Ang Balón, ni Padma Sachdev

Salin ng tulang nasa wikang Dogri ni Padma Sachdev ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at batay sa bersiyong Ingles ni Iqbal Masud

Ang Balón

Sa kanang panig
ng aming buról ay may kumikislap na balón
na sagana sa tubig. Noong nakaraang taon,
ang tag-araw ay nagpayungyong
ng mga lungting mangga.
Inakit ng mga lungting sibol
ang guya,
na minalas mahulog sa balón at nalunod.
Mula noon, huminto na ang mga tao
na uminom mula sa balón. Ngayon, katulad ko
ang magnanakaw na naliligo doon sa gabi.
Isinasalok ko sa tubig ang aking mga palad
at umiinom sa hatinggabi.
Ngunit ang tubig
ay hindi nakatighaw ng aking uhaw,
ng aking pagnanasa. Sa madilim na púsod
ng balón ay may mga aninong
naghihintay pa rin sa mga babae
na ibinababâ ng lubid na may kawil
ngunit hindi nagbalik para sumalok ng tubig.
Ang karimlan ng balón
ay naghihintay
para sa tamang pagkakataon,
na magkaroon ako ng lakas ng loob
na ilahad ang aking mga kamay
at uminom sa tubig nito
kahit pa sa gitna ng napakaliwanag na araw.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Alvis Taurēns @ unsplash.com

Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

salin ng dalawang tula ni Yevgeny Yevtushenko.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Bahaghari

Nang lumitaw ang iyong mukha
sa aking kinuyumos na buhay,
ang tanging naunawaan ko noon
ay ang taglay na karukhaan.
Pagdaka’y ang natatanging sinag
sa kahuyan, sa mga ilog, sa mga dagat
ang naging ugat ko sa kinulayang
daigdig at doon ay wala akong simula.
Takot na takot ako, lubos na takot
sa di-inaasahang wakas ng liwayway,
sa mga pagbubunyag
at mga luha at nangauupos na sigla.
Di ko tinikis iyon, ang pag-ibig ko’y
ang pangambang ito, na pinalulusog
nang walang ibang makapagpapalusog,
gaya ng kalinga ng gusgusing bantay.
Kinukulob ako ng pagkatakot.
Maláy ako na maikli ang sandaling ito
at ang bahaghari sa aking balintataw
ay maglalaho
kapag sumisilay ang iyong mukha.

Tao

Walang mga tao na walang kalatoy-latoy.
Ang tadhana nila’y kronika ng mga planeta.

Walang hindi natatangi sa taglay nila,
at bawat planeta’y kakaiba sa ibang planeta.

Kung ang isang tao’y namuhay nang lingid,
ang makatagpo ang mga kaibigan niya
sa gayong oskuridad ay sadyang may latoy.

Pribado sa bawat isa ang kaniyang mundo,
at sa mundong iyon ay pambihira ang minuto.

At naroon sa mundo ang minutong masaklap.
At maituturing na pribado.

Sa sinumang tao na pumanaw, pumapanaw
sa kaniya ang unang niyebe at halik at away.

Sumasáma sa kaniya ang lahat.
Kabilang dito ang mga naiwang aklat at tulay
at kambas na pintado at makinarya.

Kaninong tadhana ang makapananaig?
Ngunit anumang nawala ay hindi rin wala:

sa tuntunin ng laro, may kung anong naglaho.
Hindi tao ang yumayao; bagkus ang mga mundo
na kimkim nila.

Na batid nating may mali, na nilalang ng daigdig.
Ano sa pinakaubod ang alam natin sa kanila?

Kapatid ng kapatid? Kaibigan ng mga kaibigan?
Mangingibig ng mangingibig?

Tayo ang nakababatid ng ating mga magulang
sa lahat ng bagay, sa wala.

Naglalaho sila. At hindi sila maibabalik.
Hindi mapasisibol ang mga mundong lihim.

At sa tuwi-tuwina, paulit-ulit,
nagdadalamhati ako laban sa pagkagunaw.