Ang Pagpapatuloy, bilang Ikatatlumpu’t anim na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagpápatúloy, bílang Ikátatlúmpû’t ánim na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sápagkát gumágaláw ang kaisipán, itó ay maáarìng hakbáng, na kapág inúlit nang inúlit ay hindî karaníwang pag-angát sakâ pagsáyad sa lupà ng mga talampákan úpang sumúlong o umúrong, bagkús isáng rítmo ng mga yabág, sumusúkat sa tatág ng sákong at búkong-búkong, humíhigít sa kalamnán ng bintî o hità o pigî, nangángailángan ng balánse at resisténsiyá, balánse at pasénsiyá, párang síning ng pagbítin sa paghíngal o paghingá, tahímik na umaágos na líkidó, kahit pa umápaw o lumampás sa línya, kung mínsan ay nása anyông pálundag o pátingkayád, naglálarô na warìng ípuípo ng mga talúlot, umíindák nang nakáhihílo, kung sa malayò ay mukhâng tuliró ngunit hindî, gumagáya sa tiklíng na hindî mabítag ng malálagkít na siít, at báwat tumulòng páwis ay kasíngtamís ng paghawì sa mga álon, gayunmán ay walâng pagkapágod sápagkát sumúsunód sa kung anóng kumpás ng músiká, kung mínsan ay may métro at malímit sumúsuwáy sa ináakalà o ináasáhan, bumúbuntót sa kung anong pahiwatig, pára sa anumáng espásyo, íbig sakúpin ang ápat na pánig gayóng itinátakdâng gumitnâ, may damdáming hindî maípaliwánag ang kalagitnâan, nagháhanáp ng katarúngan pára isílang ang katwíran ng pag-íbig o pakikihámok, inúuyám ang gravedád at walâng pakíalám sa edád, nagpapáramdám ng kasaysáyan sa paglílistá ng mga pórma, o lumílikhâ ng pórmulá pára sa sukdúlang kaganápan ng malíliksí, malálambót na katawán. Maáarìng ito ang kaléydoskópyo ng mga padrón, nanánagínip sumílip kung anó ang líhim ng mahabàng tápis o kung anó ang itinátagò ng balábal, nakabábalíw ang mga kúlay kung sa estilístang hayón-hayón,  at sa kabilâ nitó ay nakápagsasádulâ ng sárok, na kung isasálin pa sa pelíkulá ay isáng tulisáng sakáy ng kabáyong humáhagibís, dinadágit ang balíkbáyang binibíni, áangkinín ang kaniyáng kariktán at halimúyak, káhit ang kapalít ay isáng éntabládong bíbitáyan—habàng nagpápalakpákan, naghíhiyáwan, nagtatátalón, o nagpápaswítan ang madlâng sabík na sabík lumayà sa maláong pagkakádestiyéro. Hindî ka híhintô, sápagkát gumágaláw ang kaisipán.

Alimbúkad: Epic love poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pulo ng mga Paa, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Paá

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng nakáalís na ang hinahánap mo sa sandalîng makáratíng ka sa Pulô ng mga Taingá, at kung gayón, ang pinakámalápit na rúta na puwéde mong tahakín ay ang Pulô ng mga Paá. Doón, singkrónisádo ang mga hakbáng na tinútumbasán ng imbáy ng mga kamáy. Tumakbó man ang mga táo ay warìng pulutóng ng mga sundálong sabáy-sabáy ang bagsák ng mga paá na binábagáyan ng disíplinádong áwit pandigmâ. Mga bintî’y párang balbúning tóre kung hindî man makínis na marmól. Siksík ang mga hità at pigî, ngúnit sa iláng pagkakátaón ay hindî naíiwásan ang pagkabásag ng túhod o pagkapúnit ng mga lítid sa sákong at búkong-búkong kapág nakikipágtunggalî o nakikipáglarô. Asáhan kung gayón na malúluwág ang bangkéta ríto at kályeng laán sa páglalakád. Sa Pulô ng mga Paá, palagìng aktíbo ang pagtanáw sa daigdíg, walâng puwáng pára sa parálisádo o tamád ngúnit pinálulusót ang banidósa’t baylarína, ibábad man sa yélo o kumunóy ang mga táo o palakárin sa nágliliyáb na disyérto. Báwat táo’y marúnong ipágtanggól ang saríli, halímbawà, kung paáno sumipà o sumíkad na warìng paglahók sa sayáw ng kamatáyan; o kung paáno tumbasán ang mga suntók o salagín ang mga kadyót ng espáda, gaya sa káli o balíntawák. Sa Pulô ng mga Paá, ang pamamáhingá ay sinisípat na pag-úrong sandalî sa larángan nang makapágpahílom ng paltós o makapágpagupít ng mga kukó; at kung ipátong man sa mésa ang mga paáng suót ang sapátos na góma o de-balát, ito ay úpang ihayág ang implúwensíya o kapángyaríhan. Huwág mábahalà sakalì’t mákakatí ang mga talampákan at may nunál. Kailángang maglakbáy ang mga táo, at tumindíg sa saríling mga paá at makipágkalákalán sa ibáng pulô, pára mágtagumpáy. Linyádo ang Pulô ng mga Paá, ang séntro ng sarì-sarìng sapín sa paá, at hindî kataká-taká na ang sinúmang sumuwáy sa batás at pamantáyan ay tumátanggáp ng pagyúrak, pagdagán, o pagpisâ sa kongréso ng mga bóta. Mag-íngat, kung salubúngin ka ríto ng mga tadyák.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Javon Swaby on Pexels.com

Ang Sayaw, ni Humberto Ak’abal

 
Salin ng “El Baile,” ni Humberto Ak’abal ng Guatemala
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Sayaw
  
 Lahat tayo’y sumasasayaw
 sa gilid ng isang sentimo.
  
 Ang dukha——dahil dukha siya——
 ay mawawalan ng panimbang
 at mabubuwal
  
 at ang iba pang tao
 ay magsisidagan sa kaniya. 
Alimbúkad: Poetry rhythm at its best. Photo by Marko Zirdum on Pexels.com

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon

Roberto T. Añonuevo

Nakatulog si Meng Haoran at sinalubong ng mga uwak—
Ang mga uwak na busóg na busóg sa paglapà ng mga bangkay;
At ang mga bangkay na warat-warat ay napukaw ng sipol
Ng simoy, at tumindig, at naglakad nang humahagulgol. . .
Ngunit nanatiling nakahimlay ang makata sa piling ng awit
Ng napigtal na libo-libong dahon mula sa mga punongkahoy
Na tila ospital na umaapaw sa mga tao na may trangkaso,
Pagdaka’y naging hardin ng sigâ, habang tumutula ang usok

At apoy, at sumasayaw ang mga titik sa himig ng tik-tak-tok. . .

Dumilat si Meng Haoran sa aparato ng salot at bangungot,
At ang ibon ay naging daga at ang daga ay naging paniki,
At ang paniki? Isang tuldok sa libong saliksik ukol sa sakít,
Na puwang upang magduda kung siya pa rin ang makata, o isa
Nang partido ng mga burukrata na ang watawat ay pabrika
ng mga lamanlupa, na sinasaliwan ng awit ng manyikang hukbo.
“Ako ba ang panaginip para sa dinastiya ng setro’t estado?”
Walang ano-ano’y umalingasaw ang tala-talaksang kalansay,

Na nagmamapa sa mga milenyo’t konstelasyon ng mga imperyo.

Sayaw ko, ni Blaise Cendrars

Salin ng “Ma danse,” ni Blaise Cendrars (Frederick Louis Sauser)                   ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sayaw ko

Kay Platon, walang karapatan sa lungsod ang makata
Hudyong palaboy
Metapisikong Don Juan
Mga kaibigan, matatalik sa loob
Wala ka nang kaugalian at wala nang bagong gawi
Dapat nang lumaya sa tiranya ng mga magasin
Panitikan
Abang pamumuhay
Lisyang kayabangan
Maskara
Babae, ang sayaw na ibig ipasayaw sa atin ni Nietzsche
Babae
Ngunit parikala?
Tuloy-tuloy na pagpasok at paglabas
Pamimilí sa lansangan
Lahat ng tao, lahat ng bansa
At ikaw ay hindi na pasanin pa
Tila ba hindi ka na naroroon .  .  .
Ginoo akong nasa kagila-gilalas na treng tumatawid sa parehong lumang Ewropa
. . . . . . . at nakatitig nang malamlam mula sa pasilyo
Hindi na makapukaw sa aking interes ang tanawin
Ngunit ang sayaw ng tanawin
Ang sayaw ng tanawin
Sayaw-tanawin
Paritatitata
Ang aking paiikutin

Awit at Sayaw, ni Usman Awang

Salin ng “Lagu dan Tari,” ni Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit at Sayaw

Usman Awang

Kahapon ay nasaksihan ko ang isang sayaw:
Malalaking súsong umaalog, nang-aakit,
Ilahas na pagnanasa at matang maaalab,
Lagabog ng musika’y pataas nang pataas.

Nanlaki ang mga mata ng madla, at namuti
ang bawat tamaan ng rumaragasang libog.

Lahat ay hubad, lahat ay labis na pag-iimbot
na kumakain ng lamán, at ibig makahipo.

Ito ang awit, ito ang sayaw sa mahabang gabi,
Paulit-ulit sa mga araw ng búang na digma;
Búkas, lahat ng puso’t akda’y pulos papuri:
Ito, anila, ang “sining” mula sa tunay na “alagad!”

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human right at all costs! Stand up to climate of fear! Where are you, oh my people?

“Iabot ang Kamay” ni Gabriela Mistral

salin ng “Dame la Mano” ni Gabriela Mistral (sagisag panulat ni Lucila Godoy y Alcayaga) mula sa orihinal na Espanyol
salin sa elaganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Iabot ang kamay

Iabot ang kamay at ako’y isayaw
Iabot ang kamay at ang pagmamahal.
Ay, isang bulaklak, at wala nang iba,
Isa pong bulaklak ang magiging kata.

Aawit ka nitong para lang sa akin,
Magsasayaw tayo para sa awitin.
Matutulad tayo sa damo sa simoy,
Damuhan sa simoy na umaaluy-oy.

Tinawag kang Rosa at ako’y Pag-asa
Wala mang pangalan ay makaaasa
Ng sayaw sa bundok na ikalulugod,
Ng sayaw sa bundok na makabubuklod. . . .

Gabriela Mistral

Gabriela Mistral

Malikhaing Industriya at Kabuhayan

Pagkakakitaan ang sining at kultura, ito ang malinaw na lumabas sa nakaraang talakayang pinamagatang Global Prospectus for the Arts in the Philippines: Artists for the Creative Industries na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tinipon sa naturang kumperensiya ang mga alagad ng sining, at pinag-usapan ang dalawang mahalagang bagay: una, ang pagkilala sa komersiyal na kakayahan ng malikhaing gawaing makatutulong sa pambansang ekonomiya; at ikalawa, ang pangangalaga sa karapatang-isip ng indibidwal at pamayanan.

Sumasaklaw ang malikhaing industriya sa palitan ng mga bagay at serbisyo sa merkado, at ayon sa UNCTAD, ay inuuri sa sumusunod na kategorya: sining pagtatanghal; sining biswal; paglalathala, paglilimbag at panitikan; disenyo; awdyo-biswal at bagong midya; malikhaing serbisyo; at pook pangkultura. Ayon kay Nestor Jardin, Pangulo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), ang malikhaing industriya ang isa sa mga dinamikong sektor ng pandaigdigang ekonomiya. Mulang 2000 hanggang 2005, tumaas aniya ng 8.7 porsiyento kada taon ang pandaigdigang kalakalan sa larang ng Malikhaing Industriya. Ang mga iniluluwas na produkto ay umangat mulang $227 bilyon noong 1996 hanggang $424 bilyon noong 2005. Gayunman, nawawala ang Filipinas na dapat sanang makapag-aambag sa gayong industriya.

Hindi pa malay ang mga maykapangyarihan sa potensiyal ng malikhaing industriya bilang sektor ng ekonomiya ng Filipinas, sambit ni Jardin. At ito ang dapat lutasin sa ngayon ng kapuwa pribado at publikong sektor. Hinimok niya ang lahat ng Filipinong kabilang sa malikhaing industriya na panatilihin ang likas na katangian nitong makapagpahayag ng sining at kultura. Ngunit ipinaalala rin niya na napakanipis umano ng hanggahan ng komersiyalisasyon at ng malikhaing layong makaaapekto sa halaga ng pangkulturang produkto at serbisyo. Para naman kay Gilda Cordero Fernando, kailangang maging awtentiko ang mga alagad ng sining, at ibuhos ang “talento sa paglikha ng buhay na hinubog sa katapatan.”

Idinagdag ni Jardin na dapat maging malay ang mga artista at  pangkulturang tauhan sa kanilang karapatang-isip at kung paano makahuhugot ng ekonomikong benepisyo roon. Kailangan din aniyang ipatupad nang mahigpit ang mga batas ukol sa karapatang-isip, kabilang na yaong pamimirata sa mga malikhaing akda. Higit sa lahat, dapat umanong maitatag ang sistema ng pagkilala sa mga artistikong karapatan ng mga pangkulturang pamayanan at maisulong ang mekanismo para mabayaran ang karapatang-isip ng mga pangkat etniko.

Ang pagbabalikatan ng kapuwa gobyerno at pribadong sektor ang pinakamahalaga, ani Jardin. Kailangang mailatag ng gobyerno ang pundasyon sa paglago, sa pamamagitan ng mga reporma sa patakaran, tangkilik na impraestruktura, at programang pangkaunlaran. Samantala, hinamon din niya ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang malikhaing gawain, kahusayan, at kabaguhan upang maitaguyod ang pangkulturang kapital at malikhaing nilalamang tunay na Filipino.

Ipinaliwanag ni Fr. Valentino Pinlac, Pinuno ng Dauis Heritage Renaissance Program ng Bohol, kung paano magagamit ang sining at kultura sa pagpapalago ng ekonomiya ng Bohol. Ikinuwento ni Pinlac ang ginawang rehabilitasyon ng mga lumang bahay na bato at simbahan, at ginamit iyon upang mapasigla ang turismo sa Bohol. Bukod dito, pinahusay din ng Bohol ang sining pagtatanghal nito, gaya sa musika at sayaw. Nakatuwang ng Dauis ang gaya ng Ayala Foundation para mapangalagaan ang mga pangkulturang pamana nito, at nalikom ang aktibong pakikilahok ng buong pamayanan ng Boholanon para maisulong ang malikhaing industriya at turismo.

Taliwas sa karanasan ng Bohol, mainit na tinatangkilik ng pamahalaang lokal sa Bulakan ang kultura at sining upang mapaunlad ang lalawigan, ani Armand Sta. Ana, na kasalukuyang Artistikong Direktor ng Barasoain Kalinangan Theater Group. Ikinuwento ni Sta. Ana na ang pamahalaang panlalawigan ng Bulakan ay nagbibigay ng tulong pananalapi sa mga pangkat pangkultura upang makapagtanghal ng mga dula, sayaw, at iba pang bagay na pawang makapagpapakilala sa ugat ng Bulakan. Bagaman hindi pa matibay na naiuugnay ang turismo sa mga programang pansining at pangkultura ng Bulakan, unti-unti na itong isinasagawa mula sa pagsasaayos ng plano ng pagtatayo ng mga impraestruktura sa antas ng barangay.

Samantala, isinalaysay ni Alfonso “Coke” Bolipata, na Executive Director ng Miriam College Center for Applied Music, ang karanasan niya sa pagtataguyod ng sentro ng sining sa kaniyang bayan ng Zambales. Itinaguyod ng pamilya Bolipata ang programa ukol sa pagtuturo ng klasikong musika sa mga dukhang kabataan, upang makatulong sa pag-unawa ng sining at sa pagpapalaganap ng musikang maaaring pagkakitaan balang araw.

Napili naman ng British Council ang Cebu na maging malikhaing sentro sa Filipinas. Bibigyan ng British Council ng pondo ang Cebu upang maitaguyod nito ang malikhaing industriya mulang sining biswal hanggang sining pagtatanghal, hanggang pagpapalago ng mga likhang-kamay na gaya ng muwebles, alahas, at iba pang disenyo sa internet.