Agaw-guniguni, ni Eugenio Montale

Salin ng “Quasi una fantasia,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Agaw-guniguni
  
 Sumisilang ang araw, at natunugan ko ito
 sa antigong pinilakang luningning
 sa mga dingding:
 tumitingkad sa sinag ang mga bintanang pinid.
 Bumabalik muli ang paglitaw ng araw
 nang walang kalat-kalat na tinig
 at matatandang ingay.
  
 Bakit? Naguguniguni ko ang mahiwagang araw
 upang salungatin ang laro ng mga oras
 ng pagkakapare-pareho. Ang lakas na naipon
 sa walang malay na mago nang napakatagal
 ay aapaw. Ngayon ko ipakikita ang sarili
 at sasakupin ang matataas na bahay, ang hungkag 
 na abenida.
  
 Tatanawin ko ang lupain ng lantay na niyebe
 ngunit walang halaga, na tila napapanood sa iskrin.
 Dadausdos ang makupad na sinag mula sa gabulak 
 na langit.
 Ang masisiglang kahuyan at buról na may liwanag
 na lingid sa paningin ay aawitin sa akin 
 ang kanilang malugod na muling pagbabalik.
  
 Masaya ko namang babasahin ang mga itim
 na pahiwatig ng mga sanga sa kaputian,
 tulad ng kinakailangang alpabeto.
 Lahat ng nakalipas ay matitipon
 sa isang bahagi sa harapan ko.
 Walang tunog ang makasisira
 sa aking nag-iisang kaligayahan.
 Papagaspas sa eyre 
 ang isa o dalawang labuyo,  
 o kaya’y pipiliin nitong dumapo sa poste. 
Alimbúkad: Recreating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Takipsilim sa Ilog, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Atardecer en el río,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim sa Ilog

Sinasalungat ng puting
tagak ang dapithapon.
Umaapaw sa panganorin
ang walang tinag nitong hubog.
Tumakas nang palihim sa ilog
ang pangwakas na sinag ng araw.
Bumuntong-hininga ang mundo
at patuloy na namuhay.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Eugene Chystiakov @ unsplash.com

Pesteng Yawa, ni Roberto T. Añonuevo

Pesteng Yawa

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nalimot kong umibig isang araw, at nang pumasok sa aking bintana ang sinag ng liwayway ay inakala kong talumpati iyon ng pangulo na mahilig magbiro at pambihira ang kodigo ng mga talinghaga kapag nagpapaliwanag sa madla. Nag-unat at naghikab ako, at ramdam kong tila nalagas ang lahat ng aking ngipin at buhok, at kung mumuráhin ko ang umaga ay pagtatawanan ako ng salamin. Napanaginip ko kagabi na kinulimbat ng mga langgam ang natitirang asukal sa kusina, at lalong dumami ang mga sundalo at pulis sa buong metropolis. Na hindi naman nakatinag, dahil walang sariwang imahen . Gusto kong bumangon ngunit parang nagkabaging ang kama at nililingkis ako nang hindi ko maunawaan. . . Kumuliling ang orasan, at pagkaraan, iniligtas ako ng tungkulin ng tandang at tahol ng nagugutom na aso laban sa halimaw na higaan. Tumindig ako, subalit ang aking mga paa ay ano’t yelong natutunaw. Lumakad ako at natigmak sa panlulumo ang sahig. Napadako ang mga mata ko sa kalendaryo, at naisip kong tatlong siglo na akong nakakulong ngunit hangga ngayon ay hindi pa namamatay. “Ganito ba ang masamang damo?” asik ko sa sarili. May kumakatok sa pinto, at ibig ko mang buksan ay ipinagkakait sa akin ng bait ang tagpo para sa sinumang panauhin. May kung anong vayrus ang kumapit sa aking katauhan; at kung mahahawa ang iba pang nilalang sa aking kalagayan (na wala akong pakialam at ayokong mandamay), marahil ay malilimot din nilang umibig, gaya ko, sa kanilang daigdig isang araw. Kinapa ko ang dibdib, at waring narinig kita— na paulit-ulit tinatawag ang aking pangalan. . . .

Pinagbawalan ako, ni Jacques Dupin

Salin ng “Il m’est interdit,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinagbawalan ako

Pinagbawalan akong humintô nang makakita. Na tila pinarusahan akong makakita habang naglalakad. Habang nagsasalita. Na masilayan ang aking winiwika, at sadyang magsalita dahil hindi ako nakakikita. Samakatwid para maipamalas kung ano ang hindi ko nakikita, at ang ipinagbabawal sa aking makita. Ang wikang umaalimbúkad ang tumatamà at tumutuklás. Katumbas ng pananagutan ang pagkabulag upang baligtarin ang kalagayan, at itakda ang paglalakad at salita sa harap ng paningin. Upang makalakad sa gabi, upang makapagsalita sa gitna ng ingay at pagkalito, upang ang sinag ng liwayway ay sumanib at tumugon sa aking hakbang, tukuyin ang sanga, at pitasin ang bunga.

Sa Uxmal, ni Octavio Paz

Salin ng “En Uxmal,” ni Octavio Paz ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Uxmal

1.  ANG BATO NG MGA ARAW

Araw ang oras;
Oras: araw ng bato;
Ang bato’y dugo.

2. TANGHALING-TAPAT

Dilát ang sinag.
Basyong minuto’ng oras.
Ibon sa eyre.

3. HÁPON

Pusyaw ang sinag,
Mga haligi’y gising,
Sayaw na pirmi.

4. GANAP NA ARAW

Bakát ang oras:
Di man kíta ang ibon,
Kulay ang awit.

5. MGA GINTONG KUSING

Ang ulan, sumasayaw, mahaba ang buhok,
May mga galáng ng kidlat ang bukong-bukong,
Ay lumusong sa saliw ng mga kalatong:
Dumilat ang mais, at marahang lumusog.

6. ANG AHAS NA UKIT SA MOOG
Huminga, nanginig, umalon ang moog sa araw
Ang fatek na buháy na kabiyak ng kalangitan:
Tinungga ng tao ang araw, ang tubig, ang lupa.
At lahat ng búhay ay taglay ng ahas na gigíl
Sa ulong sakmal-sakmal ng kaniyang mga pangil:
Lumalamon ng dugo’t tao ang mga bathala.

Walang Ibang Kompas, ni Elizabeth Lawson

Salin ng “No Other Compass,” ni Elizabeth Lawson ng Australia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang Ibang Kompas

Emily Kngwarreye

Estudyo niya ang mga bata, áso, pinsel, lupa at sinag,
pabulong na awit tubig sa rabaw ng maliliit na bato.

Sumisinag ng langit ang kaniyang mga mata. Alimpuyo
ng disyerto’y puso sa kambas niya. Walang ibang kompas.

Mumunting kamay ang nagsasabog ng Puting Kalawakan,
mga tuldok disyerto’y pumipitlag ng puláng puláng mundo.

Ang kaniyang ngayon ay walang hanggahang distansiya,
mga punto ng kulay na lumulukob sa kuwento sa kuwento,

ang kaniyang pinakamalapit na kahulugan
tugȋ, bato, mga limbag-ibon,

marurupok na itlog na nangangabasag sa pagsisilang.
Mga babaeng nangangalap ng mga everlasting,

trilyong bituin ni Ahalkere,
samantalang sa kung saang lugar ang mga galeriya

ay kumikilapsaw at nabibiyak, nangungulit kumbaga
kung saan ba isasabit ang mga galaksi?

Sumulyap si Emily nang pataás.
Pababâ.

Karaniwang ginagawa mo iyan.

Nagpipinta ako.

EMILY KAME KNGWARREYE (c.1910 – 1996) EMU DREAMING, 1991 synthetic polymer paint on canvas.

Paruparo, ni Chinua Achebe

salin ng “Butterfly,” ni Chinua Achebe  (Albert Chinualumogu Achebe) ng Nigeria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Paruparo

Ang bilis ay karahasan
Ang gahum ay karahasan
Ang bigat ay karahasan

Hinahanap ng paruparo ang kaligtasan
sa gaan, sa kawalang-bigat, sa umaalong lipad

Ngunit sa sangandaan, na ang batikang sinag
mula sa mga punongkahoy ay bumabalatay
sa bagong haywey, nagtatagpo ang ating mga pook

Sumasapit akong sapat ang kargada para sa dalawa
At ang mayuming paruparo ay inihahain
ang sarili bilang matingkad, dilawang handog
sa rabaw ng aking matigas, de-silikong kalasag.

Salita at likha ni Tomaz Salamun

salin ng mga tula ni Tomaž Šalamun na mula sa Slovenia
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA SALITA

Sumasalok ka ng tubig sa pamamagitan ng karayom,
at ang tubig ay nagiging malapot na banlik.
Itinuro mo ang punongkahoy,
at ang punongkahoy ay biglang nagliyab.
Hinati mo sa pamamagitan ng anino ang mga linya.
Binuksan mo ang pinto para sa pag-ibig at kamatayan.

JUAN

paano lumulubog ang araw?
gaya ng niyebe
ano ang kulay ng dagat?
malaki
maalat ka ba, Juan?
maalat ako
Juan, watawat ka ba?
watawat ako
tulóg ang mga alitaptap ngayon

ano ang kahawig ng mga bato?
berde
paano maglaro ang mga tuta?
gaya ng mga bulaklak
isda ka ba, Juan?
isda ako
Juan, salungo ka ba?
salungo ako
pakinggan ang agos

si juan ang bugi na tumatakbo sa kahuyan
si juan ang bundok na humihinga
si juan ang lahat ng tahanan
nakarinig ka na ba ng gayong bahaghari?
ano ang anyo ng hamog?
natutulog ka ba?

GOLEM

Malalim wari ang iniisip,
dumating ka para tanawin ako.
Tila ako sanga ng olibo—ang mukha mo.
Lumiliyab ang mga bahay sa sinag ng araw.
Nabuo ang tulay sa pagdirikit ng mga bato
at ang himpapawid ay nakatutuliro.
Hinablot ako ng mga kamay.
Naririnig ko ang kaluskos ng nakatataas.
Lumabas ang usok palabas sa akin.
Alangaang akong pumaloob sa iyo, tinikman
ang iyong prutas, saka naglaho.
Nagkamot ng likod ang tupa sa batuhan,
ang mga bintana’y pinunasan sa pananaginip.
Bumuhos sa akin ang matamis na pagsasanay.
Ikinawing ko ang iyong tarangkahan.
Pinawi ko ang itim, malasutla’t maingay
na bulwagan ng iyong mainit na hininga,
at nabatid na pansamantala ang buhay.

Der Golem, mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

"Der Golem," mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener