Ikalimampu’t limang Aralin: Ang Halaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t limáng Aralín: Ang Halagá

Roberto T. Añonuevo

“Isáng sísiw, isáng tulâ!” Hindî maráhil silá makápaniwalà, siláng namímingwít ng mga talinghagà nang únang máriníg itó sa bibíg ng makatà. Ang míto ng sísiw na ibinábaligyâ nang makábuô ng tulâ ang sísiw na susì nang máipágpatúloy ang pagtulâ. Sápagkát ang sísiw ay títis ng pagninílay at manipestasyón ng harayà, itó ang pagmúmulán ng sustánsiyá ng katawán at pag-ásang may makakáin bálang áraw.  Sísiw ang maángas na magtátakdâ sa pag-abót sa pagkasíning o kasiníngan; hindî lahát ng bágay ay líbre. Sa bisyón ni Huséng Sísiw, ang tulâ ay espesyálisádong gawâin—párang siyentípikóng pagdulóg sa áwit at korído—at kinákailángan ang dibdíbang pag-aáral at paglálaán ng panahón, sampû ng sigásig sa panánaliksík at pagpápakúmbabâ habàng nása yugtô ng apréndisáhe ang nangangárap na kabatàan, gáya ni Balagtás. Kung walâng sísiw, at makákamít sa kisápmatá ang lahát, hindî ba malilímot ng kung sínong bagíto ang pagsisíkap o ang masidhîng pagnanasàng matamó ang pagkátulâ ng kaniyâng tulâ, kung karápat-dápat ngâng itúring itóng síning? Sa únang málas, ang pakikipágpalít ng sísiw pára sa isáng tulâ, o kayâ’y nang matútong tumulâ, o nang makáriníg ng tulâ, ay kakatwâ at pagmámalabís na kabuntót ng patutsádang “walâng kuwéntang bágay.” Ngúnit ang ganitóng pananáw ay pagtátampók din ng halagá at pagpapáhalagá sa síning. Kapuwâ may halagá at halagahán ang tulâ sápagkát may guníguní itó at gunitâ na may kákayaháng lumampás sa isáng panahón at espásyo. Kung maáarìng magíng negósyo ang bundók at dágat, anó’t hindî maáarìng magíng negósyo o serbísyo ang tulâ? Hindî túlad ng likás na kaligirán, ang tulâ ay sumisílang mulâ sa walâ at nagsísimulâ sa mga salitâ.

Nakátindíg sa isáng tiyák na lupâín ang tulâ, alinsúnod sa wikâ at diskúrso nitó, na alám ni Platon noóng úna pa man. Gáya mo, háhanápan itó ng silbí, na kung sadyâ ngâng may halagá sa búhay ay marápat tuusín, halímbawà, kung nakagágamót itó ng lumbáy káhit pa panandalî at nakapágpapásiglá sa kidlát-sa-tág-aráw na pakikípagtálik. Habàng tumátagál, ang tulâ ay sásalungát máhanggahán sa abstráktong ídea at makalángit na pananálig sa músa; háharapín nitó ang literál na kátumbás ng isáng prodúkto o serbísyo, lalò’t nása kagipítan. Hindî importánte kung ang tulâ ay kátumbás ng limáng kusíng o kápalít ng pagtátayô ng báhay; higít na dápat pagtuúnan na itó ay máipápalít sa pangángailángan ng mga táo dáhil likhâ ng táo at hindî ng kung sínong aníto. Kung humíhingî man ng báyad ang makatà sa pagtátanghál ng kaniyáng tulâ, itó ay sápagkát ang tulâ na may kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ay lumálampás na sa sakláw ng páhiná at pagigíng personál at dumádakò sa maláwak na lipúnan. Ang tulâ ay hindî bastá tulâ na maáarìng angkinín ng buông lalawígan o kontinénte, bagamán malayàng isípin ang kabaligtarán nitó. Ang tulâ ay pag-áarì ng makatà na may karapatáng-ísip at karapatáng-kalákal sa natúrang likhâ, sabíhin mang orihinál o adaptasyón o varyasyón ang pagkakágawâ, áyon na rin sa patakarán ng modérnong lipúnan; at kung gayón ay pagkalás sa dáti nang nakágawîáng pagtutúring díto na ang tulâ o épikó ay pag-áarì ng isáng komunidád, gáya ng Manóbo o Sáma Laút na nagpapáhalagá sa kultúra at kasaysáyan nitó. Isinásangkót ng tulâ ang ibá pa, gáya ng pábliser at anunsiyánte dáhil sa ekonómikóng karapatán nilá, kayâ hindî na itó talagá magíging líbre sa habàng panahón.

Abánseng mag-isíp si Huséng Sísiw kung totoó ang máalamát na salaysáy ni Hermenegildo Cruz. Nakiní-kinitá niyá sa hináharáp ang magíging lagáy ng tulâ sa pánig ng ekonómikóng usapín, bukód sa ináasáhang gágampanáng papél ng wikàng Tagálog sa panulâán. Hindî lahát ng táo ay makásusúlat ng tulâ, gáya ng hindî lahát ng táo ay may talénto at kasanayáng lumikhâ ng súbmaríno o makapágtaním ng ektá-ektáryang maísan o makapágtistís ng pusò. Habàng nagíging espesyalísta ang makatà sa pagkathâ ng tulâ, ang tulâ ay hindî makáiíwas magíng esklusíbo—sanhî man ng paglikhâ ng mga personál na talinghagà o talinghagàng másalimúot ang disényo—na mahírap ulítin ng artipisyál na karunúngan. Kumikítid ang mga tumbásan sa isáng salitâ pagsápit sa tiyák na lárang, gáya sa krítiká o písiká, at higít na nagíging tiyák ang pákahulugán o páhiwátig, na siyá namáng paúlit-úlit nilálabág o sinúsuwáy ng makatà. Sa ganitóng pangyayári, lalòng masásabík ang mga táo sápagkát tíla dumádakò sa pagkáelitísta ang tulâ, alinsúnod sa pakanâ ng makatà at ináasáhan ng mga pihíkan at matalísik na konsumidór.

Hindî makáiíwas hanápin ng madlâ ang kabutíhang máidudúlot ng tulâ sa pánig nitó, sápagkát itó ang konsumidór ng mga talinghagà. Ang tulâ ay may masíning na pamámaraán nang matamó ang isáng bágay, gáya sa estruktúra ng igláp na kalugúran sa isáng háyku o walâng hanggáng pag-íbig sa isang épikó; gayundín, may ináasáhang búnga itó na makapágdudúlot ng kabutíhan sa pánig ng makatà at ng madlâ, gáya ng wagás na kamalayán. Ang ipágpalít ang sísiw sa isáng tulâ ay pagtátangkâ nang máangkín ang kung anóng kátotohánan, “ang bokasyón ng pagbúbunyág ng kátotohánan sa anyô ng artístikóng húgis,” kung híhiramín ang dilà ni Hegel. Ang tulâ, bílang síning, “ay nagtátagláy ng kapangyaríhan sa paglikhâ, o ng kapasidád o gámit na hindî maáarìng tipilín sa anyông-salapî,” wíwikàin ng mga alagád ni Marx, “samantálang iginígiít nitó ang pangyayáring prodúkto itó ng túnay na táo.”

Maáarìng ang isáng sísiw ay hindî makapápantáy sa halagá ng tulâ; o hindî makapápantáy ang tulâ sa kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ng sísiw. Sa kabilâ nitó, dápat pa ring kilalánin si Huséng Sísiw sa kaniyáng pilosopíya. Ang pagsílang ng sísiw na nagmulâ sa itlóg ay pagtanggáp sa masíning na tránspormasyón ng isáng bágay, na masisípat na panánalinghagà. Ang sísiw bílang katotohánan ay hindî lámang ang pangwakás na kátumbás ng tulâ, bagkús itó rin ang tuláy sa pagtátamó ng kátotohánan. Ikáw bílang tulâ ay makíkilála ni Huséng Sísiw, o makíkilála mo siyá bílang batikáng makatà at maútak na mangángalakál. At sa inyóng pagtátagpô, ikáw ay títindíg sa isáng kamalayán, na bagamán hindî káyang sagápin ng limáng pandamá ay magíging kasíngtigás ng bákal, seménto o yakál; sápagkát kailángan ang kátotohánan o ang kathâng-ísip nitó sa kapaní-paniwalàng yugtô at katanggáp-tanggáp na paraán.

Sísiw ka mang turíngan ay tulâ pa ring bábagtás nang walâng hanggán.

Alimbúkad: Epic poetry revolution across the world. Photo by Gabriel Frank on Pexels.com

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Tunog ng Ulan
  
 Umuulan.
 Marahang ibinuka ng gabi ang mga pakpak nito,
 at bumubulong sa bakuran ang ulan
 gaya ng mga sisiw na palihim na sumisiyap.
  
 Patunáw ang buwan na singnipis ng hibla,
 at bumubuga ang maligamgam na simoy
 na tila aapaw mula sa mga bituin ang bukál.
 Ngunit ngayon ay umuulan sa gabing pusikit.
  
 Umuulan.
 Gaya ng mabuting panauhin, umuulan.
 Binuksan ko ang bintana upang batiin siya,
 ngunit nakatago sa bulóng ang patak ng ulan.
  
 Umuulan
 sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubong.
 Nakatanim sa aking puso
 ang masayang balitang lingid sa iba: umuulan. 
Alimbúkad: Reconstructing ideas through translation. Photo by Ashutosh Sonwani on Pexels.com

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

Salin ng tula ni Chu Yohan ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tunog ng Ulan

Umuulan.
Marahang ibinukad ng gabi ang pakpak nito,
At bumulong ang ulan sa bakuran
Gaya ng mga sisiw na lihim na sumisiyap.

Gahibla na ang buwang patunaw,
At bumuga-buga ang maligamgam na simoy
Na tila aagos ang bukál mula sa mga bituin.
Ngunit umuulan ngayon sa gabing madilim.

Umuulan.
Gaya ng mabait na panauhin ang pag-ulan.
Binuksan ko ang bintana upang batiin ito
Ngunit palihim na bulong ang natak na ulan.

Umuulan
Sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubóng.
Itinatanim sa aking puso ang masayang
Balitang nalilingid sa lahat: umuulan-ulan!