Misericordia

Aklatan ito ng mga pakikipagsapalaran, at ikaw bilang panauhin, ay malayang maglakbay nang may buntot, bagwis, at sungay. Ipagpalagay na isa itong eskinita, at sa tula ni Teo Antonio ay maghuhunos kang estudyante na kung hindi nagmamarakulyo sa mundo ay umiibig sa kalapati na dumarapo sa sahig ng hatinggabi. Lumakad ka, at madaraanan ang huntahan ng mga eskolar ng bayan; makiusyoso, at ang matutunghayan ay dalawang tambay na nagsusunog ng kilay sa ahedres. Maaaring malikmata lamang ito, wiwikain mo. Habang lumalaon, mabubulag ka ng mga ilaw ng sasakyan. Sisingit sa iyong gunita ang diyabolikong lungsod ni Mike Bigornia para tugunin mo ng isang malanding sipol kung hindi man malulutong na pakyu. Matutulig ka sa musika at bulyawan ng mag-anak na nagdiriwang sa kanilang gutom at hinanakit. Aakitin ka ng mga bilbord para managinip na isa kang modelo ng alahas o pabango. Ipasasakay mo sa simoy ang katwiran ng kalinisan. Humipo ka sa kanan ay malalaglag ang mga pahina o larawan. Humilig ka sa kaliwa ay matitigmak sa sipon o luha ang balikat. Maaakit ka sa yakap ng karimlan. Magugutom ka sa mga umagang kumakalam ang ulirat. Tatangkain mong umimbulog, subalit ang kakatwa’y para kang saranggola na nasalalak sa antena at kawad. Hihingi ka ng tulong. At maya-maya’y magdaratingan ang mga lasing na maton. Saka mo maririnig ang isa sa kanilang lumpeng intelektuwal na tangan ang tirador at bubulong-bulong. Mapapapikit ka, at nanaising matunaw na allid sa sinag ng liwayway.

“Misericordia,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 14 Oktubre 2011.
"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897.

"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897

Kumpisal

Kung ang katotohanan ay balaraw na iluluwal ng bibig, masasalo ba ng dibdib ang maiiwang sugat o kamatayan? Paano sasagapin ng makikinig ang kaniyang pagwawakas? Naisip niya ang gayon, isang gabi habang umiinom sa paboritong tambayan, at umiingay ang paligid sa mga espiritu ng libog at lason, at wala ang paraluman sa langit o bulsa o tabi.

Maaaring lumuluha sa halumigmig ang mga bintanang salamin, at tumitikatik ang ulan.

Tatanawin niya ang tagpo na waring lumang pelikula, na ang babae’y nasa kabila ng mundo samantalang ang inaasahan niyang katipan ay pinigil ng kung anong sakuna o bagyo. Mananambitan ang dalaga sa kaniyang anito, marahil tutungga ng hinog sa panahong lambanog, manonood ng TV, maiinip sa kuwentuhan, at tatawag sa selfon, hanggang akitin siya ng mga sulyap at palipad-hanging katumbas ng pangangakong wawakasan ang anumang lamig at pangungulila.

Malulupit na rehas ang ulan, na waring hinugot sa tula ni Rio Alma, at ang binibini’y iibigin ang bilangguan para tighawin ang kaniyang kalungkutan. Maaaring siya’y matutulog sa kung saang bahay, ikakatwiran ang baha at usad-pagong na trapiko, at nang isinara ang banyagang pinto, ang magdamag ay nagsalaysay ng mga di-maunawaang usapan o dantay na para lamang sa magkaibigan; at ang silid ay lihim na hindi dapat pag-usapan.

Kukutuban ang kaniyang katipan sa malayong pook. Posibleng lumabis lamang ang kaniyang nainom na serbesa o kapeng barako, at hindi mapakali ni dunggulin ng antok. Nakauwi ba ng bahay ang aking mahal? Nahan na kaya siya? Baka ginabi na naman sa lakwatsa. Marami pa siyang tanong hanggang maglandas sa kaniyang guniguni ang tagpo ng malalanding hulagway, at ang lalaking malagihay ay yayakapin ang kaniyang minamahal.

Bago pa man ikumpisal ng dalaga ang kaniyang katotohanan sa lalaking kausap ay alam na ng kausap ang mga naganap. Posibleng reenkarnasyon ng pitho ang lalaking kausap, wika nga, at ang babae’y hindi na kailangan pang magsalaysay. Ngunit ang sinumang mangangatha’y may kalayaang magsinungaling, kung ang pagsisinungaling ay mahiwagang benda at gamot na papawi ng maantak na sugat ng magdamag na pagtataksil.

Kung ang katotohanan ay patalim na magmumula sa iyong loob o labi, ang gabi ay aking silid na pipiliing ipinid magpakailanman. Ito ang isusulat sa guniguning pader ng lalaking nasiraan ng bait sa labis na panibugho, at ang pader ay iihian pagkaraan ng palaboy na aso o sawimpalad na lasenggo.

“Kumpisal,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 22 Agosto 2010.
Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Dalawang Tulang Tuluyan ni Pierre Reverdy

salin ng mga tulang tuluyan ni Pierre Reverdy mula sa La balle au bond.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa orihinal na Pranses.

BAKBAKAN

May awreola sa hungkag na silid. Naglalatag ng anino ang mga halamang nakagilid sa bubungan pababa sa mga ugat at kahit ang mga ginintuang dahon.

Nasa malayo ang ikaapat na dingding. Higit na malayo sa anggulo na ang kurtina’y bumubuntong-hininga. Higit na mataas sa napakaitim na magdamag at sa nagbabagong usok mula sa pabrika. Umaawit ang mga tao na katabi ng hungkag na silid, pasalungat sa bubong, at malapit sa bituin.

May awreola na hindi buwan, ang kaliwanagan na hindi lampara. Bagkus itim na parisukat sa madilim na lupain.

At ang parisukat na ito ang hungkag na silid.

SUWERTE AT PANAHON

Roletang may mga tambilang na pinaiikot na hangin. Ang sukát na araw. Ang mga oras na magwawakas. Paalis na siya. Nakalimutan natin ang lahat. Panukat at oras. Dumadausdos pababa ang isip. Isang dakot ng malilinaw na larawan. At wasak na mga sinag na nagtatanda ng mabagal na panahon. Humimbing ang tubigan. Bumalik ang bagwis. Higit na malawak ang kulay sa nagwaging numero.

Larawang kuha ni Paulo Neo

Larawang kuha ni Paulo Neo, mula sa artsibo ng Public Domain.photos.com