Tao at Pagpapakatao

Ipinagugunita ng isang matandang kawikaan ang tungkol sa pag-iral sa mundo: Madali ang maging tao, mahirap magpakatao. Maraming ibig sabihin ang kawikaan. Una, madali ang gumawa ng bata ngunit mahirap magpalaki ng anak; o kaya’y madaling magsilang ng bata ngunit mahirap magpalaki ng bata. Ikalawa, madali ang mag-anyong tao ngunit mahirap mabuhay nang may dangal ng tao. Ikatlo, ang pagpapakatao ay hindi laging taglay ng tao, dahil maaaring maging asal-hayop din siya. Ikaapat, ang tao ay hindi lamang pisikal na katawan, bagkus nagtataglay din ng diwang espiritwal at intelektuwal na magtatangi sa kaniya sa karaniwang hayop.

Maraming paraan kung paano babasahin ang nasabing salawikain. At ang mga pakahulugan ay maaaring alinsunod sa gumagamit nito, o kaya’y batay sa mga dating interpretasyon sa naturang salawikain. Nagkakatalo lamang kapag inuri ang pakahulugan ng mga salitang gaya ng “tao,” “pagpapakatao,” “madali,” at “mahirap.”

Halimbawa, ang tao ay maaaring sipatin bilang indibidwal na may pisikal na katawan. Magkakaroon ng kalipikasyon ang “tao” kapag isinaalang-alang na hindi sapat ang kaniyang pisikal na pag-iral, o kaya’y ang pagkakaroon ng pisikal na katawang walang pinsala o kapansanan. Ang tao na tinutukoy ay may kakayahang makapag-isip, at dumama ng mga bagay-bagay, at ang gayong mga katangian ay ipinalalagay na higit sa kayang gawin ng bato na ipinukol kung saan, o palumpong na sumisibol sa bukid, o kaya’y áso na maaaring ilahas sa parang o maamong alaga sa loob ng bahay.

Sa kabila ng kakayahang nakahihigit sa hayop, halaman, at bagay, ang tao ay maaaring gampanan ang kaniyang tadhana at tungkulin bilang tao sa tanging paraan lamang na nais niya, gaya ng ipinaaalingawngaw ng awit ni Frank Sinatra. Maaari ding talikdan ng tao ang kaniyang kalikasan, at gawin lamang ang makasariling nais na ikalulugod ng laman, gaya ng makamundong pakikipagkarat sa iba’t ibang tao, at tapos na. Maaaring hanggang doon lamang ang nais niya, at ang gayong kababaw na hangad—kung kababawan mang matatawag—ang magbubukod sa kaniya sa iba pang tao o nilalang sa daigdig.

Ang susi ng salawikain kung gayon ay sa pakahulugan o pahiwatig ng “pagpapakatao.” Ang “pagpapakatao” ay maaaring sipatin bilang panumbas sa “sibilisado,” “pino,” “nakapag-aral,” “sinanay sa kultura,” at iba pa. Ang “pagpapakatao” ay maaaring likas na katangian ng tao, ngunit mahihinuhang kinakailangang linangin pa rin ang ganitong gawi ng tao, dahil ang isang tao ay mababatid lamang ang “pagpapakatao” alinsunod sa itinatakda ng kaniyang lipunang may angking kaayusan, kaugalian, at kaisipan. Ano ang ibig sabihin nito? Ang tao ay makikita lamang ang kaniyang sarili sa piling ng iba pang tao, at ang mabubuo nilang pagsasanib at pagkakasundo ang magtitiyak ng maayos na samahan sa lipunan.

Kaya napakahirap magpakatao. Ang pagpapakatao ay mahabang proseso ng paghubog, at ang isang bata ay kinakailangang salinan ng paniniwala, kaugalian, karunungan, at iba pang kaugnay na bagay na pawang makatutulong sa kaniyang pag-iral bilang tao. Sa kabilang dako, ang bata ay maaaring masalinan din ng mga pamahiin, negatibong asal, katangahan, prehuwisyo, at iba pang kabalbalan mula sa panig ng matatanda, kaya ang bata ay posibleng lumaki na parang masahol pa sa retardadong hayop. Ang isang bata ay maituturing na hindi pa ganap na tao, yamang maaaring hindi pa niya batid ang “pagpapakatao” alinsunod sa pananaw ng mga nakatatanda, bukod sa hindi kayang arukin ng muslak ng isip ng bata ang malalim na konsepto ng pakikipagkapuwa. Ang bata ay maaaring nakatuon pa lamang sa kaniyang sarili, at habang lumalaon ay saka pa lamang niya matutuklasan ang ibang tao at ang bisa ng pakikisalamuha, na pawang makatutulong naman upang matuklasan niya ang pambihirang katangian niya bilang indibidwal.

Relatibo ang magiging pakahulugan ng “mahirap” at “madali” kung iuugnay sa “tao” at “pagpapakatao.” Kung may ibang babae na madaling mabuntis, o kaya’y lalaking mabilis makabuntis, may ibang tao na hindi kayang gawin iyon at maaaring may kinalaman sa pinsala sa panloob nilang organ. May ibang pagkakataon na hindi madaling mabuntis ang isang babae, dahil maaaring kulang sa semilya ang lalaki o may pinsala sa obaryo ang babae. Bagaman napapanghimasukan ng agham ang reproduktibong katangian ng tao, hindi nangangahulugan ito na ganap nang nangingibabaw ang tao sa kalikasan. May mga bagay na hindi maipaliwanag, kaya ang pagiging baog ay idinaraan sa pagsasayaw sa Obando, o pananalangin kay Santa Clara habang naghahain ng itlog. Ang pagbubuntis at pagsisilang ng sanggol ay higit sa pagtatagpo ng itlog at tamod. Kinakailangan ang elemento ng kemistri ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan upang lumikha ng supling na magluluwal ng pinagsanib nilang katangian.

Ang pagpapakatao ay maaaring subhetibo, at nagmumula ang gayong pagtanaw mula sa ibang tao. Halimbawa, ang pagpapakatao ni A ay maaaring batay sa kapisanan, kaugalian, at kalakarang ipinatutupad ng lipunang kinapapalooban din nina B, C, D, at iba pa. Ang buong kaisipan at katauhan ni A ay huhubugin ng kaniyang lipunan, at maaaring mamulat lamang si A sa ibang pag-unawa kapag natuklasan ang iba pang lipunang kinabibilangan nina E, F, at G, o kaya’y maliligaw sa ibayong-dagat na kinaroroonan nina X, Y, at Z.

Ang pagpapakatao ay magiging matagumpay lamang sa bisa ng pakikipagkapuwa. Ang indibidwalistang pag-iral ay hindi nangangailangan ng pagpapakatao, dahil bakit pa niya iisipin ang pagpapakatao kung higit niyang nanaising mag-isa at mamuhay nang tila ermitanyo? Maaaring ang pagbukod ng isang tao sa kaniyang lipunan at paglayo kung saan ay dulot ng hangaring “abutin ang makalangit na lunggati” gaya ng ginawa ng mga sinaunang mananampalataya. Ngunit kahit ang gayong gawi ay hindi nangangahulugan ng panghabambuhay, dahil ang paglayo sa kaniyang lipunan ay pagtalikod sa itinatakda ng kaniyang kalikasan bilang tao.

Mahalaga ang konsepto ng pagpapakatao, at mauugat ito hindi lamang sa panig ng relihiyon o kabutihang-asal, kundi sa pagbubuo at pagpapalakas ng kultura o kabansaan. Kaugnay ang pagpapakatao sa pakikipagkapuwa, na ang isang tao ay kabiyak ng iba pang tao, at ang pag-iral ng isa ay nakasalalay sa aksiyon at pagpapasiya ng iba pang tao. Sa pagpapakatao, sinisikap ng indibidwal na tuklasin ang kaniyang sarili habang tinutuklas ang misteryo ng kapuwa tao, at ang gayong proseso ay hindi lamang isahang daloy at paayon, bagkus maaaring maging magkasalungat o nagsasalimbayan. Ibig sabihin, ang pagdulog ay hindi dapat tingnan sa linear na pagdulog lamang, kundi sa sari-saring paraan.

Mga salawikain na tinipon ni Iñigo Ed. Regalado

Isa sa mga iniidolo kong manunulat si Iñigo Ed. Regalado, dahil hindi lamang siya primera klaseng makata bagkus mahusay ding sanaysayista, nobelista, kuwentista, kritiko, at peryodista. Naging guro at puno sa kagawarang Filipino si Regalado sa University of the East, Far Eastern University, at Centro Escolar University noong tanyag siyang manunulat, at malimit imbitahan sa mga kumperensiyang pampanitikang itinaguyod ng mga Ingleserong manunulat ng Unibersidad ng Pilipinas noong dekada 30.

Ngunit wala akong naririnig ngayong pagpapahalaga mula sa mga naturang unibersidad sa manunulat na nagbuhos ng buhay para sa panitikang Filipino. Kaya noong 17 Nobyembre 2000, lumiham ako kay Esther M. Pacheco, ang direktor noon sa Ateneo de Manila University Press, upang maipasa sa Aklatan ng Ateneo de Manila ang kahon-kahong antigong dokumento, aklat, plake, retrato, at iba pang rekwerdo ni Regalado na inihabilin sa akin ng apo niya. Matatagpuan ngayon sa Ateneo ang memorabilya ni Regalado, at nawa’y pangalagaan iyon ng naturang aklatan.

Sa ibang pagkakataon ko na tatalakayin nang malalim ang kadakilaan ni Regalado bilang manunulat, at hayaan muna ninyo akong ibahagi ang hinggil sa mga salawikaing inipon niya nang matagal.

Kung hahalungkatin ninyo ang mga antigong papeles ni Regalado, masusungpungan ninyo ang walong pahinang sulat-kamay na nagtataglay ng mga salawikain. Malinis at masinop ang dikit-dikit na titik na parang mula sa sulat ng isang dalaginding ang sulat ni Regalado. Nakaipon si Regalado ng 239 salawikain, at ang mga salawikaing ito ang pinagkakakitaan ng ilang pabliser o manunulat sa kasalukuyan na halos kinopya lamang ang tinipon ni Regalado. Ang totoo’y marami pang salawikain at bugtong ang naipon ni Regalado, ngunit hindi pa ganap na natitipon ang lahat dahil ang ibang kinalathalaan nito’y mahirap nang matagpuan sa mga aklatan. May mga kolum si Regalado noon sa mga babasahing gaya ng Ang Mithi, Pagkakaisa, Watawat, Kapangyarihan ng Bayan, Liwayway, at Ilang-ilang, at marahil bilang editor ay naipapasok niya ang mga kuntil-butil na dapat pahalagahan, gaya nga ng salawikain, retorika, talasalitaan, at paggamit ng salita.

Estetika ng Salawikain
Kung ang “bugtong,” ani Virgilio S. Almario, ay may iisang sagot, kabaligtaran naman ang “salawikain” dahil ang sagot o pahiwatig nito ay maaaring magsanga-sanga, at hindi matutuklasan sa iisang antas lamang. Halimbawa’y ang kasabihang, “Ang taong walang kibô’y/ nasa loob ang kulô” ay hindi lamang maikakabit sa taong “mahiyain ngunit maingay kapag nalasing.” Maaaring tumukoy din iyon sa mga tao na walang imik ngunit matalino, sa mga tao na mapagkumbaba ngunit pambihira ang alab, yaman, at talento. Idaragdag ko sa winika ni Almario na habang humahaba o lumalalim ang pahiwatig ng salawikain, lalong rumirikit ito pagsapit sa mambabasa dahil ang pagpapaliwanag ay hindi magiging de-kahon gaya ng aasahan sa isang bugtong. Bukod sa nabanggit, ang salawikain ay isa ring tula, dahil binubuo ito ng sukat at tugma sa ilang pagkakataon, gaya ng “May tainga ang lupà,/ may pakpak ang balità” (na pipituhin ang pantig bawat taludtod at may pandulong tugmang tudlikan) at naglalaman ng pambihirang talinghagang matalik sa puso ng taumbayan.

Ang halina ng salawikain ay nasa masining na pagkasangkapan ng mga hulagway (i.e., imahen) sa paligid at siyang batid ng taumbayan. Iniuugnay ang nasabing hulagway sa isang diwain, at ang kombinasyon ng mga diwain, sa pamamagitan man ng paghahambing, pagtatambis, at pagtitimbang, ay nagbubunga ng isa pang bukod na diwaing ikagigitla ng makaririnig. Sa unang malas ay payak ang ipinahihiwatig ng salawikain. Ngunit kung nanamnamin iyon ay mababatid ang lalim ng kaisipang dapat pagbulayan ng sinumang tao na pinatatamaan.

Papel ng Bayan
Nabubuo ang salawikain sa isip ng madla na pinagbubuklod ng iisang diskurso, ngunit ang isang bihasang makata ang posibleng nagsakataga ng niloloob ng nasabing madla. Habang tumatagal, pinayayaman ng madla ang pakahulugan at pahiwatig ng salawikain; isinasalin nang pabigkas mula sa isang salinlahi tungo sa bagong salinlahi, kaya ang salawikain ay hindi na lamang pag-aari ng isang tao bagkus ng sambayanan. Sa paglipas ng panahon, nakakargahan ng iba’t ibang pahiwatig ang salawikain alinsunod sa paggamit o pagsagap dito ng taumbayang nagkakaroon ng iba’t ibang karanasan at kabatiran. Halimbawa, ang kasabihang “Ano mang talas ng tabak,/ mapurol kung nakasakbat,” ay hindi na lamang patungkol sa patalim o talentong inililihim ng tao. Maaaring ipakahulugan din ito ng kasalukuyang henerasyon sa uten, na gaano man kahaba at katigas, kapag hindi ginamit sa tumpak na pakikipagkarat, ay manlalambot at mawawalan ng saysay. O kaya’y sa selfon o kompiyuter, na gaano man kaganda o kahusay, kapag hindi ginamit ay mawawalan ng kahulugan.

Itinuturing na sambayanan ang may-ari ng mga salawikain. Gayunman, dapat pa ring kilalanin ang gaya ni Regalado (at mababanggit din ang isa pang paborito kong si Damiana Eugenio) na walang sawa sa pagtitipon nito upang maiugit sa kamalayan ng sambayanan ang mga hiyas ng diwang dapat tandaan ng sinumang kabataan. Heto ang ilang natipong salawikain ni Iñigo Ed. Regalado, na isinaayos ko ang taludturan upang madaling maunawaan, at sa aking palagay ay walang kamatayan:

1. Ang matibay na kalooban
ang lahat ay nagagampanan.

2. Kapag ang tao’y matipid,
maraming maililigpit.

3. Hulí man daw at magaling
ay naihahabol din.

4. Kung tunay nga ang tubó,
matamis hanggang dúlo.

5. Sa maliit na dampa
nagmumula ang dakila.

6. Kapag may isinuksok
ay may madudukot.

7. Walang binhing masama
sa [may] mabuting lupa.

8. Di man magmamana ng ari,
ay magmamana ng ugali.

9. May tainga ang lupa,
may pakpak ang balita.

10. Wika, at batong ihagis,
di na muling magbabalik.

11. Kung pinukol ka ng bato,
gantihin mo ng puto.

12. Ang taong mapagbulaan
ay hinlog ng magnanakaw.

13. Walang matibay na baging
sa mabuting maglambitin.

14. Pag ang punla ay hangin,
bagyo ang aanihin.

15. Walang mataas na bakod
sa taong natatakot.

16. Ang maikli ay dugtungan,
ang mahaba ay bawasan.

17. Pag ikaw ay nagparaan,
pararaanin ka naman.

18. Ang hindi lumingon sa pinanggalingan,
hindi makararating sa paroroonan.

19. Kapag tinawag na utang,
sapilitang babayaran.

20. Malakas ang bulong kaysa hiyaw.

21. Kung saan ang gasgas,
naroon ang landas.

22. Putik din lamang at putik,
tapatin na ang malapit.

23. Ang taong walang kibo
ay nasa loob ang kulo.

24. Sa taong may hiya,
ang salita ay sumpa.

25. Kahoy mang babad sa tubig,
kapag nadarang sa init,
pilit na magdirikit.

26. Ang mahuli sa daungan
ang daratna’y baling sagwan.

27. Sa kinanti-kanti ng munting palakol
ay makabubuwal ng malaking kahoy.

28. Ang ulang atik-atik
madaling makaputik.

29. Pag maaga ang lusong,
maaga [rin] ang ahon.

30. Ang tao pag naumpog,
marapat nang yumukod.

31. Matisod na na sa bato
huwag lamang sa damo.

32. Biro-biro kung sanlan,
totohanan ang tamaan.

33. Sa lakad ng panahon,
lahat ay sumusulong.

34. Ano mang talas ng tabak,
mapurol kung nakasakbat.

35. Ang hinahon ay malakas
nang higit pa sa dahas.

36. Sa payo ng nagigipit
hindi ka dapat manalig.

Pagpapahalaga
Nagbabago ang estetikang silbi ng mga salawikain, at ngayon, ginagamit na lamang ang mga ito para paminsang-minsang ipaskel sa pisara o bilbord bilang paalaala sa mga taong matitigas ang ulo. Sa kabila ng lahat, dapat pa ring tandaan na ang mga salawikain ay hindi lamang ginagamit para isaulo o isapuso, bagkus upang pagbuklurin ang buong bayan o lipi. Ang mga salawikain ay isang uri ng listahan ng etika, at ang etikang iyon, na kapag susundin ng mga tao, ay makapagsasaayos ng ugnayan ng mga tao, malulutas ang mga sukal ng loob o isip, at mapananatili ang panatag na pag-iral ng lipunan. Nagwawakas ang lahat sa kasunduang panlipunan, at higit sa lahat, tumataas ang uri ng komunikasyon ng bayang hitik sa kahanga-hangang bisa ng ligoy at paghihiwatigan.