Pambungad sa mga Pambungad, ni Migjeni

Salin ng “Parathania e parathanieve,” ni Migjeni (daglat ng Millosh Gjergj Nikolla) ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pambungad sa mga Pambungad

Humihina ang mga diyos sa paglipas ng mga araw;
Gumuguho ang kanilang mga hulagway
Sa pag-inog ng mga taon at siglo,
At ngayon ay walang nakaaalam kung sino talaga
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sa utak ng sangkatauhan, nakayukod ang diyos,
Ang kaniyang mga daliri’y nakatimo sa pilipisan
Na pahiwatig ng pagsisisi
At sa mapait na panghihinayang ay napahiyaw:
Ano, ano ang aking nalikha?
Hindi batid ng tao
Kung ang diyos ang kaniyang nilikha
O siya ang nilalang ng diyos,
Ngunit naaarok niyang isang uri ng kahangalan
Ang magmuni-muni sa idolong hindi tumutugon.
At ngayon ay walang nakababatid kung sino
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sumapit ang panahon
Na ang mga tao’y lubos na nagkakaunawaan
Sa isa’t isa upang itindig ang Tore ng Babel—
At sa tuktok ng Tore, sa pinakamataas na trono,
Ang tao ay luluklok, at sisigaw nang ubos-lakas:
O diyos! Nasaan ka?

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Salin ng tulang tuluyan ni Karol Wojtyla (Papa Juan Pablo II) mulang Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

1.
Sumibol ang punongkahoy ng karunungan ng mabuti at masama sa pasigan ng ating lupain. Kasama natin ay lumago ito sa paglipas ng mga siglo; tumayog itong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugat ng ating konsiyensiya.

Pinasan natin ang mga prutas, mabigat ngunit nakapagpapalakas. Naramdaman natin ang punongkahoy na yumayabong, gayunman ay nanatiling nakabaon nang malalim sa isang patse ng lupa ang mga ugat nito. Inihayag ng kasaysayan ang mga pakikibaka ng ating konsiyensiya. Pumipintig ang tagumpay sa loob ng saray nito, at ang kabiguan. Hindi tinatakpan ng kasaysayan ang mga ito, bagkus hinahayang tumingkad.

Kaya ba ng kasaysayang dumaloy pasalungat sa agos ng konsiyensiya?

2.
Saang direksiyon nagsanga ang punongkahoy? Aling direksiyon ang sinusundan ng konsiyensiya? Walang kilalang hanggahan ang punongkahoy ng karunungan.

Ang tanging hanggahan ay ang Pagdating na magbibigkis sa isang lawas ang mga pakikibaka ng konsiyensiya at ang mga misteryo ng kasaysayan: paghuhunusin nito ang punongkahoy ng karunungan tungo sa Matang-tubig ng Buhay, na patuloy dumadaluyong.

Subalit bawat araw ay naghahatid ng parehong pagkakahati-hati sa bawat diwa at kilos, at sa pagkakahating ito’y ang Simbahan ng konsiyensiya ay tumataas mula sa mga ugat ng kasaysayan.

3.
Huwag nawa nating maiwala ang linaw na nakikita ng paningin, na pinaglilitawan ng mga pangyayari, at naglaho sa di-masukat na tore na batid ng tao kung saan siya patutungo. Tanging ang pag-ibig ang talaro ng tadhana.

Huwag na nating dagdagan ang saklaw ng anino.

Hayaang ang sinag ng liwanag ay umalimbukad sa mga puso at tumanglaw sa gitna ng karimlan ng mga salinlahi. Hayaang ang sinag ay tumagos sa ating karupukan.

Hindi dapat nating payagan ang kahinaan.

4.
Mahina ang bayan na tumatanggap ng kabiguan, at nalimot na ipinadanas iyon upang magbantay hanggang pagsapit ng oras nito. At ang mga oras ay patuloy na nagbabalik sa dakilang orasan ng kasaysayan.

Ito, ang liturhiya ng kasaysayan. Ang pagbabantay ay salita ng Panginoon at ang salita ng Bayan, na patuloy nating tinatanggap nang panibago. Lumilipas ang sandali sa salmo ng walang humpay na kumbersiyon: kumikilos tayo tungo sa pakikilahok sa Ewkaristiya ng mga daigdig.

5.
Sa iyo, daigdig, kami ay bumababa upang palawakin ang iyong saklaw sa lahat ng tao, ikaw na mundo ng aming mga kabiguan at tagumpay; sa lahat ng puso’y bumabangon ka bilang misteryo ng paskuwa.

Daigdig, palagi kang magiging bahagi ng aming panahon. Sa kabila ng panahong ito, at sa pagkatuto ng bagong pag-asa, maglalakbay kami sa bagong daigdig.

At ibabantayog ka namin, daigdig ng sinauna, bilang bunga ng pag-ibig ng mga salinlahi na hinigtan ang poot.

Isang Awit, ni Sonia Sanchez

salin ng “A Song” ni Sonia Sanchez.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

AWIT

kunin mo ang aking pagkabirhen
at sa pagiging nanay ay isalin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

kunin ang katawan ko at iyong tatakan
tahiin ang aking mga suso sa Amang Bayan
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilugar ang pangarap ko sa anumang hagdan
ipihit para sa bangungot ang aking tanaw
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

hininga ko’y higupin hanggang ako’y mautal
makinig sa mga tunog na aking iuusal
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

sa umaga ng linggo’y anak ko’y tangayin
damitan siya nang magara para lurayin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilibing ako nang maaga’t puti ang igayak
humanap ka ng bagong tatak na kabiyak
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.
at masdan ang magagawa ko.