Ang Resureksiyon, bilang Ikadalawampu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Resureksiyón, bílang Ikádalawámpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág nagsawà ka na sa sapád at makínis, kapág nagsawà sa tuwíd at malínis dáhil nakabábató yaón o nakaáantók, magháhanáp ka ng bundók na áakyatín, o buról na lúlundagín. Hindî ka mabíbigô. Iíwan mo ang iyóng motorsíklo o helikópter ngúnit mangangárap bílang pinágtambál na shérpa at paragláyder, pílit áabutín ang úlap sa anyô ng pagtítindíg ng guniguníng zíggurát sakâ magpapásampál sa hánging makapílas-balát kundî man mangungúsap bílang kulóg nang halinhán itó, magpapákalúnod sa abót-tanáw na pawàng muntî o mga diyamánteng kumíkináng, lílimútin káhit pánandalî ang saríli sa lábis na galák, at ihíhiyáw, O, Diyós ko! sa umaápaw na damdáming higít sa máidudúlot ng Bóhun Úpas. Ang patáy ay nabubúhay sa isáng kindát; ang kidlát ay dumádapò sa kílay; ang kúlay ay gumugúlong na dalúyong, at kung hindî pa itó sapát, magwáwakás ang lahát na kasímpayák ng pagkabásag ng pinggán o pagkapúnit ng kartón.  K’ara K’ara. Olusosun. Payátas. Walâng katapusán ang katumbás ng Sagarmatha, at sa noó ng káitaásan, ay magágawâ mong pababâín mulâ sa paraíso si Dante na sabóg na sabóg sa kaluwalhatìan, at utúsan itóng pagniláyan ang umáanták na súgat ng modernidád. Ngúnit matagál nang iníwan siyá ng patnúbay na makatàng nagbalík sa impiyérno úpang gampanán ang ibáng tungkúlin, at hindî na sumáma pa ang patnúbay na músa na nagpaíwan sa paraíso úpang pumapél na soloísta sa kóro ng mga anghél. Si Dante, pagsápit sa máalamát na Smokey Mountain, ay sásalubúngin ng alingásaw na yumáyapós at tumátagós hanggang lamánloób, at mabábatíd mo itó sa tínig ng patnúbay na kung hindî si Balagtás ay isáng matapát na alagád na Méta-Balagtasín.

Ngúnit kung ikáw si Dánte, anó ang dápat ikagitlâ sa bágong planéta ng abentúra kung namatáy ka na’t nakáratíng sa pinakámalálim at pinakámataás hanggáng makakíta ng liwánag? “Ang bágong impiyérno ay walâ sa kríptográpikóng Gimokúdan bagkús nása pagháhanáp ng sariwàng naratíbo ng kaligtásan,” isusúlat mo; at sa iyóng mga talâ mulâ sa kuwadérno ng talinghagà, ang lóhiká ng ikásiyám na kamatáyan kung itátambís sa ídeolohíya ay mawawalán ng saysáy. Sa resureksiyón ng makatà, ang Firenze ay metonímya ng bundók ng basúra [sa kabilâ ng kabihasnán], at gáya sa tulâ ni Rio Alma ay isáng libíngan. Ngúnit ang libíngang itó ay hindî karaníwang libíngan bagkús kabilâng-dúlo ng modérnidád, ang látak at katás ng pagmámalabís, kasakimán, at láyaw, na pawàng magbubúnga ng pagkátiwalág kung hindí man paglabò ng idéntidád. Maáarìng itó ang “Tanghalì sa Smokey Mountain,” na isáng ehersísyo ng pagpápaápaw sa rimárim, poót, at sindák, at ang ilóng ang magtúturò sa wakás ng materyálidád at sa wakás ng kasaysáyan ng arì-arìan at bágay. Subálit ang ilóng ay sinungáling, at ang bibíg ang magalíng.

Kailángang sundán ang tínig, na magsasábing ang espásyo ng kabulukán ay isáng anyô ng bángko o kayâ’y laboratóryo na pinagtútubùan at hindî bastá imbákan ng mikróbyo at bangkáy; at kung ang ganitóng kápangahasán ay sanhî ng orihinál o sinadyâng kasalánan ay kasalánang hindî umanó dápat salangín. At bákit hindî? Maáarìng itó ang talinghagà ng pagpapátumpík-tumpík sa óras na sumunód sa burukrásya ng kalinísan nang may disimuládong pagsang-áyon sa medyókridád at kapabayâán. Ngúnit itó rin ang pasiyá na pagníniláyan, at si Dante ay hindî na kailángan pang “maligò sa liwánag ng alingásaw” sapagkát noón pa man ay niyákap na siyá ng bantót pagsápit na pagsápit sa pórtal ng kabulukán. Totoó, waláng karatúlang nakásaád na Lasciate ogne speranza, voi ch’intrate pagsápit sa paanán ng Bundók ng Basúra. Hindî tinútubós ni Krísto ang saríli noóng nakábayúbay sa krus; at kakatwâ kapág tinubós ng mga debóto ang kaniláng diyós sa pamámagítan ng malawakáng paglípol bílang gantí tuwíng nilálapastángan ang kaniláng sagrádong pananálig. “Ang pagkilála sa likás na síklo ng kamalayán,” isusúlat mo pa sa talâbabâ, “ay nagáganap hindî sa isáng igláp,” at kung síno man ang patnúbay na tínig ni Dante sa bágong impiyérno ay “kailángang íugnáy ang saríli káhit sa mikróbyo at basúra ng ísip” sapagkát walâ sa dogmátikóng patnúbay, at walâ sa íisáng tínig na makapangyarihan, ang páhiwátig ng kolektíbong kaligtásan.

“Kailán dápat másindák o márimárim si Dante?” itó maráhil ang pangángahás na puwédeng sagutín—ngúnit lampás na itó sa hanggáhan ng pagsasánay sa ilusyón at alusyón na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic fluid poetry ideas overflowing. Photo by Mauro Contaldi on Pexels.com

Parabula ng Tungaw, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Tungáw

Roberto T. Añonuevo

Sa síglo ng máykapángyaríhan, pakíwarì ng mga koméntarísta’y pinábilí ka lámang ng sukà sa tindáhan ni Áling Iskâ pagsápit ng halálan ng mga háyop, sumunód sa útos ng pámilya kung hindî man udyók ng pártido gáya sa luksóng tiník, ngúnit dáhil itó ang ikaápat na unós, sinalúbong ka ng bugsô ng ulán at tinangáy pagkáraán ng bahâ sanhî ng pagtáog ng mga táo. Sumigáw ka at humingî ng saklólo sa iyóng magúlang. Ngúnit rumáragasâ ang mga álon, sumísigáw ng kólektíbong himagsík at pagbabágo sa elektrónikong mundó, sumásalungá sa napípintóng repetisyón ng kasaysáyan, at sinamâmpálad kang íbalibág nang paúlit-úlit kung saán-saán at nabigông makaáhon gáya ng sisingháp-singháp na báboy. Patúloy na tumátaás ang túbig; humáhampás ang hángin. Kung tagapáyo mo si Worcester, maáarìng naníwalà ka rin sa sabí-sabíng ang tágbanwá, kapág nása bíngit ng búhay at kamatáyan, gaáno man kahúsay mangisdâ o mangáso o magpandáy ay haharáp sa bandáng hulí pápaloób sa órihinál na yúngib, maglálandás nang mag-isá sa paikíd na hagdán, mangángapâ mangángambá makikíramdám sa ibáng dimensiyón, gugúlong na niyóg kapág natalísod, dádausdós nang tulóy-tulóy kapág nádupílas, ngúnit babángon mulî gáya ng balîán makáraáng isaáyos ang linsád o baklîng butó, at maglálakád hanggáng makáratíng sa púsod ng karimlán. Hindî ka tágbanwá, at tátanggí sa gayóng tagurî, subálit maríriníg ang lagitík ng mga káhoy hábang naglíliyáb, maáamóy ang úsok na may samyô ng palisán mulâ sa parikít, at sa haráp ng sigâ ay búbulagâ ang hulagwáy ni Talíakud, ang dambúhalàng tagapág-alagà ng apóy na nása pagítan ng dalawáng tuód na walâng pagkáupós. “Nabúhay ka ba nang matuwíd?” tanóng ng hígante na ánimo’y gutóm na gutóm. Bágo ka pa makátugón ay sasabát ang tungáw mulâ sa iyóng kílay, at isásalaysáy ang makúlay mong kábatàan, halímbawà sa walâng kapárarákang alíwan. Higít na mapagtítiwalàan ang saksí ng bangkáy, gaáno man kaliít, áni Talíakud; at pápalárin ang kaluluwá mo’t magíging panátag sapagkát hindî na kailángan pang mágsinungalíng pára makáligtás sa lumálagabláb na paghúhukóm. Tinitígan mo si Talíakud—na higít ngayóng mapagdúda—at babasáhin niyá sa iyó ang listáhan ng mga pinasláng, ang súma-totál ng mga kulimbát, ang láwak ng kusinà ng sabwátan mulâng danáw hanggáng makáw, ang pagsásanlâ sa mga minahán, ang réduksíyonísmo sa sugálan at nárkotrápikísmo, ang kapábayâán at médyokridád na ikinúkublí sa ínstitusyónalisádong kápalalùan. Mapapágod si Talíakud sa habà ng lítanya lában sa iyóng urì, at warìng íbig ka nang pisâin. Yámang ikáw ang anák ng díktadúra, iiháwin ka hábang naróroón ngúnit himalâng hindî malulúsaw, sapagkát nariyán ang tungáw úpang magpátotoó at magíng últimong abogádo mo, gáya sa paniníwalàng wagás ang iyóng pagkatáo pagkasílang, walâng dúngis ng láyaw o hindî kailánman nakinábang sa pagmámalabís ng mga kalahì mo, at karápat-dápat sa iyó ang malálaking baláy, ang malaláwak na bukirín at gúbat, ang bénepísyo ng mga bángko at sandátahán, ang kasiyáhang walâng kapáris hábang malagíhay sa ngangà, ópyo, o álak. Magsínungalíng ay hindî birò, wikà ngâ, at ang tungáw, na tagapágbandilà ng iyóng katótohánan, ay magtátalúmpatì sa haráp ng Talíakud, tiwalàng-tiwalà na higít na matangkád siyá ngayón sa likód ng nilílitsóng ilusyón.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami rocking the status quo. Photo by Scott Webb on Pexels.com

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon

Roberto T. Añonuevo

Nakatulog si Meng Haoran at sinalubong ng mga uwak—
Ang mga uwak na busóg na busóg sa paglapà ng mga bangkay;
At ang mga bangkay na warat-warat ay napukaw ng sipol
Ng simoy, at tumindig, at naglakad nang humahagulgol. . .
Ngunit nanatiling nakahimlay ang makata sa piling ng awit
Ng napigtal na libo-libong dahon mula sa mga punongkahoy
Na tila ospital na umaapaw sa mga tao na may trangkaso,
Pagdaka’y naging hardin ng sigâ, habang tumutula ang usok

At apoy, at sumasayaw ang mga titik sa himig ng tik-tak-tok. . .

Dumilat si Meng Haoran sa aparato ng salot at bangungot,
At ang ibon ay naging daga at ang daga ay naging paniki,
At ang paniki? Isang tuldok sa libong saliksik ukol sa sakít,
Na puwang upang magduda kung siya pa rin ang makata, o isa
Nang partido ng mga burukrata na ang watawat ay pabrika
ng mga lamanlupa, na sinasaliwan ng awit ng manyikang hukbo.
“Ako ba ang panaginip para sa dinastiya ng setro’t estado?”
Walang ano-ano’y umalingasaw ang tala-talaksang kalansay,

Na nagmamapa sa mga milenyo’t konstelasyon ng mga imperyo.

Sa Barangay ng Makata, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Barangay ng Makata

Roberto T. Añonuevo

Pumikit ang araw nang sanlibong taon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at nang dumilat ka,
ang tula ni José Corazón de Jesús ay lumalakad sa tubig—
na mula sa walang kamatayang

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . matang-tubig ng iyong ama,
at naglalagos na sariwang hangin sa mga rehas ng bilibid.

“Pag-asam sa Kamatayan,” ni Novalis

Salin ng “Sehnsucht nach dem Tode” ni Novalis (Friedrich von Hardenberg) ng Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-asam sa Kamatayan

Doon sa bituka ng lupang malalim
Na bigong abutin ng sinag ng araw,
Ang poot at kirot na sumasaatin
Ang tanda ng gaan nitong paglalakbay.
Isinakay tayo dito sa baroto’t
Nang maabot natin ang langit na dulo.

Purihin ang gabing ano’t walang hangga,
Purihin ang ating paghimbing nang ganap.
Pinasiklab tayo ng bagong umaga’t
Tayo’y pinarupok ng pusong may sugat.
At hindi na tayo kung saan sasapit,
Ibig lamang natin kay Ama magbalik.

Ano ang gagawin sa mundong narindí,
Mahalin nang labis, nang lantay ang loob?
Lahat ba ng luma ay dapat itabi,
Paano ang bago na ibig malubos?
Kaylungkot kung ikaw ay walang kasáma
Kahit pa may alab ang puso sa sinta.

Noong araw, noong ang pandama’y apoy
Na kung lumagablab ay di tumitigil,
Kilala ng tao ang mukha’t ang ligoy
Ng kamay ng amang ang pulso’y taimtim.
Hindi man magwika, talos ng sinuman
Ang pagsunod doon sa ugat na daan.

Noong dati, noong ang huklubang sangá’y
May mga bulaklak na hitik na hitik,
At ang mga bata’y hindi nangangambang
Magsákit, mamatáy utos man ng langit,
Magwika ang búhay at nasa’y humimok,
Kayraming nasawi nang puso’y tumibok.

Noong dati, noong bata pa ang lahat,
Diyos ay naghayag na siya’y darating.
Matapang umibig kahit pa magwakas,
Iwinaksi niyang tumakas sa lagim.
Di niya pinalis ang takot o pait,
Upang tayong lahat ay maging malapit.

Batid natin itong balisang pag-asam
Sa gabing kaydilim at tigmak sa luha.
Sa ganitong yugtong malimit temporal
Ay hindi matighaw ang uhaw sa diwa.
Kailangan nating magbalik sa íli,
Sa sagradong oras na takdang magkási.

Ano itong hadlang sa ating pagbalik?
Lahat ng inibig ay pawang yumao.
Nalibing ang talâ ng buhay na ipit
At kirot at hirap ang nasok sa noo.
Wala nang hanap pa’t iisiping lakad,
Punô itong pusò, at mundo ay lastág.

Sadyang walang hangga’t lubhang mahiwaga,
Ang sariwang ulan sa ating nilakbay—
At umalingawngaw ang lungkot sa diwa
Mula sa kung saang naglihim na bukál.
Mga mahal natin ay ibig yumao,
Para ipadala ang mithing totoo.

Pababâ at tungo sa asawang mahal,
Kay Hesus, ang tanging pitlag nitong loob,
Tiyak na sasaklob ang saplot karimlan
Sa namimighati’t umibig nang lubos.
Ibinukod tayo ng isang pangarap
At nang maikandong sa amang lumantad.

“Ang Tatlong Ibon,” ni Jean-Joseph Rabearivelo

Salin ng “Les Trois Oiseaux” ni Jean-Joseph Rabearivelo ng Madagascar.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tatlong Ibon

Jean-Joseph Rabearivelo

Ang yerong ibon, ang ibong bákal
Na humihiwa sa mga ulap ng umaga
At nagsisikap bulagin ang mga bituin
Pagsapit ng malaganap na takipsilim
Ay nagkukubli na waring nahihiyâ
Sa kunwang yungib na likha ng diwa.

Ang ibon ng lamán, ang ibon ng pluma
Na naglalagos sa mata ng habagat
Upang marating ang buwan na nakita
Nito sa panaginip na nakabitin sa sanga
Ay bumulusok nang magkasabay
Noong gabi sa laberinto ng mga rosal.

Ngunit ang ibon na isang kaluluwa
Ay bumabalanì sa taliba ng isipan
Sa himig ng nauutal niyang tinig,
Pagdaka’y pahuhugungin ang bagwis,
Lilipad para pumanatag ang espasyo,
At magbabalik lámang sa anyong inmortal.

“Gabi sa San Ildefonso,” ni Octavio Paz

Salin mula sa Español ng “Nocturno de San Ildefonso,” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Gabi sa San Ildefonso

. . . . . . . . .  .1

Inimbento ng gabi sa aking bintana
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . ang ibang gabi,
ang ibang espasyo:
. . . . . . . . . .  . . . . . . nagdeliryo ang karnabal
sa metro kuwadrado ng karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Pansamantalang
katipunan ng apoy,
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . nangaglalagalag na heometriya,
nangaliligaw na numero.
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . . . .  Mulang dilaw hanggang pula,
lumarga ang espiral.
.  .  .  .  .   .  .  .  .  . . .  .  Bintana:
nakababalaning talim ng tawag at sagot,
mataas na boltaheng kaligrapiya,
balatkayong industriya ng langit/impiyerno
sa nagbabagong balát ng sandali.

Mga sagisag-tamod:
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . pinasasabog iyon ng gabi,
umaahon,
. . . . . . . . . . sumasambulat sa tuktok,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . bumubulúsok
habang nagliliyab
. . . . . . . . . . . . . . . . sa kono ng anino,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lilitaw muli,
sumasagitsit na kumikislap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga tambalang-pantig,
umiikot na lagablab
. . . . . . . . . . . . . . . . . . na kumakalat,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at muling magkakadurog-durog.
Iniimbento iyon ng lungsod , sakâ binubura.

Nasa bukana ako ng tunel.
Bumabaón ang ganitong sugnay habang tumatagal.
Marahil ay ako ang naghihintay sa dulo ng tunel.
Nagwiwika ako nang nakapikit.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . May kung sinong
nagtanim
. . . . . . . . . .ng gubat ng magnetikong karayom
sa aking pilik,
. . . . . . . . . . . . . may kung sinong
gumabay sa hilera ng mga salita.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang pahina
ay naging pugad ng hantik.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang kahungkagan
ay tumining sa balon ng aking sikmura.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Nahulog ako
sa walang hanggahang kawalan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .  . .  .Bumagsak ako nang hindi lumalapag.
Malamig ang mga kamay ko,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga paa’y malamig—
ngunit ang mga alpabeto’y nagliliyab, nagliliyab.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang espasyo
ay bumubuo at sumisira sa sarili.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Naggigiit ang gabi,
ang gabi’y hinihipo ang aking noo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinihipo ang aking diwa.
Ano ang ibig nito?

 

. . . . . . . . .  .2

Mga bakanteng kalye, pumipikit na ilaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa kanto,
ang espektro ng aso
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay naghahalungkat ng basura
para sa multong buto.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sigawan sa sabungan:
patyo ng bahayan at sayaw ng Aztec.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mehiko, bandang 1931.
Mga palaboy na balinsasayaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . isang kawan ng mga paslit
ang nagbuo ng pugad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng hindi nabiling pahayagan.
Inimbento ng mga ilaw-poste
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kapighatian
ang guniguning mga sanaw ng dilawang sinag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . . . Mga aparisyon,
bumibiyak ang panahon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . malungkutin, malanding lagitik ng takong
sa ilalim ng langit ng abo
                                    ang lagablab ng palda.
C’est la mort—ou la morte. . .¹
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pinupunit ng walang pakialam na simoy
ang mga anunsiyong nakapaskil.

 

Sa oras na ito,
.  .  .  .  .  .  .  .  . . . ang pulahang dingding ng San Ildefonso
ay itim,  at pawang humihinga:
. . . . . . . . . . . . . . . . . naghunos panahon ang araw,
naging bato ang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naging katawan ang bato.
Dáting mga kanál ang mga kalyeng ito.
. . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . Sa araw,
ang mga bahay ay pinilakan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lungsod ng pulbura at awit,
nakagulapay na buwan sa lawa.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Itinatag ng mga kriyolo
sa rabáw ng mga baradong kanál
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at inilibing na mga anito
ang ibang lungsod
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .—hindi puti, bagkus pula at ginto—
diwaing bumabalikwas sa espasyo, tiyak na numero.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . Inilugar nito ito
sa sangandaan ng walong direksiyon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga pinto’y
bukás sa di-nakikita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang langit at ang impiyerno.

Nahihimbing na distrito.
. . . . . . . . . . .  . . . . . .  . . .Tinahak namin ang mga galeriya ng alingawngaw,
ang pagitan ng mga wasak na hulagway:
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. ang aming kasaysayan.
Umid na bayan ng mga bato.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga simbahan,
simboryo ng mga halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga patsada’y
nanganigas na hardin ng mga sagisag.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Napalubog
sa kasumpa-sumpang paglaganap ng mga pandak na bahay:
mga hiniyâng palasyo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga puwenteng natuyot,
mga niyurakang frontispisyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Kúmulus,
walang kuwentang madreporas,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naipon
sa dambuhalang tipak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pinasukò
hindi ng bigat ng mga taon
bagkus ng kaululan ng kasalukuyan.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . Plasa ng Zócalo,
malawak gaya ng kalangitan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naaaninag na espasyo,
pronton ng alingawngaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Inimbento namin
nina Aliocha K. at Julián S.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang tadhana ng kidlat
sa mukha ng siglo at mga pangkat nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Tinangay tayo
ng simoy palayo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . ang pabigkas na hangin,
ang hangin na pinaglalaruan ang mga salamin,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .dalubhasa sa mga repleksiyon,
tagapagtatag ng mga lungsod sa eyre,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . mga heometriya
na nakabitin sa sinulid ng katwiran.

 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga higanteng bulate:
mga dilawang trambiyang huminto.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Mga Ese at Zeta:
baliw na awto, insektong may matang maligno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .  . . . .Mga diwain,
prutas na abot-kamay.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Prutas: mga bituin.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .  . Nagliliyab.
Punongkahoy ng pulburang nakapapasò,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang diyalogo ng kabataan,
ang balangkas na kisapmatang nasunog.
. . . . . . . . . . . . Labindalawang ulit
. . . . . . . . . . . . . . . . sinapol ng mga bronseng kamao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ang tuktok ng mga tore.
Sumambulat
. . . . . . . . . . . . . . ang gabi at nagkadurog-durog,
at kusang tinipon ang sarili
. . . . . . . . . . . . .  .at muling naging isa at buo.
Naghiwa-hiwalay kami,
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi doon sa plasa na may mga laspag na tren,
. . . . . . bagkus dito
sa pahinang ito: mga titik na nagsabato.

 

. . . . . . . . .  .3

Ang bata na naglakad sa tulang ito,
at pumaloob sa San Ildefonso at sa Zocalo,
ay ang lalaking sumulat nito:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pahinang ito
ay paglalakwatsa sa loob ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . Dito’y nagkatawang-tao
ang mga kaibigang multo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga diwaing nalusaw.
Mabuti, ibig namin ang mabuti:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .   . . . upang ituwid ang mundo.
Hindi kami nagkulang sa katatagan,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . .  .bagkus sa kababaang-loob.
Ang hinangad namin ay hindi inosenteng hinangad.
Ang mga presepto at konsepto,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang yabang ng mga teologo
na mambugbog sa ngalan ng krus,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . magpundar sa pamamagitan ng dugo,
magtayo ng mga bahay sa mga ladrilyo ng krimen,
at magpahayag ng sapilitang komunyon.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang iba’y
naghunos na maging kalihim ng mga kalihim
ng Pangkalahatang Kalihim ng Impiyerno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang silakbo
ay naging pilosopiya,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . na ang laway ay umagos sa kubyerta ng planeta.
Bumabâ sa lupâ ang katwiran,

nagsuot ng damit ng bibitayan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .—at sinamba ng milyon-milyon.
Paikot na banghay:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Lahat tayo,
sa Dakilang Teatro ng Kamunduhan,
ay naging hukom, berdugo, biktima, at testigo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .lahat tayo
ay nagbigay ng palsong testimonya
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . llaban sa iba
at laban sa ating mga sarili.
At ang labis na nakaririmarim: tayo
ang madlang pumalakpak o humikab sa mga upuan nito.
Ang sála na walang alam na kasalanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang inosensiya
na pinakamatinding kasalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Bawat taon ay bundok ng mga kalansay.

 

Mga kumbersiyon, retraksiyon, eskomunyon,
rekonsilyasyon, apostasiya, abhurasyon,
zigzag ng mga demonolatriya at androlatriya,
pangkukulam at paglilihis:
ang aking kasaysayan.
. . . . . . . . . .  . . . . . . Mga kasaysayan ba iyon ng mga pagkakamali?
Ang kasaysayan ay pagkakamali.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Higit sa mga petsa,
sa harap ng mga pangalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . ang katotohanan
ay ang nililibak ng kasaysayan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang bawat araw
—ang anonimong tibok ng bawat isa,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang natatanging
pitlag ng bawat isa—
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang di-mauulit
na bawat araw, na kahawig ng lahat ng araw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang salalayan ng panahong walang kasaysayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang bigat
ng kawalang-bigat ng sandali:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ilang pukol ng bato sa araw
na nakita noong unang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay nagbabalik ngayon,
na mga bato ng panahon na bato rin
sa ilalim ng araw ng panahon,
ang araw na nagmumula sa walang petsang araw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . ang araw
na sinisindihan ang ganitong mga salita,
na natutupok kapag ang mga ito’y pinangalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga araw, salita, bato,
nagliliyab at natutupok.
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . .Nakakubli, walang tinag, di-maabot,
ang kasalukuyan—hindi ang pag-iral—ay malimit.

Sa pagitan ng pagtanaw at paglikha,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pagbubulay o pagkilos,
pinili ko ang gawa ng mga salita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . likhain, panirahan ang mga ito,
bigyan ng mga mata ang wika.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula ay hindi katotohanan:
ito ang resureksiyon ng mga pag-iral,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang kasaysayang
nagbanyuhay sa katotohanan ng walang petsang panahon.
Ang tula,
. . . . . . . . . gaya ng kasaysayan, ay nalilikha;
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang tula,
gaya ng katotohanan, ay nakikita.
. . . . . . . . . . . . .  . .. . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula:
enkarnasyon
ng araw-na-tampok- sa-mga-bato na nasa ngalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang disolusyon
ng pangalan na lampas sa mga bato.
Ang tula,
. . . . . . . . . . na taytay ng kasaysayan at katotohanan,
ay hindi tumpak na daan tungo diyan o doon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . ito’y para masilayan
ang katahimikan sa pagkilos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pagbabago
sa katahimikan.
. . . . . . . . . . . . . . . . Kasaysayan ang daan:
nagtutungo kung saan,
. . . . . . . . . . . . . . . . lahat tayo’y nilalandas ito,
ang katotohanan ay paglakad dito.
. . . . . . . . . . . . . . . . Hindi tayo umaalis o sumasapit
lahat tayo’y nasa mga kamay ng panahon.
. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . Ang Katotohanan:
tuklasin
. . . . . . . . . . ang ating sarili
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mula sa simula,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . nakabitin.
Ang kapatiran sa kahungkagan.

 

. . . . . . . . .  .4

Nangagkalat ang mga kaisipan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ngunit mananatili ang mga multo:
ang katotohanan ng nabuhay at nagdusa.
Ang halos basyong panlasa ang natitira:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang panahon
—pinagsaluhang silakbo—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang panahon
—pinagsaluhang paglalaho nang lubos—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . na sa dulo’y nagbanyuhay
sa gunita at sa mga enkarnasyon nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang nananatili’y
ang panahon bilang hinati-hating lawas: wika.

 

Sa bintana,
. . . . . . . . . . . . ang simulakrong mandirigma:
ang ulap ng komersiyal ng mga anunsiyo
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ay naglalagablab, natutupok.
Sa likod,
. . . . . . . ..  . .ang halos di-maaninag,
ang tunay na mga konstelasyon.
Sa hanay ng mga bukana ng tinako, antena, asotea,
. . . . . . . . . . sumisirit ng tubig, higit na sa isip kaysa laman,
ang talón ng katahimikan:
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang buwan.
Hindi multo o idea:
dating diyosa
. . . . . . . . . . . . .  . .at ngayon ay napalihis na kalinawan.

 

Natutulog ang asawa ko.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Siya rin ay buwan,
ang kalinawan na naglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi sa pagitan ng mga bakúlud ng ulap,
bagkus sa pagitan ng mga batuhan at alon ng panaginip:
siya rin ang kaluluwa.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . Umaagos siya nang nakapikit,
ang tahimik na saluysoy
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . na dumadaloy nang tahimik
mula sa kaniyang noo hanggang talampakan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .natatalisod siya sa loob,
sumasabog mula sa loob,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinuhubog siya ng tibok ng puso,
naglalakbay sa kaniyang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tinutuklas niya ang sarili,
iniimbento ang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ginagagad niya ito,
siya ang bisig ng dagat
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa pagitan ng mga pulo ng suso,
ang kaniyang puson ay lanaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .. na ang karimlan at ang halamanan
ay pumupusyaw,
. . . . . . . . . . . . . . .  . dumadaloy siya sa kaniyang hubog,
umaangat,
. . . . . . . . . . . bumabagsak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ikinakalat sa sarili,
. . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . itinatali
ang sarili sa agos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . at nilulusaw ang kaniyang anyo:
siya rin ang lawas.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang daluyong ng hininga’t
ang mga pangitaing nakikita ng mga matang nakapinid:
ang halatang misteryo ng tao.

Ang gabi’y nasa yugto ng pag-apaw.
. . . . . . . . . . . . . . . .   . . . . . . . . . . . . . . . . Nagliliwanag.
Bumabalikwas na akwatiko ang panginorin.
. . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Naglalaho
mula sa rurok nitong oras:
pataas ba o pababa
. . . . . . . . . . .  .ang kamatayan, ang pagdama o ang pagwawakas?

 

Pumikit ako,
. . . . . . . . . . . . .naririnig ko sa loob ng aking bungo
ang mga yabag ng aking dugo.
. . . . . . . . . . . .  . Naririnig ko
ang paglipas ng panahon sa aking pilipisan.
. . . . . . . . . . . . . .Nabubuhay pa ako.
Ang silid ay nababalot ng buwan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Babae:
matang-tubig ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . .  . . . . .Bihag ako ng kaniyang tahimik na pag-agos.

____________

Talababa

¹ Katumbas ng bulaklak ng dilang “Iyan ang kamatayan!” na kabaligtaran ng “Iyan ang buhay!”

 

“Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol,” ni John Dryden

Salin ng tulang “Song to a Fair Young Lady, going out of the Town in the Spring,” ni John Dryden, ng United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol

Huwag mong itanong kung biglang bumagal ang pamumukadkad
ng mga bulaklak sa kaydilim-dilim na bagong tagsibol;
Kung bakit nalimot ng ibong masatsat ang kaniyang awit,
at binabaligtad ng bagyong niyebe ang inog ng taon.
Wala na si Kloris; heto ang tadhanang ngayon ay naglaang
gawin ang Tagsibol upang itong dilag ay mágkatahánan.

Wala na si Kloris, ang mahal na dilag ngunit anung lupit;
ni hindi man lamang pumukol ng sulyap na taglay ang awa:
Binatang umibig ay iniwan niyang ang loob ay punit
upang humagulgol, upang lalong umasam, yumaong may luha:
Ay, paano bagang ang magandang titig ay kayang tiising
Magdulot ng sugat na di magagamot ng mga habilin.

Diyos ng pag-ibig, bakit ka lumikha ng mukhang ang anyo
ay káyang utusan ang lahat ng puso anuman ang sanhi;
na handang sakupin nitong relihiyon kahit pa mabigo;
at muling baguhin ang panuto’t batas na likha ng lahi?
Saan mo dinalá yaong kapangyarihan nang unang panahon,
patawarin siya’y ang higit na dapat mangibabaw ngayon.

Pagsapit ni Kloris sa loob ng templo ay nangagsihiyaw
ang madlang bumuntot, humiyaw sa labis na paghangang ganap;
Káya niyang muling buhayin ang bangkay mula sa libingan,
Ibalik ang búhay ng patáy maliban sa akin pong palad.
Tanging ako lámang ang likhang Pag-ibig na naging biktima
Upang mailigtas sa mga panganib ang sambayang sinta.

Buhay-Pananda, ni Juana de Ibarbourou

salin ng “Vida-Garfio” ni Juana de Ibarbourou mula sa Uruguay.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Buhay-Pananda

Mahal: Kapag yumao ako’y huwag dalhin sa libingan.
Humukay nang malapit sa rabáw, na malapit sa dibinong
halakhakan ng kulungan ng mga ibon.
O sa mahiwagang usapan ng mga bundok.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Halos nasa ibabaw ng lupa
upang masinagan ng araw ang mga buto, at babangon
ang mga mata ko, gaya ng mga uhay, upang tingnan
muli ang salbaheng lampara ng lumulubog na araw.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Upang higit na mabilis
ang aking paglisan. Ramdam ko ang aking mga lamán
na lumalaban, at nagsisikap magbalik upang damhin
ang mga atomo ng nakapananariwang simoy.

Batid kong hindi mapapanatag kailanman
ang aking mga kamay doon sa ilalim.
At kakalaykayin ng mga ito ang mga bútas ng lupa
sa gitna na karimlan, at nagkukulumpong mga anino.

Hasikan mo ako ng mga butil. Ibig kong magkaugat
ang mga ito sa naninilaw, naaagnas na mga buto.
Mula sa abuhing hagdan ng mga ugat ay babangon
ako upang bantayan ka’t maging mga liryong morado!

Resureksiyon at Larawan ng Bayan, ayon kay Aurelio Tolentino

Binasa kong muli ang Kahapon, Ngayon, at Bukas (Larawan ng Bayan) na mahabang tulang pasalaysay ni Aurelio Tolentino noong nakaraang linggo. Nalathala ang munting aklat noong Setyembre 1913, at mula sa Limbagang Tolentino na may tanggapang nasa San Nicolas, Maynila.

Ang totoo’y nakasaad sa dahong pambungad na “novelang Tagalog” ang akda, ngunit nakasaad naman sa ilalim na “Tula ni Aurelio Tolentino.” Mahihinuha rito na wala pang malinaw na pagtatangi kung ano ang “nobela” at ang “tula” sa panitikang Tagalog, dahil ang mismong “nobela” o “maikling kuwento” ay maituturing na bagong uri ng panitikang nagsisimula pa lamang mamukadkad sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20.

May 84 pahina ang akda ni Tolentino, at malayo sa bersiyon ng dulang naging sanhi upang ibilanggo siya ng rehimeng Amerikanong takot sa paghihimagsik ng mga Filipino. Pito ang kabanata ng tula, at kabilang dito ang “Talimhagang Paalam,” “Ang Libingan ni Lakhang Bayan,” “Watawat ng Kalayaan,” “Ang Mag-inang Bihag,” “Pangakong Mahigpit,” “Maligayang Kababalaghan,” at “Natupad ang Tipan.” May pambungad namang “Patungkol” na alay ng awtor sa kaniyang “bayang pinakaiibig.”

Apat lamang ang pangunahing tauhan sa tula: una, si Raha Lakhang Bayan; ikalawa, si Samuel, ang banyagang kaibigang naging kaaway ni Lakhang Bayan; ikatlo, si Kalayaan, na esposa ni Lakhang Bayan; at si Mithi, na anak nina Lakhang Bayan at Kalayaan.

Payak lamang ang daloy ng kuwento. Bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop ay pinaghaharian ang kapuluan ni Raha Lakhang Bayan. Ang nasabing raha ay inilarawang “matapang,” “matalino,” “bantog,” “mayaman,” “dakila,” at “tagalog na wagas.” Payapa niyang napamahalaan ang bayan, at naging katuwang sina Kalayaan at Mithi.

Samantala, ang kaniyang kaibigang si Samuel (na sagisag sa “Estados Unidos”) na mula pa sa ibayong dagat ay inilarawang “pantas at mayaman,” “lahing puti,” at napadako umano sa kapuluan upang tulungan si Raha Lakhang Bayan na patumbahin ang “kaaway na walang kasing-lupit” (na mahihiwatigang sumasagisag sa Espanya).

Matapos daluhan si Raha Lakhang Bayan ay lalabis ang pagnanasa ni Samuel na palawakin ang lupaing sakop o tirahan nito. Sasalakayin ni Samuel ang kuta ni Lakhang Bayan, at pataksil na papatayin ito bago itapon sa bangin. Susunugin ng hukbo ni Samuel ang saklaw ng Lakhang Bayan, at mapipilitang lumikas tungo sa gubat at parang ang mag-inang Kalayaan at Mithi. Ngunit hindi magtatagal ay mabibihag ni Samuel ang mag-ina. Bibihisan ng banyagang damit ang mag-ina, at pipilitin silang mamuhay gaya ng nakagisnan ni Samuel. Magpapasok din ng pagbabago si Samuel mulang impraestruktura hanggang edukasyon hanggang ekonomiya, ngunit ang lahat ng iyon ay mula pa rin sa yaman ng Lakhang Bayan at hindi mula sa bulsa ni Samuel. Magpapataw ng malaking buwis si Samuel sa kaniyang sakop, na lalong magpapahirap sa mga mamamayan.

Isang gabi, nanalangin si Samuel sa Maykapal kung tapos na ang kaniyang tungkulin para sa bayang sinasakop niya. Sinagot siya ng kalikasan, at makaraang kumulog at kumidlat, bumangon sa libingan si Raha Lakhang Bayan. Magkakabati ang dalawa, at ibibigay naman ni Samuel ang kalayaan sa bayan ng naturang raha.

Hitik sa alusyon ang naturang tula, ngunit kung may pagkakahawig man ang mga iyon sa kasaysayan ay lubhang napabawa na ng awtor. Ang mapagkandiling asimilasyon na isinulong ng Estados Unidos sa Filipinas ay halatang pinatatamaan sa tula, ngunit ang pagwawakas ng Amerikanisasyon matapos “igawad” ang kalayaan sa Filipinas ay hindi ganap na matutuldukan. Manapa’y lalong lalakas ang puwersa ng Estados Unidos sa Filipinas, mulang edukasyon hanggang sandatahang lakas, at mulang kultura hanggang negosyo at moda. Iigting din ang kutsabahan ng mga maykayang pamilya at ng rehimeng Amerikano, at ito ang lilitaw mulang agrikultura at industriya hanggang politika at kalakarang ipinakilala ng Amerika sa Filipinas.

Marahil may kaugnayan dito ang panggigipit ng estado sa gaya ni Tolentino na ipinakulong saka binugbog at pinahirapan ng mga Amerikano sa loob ng bilibid noong 1903. Pinaratangan si Tolentino na naghahasik ng sedisyon dahil sa pagtatanghal ng dulang Kahapon, Ngayon, at Bukas sa Teatro Libertad, Santa Cruz, Maynila. Itinampok sa dula ang pananakop ng mga banyaga sa Filipinas, at nagbabanta na armadong pag-aaklas ang taumbayan nang makamit ang kalayaan. Nakalaya lamang si Tolentino nang patawarin siya ni William Cameron Forbes matapos ang siyam na taon sa bilangguan.

Napakapayak ang tumbasan ng mga sagisag sa tula ni Tolentino, at ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay itinadhana ng Maykapal—imbes na mula sa lakas ng taumbayan—at nabahiran ng biblikong pahiwatig. Pambihira rin ang resureksiyon, dahil ihuhudyat iyon ng pagdating ng ibon at hayop na pawang ilahás, habang yumayanig ang lupa at animo’y sasabog ang bulkan. Kung bakit nagkaisa ang naturang mga ibon at hayop at salubungin ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay dapat pag-aralan pang maigi. Kung ang nasabing tagpo ay alusyon sa panibagong himagsikan, nakahihindik ang tagpo dahil nagbabalikwas ang likas na kaligiran sa rehimen ni Samuel at si Samuel sampu ng kaniyang hukbo ay nanganganib na lurayin ng naturang mga ibon at hayop.

Sa kabila ng lahat, ang anumang kahinaan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ay wala sa nilalaman, bagkus sa mga salik na hindi naipaloob dito. Ang nasabing akda ay tila munting introduksiyon lamang sa “kasaysayan,” ngunit kaululan kung iisipin ang gayon dahil may sariling lunan ang nasabing tula na bukod sa kasaysayan. Dumudukal nang malalim ang tula sa tradisyon ng awit at korido, gayunman ay lumalampas pa rin doon dahil ang paksa ng tula ay malayo sa mga pakikipagsapalaran ng hari o prinsipe, bagkus ng isang bayang naghahanap ng kalayaan matapos sakupin ng dayo.

Ang unang kabanata ng tula, na pinamagatang “Talimhagang Paalam,” ang pinakamagandang seksiyon kompara sa iba. Pambihira ang palitan ng opinyon nina Raha Lakhang Bayan at Samuel, at sinematiko ang pagwawakas nang ihagis ni Samuel sa bangin si Raha Lakhang Bayan. Maalam din si Tolentino sa mga alusyong buhat kina Flavius Vegetius Renatus, Aristotle, Sun Tzu, Herbert Spencer, Sigmund Freud, Robert Burton, at iba pa na pawang isinalin niya sa bibig ni Samuel na kausap noon si Raha Lakhang Bayan. Halimbawa na rito ang sumusunod:

Ang ibig mamuhay sa katahimikan
ay dapat gumayak sa mga labanán,
ang nagkailangan ng saganang buhay
ay dapat humarap sa mga patayan.

Na tila hango sa winika ni Vegetius na “Qui desiderat pacem, praeparet bellum” (He who desires peace must prepare for war) o kaya’y ni Aristotle na “Nakikidigma tayo upang makapamuhay sa kapayapaan” (We make war that we may live in peace).

Taliwas naman iyon sa mga konsepto ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at lilitaw sa mga terminong gaya ng “katwiran,” “bait,” “dangal,” at “pag-ibig” na pawang mamumutawi sa mga labi nina Raha Lakhang Bayan, Kalayaan, at Mithi. Ang maganda sa tula’y waring sinadyang gawing simple ang taludturan, gaya ng sa awit ni Francisco Balagtas, at iniayon sa madlang mambabasang naghahanap ng bagong panitikang makapagbubukas ng kani-kanilang isip.

Hindi pa tapos ang larawan ng bayang iginuhit ni Tolentino sa pamamagitan ng tula. Ang “Búkas” sa tula ni Tolentino ay patuloy na nagaganap ngayon, at ito ay hindi lamang sasaklaw sa kalayaan at kasarinlan, bagkus maging sa katarungan at kaunlaran. Kinakailangang suriin din muli ang “Kahapon” dahil masalimuot ang pag-aaral ng kasaysayang alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Marahil, nasa kamay na ng bagong henerasyon ng mga Filipino kung ano ang naaangkop na larawan ng bayan na kanilang iguguhit sa pag-iral sa kasalukuyan, alinsunod sa kanilang karanasan, at sa nabubuong agos ng kasaysayan. (Roberto T. Añonuevo)