Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com

Sinaing ni Nanay, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Gian bếp của mẹ,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sinaing ni Nanay

Minamasdan ko noong aking kabataan ang ina ko,
na masigasig sa kusina na yari sa dayami at putik.
Kinukuha niya ang tsapistik at pinaiikid ang liwanag
sa kaldero ng sumusubóng sinaing,
habang ang halimuyak ng bagong ani’y
naninikit sa suot niyang damit kapag yumuyukod
siya’t ginagatungan ng patpat ang gutóm na apoy.
Ibig kong lumapit at tumulong, ngunit ang pagiging
bata ko’y nagpapaurong sa akin sa madilim na sulok
na matatanaw ko roon ang mukha ng aking ina,
matuto sa kariktan kung paano magningning sa hirap,
at kung paano magsaing ang mauling niyang kamay.

Noong araw na iyon, doon sa loob ng aming kusina,
nakita ko kung paanong isinasaayos ang kaganapan
sa pamamagitan ng maiitim na kawali at palayok,
at ng nahuhukot na likod ng aking ina, na napakapayat,
na maglalaho kung sakali’t ako’y umiyak, o tumawag.