Naglalayag Ako sa Taglagas, ni David Stefansson

Salin ng “I Sail in the Fall,” ni David Stefansson ng Iceland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Naglalayag Ako sa Taglagas

I
Naghihingalo ang tag-araw, naghihingalo,
At ang lamig ay hininga ng taglagas.
Nag-aalburoto ang mga alon
At hinahampas ang rompeolas.
Hinipan ang mga dahon mula sa mga sanga.
Namumulá ang mga labì ng mga bata.
Nagsilisan ang mga ibon. Nahigit ang mga kable
Ng mga mga barkong dumanas ng mga bagyo.
Yumuyuko ako sa matinding kapangyarihan.
Nahahatak ako ng lihim na kamay.
At ang dagat— nananawagan ang dagat
Sa himig na bigo akong maunawaan.
Ako ang ibon na naglalandas,
Ang barko na hinihipan ng mga unos.
Ang awit ko ay awit ng paglisan.
Dumating ako, at ako ay lilisan.

II
Nanguna ang bagyo palayo sa pantalan.
Sumalpok ang alon sa pader ng dagat.
Nagmula ako sa timog noong tag-araw
At naglayag noong taglagas.
Hindi kayang pigilin ako ng mga dasal.
Nilagot ko ang mga sagradong ugnayan—
Iniwan ang babaeng sinasamba ko,
Ang lupain na rurok ng aking kabataan.
Tinalikdan ko nang sandali ang barko
Upang bigkasin ang mga pamamaalam.
Ngunit ang awit ko ay awit ng paglisan.
Dumating ako, at ako ay lilisan.

III
Kinainggitan ko ang lahat ng malilibak mo,
Ikaw na hanging nagpapadaluyong sa laot—
Ang araw na nagniningning sa kadakilaan,
At ang mga lupaing nahihimlay;
Ang mga rurok sa kristal na kariktan,
Tahimik at kataas-taasan;
At ang espingheng nagtatago ng lihim,
Habang nalalagas ang iba’t ibang taon.

IV
Isinilang ako ng dayaray at daluyong
Mula sa iba’t ibang lupain.
Hindi ako humihiling ng mga papuri
O nagpapahalagang kamay.
Ibig ko’y basbasan sa pakikipagkaibigan,
Ngunit saanman ay malimit mag-isa,
Ang karaniwang tao na walang bayan,
Ang palaboy sa bawat sona.
Ngunit ang awit ko’y awit ng paglisan.
Humahampas ang alon sa rompeolas.
Nagmula ako sa timog sa tag-araw
At naglalayag sa taglagas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Painting titled “The Cannon Shot.” Date: 1680. Institution: Rijksmuseum. Provider: Rijksmuseum. Providing Country: Netherlands. Public Domain

Líbas, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Ива,” ni Anna Akhmatova ng Ukraine at Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Líbas

At lumaki ako sa nakapadrong kapayapaan
Sa malamig na silid ng mga bata nang nasok ang siglo.
At hindi ko ikinalugod ang mga tinig ng tao,
Bagkus ang tinig ng hangin na aking nauunawaan.
At minahal ko ang mga amorseko at lipang-aso
Ngunit higit sa lahat, itinangi ko ang pinilakang líbas.
At nagpapasalamat na nabuhay ito nang lubos
Sa piling ko, nang tumatangis ang mga sanga
Na pinapaypayan ng aking di-makaling panagimpan.
Nakakaasiwa! Nahigitan ko ang buhay nito.
Naroon ang tuod, at ang banyagang mga tinig
Ng iba pang líbas na nagsasalita nang ganito o ganoon
Sa lilim ng ating matandang kalangitan.
Ngunit napatatahimik ako kapag yumao ang kapatid.

Líbas [Willow]. Retrato ni Francisco Delgado @ Unsplash.com

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Parang, ni Antonio Machado

Salin ng “Campo,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Párang

Agaw-buhay ang takipsilim
gaya ng munting apoy na nauupos sa bahay.

Doon, sa tuktok ng mga bundok,
iilang gatong na lámang ang natitira.

At ang bakling punongkahoy sa puting daan
ay paluluhain ka dahil sa pagmamahal.

Dalawang sanga sa warát na bungéd, at isang
dahong itim at kuluntoy sa bawat sanga!

Umiiyak ka? Sa mga gintong álamo sa malayo
ay naghihintay sa iyo ang anino ng pag-ibig.

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.