Mga tula ni Semezdin Mehmedinovic
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
ALIFAKOVAC
Sa may silangang gilid ng Sarajevo
kipkip ng bata ang bungkos ng rosas—
Ito ang Bajram at ang munting maglalako
ay patungong libingan na hitik sa mga rosas
na kargado ng laksang uri ng mga rosas
na tulad ng libingang kahuhukay pa lamang
Gaya ng libingan sa araw nang hukayin ito,
ang bata ay pilit inaakyat ang Alifakovac
SA GILID NG BAYAN
Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang trak na labi sa nakaraang digmaan
na nauupos sa pagitan ng mga álamo.
Isang bilanggo na may mumo sa balbas
ang hinatak palabas sa dyip ng militar.
Tala-talaksan sa loob ng bodega
ang kamatayan, na singsinop ng soneto.
Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang siklistang humahagis na humatak
sa bubong ng kubol na may VULCANIZER
na nakasulat sa ibabaw niyon. At marami
pang hulagway na hitik sa kabaliwan
ang may kung anong layon at titig na malawak.
Gaya ng bubong ng mga bahay sa paliparan
na pinintahan ng pula at puting pari-parisukat.