Dakilang Saloobin, bilang Ikatatlumpu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Dakilàng Sáloobín, bílang Ikátatlúmpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa pighatî at pagkakarátay, manánagínip ka ng máhiwagàng ibóng káyang magpágalíng sa anumáng karamdáman, nang maipágpatúloy ang pamámahalàng makálupà’t selestiyál. Búbulabúgin ka ng panagínip, kayâ magpápatáwag pa ng mga pithó at babaylán upang tungkabín ang líhim ng mga páhiwátig. Pagkáraán, isásalaysáy ng iyóng alálay sa tatló mong anák ang mahigpít na pangángailángan úpang gumalíng ka: Bihágin ang Íbong Adárna at dalhín itó sa kaharìán. Kailángan mong máriníg ang máhiwagàng áwit, ang áwit na matarlíng at tangìng lúnas sa iyóng sakít, áyon na rin sa sulsól ng matátapát mong tagapáyo.

Ngúnit gáya sa mga inaágiw na alamát, ang natúrang íbon ay nása ikápitóng bundók, at laksâ ang pagsúbok bágo masiláyan.

Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng kaharìán, wíwikàin maráhil ng dalawá mong anák. Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng dakilàng mithî at pagmámahál, wíwikàin maráhil ng mga matá ng bunsô mong anák. Ang máhiwagàng íbon ang kaligtásan ng buông lipì, wíwikàin maráhil ng dúkesang íbig magpáriníg. Subálit ang eskríbang nása gílid ng iyóng maringál na higâan ay mapapáilíng. “Kung ang pagbíhag sa Adárna ang magíging dakilàng sáloobín sa pagsúsulát,” naíhakà niyá, “nakátadhanàng magíng alípin ang íbon sa habàng-panahón!”

Maríriníg mo ang lahát káhit matamláy.

Ipaháhandâ mo sa eskríba ang kásulatán pára sa gantímpalàng matátamó ng sinúmang makáhuhúli sa nasábing íbon. Ipasásaád mo pa ang pagpapágawâ ng ginintûáng háwla; ang pagháhandâ ng natátangìng pátukâ na makabúbusóg at pagpápahánap ng pinakásariwàng túbig na maíinóm; at ang pagpapágawâ ng maluwág, máaliwálas na kámará na walâng kapára úpang makápagpáalunigníg ng pítong áwit at makápagpápatingkád ng pítong kúlay ng balahíbo.

Sa tumpák na panahón, maríriníg mo ang pitóng áwit sa heptatónikáng eskála na makápagpápagalíng sa iyó. Lúlusóg mulî ang iyóng katawán, at magbábalík ang iyóng kabatàan. Mababánat nang ganáp ang nánguluntóy mong balát. Títigás mulî ang iyóng gulugód at úten. Lilínaw ang iyóng paningín, gáya ng sa uwák. Masásamyô mo pa ang dántaóng halimúyak ng hardín ng mga ílang-ílang at wáling-wáling. Masásalat sa isá pang pagkakátaón ang sétro at ang mga eskultúrang handóg sa iyó ng malálayòng lupálop. Malálasáhan ang pinakámalinamnám na úlam, at mabábalíw sa lása ng álak at mga labì ng marírikít na binibíni.

Sísikápin mong dumílat, hanggáng mainís sa pagkáiníp. Anóng kúpad na mga anák!

Hindî pa man dumáratíng sa iyóng harapán ang eksótikóng íbon ay lábis-lábis na ang iyóng bálak, na kung ilílistá’y ikalúlulà ng iyóng eskríba. Maúupô kang mulî sa iyóng tróno sa ikapûng pagkakátaón, iyán ang paníwalà mo; at doón ay tíla dídikít ang puwít sa walâng hanggáng kapángyaríhan, at hindî na nanaísin pang bumabâ sa rúrok ng ginháwa at kalugúran ng kataúhan, sápagkát anó pa ang silbí ng lahát kung banyagà sa iyóng bokábuláryo ang salitâng kamatáyan? Mapapángiwî maráhil sa isáng tabí ang paboríto mong eskríba, na warìng sumusúlat ng sinematográpikong kórido, at naníniwalàng ang dakilàng sáloobín ay nása balighô at pagsísinungalíng—kung itó sa bandáng hulí, ang mítong makagágalíng.

Alimbúkad: Unstoppable epic raging poetry challenging the world. Photo by ARNAUD VIGNE on Pexels.com

Antibak, ni Roberto T. Añonuevo

Antibak
  
Roberto T. Añonuevo

 :
 :
 S
 Si
 Si
 Si
 Sin
 Sino
 Sino ba
 Sinibak
 Sino bak
 Sin, o bak?
 Sino bakla
 Sin! O bak!
 Si, no vac!
 Si, on back!
 Zino vackhla
 Zino babakli
 Zino titibak
 Zino babakbak
 Zino babakuna
 Zino babakulaw
 Zino bak kik ba
 Zino kik Vak va
 Si! Sisi, sisi! si
 Vi! Veerus! Viktori!
 No! O, Nono, No! No!
 Bá! Ba? Babâ! Bababà!
 Ku! Ku! Kuku! Kukurakot!
 Go! Go, Bak! Agogo! Go bak! 
 Bakla, bakli, bakuna, sino vac-
 Lah, sino ang bakunadong babagsak? 
Alimbúkad: Uncontrollable poetry beyond margins. Photo by Nataliya Vaitkevich on Pexels.com

Magsinungaling ka, ni Ann Kithaka

Salin ng “Tell me a lie,” ni Ann Kithaka ng Kenya
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Magsinungaling ka
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pagkapulá
 Ng labi kong naging kulay paminta
 Ay bunga ng labis na pagpapahid
 Ng nakalalapnos na kimika mula sa lipistik
 At hindi pangunang paglitaw
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pangangati
 Na patuloy na sumasakop sa aking balát
 Ay bunga ng isang alerdyi
 Na pinasulak ng sama-samang paglamon
 At hindi pagsisimula
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pamamawis sa gabi
 Na tumitigmak sa aking damit at binti
 At lumalagot sa pagtulog at pananaginip
 Ay senyales ng maagang menopos
 At hindi pamumukadkad
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na kapag ako’y
 Nakaratay sa kama at mapanglaw,
 Itatatwa ko, habang nakatitig sa langit,
 Na hindi magiging bangungot sa akin
 Ang nakaraan at kasalukuyang pag-ibig,
 At mamadaliin ang pagod na kaluluwa
 Sa kisapmata at nakahihiyang wakas.
  
 Oo, magsinungaling sa akin, at ihanda ako
 Para sa pagyao.  
Alimbúkad: Unrelenting poetry for humanity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Maikling Pelikula, ni Ted Hughes

Salin ng “A Short Film,” ni Ted Hughes ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maikling Pelikula

Hindi ito sinadyang ginawa upang makasakit.
Nilikha ito para sa masasayang paggunita
Ng mga tao na napakamusmos pa noon
Upang matuto ng kung ano hinggil sa alaala.

Delikado ito ngayong armas, de-orasang bomba.
Na isang uri ng lawas-bomba, at pangmatagalan.
Sa palabas, ilang tagpong nilaktawan mo nang mabilis.
Tumanda ka nang sampu, at patuloy na lumalaktaw.

Mapusyaw na abo, na yari sa halumigmig at mantsa.
May pino itong mitsa, na hindi ganap na mitsa
Kaysa nakatonong habang-alon, ang elektronikong
Magpapasabog na nasa libingan ng ating loob.

At kung paanong ang pagsabog ay makasasakit
Ay hindi guniguning lagim bagkus pawis na kumislap
Sa rabaw ng balát, ang nagpapaalab sa himaymay
Para sa kung anong bagay na dati nang naganap.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Jakob Owens @ unsplash.com

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Muli, ni Richard Bausch

Salin ng “Again,” ni Richard Bausch ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Muli

Sa Monte Cassino,
. . . . sa timog ng Roma,
Noong halos bago
. . . . magwakas ang ikalawang
Digmaan, ang pila ng beteranong
. . . . subók sa bakbakan
Ay nalusaw sa silid
. . . . ng ospital, umiiyak.

***
Noong taon
. . . . na isinilang ako,
Binaril ng mga Aleman
. . . . ang libo-libong Pólako
Na sibilyan habang
. . . . ang hukbong Ruso’y
Nakatayo at nagmamasid.

***
Sa mga trintsera sa kahabaan ng Rin,
. . . . nagkasakit ang mga kawal
At nangatal, at naghari ang sindak
. . . . sa naligalig na lupain
nang may usok.

***
Humayo ang mga táong ito nang nananalig sa pag-ibig.
At umuwi sila sa tahanan nang wala nang kakayahan
. . . . pang maniwala sa pagmamahal.

***
Noong taglamig ng nakapapasong
. . . . niyebe, ang taon na isinilang ako,
Sinusunog ang mga lungsod.
. . . . Ang asin ng kati’t taog,
ang asin ng duguang dagat,
. . . . ay pinawalan sa daigdig.

***
Pagkawasak sa kisapmata,
. . . . ang tibok ng isang puso,
Isang tibok. Nangagliyab
. . . . ang mga uniberso ng mga murang pangarap.
Mga mahal na binálot sa abo.

***
At narito muli ang lahat
. . . . Para sa dugo ng mga kalabuan,
Mga obheto ng isip, mga témpano ng pag-iisip.
. . . . Mga diwaing nagpapawalang-bisa,
Mga pilosopiya.
. . . . Mga kredo. Mga paniniwala.

***
Iwinaksi ko ang lahat, ang bawat isa.
. . . . Iwinaksi natin ang lahat, hindi ba,
Ang lahat, ngunit nananatili pa rin.

***
Wala nang gagaang sabihin
. . . . kaysa pagsisihan ito. Nagluluksa tayong
Makita ang kabuuang pinatutugtog
. . . . muli, at ang ating pighati ay parang
Okasyon ng paggunita, isang ritwal,
. . . . habang sa buong daigdig
Ang mga tribu at kanilang salarin
. . . . ay pinupugto ang kariktan.

***
Ang dilim ng dagat sa gabing
. . . . may putong ng lawak na walang buwan,
At ang pagtaog ng humihilang alon
. . . . at ang kislap sa panganorin
Ay maganda. Ngunit yaon ay bálang
. . . . sumabog, sumupling na apoy.

***
Sa ngalan ng Diyos! Sa ngalan ng Diyos.
. . . . Oo. Oo. Iyan. Sa ngalan Niya,
O sa ngalan ng Allah o Partido o Bansa
. . . . o salapi o kabaliwan o ito’y
labis na karaniwan para italumpati pa.

***
. . . . Ang pagpatay sa gayong kalawak,
at ang sigaw na ito, itong hinagpis,
ay walang natatamo ni isang elemento
ng anuman para wikain nang sariwa.
Sinasabi natin ito at sinasabi at sinasabi—at
walang nang bago, wala ni bago.

***
Humayo ang mga táong ito na nananalig sa pag-ibig.
Sa ngalan ng Diyos!

Paniki, ni Roberto T. Añonuevo

Paniki

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

A
Lumulukob na dilim ang balita ng kamatayan, at gaya sa henétika ng asuwang ay hindi maunawaan kayâ kinatatakutan—na waring pagkasangkapan sa estadistika upang ilihim ang kabulaanan.

B
Walang tao sa lansangan, at kahit ang mga bayakan ay hindi dinalaw ngayong gabi ang punong tsiko sa aming bakuran.

C
Kumakain ka ng mga prutas at kulisap, at malimit, nalulunod sa tuba doon sa niyugan, at kung paano ka nagkakasakit ay isasalaysay ng lason sa mga ugat at balát na kami rin ang may kagagawan.

D
Mapanghi ang simoy? Nabibilaukan sa tae ang yungib? Matutulog ka, kasama ang iba pa, nang nakatiwarik, at dikit-dikit, na parang tinuturuan kami kung paano sisinupin ang init kapag mahaba ang taglamig.

E
Manghihiram ng mukha sa iyo si Batman, para sa kaligtasan ng bayan, at para sa aming nagiging libangan ang halina ng dilim. Gayunman, hihintayin namin kung kailan mo hihiramin ang aming pagmumukha—na parang tubigang inaangkin ng mga banyaga.

F
Sisisihin ka sapagkat ikaw ang ugat ng pandemikong trangkaso, at parang naririnig namin ang umaalunignig mong ik-ik-ik sa eksotikong kusina para sa mga gutóm na panauhin na ikaw ang pulutan.

At mayayanig sa halakhak ang paligid.

G
Alas-onse ng gabi, at parang di-mapakaling kabág ang mag-anak na walang makain sa hapag. At ang ultrasonikong alon ng bituka ang magtuturo sa lahat kung paano makararaos sa pamamagitan ng pagninilay at tumpak na paghinga.

F
Salamat sa iyo, at naunawaan namin kung paano kami mahalin ng mga politiko. Salamat sa iyo, at nakita namin kung gaano kagulo magpaliwanag ang pangulo. Salamat sa iyo, at nadama namin kung gaano kasalimuot ang pagpapatakbo ng gobyerno. Salamat sa iyo, at aliwan namin ngayon ang pakikinig sa radyo—na ang lahat yata ng nagsasalita ay eksperto sa kani-kaniyang kuwentong barbero.

G
Lumalayo ka, sampu ng iyong kalahi, tuwing papalapit nang papalapit kami sa iyong kinaroroonan. Ngunit ikaw at ikaw ang dapat sisihin, sakali’t wala kaming matagpuang gamot mula man sa basag na págang o kalbong bundok.

H
Pambihira ang iyong pandinig at pambihira ang paswit, at kung naririnig namin ang litanya ng iyong reklamo at hinihingi, masuwerte ka na kung maging palasyo mo ang maalinsangang bilibid.

I
Sa laboratoryo ng agham, isa kang halimbawa kung paano matutuklas ang homolohiya ng aming sakít. Ngunit ang sákit mo’y hindi kami ineeksperimento para sa lunas laban sa taglay na bigat ng iyong ilong at pakpak.

J
Pampatigas sa impotenteng libog, ikaw ang mahiwagang sopas upang humaba at lumawig ang aming salinlahi. O sadyang napakaikli ng aming titi para sa gayong kalaking pagkakamali.

K
Pumapasok ka sa aming panaginip, at ang eskarlata mong hulagway ang inaabangan naming kasaganahan o kabaitan o kapanatagan sa oras ng pagpanaw. Na kakatwang kabaligtaran ngayong nagbibilang kami ng mga agaw-buhay.

L
Ikaw ang bampira sa antigong kastilyo ng aming guniguni. Ngunit sa oras na kami’y mapukaw, asahan mong bangungot ang pagtugis sa iyo para maitanghal ka sa aming kayliwanag na museo.

M
Ano kung uminom ka ng dugo mula sa sugatang kambing o kalabaw? Higit na marami kaming napapatay araw-araw, at tumutungga ng mapupulang alak sa ngalan ng Negosyo at Digmaan.

N
Lumulusog ang aming pananim mula sa iyong dumi. At ang dumi mo’y nagpapakapal sa aming bulsa. Bilang pagkilala, iuukit ka namin sa mga alahas, itatampok na fatek sa dibdib, ibuburda sa sablay, ipapalamuti sa setro, at hahaba nang hahaba ang salaysay kung hindi ka namin wawakasan.

O
Ligaya kung tanawin ka namin, at tatangayin kami ng suwerte sa mga pook na hindi inaasahan. Hindi mo ba itatanong kung bakit nagluluksa ang mga bata’t matanda?