Ang Ginintuang Kalis: Barrabás, ni Georg Trakl

Salin ng “Aus goldenem Kelch. Barrabas,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang ginintuang Kalis: Barrabás
Isang Pantasya

. . . . . .Naganap iyon sa parehong oras, habang inilalabas nila ang Anak ng Tao tungo sa Gólgota; ang pook na pinagdadalhan sa mga magnanakaw at salarin para bitayin.

. . . . . .Naganap iyon sa parehong dakila at maningning na oras, habang natutupad ang kaniyang gawain.

. . . . . .Naganap iyon, nang sa parehong oras, ang makapal na lipon ng mga tao ay tumatawid sa mga lansangan ng Jerusalem at naghihiyawan—at sa gitna ng mga tao ay naglalakad si Barrabás na salarin, at taas-noo sa himagsik.

. . . . . .At sa palibot niya ay naroon ang mga puta na bihis na bihis, pulang-pula ang mga labì at de-pulbo ang mga pisngi, at hinablot siya. Naroon din ang mga lalaking lango sa alak at bisyo. Ngunit sa kanilang pananalita’y nakakubli ang kasalanan ng kanilang lamán, at sa kabulukan ng kanilang muwestra ay nakahimlay ang pahayag ng kanilang iniisip.

. . . . . .Marami sa nakakita sa lasing na prusisyon ay nakihalubilo at sumigaw: ‘Mabuhay si Barrabás!’ At naghiyawan lahat sila: ‘Hayaang mabuhay si Barrabás!’’ May kung sinong sumigaw ng ‘Osana!’ May isa pang tao, gayunman, na pinaghahataw nila—dahil ilang araw lámang ang nakalilipas nang sumigaw sila ng ‘Osana!’ sa isang Tao na pumasok bilang hari sa bayan, at may mga sariwang palaspas sa kaniyang nilalakaran. Ngunit ngayon ay lumikha sila ng tirintas ng mga pulang rosas at malugod na nagsisigaw: ‘Barrabás!’

. . . . . .At nang lumampas sila sa palasyo, narinig nila ang pagpapatugtog ng mga bagting at ang halakhakan at ang ingay ng pagdiriwang. At lumabas sa bahay na ito ang isang kabataang nakabihis para sa pagsasaya. Ang kaniyang buhok ay kumikinang sa mahalimuyak na langis at ang katawan ay may pabango ng pinakamahal na oleo ng Arabia. Kumikislap ang kaniyang mata mula sa tuwa sa pista at ang kaniyang ngiti ay may pagnanasa mula sa mga halik ng kaniyang mangingibig.

. . . . . .At nang makilala ng kabataan si Barrabás, humakbang siya pasulong at nagwika sa ganitong paraan:

. . . . . .‘Pumasok sa aking bahay, O Barrabás, at makahihiga ka sa pinakamalambot na unan; pumasok, O Barrabás, at ang aking mga alipin ay lalangisan ang iyong katawan sa pamamagitan ng mamahaling nardo. At sa iyong paanan ay magpapatugtog ng pinakamayuming melodiya ng laud ang dalagita at mula sa pinakamahal kong kopa ay ihahain ko sa iyo ang aking malinamnam na alak. At mula sa alak na ito ay ilulubog ko ang aking kahanga-hangang mga perlas. O Barrabás, tumuloy ka bilang panauhin ngayon—at ang aking sinta’y laan para sa aking panauhin ngayon, siya na higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol. Pumasok, O Barrabás, at hayaang putungan ka ng mga rosas, magdiwang sa araw na ito sa sandaling dapat siyang mamatay na ang ulo’y kinoronahan ng mga tinik.’

. . . . . .At makaraang magsalita ang kabataan, ang mga tao’y sumigaw sa kaniya sa labis na tuwa at umakyat si Barrabás sa mga baitang na marmol gaya ng isang nagwagi. At ang kabataan ay kinuha ang mga rosas at ipinutong sa ulo nang abot hanggang kilay ni Barrabás, na salarin.

. . . . . .At pagkaraan ay kasáma niyang pumasok sa bahay si Barrabás, habang naglulundagan sa tuwa ang mga tao.

. . . . . .Humilig si Barrabás sa malalambot na unan; nilangisan ng mga alipin ang kaniyang katawan mula sa piling nardo at sa kaniyang paanan ay mayuming tumipa ng mga bagting ang dalagita, at sa kaniyang kandungan ay umupo ang babaeng sinta ng kabataan, ang babaeng higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol.

. . . . . .Umalingawngaw ang halakhak—at ang mga panauhin ay nalasing sa di-akalaing kaluguran, silang lahat na pawang kaaway at manlilibak sa Isang Natatangi—ang mga fariseo at basalyo ng mga pari.

. . . . . .At sa itinakdang oras ay nag-utos ng katahimikan ang kabataan at huminto ang panawagan. Pagdaka’y sinalinan ng kabataan ang kaniyang ginintuang kopa ng pinamalinamnam na alak, at sa sisidlang ito ang alak ay naging tulad ng kumikinang na dugo. Inihagis niya rito ang perlas at inialok ang kopa kay Barrabás. Ang kabataan, gayunman, ay tangan ang kopa na yari sa kristal at itinaas niya ito para kay Barrabás:

. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At lahat ng nasa silid ay sumigaw sa galak:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At nagsigawan ang mga tao sa mga lansangan:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’

. . . . . .At biglang naglaho ang araw, nayanig ang lupa hanggang pinakapundasyon nito, at ang makapangyarihang sindak ay naglandas sa buong daigdig. Lahat ng nilalang ay nangatal. At sa parehong oras, naganap ang gawain ng pagliligtas!

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Jametlene Reskp @ unsplash.com

 

Ang Pagkamulat, ni William Carlos Williams

Salin ng “The Rewaking,” ni William Carlos Williams ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagkamulat

Sa malao’t madali
kailangang sumapit tayo sa dulo
ng pagsisikap

upang muling itatag
ang hulagway ang hulagway ng
rosas

ngunit hindi pa
sabi mo pagpapalawig ng
panahon nang walang katiyakan

sa pamamagitan ng
pag-ibig mo hanggang ang buong
tagsibol

ay paalabin muli
ang lila hanggang sa pinaka-
tsinelas ng dalaga

at sa gayon nang dahil
sa iyong pag-ibig ang araw
ay kusang nagbabanyuhay

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity.  Photo by Robert Collins @ unsplash.com

Ang Pintig ng Kosmikong Ritmo, ni Ḥannā Abu Ḥannā

Salin ng “The Pulse of Cosmic Rhythm,” ni Ḥannā Abu Ḥannā ng Israel at Palestina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pintig ng Kosmikong Ritmo

Sa simula ay may Rosas
Bago pa lumitaw ang Latigo.

Sa simula ay may bága
Bago ang nalikha ang palayok at allid.

Nauna ang liwanag
Kaysa Apoy at Pulbura.

Sa simula ay may Punongkahoy,
Prutas at lilim,
Bago ang haligi ng Krusipiksiyon.

Sa simula ay may espiritung
Tinapay ng Maykapal,
At may hulagway ng Diyos ang Tao.

Walang hanggan ang pagsisimula ng simulang
Sunod-sunod ang alon ng mga salinlahing pinagmulan,
At may ubod na salinlahing laging nagsisimula sa una,
Sa bukál na walang wakas sinisimulan ang simula,
Ang esensiya ng Rosas na kumikinang,
Ang mga birheng alon na mabilis lumulundag
Nang napakalinis ang mga sumisikdong bagà.

Sino ang nagturo sa mga pakpak ng mga tagak
Hinggil sa lihim ng mga bituin na nagbabadya ng ulan?
Sino ang humimok sa paglalakbay ng mga pukyot na nagwawakas sa pulut?
Sino ang naglagay ng kompas sa utak ng salmon?

Namumuhay tayo sa pulso ng kosmikong ritmo
Ang mga alon ng salinlahing patuloy na sumisirit
At may ubod ng mga salinlahing simula na nagsisimula
Walang hanggang mga kabayo ng kalayaang sumisingasing ng Rosas,
Sa sarili nitong dugong paikot-ikot dumadaloy.

Kaya umagos, o Ilog Jordan!
At hayaang sumingasing ang kaluluwa ng mga kabayo ng Mediterráneo!

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Rosas, Toro, at Gabi, ni Zakariyya Mohammed

salin ng “The Rose and the Bull” at “Night,” ni Zakariyya Mohammed ng Palestine.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Rosas at Toro

Itim ang rosas kapag gabi

Sa gabi, ang torong itim
ay lumilipad palayo sa rosas
Itinutusok nito sa balát
ang dalawang sungay na pilak

Itim ang rosas kapag gabi
Tumutulo sa mga sungay nito
ang dugong lumigwak
mula sa kawawang nagdaraan

Sa gabi, ang rosas ay itim

Ngunit kapag may araw,
ang itim na toro ng rosas
ay isa lamang aninong
nakabalatay para tambangan

Kayâ mag-ingat
kapag pumitas ng rosas
Mag-ingat

Magdala ng patalim
nang malapit sa puso
upang paslangin
ang naturang toro

na nakahimlay
nang buong araw
at nakatiklop na mga talulot
sa pinakapuso ng rosas

* * *

Gabi

Pinaaalimbukad ng gabi ang makamandag na bulaklak
Tumatagos iyon sa buong kalangitan
gaya ng tinturang humalo sa tubig

Pinabubuka ng magdamag ang bulaklak nito
para sa mga solitaryong hindi makatulog
na nangadarapa sa bawat paghakbang

Bumabálot sa lungsod ang gabi
tulad ng mga walang bahay na tao na lumalabas
mula sa masisikip na pasilyo at silong

Pinabubukad ng gabi ang makamandag nitong bulaklak
habang ang sindak ay gumugulong sa hagdan
gaya ng pakwan
Digmaan

ang digmaan ay nasa panginorin, itaga mo sa bato
Kumukulo ang gulo

Inalagaan ko ang aking mga bangungot
at pinalago gaya ng mga ulap

Mula sa balabal ng karimlan
ay nakararating ang pabatid—

mga tsismis ng mga mandaragit at eroplano
metalikong isda at artilyeriya

Pinatibay ko ang aking moog
na gumuguho sa aking harapan

Napipinto sa amin ang sakuna
ng mga bato, tinik, at wasak na lupain.

Tanging ang hindi matitinag na araw
ang nakaaalam kung gaano katagal

kung gaano karahas, kung gaano kalupit
ang aming magiging digmaan

Tanging ang araw
ang makapagsasabi

kung paanong ang lagablab ng apoy
ay nakasusunog sa gilid ng kalawakan

Ang Lakad, ni Derek Walcott

Salin ng “The Walk” ni Derek Walcott mula sa Saint Lucia ng Silangang Dagat Caribbean. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Ang Lakad

Matapos ang malakas na ulan ay nagbubutil muli ang alero,
ibinubuga ng mga punongkahoy ang duda mo gaya ng tinakpang ilaw,
patak kada patak, gaya ng abakus ng paslit
mga butil ng malamig na pawis na nakahanay sa matataas na kawad,

ipanalangin kami, ipanalangin ang bahay na ito, hiramin ang pananalig
ng kapitbahay, ipanalangin ang utak na itong napapagal,
at nawawalan ng pananampalataya sa mga dakilang aklat na nabása;
makaraan ang isang araw nang nakahiga, dinurugo ng mga tula,

bawat parirala ay tinuklap mula sa nakabendang lamán,
bumangon, maglagalag sa ilalim ng kalangitan
tigmak gaya ng labada sa kusina,
habang humihikab ang mga pusa sa likod ng bintana,
mga leon sa pinili nilang kulungan,
na hindi malayo sa tarangkahang pinalamutian ng perlas
ng huli mong kapitbahay. Anung bagsik ng iyong

katapatan, O puso, O rosas ng bakal!
Kailan higit naging anyong nobela ng katulong ang iyong trabaho,
na waring iyaking dula-dulaang naging malapit
sa iyo sa tunay na buhay? Tanging kirot,

ang kirot ay tunay. Heto ang wakas ng iyong buhay,
isang kulumpon ng mga kawayan na ang kuyom
na kamao ay nagpapapigtal ng mga bulaklak nito, ang landas
na gumagapang na hishis sa basâng-basâng

kahuyan: iwan ang lahat, ang hanapbuhay,
ang hapdi ng maikling buhay. Nagulantang, napakislot ka;
ang iyong bahay, na bumabángong leon, ay gumanti ng kalmot.

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Awit at Pag-ibig ni Mahmud Kianush

Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MANANATILI ANG AWIT

Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.

Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.

LARO NG PAG-IBIG

Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.

Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.

SA HAPAG NG SIMOY

Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,

sa alimbukay ng alikabok,

ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,

sa hapag ng hangin,

ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.

DALISAY

Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.

Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,

dahil may puso ka

na walang bahid ng mga pagnanasa.

Mga Kabayo

Mga Kabayo, mula sa artsibo ng fithfath.com. Dominyo ng publiko.

Tatlong Tula ni William Jay Smith

salin ng mga tula ni William Jay Smith mula sa orihinal na Ingles
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

DALAGITANG ITIM

Oo, siya’y itim. Walang bahid rosas ang kaniyang pisngi,
Walang munting siklab, walang gintong butil tulad ng sa langit.
Itim din ang uling. Ngunit sindihan mo saka magparikit,
At lulundag bigla ang mga talulot ng rosas sa tindi.

[mula sa Pranses ni Paul-Jean Toulet]

MGA ROSAS AY PULA

Mga Rosas ay pula
Bughaw ang biyoleta
May bituin ang langit
Ngunit ikaw ang ibig.

Mga rosas ay pula
Asul naman ang lila
Ako ay nagliliyab
Na kalan mong maalab.

Mga rosas ay pula
At pink ay pink talaga
Kung ako’y may gayuma
Inumin mo, o sinta!

NARCISO

Narciso.
Ang halimuyak mo.
At ang lalim ng sapa.

Mananatili ako sa iyong gilid.
Bulaklak ng pag-ibig.
Narciso.

Kumukutitap sa iyong mata
ang himbing na isda’t anino.
Nagbabarnis sa paningin ko
ang mga ibon at paruparo.

Maliit ka at ako’y matangkad.
Bulaklak ng pagmamahal.
Narciso.

Anung likot ng mga palaka!
Hindi nila iiwang mag-isa
ang salaming nagpapamalas
ng iyo at aking deliryo.

Narciso.
Ang aking pighati.
At ang sarili ng aking pighati.

[mula sa Espanyol ni Federico García Lorca]

Kuha ni Peter Griffin

Kuha ni Peter Griffin. Mula sa artsibo ng Public Domain Pictures.net.


“Ang Rosas at ang Mesa” ni Hugo von Hofmannsthal

Salin ng “Die Rose und der Schreibtisch” (1892) ni Hugo von Hofmannsthal, batay sa saling Ingles ni Johannes Beilharz
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG ROSAS AT ANG MESA

Alam kong hindi nahuhulog nang kusa sa bukás na bintana ang mga bulaklak. Lalo na kung gabi. Ngunit hindi iyan ang mahalaga. Isang pulang rosas ang biglang bumagsak sa harap ng aking balát na sapatos na itim, nang tumakip ang niyebe sa lansangan. Matingkad na pula ang rosas, gaya ng pelus, mapayat at buko pa, at walang halimuyak dahil sa lamig. Pinulot ko iyon, at isinilid sa munting plorerang Hapón, saka natulog sa kama.

Naalimpungatan ako pagkaraan. May bahagyang liwanag sa silid, hindi mula sa buwan, bagkus mula sa mga bituin. Nasamyo ko ang halimuyak ng maligamgam na rosas na lumulutang sa hangin, at nakarinig ng usapan. May inuusal ang palamuting Tsinong rosas  sa tinturang Vienés hinggil sa kung anong bagay. “Wala siyang panlasa, walang anumang estilo,” sambit nito, “di marunong pumili!” Na tumutukoy sa akin. “O, hindi niya dapat itinabi sa akin ang gayon!” Na tumutukoy sa buháy na rosas.

Rosas sa daang maulan

"Rosas sa daang maulan," larawan mula sa Photos8.com