Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon

Ngayong Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagang K-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.

Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.

Sa unang araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.

Pagtutuunan din sa kumperensiyang “Sawikaan”ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.” Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,”  “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.

Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA),  National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).

Para sa kompletong detalye, mag-email sa fitsawikaan2012@gmail.com o tumawag sa 547-1860 o  sa 09237395248.

SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

Salita ng Taon 2009

“Bayani” ang isa sa mahahalagang Salita ng Taon 2009, at ito ay kinakatawan ng gaya ni Efren Peñaflorida na kinilala ng CNN. Si Peñaflorida ang nagpakilala ng edukasyon sa pamamagitan ng kariton, at sa pagsugpo sa kultura ng tambay at maton na malaganap umano sa kaniyang lugar. Kahanga-hanga ang pagwawagi ni Peñaflorida, samantalang ibinubunyag ang kahinaan ng pamahalaang ito na maglaan ng sapat na pondo, tauhan, at pasilidad sa mga dukhang estudyante upang makapag-aral at makatapos ng pormal na edukasyon.

Kung ang target ng kariton ay malikom ang mga kabataan palayo sa kultura ng maton at tambay ay magandang proyekto. Panandalian ang ganitong proyekto, dahil ang mga gumigimik na kabataan ay karaniwang sa gabi naglalakwatsa kung hindi man nagtatrabaho; at kung gumising ay halos tanghalian na. Ang target ng pangkat ni Peñaflorida ay mahihinuhang nasa edad 9–12 taon, at ang kariton ay naghahain ng oportunidad upang magbasa ng aklat, kumutingting ng laruan, magpalunas ng mumunting sugat, at magbigay ng payo na maaaring may kaugnayan sa pagkatao at pamilya.

Ang edukasyon sa pamamagitan ng kariton ay pangarap na dapat iangat sa mataas na antas. Maaaring sa susunod na panahon ay hindi na malalaking paaralan ang kailangan, kundi maliliit na sangay ng paaralang tumutugon sa pangangailangan ng mga kabataan at pamayanan. Sinusuri kahit ang mga inilalakong aklat at babasahin, dahil kung ang mga teksbuk at babasahing patakbuhin lamang ang makikita sa kariton ay magsisilbing tulay pa ang kariton sa pagpapalaganap ng mga basurang kaisipan. Inaasahang matuturuan din ang mga bata na magtaglay ng kasanayan, at ang kasanayang ito, panandalian man o pangmatagalan nilang magagamit, ay dapat alinsunod sa hinihingi ng kanilang pamumuhay.

Nagbibigay ng pag-asa ang kariton sa mga dukhang kabataang salat sa oportunidad na makapag-aral. Subalit makapagbibigay din ang kariton ng balighong pag-asa kung ang edukasyon ay mananatiling nasa antas na pangkalye lamang, at hindi na maitutuloy tungo sa higit na kapaki-pakinabang na paraan. Nagtuturo ng sigasig ang kariton kung paano dapat aktibong kumilos ang pamahalaang ito para tugunan ang pangangailangan sa edukasyon. Ngunit nagbibigay din ito ng halimbawa kung paano iaasa sa kariton ang edukasyong hindi makasasabay sa mabibilis na pagbabago sa lansangan at lipunan. Ang kariton ay dapat sipatin na isang hakbang pasulong, at kung hindi ito tuloy-tuloy na maisusulong tungo sa matataas na larang, ang edukasyon ay mauuwi sa pagiging panakip-butas lamang.

Maiuugnay din ang salitang “bayani” sa pangalan ni Manny Pacquiao. Ngunit ang pagkabayani ni Pacquiao ay nasa personal na antas, at siya bilang sagisag ng bayan ay ginagamit sa pakikipagbakbakan na ang ultimong tagumpay ay nasa pagpapabuwal ng kalaban sa pamamagitan ng suntok at pagkakamit ng pitong titulo sa pitong timbang na dibisyon.  Sa puntong ito, ang pagkabayani ni Pacquiao ay masisipat na pang-isahan lamang, at lumalawak lamang ang pakahulugan dahil sa pagkasangkapan kay Pacquiao bilang sagisag ng Filipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Inaangkin si Pacquiao ng taumbayan na pandaigdigan ang kalibre at husay bilang atleta, at ang ganitong pagpapahalaga ang nagpapanibago sa sagisag kay Pacquiao mulang personal tungong panlipunang konsepto ng bayan.

Maiuugnay din ang salitang “bayani” sa naganap na masaker sa Maguindanao. Pinatay ang 57 katao ng mga pinaghihinalaang bataan ng pamilya Ampatuan, at may kaugnayan ito sa politika. Ang mga tao na ibig sumalungat sa Ampatuan sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ay maituturing na bayani, dahil ang sakripisyo nila ng buhay ay sa layong makamit ang kalayaan, katarungan, kapayapaan, at kaunlaran sa Maguindanao nang higit sa kayang itakda ng buong lipi ng Ampatuan. Sa pagkakataong ito, ang konsepto ng “bayani” ay hindi lamang pang-isahang tao, gaya ng kay Peñaflorida o Pacquiao at alinsunod sa pananaw ng mga Amerikano. Ang bayani ay pangmaramihan, gaya ng mauugat sa salitang “bayan” mula sa “bayan+i”. Binuksan ng masaker sa Maguindanao ang iba pang kaugnay na usapin, gaya ng pag-iimbak ng armas, pagtatatag ng mga pribadong sandatahang hukbo, monopolyo sa kapangyarihan ng isang pamilya sa pamahalaang lokal at negosyo, pakikipagbakbakan sa mga separatistang MILF, at pagpapataw muli ng Batas Militar sa buong lalawigan. Sa pagkakataong ito, ang konsepto ng “bayani” ay lumalampas na sa hanggahan ng Maguindanao, at umuukilkil sa kamalayan ng buong bansa. Hinihimok ng panahon na gumising ang taumbayan sa malaong pananahimik, at wakasan ang paghahari ng dahas at kasakiman ng iilang tao lamang.

Lumutang ang salitang “bayani” nang may magpanukalang gawing pambansang bayani si Pang. Corazon Aquino nang yumao ito. Marami ang nagpasalamat kay Aquino bilang pangulo, at ibinandila ng mga dambuhalang network ng telebisyon, radyo, at pahayagan ang pakikibaka niyang matamo ang “demokrasya” sa Filipinas. Ngunit ang pagkabayani ni Aquino ay umuungos sa ambag ng taumbayan sa gaya ng Aklasang Bayan sa EDSA. Hindi magtatagal ang halina ni Aquino, at ang pinakasukdol ng kaniyang paggamit sa lakas ng taumbayan ay mabibigo nang sumuporta siya sa pagpapanatili ng base militar ng Estados Unidos sa Subic at Clark, o kaya’y sa kahinaang pahupain ang galit ng taumbayan nang paslangin sa Mendiola ang may 13 magsasaka at masugatan ang 80 kataong humihingi ng reporma sa lupa. Mabibigong maipasa sa senado ang bagong tratadong militar ukol sa base; at iiral ang usapin sa asyenda Luisita na halimbawa ng pagpapahalaga sa repormang agraryo. At magbabalik lamang muli si Aquino upang makilahok sa ibang pampolitikang usapin, gaya ng malawakang pandaraya sa halalan at pagtuligsa sa malawakang korupsiyon sa pamahalaan noong administrasyon nina pangulong Fidel Ramos, Joseph Ejercito Estrada, at Gloria Macapagal Arroyo.

Pinakamagandang halimbawa ng “bayani” ang masisilayan sa nakaraang mga bagyong gaya ng Ondoy at Pepeng na humagupit sa bansa. Ang malawakang pagkasalantang dulot ng pagbaha, pagguho ng mga lupa, at pag-ulan ng siyam-siyam ay gumising sa taumbayan para tulungan ang kapuwa Filipinong nasa bingit ng panganib o kamatayan. Pambihira ang pagbabalikatan ng mga tao mulang artista at politiko hanggang mga karaniwang tao; ang paghahatid ng mga serbisyo, pagkain, gamot, at iba pang kaugnay na kagamitan; ang pagbubukas ng mga tahanan at gusali; ang pagsasalusalo para mairaos ang gutom at sakit ng mga bakwet at sawimpalad. Maraming Filipino ang nagboluntaryo sa iba’t ibang paraan, hindi alintana kung wala mang salapi, ang mahalaga’y maipaabot kahit ang munting serbisyo na makatutulong sa pagtitindig muli sa buhay ng mga nasalanta.

Ang konsepto ng bayani ay dapat muling isaalang-alang ngayon. Ang bayani ay hindi dapat makulong sa iilang tao lamang; ang bayani ay dapat matuon sa buong bayan. Ang “bayani” ang iminumungkahi kong maging Salita ng Taon ngayong 2009.