Ikalabinlimang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabínlimáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Sakalì’t isakáy ka sa BRP Ang Pangúlo at tíla humintô ang óras ng daigdíg, matátagtág ang iyóng loób, magtátangkâng limútin ang kinágisnáng lugód, at mabigô man sa gayóng pagdulóg ay babasáhin ang mga talampád at bulalákaw sa mga gabí ng paglalayág. Pagtingalâ’y pagkilála sa saríli, dáhil isá ka ring paralúman. Tuwîng nagtátaksíl sa mga salitâ ang makatà, maráhil ay úpang makáligtás pang mag-isíp nang malálim, pumánig sa pinakámadalî pinakámagaán pinakámabilís máunawàan; at ikáw bílang tulâ na ginagád kung saán ay párang napakahírap nang ngumitî, matiím tumítig na ánimo’y galít sa kabarò, sisisíhin nang taás-kamaó at taás-kílay ang lahát ng ugát sa mekánikong paraán, málagáy man sa péligro ang pagkatáo mo’t sángkataúhan. Ang katátawanán sa iyóng katawán ay ni hindî mabábakás sa alinsángan at asín at mabilís tangayín ng hángin; at kung umárte mang payáso ang taúhan mo sa panahón ng paglálakbáy ay sapagkát nangangárap din itó na bálang áraw ay mailúluklók na presidénte o representánte ng isáng báyan, handâng ipaglában ang kásarinlán sa pananákop ng dáyo, húhubarín ang bárbarong bíhis at magíging séryoso at híhimúkin ang mga táo at nasyón na makílahók sa sukdúlang pakikibáka túngo sa kalayàan. Bísyo ang katátawanán, pansín ngâ ni Platon, káhit itanóng mo pa kiná Kúntil Bútil at Anastasio Salagúbang. Gagamítin kang áparáto, na tíla ikáw ay sadyâng ipináglihî sa kubéta at lumakí sa bangkéta, nakádísenyo halímbawà sa pasawáy na método úpang pahagíngan ang isáng polítiko na ang kakatwâ’y galák na galák pa turíngan mang bóbo, tamád, at lutáng dáhil nagúguníguní niyáng siyá ang mataás mapalad makapangyarihan kompará sa milyón-milyóng sawîmpálad. Sa panahón mo, ang katátawanán ay nádupílas na paslít na ang katigásan ng úlo’y sinaló ng timbâ na umaápaw sa tsókoláte o táe. O isáng matabâ, hubád na dilág na íbig daigín ang timbáng ng dágat, sikát na sikát sa mabilís manudyô at bumilíb sa isinásahímpapawíd, at humáhagikgík kung bákit ang katabí’y patáy-gútom at payát na payát. Anó ang katátawanán díto kung itó ang nagkátaóng nórmatíbo at isá kang sirâúlo? Ang nakapágpapángitî o nakapágpapátawá ba ay nása hulagwáy o dî-ináasáhang píhit ng pangyayári? Kapág ang pagbíbirô, ang katawá-tawá, ang katátawanán ay nawalán ng hanggáhan, ang panlaláit kung hindî man panlílibák ay hulagwáy ng lángit na nabatíkan ng tínta o pútik. Ang ábstrakto ay kailángang magíng kóngkreto na síngkapál ng mukhâ pára sampalín o dunggulín malayò man sa tradisyón nina Pugò at Tugò, at kiníkilála ng ákadémyang pámpelíkula makáraáng mágtalumpatì ng ápolohíya. “Háy, kaawà-awàng áso,” súlat ngâ ni Charles Baudelaire, “kung binigyán kitá ng táe’y lugód na lugód na sininghót-singhót mo na iyón, at kináin pa maráhil. Sa gayóng paraán ay kawángis mo ang madlâ, na hindî dápat handugán ng pabangóng ikayáyamót nitó, bagkús pilîng basúra lamang.” Ang ábstrakto ay masíning na pukól sa matimtíman o marahás na paraán, hináhagíp ang mukhâ ng pinúpuntiryá sakâ sásapáwan, dinúdumihán nang padaplís ang isáng bahagì ng pagkatáo nitó úpang maípamálas ang kabulukán at kahayúpan sa sandalíng magálit at gumantí itó. Sapagkát ang kómiko, wikà ngâ ni Henri Bergson, ay isáng buháy na nilaláng, lumálagô o tumátangkád ngúnit sumásalungát sa iisáng pákahulugán, at káhit ikáw ay gagawíng éksperiménto pára sa kalugúran ng públiko. Walâng pusò ang katátawanán ngúnit may útak. Paúlit-úlit ang dápithápon, at walâng katawá-tawá sa paglubóg ng áraw; walâng katawá-tawá sa rítmikong pagsalpók ng álon sa pásigan; walâng katawá-tawá sa pagkátigáng ng lupàín sa dáting maláwak na kagubátan, malíban na lámang kung sadyâng sádista ang tumítingín. May lóhika ng éksentrísidád ang kómiko, sambít ni Bergson, at itó ang dápat tuklasín sa gáya mong may pinsalà na ang kaligayáhan ay matátagpûán lámang sa kaloób-loóban. “Ang katákatáyak, súkat/ makápagkáti ng dágat.”// Katumbás ng dágat ang isáng paták ng álak, at kung hindî itó makapágpangitî sa iyó ay sapagkát walâ kang pakíalám sa lipúnan, kóntento sa saríli at ni hindî nalasíng sa ilahás na kandúngan—isáng érmitanyong tinálikdán ang kaniyáng sánlibután.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami challenging the world. Photo by Riccardo on Pexels.com

Pulo ng Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Sandalî

Roberto T. Añonuevo

Nábuburá ang kalendáryo sa Pulô ng Sandalî, at díto ay máaarì kang magpátumpík-tumpík nang dî-alíntanà kung anó ang mágaganáp sa hináharáp. Hindî ka ríto máaarìng uyamíng huklúbang pawíkang lumalákad, o paratángan na patabâing pánda na lumapág sa buwán úpang doón mágparámi ng lahì. Walàng sasawáy sa iyó ríto, at itó ang kalákarán sa poók na itó. Maipágpapalíban mo ríto ang pághahanáp sa iyóng mahál, gáya ng nakáugalìan ng mga batâng kapág inutúsan ng kaniláng mga magúlang pára maghúgas ng mga báso at pinggán ay mabilís tutugón ng “Sandalî po!” na ang sandalî ay magíging isáng taón, ang isáng taón ay magíging ísang síglo, at ang ísang síglo ay magíging sampûng síglo na makapágsasálaysáy ng mga artéfakto ng kawalâng-pakíalám. Sapagkát hindî máhalagá ang panahón, ang sandalî ay kisápmatáng ipágpapálit sa páglalarô ng Dóta o pagtámbay sa Netflix o pakikípag-úsap nang mag-isá sa sélfon. Uminóm ka man maghápon ay maipágpapalíban ang pagpápahingá kapalít ng ónlayn sábong. Magtrabáho sa gobyérno’y maipágpapalíban ang serbísyo publíko, na pára bang pinunòng palagìng nágbibirô, hiníhigít ang pasénsiyá ng publíko, at nághihintáy ng kudéta mulâ sa sandátaháng ásong kumákahól. Sa Pulô ng Sandalî, ang lahát ay batà kung hindî man ísip-batà, na hindî tumátandâ, at kung nagkátaón mang may anyông tiguláng ay tumátandâ nang pauróng. Sapagkát walâng takdâ ang panahón, mágagawâ ninúman ang kaniyáng náis o láyaw at walâng makásisitá sa kaniyá. “Anák, bumilí ka múna ng pandesál.” “Sandalî po!” “Íha, magwalís ka namán sa sála.” “Sandalî po!” “Ího, maglutô ka na!” “Sandalî po!” Ngúnit daráting din ang dî-ináasáhang sandalî na ang buông henérasyón na lumakí sa sandalî ay mayáyamót sa saríli, sapagkát káhit ang pagkakásunód-sunód ng mga nakálakháng gawâin ay mababágo. Halímbawà, ang agáhan ay magigíng tanghalìan. Ang tanghalìan ay biglâang púlong, at ang hapúnan ay pagsakáy sa eropláno. Ang pag-aáral ay pagtátrabáho, ang pagtátrabáho ay págkukulóng sa kuwartó nang kung iláng linggó. Mawáwalán ng silbí ríto ang pagtatáya ng búhay pára sa minámahál, sapagkát maipágpapalíban ang panlilígaw at pagpapákasál; maipágpapalíban ang págbubuntís at págpupundár ng tahánan; maipágpapalíban ang págtitiiís o paghingî ng paúmanhín; maipágpapalíban ang pag-abót sa pangárap; maipágpapalíban ang pagharáp sa katótohánan at salamin; at higít sa lahát, maipágpapalíban káhit ang pagsasábi nang tapát. Maipágpapalíban din díto ang págmamahál sa báyan, at manákop man ang mga banyagà ay ipágdiríwang pa ng mga kabatàan na mahílig tumíktok at mágpatawá pára sumíkat at kumíta. Kayâ kapág dumakò ka sa Pulô ng Sandalî, posíbleng mahiráti ka na ríto hábambúhay. Malilímot mo ríto ang ngálan ng íyóng inaasám, malilímot mo ang iyóng saríli, malilímot mo káhit ang paglikhâ ng musíka sa loób ng ísip at guníguní. Sasápit ka sa estatíkong yugtô sapagkát iyán ang tadhanà sa Pulô ng Sandalî. Kung sakalì’t maligáw doón ang iyóng mahál, maáarìng ipágpalíban din niyá ang pakikípagtipán sa iyó, at hindî mo mapápansín na may ípot ka na palá sa úlo.

Alimbúkad: Poetry challenging time and timelessness. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Elehiya sa Silid-aralan, ni Anne Sexton

 Salin ng “Elegy in the Classroom,” ni Anne Sexton ng USA
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Elehiya sa Silid-aralan
  
 Sa isang payak na silid-aralan, na ang mukha mo’y
 maringal at katumbas ng lahat ng bagay ang mga salita,
 natagpuan ko itong tabatsoy na humalili sa puwesto mo;
  
 at naghunos kang magulo, at tumatalungko sa pasamano,
 at hindi masasalungat ang pagkakaluklok doon,
 gaya ng malaki, matabang palaka,
 na minamasdan kami samantalang nakahugis V
 ang de-lanang mga binti.
  
 Gayunman, dapat kong hangaan ang iyong kahusayan.
  
 Kaaya-aya sa sinop ang kabaliwan mo.
 Hindi kami mapakali sa aming mga upuan
 at nagkukunwang iniisa-isang ilista nang pahanay
 ang katotohanan ng iyong bigating kulam
  
 o balewalain ang mapintog, bulag mong paningin
 o ang prinsipe na kinain mo kahapon
 at siya pa namang mautak, mautak, mautak. 
Alimbúkad: Unbreakable poetry soul. Photo by Tima Miroshnichenko on Pexels.com

“Walang kabaong, walang puntod,” ni Jared Angira

Salin ng “No Coffin, No Grave” ni Jared Angira mula sa Kenya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Walang kabaong, walang puntod

Inilibing siya nang walang kabaong,
nang walang puntod
tinistis ng mga basurero ang bangkay
sa bukás na punerarya upang suriin
nang walang esterilisadong patalim
sa harap ng naytklab.

ang mga garalgal na riple
ay nagsipagpugay sa  araw na iyon
sa pang-estadong paglilibing
lumuhod ang kotse, lumuha ang pulang plaka,
na tigmak sa dugo ng amo nito

naghayag sa dagat ang talaarawan
umangkla roon pagkaraan ang ulan
hindi ba pula, itim, at puti ang ating watawat?
kayâ ibinálot niya nang maigi ang sarili

sino ang maghuhudyat ng dilaw kung dapat
nang iwan sa mga eksperto ang politika
at magmaktol sa mga aklat
magmaktol sa gutom
at sa mga batang babaeng mag-aaral
maghinagpis sa puwit ng itimang palayok
matulog sa loob ng butás na kulambo
at hayaang sipsipin ng mga kuto ang bituka
ginoo ng inuman, nagsasalita ang pera, ginang
babaeng batubalani, nagsasalita ang pera, ginang
tinatakpan lamang natin ang bumabahòng karimlan
ng yungib ng ating mga bunganga’t
tinatanong ang ama kung sino ang nasa impiyerno
para siya’y husgahang
mabilis at mabuti

Ang kaniyang talaarawan, na submarino
ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, ay nagpamalas
na pinangarap niyang mailibing sa ginintuang
kabaong, na gaya sa Napakahalagang Tao
sa lilim ng punong banaba sa gilid ng kaniyang palasyo
isang silungan para sa kaniyang libingan
at para sa maraming serbesa sa pagdiriwang sa lamay

ano’t anuman, may isang paslit ang nagmungkahing
ilabas na lamang ang mga traktora’t bungkalin ang lupain

Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Uica nang Pang-ulo ocol sa Cigarillo

UICA NANG PANG-ULO OCOL SA CIGARILLO

Cigarillo, bucor sa yba pang vicio gaia nang alac, sug-al, at libog, ang cahohomaling-an nang sino man tauo, ano man ang caniyang profesión at estado sa liponan at oring pinagmolan. Cigarillo ang nagpapa-calmar nang calamnan, nguni pumupucaw sa ysip at nagpapa-bilis nang tibuc nang puso, at aacala-yin nang homi-hitit na gomagaan ang caniyang lacar sa paliguid na maolap. Cigarillo ang sini-sisi sa malo-lobhang saquit, at ma,i, cientifico na batay-an ang manga medico; gay-on man, ang nan-ci-cigarillo,i, hindi alintana ang posible na taglay-in na saquit bagcos ang pang-samantala na guinhawa na mayidodolot nang nicotina sa marahan na pagpapatiuacal.

Ano ang samâ cun man-cigarillo cun yto,i, macato-tolong sa pagcayor para mapaboti ang tacbo nang bayan? Hindi aco nag-nacaw ni nan-coraquot. Hindi nag-nasa sa cat-awan nang babayi para yraos ang longcot o sama nang loob. Hindi aco nang-api nang manga tauo-han o magsasaca sa amin hacienda. Naguing maboti acon anac at uliran na mamamayan. Cun magpa-osoc man aco,i, lomalabas aco nang silir at sa cun saan soloc maglo-lostay nang tabaco na ang halimoyac a,i, cababaliw-an  co. Cigarillo laman ang tangi na nati-tira cong calugor-an na nagpapa-tino sa aquin haban toma-tambac ang papeles at cayilangan con taposin ang trabajo at ano mang oficio.

Salamat nang ualang hoyang, at nag-aalaala cayo. Ynaalala niño ang aquing calusog-an. Catolar cayo nang pang-ulo nang Estados Unidos na bom-ati sa aquin at nag-biro, “Pañero, ytiguil mo na ang vicio.” Pero haban nag-oosap cami sa telefono, nariringig co sa cabila na leña ang hitit-boga niya sa Marlboro. Magtatauahan marahil cami cun magcaharap, magbi-bilang cun ilan neuron ang natitira sa otac, at cun gaano ang nayidagdag na carbon sa paliguir, at sa tabi nang malaquing cenicero ay magpipitik nang abo at magbibilang nang upos. Matatacpan cami nang ulop nang nicotina, at mola doon ay palihim cami na magpapalit-an nang pay-o cun paano mapaririquit ang dayigdig na yto.

Houag cayo na magmadali. Matatanggal co rin yto. Dangan laman at vaca ma-hospital aco capag biglaan hominto. Tiyac na lalacas acon cumain, at tataba. Vaca po magcaroon aco nang alta presión sa bigat nang problema nang bansa, at ataque-hin sa puso sa labis na pagsisicap na pagsilbi-han ang lahat, lalo ang manga ducha at sauimpalar. Catolar cayo nang aquing casintahang may bayit, at dayig ang aquing medico cun mag-litanía nang pay-o at habilin. Magsisimola acon mag-ejercicio sa tolong nang aquing pamangquin at bay-aw, at cun hindi magtagompay, magpapa-tanggal nang bilbil sa baywang, magpapa-laguay nang lason sa noo,  at cajit hindi mayiyiuasan a,i, magpapacalbo, ano man ang maboting pay-o ni Doctora Velo.

Houag pong ysipin na aco,i, marahang nagpapacam-atay. Yto laman ang aquin casalanan, at nawa,i, yño namang pagbigay-an.

“Uica nang Pang-ulo ocol sa Cigarillo,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Hunyo 2010.

The Joke

Isang uri ng sining ang pagpapatawa, at ang pagpapatawa ay maaaring isang anyo ng pang-uuyam, panlilibak, pagkutya, at pagtuligsa sa pinatutungkulan. Tumatalab ang pagpapatawa dahil maaaring ang mga ginagamit na salita, sagisag, kilos, at pagpapahiwatig ay batid ng kapuwa nagpapatawa at ng mga tao na nakikinig at nonoood o nagbabasa. Kinakasangkapan ng pagpapatawa ang taktika ng pagbanda, kung hihiramin ang termino sa bilyar, at humahamon sa guniguni at isip ng mga sumasagap nito. Ang ligoy ang nagpapagaan ng banat na taglay ng biro, na isinasakatawan ng kawikaang, “Hinampas ang kalabaw, sa kabayo ang latay.”

Isang mababaw na uri ng pagpapatawa ang karaniwang paggagad lamang sa isang bagay, at ito ang malimit mapanood sa telebisyon at kasangkapanin ni Michael V. at kapanalig. Halimbawa, ang anunsiyo ng isang produktong sabon ay binabago ang pangalan at pag-arte ng mga tauhan, na lalahukan ng mga salitaang bakla o kung anong kabalbalan. Sa ganitong paraan, tinatangka ng nagpapatawa na kilitiin ang manonood tungo sa isang bagay o kabatiran na alam na niya ngunit inuulit lamang na parang sirang plaka. Paraan ito ng pagpapamalay na de-kahon, habang nagkukubli ng promosyon ng produkto, at humahangga ang pahiwatig tungo sa kubeta.

May pagpapatawa na layong manlibak, mangutya, at manuligsa, at ang nagpapatawa ay lumulugar sa posisyong nasa mababa upang yanigin ang poder ng makapangyarihan. Maihahalimbawa rito ang mga patawa ni Pilandok hinggil sa datu, o ang iba pang kuwentong kutsero, na humahatak para gisingin ang mga mambabasa mula sa kapanatagan at tahimik na pagtanggap. Ngunit may mga patawa na nasa posisyong pumapabor sa nakatataas laban sa pinaghanguan ng patawa o biro upang gawing lehitimo ang ugnayan ng mga kapangyarihan. Sa ganitong laro ng kapangyarihan, ang mga pinatutungkulan ng biro ay mababang uri na maaaring sipatin nang mapanlahat at mapansaklaw, kahit na ang biro ay walang katotohanan alinsunod sa lohika. Isang halimbawa ang biro ni Alec Baldwin hinggil sa Filipina Mail Order Bride doon sa palabas ni David Letterman.

Tinitingki ni Baldwin ang isang katotohanan sa lipunang Filipino, at ito ay may kaugnayan sa mga Filipina na nakikipagsapalaran sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan upang pagkaraan ay maganap ang kasalan, o kung hindi man, ay relasyong seksuwal. Pinalilitaw ng gayong sistema ang Filipina bilang kasangkasapan at produkto na maaaring tumbasan ng salapi at gamitin ng kung sinong masalapi o makapangyarihan. Bagaman makatotohanan nang bahagya ang biro ni Baldwin, tumitindi iyon dahil sa relasyon ng mga kapangyarihan, at ang imahen ng Filipina ay inilalagay sa isang kahon na para bang ang lahat ng Filipina ay produkto na magagamit ng mga Amerikano, kumikilos na parang robotikong nilalang, at handang magpakantot anumang oras para pagparausan ng libog o sama ng loob.

Ang pananaw ni Baldwin ay hindi nalalayo sa iba pang nasyonalidad na inaakala na gayon kadaling makakuha ng asawang Filipina. Isang order lamang, at presto, maihahatid na sa iyong tahanan ang babae. Nagkakaroon ng lakas ng loob ang gaya ni Baldwin na magpatutsada sa mga Filipina dahil ang pagpapakilala at pagpapahalaga hinggil sa babae at sex ay hinihigit at ginagawang lehitimo ng makabagong midya, gaya ng internet, bukod sa mga pahayagan, magasin, aklat, at iba pang babasahin. Ang pananaw ay nagmumula sa mga dayuhan batay sa mga hinuha o maling akala, at pinalulusot ng ating pamahalaan at iba pang sangay ng lipunan, kaya nagmumukhang ordinaryo na lamang ang gayong pangyayari. Ang pag-uulit-ulit ng mga baluktot na kuwento at propaganda hinggil sa Filipina ay nagiging totoo o katanggap-tanggap habang tumatagal, sa bisa ng makapangyarihang meme.

Masakit man ang patutsada ay hindi lamang dapat mauwi sa mapanuligsang tugon at protesta ang lahat upang yanigin sina Baldwin at Letterman, sampu ng kanilang manonood. Kailangan nating tingnan bilang mga Filipino ang ating mga sarili, palawakin ang tanaw, magsumikap na lumikha araw-araw ng mga bagay na makapagpapabago ng larawan ng ating pagkamamamayan, pagkalahi, at pagkabansa. Nananatiling mababa ang pagtanaw sa mga Filipino dahil nananatiling nakapailalim ang iba pang maririkit at matatayog na katangian ng mga Filipino at iyon ang dapat matuklasan muli ng daigdig. Ang kinakailangan lamang ay ibunyag ang mga katangiang ito na bumubuo sa kolektibong pagtanaw ng kabayanihang mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan—na maaaring simulan nating mga Filipino sa samot-saring paraan o anggulo, gaya lamang ng pagsulat sa blog na ito.

Prosang Tagalog ni Jose Rizal

Jose Rizal sa GSIS Museum

Jose Rizal sa GSIS Museum

Kilala si Jose Rizal sa kaniyang prosang nasusulat sa Espanyol, ngunit nakasulat din siya ng ilang akda sa Tagalog. Magaan at madulas ang prosang Tagalog niya, bagaman masasabing malayo sa testura ng Tagalog nina Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Francisco Balagtas. Pinakatampok na marahil ang Makamisa (1892), ang sinasabing karugtong ng El Filibusterismo (1891), at pinag-ukulan ng pag-aaral ni Ambeth Ocampo. 

Sa bungad pa lamang ng Makamisa ay mahihiwatigan agad ang kakatwang tagpo sa simbahan, ang simbahan na parang karnabal na sinusugod ng mga tao, at ang mga tao ay pawang mapagbalatkayo sa harap ng kanilang panginoon. Titindi ang paglalarawan dahil Linggo de Pasyon, at ang kurang si Padre Agaton—na pinakamakapangyarihan sa Bayan ng Tulig—ay tumangging magbigay ng ostiya sa mga mananampalataya gayong mahigpit naman sa pakumpisal. Ang karikatura ni Padre Agaton ay di-malalayo sa mapaglarong komedya, at ang banal ay nagiging makalupa at karnal. Ipakikilala pagkaraan si Marcela, na maaaring malaki ang papel sa nobela, at mahihiwatigang ang nasabing dalaga ang puntirya ng libog ni Padre Agaton. Samantala’y si Kapitan Lucas, ang ama ni Marcela, ay satiriko rin ang paglalarawan. Siya ang punongbayan ngunit kinapopootan ng mga mamamayan, at animo’y tuta ni Padre Agaton. Kahit ang paglalarawan sa loob at labas ng kumbento ay hitik sa siste mulang di-pinapansing mga bulaklak sa hardin hanggang asal ng Guwardiya Sibil hanggang pananampal ng kura kay Aling Anday, na matalik ang ugnayan sa naturang pari. Si Padre Agaton ang mahihinuhang paglulunsaran ng salaysay, at kung bakit niya sinampal si Aling Anday ay siyang aabangan sa mga susunod na kabanata ng nobela.

Kung sadya ngang mapagpatawa ang nasabing akda hanggang wakas ay walang makababatid yamang maliit na bahagi lamang ang nasulat ni Rizal. Tanging mga sulat ni Rizal kay Ferdinand Blumentritt ang makapagpapahiwatig kung ano ang posibleng tatahakin ng nobela. Ibinubunyag din ng mga liham ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang kakapusan sa wikang Tagalog, at ang pagnanais na isulat na lamang ang nobela sa Espanyol dahil may mga yugtong gaya ng sermon ng pari na kailangang nasa Espanyol. Maaaring nagpapalusot lamang si Rizal. Si Rizal ang halimbawa ng intelektuwal na nabigong gamitin ang sariling wika alinsunod sa diskurso ng kaniyang mga kababayan, bagaman kapuri-puri ang kaniyang pagtatangka.

Kung pagbabatayan naman ang ibang prosa ni Rizal, gaya ng “Paalaala sa mga Mapag-usapin,” ang siste ay laging nakapaloob kahit sa munting salaysay na tila tulang tuluyan. May magkaibigan na nakatagpo ng kabibi, at pinag-agawan iyon, at ang pagtatalo’y nauwi sa hapag ng hukom. Ngunit pagsapit sa hukom ay dinukit niya ang laman ng kabibi at kinain, saka ibinahagi ang dalawang takupis sa magkaibigan. Ang ganitong uri ng salaysay ay tila hango sa Biblikong alusyon, nang magtalo ang dalawang ina sa harap ni Haring Solomon hinggil sa kung sino ang marapat kumuha ng sanggol (1 Hari 3: 16–28). Kaugnay din iyon ng de-ilustrasyong “Si Pagong at si Matsing” na hinango ni Rizal sa kuwentong bayan na ukol sa magkaibigan ding nagtalo at naghati sa tiniban ng saging. Ano’t anuman, ang “Paalaala sa mga Mapag-usapin” ay hindi simpleng pagpapatawa lamang. Inuusig nito ang pagtatalo sa mumunting bagay na hindi dapat pagtalunan, samantalang iginigiit ang halagahan ng pagbibigayan ng magkaibigan. Ang hukom ay hukom lamang sa pangalan, dahil kahit siya ay manlalamang at kakainin ang dapat sanang pinaghatian ng magkaibigan.

Sa isa pang akdang pinamagatang “Ang Magkapatid” ni Rizal, inilahad ng persona ang masaklap na pangyayari sa buhay ng mahihinuhang ulilang magkapatid na pinagmalupitan ng kanilang ale (i.e., tiya). Dating mayaman ang ale ngunit naghirap pagkaraan, at pinagbuntunan ng lupit ang magkapatid. Magbubulay ang isa sa magkapatid, ayon sa pagunita ng persona, kung gaano ang ginhawang matatamo sa paglayas sa poder ng ale, ngunit magwawakas sa pangangamba: “Makapangangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa’y makapapahamak sa lahat?” Ang tanong ay patungkol sa pagtutulungan ng magkapatid. Hindi sinagot ang nasabing tanong, ngunit ang tanong na iyon ay umaalingawngaw magpahangga ngayon sa mga nakikibaka tungo sa ganap na ikagiginhawa ng ating bansa.

Kung paano pumatay ng mga manunulat ng panitikan

Madali lamang ang pagpatay sa mga manunulat ng panitikan, at hindi kinakailangan ang armadong asesino. Nagaganap ito araw-araw, at dahil hindi naman pinahahalagahan ang panitikan sa ating bayan, hayaan ninyong magbigay ako ng ilang obserbasyon kung paano pumatay ng mga manunulat sa loob at labas ng paaralan.

1. Burahin ang matitinong nobelista, kuwentista, makata, at mandudula sa mga teksbuk. Huwag ilahok sa teksbuk ang gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Valeriano Hernandez Peña, at kahit ang mga de-kalibreng sina Rene O. Villanueva, Rio Alma, Mike L. Bigornia, at Teo T. Antonio. Huwag pag-aralan ang mahabang kasaysayan ng panitikang Filipino sa Filipinas. Gumamit ng mga teksbuk na mali-mali ang nilalaman. Mas maraming mali, mas madali ang pagpatay sa mga manunulat ng panitikan.

2. Kaugnay ng nabanggit sa itaas, palitan sila ng mga awtor o edukador na nagkukunwang manunulat, at mas mabuti kung ang awtor ng teksbuk ang siya ring susulat ng tula, kuwento, dula, sanaysay, at iba pa upang makatipid ang pabliser.

3. Piliin lamang ang marurupok na akda ng mga kanonigong manunulat, gaya nina Lazaro Francisco, Efren Abueg, Liwayway A. Arceo, at Amado V. Hernandez. At kung ikaw ang pabliser, makialam ka na rin sa lalamanin ng aklat, kahit wala kang kamuwang-muwang sa panitikan.

4. Pamagatan ang teksbuk na “Wika at Panitikan,” at ituro ang “panitikan” na parang nagtuturo ng lingguwistika sa mataas na kolehiyo. Pahirapan ang mga estudyante sa pag-aaral ng Filipino.

5. Hugutin lamang ang aral ng tula, kuwento, dula, at sanaysay. Huwag ituro ang estetika, konteksto ng akda, at iba pang aspektong makaaapekto sa masusing pagbasa ng panitikan.

6. Gumamit ng mga banyagang teorya sa pag-aaral ng panitikan, kahit hindi ganap na nauunawaan ang nasabing teorya. Makabubuti kung malulunod sa mga jargon ang mga estudyante, nang lalong mapabilis ang pagkasira ng kanilang bait.

7. Kapag gumagawa ng teksbuk, kopyahin na lamang ang ibang aralin sa ibang establisadong teksbuk. At huwag ipahalatang nagmula sa akda ng ibang manunulat ang iyong sinusulat. Kikita ka rito nang malaki.

8. Purihin ang mga manunulat, at itampok lamang ang munting talambuhay nila, saka isantabi ang pag-aaral nang masusi sa kani-kanilang akda.

9. Kung ikaw ay tagasalin, isalin mo lamang ang mahihinang akdang sinulat sa Filipino. Huwag gamitin ang mga klasikong akda at pumasa sa panlasa ng mahihigpit na kritiko. Purihin din ang sarili bilang tagasalin, kahit maraming sablay sa iyong salin.

10. Piliin lamang ang mga akda na madaling maarok. Halimbawa, tiyaking nasa antas lamang ng nobeletang romanse ang ipababasa sa mga bata. Huwag silang bigyan ng matitinong nobela o tula o dula o sanaysay. Baka makapag-isip sila’t magtanong, at iyon ang tiyak na magdudulot sa iyo ng sakit ng ulo para sagutin.

11. Huwag bigyan ng tumpak na royalty ang mga manunulat, kahit mapabilang sila sa milyon-milyong sipi ng teksbuk at iba pang antolohiya.

12. Sumangguni lamang sa maiikling lagom ng aklat ng mga manunulat, gaya ng mababasa sa internet, at huwag nang basahin ang orihinal at buong aklat o akda.

13. Palabasin na ang aklat ng “panitikan” ay tila aklat para sa “agham panlipunan” o “kasaysayan” nang sa gayon ay mabura ang anumang pagkakakilanlan sa “panitikan.”

14. Ipagbawal ang pag-aaral ng wika, gaya ng wikang Filipino. Hayaang maging gago ang mga estudyante at nang malabuan sila sa pag-aaral ng panitikan.

15. Magbasa ng mga basurang tabloyd. Habang nagiging balbal ang ating wika, lalong mapagagaan ang pagpatay sa mga dakilang manunulat na Filipino.

16. Manood ng telebisyon. Panoorin, halimbawa, ang ginagawang kaletsehan ng mga artistang mahilig magpatawa at pagtawanan ang madlang manonood. Sa panonood ng telebisyon, makakaligtaan ninyo ang bumasa ng aklat, at bibilis ang pagiging mangmang ng lahat.

17. Kung may-ari ka ng bookstore, ilantad lamang sa madla ang mga segunda manong aklat na mula sa ibang bansa. Huwag nang intindihin ang filipiniana. Maniwala sa prehuwisyo ng mga ahenteng pulpol.

18. Kung ikaw ay pabliser at nais mong kumita nang malaki, tipirin ang mga manunulat at editor ng teksbuk na may kaugnayan sa panitikan. Pahusayin lamang ang mga teksbuk na may kaugnayan sa agham, matematika, at Ingles.

19. Kopyahin o kung hindi man ay gagarin sa napakasimpleng paraan ang mga teksbuk na mula sa ibayong dagat. Sa ganitong paraan, mabubura ang ating sariling panitikan, at lilitaw ang panitikang Ingles mula sa Inglatera o kaya’y Amerika.

20. Ipasunog ang lahat ng aklat-pampanitikan sa buong bansa. Ipagbawal ang pagtataguyod ng mga silid-aklatan. Huwag bigyan ng badyet ang Pambansang Aklatan at Artsibo.

21. Kung administrador ka ng paaralan, huwag padaluhin sa mga seminar at kumperensiya hinggil sa panitikan ang mga guro. Bakit kailangang gumastos, kung madaraan sa ala-tsamba ang pagtuturo ng katha o tula o sanaysay?

22. Kung nagkataong kalihim ka ng DepEd at CHED, huwag nang sangguniin pa ang mga manunulat, kritiko, at editor para sa pagbubuo ng mga teksbuk at iba pang aklat na sanggunian ng mga mag-aaral. Huwag magpakalat ng memorandum at iba pang kautusan na makatutulong para sa pag-aaral ng panitikan. Makabubuti kung pulos agham, matematika, at Ingles na lamang ang pag-aralan ng mga kabataan.

At higit sa lahat, hintayin ang marahang pagkagunaw ng mundo, habang humahagikgik at tuwang-tuwa sa ating kagila-gilalas na kamangmangan at prehuwisyo sa mga manunulat na Filipino.