Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.