Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina

Pagkanegro, ni James Emanuel

Salin ng “Negritude,” ni James Emanuel ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkanegro

Itim ang unang pakò na aking niyapakan;
Itim ang kamay na pumawi sa aking luha.
Itim ang unang matandang aking napansin;
Itim ang pamatok ng kaniyang mga taon.

Itim ang naghihintay sa pook ng karimlan;
Itim ang sahig na kinalugmukan ng mga siga.
Itim ang kuwentong tigmak sa pighati;
Itim ang kapatiran ng mga pagdurusa.

Itim ang tahimik na pintong yari sa bakal;
Itim ang landas ng dumarako sa hulihan.
Itim ang paglikô sa paglipas ng mga taon;
Itim ang mga talaarawan ng isipan.

Itim ang mga kamao ni Gabriel Prosser;
Itim ang lastag na dibdib ng Manlalakbay.
Itim ang patay na ina ng batang mag-aaral;
Itim ang batang namumukod sa iba pa.

Itim ang paggaralgal ng isang motor;
Itim ang tapak kapag naging berde ang ilaw.
Itim ang bukbuking papel ng nakaraang taon;
Itim ang ulong-balitang hindi pa nababása.

Itim ang pasaning magiting na inihihimig;
Itim ang krus na pawis sa pagbangon ng bayan.
Itim ang batang kilala ang kaniyang mga bayani;
Itim ang paraan ng pagyao ng bayang bayani.

Stop weaponizing the law. No to Chinese invasion. Yes to people power. Yes to human rights. Yes to humanity!

 

Antígona, ni Claribel Alegría

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ililibing ko ang aking kapatid
kahit katumbas ito ng aking kamatayan
nang di-alintana ang mga batas
ng tunggalian.
Nagkamali ng akala si Creon
na iiwan ko ang bangkay
para pagpistahan ng mga buwitre.
Pinahiran ko ng langis ang mga braso
nang may poot
at buong tatag
upang silaban ang mga sigâ
na lalamon sa kaniyang katawan.
Nagkamali ng akala si Creon
na kaming mga babae’y mahihina
ang loob, hindi nanlalason ng isip
o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.
Ililibing ko ang aking kapatid
nang walang takot,
at buong pagmamahal.

Daga at Dalawang Pirasong Prosa, ni Georg Trakl

Mga tula ng makatang Austríyako na si  Georg Trakl.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA DAGA

Sa bukirin, kumikislap ang puting buwan ng taglagas.
Bumabagsak ang mga kagila-gilalas na anino sa bubungan.
Umiiral ang katahimikan sa mga hungkag na bintana;
at mula roon, lumalabas nang marahan ang mga daga
na pawang kung saan-saan sumusuot, umiik-ik,
at sinusundan ang mga ito ng abuhing halumigmig
mula sa umaalingasaw na kubeta, at sumisinghot-singhot:
Sa halumigmig, nanginginig ang gamultong sinag-buwan.
Masiglang umiingit ang mga daga na parang nababaliw
at pinupuno saka ginagambala ang mga bahay at kamalig
na umaapaw sa mga prutas at butil.
Nakikipag-away ang malamig na simoy sa katahimikan.

DALAWANG PIRASONG PROSA

I
Gabi ng Taglamig

Umuulan ng niyebe. Lampas ng hatinggabi, ikaw na lango sa biyoletang alak ay iniwan ang madilim na silungan ng mga lalaki at ang mapulang apoy ng kanilang mga siga. Ay, ang dilim ng gabi.

Itim na yelo. Matigas ang sahig, at ang hangin ay mapakla ang lasa. Lumilikha ng malas na hulagway ang iyong mga bituin. Sa matigas na paglakad, tinahak mo ang gilid ng riles nang malalaki ang mata, gaya ng kawal na sumusugod sa maitim na pugad ng masinggan. Sugod!

Mapait na niyebe at buwan.

Isang pulang lobo ang sinasakal ng anghel. Kumikiskis ang mga hitang bahagi ng pantalon mo habang lumalakad ka, gaya ng asul na yelo; at ang ngiting nababalot ng pagdurusa at pagmamalaki ang nagpatigas ng iyong mukha; at namumuti ang iyong noo bago ang lubos na pagtigas ng helada, o kung hindi’y tahimik itong tutungó sa natutulog na panggabing taliba, na nakasalampak sa kaniyang kahoy na kanlungan.

Yelo at usok.

Lumiliyab ang puting damit ng mga bituin sa iyong may saplot na balikat, at ang lawin ng Diyos ay pinipilas ang himaymay ng matigas mong puso.

Ay, ang mabatong buról. Natutunaw ang malamig, nalimutan, at tahimik na lawas sa pinilakang niyebe. Itim ang pagtulog. Sa matagal na panahon, sinusundan ng tainga ang daloy ng mga bituin pababa sa yelo. Nang magising ka, kumakalembang ang mga batingaw ng simbahan. Sa labas ng pinto sa gawing silangan, ang kulay rosas na araw ay lumalakad sa pinilakang liwanag.

II
Mula sa Pagbubunyag at Kabiguan

Bumaba ako sa matinik hagdan nang pinilakan ang talampakan, at lumakad papasok sa puting silid. Tahimik na tumanglaw ang lampara, at binalutan ko ng biyoletang tela ang aking ulo nang walang imik; at ang lupa’y isinuka ang katawang tila mula sa bata, ang nilalang ng buwan, na marahang lumakad papalabas ng karimlan ng aking anino, na may mga baling braso. Lumubog palayo ang mabatong talón, ang makukulot na yelo.

Mga bilanggo ng digmaan

Mga bilanggo ng digmaan, guhit ng di-kilalang tao na natagpuan sa kuwartel ng mga kawal sa Cabanatuan.