Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Pabungkál-bantáng

Humaharap ang bangka sa iyo upang tanggapin ang wakas, na ang habagat o lindol ay maghahatid ng sakuna samantalang sinisikap mag-uwi ng mga isda sa dalampasigan ang pangkat magdaragat. Ano ang silbi ng layag o timon, kung ang umaasam sa iyong kaligtasan ay kabiyak na hinaharang ng pader ng ulan? Naiwan sa laot ang tinig ng lumba-lumba’t balilan, at marahil dahil sa gutom ay naisip mong awit iyon ng sirenang tumataghoy. Lumingon ka at tiyak malulunod. Tumingala ka at nilamon ng ulap o ulop ang paraluman. Pumikit ka at magdasal. Pumikit ka at kung sakali’t maluha ay malalasahan ang alat na katumbas ng di-maliparang uwak na gamba sa kawalan.

(“Pabungkál-batáng,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 2012.)

Anos

Matutunghayan isang araw na tumatawid ka sa lansangan ng apoy at guho. Ang palasyo na tinutuluyan mo’y alaala na lamang ng abo at usok. Naubos ang mga punongkahoy at halaman sa bakuran. Humilig kung hindi man tumumba ang mga poste at pader. Nagsisilikas ang iyong mga kaanak at kapitbahay, at nag-uunahan sa pagsakay sa trak, dyip, o kalabaw. Humuhugong ang sirena, at ang panganib ay lumulukob na parang kawan ng ilahas na paniki. Maglalakad ka na waring may hinahanap. Kakabahan ka sa sinapit ng kapatid. Lilingon ka nang paulit-ulit, at pilit na isinasahinagap ang rimarim at kaguluhan. Lilinga ka sa kanan, at pagkaraan sa kaliwa, at kung may diwata kang ninang ay naisip mo marahil na ililigtas ka ng mahiwagang karwahe. Wala kang baon, at umaasa na lamang na magpapaulan ng tinapay ang kung sinong Maykapal. Maya-maya’y masasalubong mo ang isang gusgusing hukluban, at nang magtagpo ang inyong paningin ay ano’t tila binabati ka ng “Maligayang kaarawan!” Hindi mo matandaan kung saan mo nakita ang matanda, at magtataka sa kaniyang winika, at aakalain mong napagkamalan ka lamang na kakilala o kaibigan. Iiling ka na lamang, at mapapabuntong-hininga. Lalakad ka pa nang lalakad na waring walang katapusan. Pagkalipas ng ilang taon, at ganap ka nang tigulang, matutuklasan mo ang sarili kung bakit kailangang itindig ang tahanan o pamayanan; o kung bakit dapat manalig sa taimtim na pagmamahal.

[“Ános,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Nobyembre 2010.]

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky. Dominyo ng publiko.

Kahong Itim ni David Lazar

Tulang tuluyan ni David Lazar
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAHONG ITIM

Ibig kong lumipad sakay ng kahong itim; at mamuhay minsan sa loob ng itim na kahon. Oo, doon sa mga kahon na itinatago nila sa mga eroplano, na malimit natatagpuan at laging ligtas. Noong nakaraang linggo, isang maliit na eroplano ang bumulusok sa hilaga ng bayan. May kuha ng pagkawasak at tala ng mga edad ng nasawi. Madalas kahawig iyon ng munting eroplano, na animo’y kinuyumos na laruan sa kagubatan. May usok mula sa bumagsak na eroplano, o ulop lamang iyon? Ang ulop sa parehong di-kilalang tanawin, mga pino o olmo o abó, na may malawakang pagpaslang na nakalipas nang ganap. Saka pag-uusapan nila ang itim na kahon at ang malabong pangyayari. Walang maiuulat. Hihinto ang komunikasyon. Ang nawalang blip sa iskrin ng kompiyuter ay katumbas ng kamatayan sa lupain. Kung minsan ang eroplanong maliit at pribado ay hindi na lamang magpapakita sa dapat nitong lapagan. Dalawang araw pagkaraan, isang babae ang di-makabibiyahe sa uring pangnegosyo, at isang lalaki ang mawawala sa pagtitipon. At halos kisapmatang malilihis ang usapan ukol sa kahong itim, ang lantay na espasyo na may pangwakas na mga salita, mga salitang umaagos habang humihiyaw pabagsak ang eroplano. Naisip ko: Kung naroon lamang sila sa loob ng kahong itim ay ligtas sila ngayon, at nailigtas sana sila. At naisip ko: Hayaang makuyumos ang mga salita sa lupain, hayaang hindi makalabas ang mga salita. At hayaan ang mga itong mag-akay sa sinuman papalabas ng kahon, na binuksan ng dambuhalang susi na itinatago ng mga ahente mula sa ahensiya. Bukás ang takip, at naroon sila: edad kuwarenta y dos, at beynte siyete, at nuwebe, mula sa Dayton, mula sa Poughkeepsie, mula sa Encino, nakangiti at umiiling, kaya maiimbento natin ang gayong mahiwagang kahon. At kung gaano kadaling makuha ang kahon, at napakamura: para sa kotse, bangka, bahay. Palaging matatagpuan ang kahong itim, at madalas tayong naroon sa loob, at malimit ligtas, at lalabas tayo para magpaliwanag. Alam natin kung paano naganap ang mga bagay, at nakatitiyak na tayo’y makalilipad pang muli.

Kahong Itim

Kahong Itim, retrato mula sa commons.wikimedia.org. Dominyo ng publiko.

Paghahanda sa Pagdating ng Bagyong Pepeng

Larawang kuha mula sa satelayt, mula sa PAG-ASA

Larawang kuha mula sa satelayt, ayon sa PAG-ASA

Tuwing may malawakang pinsalang dulot ng bagyo muling nauunawaan ang halaga ng pagtaya ng panahon. Sa pamamagitan ng satelayt, nakukuhanan ng retrato ang daloy ng bagyo at natataya kung gaano kalakas ang epekto nito pagtama sa lupain o tubigan. Matatantiya rin ang volyum ng ulan, bukod sa alimpuyo ng hangin. (Tingnan ang ang  direksiyon ng pinakabagong bagyong pumasok sa Filipinas na tinawag na “Pepeng.”) Sinasabing mahirap pigilin ang bagyo, ngunit may magagawa pa rin ang mga tao para makaiwas sa anumang di-inaasahang sakuna. Heto ang ilang tip na maisasaalang ng mga tao.

  1. Kung malimit binabaha ang pook, makabubuting maghanap ng mataas-taas na lugar na hindi maaabot ng baha. Ang mga bahayan na malapit sa gilid ng estero, o nasa baybayin ng ilog, lawa, at dagat ang pinakadelikadong matangay o magiba, yamang ang pagtaas ng tubig sanhi ng pag-ulan kasabay ng pagtaog ay puwersang mahirap sagkaan.
  2. Kinakailangang mabatid ang mga sentro ng bakwetan, upang doon makalikas habang paparating pa lamang ang matinding bagyo. Bukod dito, dapat mabatid kung saan maaaring lumikas ang mga tao, at kung ano-anong sasakyan ang posibleng magamit sa paglilikas ng mga tao at kagamitan.
  3. Tiyakin na ligtas sa anumang pagguho ang lupang kinatitirikan ng bahayan o bakwetan. Tiyakin na ligtas ang lugar sa pagbagsak ng mga poste, punongkahoy, at anumang matataas na estruktura.
  4. Mahalaga ang palikuran at suplay ng tubig sa bakwetan. Huwag mag-atubiling humiling ng portalet (portable toilet) sa mga ahensiya ng pamahalaan o pribadong institusyon. Kung wala nito, maaaring magbayanihan sa pagtatayo ng pansamantalang palikuran na magagamit ng mga bakwet.
  5. Maaaring magtipon ng mga kinakailangang pagkain, inumin, kandila, plaslayt, gamot, lifevest, bangka, lubid at kaugnay na bagay. Maaaring makipag-ugnay sa barangay o pamahalaang lokal para makahingi ng tulong.
  6. Mahalaga ang komunikasyon, at makatutulong ang gaya ng selfon at radyo. Makabubuting sumubaybay sa pinakasariwang balita, gaya sa taya ng panahon, at nang maiwasan ang pagkaligalig sanhi ng mga di-natitiyak na tsismis.
  7. Mangalap ng mga boluntaryo, pero dapat organisado ang pamamahala sa kanila. Makabubuting matukoy kung sino ang mga posibleng pinuno o gabay, upang maayos ang pagkilos ng mga tao.
  8. Dalhin lamang ang mga bagay na mahalaga, at iwan ang mga kagamitang makapagpapabagal lamang sa paglikas.
  9. Kumilos nang mabilis at alerto, samantalang pinananatili ang pagiging mahinahon upang makapag-isip at makapagpasiya nang mabilis.
  10. Tanggalin ang hiya, at matutong makisalamuha sa ibang tao na makakasama sa pagbakwet.

Ilan lamang ito sa magagawa tuwing may malakas na bagyo. Pinakabago na itong si Bagyong Pepeng, at hindi ito dapat ipagwalang-bahala dahil makapagdudulot ito ng malawakang pinsala sa ating kaligiran.

Lindol at iba pang pangitain

Ilan lamang ito sa labi ng lindol at iba pang sakunaNakahihindik ang mga imaheng ipinalalabas sa telebisyon hinggil sa malagim na lindol na sumapit sa Tsina noong nakaraang linggo. Nagiba ang mga gusali at bahay, bumuka ang lupa, at gumuho ang mga bundok at dalisdis. Sa pananaw ng mga mapahiin, senyales iyon ng baluktot na patakaran ng pamahalaan laban sa Tibet o Sudan at iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Ngunit sa pananaw ng mga siyentipiko, likas na pangyayari lamang iyon kapag gumalaw ang mga saray ng lupang tila pilyego ng yero at ang ugat ng pagyanig ay mababaw mula sa pinakarabaw ng lupa.

Itinala nina Mariano Ponce at Jaime C. de Veyra sa kanilang Efemérides Filipinas (muling inilimbag noong 1998 ng Unibersidad ng Pilipinas) ang tatlong lindol na naganap sa Filipinas: 1601, 1610, at 1645. Mahina umano ang naganap noong 1601 kung ihahambing sa naganap noong 1610 at 1645. Ayon sa ulat ni Aduarte, noong 1610, kinain ng lupa ang mga niyugan at tanging mga palapa ang naiwang nakalitaw sa guwang doon sa Ilokos. Sa Nueva Segovia (na ngayon ay Hilagang Ilokos), nagsalpukan ang mga bundok, bumuga ng apoy ang mga bagong guwang, at isinuka ng mga biyak na lupa ang sumisirit na buhangin. Gumuho rin ang mga dalisdis, at isang bayan  ng mga Mandayas ang nalibing nang buháy. Nagiba ang lahat ng gusali, at kabilang dito “ang mga simbahan, kumbento, at bahay.”

Noong 29 Nobyembre-5 Disyembre 1645, lumindol nang di-inaasahan sa Maynila. Yumanig ang mga bahay na bato bago humapay na tila hinipan ng hangin. Idinuyan wari ang matatangkad na punongkahoy, nagtilian ang mga hindik na tao, at umalulong ang mga takot na takot na aso habang balisa ang iba pang hayop. Animo’y akordiyon ang mga bahay at natabunan ang mga tao na nabigong makalikas. Sinubok sumilong ng iba sa mga simbahan at katedral, ngunit kahit iyon ay gumiba at hindi nailigtas ng pananampalataya ang mga deboto. Nawasak ang palasyo at gusali ng Real Audiencia sa Intramuros.  Gumuho rin ang mga kolehiyo ng Santo Tomas, San Jose at San Juan de Letran. Bumagsak ang kampanaryo ng Santiago, ngunit ang kampanerong nasa tuktok niyon ay mahimalang nakaligtas makaraang patunugin ang kampana.

Muling magaganap ang malagim na lindol noong 1863, at nawasak ang mga gusali sa loob ng Intramuros. Nakaligtas naman ang Pasig, at tanging kampanaryo ng simbahan ang nagkalamat nang malaki. Marami ang nasawi sa  naturang lindol, kaya nakalikom pa ang gobyernong kolonyal ng salaping mula sa ibang bansa. Napabalitang kinurakot ang may 80 libong piso mula sa donasyon, at kung kaninong bulsa iyon napunta ay naging palaisipan magpahangga ngayon.

Mahaba ang listahan ng lindol, at maibibilang dito ang pagyanig noong 1755 sa Lisbon na pumuksa sa 30 libong tao;  ang lindol sa Calabria at Sicily noong 1908 na lumipol sa tinatayang 150 libong tao; ang lindol sa Kansu, Tsina noong 1920 na pumuksa sa 200 libong tao; at ang pagyanig sa Tokyo at Yokohama na pumaslang sa 120 libong tao at nagdulot ng malawakang pinsala sa paligid.

Mabilis hanapan ng katumbas na pahiwatig ang mga ito mula sa pinaniniwalaang puwersang sobrenatural, gaya ng ginagawa ng ilang sekta o relihiyon. Ang mga naganap noon ay waring nauulit lamang sa panahong ito. Ngunit may magagawa pa rin tayo, at ang gobyerno at pribadong sektor, gaya ng mahabang paghahahanda, pagsasanay sa mga tao, at maagap na pagtugon sakali’t dumating ang sakunang hatid ng kalikasan. Samantala, hindi makatutulong ang pagpapakalat ng mga tsismis at mensahe sa selfon. Makabubuting maging mahinahon, at huwag magpadala ng mga text na magpapayaman lamang lalo sa malalaking korporasyon.