Katarungan, ni Langston Hughes

Salin ng “Justice,” ni Langston Hughes (James Mercer Langston Hughes) ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katarungan

Na ang katarungan ay bulag na diyosa’y
bagay na tayong mga itim ay mautak.
Benda niya’y di nagkubli ng mga sugat
Na marahil ay minsang naging mga mata.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Rachael Henning @ unsplash.com

Si Sultan Murati at ang Albanés, ni Fatos Arapi

Salin ng “Sulltan Murati dhe Shqiptari,” ni Fatos Arapi ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Si Sultan Murati at ang Albanés

Nakasakay noon sa kabayo si Sultan Murati
at minasdan ang isang bilanggong nakabigkis
ang mga kamay at paa:
ang anyong tumanda, ang mga sugat at pilat,
ang mga tanikala. . .
“Albanes!” usisa niya, “bakit ka naghihimagsik
gayong makapamumuhay nang maalwán?”
“Padishah,” tugon ng bilanggo, “sapagkat
ang bawat tao’y may langit sa kaniyang dibdib
na malayang nililipad ng langay-langayan!”

Ang Batas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Roberto T. Añonuevo

1
Naiisip ito gaya ng paghinga, at nakakaligtaan
nang hindi napapansin ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . . .na tulad ng nakababatong aklat.

Ituturing din itong panutong sugat at mga ugat
ng kasaysayan,
na binabago pana-panahon, alinsunod sa layaw
o pangangailangan,
nang taglay ang prinsipyo ng ilong at sikmura
na magsisimula sa tumbasan ng diwa at kataga.

2
Sa semiyotika ng mga kulay, lungti ang kilusan
sa taggutom,
dilaw ang kalusan ng mga epidemya’t disaster,
at pula ang katipunan ng bayani’t kalansay.

Ngunit bahaghari ang mga duwag at taksil—
na nagbebenta ng lupa at tubigan sa mga dayo.

3
Sumusunod, at susunod at susunod tayo—
sa ayaw man at sa gusto—
sa patakaran ng biláng na mga hakbang,
sa kautusan ng tinig na katók sa ataul,
sa patnubay ng bagong diwang popular
na sapin-sapin ang kahanga-hangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .kabulaanan
dahil naaakit sa “Mabuhay! Tuloy po kayo!”

4
Ang padron ng gunita ang mito ng mga bathala
na ngayon ay pangulo at búkas ay magiging ulo
ng litson
para sa publikong sabik sa pelikulang bakbakan.

5
Kolektibong watawat na sumasayaw sa himig
na sinasalungat ng pinakamataas na luklukan,
ano ang karapatan sa parada ng mga bilanggo?

Wala, ngunit matigas ang mga ulo at burat
hanggang humaba ang prusisyon ng mga ulila.

6
Ang piskal na kabit ng pulis sa ilalim ng tulay
ay tulay din sa abogado’t hukom na takót sa sabon
sapagkat tumatanggap ng suhol sa laboratoryo
ng damo at kubeta.

O iyan ay guniguni lamang ng heneral na bato
at pangulong batong-bato sa kalabang politiko.

7
Merkado ng sabong, palengke ng mga gusali,
at listahan ng buwis mulang lupa hanggang ulap:
lumalakad ang mga tao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .at lumalakad ang oras
ngunit ang enerhiya ay bateryang titigok-tigok
sa madilim na espasyo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng Palasyo ng Malabanan.

8
Ang bigas ang timbangan sa adwana at agahan,
inaabangan ng mga maya,
at sampu-sampera ang palay ng mga magsasaka.

Sa malayo, ang balyan ay lastag, tigmak, giniginaw.

9
Talaksan ng teksbuk sa mesa kung tayo’y mag-isip,
ngunit ang isip ba ay isip na talagang ginagamit?

Dumarating ang superbagyo nang walang pasabi,
kung ang bagyo ay pagtutol na hindi masabi-sabi:

kay-bagal man ng trapik ng sasakyan at mensahe.

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila, ni Dareen Tatour

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila

Salin ng tula ni Dareen Tatour ng Palestina
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Sa Jerusalem, binibilot ko ang aking mga sugat
At ibinubuntong-hininga ang mga pighati
At sinasapo ng aking palad ang kaluluwa
Para sa Arabeng Palestino.
Hindi ako susuko sa “mapayapang solusyon,”
Hindi ibababâ ang aking mga bandilà
Hangga’t hindi sila napapatalsik sa aking lupain.
Iwinaksi ko ang mga ito para sa bagong búkas.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang pandarambong ng mga bagong salta
At sumunod sa karabana ng mga martir.
Punitin ang nakahihiyang saligang-batas
Na nagtatakda ng pagkabusabos at panghihiya
At pumipigil sa atin na maibalik ang katarungan.
Sinunog nila ang mga inosenteng bata.
Si Kadil ay tinudla nila ng bala sa harap ng madla,
At pinaslang kahit maliwanag ang sikat ang araw.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang paglusob ng mga mananakop.
Huwag intindihin ang mga ahenteng nasa atin
At nagtatanikala sa atin sa mapayapang ilusyon.
Huwag katakutan ang nagdududang mga dila;
Higit na malakas ang katotohanan ng puso
Habang patuloy kayong naghihimagsik sa lupang
Nanaig sa iba’t ibang pananalakay at tagumpay.
Isulat akong prosa sa mga balát ng kalamba;
At ang tugon ko’y ang mga labî ng katawan.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!

Mahiwagang gamot sa “Pusong May Sugat”

Lapnos na mukha, durog na kalooban, at magkatunggaling angkan ang pinaghihilom ng bagong tuklas sa medisinang nakasaad sa nobelang Pusong May Sugat (1949) ni Iñigo Ed. Regalado. Maibibilang ang nobela sa mga kathang-agham (science fiction), ngunit ang pinakapuso ay paglilitis sa pagmamahalan ng magkasintahang pinaghiwalay ng kani-kaniyang propesyon at tadhana.

Pamumukadkad ng pagmamahal

Pamumukadkad ng pagmamahal

Umiinog ang istorya kina Bienvenida Medrano at Tirso San Luis na pawang nagbuhat sa mayayamang angkang may malalawak na lupain sa bayan ng Pinaghiluman. Bago pa man nagkakilala ang dalawa’y namuo na ang poot sa hanay ng kani-kaniyang mga magulang. Napatay  si Kabisang Gustin na pinagmulan ng mga Medrano, at ang nakapatay ay si Kapitang Ramon na siyang namang nuno ng mga San Luis. Hanggahan ng lupain ang pinagtalunan ng dalawang angkan, at ang gayong pagtatalo ay mauuwi sa poot na abot-langit.

Nagkakilala sina Nida (palayaw ni Bienvenida) at Tirso nang kapuwa sila mag-aral sa isang esklusibong paaralan sa Maynila. Nahulog ang loob nila sa bawat isa, ngunit hindi magtatagal ay paglalayuin sila ng tadhana. Ipadadala si Tirso sa Amerika upang doon mag-aral at pagkaraan ay magpakadalubhasa sa medisina sa Alemanya at maglilibot sa Europa. Samantala’y ipinagpatuloy naman ni Nida ang kurso hinggil sa kimika. Isang araw, maaaksidente si Nida habang gumagawa ng eksperimento sa laboratoryo. Sumabog ang kimika sa di-inaasahang pagkakataon, namatay ang dalawa niyang kasama, at nalapnos ang kaniyang mukha at katawan. Makaliligtas si Nida, ngunit mag-iiwan ng masagwang pilat sa kaniyang katauhan ang karanasan

Bagaman binigyan ng maluluhong pista at aliwan si Nida ng kaniyang mga magulang, lalo lamang nanlumo ang dalaga. Pumangit ang kaniyang pananaw at kalooban, at isang iniisip niya ang mga pintas ng kaniyang mga kakilala at kaibigan. Namuo sa puso ni Nida na hindi na siya karapat-dapat kay Tirso. Samantala, si Tirso ay naging bihasang mediko, at umimbento ng gamot mula sa katas ng katutubong halamang makapagpapahilom kahit sa malalalim na pilat sa balát. Naputol ang ugnayan ng dalawa, dahil ayaw nang ipabatid ni Nida kay Tirso ang nangyaring sakuna. Inakala naman ng lalaking pinagtaksilan siya ng dalaga, at gaya sa telenobela’y mamumuo ang pananaghili ng bawat isa.

Magbabalik sa Filipinas si Tirso, at mababalitaan ni Nida. Magkukunwa si Nida na maralita, magtutungo sa klinika at pilit magpapagamot kay Tirso, upang subukin ang bagong imbentong pormula ng doktor. Binago ni Nida ang pangalan at nagkunwang si Ana Beltran. Magpapaalila si Ana kay Tirso magamot lamang ang kaniyang sakit—na naging palaisipan sa doktor. May sandaling ibig nang patayin ni Nida si Tirso dahil sa paninibugho, ngunit napigil niya ang sarili. Hanggang sumapit ang sandaling gagamutin ni Tirso ang dalaga, at ipaiinom dito ang bagong pormulang gamot. Gagaling si Nida at lalayo sa tahanan ni Tirso. Sa bandang huli’y matutuklasan ni Tirso na si Ana ay ang nagbabalatkayong si Nida. Gagawa ng paraan si Tirso na mapalapit sa dalaga, at magkukunwang naaksidente habang kasapakat si Salud na matalik na kaibigan ni Nida. Mabubunyag sa wakas na walang pagtataksil na naganap sa magkasintahan. Magkakabati ang kanilang mga magulang, at ipipinid ang nobela sa pagpapakasal ng dalawa.

Ang pagtingki sa usapin ng siyensiya sa nobelang Tagalog ay lalaganap pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maraming sugat ang digmaan, at lumingon noon ang mga manunulat sa talinghaga ng “gamot” “sugat,” “paghihilom,” at “paggaling” na pawang mauugat sa mga epikong bayan. Sa nobela ni Regalado, ang bagong tuklas sa medisina ay hindi lamang napaghilom ang pisikal na sakit ng dalaga. Napaghilom din ang sugat ng panibugho sa magkasintahan. At napaglaho ang dating malalim na sugat ng dalawang angkang nag-away hinggil sa saklaw nilang mga lupain.

Hindi seryosong nobela ang Pusong May Sugat. Ipinasok ni Regalado rito ang katatawanan, ang mga tagpong kapana-panabik, ang paglalaro sa romanse, at kinasangkapan ang mga elemento ng komunikasyon ng mga Filipino. May pihit ng mga tagpo ang di-inaasahan, at ito ang hahatak sa mambabasa upang ipagpatuloy ang pagbabasa.

Bagaman sa unang malas ay mahina ang paglalarawan kay Nida, ang Nida na nagbalatkayong si Ana ay maghuhunos sa pagiging mapagsapalaran, at itataya ang buhay upang makamit ang pagbabago sa sarili at kalooban. Samantala, si Tirso na sa unang malas ay matatag, ay masusugatan din at hahabulin ang kaniyang minamahal na kasintahan. Animo’y istorya ito mula sa Hudhud ng mga Ifugaw o sa Romeo and Juliet ni William Shakespeare, at ang paghihiwalay at muling pagbabalikan ng magkasintahan ay hindi na iaatas sa kapalaran bagkus sa pagsisikap na malutas ang sigalot sa kakatwang paraan. Ang pagkakatuklas na hindi “nagtaksil” sa isa’t isa ang isinusulong ng nobela, at mauugat ang ganitong konsepto na kaugnay sa “puri” at “dalisay na pagmamahal.”

Nakapagtatakang hangga ngayon ay ginagaya ang ganitong pormula ng kuwentong pinauso ni Regalado kahit sa mga telenobela, at walang kasalanan dito si Regalado bagkus ang mga iskriprayter na nagkakasiya na lamang sa mga banghay na inaakala nilang papatok sa mga manonood. Nang sulatin ni Regalado ang Pusong May Sugat ay iba ang kondisyon sa Filipinas, ang bansang naghahanap noon ng lunas sa samot-saring sakit na dulot ng digmaan, tagsalat, at kahirapan. Naiiba ang kay Regalado dahil ipinapasok nito ang usapin sa agham, kahit pa taguriang “aghamistika” iyon, na pinaghahalo ang “agham” at ang “mistika” sa malikhaing paraan. Ang dekada nang ilathala ang nasabing nobela’y hitik din sa sari-saring imbensiyon, gaya ng antibiyotiko, nuklear pisika, kompiyuter, misil, at transistor. Ang ganitong mga pagbabago ang maaaring nasagap ni Regalado, at nakaimpluwensiya sa pagsulat niya ng nobela.

Payak ang nais ipaabot ni Regalado. Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang makikita sa pisikal na antas, bagkus umaabot hanggang espiritwal na antas. At may magagawa ang tao upang gamutin nang ganap ang sugat sa pusong naghihintay.