Malimit kitang mapanaginip, ni Robert Desnos

Salin ng “J’ai tant rêvé de toi,” ni Robert Desnos ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malimit kitang mapanaginip

. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ higit ka sa pagiging tunay.
. . . . . . .May panahon pa bang matamo itong buháy na láwas at ilagda sa bibig nito ang pagsilang ng tinig na labis na matalik sa akin?
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ ang mga bisig kong dáting kumukulong sa anino mo ay nakadait na lamang sa aking dibdib at maaaring hindi na muling madama ang hugis ng iyong katawan.
. . . . . . .At sa harap ng tunay na anyo na bumabagabag at bumibihag sa akin nang kung ilang araw at ilang taon, walang pasubaling ako rin ay magiging anino.
. . . . . . .Ay, anung pihit ng kalooban!
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ nakatitiyak na wala na akong oras para gumising pa. Natutulog akong nakatayô, ang katawan ko’y lantad sa lahat ng itsura ng búhay at pag-ibig at ikaw, ang tanging mahalaga ngayon sa akin, mahihipò ko ang iyong noó at labì nang madali kaysa ibang labì at noó.
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip, at ako’y naglalakad, nagsasalita, natutulog nang madalas kasiping ang iyong multo kayâ marahil ang tanging makabubuti sa akin ay maging multo sa hanay ng iba pang multo at sandaang ulit ang dami ng anino sa iba pang anino na naglalakad at patuloy na maglalakad patawid sa kuwadrante ng iyong pag-iral.

Advertisements

Tatlong Tula ni Vasko Popa

salin ng mga tula ng makatang Serbian Vasko Popa
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA NAYON NG AKING MGA NINUNO

May kung sinong yumakap sa akin
At tumitig nang may paningin ng lobo
At nagtanggal ng kaniyang sombrero
Upang masilayan ko nang lubos

Tinanong ako ng bawat tao sa daan
Alam mo ba kung paanong kadugo kita

Inangkin ng lingid na lalaki at babae
Ang mga pangalan ng mga kabataang
Lalaki at babae mula sa aking gunita

Inusisa ko ang isa sa kanila
Sabihin mo parang awa mo na
Buháy pa ba si George na Lobo

Ako ang hinahanap mo aniya
Nang may tinig mula sa ibang daigdig

Hinipo ko ang kaniyang pisngi
Habang nagmamakaawa ang titig
Sabihin mo kung nabubuhay din ako

TAGU-TAGUAN

May kung sinong nagtago sa ibang tao
Nagkubli sa ilalim ng kaniyang dila
At hinanap siya ng kalaro sa ilalim ng lupa

Nagtago siya sa noo ng kaniyang kapuwa
At hinanap ng katoto doon sa kalangitan

Nagtabing siya sa kaniyang pagkalimot
At hinanap siya ng kasama sa damuhan

Hinanap siya hinanap nang hinanap
Lahat ng sulok ay tiningnan nito
At sa paghanap ay naglaho ang sarili

ULYANING NUMERO

May isang numero noong unang panahon
Dalisay at bilog tulad ng araw
Ngunit mag-isa at labis na nag-iisa

Nagsimula itong magbulay nang sarili

Hinati at pinarami nito ang sarili
Nagbawas at nagdagdag ito ng sarili
At nanatiling nag-iisa

Huminto itong magbulay nang sarili
At ipininid ang sarili sa bilog
At maningning na kadalisayan

Sa labas nito’y naiwan ang maalab
Na bakás ng mga pagbubulay

Nagsimulang maghabulan ang bawat isa sa dilim
Upang magbukod imbes na magparami ng sarili
Upang magbawas imbes na magdagdag ng sarili

Iyan ang nagaganap sa dilim

At wala ni isang magtatanong hinggil doon
Upang pigilin ang mga bakás
At burahin yaon nang ganap

Lobo

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, hango sa artsibo ng gimp-savvy.com