Sumpâ, ni Luís de Camões

Salin ng “O dia em que eu naci moura e pereça,” ni Luís de Camões ng Portugal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sumpâ
  
 Kapanganakan ko’y limutin; pawiin
 sa biglang pagpanaw nang hindi na muli
 magbalik sa dati. Kung ito’y sakali’t
 umulit, ilambong sa araw, lupain.
 Hayaang maglaho ang sinag. Hayaang
 ibunyag ng hulàng lahat ay yayao,
 uulan ng dugo’t sanlaksang impakto.
 Hayaan ang inang ang anak ay iwan.
 Hayaan ang bayang sindák, tumatangis
 at may mga mukhang maputla at pagod
 na maniwala pang ang mundo’y sasabog.
 Kayong bayang takót, tanggapin ang hindik
 sapagkat sa araw na ito dumilat
 ang kawawang búhay na batid ng lahat! 
Alimbúkad: Poetry translation online revolution without peer. Photo by Jue on Pexels.com

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa inyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng inyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa inyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili ninyong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay ninyo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson

“Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon,” ni William Shakespeare

Salin ng Soneto 12 “When I do count the clock that tells the time” ni William Shakespeare ng England, United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
At nagwakas naman ang tapang ng araw sa sindak ng gabi;
Kapag nakita kong pumusyaw ang lila paglampas sa sukdol
Naghari ang itim imbes pinilakang may puti ang tabi;
Kapag nangalagas, naluoy ang dahon ng punong malabay
Na dáting lumilim sa kawan ng hayop at ibon sa gubat;
At tiklis na lámang ang dating halamang lungti noong araw
At naging pabigat sa suhay kabaong  na uban ang balbas;
Saka ang ganda mo ay nasok sa isip na baka maglahò
At ikaw ay ganap mabulok paglipas ng mga sandalî;
Dahil kahit yaong mahal at marikit ay kusang guguhô;
Kaybilis mamatay, at kaybilis naman ang iba’y magharì.
At wala ni isang hahadlang sa karit nitong kamatayan
Maliban sa supling na sa iyong puso ay alab ng tápang.