Cheese Mess, ni Roberto T. Añonuevo

Cheese Mess

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naisisilid ang vayrus sa mga titik ayon sa diksiyonaryo ng kesong puti at retorika ng keso de bola; at kung ikaw ang haring kusinero ng kaisipan, ang pagbigkas ng salita ay makasasakit at makapagbibigay ng sakít sa hindi mo kauri, bukod sa sadyang peligroso sa hangal sakali’t sumubok itong magsulat. Ikaw, sampu ng iyong kaututang-dila, ang tanging makapag-aari ng mahihiwagang salita. Sandangkal na tinapay ang tama at mali na nagdaraan sa dila at ngalangala, naisip mo, at itutulak ng barakong kape sa ngalan ng paninimbang para tunawin sa bituka ng pananalig.

Ang seguridad ng republika ang mahalaga, isasahinagap mo, at waring pinaalunignig ang talinghaga ni Platon na sinurot ang kakayahan ng mga makatang nagsasabing batid nila ang tibok ng lipunan (na patutunayan ng kanilang malalanding berso), ngunit hindi naman marunong magtornilyo sa pilipisang ang memorya kung hindi man guniguni’y limitado sa paggagad sa mundo. “Bakit maniniwala sa sabi-sabi,” naglaro sa utak mong hiram wari kay Socrates, “kung ang sukdulang katotohanan ay matatagpuan sa dakilang artipisyong magmumula lámang sa Maykapal?”

Batid mong ang kontaminadong titik, kapag inihalo sa iba pang titik na sabihin nang muslak o antigo o bagong luto, ay maaaring magluwal ng salitang asintomatiko, na pagkaraan ng ilang araw ng pagkahinog ng inililihim, ay mauuwi sa salot na katumbas ng hanging sinisinghot. Sa oras na pumutok gaya ng bulkan ang mga parirala ng pagdududa, na nagiging mabalasik na tanong, ay lalantad ka sa telebisyon upang pahupain ang pangamba ng taumbayang nakalimot yatang bumulong o sumigaw alinsunod sa tulak ng pusòng de-piston.

Sa laboratoryo ng mga dalubwika, mapanganib ang maruruming salita. Ang mga salita, kapag nagtipon-tipon sa mahika ng kung sinong ulol na tagasulsol, at naging pangungusap at ang gayong pangungusap ay nanganak ng iba pang pangungusap at nagbanyuhay na talata na may angking realidad—ay ano’t nakapagdudulot ng di-mawaring dalamhati o kamatayan sa gumagamit nito. Payak ang payo sa iyo ng mga eksperto: Ipagbawal gamitin ng mga mamamayan ang kontaminadong salita, sapagkat katumbas nito ang pandaigdigang sakuna.

Na siya mong ipinatupad.

Hindi naman nagkamali ang iyong mga tagapayo. Ngunit may ilang matitigas ang ulo. Halimbawa, ang salitang kontaminado at ginamit ng kung sinong mensahero o senador ay kisapmatang yumao. Pagkaraan nito’y sunod-sunod ang mga nabubuwal sa kalye, at sumikip ang mga ospital sa mga maysakit, at walang nagawa ang maraming bansa kundi isakatuparan ang mabilisang kumbersiyon ng mga bukid para maging sementeryo. At ang pakpak ng balita sa gayong pangyayari, sa anyo man ng aklat o elektronikong pabatid, ay naghasik ng kapahamakan sa pitong kontinenteng ang lupain ay hitik sa taingang namumukadkad sa lupain.

Hawak mo ngayon ang kutsilyo at sa labis na inis ay hindi alam kung itutusok ba sa kesong puti o keso de bola. Kumakalam ang iyong sikmura, ngunit wala kang ganang kumain ng mga balita. Dudungaw ka sa iyong bintana, at makikita sa paanan ng iyong palasyo ang kumakapal na madlang hindi makapagsalita ngunit tangan ang makukulay na plakard na kung hindi nagsasayaw gaya ng payaso’y nagtatanghal ng komedyang naghahatid sa mga nasasakupan mong tumawa nang tumawa, na kasinglutong at kasinghaba ng maibibigay ni Bert Tawa. Ilang sandali pa, mayayanig ang kinatatayuan mo, at mahihilo ka na waring may tama, at iduduwal ang mga kontaminadong salita—na ipinagtataka mo kung bakit unti-unting kinakain ang iyong anino.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Ang Espiya ng Pamahalaan

Banayad na pandarahas na maituturing ang pinakabagong pakana ng pamahalaan na tiktikan ang Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Kahapon, nahuli ng mga security guard ng Mapayapa Village ang isang ahente ng Hukbong Dagat ng Filipinas na kumukuha ng retrato ng bahay ni Lumbera, samantalang nakatakas ang dalawang kasapakat nito.

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines)

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines). Si Guerrero ang espiya ng pamahalaan laban kay Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera.

Nagngangalang Korporal Hannibal Mondido Guerrero, ang ahente ay pinalaya makaraang masiyasat ng mga tauhan ng seguridad ng subdibisyon.

Sa unang malas ay simpleng ehersisyo lamang ito, kung paniniwalaan ang palusot  ni Tenyente Koronel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Hukbong Dagat, na sumasailalim umano sa pagsasanay ang nasabat na ahente. Kung ang batayang kurso ng Hukbong Dagat ay hanapin ang mga aktibistang alagad ng sining, ang kursong iyon ay dapat isailalim sa masusing pagbabago sapagkat kahit ang mga karaniwang kritiko ng pamahalaan ay ipinapalagay sa ngayon na mahigpit na kalaban ng pambansang seguridad.

Mahirap paniwalaan ang butihing Tenyente Koronel Arevalo, dahil ang karaniwang tinitiktikan ay nakatitikim ng pagdukot, pagpapahirap, pagkulong, kung hindi man tandisang asesinasyon, hindi lamang noong panahon ng Batas Militar bagkus magpahangga ngayon. Matagal na itong iniaangal ng mga aktibistang dumanas ng gayong pandarahas, at siyang  nagiging bangungot sa mga dating sundalong militar na nasa poder ng pamahalaan. Kahit hindi aktibista ay nakararanas ng pandarahas, at maihahalimbawa ang ginawang paniniktik bago ang pagpaslang sa mga testigo ng kasong Dacer-Corbito na kinasasangkutan ng mga kilalang personalidad.

Kung paniniwalaan si Direk Carlo J. Caparas, si Lumbera umano ay alagad ng sining mula sa akademya at walang pangalan. Ngunit kung walang pangalan si Lumbera, ano’t abala ngayon ang pamahalaan para alamin ang mga gawain nito? Para makilala ang dati nang iginagalang ng mga tagasubaybay ng sining? Para sa kaalaman ng lahat, si Lumbera ay hindi lamang aktibo sa pagsusulat, pagtuturo, at paggampan sa tungkulin bilang pambansang alagad ng sining. Kalahok din siya sa mga makabuluhang organisasyong gaya ng Wika Inc. (Wika ng Kultura at Agham Inc), ACT (Alliance of Concerned Teachers) Partylist, at iba pang samahang binubuo ng matitinik na manunulat sa Filipinas.

Nakatatakot ang ginagawang paniniktik kay Lumbera, dahil ang isa pang Pambansang Alagad ng Sining, sa ngalan ni Virgilio S. Almario, ay malapit lamang ang tinitirahan mula sa bahay ni Lumbera. Maaaring tinitiktikan din si Almario, dahil sa pagtuligsa nito sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo mulang patakarang pansining hanggang patakarang pangwika; ngunit para sa akin ay naglulustay lamang ng salapi ang pamahalaan sa gayong pagkilos.

Kapuwa masugid na tagapagtaguyod ng sining at panitikan sina Lumbera at Almario, at sino man sa kanila ang unang paslangin ng mga armadong grupo ay makatitiyak na isa na namang bayani ang lilitaw sa paningin ng taumbayan.

Bagaman dinaraan sa biro ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita ang paniniktik kay Lumbera, hindi dapat magwakas sa ganito lamang ang lahat. Nakataya ang seguridad ng pamilya ni Lumbera, at ang anumang sinadyang kapahamakang sapitin niya mula sa awtoridad ay kapahamakang tatamasahin din ng buong sambayanang Filipino. Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng pamahalaan kay Lumbera. Dapat imbestigahan ang kaso, at patawan ng parusa kahit ang mga opisyal na nag-utos kay Korporal Guerrero dahil sa katangahan.

Maraming silbi ang paniniktik. Ang datos na makakalap ng espiya ay maaaring gamitin ng awtoridad laban sa tao na tinitiktikan. Sa kaso ni Lumbera, ang mga datos ay maaaring may kaugnayan sa kaniyang radikal na pakikilahok sa mga organisasyong may kaugnayan sa sining, panitikan, at edukasyon, at anumang taghiyawat na makukuha sa datos ay maaaring gamitin laban kay Lumbera sa legal man o extra-legal na pamamaraan.

Ikalawa, ang paninitiktik ay maaaring ginagawa upang maunahan ng awtoridad ang anumang plano ni Lumbera o kaya’y ng mga samahang kinaaaniban niya. Ang pagkuha ng retrato ng bahay ni Lumbera ay isang panig lamang, at hindi pa kasama rito ang pag-iipon ng materyales na makakalap mula akademya at aklatan, pribado at publikong ahensiya, panayam sa ibang tao, at iba pa. Ang paniniktik ay posible ring may kaugnayan sa eleksiyon, at lumalampas sa usapin ng kontrobersiya sa paghirang ni Pang. Arroyo ng mga bagong Pambansang Alagad ng Sining.

Ikatlo, ang pag-eespiya ay maaaring babala kay Lumbera na ihinto na nito ang ginagawang pagtuligsa sa mga maling patakaran ng pamahalaan. At ang kasunod nito, maaaring inihahanda na ang mga hakbang kung paano patatahimikin nang lubos ang isang alagad ng sining, at bigyang-daan ang gaya nina Carlo J. Caparas at Cecile Guidote Alvarez.

Ikaapat, ang paniniktik ay hindi simpleng pagsasanay militar lamang. Ang paniniktik ay hindi isinasaalang-alang ang importansiya ni Lumbera bilang Pambansang Alagad ng Sining, at itinuturing lamang siya na ordinaryong kritiko ng pamahalaan na maaaring patahimikin o sindakin kung kinakailangan. Kung si Lumbera ay ituturing na panganib sa pambansang seguridad, mahihinuhang sadyang sagad na ang kababawan ng utak at sensibilidad ng pamahalaan para maghari nang matagal.

Brigada Paniki

BRIGADA PANIKI ang taguring pinauso sa radyo noon ng yumaong peryodistang si Louie Beltran, saka inilahok na pamagat sa isang tula ni Vim Nadera, at tumutukoy sa mga tao na malimit lumalabas ng bahay at tumatambay tuwing gabi, at pagsapit ng umaga’y matutulog hanggang hapon. Malikhain ang pagkakabuo ng termino, dahil hangga ngayon, nagbabalik ang Brigada Paniki nang higit na mabalasik kaysa sa dating pulutong ng mga tambay sa kanto. Ang Brigada Paniki ay nauso nang wala pang call center, at hindi iyon tumutukoy sa mga ahenteng mahilig manigarilyo sa labas ng kanilang opisina. Nakatuon ang termino sa mga tao na walang magawa sa buhay, bagaman pambihira ang hambingan dahil ang paniki ay higit na makabuluhan ang silbi na kumakain ng mga mapamuksang kulisap samantalang naglulustay ng oras naman ang tambay.

Mapapansin ang bagong henerasyon ng Brigada Paniki sa gaya ng Barangay Maybunga, Pasig, at nagsisimulang maghasik ng lagim sa mga tsuper at pasahero, at kung minsan, sa mga naglalakad na tao. Isang pulutong ng kabataan ang nagtitipon pagsapit ng alas-seis ng gabi, na tipong kapatiran ng mga lalaki’t babaeng kung hindi sabik sa alak at droga ay ginagawang malawak na palaruan o park ang kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue. Maaaring bugso ng kabataan ang pagtambay, at maibibilang sa pakikisama, ngunit habang lumalaon ay nagiging sakit ng ulo ang Brigada Paniki sa mga tsuper ng dyip o taksing hinihingan ng pera sa oras na mapadaan sa tambayan. Malimit ding sumabit sa dyip ang mga kakosa ng Brigada Paniki, at di-iilang beses ang may naganap na pananapak sa sinumang napagtripang pasaherong estudyante.

Naniniwala ako na hindi dapat hadlangan ang karapatang makapaglakwatsa ng mga kabataan saanman nila gusto, hangga’t wala silang nilalabag na karapatan ng ibang tao. Ngunit naiiba ang Brigada Paniki ng Maybunga. Nagsisimula na itong mamerhuwisyo, at ang pangingikil sa mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan ay nagiging malimit, at hindi dapat palagpasin. Banyagang salita para sa Brigada Paniki ang gaya ng “disiplina,” “paggalang,” “kalinisan,” at “kaayusan,” at waring angkin ng grupo ang daigdig. Nabalitaan ko rin na nagiging pugad ng prostitusyon ang tambayan ng Brigada, at kung may katotohanan man ito ay maaaring kumpirmahin ng dating barangay kapitan na ginagawang umpukan ang pader ng kaniyang bakuran.

Sintomas ang Brigada Paniki sa pagbabago ng panahon. Noon, kapag tinanong ka ng matatanda na nagsabing, “Nakikita mo pa ba ang iyong balahibo?” ay pahiwatig na iyon na kailangan ka nang lumigpit at umuwi ng bahay dahil takipsilim na. Pahiwatig din iyon na kailangang mahiya ka sa sarili, umuwi, at maglinis ng katawan. Hindi ka na kailangang sigawan noon, at nakukuha sa tingin, wika nga, ang sinumang kabataan. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malayo na sa hinagap ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, at marahil kaugnay ng lumalawak nilang pagkatiwalag sa diskurso ng nakaraan. Ngayon, habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang pulutong ng Brigada Paniki, at malalakas ang loob na ihayag ang kanilang magagaspang na pananalita, pagkilos, at pananaw laban sa iba. Ang Brigada Paniki ay hindi lamang matatagpuan sa Pasig at marahil nagsisimula na ring lumaganap sa iba pang lungsod ng Metro Manila, at nagbabantang humalili sa alaala ng mga maton at ex-con. Nakapanghihinayang na ang talino, lakas, at sigla ng mga kabataan ay nauuwi sa paglulustay ng oras at semilya, imbes na ilaan sa pag-aaral o sa mga makabuluhang proyekto, gaya ng paglilinis ng kalye, at siyang ipinanukala ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo nang minsang magtalumpati.

Kung hindi ako nagkakamali’y may ordinansa ang pamahalaang lokal hinggil sa paglalagay ng curfew sa mga kabataan. Kung kinakailangan ang curfew sa mga kabataan upang masugpo ang Brigada Paniki, bakit hindi isagawa? Kailangang makiisa rin ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, dahil responsabilidad din nila hindi lamang ang kinabukasan ng kanilang mga anak, kundi maging ang kinabukasan ng kanilang lipunan. Ang seguridad at kaayusan, kahit sa antas ng barangay, ay maselang gawain, kaya dapat paigtingin kahit ang pagroronda ng mga pulis patrol upang ibagansiya ang mga kabataang dapat turuan ng leksiyon.