Bagong Búhay, ni Dante Alighieri

Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Búhay

I

Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.

II

          Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako!  Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.

III

          Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.

Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.

Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.

          Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.

          Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.

Alimbúkad: Poetry online translation revolution staring at you. Photo by Pixabay on Pexels.com

Epitapyo sa panahon ng digmaan, ni Marguerite Yourcenar

Salin ng “Epitaphe, temps de guerre,” ni Marguerite Yourcenar [Marguerite Antoinette Jeanne Marie Ghislaine Cleenewerke de Crayencour] ng France

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Epitapyo sa panahon ng digmaan

Sinalpok ng bakal na hulog ng langit

Itong babasaging estatwang marikit.

Alimbúkad: Epic strength in small things. Photo by Alain Frechette on Pexels.com

Destiyero sa Destiyero, ni Abdullah Al-Baradouni

Salin ng “From Exile to Exile,” ni Abdullah Al-Baradouni ng Yemen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Destiyero sa Destiyero
  
 Isinasalin ang bansa ko mulang isang tirano
 tungong ibang tiranong masahol pa kaysa dati;
 mulang isang bilangguan hanggang iba pa,
 mulang isang destiyero hanggang iba pa.
 Sinakop ito ng mga nagmamasid na banyaga
 at ng isa pang nakakubli, nagkukunwa;
 ipinasa ng isang halimaw sa dalawang halimaw
 gaya ng buto’t balát na kamelyo.
 Sa mga yungib ng kamatayan
 ay hindi namamatay ang bansa ko, ni hindi
 gumagaling, ni makuhang makabangon.
 Hinuhukay nito ang mga píping libingan 
 para hanapin ang mga dalisay nitong ugat,
 para sa tagsibol nitong pangakong natutulog
 sa likod ng sariling mga mata; 
 para sa panaginip na darating,
 para sa multo na nagtatago kung saan.
 Lumilikas ito mula sa isang nakalulunod
 na gabi tungo sa napakapusikit na gabi.
 Nagdadalamhati ang aking bansa
 sa mga hanggahan nito
 at sa iba pang lupain ng iba pang tao;
 at kahit na nasa sariling lupain nito’y
 nagdurusa sa pagkatiwalag ng destiyero. 
Alimbúkad: Poetry solidarity for exiled voices. Photo by Yasin Gu00fcndogdu on Pexels.com

Mga Liyab at Tikatik, ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Liyab at Tikatik
  
 Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon
 ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian.
 Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip
 ay ibig kong wasakin ka?
  
 Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng
 maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay
 na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat
 sulok ay masikip na taniman ng kahulugan,
  
 bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala,
 hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus
 kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti,
 kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod
  
 upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad,
 tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin),
 lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob
 ay sinasalungat:
  
 para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y
 nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw!
 Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong
 ito’y walang saysay na bighani, ngunit
  
 hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod
 ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa
 pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong
 bundok, paano ko tatanggapin
  
 ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito?
 Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat
 ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw
 ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey,
  
 kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá
 ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot 
 ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay
 ang naghahatid ng halimuyak pababa,
  
 bagkus ang maalab na galak na magsilbi
 sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal.
 O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo
 akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang 
  
 naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, 
 para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan 
 at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, 
 hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan,
  
 makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, 
 ang nakahihilong kompetisyon sa gitna
 ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ 
 ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit. 
Alimbúkad: Poetry high rain for humanity. Photo by Aleksandar Pasaric on Pexels.com

Zurita, ni Raúl Zurita

Salin ng “Zurita,” ni Raúl Zurita ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Zurita
  
 Gaya sa panaginip, nang maglaho na ang lahat,
 winika ni Zurita na aaliwalas din ang paligid
 sapagkat sa kailaliman ng gabi’y
 nakakita siya ng isang bituin. Pagdaka,
 habang nakahalukipkip ako sa tabi ng mga tabla
 ng kubyerta ng barko, tila pagniningasin muli
 ng liwanag ang aking matatamlay na mata.
 Sapat na iyon. Lumambong sa akin ang himbing. 
Alimbúkad: Raging beauty, raging poetry. Photo by Nuno Obey on Pexels.com

Henealohiya ng mga Bomba, ni Ektor Kaknavatos

 Salin ng “Genealogy of Bombshells,” ni Ektor Kaknavatos 
 [alyas ni Yorgοs Kontoyorgis] ng Greece
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Henealohiya ng mga Bomba
  
          (para kay G. Savvas Michail)
  
 Hindi ako ang dahilan kayâ sinalakay
 ng apoy ang punong pino
 at pinigtal ang mga tainga
    ng araw.
  
 Hayaang magyabang ang mga bomba
      kung bumuhos man tulad ng ulan
             at mapawi nang ganap
      ang kabunyian ng mga punong dayap
 yamang taglagas ng Oktubre
 ang tanging nakikinig: ang mga bomba
        ay hinango mula sa panganib
        at kalabog ng rebolusyon,
             at hinagad ang alpabeto. 
Alimbúkad: Online poetry translation eruption for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo, ni Pedro Salinas

Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”  
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo
  
 12
 Hindi kailangan ang panahon
 upang mabatid ang kahawig mo:
 Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
 Sino ang susubok na maarok ka
 sa mga salitang hindi sinasabi
 o kaya’y pinipigil mong sabihin?
 Sinumang naghahanap sa búhay
 na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
 ang mga alusyon hinggil sa iyo,
 ang mga palusot na kinukublihan mo.
 Ang bumuntot sa iyo sa lahat 
 ng nagawa mo na, ang magdagdag 
 ng kilos para makuhang ngumiti,
 ng mga taon sa mga pangalan,
 ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
 Dumating ako sa iyo na bagyo.
 Nakilala kita, nang kay bilis,
 noong brutal na napupunit
 ang takipsilim at liwanag,
 na ang lalim na tumatakas
 sa araw at gabi ay nabubunyag.
 Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
 hubad sa lahat ng walang katiyakan,
 ng kasaysayan, ng nakalipas,
 ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
 pumipitlag ngayon mula sa hindi
 inaasahang pagdating,
 napakasinauna ka para sa akin,
 kilala na kita nang napakatagal;
 na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
 at nakalalakad nang tama at ligtas
 sa pagkabulag ko; walang may ibig
 sa gayong mabagal, tiyak na sinag
 na alam ng mga tao ang kahihinatnan
 ng mga titik, anyo, at pigura,
 at naniniwala na kilala ka nila,
 kung sino ka, ang aking tagabulag.
   
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com

Pag-ibig at Lagnat, ni Miyazawa Kenji

 Salin ng tula ni Miyazawa Kenji ng Japan
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pag-ibig at Lagnat
  
 Napakaitim ng noo ko ngayon;
 hindi ako makatingin nang tuwid sa mga uwak.
 Ang aking kapatid, na sa sandaling ito’y
 nasa malamig, malamlam, malatansong silid,
 ay tinutupok ng malinaw, malarosas na apoy.
 Totoo, kapatid, 
 randam na ramdam ko ang panlulumo, pasakit,
 kayâ hindi na ako pipitas ng mga bulaklak 
 ng lumanay, at pupunta pa riyan.  
Alimbúkad: World poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Maria Orlova on Pexels.com

Kapahamakan, ni María Negroni

Salin ng “Catástrofe,” ni María Negroni ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Kapahamakan
  
 Sumiksik tayo sa dambuhalang bodega upang hintayin
 ang repetisyon. Nabuhay muli tayo para dito. Ang unang
 kamatayan ay kaparusahan sa atin dahil nilibak
 ang mangkukulam, ang huklubang gusgusing bruha. 
 Nangibabaw ang ating halakhak sa buong magdamag
 at pagkaraan, nagkaroon ng kapahamakan, at bumuka ang
 lupa at nilamon ang lahat. Bumangon tayo sa kamatayan
 upang isabuhay ang kamatayan, at iyon ang sanhi kayâ
 naririto tayo. Ngunit may isang tao na iba ang naisip:
 Aniya’y may kung anong mga hibla ang makapagliligtas
 sa atin. Hindi na tayo ngayon muling humahalakhak,
 nanánatilì tayong umid, at halos napakagalang. Wala tayo 
 kundi isang tanikala ng mga lalaking humahawak sa bulawang
 lubid gaya sa prusisyon ng mga nangalunod. Habang
 tumatakbo ang oras, nagpapatuloy tayo sa paglalakad. 
Alimbúkad: World-class poetry, world-class translation. Photo by Chavdar Lungov on Pexels.com

Hinggil sa mga Parabula, ni Franz Kafka

Salin ng “Von den Gleichnissen,” ni Franz Kafka ng Czech Republic

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maraming nagrereklamo na ang mga salita ng paham ay malimit nasa anyo ng parabula at walang silbi sa pang-araw-araw na búhay, na siyang tanging búhay na angkin natin. Kapag winika ng paham na: “Humayo ka,” hindi niya ibig sabihing tawirin ang isang tiyak na pook, na magagawa naman natin kung sapat ang pagsisikap; ibig niyang ipahiwatig ang kung anong kagila-gilalas na pagdako kung saan, ang bagay na lingid sa atin, ang bagay na hindi niya maisaad nang may katiyakan, at samakatwid ay hindi makatutulong sa atin dito kahit paano. Lahat ng parabula ay nakaayon para sabihin lámang na ang di-maarok ay hindi maaarok, at batid na natin iyan. Ngunit ibang usapan na ang pakikibaka sa mga pang-araw-araw na alalahanin.

            Hinggil sa bagay na ito, winika ng isang lalaki: Bakit may pagbabantulot? Kung sinunod mo lámang ang mga parabula, ikaw mismo ay magiging parabula, at sa gayon ay wala ka nang pakialam sa pang-araw-araw na búhay.

            Sumingit ang isa pang tao: Pusta ko’y isa rin iyang parabula.

            Sabi ng una: Panalo ka.

            Sabi ng ikalawa: Ngunit sa kasamaang-palad ay parabula lámang.

            Sabi ng una: Hindi, sa realidad; sa parabula, talo ka.

Alimbúkad: All-time high poetry celebration for humanity. Photo by Pritam Kumar on Pexels.com