Balik-tanaw sa SONA ng Pangulo

Makasaysayan ang pahayag ng pangulo sa sambayanan doon sa Kongreso noong 2008 dahil ni isang salita ay walang banggit hinggil sa sining. Ang pagkawala ng sining ay maaaring senyales na ito ang unang nalalagas tuwing may krisis, at dapat ihuli sa priyoridad.  Samantala, ang edukasyon ay nabanggit lamang dahil sa paglulunsad ng malawakang pagpapakain sa mga dukhang mag-aaral na ginagastusan ng sampung piso bawat bata kada araw. Nakinabang umano ang mga lalawigan mulang Apayao hanggang Tawi-tawi, bukod sa mga pook na sinalanta ng mga bagyo.

Ipinagmalaki ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na nadoble ang iskolaship para sa mga estudyante sa kolehiyo, bukod sa pagpapatupad ng libreng edukasyon sa elementarya at hay-iskul sa buong bansa. Sinimulan na rin umano ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa ng DepEd, CHED, at TESDA.

Kulang na kulang ito, sa aking palagay, dahil panrabaw na pangangailangan lamang ang tinitingki ng pangulo. Ang pagpapakain sa mga bata ay pampolitikang abuloy na matatawag. Ang pagbibigay ng iskolaship ay mahihinuhang maliit na populasyon lamang ang saklaw, at maaaring sadyang ginagawa na ito ng mga pamahalaang lokal. Malabo naman ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa mula sa tatlong ahensiya, at hindi binanggit kung ang pagreporma ba ay may kaugnayan sa mahigpit na pangangailangan ng Filipino imbes na dayuhang interes.

Nanghihinayang ako sa gaya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil bagaman nabibigyan ang mga ito ng pondo ay walang naimbag man lamang sa pahayag ng pangulo. Marahil may kaugnayan ito sa de-kolor na gulo sa loob ng dalawang ahensiya, at sinangkutan ng pagpapalit ng pamunuan. Kontrobersiyal ang patakarang multilingguwalismong isinulong noon ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner Dr. Ricardo Nolasco, samantalang ang halalan sa NCCA ay inabot ng kung ilang buwan para makapagpulong ang mga komite. Kung hindi ako nagkakamali’y natuloy ang internasyonal na kumperensiya hinggil sa teatro, at pagkatapos nito’y halos masaid na ang pondong laan sa iba pang programa.

Sa aking palagay ay dapat lalong maging aktibo ang mga komite sa pagbubuo ng pondo sa NCCA at KWF. Ang iba’t ibang lupon ay dapat nakikialam sa pagbalangkas ng panukalang badyet na ihahain sa kongreso, at nakikilahok kahit sa mga deliberasyon sa kongreso, lalo sa yugto ng pagdinig ng magkasanib na lupon ng senado at mababang kapulungan. Samantala, ang KWF ay dapat hinihimok ang mga sangay nito sa rehiyon na magpanukala ng badyet para sa KWF, upang ang mga panrehiyong programa ay natutugunan alinsunod sa hinihingi at pangangailangan ng mga pamayanan. Ang mga pamayanan naman ay dapat nakikilahok din sa pagtatasa at pagrepaso ng mga programa at proyekto ng kapuwa NCCA at KWF, upang matiyak nila na ang pondong laan sa kanila ay nagagamit nang wasto at alinsunod sa mga plano at takdang panahon.

Malamya, kung hindi man pasibo, ang KWF sa pagsusulong ng wikang Filipino sa buong bansa, lalo sa bakuran ng Malakanyang. Naging makapangyarihang tinig noon si Nolasco, na nagsusulong ng saliwang uri ng multilingguwalismo na tatangkilin naman ng ilang mambabatas sa kongreso. Pambihira rin ang pagsusulong ng Ingles na gawing tulay ng pagtuturo mulang elementarya hanggang kolehiyo, at may kaugnayan ito sa pagtataguyod ng mga call center sa Filipinas. Ayon sa aking nasagap na balita, waring naluto na naman ang pagtatakda ng patakaran ng multilingguwalismo sa Filipinas, at kung ito man ay totoo ay dapat suriin nang maigi ng taumbayan kung karapat-dapat ipatupad. Kung ang multilingguwalismo ay gagamitin lamang para sa binabalak na Federalismong gobyerno—na ang mga rehiyon ay bibiyakin (at paghahatian ng mga politiko) alinsunod sa pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at pangwikang teritoriyo—ay dapat nang ibasura yaon nang ganap.

Ito na marahil ang pangwakas na SONA ni Pangulong Arroyo. Ngunit hindi nangangahulugan yaon na hindi na siya maghahari sa politika. Kung pakikinggan ang panukala ng dakilang tagapayo ukol sa pambansang inseguridad Norberto Gonzales, kinakailangan lamang umano na isulong ni Pangulong Arroyo at ng mga kaalyado niya ang isang rebolusyonaryong gobyerno upang mapalitan ang sistema ng pamahalaan, makabuo ng bagong konstitusyon, at papaghariin muli ang oligarkiya sa buong bansa. Magagawa ito ng kasalukuyang administrasyon kung hahatakin ang mga personalidad sa hukuman, negosyo, batasan, sandatahang lakas, samahang masa, at simbahan. Ibig sabihin, bumuo ng puwersa para sa kudeta.

Na malaking posibilidad. At siyang dapat bantayan ng sinumang Filipino na nagmamalasakit sa kinabukasan ng lahat ng Filipino.

Malikhaing Industriya at Kabuhayan

Pagkakakitaan ang sining at kultura, ito ang malinaw na lumabas sa nakaraang talakayang pinamagatang Global Prospectus for the Arts in the Philippines: Artists for the Creative Industries na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tinipon sa naturang kumperensiya ang mga alagad ng sining, at pinag-usapan ang dalawang mahalagang bagay: una, ang pagkilala sa komersiyal na kakayahan ng malikhaing gawaing makatutulong sa pambansang ekonomiya; at ikalawa, ang pangangalaga sa karapatang-isip ng indibidwal at pamayanan.

Sumasaklaw ang malikhaing industriya sa palitan ng mga bagay at serbisyo sa merkado, at ayon sa UNCTAD, ay inuuri sa sumusunod na kategorya: sining pagtatanghal; sining biswal; paglalathala, paglilimbag at panitikan; disenyo; awdyo-biswal at bagong midya; malikhaing serbisyo; at pook pangkultura. Ayon kay Nestor Jardin, Pangulo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), ang malikhaing industriya ang isa sa mga dinamikong sektor ng pandaigdigang ekonomiya. Mulang 2000 hanggang 2005, tumaas aniya ng 8.7 porsiyento kada taon ang pandaigdigang kalakalan sa larang ng Malikhaing Industriya. Ang mga iniluluwas na produkto ay umangat mulang $227 bilyon noong 1996 hanggang $424 bilyon noong 2005. Gayunman, nawawala ang Filipinas na dapat sanang makapag-aambag sa gayong industriya.

Hindi pa malay ang mga maykapangyarihan sa potensiyal ng malikhaing industriya bilang sektor ng ekonomiya ng Filipinas, sambit ni Jardin. At ito ang dapat lutasin sa ngayon ng kapuwa pribado at publikong sektor. Hinimok niya ang lahat ng Filipinong kabilang sa malikhaing industriya na panatilihin ang likas na katangian nitong makapagpahayag ng sining at kultura. Ngunit ipinaalala rin niya na napakanipis umano ng hanggahan ng komersiyalisasyon at ng malikhaing layong makaaapekto sa halaga ng pangkulturang produkto at serbisyo. Para naman kay Gilda Cordero Fernando, kailangang maging awtentiko ang mga alagad ng sining, at ibuhos ang “talento sa paglikha ng buhay na hinubog sa katapatan.”

Idinagdag ni Jardin na dapat maging malay ang mga artista at  pangkulturang tauhan sa kanilang karapatang-isip at kung paano makahuhugot ng ekonomikong benepisyo roon. Kailangan din aniyang ipatupad nang mahigpit ang mga batas ukol sa karapatang-isip, kabilang na yaong pamimirata sa mga malikhaing akda. Higit sa lahat, dapat umanong maitatag ang sistema ng pagkilala sa mga artistikong karapatan ng mga pangkulturang pamayanan at maisulong ang mekanismo para mabayaran ang karapatang-isip ng mga pangkat etniko.

Ang pagbabalikatan ng kapuwa gobyerno at pribadong sektor ang pinakamahalaga, ani Jardin. Kailangang mailatag ng gobyerno ang pundasyon sa paglago, sa pamamagitan ng mga reporma sa patakaran, tangkilik na impraestruktura, at programang pangkaunlaran. Samantala, hinamon din niya ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang malikhaing gawain, kahusayan, at kabaguhan upang maitaguyod ang pangkulturang kapital at malikhaing nilalamang tunay na Filipino.

Ipinaliwanag ni Fr. Valentino Pinlac, Pinuno ng Dauis Heritage Renaissance Program ng Bohol, kung paano magagamit ang sining at kultura sa pagpapalago ng ekonomiya ng Bohol. Ikinuwento ni Pinlac ang ginawang rehabilitasyon ng mga lumang bahay na bato at simbahan, at ginamit iyon upang mapasigla ang turismo sa Bohol. Bukod dito, pinahusay din ng Bohol ang sining pagtatanghal nito, gaya sa musika at sayaw. Nakatuwang ng Dauis ang gaya ng Ayala Foundation para mapangalagaan ang mga pangkulturang pamana nito, at nalikom ang aktibong pakikilahok ng buong pamayanan ng Boholanon para maisulong ang malikhaing industriya at turismo.

Taliwas sa karanasan ng Bohol, mainit na tinatangkilik ng pamahalaang lokal sa Bulakan ang kultura at sining upang mapaunlad ang lalawigan, ani Armand Sta. Ana, na kasalukuyang Artistikong Direktor ng Barasoain Kalinangan Theater Group. Ikinuwento ni Sta. Ana na ang pamahalaang panlalawigan ng Bulakan ay nagbibigay ng tulong pananalapi sa mga pangkat pangkultura upang makapagtanghal ng mga dula, sayaw, at iba pang bagay na pawang makapagpapakilala sa ugat ng Bulakan. Bagaman hindi pa matibay na naiuugnay ang turismo sa mga programang pansining at pangkultura ng Bulakan, unti-unti na itong isinasagawa mula sa pagsasaayos ng plano ng pagtatayo ng mga impraestruktura sa antas ng barangay.

Samantala, isinalaysay ni Alfonso “Coke” Bolipata, na Executive Director ng Miriam College Center for Applied Music, ang karanasan niya sa pagtataguyod ng sentro ng sining sa kaniyang bayan ng Zambales. Itinaguyod ng pamilya Bolipata ang programa ukol sa pagtuturo ng klasikong musika sa mga dukhang kabataan, upang makatulong sa pag-unawa ng sining at sa pagpapalaganap ng musikang maaaring pagkakitaan balang araw.

Napili naman ng British Council ang Cebu na maging malikhaing sentro sa Filipinas. Bibigyan ng British Council ng pondo ang Cebu upang maitaguyod nito ang malikhaing industriya mulang sining biswal hanggang sining pagtatanghal, hanggang pagpapalago ng mga likhang-kamay na gaya ng muwebles, alahas, at iba pang disenyo sa internet.

Mga Hulagway sa Kamay ni Renata Domagalska

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Malikot, malandi, at marikit ang mga hulagway na iginuguhit ni Renata Domagalska. Sumasayaw sa kambas ang kaniyang mga binibini sa himig ng flamenco, at tatatak sa gunita ang mga mukhang animo’y namimighati ngunit nagmamahal. Marahas, mabilis, magaspang ang hagod ng mga kulay, mga kulay na bagaman mababansagan ng impresyonismo o ekspresyonismo ay ibig kumawala sa mga de-kahong taguri o kalakaran. Maglalaro ang guniguni ni Domagalska sa hubad na katawan ng babae, at dito ipakikita ng pintor ang kaniyang kadalubhasaan sa pigura at erotika, at ang dating pagtanaw sa babae ay makakargahan ng magnetikong pahiwatig dahil hinahatak ang sinuman na tumanaw sa paningin ng isa ring babae.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Una kong napansin ang mga pintura ni Domagalska sa Flcker. Napahanga ako sa kaniyang serye ng mga lastag na babae at mananayaw, at pagkaraan ay nag-usisa ng iba pang pagkakakilanlan sa pintor. Nag-email ako pagkaraan sa kaniya’t nakipaghuntahan sa himpapawid tuwing hatinggabi. At bagaman magkalayo ang aming kultura at magkaiba ang tabas ng wika, ay sinikap pa rin niyang tugunin ang aking mga tanong sa Ingles. Polish ang wika ni Domagalska ngunit gaya ng iba pang pandaigdigang tao ay mahusay din sa iba pang wikang internasyonal.

“Hindi ko iniintindi ang sasabihin ng publiko,” ani Domagalska sa Ingles. “Nais kong lumikha at magpinta ng mga positibong larawan. “Hitik ang ating daigdig sa pighati, panlulumo, ligalig, at digmaan. Makikita iyan sa maraming likhang-sining. Nais ko namang lumihis. Nais kong magbigay ng pag-asa, at magpahatid ng matitimyas na damdamin ng tao.”

Mahaba ang kasaysayan ng Poland, at ang bansang ito ay dumanas ng madudugong digmaan, at pagkakawatak-watak at pananakop ng dayuhan, at panggigigipit kahit ng mga dugong bughaw, at muling pagbubuo ng kabansaan. Malalim din ang tradisyon ng sining ng Poland, mulang sinauna hanggang makabagong panahon, at ang mga ito ang tinutuntungan ni Domagalska upang lumikha ng iba’t ibang makukulay na hulagway at kaisipan.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Edad 31 pa lamang si Domagalska ngunit waring ang kaniyang kaluluwa’y dumanas ng ilang siglong paglalakbay. “Gumuguhit at nagpipinta ako kahit noong bata pa ako,” paliwanag niya sa Ingles. “Hindi ko maipaliwag kung bakit gusto kong gumuhit. Parang may humihimok sa akin, at ang tinig ay parang nanggagaling kung saan. Nagsimula akong magpinta ng batang nagpi-figure skating. Iginuhit ko ang masasayang tagpo ng pamilya. Kasi’y hindi ko naranasan ang magkaroon ng isang masayang pamilya noong bata pa ako.”

Nagtapos si Domagalska sa Panstwowe Liceum Sztuk Plastycznych, na sekundaryang paaralan sa Poznan, noong 1998. Pagkaraan, nagtrabaho siyang computer graphic artist sa isang kompanya ngunit nagbitiw at nagpasiyang ibuhos ang buhay sa pagpipinta, pagdidisenyo, at iba pang uri ng sining. “Noon ay naaagaw ang aking oras sa pagtatrabaho sa harap ng kompiyuter. Ipinasiya kong ilaan ang 90 porsiyento ng aking panahon sa pagpipinta, at ang 10 porsiyento ay para sa iba pang gawain at paglilibang.”

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Iba’t ibang anggulo ng personalidad ang pinapaksa ni Domagalska, at maibibilang ang pinakatanyag na anak ng Poland sa siglo 20: si Papa Juan Pablo II. Iguguhit din niya ang mga tagpo mulang dalampasigan hanggang bukirin at kahuyan. Ang nakagugulat ay tila napagagalaw niya ang mga larawan, na kung hindi man binubughan ng simoy ay nangangatal sa sukdulang kaligayahan.

Lumihis si Domagalska sa promosyon ng kaniyang mga akda. Bagaman napapabilang ang ilang pintura niya sa mga galeriya sa Poland, higit na makikilala siya sa pamamagitan ng online gallery na nagtatampok sa mga kabataang pintor at eskultor ng Poland. Hindi siya sumunod sa tradisyonal na pamamaraan na parang naghihintay lagi ng patron na maliligaw at papansin ng kaniyang mga akda, bagkus sinasalubong niya ang madla sa pamamagitan ng elektronikong ugnayan sa himpapawid.

Paano naman niya hinahasa ang kaniyang sarili sa piniling sining? “Palagi akong nagpipinta,” sambit ni Domagalska. Taon-taon ay sinisikap kong baguhin ang aking estilo. Dati, nakabukod wari ang aking modelo sa kaniyang kaligiran. Ngayon, sinisikap kong iangkop ang anyo at kilos ng modelo sa paligid niya.” Itinuring ni Domagalska ang kaniyang estilo ngayon na higit na panatag at malamyos, kaysa noon na pawang madidilim at ekspresyonistiko.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

“Marami na tayong alam sa daigdig,” pahatid niya, “ngunit nakapagtatakang marami pa rin tayong dapat tuklasin sa kalooban ng tao.” Ang sari-saring emosyon ang nais hulihin ni Domagalska sa kambas, at ipahiwatig na hindi dapat laging panaigin ang isip sa lahat ng bagay. “Natitiwalag na tayo sa ating mga sarili. Ginagamit natin ang utak, at kinakaligtaan ang kibot ng damdamin. Kinakaligtaan natin ang mga likás na pagdama at pagsagap sa daigdig. Halimbawa, ang erotisismo ay bahagi ng ating likas na pagkatao ngunit itinatatwa ito ng ilan. Magkukunwari tayo sa kalibugan, subalit lilitaw at lilitaw ang totoo.”

Ano naman ang kaniyang masasabi bilang mamamayan ng Poland? “Mahal ko ang Poland. Mahal ko ang aking pinagmulang nayon at kahuyan. Gayunman, itinuturing ko rin ang sarili na anak nitong sandaigdigan, na nangangarap na mabubuwag ang hanggahan ng mga nasyon, na mag-uusap tayo sa wikang makapagbubuklod at makapagpapaunawa sa isa’t isa.”

Ikinuwento pa ni Domagalska na nakatagpo niya minsan ang isang matandang pitho [psychic]. “Sabi ng manghuhula’y dati akong taga-Espanya o Portugal. Kung totoo man na ang dating kaluluwa ko’y nagmula sa gayong lugar, hindi ako magtataka dahil parang malapit ang puso ko doon at hindi ko maunawaan.”

Renata Domagalska

Renata Domagalska

“Hindi ko alam kung ano ang magaganap sa hinaharap,” pahiwatig niya. “Problema ko ang aking kalusugan, at marahil, kung ano ang magiging lagay ng aking katawan ang magtatakda rin kung hanggang saan makararating ang aking sining.” Nais ni Renata Domagalska na huwag nang pag-usapan pa kung ano ang kaniyang dinaramdam (habang sinusulat ito’y ilang ulit siyang naospital), at gaya ng tunay na alagad ng sining, ay higit na pipiliin ang paghahatid ng masasaya, makukulay na hulagway at itampok ang gunita ng tunay na pagmamahal.

Pornograpiya, Kahalayan, at Panitikan

Iginagalang ko si Sen. Manny Villar bilang patron ng sining, ngunit sa pagkakataong ito ay nagdududa ako kung ano talaga ang pagpapahalaga niya sa sining at panitikan. Sa kaniyang Panukalang Batas bilang 2464, ang pornograpiya at kahalayan ay ituturing na kasong kriminal at may katumbas na mabigat na parusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala.

Mahaba ang pamagat ng kaniyang panukala: “An Act prohibiting and penalizing the production, printing, publication, importation, sale, distribution and exhibition of obscene and pornographic materials and the exhibition of live sexual acts, amending for the purpose Article 201 of the Revised Penal Code, as amended.”  Sa unang malas ay waring nakabubuti ito sa pagpapanatili ng moralidad sa lipunan. Ngunit kapag inusisa na ang mga salita at pakahulugang isinaad sa panukalang batas, manggagalaiti ang sinumang nagmamahal sa sining dahil binubura ng panukala ang hanggahang nagbubukod sa “pornograpiya” at “sining.”

Maganda ang layon ng panukala: ang “pahalagahan ang dangal ng bawat tao at pangalagaan ang integridad at ang katauhang moral, espiritwal, at panlipunan ng mamamayan, lalo na ang kabataan at kababaihan” laban sa mga epekto ng obsenidad at pornograpiya. Ito ang patakaran ng estado, at upang maisagawa ito ay kinakailangan umanong maghasik ang pamahalaan ng walang humpay na kampanya laban sa kahalayan at pornograpiya, at tiyakin na ang mga institusyong pang-edukasyon ay sumusunod sa atas na ito ng konstitusyon.

Mga pakahulugan
Ang paglinang sa kabutihang asal at pansariling disiplina ay dapat suriin nang maigi sa panukalang batas ni Sen. Villar. At maaaring magsimula sa pag-urirat sa mga pakahulugan. Heto ang sipi sa panukalang batas:

(a) “Obscene” refers to anything that is indecent or offensive or contrary to good customs or religious beliefs, principles or doctrines, or tends to corrupt or deprave the human mind, or is calculated to excite impure thoughts or arouse prurient interest, or violates the proprieties of language and human behavior, regardless of the motive of the producer, printer, publisher, writer, importer, seller, distributor or exhibitor such as, but not limited to:
(1) showing, depicting or describing sexual acts;
(2) showing, depicting or describing human sexual organs or the female breasts;
(3) showing, depicting or describing completely nude human bodies;
(4) describing erotic reactions, feelings or experiences on sexual acts; or
(5) performing live sexual acts of whatever form.

Sa Filipino, ang “obscene” ay maitutumbas sa “mahalay.” Sa pakahulugan ni Villar, ang mahalay ay maaaring malaswa o nakasasakit o salungat sa mabubuting kaugalian o paniniwalang relihiyoso, prinsipyo o doktrina, at siyang bumubulok sa isip ng tao. Ang “mahalay” ay nagpapasiklab ng maruruming pag-iisip, na mahihinuhang ang ibig sabihin ay “kalibugan.” Ngunit kung ano ang hanggahan ng kabutihang-asal ay isang palaisipan. Ang pagpapasulak ng libog ay sasaklaw din sa anumang motibo ng prodyuser hanggang manunulat hanggang tagapagtanghal.

Sa ganitong pakahulugan, kahit ang mga seryosong panitikero at artista ay masasabit. Mangunguna na marahil sa listahan si Pambansang Alagad ng Sining F. Sionil Jose, na ang ilang nobela’y nabubudbudran ng makukulay na kandian, laplapan, at bosohan. Manganganib din ang mga teatro, na dapat ituring ang kanilang mga manonood na parang batang walang sapat na kapasiyahan at dapat pangalagaan ang moralidad. Delikado kahit ang mga independiyenteng pelikula, na nagtatanghal ng mga erotikong obrang lumilihis sa kumbensiyon at nangingibabaw na pananaw. Pinakikitid ng “mahalay” ang dating pakahulugan nito, at inilalatag ang konsepto ng itim at puti na parang nasa panahong midyibal.

Nakatatakot kahit ang mga pakahulugan sa “pornograpiya,” “mass media,” “materials,” “sex,” at “sexual act.” Heto ang sipi:

(b) “Pornographic or pornography” refers to objects or subjects of film, television shows, photography, illustrations, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, contained in any format, whether audio or visual, still or moving pictures, in all forms of film, print, electronic, outdoor or broadcast mass media, or whatever future technologies to be developed, which are calculated to excite, stimulate or arouse impure thoughts and prurient interest, regardless of the motive of the author thereof.

(c) “Mass media” refers to film, print, broadcast, electronic and outdoor media including, but not limited to, internet, newspapers, tabloids, magazines, newsletters, books, comic books, billboards, calendars, posters, optical discs, magnetic media, future technologies, and the like.

(d) “Materials” refers to all movies, films, television shows, photographs, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, whether produced in the Philippines or abroad.

(e) “Sex” refers to the area of human behavior concerning sexual activity, sexual desires and instinct, and their expressions.

(g) “Sexual act” refers to having sex or the act of satisfying one’s sexual instinct.

Sa naturang pakahulugan, kahit ang matataas na uri ng panitikan ay kasama. Gayundin ang matitinong potograpiya, pintura, musika, pelikula, at makabagong teknolohiya. Napakalawak ng “impure thoughts” (maruming isip) at “prurient interests” (kalandian o kalibugan) at kapag inilapat ang mga konseptong ito sa panitikan ay dapat husgahan ang akda batay sa husay ng imahinasyon at hindi sa kung ano-anong taguri. Maiisip tuloy na kinokontrol ng pamahalaan kung paano dapat mag-isip at magpasiya ang mga mamamayang ipinapalagay na pawang  gago at bobo na hindi kayang unawain ang nagbabagong daigdig. Ang pakahulugan ng “mabuti” ay nakasalalay lamang sa kamay ng pamahalaan, o sa galamay nitong relihiyoso. Mapanganib ang nasabing pakahulugan dahil ang pagpapasiya kung ano ang “pornograpiya” ay mahihinuhang nakabatay sa halagahang moral ng mga relihiyon, kahit ang mismong mga relihiyong ito ang nagpapakalat din ng mga dogmatiko, basura’t kolonyal na paniniwalang pikit-matang sinusunod ng kani-kanilang mananampalataya.

Mapanganib ang pagtatanghal ng mga pelikulang may kaugnayan sa sex at paghuhubad. Lalo na ang pagsusulat, pagbubuo, paglilimbag, at pagpapalaganap ng mga ito sa mass media o kaya’y sa tanghalan. Nakikini-kinita kong kahit ang mga blog at websayt ay delikado rito, dahil mapipilitan ang pamahalaan na gumanap bilang Dakilang Kuya na magmamanman sa bawat kilos ng mga mamamayan, at itatakda ang “mabuti” at ang “masama” alinsunod sa nais nitong palaganapin nang mapanatili ang panlipunang kaayusan.

Mga Parusa
Mabigat ang mga parusa, at kabilang dito ang sumusunod:

Una, ang pagkakakulong nang anim hanggang labindalawang taon, at multang mulang 500 milyong piso hanggang 1 milyong piso sa sinumang lumilikha, naglilimbag, nagtatanghal, nagbebenta, at napapakalat ng pornograpikong materyales.

Ikalawa, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at multang mulang 200 libong piso hanggang 500 libong piso sa sinumang magpapalabas ng mga “pornograpikong pelikula” sa loob man o labas ng Filipinas, o sa mga publikong tanghalang, gaya sa restoran  o klub, o kaya’y sa bahay na ang mga nanonood ay hindi lamang ang mga residente roon.

Ikatlo, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at pagmumulta ng 200 hanggang 500 libong piso sa sinumang magsusulat ng mahalay o pornograpikong akda mapa-elektroniko man o mapalimbag sa papel.

Ikapat, pagkakakulong nang isang taon hanggang tatlong taon at pagmumulta ng 100 hanggang 300 libong piso sa sinumang magtatanghal o gaganap nang malaswa o pornograpiko sa anumang anyo ng mass media.

Nagtataka lang ako kung bakit walang umaangal sa panukalang batas na ito ni Sen. Villar. Nananahimik ako dahil iniisip ko noon na may mga tao na mag-iingay hinggil dito. Ngunit dahil wala namang pumipiyok, nais ko nang pumalag. Dapat ibasura na ang Panukalang Batas bilang 2464. Ang nasabing panukala ay mapanlahat, at napakakitid ng pananaw hinggil sa sining at pagtatanghal. Sinumang sumulat o nagpakana nito ay dapat ibitin nang patiwarik, nang umagos at lumabas ang lahat ng kaniyang dugo sa ilong, mata, tainga, at bibig na maituturing na isang uri ng pornograpikong tagpo sa sinumang ang pamantayan ay “Matapat, Mabuti, Maganda.”

Romanza ni Marivic

Liberal ang pananaw ng nakararami hinggil sa tula, at ang pakahulugan ng isang bagay ay hindi mananatiling estatiko sa habang panahon. Ang “tula” ngayon ay hindi na katulad ng dating kaugnay ng bayan, at siyang ginagamit sa pagpapahayag upang pagbuklurin ang mga mamamayan. Ang tula ngayon ay naghunos na pansariling instrumento na magagamit sa paggigiit ng indibidwalidad, at sa pagtatanghal ng kagila-gilalas na eksentrisidad sa ngalan ng Kalayaan ng Sining.

Kaya may karapatan si Angelo V. Suarez na ideklarang “Poetry is useless!” (Walang silbi ang tula!) nang magtanghal siya ng tula sa Le Printemps des Poetes sa Alliance française de Manille noong 2 Abril 2008. Ang totoo’y hindi orihinal ang deklarasyon ni Suarez. Nauna na sa kaniya si Jose Garcia Villa o si Alejandro G. Abadilla, na itinuturing na ang tula ay dapat titigan bilang sining lamang at hindi kagamitang pampolitika o pangkultura. Ang tula ay dapat kinaluluguran, at kung may silbi man ito sa panig ng nagbabasa ay sekundaryo na lamang.

Makalulusot na sana si Suarez hanggang magtanong si Virginia R. Moreno. “Maaari mo bang ipaliwanag,” sambit ni Moreno sa banayad na Ingles, “kung ano ang ibig mong sabihin na ‘Walang silbi ang tula’?” Sayang at kulang ang sandaling iyon upang maipaliwanag nang ganap ni Suarez kung ano ang kaniyang poetika. Mababatid din kung ano ang inilihis ng kaniyang pananaw sa pananaw ni Villa, o kaya’y sa kaakuhan ni Abadilla.

Maiisip na ang tula ay hindi nabuo sa kisapmata lamang. Kaugnay ng tula ang mga salita, at ang salitang iyon ay nilikha ng pangkat ng mamamayan na pagkaraan ay magiging bayan. Magkakaroon ng sariling konteksto ang mga salita sa paglipas ng panahon, at hindi magtatagal ay mabubuo ang pakahulugan, paghihiwatigan, at pagdadalumatan para sa mga tao na nauunawaan at gagamit niyon sa kani-kanilang ugnayan at komunikasyon.

Gaano man kapayak ang tanong ni Moreno at umuurirat pa rin iyon sa matagal nang bumabagabag sa mga Filipino: Ano nga ba ang tula?

Kung babalikan ang mga lumahok sa bigkasan ng tula sa Alliance française, ang tula ay walang tiyak na anyo, pakahulugan, nilalaman, silbi, at padron. Ang tula ay maaaring saliwang pagkakaunawa sa “estranghero” gaya sa tula ni Pauline Juliene. Ang tula ay maaaring humangga sa sentimental, de-kahon, at kakornihan, gaya ng kina Anabel Bosch, Yanna Verbo Acosta, at Asha Macam. Ang tula ay maaaring magpalarga ng repetisyon ng diwa at salita, gaya ng kay Antonio C. Sison. Ang tula ay maaaring prosa at walang latoy na paglalahad, gaya ng kay Miguel Ongpin. Ang tula ay maaaring may abanggardistang lamyos ni Trix Syjuco, na ang damit ay ginugupit at naliligo sa champagne. Ang tula ay maaaring pagsisirko, gaya ng ginawa ni Alma Anonas-Carpio, o kaya’y pagsusulat nang nakatiwarik, gaya ng kina Cesare A.X. Syjuco at Vim Nadera.

Ngunit ang tula ay maaaring simbanayad ng pagtawid sa ilog, gaya ng ginawa ni Sid Gomez Hildawa. Ang tula ay maaaring maselang pagtitig sa babaeng sugatan, abandonado, at anonimo, gaya ng kay Marne L. Kilates. Ang tula ay maaaring erotikong pawis o bayarang katawan, gaya ng kina Ramon C. Sunico at Alfred A. Yuson. At higit sa lahat, ang tula ay maaaring kawangis ng batang tinuturuan ng kataga at nagsisimula-nagwawakas sa salita, gaya ng halimbawa ni Gemino H. Abad.

Nakalaan ang gabi para kina Marivic Rufino at Virgilio S. Almario na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ang makukulay, masisinop na pintura ni Rufino ay kahanga-hangang tinumbasan ng dalít, tanaga, at diona ni Almario sa aklat na Romanza (2008). Nilapatan naman ng de-kalibreng salin sa Ingles ni Marne L. Kilates ang nasabing mga tula, at kasaysayan na ang sumunod. Walang kupas si Marivic sa sukdulang pakahulugan ng matimyas na estetika, at ang nilikha niyang sining ay lumalagom sa lahat ng posibilidad ng tula.