Púlaw, ni Roberto T. Añonuevo

Púlaw

Roberto T. Añonuevo

Nakasulat sa likód ng retratong ito:

Ang lalaking hinihintay sa bintana
ng kung sinong anino
ay marahil ang sinaunang bangâ;
ngunit ngayong gabi
ay isang baso ang pananabik
at nakahigang bote ng wiski
ang humahatak na wakas
na hindi aapaw pa sa isang pusod.

Dang-dáng-ay ang upuang antigo;
nalimot ko ang aking pangalan 
sa mesa.
Waring lilipad ang mga dahon.
Anong sulok ang bagay sa daigdig?

Nanghihimasok ang simoy sa inip.

Tahanan, ni Roberto T. Añonuevo

Tahanan
ni Roberto T. Añonuevo

        (Para kay Nanay Luring)
  
 Isinisilid sa bahay na ito ang memorya
 ng gitara ni Tárrega, at kung dadalawin
 mo ay magiging makukulay na retrato 
  
 ng mga batang tumatakbo, naghaharutan,
 maingay ngunit kay gaan pakinggan,
 at tatanawin kita na umiindak sa tuwa,
 o kung hindi’y nagbabasa ng mga tula.
  
 Iyon ang panahon.
  
 Ang bahay, na tumatanda gaya natin,
 ay hindi makumpuni ang sarili,
 ngunit tahimik na naglilihim ng sugat
 at anay
 upang hatakin muli tayo na magpatayo
 ng bagong tahanan.
  
 Nauulinig mo ang alunignig ng mga bagting.
 May musika sa munting sála
 pagsapit ng hatinggabi, at mga aklat
 sa mesa ang mga araw sa ibayong dagat.
  
 Sumisikip ang moog, gaya sa Alhambra.
  
 Walang panahon ang kamalayan,
 at nang wikain mo ito, dalawang tuta
 ang lumapit at ibig magpakalong sa akin.
  
 Napangiti ka.
  
 Umaawit nang buong rubdob
 ang gitara, at ang mga apó mo
 ay lumilikha ngayon ng ibang planeta
 para sa kanilang musika
 na tila matimyás na paghalik 
                     sa kanilang lola.
   
Alimbúkad: Poetry beyond borders. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Lisbon, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Lisbon,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lisbon

Sa himpilan ng Alfama, umaawit ang mga dilaw na trambiya
. . . . . . . .sa matatarik na dalisdis.
May dalawang bilangguan. Isa ang para sa mga magnanakaw.
Kumakaway sila sa mga rehas ng kanilang mga bintana.
Sumisigaw sila na ibig nilang makunan ng retrato.

“Ngunit dito,” ani konduktor na humahagikgik nang biyak ang loob,
“umuupo ang mga politiko.” Nakita ko ang patsada ang patsada
ang patsada at sa itaas, doon sa may bintana, ang lalaki’y
nakatayo na sumisipat sa teleskopyo at tumatanaw sa dagat.

Nakasampay ang labada sa asul. Mainit ang mga dingding.
Binása ng mga langaw ang mga mikroskopyong liham.
Anim na taon pagkaraan, tinanong ko ang babae sa Lisbon:
“Totoo ba ito, o napanaginipan ko lamang?

Alimbukad: Poetry unstoppable

Ang pinakamatinding sandali sa búhay, ni César Vallejo

Salin ng “El momento más grave de la vida,” ni César Vallejo ng Peru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang pinakamatinding sandali sa búhay

Winika ng lalaki:
“Naganap ang pinakamatinding sandali sa aking búhay sa digmaan sa Marne, nang masugatan nila ako sa dibdib.”
Ani isa pang lalaki:
“Naganap naman ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang dumaluyong sa Yokohama sanhi ng lindol, at mahimalang nakaligtas ako, at sumukob pagkaraan sa tindahan ng barnis.”
Sabat ng isa pang lalaki:
“Tuwing naiidlip ako kapag maaliwalas ang araw ang pinakamatinding sandali sa aking búhay.”
At ani isa pang lalaki:
“Nangyari ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang madama noon ang labis na kalungkutan.”
At singit ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali sa búhay ko ang pagkakabilanggo sa kulungan sa Peru!”
At sabi ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali naman sa búhay ko nang gulatin ang aking ama sa pamamagitan ng retrato.”
At winika ng hulíng lalaki:
“Ang pinakamatinding sandali sa aking búhay ay paparating pa lámang.”

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?

Ang Bata na may Retrato, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata na may Retrato

Ang bata na may hawak ng retrato,
ang retratong may lalim ng paningin niya
at nakabaligtad, ay nakatitig.

Pinaligiran siya ng madla; at nakatimo
sa mga mata niya ang munting retrato,
na malaking pasanin o ang kabaligtaran,
malaking pasanin sa tingin ngunit kayliit
kung isasabalikat, at higit na maliit
kapag nasa kaniyang kamay.

Nasa gitna siya ng madlang humihiyaw
nang pahimig, at tangan niya ang retrato
nang pabaligtad; bumagabag sa akin ito.

Nilapitan ko siya’t sumenyas ng mga kaanak
niya, o ng mga arko at tinig na pumirmi
sa panahon at lubos na walang tinag.

Ang retrato ay kahawig ng kaniyang ama.
Iniunat ko iyon nang patuwid, ngunit nakita
kong nakatiwarik pa rin ang lalaki.

Gaya ng hari, ng sota, at ng reyna,
na kapag binaligtad at tinanaw, ay tuwid
pa rin ang itsura, ang lalaking ito,
kapag tiningnan nang tuwid, ay ano’t
nakatiwarik at matiim na nakatitig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs.

“Tula ng Kamatayan,” ni Jumah al Dossari

Salin ng tulang “Death Poem” ni Jumah al Dossari ng Bahrain.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula ng Kamatayan

Kunin mo ang aking dugo.
Kunin mo ang aking mortaha
at ang mga labî ng aking katawan.
Retratohan ang bangkay ko sa libingan
nang nagdadalamhati.

Ipabatid sa mundo ang mga larawan,
sa mga hukom at sa mga tao na may konsiyensiya,
ipadala yaon sa mga may prinsipyo’t makatarungan.

At hayaan silang pasanin ang kasalanan sa harap
ng daigdig, dulot ng inosenteng kaluluwang ito.
Hayaan silang magdusa sa harap ng mga bata
at sa harap ng kasaysayan,
ukol sa nawasak at dalisay na kaluluwa,
ukol sa kaluluwang ito na nagdusa sa mga palad
ng “mga taliba ng kapayapaan.”

 

Pakinggan ang tulasa bersiyong Ingles sa https://www.uipress.uiowa.edu/sites/uipress/files/pfg-03-death-poem.mp3