Salin ng “Sur le suicide” (1925) ni Antonin Artaud ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Hinggil sa Pagpapatiwakal
Bago magpatiwakal, hinihiling kong bigyan ako ng ilang katiyakan ng pag-iral; ibig kong matiyak ang ukol sa kamatayan. Ang búhay, para sa akin, ay waring pagsang-ayon sa ipinapalagay na legibilidad ng mga bagay at sa mga kaugnayan nito sa isipan. Hindi ko na nadarama ang gaya ng di-matinag na sangandaan ng mga bagay na pinaghihilom ng kamatayan, pinagagaling sa pamamagitan ng pagputol sa kaugnayan sa kalikasan; ngunit paano kung hindi na ako ang anumang bagay bagkus isang paglihis na tinatangay ng mga kirot imbes ng mga bagay?
Kapag nagpatiwakal ako’y hindi para wasakin ang sarili bagkus upang muling buoin ang sarili. Ang pagpapatiwakal para sa akin ay ay isang paraan ng marahas na pagsakop muli sa sarili, ng brutal na pagsaklaw sa aking katauhan, ng pag-asam sa di-inaasahang pagdulog ng Maykapal. Sa pagpapatiwakal, muli kong ipinakikilala ang aking plano sa kalikasan, at bibigyan sa unang pagkakataon ng hugis ang mga bagay na pawang inibig. Pinalalaya ko ang sarili mula sa akondisyonadong pitlag ng mga lamanloob na pawang hindi makasabay sa aking kalooban, at ang aking búhay ay hindi na absurdong aksidente na ako’y nag-iisip ukol sa mga bagay na sinabi sa aking isipin ko. Ngunit ngayon ay pinipili ko ang aking diwain at ang mga direksiyon ng aking mga fakultad, ang aking mga tendensiya, ang aking realidad. Inilulugar ko ang sarili sa pagitan ng maganda at nakakubli, ng mabuti at masama. Itinuturing ko ang sarili na waring lumulutang, walang mga likás na pagkiling, bagkus newtral, sa estado ng pagkakapantay-pantay ng mabubuti at masasamang kahilingan.
Dahil ang búhay mismo ay hindi solusyon, ang búhay ay walang uri ng pag-iral na pinili, sinang-ayunan, at inibig nang kusa. Ito ay serye lámang ng mga kagutuman at mabalasik na puwersa, ng mumunting kontradiksiyon na nagtatagumpay o nabibigo alinsunod sa mga pangyayaring nakasusuklam na sugal. Gaya ng pagkahenyo, gaya ng pagkabaliw, ang kasamaan ay hindi patas na ibinabahagi sa bawat tao. At tulad sa masama ay gayundin ang mabuti: kapuwa bunga ito ng mga pangyayari at ng humigit-kumulang na aktibong bisa ng lebadura.
Kasuklam-suklam na likhain ka at mamuhay at damhin ang sarili sa pinakamadidilim na sulok ng isipan mo, hanggang sukdulan ng mga di-inaasahang pagsibol ng iyong di-matitinag na predeterminadong pag-iral. Sa kabila ng lahat, tayo’y mga punongkahoy, at marahil ay nakasulat sa kung saang kurbada o sa ibang pamilya ng punongkahoy na kikitlin ko ang sarili sa isang tiyak na araw.
Ang mismong diwain ng kalayaang magpatiwakal ay babagsak gaya ng tinigpas na punongkahoy. Hindi ako lumilikha ng oras at pook o sirkumstansiya ng aking pagpapatiwakal. Hindi ko iniimbento kahit ang isahinagap iyon; madarama ko kayâ ito kapag binunot nito ang aking pinag-ugatan?
Maaaring malusaw ang mismong sandali ng aking pag-iral; ngunit paano kung manatili itong buo? Paano tutugon ang nasira kong mga lamanloob? Sa anong imposibleng lamanloob ko irerehistro ang hiwa ng pagpapatiwakal na ito?
Nararamdaman kong ang sasapit na kamatayan sa akin ay rumaragasang agos, gaya ng kisapmatang kidlat na ang kakayahan ay lampas sa kayang isaharaya. Nararamdaman ko ang kamatayan na hitik sa mga kaluguran, na may paikid na laberinto. Nasaan ang diwa ng aking pag-iral doon?
Ngunit biglang tingnan ang Maykapal gaya ng kamao, gaya ng karit na humihiwa sa sinag. Kusa kong nilagot ang aking sarili mula sa búhay, at ibig ko namang baligtarin ang aking kapalaran gaya ng damit.
Ang Maykapal na ito ay inihanda ako sa punto ng absurdidad. Pinanatili niya akong buháy na hungkag sa mga pagtutol at silakbo ng pagtatakwil sa sarili; winasak niya ang lahat sa akin, hanggang sa pinakapinong alabok ng maláy, nakadaramang búhay.
Binansot niya ako tulad ng naglalakad na robot, ngunit ang robot na ito ay nakadarama ng luwalhati ng kaniyang di-maláy na sarili.
Ano’t minithi kong lumikha ng pruweba ng aking búhay. Ibig kong balikan ang umaalunignig na realidad ng mga bagay, ibig kong durugin ang pre-destinasyon.
At ano ang masasabi ng Maykapal ukol diyan?
Manhid ako sa búhay, at bawat diwaing moral ay tulad ng tuyot na batis sa aking mga ugat. Para sa akin, ang búhay ay hindi bagay o hugis; ito ay naging serye ng mga pangangatwiran. Ngunit ang mga pangangatwirang ito, gaya ng umaandar na motor, ay ni hindi makasibad sa rabaw, subalit nasa loob ko tulad ng posibleng “mga diyagrama” na sinisikap ng aking bait na itornilyo.
Ngunit kahit sa pagsapit sa ganitong estado ng pagpapatiwakal ay kailangan kong hintayin ang pagbabalik ng aking maláy na sarili; kailangan kong magkaroon ng kalayaan sa lahat ng artikulasyon ng aking pag-iral. Inilugar ako ng Diyos sa kawalang-pag-asa, gaya sa konstelasyon ng mga hanggahang wakas, na ang ningning ay nagtatapos sa akin.
Hindi ako mabubuhay o mamamatay, ni wala akong kakayahang hilinging mamatay o mabuhay. At ang buong sangkatauhan ay kahawig ko.