Pangalan

4. Pangalan
Tinawag siyang “Wikwik” ng mga kargador, at itinuring na sampid na walang alam sa karagatan. Nagunita niya ang wikwik, at sa kanilang nayon ay kinatatakutan ito bilang ibong mandaragit na malalapad ang bagwis, matigas at pabaliko ang tuka, matatalas ang kuko, malinaw ang paningin, at taglay ang balahibong pinaghalong puti, pula, at itim. Hindi marahil nauunawaan ng mga kargador ang kahulugan ng wikwik, aniya, at binanggit lamang iyon dahil sa pambihirang tunog na gumagagad sa kanilang matitigas na dila.

Nasaksihan niya kung paanong dagitin ng wikwik ang bagong silang na biik, at makaraang umimbulog ay inihulog ang biik sa bangin upang muling pulutin at tangayin sa kung saang pugad sa batuhan. O kaya’y kung paano binulag saka pinilay ng wikwik ang isang unggoy, at pagkaraan ay niluray ang laman-loob sa ilang sandali.

Wala siyang pangalan, at habang siya’y nasa banyagang tubigan ay naisip na hindi mahalaga ang pangalan. Lahat sila, silang nakasakay sa Andalusya, ay pantay-pantay sapagkat anumang oras ay maaaring lamunin sila na matatangkad na alon; o kaya’y sumampa sa kanilang sasakyan ang mahahabang galamay ng pugita; o bungguin ng mga tandayag at pagi ang kanilang proa upang ipamalas ang karupukan ng kanilang pag-iral. Hindi mahalaga ang pangalan, bagkus ang simoy, at ang agos ng tubig ay ihahatid sila sa pampang ng mga kalakalan.

Ngunit nayayamot sa kaniya ang amo tuwing siya’y tatawagin; at si Senyor Fernando ay hindi sanay tawagin siya nang pasutsot, at sumigaw ng “Halika, Alipin!” Nang tanungin siya kung ano ang kaniyang ngalan ay umiling lamang siya. “Mula ngayon ay tatawagin kitang Enrique,” dumaragundong na winika ni Senyor Fernando. “Magiging tukayo mo ang dukeng nabigador ng Portugal, ngunit sa pagkakataong ito ay magiging utusan ka sa piling ko.” Napahalakhak si Senyor Fernando at tumalikod pagkaraan upang harapin ang kaniyang mapa at paraluman.

Naibigan ng binatilyo ang ngalang “Enrique.” Isa na siyang nabigador; at kung siya man ay dating tagasagwan sa kanilang balangay, siya ngayon ay magiging timonero. Tahimik niyang inihanda ang kape at tabako ni Senyor Fernando; at pagkaraan ay lumabas ng silid upang tanawin muli ang mga bituin. “Makababalik ako sa aking bayan,” bulong ni Enrique, “at tutuparin ang kapalaran ng isang dakilang manlalakbay!” Waring narinig siya ng kalangitan, at ilang sandali pa’y gumuhit ang tatlong bulalakaw sa karimlan. (Itutuloy. . . .)

Ulan

3. Dambuhala
Pumaloob si Enrique sa dambuhalà na nagngangalang Andalusya, at gaya ng ibang alipin ay isa-isang pinasan ang mga kargadang pinamili ng amo. Sinalat ng kaniyang mga talampakan ang sahig na yari sa matitigas na kahoy, at wari niya’y isang bundok ang tinabas upang magsilang ng kahanga-hangang sasakyang dagat. Tiningala niya ang layag, at napansin niya na nakadapo sa tuktok ng poste ang isang uwak. Napukaw lamang ang kaniyang pansin nang sumigaw ang kawal upang magpatuloy.

Halos magtatakipsilim na nang matapos maikarga ang pangwakas na kargamento sa sasakyan. Naghuhuntahan ang mga pahinante nang biglang may pumalahaw sa kaliwang panig. Nawalan ng malay ang isang kawal sa ikalimang palapag; at ang iba pang kawal ay sumaklolo sa kanilang kasama. Nagmasid lamang si Enrique, at pagkaraan ay naghanap ng tubig na maiinom.

“Wala kaming tubig,” ani Fernando nang tanungin ni Enrique. “Kung gayon,” tugon ni Enrique, “ay nakatakdang mamatay ang iyong kasama.” Nahiwatigan ng amo ang winika ng binatilyo, at ilang sandali pa’y ipinalabas niya ang bariles ng tubig-tabang para sa inumin ng mga magdaragat.

“Nauuhaw ako,” sambit ni Enrique sa sarili, habang nakasalampak sa gilid ng kubyerta, at pagkaraan ay bumuhos ang malakas na ulan, at umulan ng mga isda, upang siya’y daluhan.  Nagsipanakbuhan ang mga magdaragat papasok sa mga silid, at inakalang iyon na ang wakas ng daigdig. (Itutuloy. . .)