Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Paaralan

Roberto T. Añonuevo

Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.

Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.

Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.

Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.

Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Anos

Matutunghayan isang araw na tumatawid ka sa lansangan ng apoy at guho. Ang palasyo na tinutuluyan mo’y alaala na lamang ng abo at usok. Naubos ang mga punongkahoy at halaman sa bakuran. Humilig kung hindi man tumumba ang mga poste at pader. Nagsisilikas ang iyong mga kaanak at kapitbahay, at nag-uunahan sa pagsakay sa trak, dyip, o kalabaw. Humuhugong ang sirena, at ang panganib ay lumulukob na parang kawan ng ilahas na paniki. Maglalakad ka na waring may hinahanap. Kakabahan ka sa sinapit ng kapatid. Lilingon ka nang paulit-ulit, at pilit na isinasahinagap ang rimarim at kaguluhan. Lilinga ka sa kanan, at pagkaraan sa kaliwa, at kung may diwata kang ninang ay naisip mo marahil na ililigtas ka ng mahiwagang karwahe. Wala kang baon, at umaasa na lamang na magpapaulan ng tinapay ang kung sinong Maykapal. Maya-maya’y masasalubong mo ang isang gusgusing hukluban, at nang magtagpo ang inyong paningin ay ano’t tila binabati ka ng “Maligayang kaarawan!” Hindi mo matandaan kung saan mo nakita ang matanda, at magtataka sa kaniyang winika, at aakalain mong napagkamalan ka lamang na kakilala o kaibigan. Iiling ka na lamang, at mapapabuntong-hininga. Lalakad ka pa nang lalakad na waring walang katapusan. Pagkalipas ng ilang taon, at ganap ka nang tigulang, matutuklasan mo ang sarili kung bakit kailangang itindig ang tahanan o pamayanan; o kung bakit dapat manalig sa taimtim na pagmamahal.

[“Ános,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Nobyembre 2010.]
"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky. Dominyo ng publiko.