyos” na kayang linlanngin ng persona ay ang “diyos na nagkatawang tao” (i.e., Hesus); at si hesus ay dapat ituring bilang tao at hindi bilang Diyos—na maaaring magtaglay ng katangahan at maaari ding magoyo ng higit na matatalinong tao—alinsunod sa pamantayan ng sangkatauhan. Sa kabilang dako, ang mga tao ang maituturing na “diyos” at mahihinuhang hinugot mula sa Awit 82:6–7: “Ang sabi ko, kayo’y diyos, anak ng Kataas-taasan,/ Ngunit tulad nitong tao, lahat kayo’y mamamatay.”

Kaya maaaring sipatin din ang buong tula ni Bautista na hindi naman talaga hinggil kay Hesukristo at sa dibinong pagliligtas. Nakatuon ito sa pagdestrungka sa “kalayaan” na palayo sa “Salita” na pinagmulan ng lahat, alinsunod sa isinasaad ng Bagong Tipan. Kung ang “Salita” ay nagpapahiwatig sa “Diyos,” ano ngayon ang “sugat”? Halimbawa’t tanggapin ang pangangatwiran ni Tomas de Aquino, na lubos ang kaganapan ng Diyos, ang “sugat” bilang “pingas” sa sukdulan ng lahat ng perpekto ay lilihis sa lohika. Wala nang panlabas na puwersa o gahum ang makalilikha pa ng “sugat” sa Salita kundi ang Salita mismo na siyang pinag-ugatan ng lahat. At kung iuugnay ang talinghaga ng “sugat” sa “Salita” bilang Diyos, ang sugat ay hindi basta sugat, yamang maaaring hayaan ng Diyos yaon dahil sukdulan ang kaganapan niya. Ngunit ibang antas na ito ng paghihiwatigan.

Kung ang “Salita naman ang pinakabatayan ng lahat ng pananalig, ano ngayon ang maaaring “sugat” nito? Maaaring kaugnay ng likas na pag-iral ng Salita ang sugat nito at ang manipestasyon mababanaagan sa pasulat hindi sa pabigkas na paraan. Maiisip na ang “sugat” ang simula ng paglihis sa batayang pananalig. Mahihinuha rin sa nasabing pangangatwiran na magkasabay ang paglitaw ng “sugat: at “Salita,” o dili kkaya’y lumitaw ang “sugat” makaraang umiral ang “Salita.” Kung magkakagayon, hindi na maituturing na kahinaan ang “sugat.” Ang nasabing sugat ay bahagi ng hiwaga ng pagtuklas (o “pagbibinyag” sa ibang pagkakataon) sa buong lawas ng posibilidad at imposibilidad ng “Salita” bilang teksto na iniaangat sa diskurso ng sangkatauhan. “Sugat” ang talinghaga na paulit-ulit tutuklasin ng tao; at hindi maihahambing sa gaya ng kalawang na kumapit sa lawas ng baka. Sa kabilang dako’y maitatanong kung ano ang sanhi ng “sugat” sa Salita. Kung dibino ang “Salita,” saan maaaring magmula ang sugat? Imposibleng sa diyos ang kakulangan, yamang ang diyos ang sinasabing sukdulan at kumakatawan sa Salita. Mahihinuhan na ang “sugat: ay bunga ng mortal na pagpapasiya at pagkilos—ang lilikhain ng tao—batay sa kaniyang pagsagap, saka paggamit ng Salita bilang Awtoridad ng Lahat ng Karunungan.

Kung ang “sugat” naman ay likha ng tao, ang “Salita” ay imposibleng maging Diyos dahil hindi kayang sugatan ng tao ang kaniyang Maylikha. Masusugatan lamang ang Diyos kung bababa siya sa mataas na luklukan at “magkatawang-tao,” gaya ni Hesus. Mahihinuhang iba ang pakahulugan at pahiwatig na taglay ng sinasabing “Salita” sa tula. Ang nasabing “Salita” ay maaaring nagtataglay ng pahiwatig na “kahinaan,” kundi man “kakulangan,” gaya ng sa mortal na tao, at binuo ang pakahulugan at diskurso alinsunod sa pamantayan ng tao.  Kaya ang “Salita” ay mapaiilalim sa pangkalahatang diskurso ng tao; maibababa mula sa kaitaasan ng diskurso ng inmortalidad; at hindi magwawakas sa abstraktong pananampalataya ang pagsandig dito. Mula roon ay malilitis saka mahuhusgahan ang “Salita,” gaya ni Hesukristo, alinsunod sa bait, balarila, at batas ng tao. Kahit walang kasalanan ang Salita kundi ang pagtataglay ng katangiang hindi nito kayang saklawin ang lahat ng pakahulugan, pahiwatig, at talakay na pawang ikinakarga ng tao sa paglipas ng panahon. Ano’t anuman, sadyang napakalikot ng isip ng makata; at tila nagpapamalas na ang tao’y may kakayahang maging diyos kahit sandali, kahit sa munting paraan.

Mga Tala


1 Mula sa “Pangunang Salita” ng Kirot ng Kataga ni Cirilo F. Bautista. Maynila: De La Salle University Press, 1995.

2 Basahin ang “Peculiaridades de la poesia tagala” ni Lope K. Santos, nakapaloob sa Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog. Inedit ni Virgilio S. Almario. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino at National Commission for Culture and the Arts, 1996, mp., 126-127.

3 Basahin ang karagdagang paliwanag sa introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa Himig ng Sinag ni Manuel Principe Bautista. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, mp. xv-xvii.

4 Basahin ang sanaysay ni Iñigo Ed. Regalado, na pinamagatang “Ang Malungkót ng Pagpatay sa Tulang Tagalog,” nalathala sa Liwayway noong 25 Hunyo 1944. Muling inilimbag ng Institute of National Language sa Ang Panulaang Tagalog, ni Iñigo Ed. Regalado. Manila: Bureau of Printing, 1947, mp. 30-35. Ang batayan ng pahayag ni Regalado ay ang “Arte metrica del Tagalog” na orihinal na sinulat sa Aleman ni Jose P. Rizal at binasa niya sa Sociedad Etnografica sa Berlin, Alemanya noong Abril 1887. Idiniin ni Regalado na umiinog noon sa tula ang buhay ng Tagalog mulang pagsilang hanggang kamatayan. Kaya bakit hindi nga naman gagamit ng sukat o tugma? Napakadaling sumulat umano ng malayang taludturan, ngunit pinapawi nito ang indayog at lambing sa pagbigkas at pagbasa. Ang pahayag ni Regalado ay paggigiit ng kaakuhan ng panulaang Tagalog. Sayang at hindi ginamit nina L.K. Santos, Regalado, at J.C. Balmaseda ang mga saliksik ng gaya nina Fray Gaspar de San Agustin at Fray Francisco Bencuchillo. Ang muling pagbabalik nina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario sa mga teksto ng mga nasabing fraile ay nakatulong nang malaki upang muling ipakahulugan ang katutubong poetika ng Tagalog.

5 Ang nasabing obserbasyon ay unang pinansin ni Almario, at isinaad sa mga aklat na gaya ng Balagtasismo vs. Modernismo (1984), Kung sino ang kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp. (1992), at Mutyang Dilim (2000).

6 Mula sa Tanagabilla, Ikalawang Aklat, ni Alejandro G. Abadilla. Pilipinas: Limbagang Pilipino, 1965, p. 76. Mala-tanaga ang ginawa ni Abadilla dahil ang tanaga, ayon sa mga halimbawa sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay binubuo ng pipituhing pantig bawat taludtod at ang bawat saknong ay may apat na taludtod.

7 Basahin ang sanaysay na “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan” ni Alejandro G. Abadilla, unang nalathala sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944. Muling inilathala ito sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan ni Soledad S. Reyes. Pasig: Anvil Publishing, Inc., 1992, mp. 227-229. Hindi talaga magkakasundo si Abadilla at si Regalado dahil magkaiba ang lunan ng kani-kaniyang diskurso. Para sa Abadilla, “ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi mahalaga,” kundi ang “damdaming matulain.” Kaya naman madali niyang isantabi ang tugma’t sukat. Para naman kay Regalado, may angking katutubong poetika ang Tagalog, ngunit ang problema’y naglundo ang kaniyang paliwanag sa Arte metrica del Tagalog ni Jose Rizal at sa mga halimbawa ni Balagtas. Kung ginamit lamang sana ni Regalado ang mga dokumentong Espanyol ay higit pa sanang lumalim ang kaniyang paliwanag hinggil sa katutubong pagtula. Iyon ay dahil may makukuha pa ring mahahalagang hiyas, kahit sa mga sinaunang tala ng Espanyol. Gayunman, ibang usapan na iyon.

8 Isinaad na ito ni Iñigo Ed. Regalado nang magsalita siya sa isang panayam sa Unibersidad ng Pilipinas noong dekada 1930, at nakapaloob sa mga unang bersiyon ng “Pag-unlad ng Panulaang Tagalog” na ang pinakabagong edisyon ay may petsang 1937. Binago ni Regalado ang seksiyon hinggil kina Jesus Balmori at Manuel Bernabe, marahil ay upang pahupain ang kaniyang banat sa mga manunulat na Espanyol. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa Damdamin Mga Piling Tula ni Iñigo Ed. Regalado. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2001.

9 Mula sa Puntablangko ni Mike L. Bigornia. Fairview: Tagak Series, Inc., 1985, p. 85.

10 Huwag ipagkamaling si Bautista lamang ang gumagawa nito. Noong mga dekada 1970-1980 ay ginawa rin yaon ng nakararaming makatang aktibista o feminista o akademiko, o ng mga aktibista, feminista, at akademikong nagkataong mahilig ding tumula-tula. Ano’t anuman ay ibang usapan na iyon, na nangangailangan ng panibagong sanaysay.

11 Mababasa ang konsepto ni Erich Fromm hinggil sa alyenasyon bilang idolatriya sa The Sane Society. New York: Fawcett Premier Book, 1967, mp. 103-113.

12 Hango ang mga impormasyong ito sa sinulat ni Maurice M. Hassett, at nakasaad sa The Catholic Encyclopedia, Tomo VI. New York: Robert Appleton Company, 1909.

13 Batayan ko rito ang The Proverbs, tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio. Quezon City: University of the Philippines Press, mp. 201-203.

14 Ibid., p. 201.

15 Ibid., p. 201.

16 Ibid., p. 201.

17 Mula sa Discourses on Government [1698], kabanata 2, seksiyon 18. Hango sa Bartlett’s Familiar Quotations, 16th Edition. Inedit nina John Bartlett at Justin Kapman. Boston: Little, Brown and Company, 1992.

18 Mula sa Magandang Balita para sa Ating Panahon (May Deuterocanonico). Manila: Philippine Bible Society, 1980.

19 Itatanghal saka babaklasin naman ni Jacques Derrida ang aniya’y malinaw na halimbawa ng logosentrismo ng “Salita” sa Bagong Tipan; at ang pahayag sa Juan 1:1 na ipinaiilalim ang lahat ng bagay sa iisang sanhi. Ang pagbuwag sa nasabing logosentrismo ay isa sa mahahalagang salik ng teorya ng dekonstruksiyon.

20 Mula sa Bartlett’s Familiar Quotations. Ibid., p. 219, talababa 6.

21 Ibid., p. 630.

22 Ibid., p. 108.

23 Mula sa Dictionary of Biblical Theology (updated second edition). Inedit sa ilalim ng pangangasiwa ni Xavier Léon-Dufour. London: Cassell Publishers, Ltd, 1988. Muling inilimbag ng Daughters of St. Paul sa Filipinas, 1990.

24 Ibid., p. 518.

25 Ang “salt of the palace” sa Bibliya na isinalin sa Filipino ay tinumbasan ng “ang ikinabubuhay nami’y nagmumula sa kaharian.” Ang ginamit ko ritong teksto sa pagsusuri ay ang tekstong Ingles, ang The Jerusalem Bible, United of America: Darton, Longman & Todd, Ltd. and Doubleday & Company, Inc., 1966, p. 574. Mahuhugot na halimbawa ang maikling sipi sa Ezra 4:13-14. “…and whereas hte king should be informedthat if this city is rebuilt and the walls are restored, they will refuse to pay tribute, customs or tolls, and that in short, this city will damage the authority of the kings, and whereas, because we eat the salt of the palace, it does not seem proper to us to see this affront offered to the king;…”