Silip sa Estado ng Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Magiging kapana-panabik ang nakatakdang pagdinig sa Kongreso para suhayan ang pagbabatas matapos pagtibayin ang House Resolution No. 239 ni Kgg. Rep. Edcel C. Lagman ng Unang Distrito ng Albay. Ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat na muling maitampok sa lipunan, hindi lamang para muling sumikat bagkus para sagutin ang maling paratang na may kaugnayan sa batas kontra terorismo. Magkakapuwang din ang larang ng edukasyon na muling balikan ang pagpapahalaga nito na ipinapataw sa wika at panitikan, lalo’t ngayong pinaiikli at kumikitid ang pag-aaral hinggil sa mga panitikang sinulat mismo ng mga Filipino na magagamit sa sekundarya at tersiyaryang antas. Makatutulong pa ang pagdinig sa gaya ng Commission on Human Rights (CHR), sapagkat maaaring matalakay na ang pagtatamo ng matitinong panitikan ay isang importanteng karapatang dapat taglayin ng mga Filipino. Makatutulong ang pagdinig kahit sa mga alagad ng batas at kasapi ng NTF-ELCAC upang magkaroon yaon ng malawak na pagtanaw sa dinamika ng mga ugnayan sa mga manunulat at palathalaan. At higit sa lahat, magkakaroon ng pagkakataon na muling sipatin ang lagay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na sa mahabang panahon ay napabayaan kung hindi man hindi binigyan ng pagpapahalaga ng Tanggapan ng Pangulo.

Nakalulugod na nagkakaisa ang maraming organisasyon kapag sinaling ang mga manunulat sa isang panig, at ang panitikang Filipinas sa kabilang panig. Ang naturang pagtutulungan ang modernong pagbabayanihang banyaga sa bokabularyo ng mga burukrata. Ang limang manunulat na napasama ang mga akda sa sensura ay metonimya lamang sa malawak na problemang panlipunang may kaugnayan sa karunungan, katarungan, at kalayaan sa malikhaing pagsusulat at paglalathala. Ang mga manunulat ay wari bang isang uri ng nilalang na malapit nang maglaho, ang pangwakas na dulugan ng madla bago ito ganap na mabaliw sa kaululang lumalaganap sa lipunan. Malaki ang naiaambag ng mga manunulat para lumago ang kultura at kabihasnan, at ang mga sinulat nila’y kayang tumawid sa iba’t ibang panahon, na siyang magpapakilala sa ating pagka-Filipino at pagkatao. Samantala, ang panitikan ang di-opisyal na panukatan kung gaano kasulóng at katáyog ang bansa, at maiuugnay yaon sa wika o mga wikang ginagamit sa iba’t ibang diskurso.

Bagaman tumanggap ng maraming batikos ang KWF, ang positibong maidudulot nito’y mailalagay muli ito sa sentro ng atensiyon ng publiko, at mababatid ng lahat na napakahalaga ang tungkulin nito para sa pagtataguyod ng kabansaan. Sapagkat kung walang mangangalaga sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, hindi lamang mabubura ang kaakuhan ng Filipino bagkus mawawalan ito ng haligi sa pagpupundar ng modernong kaisipang magagamit ng mga mamamayan. Ang mga wika ng Filipinas ang malig ng kapangyarihan; tanggalin ito ay napakadaling magpalaganap ng katangahan o kabulaanan.

Hindi batid ng nakararami na ang KWF ay may maningning na nakaraan. Bago pa ito naging KWF ay dumaan ito sa pagiging Institute of National Language, na higit na makikilala bilang Surian ng Wikang Pambansa, na pagkaraan ay magiging Linangan ng Wika sa Pilipinas (LWP), at matapos pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ay magiging KWF noong 1991. Ang mga tao na nasa likod ng mga ahensiyang ito ay mga de-kalibreng manunulat, editor, dalubwika, politiko, akademiko, at tagasalin, gaya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iňigo Ed. Regalado, Norberto Romualdez, Filemon Sotto, Wenceslao Q. Vinzons, Jaime C. de Veyra, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Ponciano BP. Pineda, Bro. Andrew Gonzalez, Florentino H. Hornedo, Bonifacio Sibayan, Fe Aldabe-Yap, Fe Hidalgo, Virgilio S. Almario, at marami iba pang maibibilang sa roster ng Who’s Who sa Filipinas.

Maaaring maitanong sa pagdinig kung angkop pa ba ang Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa KWF, at siyang panuhay sa itinatadhana ng Artikulo XIV, Seksiyon 9 ng 1987 Konstitusyon. Sa aking palagay ay oo, ngunit may pasubali. Oo sapagkat kinakailangan talaga ang isang ahensiyang pananaliksik na magsusulong ng Filipino at mga wika sa Filipinas, bukod sa kinakailangan ang isang magtutulak ng mga pananaliksik at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, ahensiya, institusyon, at tao hangga’t hindi pa sumasapit ang Filipino at ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, alinsunod sa pakahulugan ni Bonifacio Sibayan.  Ngunit limitado ang kapangyarihan ng KWF, na tinumbasan ng maliit na badyet na halos pansuweldo lamang sa mga kawani, at ni hindi nito kayang magpulis para pasunurin ang publiko sa paggamit ng mga wika. Magagawa lamang nitong maging patnubay sa mga tao sa paglinang at pagpapalaganap ng mga wikang makapagsisilbi at makatutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa ganitong pangyayari, sablay ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng limang aklat na subersibo umano dahil gumaganap na ito bilang pulis pangwika na waring gumaganap din bilang ahente ng pambansang pulisya at sandatahang lakas ng Filipinas.

Ngunit kung nagagampanan ba ng KWF ang tungkulin nito nang katanggap-tanggap ay isang mabigat na tanong. Una, ang pasilidad nito ay nakaiwanan na ng panahon, sapagkat napakasikip, at hindi angkop para sa isang ahensiyang may mandato sa pananaliksik pangwika. Noong pumasok ako bilang nanunungkulang Direktor Heneral sa KWF noong 2010, sinikap kong mapalaki ang tanggapan kaya sinulatan ko nang ilang ulit ang Tanggapan ng Pangulo ngunit palagi akong bigo. Noong patapos na ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino, nakipagpulong si Assec Ed Nuque sa mga kinatawan ng mga ahensiyang nasa ilalim ng Sining at Kultura, at tinanong niya ako kung ano ang hihilingin ko bago bumaba sa tungkulin si PNoy. Sabi ko, ibigay na lamang po ninyo sa amin ang kalahating panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson para lumuwag ang KWF. Hindi naman ako nabigo; at pagkaraan ng ilang linggo ay may dumating na sulat na nagsasaad na puwede nang kunin ng KWF ang buong ikalawang palapag ng gusali. Napatalon ako sa tuwa, at hindi ko napigil mapaluha.

Ang totoo’y maliit ang silid aklatan at artsibo ng KWF, at ito ay nakapuwesto pa noon sa isang sulok na waring ekstensiyon [loft] ng ikalawang palapag. Marami akong lihim na natuklasan sa munting aklatang ito, dahil pulos maibibilang sa bibihirang aklat at antigo. Mabuti na lamang ay nailipat ang aklatan sa maluwang-luwang na lugar, sa tulong na rin ni Tagapangulong Almario. Nailipat lamang ang nasabing aklatan nang makuha ng KWF ang kabilang panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson. Nagkaroon din ng espasyo ang KWF para sa mga aktibidad nito, bukod sa nagkaroon ng bulwagan, lugar na pulungan ng mga komisyoner at kawani, dalawang silid para sa mga sangay, at siyempre, isang maluwag na tanggapan ng tagapangulo. Malaki ang naitulong ni Julio Ramos na noon ay puno ng Sangay Pangasiwaan sa pagpapakumponi ng mga nasirang bahagi ng gusali ng KWF.

Pinangarap noon ng KWF ang magkaroon ng bagong gusali. Sa totoo lang, inutusan ako ng Tagapangulo na gumawa ng plano ng gusali na may apat na palapag at sapat na paradahan ng sasakyan. Kumontak naman ako ng arkitekto, at sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang linggo ay natapos ang plano ng bagong gusali—na bagay na bagay sa pangangailangan ng mga kawani. Ngunit nang lumitaw na ang plano ay nagalit pa ang tagapangulo. Ang sabi ay dapat idinorowing ko na lang daw. Ang sabi ko, hindi papansinin ang drowing ko kapag idinulog sa Kagawaran ng Badyet at Pananalapi. Nagtalo pa nga kami ng Tagapangulo, na para bang ayaw pang bayaran ang nasabing plano sa kung anong dahilan, na ikinabusiwit ko. Pakiwari ko, nagpapagawa lang ang aming tagapangulo para ako ipitin ngunit hindi talaga seryoso. Nakipagpulong umano siya sa mga taga-UP Diliman upang magkaroon ng puwesto roong mapagtatayuan ng gusali. Ngunit lumipas ang mga araw at buwan hanggang matapos ang kaniyang termino ay walang nangyari. Hindi ko na alam kung saan napunta sa planong iginuhit ng arkitekto.

Isang problema noon ng KWF ay ang Internet koneksiyon. Ilang beses na naming ipinagawa iyon at paulit-ulit ang problema. May plano ako noon na maging interkonektado ang mga sangay, upang masubaybayan ang mga gawain, makapagpulong kahit onlayn, at matiyak na ang daloy ng papeles ay maayos, lalo yaong ipinadadala sa Kagawaran ng Badyet at sa Tanggapan ng Pangulo. Pangarap ko noong bawasan ang paggamit ng papel, at lahat ay nasa onlayn. Ngunit hindi ito natupad, sapagkat ang mismong gusali ay hindi angkop umano sa gayong sistema; napakaraming kahingian ang hinihingi sa KWF na ewan ko ba at hindi masagot-sagot ng mga tauhang kay sarap sampalukin. Wala pa man si Tagapangulong Almario sa KWF noon ay nagpagawa na ako ng database program para sa onlayn diksiyonaryo, ngunit kung bakit hindi ito natuloy ay ibang istorya na. Kahit ang buong sangay ng pananalapi at akawnting ay pinangarap kong interkonektado, na bagaman may nasimulan at nagamit kahit paano ay hindi nasundan dahil sa mismong baryotikong pasilidad ng opisina. Maliit ang badyet noong panahon ng panunungkulan ni Tagapangulong Jose Laderas Santos. Ngunit maliit ito sapagkat makitid ang bisyon ng nasabing tagapangulo para magsulong ng malawakang pagbabago sa KWF. Mabuti pa noong panahon ni Tagapangulong Almario at lumaki-laki kahit paano, ngunit kung lumaki man ito ay dahil dumami rin ang mga proyekto na nakasalig sa malawakang programa at bisyon, gaya sa patuluyang seminar, kumperensiya, at iba pang konsultasyong makatutulong sa mga guro at eksperto mula sa iba’t ibang larang. Isa pang nakapagpadagdag ng badyet ng KWF ang panukalang pagtitindig ng bantayog ng wika sa iba’t ibang lalawigan, na talaga namang makatutulong sa lokal na turismo, ngunit maaaring lampas na sa orihinal na saklaw ng gawaing pananaliksik ng opisina bagaman sinang-ayunan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang pagpapatupad niyon.

Sa pagdinig sa Kongreso, puwedeng maitanong kung nagagawa ba ng mga komisyoner ang tungkulin nitong katawanin ang wika at/o disipilinang kinabibilangan nila. Kung ang komisyoner ang magiging tulay doon sa mga rehiyon ay mabuti at ideal; ngunit dahil sa kakulangan ng badyet ay malimit ang komisyoner pa ang nag-aambag sa kaniyang gastusin sa pamasahe at pakikipagpulong. Sa tinagal-tagal ko sa KWF, ang ganitong problema ay hindi malutas-lutas at ito ay may kaugnayan sa kung ano ang programang ibig isulong ng mga komisyoner mula sa iba’t ibang rehiyon. Noong panahon ng administrasyon ni Tagapangulong Santos, walang makabuluhang naiambag ang mga komisyoner; at si Santos ay humirang pa ng dayuhang konsultant na isang Tsino na walang alam sa Filipino at ni walang basbas ng Kalupunan ng mga Komisyoner. Noong pinaimbestigahan ko sa Kawaranihan ng Inmigrasyon ay peke pala ang pangalan ng hinayupak na Tsino. Nagsampa ako ng reklamo sa Tanggapan ng Pangulo, ngunit ewan ko kung bakit ni hindi pinansin ang aking reklamo sa kung anong dahilan. Samantala, noong panahon ni Tagapangulong Almario, masipag ang mga komisyoner, kahit paano; at nakabuo pa ng Medyo Matagalang Plano [Medium-Term Plan] na nakagiya sa pangkabuoang programa ng Administrasyong Aquino at nakalahok sa Medyo Matagalang Plano ng NEDA. Hindi mabubuo ang gayong plano kung walang pangungulit at payo ng gaya ni Leonida Villanueva, isang may malasakit na retiradong kawani ng KWF at nakapagbigay ng perspektiba sa mga komisyoner kung paano bumalangkas ng seryosong plano na magagamit ng buong makinarya ng gobyerno. Nagabayan ang KWF dahil sa nabuong plano bunga ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang tao na kumakatawan sa iba’t ibang organisasyon. Lumakas pa ang KWF dahil nirebisa ang Implementing Rules and Regulations [IRR] ng RA No. 7104, mula sa konsultasyon sa iba’t ibang may malasakit ng organisasyon at sa pagtutulungan ng mga komisyoner.

Kung mahina ang network ng isang komisyoner sa rehiyong kinapapalooban niya, malamang na hindi siya makahimok ng pagsasagawa ng mga pananaliksik, halimbawa, sa akademya o iba pang larang. Kailangang mapagtitiwalaan din ang isang komisyoner, na hindi lamang pulos dakdak bagkus may integridad at utak, at tunay na kumakatawan sa wika at disiplina. Nasabi ko ito dahil may ilang komisyoner, na naitatalaga sa posisyon na hindi talaga masasabing kumakatawan sa wikang sinasalita at ginagamit nang pasulat ng mga nasa rehiyon. Samantala, ang isang hindi ko malilimot ay ang Kongreso sa Wika doon sa Bukidnon na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko, mulang Luzon hanggang Mindanao, dahil sa pagpupursige ng gaya nina Kom. Lorna Flores at Kom. Purificacion Delima, at ito ang patunay na kung sadyang nagagampanan ng isang ahensiya ang tungkulin nito, magiging boses ang ahensiyang ito para makarating sa kinauukulan ang hinaing ng mga tao mula sa malalayong lalawigan. Makasaysayan ang ginawang kongreso ng KWF noon (saksi si dating Sen. Bam Aquino at ang kinatawan ni Sen. Legarda), na hindi nagawa kahit ng iba pang ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga pangkat etniko.

Kaya nagkakaletse-letse ang KWF ay dahil hindi malinaw, sa aking palagay, ang transisyon tungo sa susunod na administrasyon. Nagbabago-bago ang takbo ng programa alinsunod sa maibigan ng tagapangulo at kasama nitong mga komisyoner. Kung walang bisyon ang isang tagapangulo ay madaling higtan; ngunit kung makatwiran ang bisyon ng tagapangulo, dapat itong ipagpatuloy anuman ang kulay ng politikang pinagmumulan ng mamumuno alinsunod sa pangkabuoang plano ng gobyerno. Kung nagkakaroon man ng problema sa kasalukuyang administrasyon, ito ay maaaring nagkulang ang maayos na transisyon mulang administrasyong Almario hanggang administrasyong Casanova, na wari bang maraming nangapunit at nagkapira-pirasong pangyayari o gawain, na kung maayos sanang naipasa sa pangkat ng transisyon ang lahat ay mawawala ang sakit ng ulo ng susunod na administrasyon. Kung salat sa bisyon ang Kalupunan, nagiging kampante ang mga kawani na nanganganak ng medyokridad at katiwalaan na siya namang naipapasa sa iba pang susunod na kawani.

Kung magiging seryoso ang mga kongresista sa imbestigasyon sa KWF, marami silang matutuklasan. Isa na rito na interkonektado ang lahat, sapagkat kung noong nakalipas na panahon ay ginagamit umano ng kung sino-sinong nasa kapangyarihan ang KWF para maisulong ang adyenda nila, ginagamit naman ngayon ng ilang opisyales ng KWF ang iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisulong umano ang mahihinuhang mga personal na interes nito. Ang dating maningning na kasaysayan ng KWF ay maaaring tuluyan nang naglaho; ngunit kung sisipatin nang maigi, ang problema ay hindi lamang sa pagpapalit ng mga tao o agawan ng puwesto. Kailangang palitan ang bulok na sistema ng pagdulog sa mga wika dahil hinaharap ng bansa ang mahigit 100 milyong populasyon. Kailangang baguhin ang pag-iisip ng mga kawani na hindi na makasabay sa gawaing pananaliksik pangwika; at ang unyon ng mga kawani nito ay panahon nang matuto para pagsilbihan hindi lamang ang interes ng kapuwa kawani bagkus ang interes ng opisina upang lalong lumago ang mga gawaing pangwika. Kailangang magkaroon ng patuluyan at malawakang programang nakasalig sa isang bisyong tinutumbasan ng badyet para  makaagapay sa pandaigdigang pagbabago. Kailangan ang malawakang network mulang kanan hanggang kaliwa, ang tunay na pagbabayanihan, at hindi na sapat ang limitadong koneksiyon ni Tagapangulong Almario na hirap na hirap makakuha ng tangkilik sa ibang sektor sa kung anong dahilan. Hindi sapat na magkaroon ng sangkaterbang titulo bago pumasok sa KWF. Kailangan ang tunay na malasakit sa Filipino at mga wikang katutubo sa Filipinas, may bait at katutubong talino, handa kahit sa mabagsik na pagbabago, walang bagaheng pampolitika ni nahahanggahan ng ideolohiya at personal na interes, ipagpalagay mang mahirap nang matagpuan ang mga ito sa kasalukuyan. Nakapanghihinayang na hindi iilang matatalino, masisipag, at magagaling na pumasok sa KWF ang napilitang umalis dahil hindi masikmura ang lumang kultura sa loob.

Kapiranggot pa lamang ito ng aking dumurupok na gunita, at hindi dapat seryosohin para ilagay sa kasaysayan ng wika. Wala rin akong balak na siraan ang ibang tao, at ang ibinahagi ko rito ay isang karanasan at pagtanaw, na maaari ninyong bawasan o dagdagan o ituwid, upang higit nating maunawaan ang estadong kinatatayuan ng Filipino saanmang panig ng mundo.

Alimbúkad: A peek into the State of the National Language Commission. Photo by Archie Binamira on Pexels.com

Salita ng Taon: War Docs

War Docs

Tumanyag ang salitang war docs hindi dahil may Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at kinasasangkutan ng China, US, at Filipinas, bagkus sa masigasig na pakikibaka ng presidente na linisin ang bansa mula sa pagkakalulong sa nakababaliw na droga. Tumutukoy ang “war docs” sa tinipil na “war documents” o “drug war documents” mula sa gobyerno na hiniling ng ilang batikang abogado ng FLAG (Free Legal Assistance Group) upang pag-aralan ang mga kasong isinampa sa mga akusadong mamamayang nasangkot sa direkta o di-direktang paraan ng kampanya ng gobyerno upang sugpuin ang paglaganap ng droga sa Filipinas.

Ang mga dokumento ay mga testamento ng karahasan, kung tatanawin sa pananaw ng ilang kritiko; samantalang patunay din ito sa tagumpay ng gobyerno laban sa pagsugpo sa mga sindikato, tulak, at adik na lumalaganap hanggang pinakamababang barangay sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maituturing ding artefakto ang mga dokumento, sapagkat bagaman ang karamihan dito ay inaagiw at natabunan ng alikabok ay karapat-dapat titigan muli sa ngalan ng pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng bawat Filipino.

Sa pagsusuri ng naturang mga dokumento ay maaaring mapansin ang tila pagkakahawig-hawig ng naratibo ng pagdakip o pagpatay sa mga hinihinalang tulak o adik, ani Chel Diokno, at ito ang dapat pagtuonan sa mga pagsusuri.

Kung palalawigin ang napansin ni Diokno, at ng mga kapanalig niya sa FLAG, ang salaysay ng mga pulis laban sa mga akusado ay maaaring sipating kaduda-duda, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng wari’y pro forma na taktika ng naratibo, bagkus wari’y bunga ng pagmamadali na makapagsampa ng reklamo sa hapag ng piskal, at kung may matatagpuang probable cause [posibleng sanhi ng kaso] ay maaaring sampahan ng kaso sa korte ang isang akusado. Ang ganitong obserbasyon ay mapatutunayan kung paghahambingin ang mga naratibo, halimbawa, sa buy-bust operation o sa pagsalakay sa mga tinaguriang drug den.

Ang pag-aaral sa tinutukoy na war docs ay maaaring sipatin kada distrito, halimbawa ay sa Metro Manila na may Eastern Police District at Western Police District. Sa dalawang distritong ito ay maaaring tukuyin ang pagkakahawig-hawig ng kaso, gayong iba’t iba ang mga sitwasyon, oras, pangyayari, at tauhan ang mga sangkot. Maaaring matuklasan, halimbawa, na sa bawat operasyon ng pulis, ay hindi kompleto ang mga dokumento bago isagawa ang pagsalakay at pagdakip laban sa mga akusado. Maaaring matunghayan na kulang-kulang ang mga report, gaya ng Spot Report, After-operation Report, at Follow-up Report, na dapat ginagawa ng imbestigador na isinusumite sa piskal. Maaaring matuklasan din ng mga sumusuyod sa dokumento na pare-pareho ang paraan at naratibo sa buy-bust, lalo sa mga akusadong nahulihan ng maliliit na gramo ng damo o shabu.

Ang problema ay kahit kulang-kulang ang mga report ay naitutuloy pa rin ang kaso sa tulong ng piskal, halimbawa sa mga kaso na warrantless arrest. Kung kulang-kulang ang report ng pulis, sapat na ba ang ganitong sitwasyon para pangatwiranan ang probable cause o ang posibleng sanhi kung bakit dinakip ang isang akusado? Ang totoo’y napakaluwag ng piskal sa panig ng mga pulis, at ito ang dapat lapatan ng batas ng kongreso. Halimbawa, ang surveillance o paniniktik ng pulis ay ipinapalagay agad na may regularidad, at natural lamang umano na paniwalaan ang panig ng pulis na humuli o pumatay sa akusado. Ngunit paano kung ang mismong dokumento ukol sa surveillance ay hindi naberipika nang maigi? Sa ganitong pangyayari, makikita kahit sa surveillance report ang butas at di-pagkakatugma, halimbawa ng mga alyas na ginagamit sa akusado, o ang tunay na pangalan ng akusado—na karaniwang nababatid lamang ng pulis matapos ang interogasyon. Posibleng matuklasan ng FLAG na may mga akusado na dinampot ngunit wala ang kanilang pangalan sa surveillance report.

Ang pagkakahawig-hawig sa mga kaso ay matutunghayan din sa presentasyon ng umano’y nakuhang ebidensiya sa isang akusado. Halimbawa, tatawagin ang isang kagawad ng barangay at ang isang kinatawan Prosecutor’s Office o kaya’y kinatawan ng media, na sabihin nang isang korespondente sa isang pahayagan. Maaaring matuklasan sa pag-iimbestiga na ang dalawa o tatlong ito ay hindi naman naroon sa oras ng operasyon; at ipinakita lamang sa kanila ng pulis ang mga sinasabing ebidensiya laban sa akusado, at pagkaraan ay magpapakuha ng retrato at lalagda na sila bilang mga saksi sa ulat ng imbestigador na siyang magsusumite ng ulat sa piskal. Ang nasabing dokumento ay paniniwalaan agad ng piskal at hukom, at ni hindi kinukuwestiyon kung batid nga ba ng mga saksing ito ang naganap na operasyon.

At ang masaklap, ang ilang reporter ay iba ang salaysay kahit interbiyuhin ang mga akusado. Ang nananaig ay ang naratibo ng pulis, at naisasantabi ang pagkuha ng katotohanan mula sa panig ng akusado. Ang ibang akusado ay sinisiraan agad sa media para hindi na makapiyok. Nakadepende rin ang naratibo ng reporter sa sasabihin ng pulis, at kung ang pulis imbestigador ay hindi pa tapos sa kaniyang ulat na isusumite sa piskal, magkakaroon ng di-pagkakatugma kahit sa naratibo ng mga reporter at sa naratibo ng pulis kung paghahabingin ang press release sa mga diyaryo at Internet, at ang legal na dokumentong nilagdaan ng mga pulis na isinumite sa piskal para sa inquest proceeding ng akusado.

Ang susi sa pagsusuri ng war docs ay maaaring matunghayan sa pagtutuon sa naratibo ng mga imbestigador, na kung minsan ay tinutulungan pa umano ng piskal. Dito maaaring makita ng FLAG ang ratio na pagkakakahawig-hawig ng mga kaso, halimbawa sa buy-bust operation o sa pot session o sa simpleng pagdadala ng mga kasangkapan sa pagdodroga. Ang pagkakahawig ay may kaugnayan sa manerismo o karaniwang gawi at estilo ng pagsulat ng imbestigador. Ang ibang ulat ay waring pinalitan lamang ng pangalan, oras, petsa, at lugar ng pangyayari, at tila de-kahon upang maging madali ang report ng imbestigador.  Kung minsan, ang imbestigador ay kasama umano sa operasyon (na bawal na bawal sa batas), at kahit nakita ito ng piskal o hukom ay isinasantabi. Ito ay dahil ay binibigyan lamang ng 24 oras ang pulis para madala sa piskal ang akusado at agad masampahan ng kaso. Posibleng mapansin pa sa maraming dokumento na ang ilang ulat ay hindi nalagdaan ng pulis bago isumite sa piskal, at ang nakapagtataka’y pinalulusot lamang ito ng piskal para sa kabutihan ng pulis.

Mapapansin din ng FLAG na ang pagdakip sa mga akusado ay karaniwang Biyernes ng hapon o gabi o kaya’y Sabado, at sa maraming pagkakataon ay hindi lahat ng korte ay bukás sa ganoong mga araw, o kaya’y walang pasok ang piskal, at natural na nabibigyan ng sapat na panahon ang pulis upang makagawa ng ulat at makapagsumite nito sa piskal. Ang operasyon ay nakapagtatakang halos magkakahawig, at hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang akusado na makahingi ng tulong kahit sa PAO (Public Attorney’s Office), dahil walang pasok ito sa naturang pagkakataon. Upang patunayan ang Biyernes o Sabado ang mga banal na oras ng operasyon, maaaring magtungo sa mga bilangguan sa mga lungsod at tingnan ang bilang na dumarating na akusado kada araw.

Kailangang mapag-aralan din sa war docs ang estado ng mga akusado. Marahil ay 90 porsiyento ng mga dinakip ay karaniwang mamamayang maituturing na nasa ilalim ng guhit ng kahirapan, at natural na ang mga akusadong ito ay umasa lamang sa maibibigay na tulong ng PAO. Ang iba’y napipilitan na lamang umamin sa mas mababang kasalanan (plea bargain), sapagkat wala silang sapat na kakayahang pinansiyal upang lumaban pa sa mga pulis at piskal. Kung ang siyam sa sampung akusado ay magkakapareho ang naratibo ng pagkakadakip kung hindi man pagkakapatay, hindi ba ito dapat pagdudahan ng mga hukom? Ngunit maaaring nangangamba rin ang hukom sa kaniyang posisyon o seguridad, kaya ang pinakamabilis na paraan ay paniwalaan niya ang naratibo ng pulis na isinumite ng piskal at hatulan ang mga akusado.

Hindi ko minemenos ang mga abogado ng PAO, sapagkat marami sa kanila ang matatalino, masisipag, at mapagmalasakit, ngunit sa dami ng kanilang hinahawakang kaso, na ang iba’y kailangang hawakan ang 30-40 kaso kada araw, paanong mapangangalagaan nang lubos ang kapakanan ng mga akusadong dukha? Ang kaso ng mga nasasangkot sa droga ay hindi totoong natatapos agad sa isang buwan; ang kaso ay maaaring tumagal nang ilang buwan, halimbawa, sa presentasyon pa lamang ng mga ebidensiya, bukod pa ang regular na pagpapaliban sa pagdinig, at bago matapos ang pagdinig ay napagsilbihan na ng akusado ang panahong dapat ilagi sa loob ng bilangguan.

Ang imbestigasyon sa war docs ay magbubunyag din sa estado ng prosekusyon at hukuman sa Filipinas. Kahit nakikita ng di-iilang hukom at piskal na magkakahawig ang naratibo ng pulis ay maaaring pumabor pa rin sila laban sa mga akusado sapagkat may pangambang masangkot sila sa narco-list, at ito ay may kaugnayan umano sa order sa nakatataas. Ito ang karaniwang napapansin ng mga akusado, at hindi ito maitatatwa magsagawa man ng malawakang sarbey sa mga bilangguan. Napapansin din ng ilang akusado na ang ilang piskal ay nagiging tagapagtanggol ng pulis, imbes na suriin nito nang mahusay kung karapat-dapat bang sampahan ng kaso ang isang akusado, batay sa naratibo ng pulis.

Ngunit sino ba naman ang mga akusadong adik at tulak para paniwalaan ng hukom? Kahit ang mga akusadong nagsampa ng Mosyon para makakuha ng ROR (Release on Recognizance) na nasa batas ay malimit hindi napagbibigyan ng hukom, at pilit silang pinatatapos ng counseling, kahit ang rekomendasyon ng CADAC ay out-patient counseling o community-based rehabilitation para sa akusado. Totoong prerogatibo ng hukom ang pagbibigay ng ROR, ngunit kung sisipatin sa ibang anggulo, ang pansamantalang pagpapalaya sa mga akusado ay makapagpapaluwag ng bilangguan at malaking katipiran sa panig ng gobyerno dahil mababawasan ang pakakainin nitong mga bilanggo.

Ang imbestigasyon ng war docs ay hindi nagtatapos dito. Sa sampung detenido at nasa ilalim ng BJMP, masuwerte na ang dalawa ay magkaroon ng dalaw, ayon sa ilang tagamasid. Ang walo na hindi sinuwerteng dalawin ng kamag-anak o kaibigan ay nabubulok sa bilangguan, maliban na lamang kung magkukusa ang abogado nila sa PAO na pabilisin ang kanilang paglilitis. Ang ibang akusadong nakalaya ay bumabalik sa bilangguan o binabalikan ng pulis, kaya napipilitan ang mga tao na ito na lumipat ng ibang lugar na matitirhan. Ipinapalagay dito na ang mga akusado ay talamak na adik o tulak, na may katotohanan sa ilang pagkakataon, ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi totoo sa mayorya ng mga detenido. Ang mga pulis, sa wika ng ilang kritiko, ay may quota na dapat matupad sa pagdakip sa mga adik at tulak; at kaya kahit matino ang isang pulis ay napipilitan siyang sumunod sa utos ng kaniyang opisyal.  Gayunman ay walang quota kung ilang drug lord ang dapat mahuli o kung ilang sindikato sa droga ang dapat mabuwag sa isang buwan. Kung may quota ang pulis, ayon sa ilang tagamasid, ang pinakamabilis na paraan ay likumin ang mga adik sa mga dukhang pamayanan, at ipaloob sila sa mga bilangguan.

May narco-list ang pangulo hinggil sa mga politiko, negosyante, pulis, at sundalong sangkot sa droga. Ilang beses pa niya itong binanggit sa kaniyang mga talumpati. Ngunit hangga ngayon ay walang quota kung ilan sa kanila ang dapat mabilanggo sa loob ng isang buwan; at kung ilang Tsino o Koreano o Hapones o Mehikanong sangkot sa sindikato ang dapat tumimbuwang kada linggo. Nang akusahan ng isang Bikoy ang anak ng pangulo na sangkot sa narkotrapikismo ay mabilis itong sinangga ng mga opisyal ng PNP at Malacañang, at nagsabing bunga lamang ito ng propaganda. Ni walang tangkang imbestigahan man lamang kung may bahid ng katotohanan ang akusasyon. Nang sabihin ng dating opisyal ng pulisya na ang mga Tsinong kasama ng pangulo ay sangkot sa droga ay mabilis din itong pinabulaanan ng Palasyo at ni walang imbestigasyon. Samantala, kumakapal araw-araw ang listahan ng mga bilanggong inakusahang adik at tulak, ngunit ang tunay na ugat na dapat bunutin sa digmaan laban sa droga ay hindi nalulutas.

Ang pagsusuri sa war docs ay hindi lamang tungkulin ng mga abogado ng FLAG. Tungkulin ito ng bawat Filipino, sa ngalan ng demokrasya, sapagkat ang pagtatanggol ng karapatang pantao ay pagtatanggol din sa kapakanan ng buong Filipinas.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw, ni Roberto T. Añonuevo

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw

Roberto T. Añonuevo

Kapag tinanong tayo kung mayroon bang “pandaigdigang panitikan” [world literature] ay madali nating sagutin ito na “oo.” Ngunit ano ba ang pandaigdigang panitikan, at ang pandaigdigang panitikan sa konteksto ng Filipinas?

Ang talakay hinggil sa pandaigdigang panitikan ay maaaring simulan sa pag-urirat kung ano ang konsepto ng “daigdig” at “panitikan.” Ang paglalakbay ng mga dayong mangangalakal sa isang bayan, o ang paglabas ng isang “bayani” o “bagani” sa kaniyang pamayanan upang umuwi pagkaraan, ang magpapakilala sa kaniya ng malawak na “daigdig” na kakaiba ang kultura, kasaysayan, at kulay kompara sa kaniyang kinagisnan.

Ang konsepto ng “daigdig” ay nagsimula sa interaksiyon ng mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiya at pampolitikang ugnayan. Ang tinaguriang Silk Road[i], at daanan sa Indian Ocean at Mediterannean, ang maghahatid ng mga produkto, kasama na ang panitikan at relihiyon, mula sa iba’t ibang bansa. Ang susi sa mga lihim ng banyagang panitikan ay nasa pagsasalin at pag-aaral ng mga wika, kaya ang mga akdang nasusulat sa Chino at Arabe ay nagkaroon ng puwang na mabása sa Ewropa sa pamamagitan ng salin sa Frances, Aleman, Ingles, Portuges, atbp.

May dalawang konsiderasyon ang pagtuturing noon sa “pandaigdigang panitikan,” ani ilang kritiko, bagaman hindi pa lumilitaw ang ganitong termino hanggang imbentuhin ni Johann Wolfgang von Goethe. Una, ang lawak na masasaklaw nitong populasyon; at ikalawa, ang kalidad ng akda na umaabot wari sa pagiging klasiko at dakila. Ang mga imperyo, gaya sa China, India, at Gitnang Silangan, ay nakapagpapalaganap ng panitikan sa maliliit na bansa  sa pamamagitan ng kalakalan, at hindi kataka-taka na maraming kuwentong bayan ang nagkaroon ng lokal na kulay.

Nang lumaon, lumakas ang Ewropa dahil sa pag-angat ng ekonomiya nito at dahil na rin sa mga nasasakop nitong mga bansa.  Noong panahon ng kolonisasyon, ang Ewropa ay sinisipat ang panitikan alinsunod sa punto de bista nito, at ang panitikang nalilikha sa Ewropa ang tinitingnang nangunguna sa lahat. Ang usapin sa pagiging “superliteratura” [Spitzenliteratur] ay isa pang isinaalang-alang na pamantayan, upang masalà ang mga obra maestra mula sa mga karaniwang akda.

“Kung may lakas ng loob tayong ihayag ang Ewropeong panitikan,” ani Johann Wolfgang von Goethe[ii]  sa kaniyang disipulong si Johann Peter Eckerman, “o yaong unibersal na pandaigdigang panitikan, ay hindi pa natin ganap na nagagawa yaon maliban sa pagtukoy na ang iba’t ibang nasyon ay kinikilala ang bawat isa at ang kani-kaniyang mga likha, dahil sa ganitong diwain ay umiral ito nang napakatagal, at patuloy na nagtatagumpay.” [Wenn wir eine europäische, ja eine allgemeine Weltliteratur zu verkündigen gewagt haben, so heißt dieses nicht daß die verschiedenen Nationen von einander und ihren Erzeugnissen Kenntnis nehmen, denn in diesem Sinne existiert sie schon lange, setzt sich fort und erneuert sich mehr oder weniger].[iii]

Kayâ kahit binanggit ni Goethe na ang Ewropeong panitikan ay pandaigdigang panitikan, ang ganitong paniniwala ay sinisimulan na niyang baklasin, upang itanghal ang panitikang maaaring magmula sa mga bansang hindi Ewropeo. Naniniwala si Goethe na ang sining ay pag-aari ng buong mundo, at maipapalaganap lámang sa malaya at pangkalahatang interaksiyon ng mga kapanahon.[iv] Kung ang tula ay pag-aari ng buong mundo, aniya, hindi rin umano dapat ipagmayabang na ang isang makata ay nakalikha ng nakauungos na tula, sapagkat ang paglikha ng tula ay hindi pambihirang bagay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nawika ni Goethe na “Walang halaga sa kasalukuyan ang pambansang panitikan, sapagkat ngayon ang panahon ng pandaigdigang panitikan, at dapat magsikap ang lahat para pabilisin ang panahong ito.” [Nationalliteratur will jetzt nicht viel sagen, die Epoche der Weltliteratur ist an der Zeit, und jeder muß jetzt dazu wirken, diese Epoche zu beschleunigen.][v] Ang tinutukoy ni Goethe na pandaigdigang panitikan ay ang sumisilang na panitikan sa kaniyang panahon, at hindi noong nakalipas, at kung gayon ay dapat maging bukás ang paningin ng lahat hinggil dito. Hindi tinitingnan ni Goethe na may “superliteratura,” sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” ay paparating pa lamang, ngunit tumitingki wari sa globalisasyon. Ang kalakalan ay hindi na basta produkto o serbisyo lamang, bagkus kaugnay ng mga idea o kaisipan, at sa yugtong ito, ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kinakailangang makilahok sa ganitong gawain.

Importansiya ng Pandaigdigang Panitikan

Mahalagang balikan ang konsepto ng pandaigdigang panitikan at mga wika, sapagkat sangkot tayo lahat dito, gaya ng winika ng manunulat at intelektuwal na si Tariq Ali[vi]. Hindi natin napapansin na ang pandaigdigang panitikan ay hinuhubog ang mga isipan at asal ng ating mga estudyante at guro, kahit sa panonood ng Koreanobela at Mexicanobela o ng mga pelikulang yari sa Hollywood at Bollywood. Tinatanggap natin nang hindi namamalayan ang bisa, kiling, at prehuwisyo kahit sa mga balita ng Fox News, ESPN, at CNN, at sa mga pagpapahalaga nito sa mga manunulat at artist.

Magaan nating tinatanggap ang manipis na talakay mula sa ating kurikulum pagsapit sa pandaigdigang panitikan. Halimbawa, hindi natin napapansin kapag tinalakay ang Florante at Laura (1838) ni Francisco Balagtas Baltazar na maraming alusyon ukol sa Imperyong Ottoman ang matatagpuan sa naturang tula at bahagi ng “ibang panitikan.” Hindi ito kataka-taka, sapagkat mulang siglo 14 hanggang siglo 20, ang Imperyong Ottoman, na kilala ngayon bilang Turkey, ay sumakop sa Timog-silangang Ewropa, Kanluraning Asya, at Hilagang Africa. Isang multi-lingguwal at multi-nasyonal na imperyo ang Turkey na malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng iba’t ibang panitikan noong kasibulan nito.

Kahit balikan natin ang mga mapa noong 1822 o1885, malawak ang imperyalistang pananakop ng Turkey, gaya sa Africa, Asia, Sudamerica, Greenland, Russia, Mongolia, China, hanggang Australia, at yaon ay nakahihigit sa mga sakop ng France, España, o US. Kahit ang Filipinas ay hindi nakaligtas sa impluwensiya ng gayong pananakop, at isang halimbawa ang koridong Ibong Adarna na sumagap ng maraming alusyon sa mga pook at mito mula sa Turkey.

Gayunman, kung ihahambing ang ibang panitikang nalathala noon sa Ewropa, ang panitikang pasulat sa Filipinas ay waring nakaiwanan ng panahon, sanhi na rin ng baluktot at paurong na pamamalakad ng España sa Filipinas. Hindi lalaganap nang lubos ang pasulat na panitikan sa Filipinas dahil sa censura ng Español, at sa pagdating pa lamang ng mga Amerikano at Hapones magkakaroon ng bagong sigla ang panitikang palimbag, at maipagpapasalamat ang pagdating ng mga imprenta, pagbubukas ng Suez Canal, at transportasyong panghihimpapawid.

Ang pandaigdigang panitikan at ang paglinang sa mga wika (kabilang na ang mga wika sa Filipinas) ay parang magkapatid na hindi mapaghihiwalay. Sa kabilang panig, kapag pinag-usapan ang pambansang panitikan ay hindi naiiwasang maiugnay ang isang pambansang wika, gaya sa Filipinas, at kung gayon ay maaaring mahanggahan ang mailalahok sa pambansang panitikan kung sadyang marupok ang pagpapahalaga sa salin at paglinang sa mga katutubong wika mula sa mga rehiyon. Kung hindi naman magkakapuwang sa merkado ang mga panitikang mula sa rehiyon ay mabilis ang magiging pagkalusaw nito sa hinaharap.

Isang realidad na ang isang panitikang sumilang mula sa isang liblib na lalawigan ay tumataas sa nibel ng pambansang antas dahil sa pagsasalin, halimbawa, sa Filipino, bukod sa lumalalim ang diskurso ukol sa nasabing akda. Sa kabilang dako, ang akdang Filipinong pampanitikan ay umaakyat sa nibel ng pandaigdigang panitikan sa oras na ito ay maisalin sa Ingles, Frances, Español, Mandarin, Arabe, at sa lahat ng pangunahing wika ng daigdig. Kayâ ang ating mga katutubong tanaga at dalít, kapag naisalin sa Ingles o iba pang pangunahing wika at nalathala sa US o France, ay hindi na lamang pag-aari ng Filipinas, bagkus ng lahat ng bansang nakauunawa sa nasabing mga pangunahing wika.

Gayunman, ikakatwiran ng iba na hindi kinakailangan ang salin para maging kanonigong “pambansa” o “pandaigdig.” May katotohanan ito, subalit kailangan nating tanggapin na para lumaganap ang isang panitikan, at makilala saka maangkin sa pambansa at pandaigdigang antas, ay dapat maunawaan sa wika ng nakararaming mamamayan. Nagkakaroon pa ng multiplikasyon ng lakas ang panitikan sanhi ng natatamong prestihiyo nito sa mga wikang pinagsasalinan. Kayâ kung hindi isasalin sa mga malaganap na wika ang mga akdang pampanitikang nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas, mananatili sa limitadong baul ang gayong yaman at hindi mapakikinabangan ng iba pang populasyon.

Ang isa pang impluwensiya ng tinaguriang “pandaigdigang panitikan” ay sa pagpasok ng mga hulagway at alusyong banyaga sa mga lokal na panitikan, gaya sa ating mga dalít at tanaga hanggang awit at korido noong siglo 18, hanggang sa introduksiyon ng nobela at kuwento noong siglo 19-20. Sa ganitong pangyayari, ang pananaw sa daigdig, gaya ng mula sa Imperyong Ottoman at España, ay nagiging lente ng Filipinas na nagbubunga kahit sa pagkabansot ng pambansang panitikan. Maihahalimbawa ang koridong Ibong Adarna, na nagpasok ng mga konsepto ng hari at reyna, paghahanap ng lunas sa sakit, pag-aagawan ng poder, paglapastangan sa magulang o pagtatatwa sa kapatid, bukod sa bulok at rasistang pagtanaw sa ating mga katutubo. Kung ako ay isang kasapi ng liping sabihin nating Agta (na inuuyam din sa taguring “Negrito), marahil ay sinunog ko na ang Ibong Adarna dahil sa paglalarawan nito sa pangkat etnikong Negrito na ginagawang laruan ng hari. Kahit ang ganitong kaikling banggit sa ating mga kapatid na pangkat etniko ay dapat tinutuligsa, dahil sa imperyalistang pananaw, upang mapurga ang baryotikong listahan ng babasahin sa ating sistema ng edukasyon.

Proseso ng Pandaigdigang Panitikan

Problematiko kung gayon kapag tinalakay ang pandaigdigang panitikan, lalo’t tinanggal ang panitikan sa tersiyaryang antas at ibinuhos lahat sa sekundaryang antas—na magpapasakit sa ulo ng DepEd. Hindi natin mababatid ang buong saklaw ng pandaigdigang panitikan hangga’t limitado ang ating bansa sa wikang pinagsasalinan, lalo kung ang pinagsasalinang ito ay Filipino at mga katutubong wika. Wala nang iba pang magagawa kundi sumangguni sa mga tekstong Ingles, at ito ang maglalagay sa balag ng alanganin sa Filipino.

Ang salitang “pandaigdigan” ay patuloy na nagbabago ang pakahulugan, halimbawa sa punto de bista ng mayayaman at ng mahihirap na nasyon, o kaya’y sa mga nasyon na may iba’t iba ang kultura. Sa panig ng mayayaman, ang salin mulang maliit at mahirap na bansa ay maaaring tanawing magaspang, eksotiko, at kakatwa; samantala, ang salin ng tekstong mula sa mayamang bansa ay maaaring tanawing sopistikado, mapanupil, at de-kahon kung sisipatin sa paningin ng mahihirap na bansa. Ang paglulugar sa “pandaigdigang panitikan” ay maaaring nasa konteksto ng “pambansang panitikan” at “lokal na panitikan,” at dito matutuklasan ang iba’t ibang henyo ng kultura, na bagaman nabubukod sa lahat ay makapagluluwal ng unibersal na diwain.

Hangga ngayon, isang pangarap ang pagtuturo ng pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino sapagkat walang mayamang malig ng panitikang salin sa Filipino, at may kaugnayan dito ang patakaran at programa ng gobyerno.

Makadaragdag pa ang sagabal na kakaunti ang mga panitikang naisasalin tungo sa mga pangunahing wika ng daigdig—kung isasaalang-alang ang bilang ng mga bansang kasapi o hindi kasapi sa United Nations— at dahil sa pangyayaring ito ay hindi nababasbasáng kanonigo ang naturang mga akda. Isang konsiderasyon dito, pansin ni Tariq Ali, ay kung kikíta ba ang pabliser mula sa paglalathala ng salin, at kung magkano ang mapipiga nito sa bansang tatanggap ng salin. Apektado ang Filipinas sa pangyayaring ito, sapagkat labis tayong nakasalalay sa mga panitikang nasusulat sa Ingles, bukod sa mga duwag sumugal ang ating mga lokal na pabliser. Hindi dapat ipagtaka kung gayon kung limitado ang pumapasok na panitikan sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon o salin.

Sa US, noong 2008–2017, may 4,592 titulo ng mga aklat na isinalin sa Ingles at nagmula sa ilang bansa, gaya ng China, España, Italy, Denmark, France, Iceland, Mexico, South Africa, Germany, Switzerland, Chile, Austria, Sweden, Serbia at Montenegro, Czech Republic, Romania, Netherlands, Israel, Palestine, Morocco, Brazil, Ukraine, Poland, Pakistan, Djibouti, atbp. Ang mga wikang pinagmulan ng salin tungo sa Ingles ay German, Icelandic, Norwegian, Español, Italian, Arabe, Danish, Greek, Portuges, Swedish, Czech, Russian, French, German, Chinese, Dutch, Bengali, Yiddish, Romanian, atbp.[vii] Sa ganitong pangyayari, makikita na agad ang limitasyon ng mga pagsasalin, at hindi pa napapasama rito ang Filipinas na ngayon ay may mahigit 100 milyon ang populasyon. Nakalulungkot din na kulang ang estadistika sa atin, halimbawa, kung ilan ang nalalathalang saling akda tungo sa Filipino kada taon, at ang ganitong kakulangan sa impormasyon ay dapat tugunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), yamang ito ay ahensiyang ang tungkulin ay gumawa ng saliksik at bumuo ng patakarang pangwika na may kaugnayan sa panitikan.

Isinasalin naman sa wikang Arabe ang tinatayang 1,500-2,500 aklat kada taon, ayon sa tantiya ni Richard Jacquemond na isang tanyag na tagasalin[viii]. Higit na malaki ang bilang na ito kung ikokompara sa suma-total ng inilalathalang aklat sa Filipinas sa isang taon, na umaabot sa mahigit 1,500 titulo ng aklat kada taon, ayon sa UNESCO.

Realidad ng pagsasalin sa Filipinas

Mananatili tayong nakasandig sa puta-putaking salin mula sa KWF, na ang mga salin ay kakaunti kung ipagpapalagay na nakapaglalabas ito ng 10-14 titulo kada taon simula noong 2013.  Masakit mang tanggapin ngunit ito ang totoo, na ang mahuhusay na tagasalin ay mabibilang mo sa iyong mga daliri—kahit ang mga ito ay kinontrata pa sa kung saang unibersidad o institusyong malapit sa puso ng tagapagpasiya. Ang magandang balita, nagsisimula na ang KWF sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagsasalin, at may kurso pa ito hinggil sa pagsasalin na maidurugtong sa propesyonalisasyon ng pagsasalin. May hakbang din na magtatag ng Kawanihan ng Pagsasalin, at kaugnay ito sa bisyong Kagawaran ng Kultura na binubuo ng mga burukrata ng gobyerno. Ang lahat ng ito ay mailalangkap sa pambansang adyenda sa pagsasalin, na magmumula sa KWF o sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (NCLT-NCCA).

Kung kakaunti ang salin ng mga banyagang aklat tungo sa Filipino, ano ang maaasahan ng ating mga estudyante kapag pinag-aralan ang pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino? Wala. Natural na sumangguni ang mga estudyante sa mga akdang Ingles sapagkat doon makikita ang iba pang panitikang nagmula sa iba’t ibang wika ng daigdig. Sa ganitong pangyayari, ang ating pagtanaw sa pandaigdigang panitikan ay kumikitid—sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” natin ay batay sa Ingles o salin sa Ingles— at kung ano ang pagtanaw ng mga bansang umiingles ay halos hindi nalalayo ang pagtanaw natin sa kanila. Masuwerte na tayo kung sa ilang pagkakataon, na may isa o dalawang akdang mula sa Español o Frances o Aleman o Mandarin ang sinuwerteng maisalin nang buo tungo sa Filipino nang walang interbensiyon ng Ingles. Mabuting halimbawa rito ang ginawa Joaquin Sy, na nagsalin ng mga kuwento ni Ba Jin (Ang Piping Balalaika at iba pang Kuwento, 2017).

Ang limitasyon ng ating bansa ay nasa pagbibigay priyoridad sa Ingles, at pagkaligta sa iba pang wika ng daigdig. Ngunit hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Ingles ay wikang imperyal at makapangyarihan na káyang manakop ng mga bansa. Sa ganito ring pangyayari ay lalong nababansot ang Filipino. Kung hindi gagamitin nang puspusan sa pagsasalin ang Filipino, at hindi mailalathala sa palimbag o elektronikong paraan, hindi lalago ang korpus nito, bukod sa mababansot, gaya sa pagtanaw na bakya o baduy, kapag ginamit ang gramatika at sintaks sa gaya ng mga transaksiyon o komunikasyon.

Sa isang artikulong sinulat ni Kai Chan, at nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016, ang pagiging makapangyarihan ng isang wika ay maaaring sukatin sa limang aspekto: una, Heograpiya (kakayahang maglakbay); ikalawa, Ekonomiya (kakayahang makilahok sa ekonomiya); ikatlo, Komunikasyon (kakayahang makapagdiyalogo); ikaapat, Karunungan at Midya (kakayahang kumonsumo ng kaalaman at midya; at ikalima, Diplomasya (kakayahang makiharap sa mga ugnayang pandaigdig)[ix].  Kabilang sa 10 nangungunang bansa ang Ingles, Mandarin, Frances, Español, Arabe, Ruso, Aleman, Hapones, Portuges, at Híndi. Ang mga wikang ito ang pinagmumulan ng panitikang pandaigdig, at batay sa volyum ng mga panitikang mula sa iba’t ibang bansa ay nagagamit ang gayong mga wika bilang midyum ng pagsasalin.

Kung babalikan ang pag-aaral ng panitikang pandaigdig sa Filipinas ay mapapansing wala pa tayo sa kalingkingan kung ihahambing sa ibang bansa— kung ipagpapalagay na may 20 aklat ang naisasalin sa Filipino kada taon. Naipagkakait sa atin ang mga pambihirang panitikang nasususulat kahit sa 10 wikang binanggit kanina. Ngunit higit pa rito, maliit na bahagi ang ating nababatid sa panitikang pandaigdig dahil kulang na kulang ang mga salin ng mga panitikan tungo at palabas sa Filipino. Ano ang maaasahan natin sa ating mga pag-aaral? Kumikitid ang ating pagtanaw sa pag-aaral ng panitikang pandaigdig, dahil kulang ang materyales sa Filipino, at dapat tanggapin natin na tayo’y nagiging baryotiko habang tumatagal.

Ang tinaguriang globalisasyon ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Tariq Ali, ay nagreresulta para ang mga akda ay maging de-kahon o magkaroon ng kompartmentalisasyon sa bawat bansa, kaya higit nagiging baryotiko ang pagtanaw sa kultura.[x] Idaragdag ko rito na hindi lamang nagiging de-kahon, bagkus nasasalà nang husto at hindi nakatatagos ang mga akdang makayayanig sa status quo. Ayon sa International Monetary Fund (IMF), ang “globalisasyon” ay may kaugnayan sa kalakalan, pamumuhunan, migrasyon ng mga tao, at pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.[xi] Ang globalisasyon ng panitikan ay hindi masasabing patas—na may malayang palitan ng karunungan at impormasyon—bagkus pumapabor sa mayayamang bansa na ang wika ay ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng kalakalan, edukasyon, impormasyong teknolohiya, at transportasyon, at may mga teknolohiyang umaagapay sa kanilang idea at akda. Sa Filipinas, makatutulong nang malaki sa bansa ang paggamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, at pangunahin na rito ang wika ng gobyerno, edukasyon, at kalakalan.

Hindi makaaasa kung gayon na mabása sa Ingles ang mga manunulat na intelektuwal halimbawa sa Iran o Egypt o Syria o Africa o Hilagang Korea o Russia, at higit na pipiliin ang mga awtor na makapagluluwal ng mga aklat na hindi malayo sa hinagap o makasasaling sa sensibilidad ng publikong mambabasa ng America at kapanalig nito. Ang resulta nito ay hindi natin nauunawaan nang malawak ang ibang kultura sa ibang bansa. Hindi sapat ang Internet para malunasan ang ating katangahan. Kinakailangan ang produksiyon ng higit na maraming libro, na higit sa interes ng DBM o o NBDB[xii] o lokal na pabliser o ng kung sinumang opisyal na gobyerno na may palimbagan at negosyo sa paglilibro.

Ang pangyayaring hindi natin nababása sa ating wika ang mga aklat na nasusulat sa iba’t ibang wika at mula sa iba’t ibang kultura ay malaking sagka sa ating pag-unlad. Nabibigong mahikayat ang mga kabataan nating mag-aral ng iba’t ibang wika sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bakit mag-aaral kung salat naman sa libro? Nababansot tayo sapagkat hindi natin nababása ang mga intelektuwal na manunulat sa Ewropa, Asia, Africa, Hilaga at Timog America, Australia, at Antartica. At aminin natin na kakaunti ang ating nalalaman sa pandaigdigang panitikan sapagkat matamlay ang mga pagsasalin na ginagawa tungo sa Filipino at mga katutubong wika, o sabihin nang kahit sa Ingles. Kung kakaunti ang salin sa Filipino o kaya’y Ingles ng mga akdang nagmula sa iba’t ibang bansa, ang ating mga estudyante ay  parang isang pangkat ng bulag na sumasalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng elepante, kung hihiramin ang isang matandang kuwentong Budista, at depende sa masalat nila o maamoy ay ibabatay doon ang kani-kaniyang pagkilala hinggil sa elepante.

Ang pagsasalin bilang ambag sa pagbabago

Gayunman, may ilang pagtatangka na isalin sa Filipino ang mga internasyonal na manunulat, at ito ang matutunghayan sa salin ng mga tula ni Mao Zedong na pinamagatang KAMAO: Salin ng mga Tula ni Mao Zedong (Aklatang Bayan, 2012), at ng mga rebolusyonaryong Vietnamese na salin ni Mykel Andrada. Ang unang antolohiya ay salin ng mga aktibistang makata, samantalang ang kay Andrada ay salin dahil sa pangangailangan sa kaniyang kurso. Ang limitasyon ng ganitong koleksiyon ay nakapokus sa layuning pampolitika, at hindi naibibilang ang mga tula na waring lumilihis sa itinatadhana ng partido. Samantala, ang KWF ay naglabas din ng mga salin, gaya ng mga nobela, kuwento, at tula, na ang konsiderasyon ay maipakilala sa madla ang mga hiyas ng panitikang internasyonal. Halimbawa na rito ang Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert, na bagaman dating kasapi ng Partido Komunista ay kamangha-manghang nakapagsulat din ng mga paksang matalik sa puso at guniguni ng kaniyang mga kababayan sa Czech Rapublic.

Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, ang mga lokal nating manunulat noong bungad ng siglo 20 ay nagsalin ng mga akdang pampanitikan sa Tagalog at iba pang wikang katutubo. Halimbawa, ang Divina Comedia ni Dante Alieghieri ay hinalaw ni Conrado S. Acuña; hinalaw ni Isaac Dizon (alyas Anak-Bayani) ang Decameron ni Boccacio; hinalaw ni Gerardo Chanco ang Las damas de las camelias ni Alejandro Dumas, at isinalin ng iba pang awtor ang mga kuwentong Frances, Aleman, Americano, Español, Arabe, atbp. Para kay Dionisio San Agustin, ang pangulo noon ng kapisanang Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[xiii] Ang winika ni San Agustin ay totoo pa rin magpahangga ngayon.

Magpapatuloy ang pagsasalin, at isa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) na maglulunsad ng programadong pagsasalin ng mga akdang pampanitikang kumikiling sa simulaing mapaghimasik noong dekada 1970-1980. Nais ng PAKSA, ayon kay Jose Ma. Sison, na lumikha ng mga huwarang akda, mula man ito sa salin, na pawang makapagmumulat sa masa.[xiv] Ngunit hindi ito magtatagal, dahil na rin sa internal na di-pagkakaunawaan ng mga magkakapartido.

Magpapatuloy ang proyektong pagsasalin sa panig ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas), na pangungunahan ni Virgilio S. Almario, at ilan ang mailalathalang antolohiya at aklat. Maisasalin sa Filipino ang mga akdang pampanitikang internasyonal, sa ayuda na rin ng gaya ng UNESCO, ASEAN, at iba pang ahensiya. Itatatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas) na pinamunuan noon ni Teo T. Antonio, at makahihikayat ng mga bagong tagasalin mulang akademya. Ang nakalulungkot ay magiging limitado ang pagpapalaganap ng mga sipi ng salin, at hindi naipalaganap nang lubos sa buong kapuluan ang mga aklat o babasahin.

May ibang ahensiya, gaya ng UP Sentro ng Wikang Filipino na noong 2000 ay naglunsad ng seryeng Aklat Bahandi na binubuo ng mga salin sa Filipino ng mga akdang internasyonal. Ang mga saling aklat na ito ang magagamit sana sa pagtuturo ng panitikan sa sekundarya at tersiyaryang antas. Masigla noong una ang produksiyon nito, sa pamumuno ni Dr. Mario I. Miclat, ngunit nang magpalit ng administrasyon at presidente ang UP, naglaho rin ang nasabing proyekto dahil sa matamlay na suportang pinansiyal ng nasabing unibersidad.

Kung iisipin natin, ang limitasyon ng ating pagtanaw sa panitikang pandaigdig ay nagbubunsod din para ang pagtuturo natin ng “panitikang pandaigdig” ay maging de-kahon habang tumatagal. Ang panitikang pandaigdig natin ay Americasentriko, at hindi Ewropeosentriko o Asiasentriko, dahil manipis ang ating pagkilala sa mga panitikang nasa Ewropa kung pagbabatayan ang kasalukuyang kurikulum sa hay-iskul o kolehiyo. Nagiging kasangkapan din ang salin sa mga layuning pampolitika, at ito marahil ay sanhi ng pakikibaka ng mga manunulat laban sa Batas Militar at buntot ng diktadura. Sa ilang pagkakataon, ginawang raket ang pagsasalin, kaya ang mga proyektong pagsasalin ay di-naiiwasang mapunta sa kamay ng ilang tagasalin lamang.

Negosyo ng mga Aklat

Ayon kay Tariq Ali, ang panitikang pandaigdig ay naididikta ng gaya ng New York Times Best Seller list, at ito ay may kaugnayan sa merkado. Halimbawa, ang bestseller na Go Set a Watchman ni Harper Lee ay nakapagbenta ng 1.6 milyong sipi noong 2014. Kung hindi kumikita ang isang aklat, makaaasa na hindi ito magkakapuwesto sa mga bukstor. Ang isang manuskrito ay kinakailangang ipagdasal na mapansin ng pabliser, at hindi kataka-taka na kahit ang mga awtor na Frances ay nagmamakaawa ngayong malathala sa US. Hindi ito katulad dati, na kung ibig mong manalo ng Nobel Prize in Literature, kinakailangan ka munang maisalin sa Frances, sapagkat ang Frances ang wika ng intelektuwal.

Ano ba ang nasa New York at bakit ito ang tinataguriang Mecca sa publikasyon ng mga panitikan? Matatagpuan sa New York ang 167 bigatin at independiyenteng pabliser ng mga aklat, at kabilang dito ang mga higanteng gaya ng Oxford University Press, Pantheon, Penguin Group, Picador, Random House, W. W. Norton & Company, Vintage/Anchor, Scholastic Coporation, atbp. Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita ng industriya sa US, at noong 2014 ay kumita ito ng $27.99 bilyon.[xv] Ang isang aklat sa US sa nasabing taon ay may average na halagang $15.50 kada aklat (pulp fiction), o katumbas ng P 808.56 kada aklat; samantalang ang may matigas na pabalat (hard cover) ay $26.67 kada aklat, o katumbas ng P1,391.24 dito sa Filipinas.

Sa Filipinas, kinakailangan kang manalo sa gaya ng Palanca para mapansin ng pabliser, o kaya’y ng NBDB National Book Award upang ang iyong aklat ay magkaroon ng promosyon sa merkado, bukod sa maisasaalang-alang ng DepEd o CHED na magamit bilang sangguniang aklat, at bilhin pagkaraan ng mga aklatang akademiko sa buong bansa. Kailangan ka ring kumabit sa mga maykapangyarihan para malathala, at isang daan nito ay paglahok sa mga grupo ng mga manunulat o tagasalin. Ganito ang realidad sa Filipinas sapagkat negosyo rin ang pagsasalin.

Sa ating mga pangunahing bukstor, ang matutunghayan nating mga aklat na itinatanghal sa mga estante ay yaong na NYT Best Seller List din. Hindi susugal ang ating mga bukstor na bumili ng aklat na hindi napapansin ng New York Times, o kaya’y naisapelikula, gaya ng Lord of the Rings (1937–1949) ni J.R.R. Tolkien, at higit na papaboran ang gaya ng mga nobelang romanse kaysa antolohiya ng mga kuwento o dula, halimbawa ukol sa Lebanon. Gayunman, may ilang tindahan gaya ng Solidaridad, na maghahain ng ibang putaheng pampanitikan. Ang ibang tindahan ay nagbebenta ng mga segunda manong aklat na hinakot wari sa ukay-ukay o tambakan ng basura sa US. Kahit ang mga isinasaling aklat ng KWF ay makikita rin ang bersiyong Ingles sa gaya ng National Bookstore. Mahilig tayong manggaya, at kung minsan, hindi natin alam na inilalathala yaon nang hindi sinusuri nang maigi ng pabliser at pinagbabatayan lámang kung mabilis tumakbo ang aklat sa merkado.

Nakatatakot ang ganitong pangyayari. Halimbawa, kapag isinalin sa Filipino ang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee, masasagap ng mga Filipino kahit ang rasistang pagtanaw at ang pangingibabaw ng puti sa itim na lahi, at ang puti ay waring siyang laging tagapagligtas ng itim o Negro na umiiral lámang para magdulot ng kaliwanagan sa puti.[xvi] Estereotipo at walang latoy ang pagkakalarawan sa mga Negro sa nobelang ito, at waring umiiral para kaawaan ng puti, pansin ng sanaysayistang si Anjali Enjeti.

Usapin sa Karapatang-intelektuwal

Nagkakaroon pa ng suliranin kapag pinag-usapan ang mga intelektuwal na pag-aari sa mga akda, kayâ ang isang banyagang akda ay hindi agad makatagos sa ating wika dahil sa lintik na legalidad. Ang isang pabliser o tagasalin ay kinakailangang humingi ng permiso (at magbayad) sa mga kontemporaneong awtor o kaya’y pabliser o fundasyon nito para maisalin sa Filipino o katutubong wika ang kanilang akda. May kontrata sa pagsasalin at paglalathala, at ito ang pahirap sa panig ng mga lokal na pabliser. Wala sanang problema sa aspektong ito. Ngunit kung ang legalidad lagi ang pagbabatayan para tayo makapagsalin, maipagkakait sa atin ang mayamang malig ng daigdig. Sa aking palagay, ang pagsasalin ng mga kontemporaneong akda na mula sa maykayang bansa ay hindi dapat masagkaan ng usaping pinansiyal. Kinakailangang manghimasok kahit ang ating gobyerno—sa pamamagitan halimbawa ng KWF o NBDB o NCCA— para makapagsalin nang walang humpay ang mga Filipino.

Ang isa pang sagabal ay umaabot o lumalampas kung minsan ng isang buwan ang isang awtor o pabliser kung pahihintulutan nito ang pagsasalin ng kanilang akda. Kung ikaw ay matatakuting lokal na pabliser ay masisiraan ka ng loob sa labis na bagal ng pagsagot mula sa hinihingan ng permiso, bukod sa mahal ang bayad sa karapatan sa pagsasalin. Ang ginagawa ng ilang lokal na pabliser ay isaad na ang salin ay nakalaan para sa layuning pang-edukasyon lamang.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas, walang ganitong problema noon. Halimbawa, noong bungad ng siglo 20 ay nailalathala sa mga pahina ng El Renacimiento at Muling Pagsilang ang mga tula ni Eugene Field at ni Emperor Mutsuhito nang walang hinihinging permiso mula sa mga orihinal na awtor. Editor at peryodista si Field, na mahilig sumulat ng tulang pambata, bukod sa ang ilang tula ay nilapatan ng musika o kaya’y ilustrasyon, at kabilang sa St. Louis Walk of Fame. Samantala, si Emperor Mutsuhito ang ika-122 emperador ng Japan, at sa kaniyang pamamahala ay napaghunos niya ang kaniyang bansa mula sa pagiging bukod tungo sa pagiging bukás at moderno.  Ang pagsasalin ng mga tula, kuwento, at dula ay sisigla bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, at magsasagawa pa ng mga patimpalak, gaya ng timpalak ng salin ng Don Quixote ni Miguel Cervantes. Magwawagi ang grupo nina Dionisio San Agustin, Cirio H. Panganiban, Teodoro E. Gener, at Buenaventura G. Medina dahil sa kanilang rendisyon ng  Ang Palaisip na maharlikang si Don Quijote de la Mancha (1940). Ang nakapagtataka’y hindi na nakapaglabas ng iba pang modernong salin ng Don Quixote na aangkop sa kasaluyang panahon.

Mahalaga ang Don Quixote sapagkat ito ang kauna-unahang modernong nobela na kinilala sa buong daigdig. Ang pinapangarap noong España ni Don Quixote ay may toleransiya, na ang mga kultura ng Kristiyano, Hudyo, at Muslim ay umiiral nang magkakatabi at payapa, imbes na magkakabukod, nagbabakbakan, at watak-watak. Mula sa pagsasanib ng mga kultura, ani Tariq Ali, ay sumilang ang kulturang Al Andalus (Muslim Spain o Muslim Iberia). Si Miguel de Cervantes, na nagkukuwento ng buhay ni Don Quixote, ay nagsaad na hindi sa kaniya nagmula sa kuwento bagkus sa isang Moro. Ang nobela kung gayon ay mahihinuhang hindi basta ukol sa pagiging kabalyero o matapat na Kristiyano (dahil nabaliw si Don Quixote sa kababasa ng mga basurang librong romanse na mahihinuhang doble-karang aklat relihiyoso), bagkus hinggil sa pagsasaharaya ng isang ideal na daigdig na higit sa maihahain ng isang pananalig o kultura.

Paglampas sa Legalidad

Ang kinakailangan ng ating bansa ay makalundag sa legalidad na may kaugnayan sa karapatang intelektuwal nang sa gayon ay makapagsalin nang malaya ang malaking populasyon ng mga Filipino. Sa panig ng KWF, imbes na magsalin ito ng sertipiko at ilang dokumento mula sa ibang ahensiya ng gobyerno, ito ay dapat gumagawa ng mga patakaran at patnubay na batay sa saliksik upang ang pagsasalin ay maging malaya at katanggap-tanggap sa mga unibersidad at kolehiyo, bukod sa mahimok ang mga pribadong indibidwal o korporasyon o kaya’y grupo ng mga pabliser na mag-ambag sa pagsasalin.

Ang programa sa pagsasalin ay maaaring isaalang-alang ang paglalathala ng 5,000 titulo o higit pang aklat sa loob ng tatlo o limang taon, sa tulong ng mga estadong unibersidad at kolehiyo, at may subsidyo mula sa gobyerno o pribadong sektor. Ang isa pang magagawa ay muling buhayin at gawing obligatoryo ang mga kurso sa pagsasalin, upang ang pagsasalin ay hindi lamang maging elective subject sa kolehiyo o senior high school bagkus isang nagsasariling larang.

Kung ang bawat Estadong Unibersidad at Kolehiyo ay makapaglalabas ng isa o dalawang salin ng mga akdang internasyonal kada taon, malulutas ang problema natin ukol sa panitikang pandaigdig sa loob ng limang taon.

Nakalulungkot na kung babalikan ang librong Apat na Siglo ng Pagsasalin, ang Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas (1593-1998), ni Dr. Lilia F. Antonio, matutunghayan doon na may tinatayang 1,060 titulo ng mga akda ang naisalin sa Filipino. Sa loob ng apat na siglo, pansin nga ni Dr. Mario I. Miclat, halos dalawang aklat o titulo kada taon ang naisasalin sa loob ng 400 taon.[xvii] Higit na marami pa rito ang isinasaling aklat pampanitikan sa Ingles sa US sa loob ng limang taon (2008-2017), at walang sinabi sa mga salin sa wikang Arabe. Mahihinuha na sa estado ng pagsasalin sa Filipinas, ang pagiging makitid ng ating pagtanaw sa daigdig ay tumitingkad, at hindi maikukubli ang ating saliwang pagpapahalaga ukol sa panitikan at mga wika ng daigdig, o kaya’y sa edukasyon sa pangkalahatan.

Pagsasalin bilang Pangkatang Gawain

Kailangan nating tanggapin na ang pagsasalin o ang paghahasa sa mga tagasalin ay hindi lamang trabaho o tungkulin ng KWF. Hinihingi ng panahon na buksan natin ang ating loob at isip hinggil sa posibilidad ng malawakang pagsasalin, na pinopondohan nang malaki ng gobyerno at tinatangkilik ng pribadong sektor, para sa kapakanan ng ating mga estudyante at guro. Binuksan ko ang usaping ito sapagkat kung nais nating pasiglahin ang pagtangkilik sa mga banyagang panitikan, kinakailangan nito ang katumbas na pagsisikap ukol sa pagsasalin.

Sa mikrokosmong pagdulog, ang isang guro na makapagtuturo nang mahusay na pagsasalin, ay maaaring makahikayat sa buong klase niya na binubuo ng 50 kabataan na bumuo ng mga salin. Ang pagsasalin ay maaaring maging pangkatang gawain, at kung ang bawat pangkat ay may tiglilimang kasapi, makabubuo agad ng 10 akdang salin na maituturing na antolohiya at maaangking proyekto ng lahat. Ang proseso ng pagtuturo ay maaaring nasa anyo ng palihan [workshop], at hindi mahalaga ang pagtatamo ng mataas na grado bagkus ang pagkatuto sa esensiya ng pagsasalin. Bukod pa rito ay matuturuan ang mga estudyante kung paano tumanaw ang isang editor ng antolohiya, na hindi lamang maalam sa wika, bagkus sa konsistensi sa estilo, anyo, at gamit ng mga salita o jargon.

Ang modernong rebolusyon na may kaugnayan sa mass media at Internet ay nakapag-ambag nang malaki sa pagsasalin. Pinalitan ni Mark Zuckerberg si Johanne Gutenberg, at dinanas natin kahit ang masaklap na pangyayari ukol sa mga pekeng balita at akda. Ngunit higit pa rito, ang Internet ay nagpapadaloy ng malayang impormasyon, kaya ang isang akdang banyaga ay maaaring magkaroon ng katumbas sa Filipino sakali’t ito’y isalin at ilathala sa elektronikong paraan. Kung gagamitin sa positibong paraan ang Internet, ang mga salin sa Filipino ay maipalalaganap nang lubos hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa isang klase ng mga estudyante, ang Internet ay maaaring maging lunsaran ng isang kolektibong publikasyon at dito matitingnan ng guro ang progreso ng kaniyang mga estudyante. Ang paglalathala—sa ayaw man natin o gusto—ay hindi lámang matatagpuan sa palimbag sa papel na pamamaraan, bagkus sa elektronikong paraan. Mahalaga pa rin sa aking palagay ang mga imprenta, ngunit  hindi matatawaran ang impormasyong teknolohiya na higit na nagiging malaya ang pagtatamo ng akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang bansa, at makapagpapadali sa gawain ng mga estudyante.

Sa mga paaralan na hindi pinapalad na maabot ng Internet, ang magagawa natin ay ang pagbabalik sa lumang paraan ng pag-aaral. Kabilang dito ang paglalaan ng oras sa pagbabasa ng mga aklat, ang pagpapalalim ng bokabularyo ng bawat kasapi, ang talakayan sa loob ng pangkat hinggil sa nilalaman o anyo ng akda, at ang pagsasaalang sa lente ng pagbasa, halimbawa kung ano ang nararapat na pagdulog o teorya na magagamit sa pagbasa. Matuturuan sa ganitong paraan ang mga estudyante nang walang pakialam sa mga grado o award, at ang higit na mahalaga ay naitatampok kung naunawaan nga ba talaga ng isang estudyante ang aklat na kaniyang binása.

Tungo sa Ibayong Pagsasalin

Ang isang university press sa Filipinas ay masuwerte nang makapaglimbag ng 2-3 na titulong salin sa isang taon. Kung ang nasabing palathalaan ay madaragdagan pa ang salin at maging 20 kada taon, mapupuwersa ito tungo sa malikhaing promosyon at distribusyon ng mga aklat. Ngunit hindi ito nagaganap. Hindi na sapat ngayon ang maglathala ng 500-1,000 sipi, bagkus panahon nang maglathala ng tig-25 libong sipi bawat titulo upang madaling maabot ang pangarap na 1 milyong aklat kada taon.

Kapag pinag-aralan na ang konsepto ng pandaigdigang panitikan pagsapit sa mga silid aralan ay nagkakaroon na ng problema kung iuugnay dito ang wika o mga wikang pinagmumulan ng nasabing larang. Ito ay sapagkat ang pandaigdigang panitikan ay nakasalalay sa wika ng pinagsasalinan, pansin ni Tariq Ali, at depende sa volyum ng salin ng mga akda ay mababatid natin kung ano ang nilalaman ng mga malikhaing akda sa iba’t ibang panig ng daigdig. Halimbawa, hindi kilala sa Filipinas si Adonis (Ali Ahmad Said Esber) na isang rebeldeng makata ng Syria, kahit ang taong ito ay tinitingalang pinakadakilang makata sa modernong panahon sa hanay ng mga bansang ginagamit ang wikang Arabe. Ang kakatwa’y ni hindi siya manalo ng Nobel Prize in Literature (at nauna pa si Bob Dylan), subalit hindi ako nagtataka dahil ang nasabing parangal ay mula sa umimbento ng dinamita na kung hindi lumipol ng mga tao kapag may digmaan ay ginagamit sa pangingisda ng mga tiwaling propitaryo.

Ang Filipino, at iba pang pangunahing katutubong wika sa Filipinas, ay dapat magkaroon ng programadong pagsasalin ukol sa panitikang pandaigdig, na ang network ay tumatagos hanggang pamayanan, upang maunawaan ang sari-saring kultura at kasaysayan ng bawat bansa o nasyon, at nang lumawak ang ating pagtanaw bilang mamamayang kabilang sa sandaigdigan at bilang isang Filipino.  Ang trabaho ng pagsasalin ay hindi nangangailangan ng titulong Masterado o Doktorado, bagkus ay patuluyang pagsasanay sa mga aktuwal na pagsasalin na mailalathala sa papel o sa elektronikong anyo. Ito ay upang salungatin ang namamayaning gahum ng globalisasyon na “walang pakialam” sa kultura, bagkus kumita.

Waring hindi nasusupil ang agos ng intoleransiya mula sa malalaking negosyo, at ang nakikita nating problema kahit sa diskurso ng “bagani” ay dahil sa ating baluktot na pagtanaw at mala-Hollywood na pagdulog sa ating mga aliwan, gaya ng telenobela, pelikula, at timpalak sa telebisyon. . . .

Ibig kong wakasan ang aking papel sa pagsasabing ang panitikan saanmang bansa ito nagmula ay nagiging pandaigdigan pagsapit sa Filipinas kapag ito ay naisalin sa Filipino o sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa pagsasalin, ang isang banyagang akda ay nagkakaroon ng lokal na testura at kulay, upang umangkop kahit paano sa konsepto na taglay ng wikang pinagsasalinan. Kung hindi ito magaganap, mananatiling nasa literal na pakahulugan ang salin, at lilitaw ang kahinaan ng isang akda kahit hindi karapat-dapat ang gayong pagtaya. Nakatutulong din ang pagsasalin para umunlad ang mga lokal na panitikan hinggil sa korpus ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig, at lumawak ang ating pagtanaw sa daigdig.

Sa ating panig, hinihintay tayo ng panahon na mag-ambag sa ating sari-sariling mga pamamaraan. Huwag na tayong umasa pa sa gobyernong bulok, o ipinapalagay ng ilang kritiko, na bulok.  Sapagkat sa bandang huli, ang importante ay may masimulan, anuman ang antas ng ating kaalaman at kasanayan ukol sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsasalin ng mga akdang dayuhan. Ang pagsasaayos ng ating kurikulum ukol sa pandaigdigang panitikan ay tungkulin nating lahat, at kung gayon, natural na hinihingi ang inyong pakikiisa sa ganitong gawain.

Mga Talâ

[i] Silk Road—sinaunang ruta ng kalakalan, mulang China hanggang Turkey at Mediterannean. Ang ruta ay aabot Ewropa, Arabia, at Hilagang Africa.

[ii] Dakilang manunulat mulang Germany, isinilang noong noong 1749  at yumao noong 1832.

[iii] Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” page 2 of 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000), p. 2.

[iv] Ibid, p. 3.

[v] Eckermann, Johann Peter. Gespräche mit Goethe in den letzten Jahren seines Lebens. Ed. Regine Otto and Peter Wersig. Berlin: Aufbau, 1987, p. 198. Matatagpuan din sa Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” p. 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000).

[vi] British-Pakistani na manunulat at intelektuwal, at kinikilalang kritiko at historiyador sa kasalukuyan.

[vii] Complete Database Translation, na may petsang 13 Agosto 2017, at nalathala sa Three Percent: A Resource for International Literature at the University of Rochester, hinango noong 30 Marso 2018, 10 am.

[viii] Basahin ang The Arabist, sa https://arabist.net/blog/2010/11/4/new-numbers-on-translations-into-arabic.html na hinango noong 13 Agosto 2017, 10 am.

[ix] Basahin ang “These are the most powerful languages in the world,” na nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016. Tingnan ang https://www.weforum.org/agenda/2016/12/these-are-the-most-powerful-languages-in-the-world/ na hinango noong 26 Marso 2018, ganap na alas-onse ng gabi.

[x] Hango sa lektura ni Tariq Ali na pinamagatang “World Literature and World Languages,” sa University of London noong 2013. Mapapanood ito sa https://www.youtube.com/watch?v=NaP0KEwdGro.

[xi] Mula sa International Monetary Fund (IMF). Basahin ang  http://www.imf.org/external/np/exr/ib/ 2000/041200to.htm, na hinango noong 30 Marso 2018, 9:22 am.

[xii] NBDB, daglat ng National Book Development Board.

[xiii] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007. Ang Aklatang Bayan ay binubuo ng 42 manunulat na Tagalog, na ang karamihan ay marunong magsalin ng akdang nasusulat mulang Español, Ingles, Aleman, Frances, Hapones, atbp.

[xiv] Basahin ang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura,” ni Prof. Jose Maria Sison, at may petsang 20 Disyembre 1971. Muling nalathala sa Aklatang Tibak (https://aklatangtibak.files. wordpress.com/2017/05/mensahe-sa-paksa-hinggil-sa-mga-tungkulin-ng-mga-kadre-sa-larangan-ng-kultura.pdf) na hinango noong 29 Marso 2018, 7:27 pm.

[xv] Hango sa datos ng GBO New York, German Book Office. Matutunghayan sa https://buchmesse.de/images/fbm/dokumente-ua-pdfs/2016/book_market_us_jan_2016_56617.pdf na hinango noong 2 Abril 2018, 4 pm.

[xvi] Basahin ang maikling kritika ni Anjali Enjeti na pinamagatang “It’s time to diversify and decolonise our schools’ reading lists,” na nalathala sa Al Jazeera.com. Tingnan ang https://www.aljazeera.com/indepth/opinion/time-diversify-decolonise-schools-reading-lists-180318100326982.html na hinango noong 31 Marso 2018, 1:02 am.

[xvii] Basahin ang “In Focus: Translations into Filipino,” ni Mario I. Miclat, Ph.D., na nalathala sa websayt ng National Commission for Culture and the Arts noong 26 Pebrero 2015.  Matutunghayan sa http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/translations-into-filipino/ na hinango noong 30 Marso 2018, 4:48 pm.

Pagsusuri ng Balita

Pagsusuri ng Balita

May itinuturo sa atin ang pagbabasá ng pahayagan, at ito ay may kaugnayan sa lohika. Ang lohika ng balita ang maaaring magdulot upang paniwalaan, kung hindi man pagdudahan, ang katotohanan ng mga pahayag mula sa tinutukoy na paksa. Ngunit dahil ang katotohanan ay isang mailap na bagay, at maaaring magkaroon ng iba-ibang panig, ito ay dapat sumailalim sa masusing pagsusuri ng mga mambabasa.

Halimbawa, ang pinakabagong balita mula sa Philippine Daily Inquirer na may pamagat na “Inday Sara thinks Trillanes could be ‘hooked on something’” (5 Pebrero 2018). Ang pahayag ng butihing alkalde mulang Davao ay reaksiyon sa tangka ni Senador Antonio Trillanes IV na magkaroon ng pagsisiyasat sa Senado, sa pamamagitan ng Resolusyon Blg. 602, ukol sa mga tagong yaman [ill-gotten wealth] ng Pangulong Rodrigo Duterte at ni Alkalde Inday Sara. Maaaring magpahiwatig ng sumusunod ang winika ni Alkalde Inday Sara: una, tumitira ng droga si Senador Antonio Trillanes IV, kayâ kung ano-ano umano ang pumapasok sa utak nito; at ikalawa, hindi dapat paniwalaan si Senador Trillanes sapagkat tsismis lámang umano ang kaniyang mga paratang sa Pangulo at sa kaniyang anak na alkalde.

Sa unang malas ay kahanga-hanga ang pahayag ng butihing alkalde. Ito ay dahil nagpapahiwatig ang pahayag ng tapang, samantalang sumasapol sa bayag, at nagtataglay ng paglibak sa personalidad ng senador. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang kaniyang pahayag ay maituturing na argumentum ad hominem, na isang anyo ng pag-atake sa katauhan, motibo, at iba pang katangian ng kalaban upang pabulaanan ang mga pahayag o paratang nito. Gayunman, kahit ginawa ito ng nasabing alkalde, sanhi man ng bugso ng damdamin o iba pang dahilan, hindi ito pinagtuonan ng reporter, at sa halip, ay hinango ang mga salita ng alkalde sa maituturing na magaspang nitong anyo, at ito ang inihain sa publiko, sapagkat masarap pagpistahan.

Ang balita sa PDI ay walang kabuntot na saliksik mula sa iba pang mapagtitiwalaang impormante para linawin ang pahayag ni Alkalde Inday Sara o Senador Trillanes. Ang dapat sanang nailahok sa balita ay ang mga importanteng probisyon na tinutukoy ni Senador Trillanes mula sa Anti-Money Laundering Act, at kung bakit mahalaga ang imbestigasyon. Dahil kung hindi mahalaga ang imbestigasyon, ano pa ang silbi para pahalagahan ang umano’y tsismis na mula sa nasabing mambabatas?

Kung hindi angkop na forum ang senado para sa sinasabing imbestigasyon hinggil sa tagong-yaman ng mag-amang Duterte, ang PDI ay dapat tinukoy o iniimbestigahan kung saan ang nararapat. Bukod pa rito, dapat iniimbestigahan ang winika ni Alkalde Inday Sara na tsismis lámang umano ang mga paratang ng senador laban sa kanilang mag-ama. Kung babalikan ang Seksiyon 9, ng Batas Republika Blg. 9160, ang sinumang tao na maghahain ng maling ulat na may kaugnayan sa money laundering ay maaaring makulong mulang anim na buwan hanggang apat na taon, at pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 ngunit hindi lalampas sa P500,000 alinsunod sa pasiya ng hukuman. Sa ganitong pangyayari, kahit si Senador Trillanes ay may malaking pananagutan sakali’t mali ang kaniyang paratang na ihahain sa AMLC (Anti-Money Laundering Council).

Ang “money laundering” ay maituturing na literal na pagkukulá ng mga salapi, upang ilihim ang maruruming bukál nito, na ayon sa B.R. Blg. 9160, ay maaaring nagmula sa gaya ng, ngunit hindi limitado sa, ilegal na pasugalan, kidnaping, korupsiyon, ilegal na pagbebenta ng droga, pagnanakaw, ismagling, pangungulimbat, at ibang paglabag sa batas. Sinumang paratangan ng pagkukula ng salapi ay dapat iniimbestigahan, lalo kung ang paratang ay umaabot sa milyon-milyong piso. May responsabilidad ang awtoridad na halukayin ang katotohanan, at parusahan kung sino man ang maysala. Ito ay dahil ang awtoridad ay may mandato mula sa batas, bukod sa may moral na responsabilidad bilang matapat na mamamayang nagmamahal sa bayan.

Hindi malulutas ang bangayan nina Alkalde Inday Sara at Senador Trillanes, kung hindi matitiyak ang katumpakan ng mga papeles na umano’y nagmula sa AMLC. Simple lámang ang lahat: kung magbibigay ng pahintulot si Pangulong Duterte at Alkalde Inday Sara na suriin ang kanilang mga deposito sa bangko ay tapos na ang usapan. Ngunit hindi ito madali, sapagkat may batas ukol sa pagiging lihim ng deposito, maliban kung ito ay pahihintulutang ibunyag ng may-ari ng akawnt.

Dahil palaban ang Pangulo at ang kaniyang alkaldeng anak sa isang hamak na senador, maihahakang walang mararating ang balitang nagmula sa PDI. Pulos satsatan ang naganap, ngunit walang handang magtaya ng buhay para sa bayan, maliban marahil sa peligroso ngunit politikong pagdulog ng senador. Sa ganitong pangyayari, ang lohika ng balita ay nagiging lohika ng lakas ng tinig, at naghuhunos na mapanlibak kung hindi mapagmataas, na maituturing na isang sampal kung hindi man pagyurak sa katalinuhan ng publiko.

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Mga sanaysay hinggil sa wikang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng akademya, hukuman, negosyo, at batasan. Sinulat ni Roberto T. Añonuevo, at tumatanaw nang malaki sa kaniyang blog na alimbukad.com na ang pinagmulan ay dakilapinoy.wordpress.com. Inilathala ng UST Publishing House noong 2013, at nagkakahalaga ng P300. Para sa karagdagang impormasyon, dumalaw sa websayt ng UST Publishing House.

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Filipino at ang Halalan sa Mayo 2010

Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.

Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.

Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong  4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.

May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani  and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.

Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.

Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.

Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.

Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.

Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.

Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.

Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.

Kampanya at Halalan

Sa larangan ng politika, ang lahat ay mabubuksan at magagamit bilang kasangkapan upang makamit ang anumang lunggati ng politiko.

Natural ang bakbakan sa politika, at kahit ang pagpatay sa mga tagasuporta ng isang politiko ay maaasahan kung umiiral sa isang pook ang kultura ng sandatahang dahas. Hindi inaasahan sa politika ang pagiging santo o martir ng isang kandidato, lalo sa eleksiyon, at walang kinalaman ang relihiyon sa kaniyang husay ng pagiging estadista. Ang pagiging santo ay higit na makiling sa relihiyon at moralidad; at kung ang kabanalan ang magiging sukatan ng pamumuno, ang pamumuno ay mistulang ehemplo ng matayog na pagsisinungaling. Hindi rin inaasahan sa politika kung mula sa mahirap ang kandidato, dahil ang pagiging mahirap ang lalong magpapagunita ng masaklap at kaawa-awang buhay ng mga botante. Kahit ang kasarian ay walang kinalaman sa politika dahil sa oras na mahalal sa posisyon ang isang kandidato ay kailangang simulang pagsilbihan niya ang pangkalahatang kabutihan ng buong bayan nang walang pagtatangi sa isang kasariang kaniyang pinagmulan.

May itinuturo ang kampanya sa eleksiyon. Ito ay kung paano kikilatisin ang politikong karapat-dapat magwagi at pamunuan ang bayan. Ngunit mahirap magawa ito, dahil malimit nauulapan ng propaganda ang kampanya, at imbes na magtalo nang makatwiran ang mga kandidato ay nauuwi kung minsan sa pagbabatuhan ng putik at maaanghang na punang karapat-dapat lamang sa kubeta o imburnal. Ang pagpapakilala ng mga politiko sa pamamagitan ng polyeto ay waring paglilista ng mahabang resume. Parang nag-aaplay ng trabaho ang bawat politiko, at ang botante sa isang iglap ay nagkakaroon ng kapangyarihang maging employer na makapamimili kung sino ang dapat hirangin sa posisyong pampamahalaan. Itinuturo rin ng kampanya sa eleksiyon ang pagbabalik sa nakaraang dayaan, ang tinaguriang “dagdag-bawas,” at ang taguring ito ay nagbabanta ngayon kahit de-makina na ang halalan.

Ibinubunyag ng eleksiyon kahit ang mga balatkayong kandidato, at ang mga kandidatong ito, na lumalahok para sa anumang kapakanan ng isang politiko, ay taktikang naganap noong unang panahon at paulit-ulit pa ring nagaganap magpahangga ngayon.  Ang mga balatkayong kandidato ay maaaring pambasag ng boto ng kalaban; o kaya’y para palitawin na may kalaban ang isang politiko na ang totoo’y ayaw namang magpatalo o bumaba sa puwesto. May ibang balatkayong kandidato na tumatakbo sa eleksiyon—na kahit batid na matatalo ay ginagawa pa rin yaon—upang magpakilala sa mga botante at testingin ang agos ng opinyon para sa susunod pang eleksiyon. Ang sukdulan ng balatkayong kandidato ay nasa pang-uuyam, na naghahain ng kandidatura sa Comelec upang uyamin mismo ang proseso ng halalan at libakin ang estado ng mga manghahalal. Ngunit nasa demokratikong bansa tayo, at malaya ang sinuman na ihayag kahit ang kaniyang angking katangahan o kabaliwan.

Ang isang pampolitikang posisyon, halimbawa na ang pagkapangulo, ay natural na targetin ng sinumang matindi ang ambisyon. Hindi lamang simbolikong kapangyarihan ang pagwawagi sa halalan; kaugnay din iyon ng kapangyarihang pangkabuhayan at pribilehiyong panlipunang maibibigay lamang sa bukod-tanging nilalang. At upang maganap yaon, kinakailangan ang buong buhay na paghahanda. Magsisimula ito sa pagbubuo ng karera sa serbisyo publiko, pag-iipon ng pondo, pagtataguyod ng network ng institusyon at tao, at iba pa. Ang persona ng politiko ang pinakaiingatan, dahil sa kisapmata’y maaaring madungisan ang kaniyang maningning na karera at pulutin siya sa kangkungan pagkaraan.

Mapapansin na sa proseso ng kampanya kumikiling ang timbangan sa halalan. Ang buong proseso ay lunan ng tunggalian at interogasyon, at mahalaga kung anong pananaw ang mangingibabaw na posibleng paniwalaan ng mga tao. Mabigat ang tungkuling gagampanan ng mga propagandista at komentarista, dahil maaaring makapagpakiling sila sa opinyon ng taumbayan. Maaaring makatulong kung matangkad, makisig, matalino, at mayaman ang kandidato; ngunit maraming may gayong katangian ang nabibigo pa rin sa bandang huli kung hindi niya kayang hulihin ang guniguni ng taumbayan. At magagawa lamang ito ng politiko kung gagamitin niya ang wika at diskurso ng taumbayan.

Sa halalang ito, napakahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa buong proseso ng kampanya. Wika ang natitirang hiblang makapag-uugnay sa kandidato at sa mga botante. At hindi dapat isantabi lamang ito ng mga politiko. Sinumang kandidato na mabisang makagagamit ng Filipino sa pakikipagtalastasan sa taumbayan ay inaasahang magwawagi. Pinatunayan na ito ni Pang. Joseph Ejercito Estrada noon, at maaaring maulit sa halalan ngayong taon.