Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy, ni Boris Vian

Salin ng “Quand j'aurai du vent dans mon crane,” ni Boris Vian   ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang hangin
 Kapag binalot ng lungting lumot ang aking mga buto
 Aakalain mong nakita ang ngiting matamlay
 Ngunit higit ka lamang na magugulumihan
 Dahil nahubad ko na 
 Ang kaligirang plastik
 Plastik tik tik
 Na ang mga daga’y nginangata doon
 Ang aking mga laruan, ang pampatalas ng memorya
 Ang aking mga binti, binabalatan ang aking bayúgo
 Ang aking mga hita, ang puwitan
 Na inilalapat ko sa upuan
 Ang aking mga fistula, ang aking buhok
 Ang mga asul na matang kaakit-akit
 Ang matitigas, pantay na panga
 Na ginamit ko sa pagsakmal sa iyo
 Ang matangos na ilong
 Ang aking puso ang aking atay——mga kahanga-hangang
 Bagay na bumubuo ng katanyagang likha ng pangalan ko
 Sa piling ng mga duke at dukesa
 Sa piling ng mga abad at asno
 At ng mga tao na kasama sa hanapbuhay
 Hindi ko na muling tataglayin pa
 Itong munting malambot na posporo
 Itong utak na nagsisilbi sa akin
 At nagbababalang tatakas ang búhay
 Sa mga lungting buto, ang hangin sa moldeng ito
 Ay, nabatid kong sadyang napakahirap ang tumanda. . . . 
Alimbúkad: Living poetry for humanity. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Mga Resolusyon, ni Robin Fulton

Salin ng “Resolutions,” ni Robin Fulton ng Scotland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Resolusyon

Buong araw na tumindi ang pang-aalipin ng simoy.
Nagigising ako sa madaling-araw, sa mga bubungan,

sa nagyeyelong dagat ng kapanatagan, habang doon
sa ibaba’y pumapatak ang unang niyebe sa kalye.

Ang simoy ng ibang planeta’y lumapag sa mundo,
malupit nating sinisinghot ang mga batong pamilyar.

Walang puwang para sa lamán. Kaluluwa at buto’y
nagtatagisan, naiipit ang tibay ng loob, at umaawit:

‘Dapat bang gayon?’ Marahil gayon nga, marahil ito’y
tumatalbog gaya ng bola sa munting silid na walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .bintana.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Learn from the master.

 

 

Pagkaraang makinig kay Julian Bream, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraang makinig kay Julian Bream

Roberto T. Añonuevo

Tsinelas sa gilid ng pintuan ang naghihintay marahil sa iyong anino. Isang tasa ng umaasóng kape ang panahon na waring kausap ng naulilang gitara si Fernando o si Mauro, na may halimuyak ng taberna ang alaala ngunit may lawak ng lupalop ang pananabik. Lumilipad ang mga papel, at ang mga nota’y hindi makaliligtas sa matatalas ang pandinig. Ang gabi’y hindi laan sa kabiyak; ang gabi’y paghahanap sa pambihirang tunog na nakababagabag at kumikilapsaw sa puso. Sa loob ng kapilya, ano ang umaalunignig? Maaaring bugso ng malamig na simoy o tikatik ng ulan. Parang magaspang na tunog ng gramopono, ang musika ay sinasaliwan din ng mga lagitik ng nayapakang siit o sitsit ng kuliglig, at likás lámang. Kung hindi’y ang inaasahang masagap sa kinukuyumos na matatandang pahina ang bibitin sa pinilakang kilay at lumalapad na noo. May laud na giniginaw sa makulimlim na silid. At hindi naiwasang ibulalas ng sandali: “Julian, ikaw ba iyan?” Naglaho ang iyong tsinelas, ngunit dumadalaw sa guniguning silid ang ritmo ng mga kaluskos sa sahig.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Sudhith Xavier

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Mga Bato, ni Yannis Ritsos

Salin ng “Stones,” ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bato

Sumasapit, lumilipas ang mga araw nang magaan at karaniwan.
Tigmak ang mga bato sa liwanag at gunita.
May isang isinasaping unan ang bato.
May ibang naglalagay ng bato sa damit bago lumangoy
upang makaiwas tangayin ng simoy. May gumagamit ng bato
bilang upuan
o upang tandaan ang isang bagay sa bukid, sa sementeryo,
sa dingding, sa kahuyan.
Nang lumaon, matapos ang takipsilim, kapag nakauwi sa bahay,
alinmang bato mula sa dalampasigan na ilapag mo sa mesa’y
munting estatwa—isang maliit na Nike o aso ni Artemis,
at ang isang ito, na tinapakan ng kabataang basâ ang mga paa
noong hápon, ay si Patroklus na malamlam ang pilik na pikit.

Alimbukad: Poetry Imagination

Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Ang Batas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Roberto T. Añonuevo

1
Naiisip ito gaya ng paghinga, at nakakaligtaan
nang hindi napapansin ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . . .na tulad ng nakababatong aklat.

Ituturing din itong panutong sugat at mga ugat
ng kasaysayan,
na binabago pana-panahon, alinsunod sa layaw
o pangangailangan,
nang taglay ang prinsipyo ng ilong at sikmura
na magsisimula sa tumbasan ng diwa at kataga.

2
Sa semiyotika ng mga kulay, lungti ang kilusan
sa taggutom,
dilaw ang kalusan ng mga epidemya’t disaster,
at pula ang katipunan ng bayani’t kalansay.

Ngunit bahaghari ang mga duwag at taksil—
na nagbebenta ng lupa at tubigan sa mga dayo.

3
Sumusunod, at susunod at susunod tayo—
sa ayaw man at sa gusto—
sa patakaran ng biláng na mga hakbang,
sa kautusan ng tinig na katók sa ataul,
sa patnubay ng bagong diwang popular
na sapin-sapin ang kahanga-hangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .kabulaanan
dahil naaakit sa “Mabuhay! Tuloy po kayo!”

4
Ang padron ng gunita ang mito ng mga bathala
na ngayon ay pangulo at búkas ay magiging ulo
ng litson
para sa publikong sabik sa pelikulang bakbakan.

5
Kolektibong watawat na sumasayaw sa himig
na sinasalungat ng pinakamataas na luklukan,
ano ang karapatan sa parada ng mga bilanggo?

Wala, ngunit matigas ang mga ulo at burat
hanggang humaba ang prusisyon ng mga ulila.

6
Ang piskal na kabit ng pulis sa ilalim ng tulay
ay tulay din sa abogado’t hukom na takót sa sabon
sapagkat tumatanggap ng suhol sa laboratoryo
ng damo at kubeta.

O iyan ay guniguni lamang ng heneral na bato
at pangulong batong-bato sa kalabang politiko.

7
Merkado ng sabong, palengke ng mga gusali,
at listahan ng buwis mulang lupa hanggang ulap:
lumalakad ang mga tao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .at lumalakad ang oras
ngunit ang enerhiya ay bateryang titigok-tigok
sa madilim na espasyo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng Palasyo ng Malabanan.

8
Ang bigas ang timbangan sa adwana at agahan,
inaabangan ng mga maya,
at sampu-sampera ang palay ng mga magsasaka.

Sa malayo, ang balyan ay lastag, tigmak, giniginaw.

9
Talaksan ng teksbuk sa mesa kung tayo’y mag-isip,
ngunit ang isip ba ay isip na talagang ginagamit?

Dumarating ang superbagyo nang walang pasabi,
kung ang bagyo ay pagtutol na hindi masabi-sabi:

kay-bagal man ng trapik ng sasakyan at mensahe.

Makalipas ang Dilubyo, ni Pierre-Jean Jouve

Makalipas ang Dilubyo

Salin ng “Après le deluge,” ni Pierre-Jean Jouve ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Patunáw ang buwan, at ang Setyembre’y maringal.
Walang tinag ang mga bundok sa liwanag nito
Mabilis dumilim ang mga anino at nakahimlay
Ang pinong bulawan sa halamanan. Kahapon
Ang pangwakas na init ay naupos na pader ng dilim
Nang gabing naglaho ang ningning ng mga bituin,
Na ang simoy at katamihikan ay huni ng kamatayan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!