Wika ng Sining, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Síning

Roberto T. Añonuevo

Sumasápit táyo sa wakás, na hindî talagá wakás, sapagkát kailán pa namatáy ang mga bathalà? Paná-panahóng itinátakwíl ang isáng bathalà, na tinátapyás ang ilóng ng rébulto kung hindî man sinusúnog ang dambanà nitó, tuwíng may bágong mga mánlulúpig ngúnit magbabalík siyáng umáalimbúkad na salitâ na mangánganák ng mga salitâ na higít sa káyang lamanín ng díksiyonáryo—lumúlundág sa báwal, lumálagók ng láson, lumálagót sa batás—at láhat ng sumumpâ sa kaniyá ay lílibakín niyá gáya sa épiko na nagkúkunwáng pulút kung hindî man pigíng, hanggáng magíng lángit na pahiwátig ang lumálagabláb na lungsód sa pagkáligálig. Hiníhingíng mabalíw ang maláwak na madlâ nang maníwalà itóng walâng tulâ noóng úna pa man. Hindî nágkukublí sa likód ng telón, ni walâng kristál na kahón, ang bathalà’y hindî nalúlungkót ni nalúlugód, ngúnit batíd ang íkot at tóki ng paglálakbáy túngo sa ibá-ibáng panahón at ibá-ibáng poók, walâng pakíalám kung sambahín siyá ng mga déboto sa pinakámatáyog na kamalayán. Kinákailángan bang magtayô ng tuláy ang mga bathalà sa hanggáhan ng talíno at gunitâ ng kasálukúyan? Hindî. At hindî rin kailángan ng túnay na bathalà ang sinúmang magpapáliwánag sa kaniyáng pagkábathalà, íyan ay tungkúlin ng mahílig maghalúkay sa mga ímpiyérno at libíngan ng mga rékwerdo. Umiíral ang mga bathalà hindî úpang sambahín o puríhin, sapagkát sapát na sapát na silá sa saríli, ang tulâ na higít sa makatà. Hindî magíging bathalà ang makatà; ngúnit málilikhâ ng tulâ ang pagpápalàin nitóng magíng ínmortal sa paningín ng madlâ. Samantála, dumáratíng táyo sa yugtô na hindî nakápirmí, párang panánagínip ng digmâan at pág-uuwî ng mga kulimbát, at pagtátawánan siláng nag-íimbót sa luklúkan at kapirásong lupà, o nagháhanáp ng higít na maluwág na bulwágan, na párang walâng términal ang kapángyaríhan. Ang túnay na mga bathalà’y lasíng na lasíng nang hindî kumókonsúmo ng ngangà o lambanóg, paláboy ngúnit pag-áarì ang ibá’t ibáng nasyón, lumílipád ang ísip pára mágpaúbayà sa ibáng ísip, nang mataúhan ang mga ísip na may ísang nág-isíp, na hindî man matúkoy kung kailán nágsimulâ at kung alín ang wikà ay hindî natatákot umísip ng anumáng karápat-dápat pagniláyan ng nagmámasíd sa daigdíg. Mahabàng panahóng nápaníwalà ang mga sálinlahì sa ságradong aklát, na iisá ang bathalà ngúnit may tatlóng pílas o kayâ’y may tatlóng líbong pangálan sa tatlóng líbong perégrinasyón, at sa pag-áaníto ng mga debóto ay inákalà nilá na káhit ang mga bathalà’y nag-aáway at nanghíhimások nang maítanghál ang kaniláng pagkábathalà at maígiít ang paglíligtás. Ang túnay na bathalà’y hindî nangángambá sa paghuhukóm. Ang bathalà kapág nagbanyúhay na salitâ ay kailángang íwan ang pagkátunóg hábang nanánatíli ang guníguníng hímig, sakâ magíng títik o hulagwáy na maisísilíd sa papél. Nakabábató ang éternal na búhay. Kailángang humánap ng kaní-kaniyáng papél ang mga bathalà, gáya nátin, nang káhit paáno’y maípagdíwang ang likót ng mortál at luwálhatì ng sandalî.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry at the edge of the world. Photo by Isabella Mariana on Pexels.com

Deepfake, ni Roberto T. Añonuevo

Deepfake

Roberto T. Añonuevo

Tinanggap niyang mangmang siya noong una pa man, at nangibang-bayan isang araw, saka nagsikap ipaloob sa mga kuwaderno ang kakambal na hulagwáy ng mga numero at simbolo. At doon, may súkat, disenyo, at repetisyon ang lahat, at ang espasyo ay pormula na párang paglalakad sa pasikot-sikot na gubat, hanggang sumapit sa bangin na ang anino’y lulukob sa isang mundo. Ang mga numero at simbolo, na waring hukbong sandatahan, ay ginagaya rin ang mga titik at bantas, na sa tumpak na kombinasyon, ay makabubuô ng tunog at indayog, makabubuô ng mga salita at palugit, makabubuô ng mga parirala at sanga-sangang pahiwatig, na may kakayahang lumusob o umurong sa larangan, at pawang malayang gamitin ninuman sapagkat walang taglay na moralidad. Tinitingalâ niya ang langit ngunit ang simetriya ng mga bituin ay nasa dingding ng kaniyang gunita at guniguni—nanghihimasok at nangungulit para isulat pagkaraan sa duguang sahig o papel—at isang katwiran si Namagiri sa paglundag sa hanggahang nagbubukod sa pagbibiláng at pagkagutom.  Ang súpot ng karimlan, na lumulunok sa mga bulalakaw at planeta, ang nakalululà, nakatatastás sa kaniyang baít; gayunman, ito rin ang palaisipan na hindi nagpapatulog sa sinumang nabighani sa naturang diwain, hindi man siya si Ramanujan, na nagbabalik sa sariling bayan upang isadula ang paulit-ulit na pagkamatay, kahit siya ay isa nang inmortal.

Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Julia M Cameron on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Elehiya sa Silid-aralan, ni Anne Sexton

 Salin ng “Elegy in the Classroom,” ni Anne Sexton ng USA
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Elehiya sa Silid-aralan
  
 Sa isang payak na silid-aralan, na ang mukha mo’y
 maringal at katumbas ng lahat ng bagay ang mga salita,
 natagpuan ko itong tabatsoy na humalili sa puwesto mo;
  
 at naghunos kang magulo, at tumatalungko sa pasamano,
 at hindi masasalungat ang pagkakaluklok doon,
 gaya ng malaki, matabang palaka,
 na minamasdan kami samantalang nakahugis V
 ang de-lanang mga binti.
  
 Gayunman, dapat kong hangaan ang iyong kahusayan.
  
 Kaaya-aya sa sinop ang kabaliwan mo.
 Hindi kami mapakali sa aming mga upuan
 at nagkukunwang iniisa-isang ilista nang pahanay
 ang katotohanan ng iyong bigating kulam
  
 o balewalain ang mapintog, bulag mong paningin
 o ang prinsipe na kinain mo kahapon
 at siya pa namang mautak, mautak, mautak. 
Alimbúkad: Unbreakable poetry soul. Photo by Tima Miroshnichenko on Pexels.com

Ilang Silbi ng Dahon, ni Don McKay

Salin ng “Some Functions of a Leaf,” ni Don McKay ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ilang Silbi ng Dahon

Bumulong. Pumalakpak sa hangin
at ikubli ang pipit.
Hulihin ang liwanag
at paganahin ang payak na gayuma ng fotosintesis
(paumanhin, ginoo, kung isa lamang ang salita)
na nagpapabanyuhay dito na maging kahoy.
Maghintay
na handang magpakain
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at maging pagkain.
Mamatay nang may estilo:
gaya ng punongkahoy na umurong sa loob ng sarili,
ipinipinid ang mga balbula
sa mga galamay nito
. . . . . upang gutumin sa teknikolor, at pagkaraang
magsilbi nang dalawang oras sa tumpok ng dahon
ng mga bata ay marahang
kakanawin ang mga bitamina nito tungo sa lupa.

Upang maging alagad ng sining ng mortalidad.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Vanessa von Wieding @ unsplash.com

Ang Sabi ng Epal

Ang Sabi ng Epal

Nasasabik ka rito para sa pagmamahal
sa katwirang mahal ang bayan,
ngunit ang mga tao’y nalilipol
gaya ng libo-libong anay at langgam
nang walang kamuwang-muwang
nang walang kalaban-laban
nang walang taros, walang patawad
kapag sumasalakay ang mga alagad
ng kawalang-batas
at lumulubha ang pulmonya ng bansa.
Lumusog ba ang ekonomiya sa digma
laban sa taumbayan?
Kung bagong lipunan ang pagdurog
sa oligarkiya,
bakit dumarami yata ang iyong kakosa?
tanong ng rumarapidong komentarista.
Ikaw na may karapatan para sa buhay
ay napaglalaho ang mga karapatan
ng lahat ng sumasalungat sa iyo.
Ubusin ang adik at ubusin ang tulak
ay pag-ubos din sa abogado at aktibista,
sa guro at trabahador,
sa alkalde at negosyante,
sa pahayagan at network ng telebisyon,
sa lahat ng kritiko at reklamador,
at kung ang mga ito’y guniguni,
ano’t nasasaksihan namin
sa mga sumisikip na bilangguan
at sa mga katawang tinatakpan
ng mga peryodiko
ang espektakulo ng kabangisan?
Umuurong ang bayag ng mga politiko
sa pambihira mong paninindak,
kaya dumarami ang mga tuta mo’t kuting.
Digma ka nang digma
at nakaiinis na ang talumpati sa mga dukha.
Naubos na ang aming mga luha.
Naubos na ang aming pagtitimpi.
At kung ubos na rin ang pagtitiwala,
bakit magtataka kung ibig ka naming
bumaba mula sa iyong paniniwala
na ikaw ang trono, at sandatahang lakas
ang magtatakda ng iyong pananatili
sa puwesto at singil gaya sa impuwesto?
Mahal mo ang bayan; at ikaw, wika mo,
ang bahala sa iyong masunuring tropa.
Tinuruan mo sila sa yaman ng estadistika
ng mga bangkay, hindi alintana
ang mga naulila at nawasak ang dangal.
Pinalusog mo sila sa mga pangako
ng ayuda at sandata
upang ibalik sa amin ang pagwawakas.
At kapag nagsalita ang batas,
hindi ba ang hukom ay maaaring matodas?
Ikaw na aming tinitingala
ang sapatos na yuyurak sa aming mukha.
Ngunit dahil isa ka ring inutil
sa harap ng barkong Intsik at diplomasya
ng suhol at kawanggawa,
tutulungan ka namin sakali’t magkasakit.
Nararapat sa iyo ang regalong himagsik—
sa anyo man ng karikatura at gusgusing
karatula at pagtiktok kahit sa kubeta,
sa anyo ng apoy at ulan ng mga salita
na gaya nito’y nagtatangkang maging tula.

Alimbúkad: Poetry voice matters. Photo by Chris Curry @ unsplash.com.

Mga Ama, mga Anak, ni Tom Leonard

Salin ng “Fathers and Sons,” ni Tom Leonard ng Scotland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Ama, mga Anak

Natatandaan kong ikahiya ang aking ama
noong pabulong niyang bigkasin nang malakas
ang mga salita habang nagbabasa ng diyaryo.

‘Hindi ka ba nasisikil
sa paggamit ng palabigkasan ng wikang urban?’
tanong ng isang kasapi ng mga manonood.

Tapos na ang pagbabasa ng mga tula.
Uuwi na ako kasama ang mga bata.

Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through poetry. Photo by Tim Mossholder. Yes to poetry, no to foreign occupation of the Philippines. No to military junta. No to fake revolutionary government.

Pipi, ni Margaret Atwood

Salin ng “Mute,” ni Margaret Atwood ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pipi

Magsalita o manahimik: muling lumilitaw ang tanong kapag namalayang lumabis na naman ang nasabi mo. Isa na namang kuyom sa mga pangngalan, isang dakot: masdan kung paano nila pinipili ang mga ito, ang mga mamimíli ng mga salita, kumukurot dito at doon upang tingnan kung may gurlis yaon. Hindi nakalalamáng ang mga pandiwa, iniikid nila ang mga ito, pagdaka’y ilalarga, pag-aagawan sa mesa, iikirin muli nang mahigpit, at malalagot ang ispring. Hindi mo matatanggap ang isa pang tula ng ispring, tatanggihan ang mga nakataling patinig, tatanggihan ang gasgas na salitang berde na taglay nito, hindi sa iyo, hindi sa mga langgam na gumagapang sa kabuoan nito, hindi sa ganitong pagkapeste. Merkado ito at may batik ng langaw; paano hinuhugasan ang wika? Naroon ang umpisa ng mabantot na amoy, maririnig mo ang mga atungal, may kung anong nilalamon, na nagiging malimit. Ramdam mong nabubulok ang iyong bibig.

. . . . . .Bakit ka makikisangkot? Makabubuti kung umupo sa gilid, sa bangketa sa lilim ng tabing, nakatukop ang mga palad sa bibig, tainga, mata, at may baso sa harap mo na huhulugan o hindi huhulugan ng barya ng mga tao. Pakiwari nila’y hindi ka makapagsalita, naaawa sila sa iyo, ngunit. Ngunit naghihintay ka ng salita, ang salita na sa wakas ay magiging tumpak. Isang tambalan, ang salinlahi ng búhay, putik, at liwanag.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Radu Stanescu.

 

Kung ang Araw Noon, ni Roberto T. Añonuevo

Kung ang Araw Noon

Roberto T. Añonuevo

Kung ang araw noon ay araw ngayon,
malalasing ako sa iyong mga salita
na ang totoo’y ang iyong hulagway;
at ang oras ay tatakbo,
tatakbo nang tatakbo, nang hindi
nababahala
sa magaganap sa iyo o kaya’y sa akin,
at kapuwa tayo magpapahiwatig
na parang mga bituin,
kumikislap ngunit hindi umiimik,
at sa gitna ng dilim
ay tumitibok ang malawak na espasyo.

Magsasalita ka at makikinig ako;
o magsasalita ako at makikinig ka,
at anuman ang mapag-usapan natin
ay magsasara ng berso o uniberso—
isang dambuhalang anyo ng bayawak
na iginuhit paukit sa noo ng bundok
para sa isang hapunan o kaarawan.
At wala nang ibang mapapansin
(kahit nasa tabi ang mga bathala)
malango man ang lahat ng nakatingin.

Ngunit ang panahon ay nakaiimbento
ng mga lihim na laberinto at medida,
sumusubok sa baitang o bulaklak,
naiiwang katakatayak at disyerto,
nagtatayo ng parmasya o aklatan
sa dalawampung minuto,
hindi nagsisisi sa dugo o ihi o batik,
at sumusuway sa sinaunang simoy
at pangako,
na parang pelikula o hudhud
na umaandar at tumatanggi sa wakas.

Ang araw na ito ang araw din noon:
Isang sinasagupang bagyo o nakaiinip
na kuwarentena
na sinasadya at dahilan sa isa’t isa.
At babalikan ang mga lumang retrato,
aapuhapin ang artsibo ng mga lakad,
upang sabihing
sariwa ang ngiti at tama ang timbang,
at itim na itim
ang buhok na humaba sa paghihintay.

Iniiwan tayo ng panahon
na hindi lingid sa atin
kahit ibig nating humabol at tumutol.
Isang araw ay lilitaw at lilitaw ang bagong
ako at ikaw,
na lumalampas sa hilaga at timog,
hungkag na hungkag ngunit sapat,
na iba ang mga pangalan at edad,
marahil ay nasa ibang planeta,
naglalakad,
nagbibiruan,
ikinakasal na waring mga tikbalang
sa punto blangko
ng hinaharap—
at lumilikha ng kakaibang epiko
para sa mga salitang ikaw, ako, mahal.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Sa pagsasauli ng orihinal na tulang hindi sa akin, ni Roberto Fernández Retamar

Salin ng “Al devolver el original de un poema que apenas es mío,” ni Roberto Fernández Retamar ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa pagsasauli ng orihinal na tulang hindi sa akin

Siya ang sumulat ng mga bersong sinipi ko.
Ito ay mula sa mga imbentor at nagpapanariwa ng mga salita.
Ito ay mula sa tao na masigasig na itinago yaon at sakim
magpamigay.
Ito ay mula sa kung sinong nagpasiyang ipamahagi yaon.
Ito ay isa pang anyo ng pagkakataon.
Ito ay binagong ilusyon na pagganap sa papel ng mga bulaklak.
Ito ay himpilan ng pag-asa.
Ito ay hinggil sa mga mata.
Ito ay maaaring kabulaanan.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity