Awit ng Sapatero, ni Roberto T. Añonuevo

Áwit ng Sápatéro

Roberto T. Añonuevo

Kapág pinálad kang makilála ang sápatéro, malilímot mo ang pangálan ngúnit hindî ang mga digmâan. Isisílang kang káwal sa panahón ng tagtuyót, at kasabáy nitó, aágos ang sariwàng dugô, tutupúkin ang buông báryo úpang unáhan ang bagyó, at pagháhatìan ng kung síno-síno ang mga kulimbát. Warìng nagbóksing ang mga pólitíko, at ang magwagî ay magbúbukás ng palásyo at dambúhalàng négosyo sa tumpák na pagkakátaón. Sa ganitóng panahón, búbuklatín mo sa písara ng gúnam ang isáng bérso ng kilaláng détenído.

1
Sápatos sa gílid ng himpílan ang naghíhintáy
sa ákin. Kumatí ang áking mga paá,
ngúnit ang gúwardíya’y matalím ang tingín.

“Matúlog ka na!” 

2
Ináasám ko rin iyóng isuót at ilákad,
subúkin ang tatág, higitín ang góma o balát,
itanghál káhit lumikhâ ng guníguníng okasyón,
ngúnit ngayón, lumalápit sa ákin ang panahón
úpang pumirmí sa sahíg.

Walâng anó-anó’y tahímik na nagmártsa
ang mga langgám sa padér.

3
Ang sahíg, na sumásaksí sa ákin, ay pinaúupô
akó, maráhil úpang pagniláyan ang katawán
na íbig nitóng lamúnin.

Bumuntóng-hiningá akó, bágo tanggapín
ang kapaláran ng mga míkrobyo sa kukó

o amíning itó’y tapát na pagsísinúngalíng.

4
May pakpák ang áking sápatos noón, inilílipád 
akó nang walâng pakíalám sa mga pangánib.

Ganitó rin ba ang nadaráma ng iméldipíkong
bodégang kung dî láyaw ay kalansáy ang líhim?

5
Ang bantáy ko’y maáarìng nagbábaskétbol
noón; at ngayón, masayá na siyá kung makíta
ákong may réhas ng luhà ang mga matá.

“Ligtás díto,” at siyá’y magtítimplá ng baráko.

6
Ang sápatos na áking tinátanáw ang tadhanà
na sumíkad sa ákin. Warì ko’y bukanégan,

ngúnit paláisipáng walâng wakás.
 
Ngayón, sinásalát ko ang isáng balîng tadyáng
na hiníhintáy magíng kabiyák bálang áraw.

7
Kay bilís dumupók ng áking sápatos.
Ang dalawáng taón sa loób ng paraísong
bartolína

ay katumbás ng pagdilà ng mga súwelas.

Ngúnit walâ akóng maúnawàan sa wikà
kundî ang pagód na pagód na bentíladór.

8
Nakálilímot ng mga paá ang sápatos.
Sabíhin mo iyán sa áking Ádidas

at maglálawáy ka sa mga ísaw at púpog.

9	
Sápatos ng áking haráya, lumakád kayó
at lumápit sa ákin.

Paparatíng ang mga yabág ng mga títik.
Kumíkidlát ang milyón-milyóng ísip. 

Walâ kang maáarók ngúnit lálong masásabík. Kákausápin mo ang détenído sa wikà na kaniyáng alám. Bibigyán mo siyá ng katumbás na tágay. Pagdáka’y mágpipílit kang rébisahín ang natitiráng sandalî, na warìng pagharáp sa bibitáyan.

Alimbúkad: Epic rage poetry beyond Filipino. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Pulo ng mga Paa, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Paá

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng nakáalís na ang hinahánap mo sa sandalîng makáratíng ka sa Pulô ng mga Taingá, at kung gayón, ang pinakámalápit na rúta na puwéde mong tahakín ay ang Pulô ng mga Paá. Doón, singkrónisádo ang mga hakbáng na tinútumbasán ng imbáy ng mga kamáy. Tumakbó man ang mga táo ay warìng pulutóng ng mga sundálong sabáy-sabáy ang bagsák ng mga paá na binábagáyan ng disíplinádong áwit pandigmâ. Mga bintî’y párang balbúning tóre kung hindî man makínis na marmól. Siksík ang mga hità at pigî, ngúnit sa iláng pagkakátaón ay hindî naíiwásan ang pagkabásag ng túhod o pagkapúnit ng mga lítid sa sákong at búkong-búkong kapág nakikipágtunggalî o nakikipáglarô. Asáhan kung gayón na malúluwág ang bangkéta ríto at kályeng laán sa páglalakád. Sa Pulô ng mga Paá, palagìng aktíbo ang pagtanáw sa daigdíg, walâng puwáng pára sa parálisádo o tamád ngúnit pinálulusót ang banidósa’t baylarína, ibábad man sa yélo o kumunóy ang mga táo o palakárin sa nágliliyáb na disyérto. Báwat táo’y marúnong ipágtanggól ang saríli, halímbawà, kung paáno sumipà o sumíkad na warìng paglahók sa sayáw ng kamatáyan; o kung paáno tumbasán ang mga suntók o salagín ang mga kadyót ng espáda, gaya sa káli o balíntawák. Sa Pulô ng mga Paá, ang pamamáhingá ay sinisípat na pag-úrong sandalî sa larángan nang makapágpahílom ng paltós o makapágpagupít ng mga kukó; at kung ipátong man sa mésa ang mga paáng suót ang sapátos na góma o de-balát, ito ay úpang ihayág ang implúwensíya o kapángyaríhan. Huwág mábahalà sakalì’t mákakatí ang mga talampákan at may nunál. Kailángang maglakbáy ang mga táo, at tumindíg sa saríling mga paá at makipágkalákalán sa ibáng pulô, pára mágtagumpáy. Linyádo ang Pulô ng mga Paá, ang séntro ng sarì-sarìng sapín sa paá, at hindî kataká-taká na ang sinúmang sumuwáy sa batás at pamantáyan ay tumátanggáp ng pagyúrak, pagdagán, o pagpisâ sa kongréso ng mga bóta. Mag-íngat, kung salubúngin ka ríto ng mga tadyák.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Javon Swaby on Pexels.com

Ang Magsing-irog ng Tlatelolco, ni Elsa Cross

Salin ng “Los amantes de Tlatelolco,” ni Elsa Cross ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Magsing-irog ng Tlatelolco

Para kay Teresa Franco

Halos kaaahon lámang nila mula sa anino.
Mga bulóng nila’y
. . . . . . . . . . . . . .  .nagpaalsa ng banayad na hiwatig
sa paanan ng kontrapuwerte.
Kumikislap ang puting sapatos nilang pantenis.

Lumayo sa likod ng mga bato
pagdaka’y bumalikwas sa isa’t isa,
nakaligtaan nila sa kanilang mga labì
ang hiyaw ng mga masaker,
ang mga dibdib na biniyak ng lakas na obsidyana
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o bayoneta—

hindi alintana ang aninong tumakip sa kanila,
ang kabataang magsing-irog ay nagbulungan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o nanatiling tahimik,
habang ang gabi’y lumalaganap sa mga guho,
lumulukob sa mga haligi ng mga templo,
sa mga inskripsiyon.

At sa ibayo, naroon sa urna
ang dalawang kalansay na magkayakap
sa kanilang maalikabok na higaan,
sa ilalim ng kristal na ang mga bulaklak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na handog ay nakabilad.

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig, ni Nizar Qabbani

Salin ng “Hawamish ʿala Daftar al-Naksa” ni Nizar Qabbani ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig

I
Mga kaibigan, ikinalulungkot ko ang sinaunang wika
At mga antigong aklat.
Ikinalulungkot ko
Ang warak na mga salita, gaya ng lumang sapatos,
Ang mga parirala ng kalibugan, paninira, at panlalait.
Ikinalulungkot ko
Ang wakas ng kaisipan na nagbunga ng pagkalupig.

II
Maaalat ang tula sa ating mga bibig,
Maaalat ang tirintas ng mga babae,
At ang gabi, at ang lambong, at ang mga puwit.
Maaalat ang mga bagay na nasa harapan natin.

III
Bayan kong kawawa,
Binago mo ako sa kisapmata
Mulang makatang nagsusulat ukol sa pag-ibig at pananabik
Tungong makatang nagsusulat nang may tangang patalim.

IV
Dahil mabigat ang niloloob kaysa ating mga aklat
Ay marapat lámang na ikahiya ang ating mga tula!

V
Hindi kakatwa kung matalo man tayo sa digmaan:
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lahat ng silanganing sining ng retorika
At kabayanihang ni hindi nakapatay ng isang niknik.
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lohika ng mga tambol at rebab.

VI
Ang lihim ng ating trahedya
Ay nakatutulig ang ating sigaw kaysa ating mga tinig
At higit na matangkad sa atin ang sariling mga espada.

VII
Ang kalagayan
Ay malalagom sa isang kasabihan—
Isinuot natin ang sibilisadong balát
bilang panakip sa kaluluwang pagano.

VIII
Hindi matatamo ang tagumpay
Sa pamamagitan ng plawta at pipa!

IX
Ang improbisasyon natin ay nagsilang
Ng limampung libong bagong tent.

X
Huwag sumpain ang langit
Kung pinabayaan kayo,
Huwag sisihin ang pangyayari,
Dahil idinudulot ng Diyos ang tagumpay saanman niya naisin—
Ngunit wala kayong panday na makalilikha ng mga patalim.

XI
Kay sakit marinig ang mga balita sa umaga,
At masakit sa akin kapag narinig ang tahol.

XII
Hindi tumawid ang mga Hudyo sa ating hanggahan
Ngunit nagsigapang,
gaya ng mga hantik, sa pamamagitan ng ating kahihiyan.

XIII
Sa loob ng limang libong taon
Ay namuhay tayo sa malalim na lungga
At nagpahaba ng balbas, at lingid ang pananalapi,
At naging lagusan ng pulgas ang ating mga mata.
Mga kaibigan,
Buwagin ang mga pinto!
Hugasan ang pag-iisip, at labhan ang mga damit!
Mga kaibigan,
Subuking magbasa ng aklat,
O sumulat ng aklat,
Magtanim ng mga liham, granada, ubas,
Maglayag sa mga bansang maulop at maniyebe!
Walang nakakikilala sa inyo sa labas ng lungga.
Akala ng mga tao roon, kayo ay mga lobo.

XIV
Manhid ang ating balát sa mga pakikiramdam,
Nagrereklamo ang ating diwa sa pagkabangkarote,
Ang mga araw natin ay umiinog sa mga pagdalaw,
Paglalaro ng ahedres, at nakasanayang siyesta.

XV
Tayo ba “ang pinakamahusay na bansang nilikha”?
Ang mga lumigwak nating krudo sa disyerto
Ay makapagsisilbi bilang umaapoy na patalim . . .
Ngunit
Naging kahihiyan ito sa mga maharlika ng Quraish,
Naging kahihiyan ito sa timawa ng Awse at ng Nizar
Dahil ibinubuhos para yapakan ng mga aliping babae.

XVI
Nagsisitakbuhan tayo sa mga lansangan,
At ipit-ipit ng kilikili ang mga lubid.
Kay hihina nating mga karpintero!
Binabasag natin ang mga salamin at kandado.
Pumupuri tayo gaya ng mga palaka,
Sumusumpa tayo gaya ng mga palaka.
Ginagawa nating bayani ang mga unanò
At ang mga duwag ng mga Maharlika.
Nagtitindig tayo ng mga bayaning balyan . . .
Mga tambay,
Tayo’y umuupo sa loob ng mga masjid
Bumabása ng mga berso, o kumakatha ng kawikaan
At namamalimos ng tagumpay laban sa kaaway
Mula sa kamay ng Maykapal.

XVII
Kung sinuman ang magbibigay sa akin ng pahintulot—
Kung makakapanayam ko lamang ang Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: O panginoong Sultan,
Ang mababalasik mong aso’y pinunit ang damit ko.
Ang mga ahente mo’y malimit nakabuntot sa akin,
Nasa likuran ko ang kanilang mga mata,
Nasa likuran ko ang kanilang mga ilong,
Nasa likuran ko ang kanilang mga paa.
Tulad ng hindi matatakasang kapalaran,
Binubugbog nila sa tanong ang aking asawa,
At itinatala sa kanilang mga aklat
Ang mga pangalan ng aking mga kaibigan.

O panginoong Sultan,
Dahil dumulog ako sa mga piping pader ng iyong lungsod—
Dahil sinikap kong ibunyag ang pighati at ang kagipitan—
Pinagpapalo ako ng sapatos.
Pinilit ako ng mga kawal mong kainin ang aking sapatos!

XVIII
O panginoon,
Ang aking panginoong Sultan,
Dalawang ulit kang nabigo sa digmaan
Dahil walang dila ang kalahati ng buong sambayanan.
Ano ang silbi ng mga tao na wala namang dila?
Kalahati ng populasyon ng mga mamamayan
Ay sinusukol na gaya ng mga langgam at daga
Sa intramuros.
Kung pahihitulutan ako ng sinuman para makaraan
Sa mga kawal ng Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: Dalawang ulit kang bigo sa digmaan
Dahil bumukod ka nang malayo sa bawat kondisyon ng tao.

XIX
Kailangan natin ang napopoot na salinlahi.
Kailangan natin ang salinlahing lumilinang ng panganorin
At hinuhukay ang kasaysayan mula sa pinag-ugatan nito,
Hinahalukay ang kaisipan mula sa kailaliman—
Kailangan natin ang susunod na salinlahi
Na may naiibang tabas ng katangian
Na hindi nagpapalusot ng mga mali, hindi nagpapatawad,
Hindi yumuyukod
At hindi natututong magsinungaling.
Kailangan natin ang dambuhalang
Salinlahi
Ng mga paglisan.

XX
Mga anak,
Mulang Atlantiko hanggang Karagatang Indiyo,
Kayo ang lungtiang trigo:
Kayo ang salinlahi na lalagot sa mga tanikala,
Ang magwawakas nang lubos sa opyo sa mga utak
At papaslang sa mga ilusyon.
Mga anak, mga inosente pa kayo
At gaya ng hamog ay dalisay.
Huwag basahin ang hinggil sa aming bigong salinlahi.
Mga anak,
Bigo kami . . . walang saysay tulad ng butong pakwan,
Nabubulok gaya ng lumang sapatos.
Huwag basahin ang aming mga balita,
Huwag sambahin ang aming mga monumento,
Huwag tanggapin ang aming mga diwain.
Kami ang salinlahi ng trangkaso, sipilis,
At tuberkulosis.
Kami ang salinlahi ng mga impostor, mananayaw
Sa mga lubid.
Mga anak!
Ulan sa tagsibol, mga sibol ng pag-asa!
Kayo ang malulusog na butil sa aming tigang na búhay,
Ang salinlahing lulupig sa aming pagkalupig!

(1967)

Sa Labas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Labas

Roberto T. Añonuevo

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.

Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.

Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.

. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?

Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.

Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.

Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?

Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang

Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.

Ang Pamilihan, ni Oktay Rifat

Salin ng “Pazar,” ni Oktay Rifat (Oktay Rifat Horozcu) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pamilihan

Kawangis nila ang mga barbarong bathala,
na pawang marubdob, tahimik, at maringal,
suot ang itim na damit at nakagora,
balbasin, at maluwag ang tabas ng pantalon,
yari sa goma ng mga gulóng ang sapatos,
nagtatanghal ng mga kilím na may mga usá,
naglalatag ng mga telang búlak na may pintá,
at háin ang mga piraso ng keso, kamatis, at ígos
na nasa gitna ng kanilang nakangangáng bákol.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Propaganda, ni Leonard Cohen

Propaganda

Salin ng tula ni Leonard Cohen
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang makatwirang pahayag ay nilikha
ni amá, ang ginoong dumudura
upang ilihim ang kaniyang sapatos.
Kaugnay ito sa kalikasan ng relihiyon
at sa progreso ng pagnanasa sa siglo
beínte. Ako rin ay may ilang pahayag
ng kompetitibong pagkamatwid na ibig
kong ipalaganap nang walang bayad.
Mahal ko ang sandaling eternal, halimbawa.
Malimit wikain ng aking ama, habang
tinatanggal niya ang mumunting medalya,
na may tamang panahon para sa lahat.
Isa siyang bukás-palad na ama, naisip ko,
kung huhusgahan ang kaniyang halagahan.
Ay, gayon nga, sasabihin niya, at ang buong
daigdig ay dapat sanang naging tahanan niya.

star, military, soldier, army, symbol, memory