Pag-iral ng Panauhin sa Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pag-íral ng Panaúhin sa Pulô

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-íral ay tunggalîan, at párang págpaloób sa pambansâng múseo, na másalimuót ang ugnáyan ng síning at ídeolohíya. Hindî makapágbibigáy sa iyó ng kálkuládong karunúngan, gáya sa ísports o písika o polítika, ang Spoliarium ni Juan Luna, bagkús máhihindík sa mga gládyador na kinákaladkád ng mga Rómanong káwal, mápopoót sa mga mánonoód na warì’y taksíl o bantáy-salákay, at madudúrog ang loób sa babáe at matandâng naulilà na pawàng pinipígil ng hikbî at dalámhatì samantálang umáalíngawngáw sa palígid ang nághihiyáwan sa gálak at pánlilibák. Anó ang pakialám mo sa árkitektúra ng kóliseo o sa móda ng pananamít ng mga Rómano? Walâ. Anó sa iyó ang kímikong komposisyón ng óleo at óptikong ilusyón ng mga kúlay at aníno na biníhag ng kámbas na may Éwropeong himaymáy? Walâ. Gayunmán, ang kukurót sa damdámin ay nagpápanatilì ng ugnáyan sa kaaláman hinggíl sa nakáririndí at karimá-rimárim na bakbákan, o sa halagá ng búhay na maiklî ngúnit kapaná-panabík, anumán ang urì at lahì. Ang kakatwâ sa síning, kumbagá, ay ibukás ang iyong matá sa gitnâ ng noó o bátok o pálad, sagápin ang anumáng nabigông maitalâ sa kasaysáyan ng ímperyo pagkaraán ng pagtatágis ng mga éspada at balutì, at damhín ang kung anóng pahiwátig sa réalidad ng mga bilanggông sinawîng pálad na may alusyón sa iyóng daigdíg. Samantála, ang ídeolohíya ay malímit nághahayág ng mga posisyón at dibisyón ng mga urì ng kawaní at opisyál sa ópisina na tumátanáw kay Luna at sa Spoliarium, na ipágpalagáy nang “répresentasyón ng guníguníng relasyón ng mga índibidwál sa kaniláng túnay na kondisyón ng pag-íral” sa loób at labás ng múseo. May sáhod mulâ sa bádyet ng pámahalàan ang mga kawaní at itó ang nagtitiyák sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa buông múseo at sa relasyón sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa loób at labás ng múseo. May sáhod ang kalupunán at itó ang nágtitiyák sa pag-andár ng ídeolohíkong áparáto ng éstado, hábang nangángalagà sa dambuhalàng óbra máestra na púwedeng magíng ópyo ng madlâ. Sa Marxistang tradisyón, wikà nga ni Althusser, ang éstado ay tinatanáw na mapanúpil na áparáto. Kailángang manúpil ng éstado úpang makaíral itó, at kailángan nitó ang pagpápalagánap ng ídeolohíya úpang magíng katanggáp-tanggáp sa paningín ng públiko. Ang pagpások mo sa múseo ay párang móro-móro sa pulô, na ang mga ídeolohíkong áparáto ng éstado ang nágtatanghál sa síning ng mga lamánlupà: Kailángan ang tunggalîan úpang patúloy siláng makaíral, at manaíg ang sinásambá niláng Aníto, tawágin man itóng Tagápangúlo.

Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Una Laurencic on Pexels.com

Sa Lahat ng Gawa ng Tao, ni Bertolt Brecht

 Salin ng “Von allen Werken,” ni Bertolt Brecht ng Germany
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sa Lahat ng Gawa ng Tao
  
 Sa lahat ng gawa ng tao’y pinakaibig ko
 Ang mga bagay na dati nang ginamit.
 Ang mga tansong kalderong may kupî at nasapad ang gilid,
 Ang mga kutsilyo at tenedor na ang mga tatangnan
 Ay nalaspag ng maraming kamay: ang gayong anyo
 Para sa akin ang pinakadakila. Gayundin ang mga láha
 Sa palibot ng matatandang bahay
 Na niyapakan ng maraming paa, at nangapagal
 At tinubuan ng mga damo ang mga pagitan:
 Lahat ng ito ay likhang kasiya-siya.
  
 Ipinaloob upang magsilbi sa marami,
 At malimit binabago, ang mga ito’y pinahuhusay 
 ang angking hugis, at nagiging mahal habang tumatagal
 Dahil palagi yaong pinahahalagahan.
 Kahit ang mga baság na piyesa ng eskultura
 Na putól ang mga kamay ay itinatangi ko. Para sa akin,
 Buháy ang mga ito. Naibagsak man yaon ngunit binuhat din.
 Binaklas ang mga ito, ngunit nakatitindig nang marangal.
  
 Ang mga halos gibang gusali’y muling nagsasaanyo
 Ng mga gusaling naghihintay na ganap maisaayos
 At lubos na pinagplanuhan: ang mga pinong proporsiyon 
 Nito’y mahuhulaan agad, ngunit kinakailangan pa rin
 Ng ating pag-unawa. Kasabay din nito’y
 Nakapagsilbi na ang mga bagay na ito, at nanaig sa hirap.
     Lahat ng ito
 Ay ikinalulugod ko. 
Alimbúkad: World poetry beautiful. Photo by Mike on Pexels.com

Pagtanaw, ni Rudolf Arnheim

Salin ng bahagi ng “Parables of Sun Light: Observations on Psychology, the Arts, and the Rest,” ni Rudolf Arnheim ng Germany at United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagtanaw

Nakikita natin ang mga kapuwa tao na pinakikilos ng kaluluwa, at samakatwid ang mga organ ng katawan ay sinasagap hindi bilang pisikal bagkus pangkaisipang funsiyon. Ang mga mata ay hindi gumagalàng sipat ng kamera bagkus isipang naghahanap, natatakot, nagnanasa. Ang bibig ay hindi butas para sa paglunok ng pagkain bagkus isipang ngumingiti, nayayamot, humuhubog na mga salita. Ang mga kamay ay isipang nagtuturo, nagpapabulaan, nangangasiwa, nagsisiyasat. Halos imposible para sa karaniwang tao na makita ang mga súso ng babae bilang mamíferong glandulang nakakabit sa katawan. Ang mga ito’y kambal na proa na pumapaspas, ang isipang umaabot pasulong sa sukdulang sigla (ex uberis). Natatangi ang titi sa pagkamalaya ng pagkukusa nito. Taliwas sa mga kamay at paa, ito ay hindi instrumento na ginagabayan ng isip sa utak ngunit may sariling isip, na nakapaloob sa isang udyok at intensiyon. Kaya kalokohan ang taguring nakatuon lámang ito sa iisang layon at gawi na halos hindi makatao.

7 Hulyo 1972

Support Alimbúkad World Literature Translation Project. Spread the word. Expand the world.

Ang Anyo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Anyo

Roberto T. Añonuevo

Tinawag siyang parisukat ngunit kung umasta’y tatsulok
na sindikato ng liwanag tubig buhangin—
nakayayamot unawain gaya ng panghuhula sa darating.
Itinuring siyang kahon ng awtoridad ng kaayusan
at seguridad, binalangkas na bartolina ng sibilisasyon,
gayong inililihim niya ang rebolusyon ng mga planeta.
Silang nakababatid ng kasaysayan at establesidong rikit
ay parang isinilang kasabay at alinsunod sa nahukay
na serye ng mga petroglifo o dambuhalang palasyo,
nagkakasiyá sa subók na taguri, krokis, at lohika,
at hindi nila malunok ang nilalang na sadyang kakaiba.

Bakit siya lapastangan wari at sumasalungat sa batas?
Paano kung maging modelo siya ng umiinom ng gatas?
Ang nagkakaisang salaysay nila ang kuwadro ng simula,
ngunit para sa kaniyang tatlo ang tinig at apat ang panig
bukod sa angking olográfikong hulagway kung paiikutin,
ang larawan niya ay kombinasyon ng wagás-lagás-gasgás,
nililikha paulit-ulit imbes na ituring na Maylikha,
hinuhugot mula sa laboratoryo ng mga eksperimento,
sinusubok itanghal patiwarik pana-panahon,
sinisinop itinatago itinatapon kung saan-saan,
banyaga sa takdang moralidad ngunit malalahukan
ng sagradong likido at linyadong pananalig,
ang bantulot na pedestal na walang sinasanto
at humuhulagpos sa arkitektura ng bahay kubo,
at sumusuway sa ningning at pagsamba sa mga bituin.

Habang lumalaon, dumarami ang kaniyang pader:
oktagono ng kagila-gilalas na diyamante
at kulang na lámang na lapatan ng mga numero,
pala-palapag na palaisipan, o zigzag ng paglalakbay.
Kahit siya’y nagsasawà na sa tadhanang nahahalata;
at ang gayong kapalaran ang kaniyang ikinababahala.
Ituring siyang itim at magpapaliwanag ng bahaghari.
Ituring siyang puti at maglalantad ng pagkakahati.
Sakali’t uyamin muli siyang parisukat ng awtoridad,
hahagikgik na lámang siya at magiging mga tuldok—
tumatakaták—na parang pagsasabi  nang tapat at payak.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Kian Chow @ unsplash.com

Sila, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “They,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sila

Bakit kailangang bulabugin nila ang ating mundo?
Bakit kailangan nilang tapyasin habang lumalaon
ang mga marmol na monumento ng ating sapó-sapóng
gútom at pagpupunyagi? Ang ubod ng ating panahon

para sa kanila ay papel na pútong sa paghaharì,
at ang sigasig nating ipagsanggalang ang angking dangal
laban sa mga hishis-laguklok ng tumitinding hapdî
ay kakatwang bátik sa panig nila, na dapat pagtakpan.

Napopoot ka sa kanila, at likás lang na madamá,
nang mapanatili ang kalayaan ng iyong damdamin;
ngunit dapat nating baguhin iyan hangga’t makakáya
sa anyo ng karunungan at balanì, gaya ng sining.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Awit at Sayaw, ni Usman Awang

Salin ng “Lagu dan Tari,” ni Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit at Sayaw

Usman Awang

Kahapon ay nasaksihan ko ang isang sayaw:
Malalaking súsong umaalog, nang-aakit,
Ilahas na pagnanasa at matang maaalab,
Lagabog ng musika’y pataas nang pataas.

Nanlaki ang mga mata ng madla, at namuti
ang bawat tamaan ng rumaragasang libog.

Lahat ay hubad, lahat ay labis na pag-iimbot
na kumakain ng lamán, at ibig makahipo.

Ito ang awit, ito ang sayaw sa mahabang gabi,
Paulit-ulit sa mga araw ng búang na digma;
Búkas, lahat ng puso’t akda’y pulos papuri:
Ito, anila, ang “sining” mula sa tunay na “alagad!”

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human right at all costs! Stand up to climate of fear! Where are you, oh my people?

Perspektiba, ni Roberto T. Añonuevo

Perpektiba

Roberto T. Añonuevo

Isisilang sina Picasso at Van Gogh sa mga kambas
ni Wolfgang Beltracchi, at ang silbi ng maskara
at kosmetiko ay matatagpuan sa rabaw ng mesa

o sa iyong masukal na loob.

Ang daigdig ay hindi itim at puti, o kaya’y bahaghari.
Ang daigdig ay singgaspang ng dila’t gawi ng hari
na nagtatampisaw sa sanaw ng mga papuri at salapi.

Naghahalakhakan, nag-iinuman ang mga pintor
sa silid ng libong guniguni.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sintunadong musika
ang palsipikador at kopyador sa museo at galeriya
ng rangya’t pagmamalabis, wika ng oleo at paleta.

Ano si Balagtas kapag binantuan nina Eliot at Lorca
sa gunita ni Beltracchi?
. . . . . . . . . . . . . . . . .Marahil, isang tuyong ilog ni Heraklitus
na tinatawid ng buwaya at libo-libong langgam
o kung hindi’y isang parian
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . na lubog sa bahâ
at ang mga karetela ay rumirikit sa lintik at banlik.

Sa estasyon ng tren, ang mga ibon ni Heinrich
Campendonk ay maaaring karugtong na tadhana
ng mga bilanggo tungo sa bibitayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .Ang bakal na tulay ni Auguste Herbin
ay iisipin mong tulay na hindi matapos-tapos
tungo sa impiyerno at kawalang-pakialam.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . At ang mga yate ni André Derain
ay naiinip na tinatanaw ng mga bagamundo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa baybay.

Bakit susumpain si Beltracchi kung ginamit niya
ang balón ng posibilidad na nabigong salukin
ng nakalipas? Paano kung siya rin ang mga lastag
na babae ni Fernand Léger,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at reenkarnasyon ng kahon

at manipestasyon ng mga impostor na posibilidad?

Ang sining ay katangahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa hanggahan ng mga mata,
kung iyan ang ibig makita,
at kaydaling maikukubli sa mga plastik na pera.

At dito sa Filipinas, ang mga berdugo ni Juan Luna
ay mabubuhay muli
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . sa ngalan ng Batas Militar
tungo sa diwa ng Bagong Lipunan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
sa pasikot-sikot na kabulaanan ng mga eskinita
ng Dafen at Ermita,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang senado ng mga batas
na binabalì ng liwanag,
ang mga kawal at abogadong bumubulong
sa karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . .  . . Papasukin mo marahil ngayon
ang kambas na ito kahit di-nakausap si Beltracchi,

para sa paghubog ng bagong mahiwagang Ibon—
sa merkado ng inaangkin mo ngayong tradisyon.

Videopoema ni Roberto T. Añonuevo batay sa tulang pinamagatang “Perspektiba.”

Mga Aralin sa Halik

1
“Noong humalik ang hari,
ang lahat ng binibini ay ano’t
nagiging pusali,”
wika ng alimasag
na pagewang-gewang
palabas ng kusina.

2
Ang halik ay guniguni
at sinlamig ng tag-ulan,
tugon ng kaharian.

Sumang-ayon ka.

At naupos ang lahat ng ilaw
sa buong lungsod,
samantalang gising na gising
ang kuwago na sakmal
ang ulupong na kikisay-kisay.

3
Ang halik ay halakhak
at taginting ng kubyertos.
Ang halik ay piging
kung may korona’t alipin.
Ang halik ay bari-bariles
na alak
para tawagin ang mga espiritu
na iba’t iba ang kulay.

Ngunit ang halik ay sampu-sampera
kung ibig maging payaso
para aliwin ang nagugutom na masa

at pagnasahan ang esposa ng iba.

4
Ang halik ni Hudas
ay hindi tinutumbasan ng sampal.
Ang halik ay si Hudas
na kaganapan ng kaligtasan.
Bakit isusumpa
ang taksil kung ang kapalit
ay langit para sa lahat?

5
Batas at imperyal, ang halik
sa sariwang mga pingi
ay koryenteng dumadaloy
sa silya elektrika.

Tanungin ang hukom,
ngunit tatalikuran niya
ang alimuom mula sa singaw
ng mga bangkay.

6
Ang halik ay pahimakas
at lumalapag na eroplano
para sa plano
ng mga asesino.

Ang halik ay pagtingala
sa mga bituin,
pagguhit ng isang mapa,
at paghula ng kapalaran—

tungo sa napakalayong planeta.

7
Ang halik sa labìng
nasa pagitan ng mga hita
ay halik din sa labì
na hindi makapagsalita.

8
“Hinahagkan ng hari
ang pasigan ng dayuhan,”

sabi ng peryodikong Tsino,

“at dahil may tainga ang lupa,
magsalita man ito
ay malikhaing pagsisinungaling.”

Nagkakamali kahit ang balita,
dahil iba ang wika ng mga maralita.

9
May halik na naiiwan sa duyan.
May halik na nabubura sa hukay.
Ang halik ang duyan, ang halik
ang hukay, ang halik ang halik
sa taimtim kung magmahal.

10
Dumadampi ang labì sa labì,
at gaya sa saplot ay naibuburda
kahit sa pinakamapait na alaala.

11
Yungib ng bulawan ang halik,
sabi ng matatanda,
gayunman ay hindi ito madaling
makita
maliban kung makikipagsapalaran
ang hari
sa laberinto ng karimlan.

12
Isinasakay ng simoy ang halik,
na marahil ay makararating sa iyo
kung iibigin mo.

Kung sakali’t tanggapin mo
ang halik na ito,
ako man ang hari ay bababâ
sa trono

ipagpalagay mang ako’y luko-luko.

Ang Ibong Asul, ni Rubén Darío

Salin ng “El pájaro azul” ni Rubén Darío, sagisag ni Félix Rubén García Sarmiento, mula sa Nicaragua.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Nakalulugod at nakahihindik na teatro ang Paris. Kabilang sa mga nasa loob ng Café Plombier ang mga butihin at desididong kabataan—mga pintor, eskultor, manunulat, makata—na ang bawat isa’y ibig matamo ang sinaunang lungtiang lawrel! Wala nang kaibig-ibig pa sa pobreng si Garcin, na laging malungkutin at tomador ng ahénho, ang mapangaraping walang pagkalasing, at hindi maipagkakamaling bohemyo at magaling na improbisador.

Sa gusgusing silid ng aming maliligayang pagtitipon ay inililihim ng yeso ang mga guhit at linya ng mga darating na Delacroix, berso, at saknungang isinulat sa makakapal, malalalim na titik ng aming minamahal na “Ibong Asul.”

Ang pobreng si Garcín ang ibong asul. Alam mo ba kung bakit siya tinawag nang gayon? Bininyagan namin siya sa gayong pangalan.

Hindi namin basta kapritso iyon. Taglay ng mahusay na binata ang malamlam na titig. Nang usisain namin siya kung bakit siya tahimik samantalang lahat kami’y naghahalakhakan nang hangal, siya na nakatitig nang maningning paitaas ay sumagot nang may ngiting mapait.  .  .  .

“Mga kasama, ipinababatid ko sa inyong may ibong asul ako sa utak, at kung gayon.  .  .  .”

*  *  *

Sumapit ang panahong nakahiligan niyang magliwaliw sa párang pagsapit ng tagsibol. Pinalusog ng simoy ng gubat ang kaniyang bagà, wika nga ng makata.

Sa kaniyang mga eskursiyon ay dala niya ang mga tangkay ng biyoleta at ang makakapal na kuwaderno ng mga madrigal, na sinulat sa kaluskos ng mga dahon at sa ilalim ng malawak, maaliwalas na langit. Ang mga biyoleta’y para kay Niní, ang kaniyang kapitbahay, ang dalagang sariwa at mamulá-mulá ang kariktan, at bughaw ang mga mata.

Ang mga tula’y para sa amin. At babasahin namin iyon nang malakas, at papalakpak. Labis ang papuri namin kay Garcin. Isa siyang henyong nakatakdang tumanyag. Sasapit ang panahon.  Lumipad nang mataas, o ibong asul! Bravo! Mabuhay! Mabuhay! Tumagay pa ng maraming ahénho!

*  *  *

Ang mga prinsipyo ni Garcin:

Sa mga bulaklak, maririkit ang kampánula.
Sa mamahaling bato, natatangi ang sapiro.
Sa kalawakan, ang langit at ang pag-ibig ay nasa balintataw ni Niní.
At inulit ng makata: Higit na matimbang ang kabaliwan kung ihahambing sa katangahan.

May sandaling malungkutin si Garcín kaysa nakagawian.

Binagtas niya ang mga lansangan; sinipat niya nang kay-lamig ang mararangyang karwahe, ang mga elegante, ang naggagandahang babae. Napangiti siya nang mapagawi sa harap ng eskaparate ng alahero; ngunit nang sumapit siya sa tindahan ng mga aklat, hindi niya naiwasang mainggit sa maluluhong edisyon, at mapakunot, at pumaling ng tingin sa langit saka bumuntong-hininga nang malalim. Hahangos siya nang sabik at marubdob sa kapihan at hahanapin kami, at hihingi ng isang baso ng ahenho saka magwiwika:

“Oo, sa hawla ng aking utak ay nakabilanggo ang ibong asul na naghahangad ng kalayaan . . . .”

*  *  *

May ilang naniniwala sa pagkasira ng bait.

Isang alyenista ang nakasagap ng balita at ipinalagay na kaso iyon ng natatanging pagkabaliw sa isang bagay. Walang iniiwang pagdududa ang mga pag-aaral niyang patolohiko.

Walang pasubaling nawasak ang katinuan ni Garcín.

Isang araw, tumanggap siya mula sa kaniyang ama—na matagal nang naninirahan sa Normandiya, at isang komersiyente ng mga damit—ng isang liham na nagsasaad ng humigit-kumulang sa ganitong paraan:

“Alam ko ang kinalolokohan mo sa Paris. Kapag nagpatuloy ka sa ganiyang paraan, wala kang matatanggap sa akin ni isang kusing. Hakutin mo na ang mga aklat sa aking almasén, at matapos mong sunugin ang mga manuskrito ng iyong kahangalan, batugan, ay saka kita bibigyan ng salapi.”

Ang liham ay binása sa Café Plombier.

“Aalis ka na ba?”

“Hindi ka aalis?”

“Tinatanggap mo?”

“Nililibak mo?”

“Bravo, Garcín! Pinunit niya ang liham, inihagis sa bintana ang damit, at biglaang bumigkas ng ilang taludtod, na sa aking pagkakatanda ay ganito:

Kung ako’y batugan, huwag pong pumukol
Ng paghanga’t puri sa taglay ng utak:
Nasa aking hawla at siyap nang siyap
Ang ibig lumayang isang ibong asul.

Magmula noon ay nagbago ang katauhan ni Garcín. Siya’y naging masatsat, naligo sa kaluguran, bumili ng bagong lebita, at tumula sa tatluhang taludtod, na pinamagatan niyang “Ang Ibong Asul.”

Bawat gabi’y may natutuklasan kaming bago sa kaniyang tula. At iyon ay dakila, matayog, at buwáng.

Naroon ang masanting na langit, ang sariwang nayon, na waring sumasambulat mula sa mahika ng pinsel ni Corot; ang mga mukha ng paslit na sumusungaw sa mga bulaklak, ang malalaking matang luhaan ni Niní; bukod pa ang mabuting Diyos na isinugo, at pinalipad nang pinalipad, ang ibong asul habang hindi batid kung paano at kailan iyon namugad sa loob ng utak ng makata, at doon nakulong. Kapag umawit ang ibon, at ibig lumipad, ibubuka nito ang mga pakpak at papagaspas sa loob ng bungo, at ipapako ng makata ang paningin sa langit, ikukunot ang noo, tutungga ng ahenho na binantuan ng kaunting tubig, at hihithitin ang binilot na papel ng sigarilyo. Heto ang tula.

*  *  *

Umuwi isang gabi si Garcín na halakhak nang halakhak ngunit napakalungkot.

Ang magandang babae na kaniyang kapitbahay ay inihatid sa sementeryo.

Balita! Balita! Huling awit ng aking tula. Yumao na si Niní. Halina, tagsibol, at wala na si Niní! Sinupin ang mga biyoleta sa parang. Ngayon ay umiiral na lamang itong epilogo ng tula. Ni walang lakas ng loob ang mga editor na basahin ang aking mga tula. Ibasura na lamang ninyo agad ang mga ito. Lumalakad ang panahon. Ang epilogo ay pinamagatang “Kung paanong umimbulog sa asul na langit ang ibong asul.”

*  *  *

Ganap nang tagsibol! Namumulaklak ang mga punongkahoy, at mala-rosas ang ulap sa madaling-araw at hapon; ang banayad na simoy ay pinalalawiswis ang mga dahon, at hinihipan sa natatanging sipol ang mga sintas ng sombrero. Hindi na nagtungo sa párang si Garcín.

Doon sa Café Plombier siya nagtutungo, suot ang bagong damit, at namumutla habang taglay ang malamlam na ngiti.

“Mga kaibigan, yakapin ako! Yakapin ninyo ako nang mahigpit! Batiin ako ng paalam nang buong puso at buong kaluluwa .  .  . Lumipad na ang Ibong Asul. . . .

Humagulgol ang kawawang si Garcín, at niyakap namin siya nang mahigpit, at kinamayan nang todo, bago tuluyang lumisan.

At winika namin: Si Garcin, ang alibughang anak na hinanap ang kaniyang ama, ang matandang Normando. “Paalam, mga musa; paalam, at maraming salamat! Nagpasiya ang ating makata na isukat ang mga damit! Hoy! Isang tagay para kay Garcín!

Namumutla, takót, at malungkot, ang mga parokyano ng Café Plombier, na dating sanáy sa ingay ng maliit at gusgusing silid, ay naroon sa tirahan ni Garcín. Nakahiga siya sa kama, duguan ang kumot, at butás ang bungo sa tama ng punglo. Sumambulat sa unan ang mga piraso ng utak. Anung lagim!

Makaraang humupa ang aming pagkagitla, at makidalamhati sa bangkay ng aming kaibigan, natuklasan naming nasa kaniya ang bantog na tula. Sa pangwakas na pahina ay nakasulat ang ganitong mga salita:

“Ngayon, sa kalagitnaan ng tagsibol, ay hinayaan kong bukás ang hawla ng ibong asul.”

*  *  *

Ay, Garcín, ilan pang tao ang nagtataglay sa kanilang utak ng ganiyang sakít!

Mga Guhong Paikid, ni Jorge Luis Borges

Mga Guhông Paikid

Salin ng “Las ruinas circulares” ni Jorge Luis Borges (Jorge Francisco Isidoro Luis Borges) mulang Argentina.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

At kung lumisan siyang pinapangarap ka. . .
Sa pamamagitan ng Salamin, VI

Wala sa kaniyang nakakita nang lumunsad sa sinang-ayunang gabi, walang nakakita sa barotong de-kawayan na lumubog sa sagradong banlik, ngunit ilang araw pa’y ni walang nakabatid na ang tahimik na lalaki’y nagmula sa Timog at ang kaniyang bayan ay isa lamang sa walang hanggahang nayon paakyat sa mabalasik na gilid ng bundok, na ang kawikaang Zend ay hindi pa nababahiran ng Griyego at bibihira pa roon ang may ketong. Ang malinaw ay hinagkan ng abuhing lalaki ang putik, inakyat ang pampang nang hindi hinawi man lamang ang mahahalas na tambo na humihiwa sa kaniyang balát (marahil ay manhid), at gumapang nang hilo at sugatan paakyat sa paikot na moog na may putong na batong tigre o kabayo, na kung minsan ay kulay apoy at ngayon ay abo. Ang bilog na ito ay templong nilamon ng sinaunang lagablab, ginahis ng malamok na gubat, at hindi na pinagdarasalan pa ng mga tao ang anito. Nag-unat ang banyaga sa lilim ng pedestal. Napukaw siya ng sinag ng araw sa itaas. Hindi siya nagulat nang matuklasang naghilom ang kaniyang mga sugat; ipininid niya ang maputlang paningin at humimbing, hindi dahil sa kahinaan ng lamán bagkus sa katatagan ng isip. Batid niyang ang templong ito ang pook na kailangan ang kaniyang makapangyarihang lunggati; batid niyang ang walang humpay na mga punongkahoy ay nabigong bigtihin ang mga guhô ng isa pang pinagpalang templo sa dulong ibaba na dating angkin ng mga anito na ngayon ay sunóg at patay; batid niyang ang kaniyang kagyat na tungkulin ay managinip. Nang sumapit ang kalagitnaan ng gabi’y napukaw siya sa balisang huni ng ibon. Ang mga bakás ng mga walang-saping talampakan, ang ilang igos at mga kantara, ay nag-iwan ng pahiwatig sa kaniya na ang mga lalaki ng rehiyon ay mapitagang naniktik habang siya’y natutulog, dumulog sa kaniyang proteksiyon o natakot sa kaniyang mahika. Nanlamig siyang saklot ng pangamba, at naghanap ng nitsong libingan sa guhong pader para magkubli sa mga di-matukoy na dahon.

Hindi imposible ang lunggating gumabay sa kaniya, bagaman sobrenatural. Ibig niyang mangarap ng tao; ibig niyang mangarap nang buong katapatan sa pinakamaliit nitong kabuuan at ipataw sa kaniya ang realidad. Ang mahikong proyektong ito ang nakapagpapagod sa buong lawak ng kaniyang kaluluwa; kung may sinong magtanong sa kaniya ng pangalan niya, o kaya’y usisaing magsalaysay ng ilang pangyayari hinggil sa kaniyang buhay, ay ni hindi siya makatutugon. Angkop sa kaniya ang templong giba at di-pinananahanan, dahil taglay nito ang minimo ng nakikitang daigdig; angkop din sa kaniya ang pagkamalapit ng mga manggugubat, dahil siya’y nabibigyan ng mga payak na pangangailangan. Ang kanin at prutas na ibinibigay nila sa kaniya ay sapat upang lumakas ang kaniyang pangangatawan, na konsagrado sa tanging tungkuling matulog at mangarap.

Sa umpisa’y magulo ang kaniyang mga panaginip; pagdaka’y nagiging diyalektiko ang kalikasan. Napanaginip ng banyagang siya’y nasa sentro ng paikid na ampiteatro na wari bang sunog na templo; punô ng mga tahimik na estudyante ang mga hanay ng upuan; ang mga mukha ng pinakamalayo ay nakatanaw sa distansiya ng ilang siglo at kasingtaas ng bituin, ngunit tiyak ang hugis ng anyo. Ang lalaki’y idinikta ang mga leksiyon ng anotomiya, kosmograpiya, at mahika: pigil-hiningang nakinig ang mga mukha at sinikap sumagot nang tila nakauunawa;  na parang nahulaan nila ang halaga ng eksaminasyon na hahango sa isa sa kanila mula sa kondisyon ng bigong anyo at magpapaloob sa kaniya doon sa tunay na mundo. Ang lalaki, tulog man o gising, ay pinag-isipan ang mga sagot ng kaniyang mga multo, at hindi pumayag na linlangin ng mga impostor, at sa ilang masalimuot na bagay ay nakadama ng lumalagong karunungan. Naghanap siya ng kaluluwang karapat-dapat makilahok sa uniberso.

Makalipas ang siyam o sampung gabi ay naunawaan niya nang may pait na wala siyang maaasahan sa kaniyang mga estudyante na nilunok nang pasibo ang kaniyang doktrina, ngunit may maaasahan siya sa ilang mag-aaaral na paminsan-minsang nagkakalakas-loob na sumalungat sa kaniya. Ang unang pangkat, bagaman karapat-dapat tumbasan ng pagmamahal at kalinga, ay hindi makaigpaw sa antas ng mga indibidwal; at ang ikalawa’y umiral bago pa ang yugtong mataas-taas na antas. Isang hapon (ang mga hapon ngayon ay inilalaan sa pagtulog, at ngayon ay gising lamang siya nang ilang oras sa umaga), pinalis niya nang ganap ang malawak na lawas ng mga estudyante at pumili lamang ng isa. Siya ang di-palaimik, maputlang bata, na kung minsan ay matigas ang ulo, at ang matitingkad na katangian ay kahawig ng nananaginip sa kaniya. Hindi nakatigatig nang matagal sa bata ang kagyat na pagpapaalis sa mga kapuwa niya disipulo; at pagkaraan ng ilang pribadong leksiyon ay ikinagulat ng kaniyang maestro ang progreso ng tinuturuan. Gayunman, naganap ang sakuna. Bumangon isang araw ang tao mula sa kaniyang pagtulog, waring galing sa disyertong malapot, tumingin sa walang silbing liwanag ng hapon na mabilis niyang inakalang mula sa madaling-araw, at nabatid na hindi siya nananaginip. Sa buong gabi at buong araw ay lumukob sa kaniya ang hindi matiis na linaw ng insomniya. Sinikap niyang maglagalag sa gubat, nang mabawasan ang lakas. Halos maidlip siya sa mga katas ng dita, subalit ang mga panaginip ay lukob ng panandalian, sinaunang bisyong pawang walang silbi. Sinikap niyang tipunin ang lawas ng mga estudyante subalit hindi pa man siya nakapagsasalita nang mahaba’y nasira ang anyo nito at nabura. Sa kaniyang halos walang hanggang pagbabatantay, sinilaban ng mga luha ng poot ang kaniyang paningin.

Nabatid niyang ang paghubog ng magulo at maligoy na bagay na bumubuo sa mga panaginip ang pinakamahirap gawin ng tao, bagaman dapat niyang arukin ang lahat ng hiwaga ng ordeng superyor at imperyor: higit na mahirap kung ihahambing sa paglubid ng buhangin o paghugis ng walang mukhang hangin. Nabatid niyang hindi maiiwasan ang pangunang kabiguan. Sumumpa siyang kalilimutan ang dambuhalang alusinasyong yumanig sa kaniya, at umisip ng bagong paraan ng pagdulog upang mapanumbalik ang lakas na nilustay ng deliryo. Iwinaksi niya ang pagbabalak ng pananaginip at halos magtagumpay agad sa pagtulog nang mahaba sa bawat araw. Sa ilang beses na nanaginip siya sa panahong ito, hindi niya binigyang pansin ang mga ito. Bago ipagpatuloy ang gawain, hinintay niya ang kabilugan ng buwan. Pagdaka, nang sumapit ang hapon, dinalisay niya ang sarili sa tubig ng ilog, sumamba sa mga diyos ng mga planeta, binigkas ang mga kataga ng makapangyarihang pangalan, at natulog. Halos agad niyang napanaginip ang pusong tumitibok.

Napanaginip niya ang makislot, mainit, malihim, halos kasukat ng kuyom na kamao at kulay granate sa loob ng penumbra ng katawan ng tao na wala pang mukha o ari; at sa loob ng labing-apat na malinaw na gabi ay napanaginip niya ito nang may mapanuring pag-ibig.  Bawat gabi’y sinasagap niya ito nang higit na malinaw. Hindi niya ito hinipo: sinipat lamang niya ito, tinitigan, at paminsan-minsang sinulyapan. Sa ikalabing-apat na gabi’y hinipo niya ang ugat ng pulmon sa pamamagitan ng hintuturo, at pagkaraan, ang buong puso, loob man o rabaw nito. Nagalak siya sa pagsusuri. Sinadya niyang hindi managinip nang isang gabi: muli niyang kinuha ang puso, inusal ang pangalan ng planeta, at inisip pagkaraan ang iba pang pangunahing organ. Sa loob ng isang taon ay nakabuo siya ng kalansay at pilik. Pinakamahirap marahil ang di-mabilang na buhok. Pinangarap niya ang buong tao, isang kabataan na hindi umuupo o nagsasalita, at hindi kayang dumilat. Gabi-gabi, siya ang pinapangarap ng tao.

Sa mga kosmogoniyang nostiko, ang mga demyurgo ay humubog ng pulang Adan na hindi makatindig; marupok, sinauna, at elemental gaya ng Adan ng abo ang Adan ng mga Panaginip na pinanday sa mga gabi ng mago. Isang hapon, halos wasakin ng isang tao ang kaniyang buong obra, ngunit pagkaraan ay nagbago ang isip. (Nakabuti marahil kung tuluyang winasak niya yaon.) Nang magawa na niya ang lahat ng pananambitan sa mga anito ng lupain at ilog, napaluhod siya sa paanan ng epihiye ng animo’y tigre o kabayong potro at humingi ng di-mabatid na saklolo. Kinagabihan, napanaginip niya ang estatwa. Napanaginip niyang buháy ito at kumakatal: hindi iyon bastardo ng tigre at kabayong potro, bagkus supling ng dalawang masilakbong nilalang bukod sa toro, rosas, at bagyo. Ang maramihang diyos na ito ay nagpakilala sa kaniyang Apoy, at sa paikid na templo (at sa iba pang gaya nito), naghahain ng sakripisyo ang mga tao at sumasamba, at mahiwagang bubuhayin niya ang pinapangarap na kaluluwa, sa paraang ang lahat ng nilalang, maliban sa Apoy at sa nananaginip, ay maniniwalang ito ang tao na may buto’t laman. Iniutos niyang sa sandaling ang tao na ito ay maturuan sa lahat ng ríto, dapat siyang ibalik sa ibang guhong templo na ang mga templo ay nakatindig pa rin sa kailaliman, upang may tinig na pupuri sa kaniya sa iniwang edipisyo. Sa panaginip ng tao na nananaginip, nagising ang pinananaginipan.

Tinupad ng mago ang lahat ng iniutos sa kaniya. Ginugol niya ang ilang panahon (na maitatakdang dalawang taon) sa pagtuturo sa kaniya ng mga misteryo ng uniberso at kulto ng apoy.  Palihim siyang nasaktan na mahiwalay sa kaniya. Ikinatwiran ang pangangailangan sa pagtuturo, nadagdagan bawat araw ang bilang ng oras na nakalaan sa pananaginip. Itinuwid niya ang kanang balikat, na tila laylay. May mga sandali, na nababagabag siyang ang lahat ng ito ay dati nang naganap. . . . Sa pangkalahatan, masasaya ang araw niya; kapag pumikit siya’y naiisip: Ngayon ay magkakaroon na ako ng anak. O kung minsan: Naghihintay sa akin ang supling ko at hindi siya makaiiral kung hindi ako sasama sa kaniya.

 Dahan-dahan niyang nakasanayan ang realidad. Minsan ay inutusan niya siyang itirik ang bandera sa malayong taluktok. Kinabukasan, wumawagayway na sa taluktok ang bandera. Sinubok niya ang iba pang kahawig na eksperimento na higit na mapangahas. Nabatid niya nang may pait na ang kaniyang anak ay handa nang isilang, at marahil ay apurado. Nang gabing iyon ay hinagkan niya sa unang pagkakataon ang anak at inutusang magtungo sa ibang templo, na  ang mga labî ay pumuputi sa dulong ibaba, sa kabila ng ilang milya ng masalimuot na kagubatan at latìan. Bago niya gawin ito (upang hindi mabatid ng kaniyang anak na kaluluwa lamang siya, saka isiping tunay na tao siya gaya ng iba), winasak niya ang lahat ng gunita nito sa mga taon ng pagsasanay.

Lumabo ang kaniyang tagumpay at kapayapaan dahil sa pagkabato. Sa pagitan ng takipsilim at madaling-araw ay nanikluhod siya sa batong pigura, at inisip-isip marahil ang tunay na anak na magsasagawa ng kahawig na ríto sa iba pang paikid na guho sa kailaliman; at sa gabi’y hindi na siya nananaginip, o nanaginip gaya ng iba pang tao. Waring naging mapusyaw ang pagsagap niya sa mga tunog at anyo ng uniberso: ang kaniyang nawawalang anak ay pinasisigla ng pagdupok ng kaniyang kaluluwa. Naganap na ang layon ng kaniyang buhay; at nanatili siya sa ekstasis. Makalipas ang ilang panahon, na kinalkula ng ilang tagapagtala sa ilang taon o sa ilang dekada, pinukaw siya isang gabi ng dalawang mananagwan; hindi niya maaninag ang kanilang mga mukha, ngunit isinalaysay nila sa kaniya ang mahiwagang lalaki sa templo sa Hilaga, na kayang maglakad sa gitna ng apoy nang hindi nalalapnos. Biglang naalaala ng mago ang winika ng diyos. Nagunita niyang sa lahat ng nilalang na lumaganap sa mundo, tanging ang Apoy ang nakakikilala sa kaniyang anak na isang kaluluwa. Ang gunitang ito, na sa una’y nagpakalma sa kaniya, ay nagwakas sa pagpapahirap sa kaniya. Nangamba siyang kung hindi pagbubulayan ng kaniyang anak ang di-pangkaraniwang pribilehiyong ito, sa ilang pagkakataon ay matutuklasan niyang siya’y isa lamang simulakro. Ang hindi maging tao, ang maging tatak na anyo lamang sa mga panaginip ng ibang tao, ang walang kaparis na kahihiyan at kabaliwan! Sinumang ama ay interesado sa mga anak niyang isinilang (o pinayagang ipanganak) dulot ng pagkalito sa galak; likás lamang na ang mago ay mangamba sa kinabukasan ng anak na pinag-isipan niya ang bawat katangian, ang bawat tabas, sa loob ng sanlibo’t isang gabi.

Nagwakas agad ang kaniyang pangangamba, ngunit nang may tiyak na babala. Ang una (matapos ang mahabang tagtuyot), lumitaw ang isang malayong ulap, magaan gaya ng ibon, at humimpil sa gulod; pagkaraan, doon sa Timog, ang kalangitan ay nagkulay rosas na waring gilagid ng mga leopardo; dumating pagdaka ang kulumpon ng usok na pinakutim ang metal ng mga gabi; at dumating ang mga balisang pagaspas ng nangagliliparang hayop. Dahil ang mga naganap noong nakaraang mga siglo ay nagaganap muli. Ang mga guho ng santuwaryo ng diyos ng Apoy ay winasak ng apoy. Nakita ng mago, sa bukang-liwayway na walang mga ibon, ang paikit na apoy na dumidila sa mga pader. Naisip niya agad na magkubli sa tubig, ngunit naunawaan niyang sasapit ang kamatayan upang maging korona ng kaniyang matandang edad, at palalayain siya sa kaniyang mga pagpapagal. Lumakad siya tungo sa rabaw ng lagablab. Hindi nilamon ng apoy ang kaniyang lamán, bagkus hinaplos-haplos lamang siya, at umapaw sa kaniya nang walang init o pagsabog. Naunawaan niya nang maluwag, nang may pagkapahiya, at nang may pagkahindik, na siya ay isa ring ilusyon, at may ibang tao ang nananaginip sa kaniya.