Aklat
Roberto T. Añonuevo
Kinasisindakan itong buksan at gaya ng kahon
Ay makapáglalamán ng sumpâ, sálot, sakít ng ulo.
Higit nilang pipiliin ang kanilang bagong selfon,
Sapagkat ang daigdig ay nasa dulo ng daliri.
Idadahilan nilang lumalabò ang kanilang mata
Sa mga titik, at inaantok sa oras na maglandas
Sa mga pangungusap at salitang nangungusap
Sa kanilang mag-isip at gamitin ang guniguni.
Napakabigat ng bawat pahina, katumbas wari
Ng isang tonelada na tatabon sa katamaran.
Maikli ang kanilang pasensiya para mag-aksaya
Ng oras sa kung sinong klasikong gagong awtor.
Ngunit gising sila sa buong magdamag, katabi’t
Kuyom ang midyum ng banidad at impormasyon.
Hindi ba nakapagbabasá rin sila sa munting iskrin
At ang salamin ay kulay at tunog at salát ng sarili?
Hindi nila pipiliing magpatumba ng punongkahoy
Para sa papel ng aklat na kung hindi nakababato’y
Nakapagpapasikip ng aklatan para sa mga kulisap
At alabok na pumapasok sa kanilang puso o utak.
Pumipikit sila kapag nakaharap ang tunay na aklat.
At magbabasá lámang para sabihing intelektuwal
Na nakaupo sa inidoro, at letrado ng mga negosyo.
Balewala sa kanila ang henyo ng nauupos na wika.
Ano kung laos si Gutenberg at pumalit si Zuckerberg?
Ang aklat ng karunungan ay aklat din ng katangahan
Na ikakatwiran nilang malinaw na pagsisinungaling,
dahil sila ang maiiwan sa isang kahon ng pag-asa.