Parabula ng Panatikong Salin, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Panátikong Sálin

Roberto T. Añonuevo

Lumulútang ang pinakámagalíng, at sumagì itó sa áking ísip nang mínsang marahúyo sa sepák takráw. Kináinggitán ko ang mga paá sa paligsáhan, na úpang manaíg ay kailángan múnang umangát sa lupà, bumítin sa éyre, salubúngin o saluhín ng sipà ang bólang yantók, sakâ matúling ibalík sa kalában, sa pag-ásang mailálaglág nitó sa lupà ang bóla at magíging katumbás ng púntos. Kaáya-áyang larô, párang fútbol o ténis ngúnit hindî, dáhil báwal sumáyad sa sahíg ang puntiryá, na ang rikít ay nása elégansiyá ng akrobátikong síkad at lambót ng katawán, humahámon sa túlin, résisténsiyá, táyming, at bálanse, at kung nása malayô ka’y higít na háhangàan ang kóordinasyón ng útak, lakás, loób, paa. Isáng tagásubaybáy ng ispórts ang mínsang sumúlat ng bérso at másuwérteng nakáratíng sa ákin, na kung isasálin sa ídyoma ng fándom ay tíla isáng bersiyón ng pámbobóla.

Kumbagá sa Sepák Takráw

Anghél na sumásayáw sa hángin
ang gabí,
sinísipà-sipà ang plánetang 
                      yantók
pá-alímbukáy sa úlap 
     ng mga brílyanteng alíkabók
úpang ipáling ang tanáw 
na éspasyo
           at manaíg ang órbit 
at liksí sa régulasyón ng mga regú.
Nanúnudyô ang músika 
ng sángkatérbang bulalákaw.

Ngúnit makirót ang áking sákong.

Ay! Dumalaga kong oras!
Lampás bálag ang lundág mo
at kíta ang lángit!
Sumisírko kang lintík, 
        warìng pá-luksóng tiník
                 sa hulagwáy
na kung isasálin 
            sa áking pandiníg
ay sumasábog na buntalàng 
iníimpók sa balón ng karimlán.
Lupígin akó 
sa mapúputî mong bintî at pigî. 
Sikáran akó!
Pápulahín, mínsan pa, sa hiyâ 
ang áking namúmutlâng mukhâ!

Alangáning mainís akó o márimárim, o sadyâng nása ákin lang ang kátangahán, kung hindî man pagkukúlang, sa mga banyágang wikà, ngúnit hindî ko mapígil ang saríling mapáhigikgík mulâ sa mga títik na malandî na’y warìng kináhig pa sa sahíg.

Alimbúkad: Epic poetry chimera walking the dream. Photo by Efecan Efe on Pexels.com

Kuwento ng Artsibista sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwénto ng Ártsibísta sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Sa isáng nabínbing pélikúlang tátampukán ni Tony Falcon, minálas umánong putúlin ang éksena ng kaniyáng kalában, ang dóble-kárang áhenteng nasukól at isínakdál sa kásong pagtátaksíl sa báyan at síndikáto. Ang éksena, na kinúkutyâng hinangò sa Ságradong Bódabil, ay higít na angkóp sána pára kay Agent X-44, ngúnit natátalísod siyá sa pagbigkás ng bérso, kayâ minabúting ipása ng direktór sa kung sínong kasabwát ng síndikáto ang sigáw ng págsalungát:

Aniyá sa ákin: sabunútan man akó hanggáng lumitáw ang ánit,
Hindî ko ibúbunyág sa iyó ang áking pángalan at págkatáo,
Malíban kung sadyâng púpukpukín mo ang úlo ko nang sanlíbong úlit!

Ang bérso, na mulâ sa anónimong traduktór, ay matutúlog nang iláng dékada, hanggáng mulîng sipìín at lumitáw na epígrape sa tulâ ng isáng rétirádong alagád ng batás. Magkakároón ng bintanà ang nasábing tulâ, at kung ikáw si Beatrice, mahihímok kang ibunyág ang isáng líham na nakaípit sa aklát na Divina Commedia at karápat-dápat, sa pakíwarì ng músa, na gawíng désklasípikádong dókuménto ang pahábol na talâ ng líham:

Kopyadór

Nagtítimplá ng kapé ang gabí, at papálapít ang mga yabág 
na warìng nagpápahatíd:
“Ang espíya ay umíindák sa mga títik,
	    umíindák paloób sa páaralán, at dumudúkot
ng líbong ísip, bágo tumulóy sa paléngke ng mga baít!”
Walâ, walâ na akóng mukhâ sa inagáwan ng kálinangán.

Ang iniháing kapé ng karimlán at nása áking tabí
ay tumatápak sa talaksán ng mga péryodíko.
“Ang espíya ay íbig matúlog sa áking kandúngan.”
At naglahò biglâ ang áking aníno at kasaysáyan. . .

Nilagók ko ang gabí, ngúnit hindî maúbos ang kapé sa tabí,
    at akó’y napáigtád:
“Ang espíya ko’y sumásayáw sa mga salitâ, áraw-áraw
nagbábalità pa-símoy, at naglúluwás ng mga ísip,
at umáangkát kung saán ng pérya bílang áking kapalít.”

Nagtítimplá ng gabí ang áking kapé, at pabigát
nang pabigát hábang lumaláon ang áking mga pilík,
at ang lumálakí, binibílog kong úlo’y
íbig saluhín ng mga únan at mabábangóng salapî.

“Walâng panagínip ang gabí,” ang espíya na nagkákapé
ay patúloy na nagsayáw 
nagsayáw nang nagsayáw sa sáliw ng reggae at jazz
upang makíta sa wakás
                             ang sarili.
At naliyó akó, at nahúlog sa kaniyáng alindóg at sayáw
hábang pápalapít ang mga yabág at saklólong
					                        humíhiyáw. . . .

Magíging panátiko ka sa pelíkula hanggáng lumabò ang mga matá. At kung palárin ka mang magíng artísta o direktór, matútuklásan mo, gáya ni Tony Falcon, ang líhim ng traduktór sa mga kopyadór.

Alimbúkad: Epic poetry transmutation engaging the world. Photo by cottonbro on Pexels.com

Parabula ng Pangungulila, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Pangúngulilà

Roberto T. Añonuevo

Kung naríritó si Penélopé, na tókaya niyá, at naróroón namán sa ibáng pulô ang bána nitóng ábrodísta (na pamínsan-mínsan ang videokol), maráhil ay lúlustayín din niyá ang magdamág sa haráp ng pangablán, at maáalíw kapág náisálin sa inabél ang mga bundók, kidlát, at bayáwak. Ngúnit ang mórena klárang Penélopé’y warìng ngayón pa lámang nagsasánay ng langkít, makáraáng magsawà sa laptop at basì, at nagmámasíd sa lóla kung paáno nitó nilálapátan ng saysáy ang mga gílid ng téla. Malilímot ang pangúngulilà káhit sa payák na hábing dísenyo; at túlad ng ibá pang bágong saltá, daráan siyá sa paikíd, at maluwág na tátanggapín na káhit ang kaniyáng loób ay nagíng banyagà, makalípas ang iláng taón, sa mga ginágawâng fatáwil o shukyóng. Párang mga ugát na pinilípit, párang mga palasóng sinaló ng lúad ang kaniyáng pagkábahalà sa kaniyáng minámahál. Iláng digmâan at pándemya ang katumbás ng mga saplót?  Matutúto rin maráhil siyá pagkáraán na lumikhâ ng kaniyáng saríling sinangád-ám, at ang matipunông katawán ng kaniyáng mahál na kung birùin ay si Lam-áng, ay isasálin niyá sa tinágtakhó, na nilálandás ang talampád sa anyô ng minátmatá. Sa tumpák na panahón, maisásaúlo niyá ang tinitíko na aákalàing payëw kung hindi man malá-áhas na lumitáw pagkáraáng mahawì ang úlop. Ngúnit tuwíng sasápit siyá sa yugtô ng pa-kháwa, ang sukdól ng galíng, warìng tumátanggí ang kaniyáng mga kamáy at ísip kung dapát itulóy ang lahát, at tuparín ang pangwakás na kan-áy. “Dalawáng taón ko na siyáng hindî nakikíta,” ibúbulóng ng babáe sa haráp ng pangablán. Hindî tutugón ang pangablán. Gayúnman, mabúbuô ang tápis o alampáy nang dî-ináasáhan; at isáng umága’y tatahól ang matatapát niyáng áso, nang mínsang malígaw ang dáyong nagháhanáp ng binakól na warì’y álaála ng nawáwalâng kabiyák.

Alimbúkad: Epic weaving poetry challenging the world. Photo by Agung Pandit Wiguna on Pexels.com

Wika ng Piloto, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Píloto

Roberto T. Añonuevo

Makápupúlot ka ng esotérikong kalatás, na kasíngtandâ ng mga digmâan, at maísasálin itó ni Pierre Louÿs sa ganitóng paraán: “Nágdaramít ang árkipelágo sa anyô ng sarì-sarìng punongkáhoy o gusalì, at nágtatanghál ng mga bungangkáhoy at bulaklák o bánderítas at watáwat. Lumalátag doon nang maága ang takipsílim, at sa malayô’y higít yáong nagyayabáng sa bíhis na mga hiyás na kumíkisláp-kisláp na tíla hindi nagmulâ sa mga bintanà at lansángan, at hálos tumbasán ang mga bituín. Ngúnit ikáw, gáya sa bátis ni Bilitis, ay pipilìing hubarín ang lahát ng bumábagábag sa lóob at máglalakád na párang nakikípagtálik sa karimlán. Anó kung hindi makíta ang tirík na tirík mong súso? Másasalát ko iyán. Anó kung walâng makápansín na kasímpulá ng katás ng dúhat ang iyóng labì? Máhahagkán ko iyán. Anó kung páalúnin ng hángin ang mahabà mong buhók? Másasamyô ko iyán. Walâng ináng tatangáy sa iyó doón sa napakáiláp na gabí, at mághahatíd sa lugód na lampás lángit kundî akó, at kung itó’y muntîng pagsísinúngalíng, sabíhin, áking mahál, sabíhin sa ákin ang totoó na párang pagsasálin ng sálin ng kathâng huwád at balighô, mariníg man iyón ni Pedro at ipakálat na tsismís ni Luis.”

Alimbúkad: Epic raging poetry transmutation. Photo by Frans Van Heerden on Pexels.com

Mensahe mula sa Martir, ni Mbarka Mint al-Barra’

Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John Mitchell

Mensahe mula sa Martir

Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com

Bagong Búhay, ni Dante Alighieri

Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Búhay

I

Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.

II

          Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako!  Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.

III

          Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.

Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.

Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.

          Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.

          Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.

Alimbúkad: Poetry online translation revolution staring at you. Photo by Pixabay on Pexels.com

Sentrong Pamilihan, ni Tendai Kayeruza

Salin ng “Shopping Centre,” ni Tendai Kayeruza ng Zimbabwe
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sentrong Pamilihan

 Nakasusulások ang panghi ng mga ihì
 sa likod ng mga tindahan ng alak;
 gabundok ang talaksan ng basura sa likod
 ng mga puwesto sa palengke,
 habang abala sa suki ang mga tindera.
 Isang bungangera ang bumuga ng mura
 sa isang lasenggo na sakál-sakál ang bote 
 ng serbesa at nakalaylay sa mga labi nito
 ang halos maupos na sigarilyo,
 ngunit ni hindi ito makaganti ng salita.
 Sabik na pumalibot ang mga bata sa lasing,
 at ang iba’y pabirong pumukol ng bato.
  
 Malapit sa tabi ng siraulo’y may kung sinong
 abalang-abala sa trabaho, habang nililikom 
 ang mga upos ng sigarilyo at hungkag na lata.
 Mag-ingat sa kaniyang walang habas na salita
 na puwedeng lumabas sa bibig niyang kakatwa.
 Doon sa sulok, lumitaw ang mga wáis kong ate,
 na hapít na hapít ang kahanga-hangang damít,
 kumekembot at pinaaalon ang mga puwit
 na pinalakpakan ng mga lalaking nag-iinuman,
 nang-uudyok ang mga titig
 na handang magpatomà at mag-ihaw ng karne.
  
 Mga kapatid ko’y paikot na nakaupo lahat
 sa abandonadong terminal ng bus,
 hali-haliling tumatagay ng bawal na serbesa
 mula sa marurungis na basurahan,
 samantalang nakikipagsugal 
 at paldo-paldo ang perang nakalatag sa sahig.
 Hindi ko alam kung saan nila kinuha iyon,
 gayong lahat naman sila ay tatambay-tambay.
  
 Tumawid ako. 
Alimbúkad: Hungry young poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pag-usapan natin ang bagay na ito, ni Hafiz

Salin ng tula ni Hafiz [Shams-ud-din Muhammad Hafiz] ng Iran
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa halaw sa Ingles ni Daniel Ladinsky
  
 Pag-usapan natin ang bagay na ito
  
 May isang Marikit na Nilalang 
 na namumuhay sa guwáng na hinukay mo.
  
 Kayâ tuwing sasapit ang gabi,
 naghahandog ako ng mga prutas at butil
 at mumunting palayok ng alak at gatas
 sa tabi ng iyong tumpok ng lúad,
  
 sakâ magpapakawala ng aking awit.
  
 Ngunit aking sinta,
 ayaw mong dumungaw man lang sa bútas.
  
 Nahulog ang aking loob sa isang Tao
 na nagkukubli sa kaloob-looban mo.
  
 Dapat pag-usapan natin ang bagay na ito.
  
 At kung hindi magkakagayon,
 babantayan kita rito sa habang panahon. 
Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Dany Teschl on Pexels.com

Epitapyo sa panahon ng digmaan, ni Marguerite Yourcenar

Salin ng “Epitaphe, temps de guerre,” ni Marguerite Yourcenar [Marguerite Antoinette Jeanne Marie Ghislaine Cleenewerke de Crayencour] ng France

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Epitapyo sa panahon ng digmaan

Sinalpok ng bakal na hulog ng langit

Itong babasaging estatwang marikit.

Alimbúkad: Epic strength in small things. Photo by Alain Frechette on Pexels.com